CHAPTER 16
CHAPTER 16
"Pakiusap anak, magbalik loob ka na sa kamahalan! Bitawan mo na ang paggamit ng salamangka! Ipapahamak ka lang niyan!"
Tiningnan niya ang minamahal na ina sa mga mata. Nangungusap ito. Ngunit hindi siya nagpatinag. Wala man lang siyang maramdamang awa at konsensya. Napangisi siya at ikinumpas ang salangkay. Lumabas mula roon ang itim na usok. Napaubo ang reyna at ang iba pang kawal na tumutugis sa kanya. Isinuot niya ang itim na hood at sumampa ng kabayo. Ito na ang tsansa niya upang makatakas.
"Habulin ang tampalasan!" sigaw ng isang kawal at umalingawngaw ang paghalinghing ng mga kabayo.
Maririnig ang yabag ng kabayong sinasakyan niya patungo sa pusod ng napakalawak na kagubatan. Hindi siya maaaring magpahuli sa mga tumutugis sa kanya. Oras na mahabol siya ng mga ito, mamamatay siya.
Hawak niya nang mahigpit ang salangkay na nagtataglay ng itim na mahika. Nagtagis ang bagang niya nang matamaan ng pana ang kanyang kabayo. Otomatiko siyang napatalon mula roon at nagtatakbo sa malalagong halaman ng gubat.
Nakakatakot ang paligid. Ngunit mas nakakatakot na mahuli siya ng mga kawal ng hari. Sa pagkakataong ito ay wala na siyang ibang mapupuntahan. Napalingon siya sa mga humahabol sa kanya. Paparating na ito sa kanyang kinaroroonan.
"Hulihin ang prinsesa!" sigaw pa ng kawal. Alinlangan siyang napatingin sa paligid. Wala nang ibang daraanan. Sa puntong iyon ay hindi na niya alam ang gagawin. Tatanggapin niya ang kamatayan pero hindi niya bibitawan ang salamangka.
Napatitig siya sa malaking puno na nasa tapat lamang niya sabay lingon sa mga kawal. Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa at iwinagayway muli sa ere ang salangkay. Bumuo ito ng bilog na liwanag sa mismong katawan ng puno.
Nabuhayan siya ng loob at agad pumasok roon. Kasabay ng pagdating ng mga kawal sa kanyang pwesto ay ang mismong paglaho ng liwanag kasama siya.
Hindi na nila naabutan pa ang prinsesa. Nakatakas na ito patungo sa lugar na hindi nila masusundan maliban na lamang kung gagamit rin sila ng mahika.
Patungo sa mundo ng mga mortal.
Pawisan at hindi mapakali si Astrid nang magising sa kalagitnaan ng gabi. Napakasama ng kanyang panaginip. Narito raw sa mundo niya ngayon ang isa sa kanyang mga kapatid. Tinutugis raw ito dahil sa itim na mahikang ginagamit nito ngayon.
Tinamaan siya ng matinding kaba. Hindi maganda ang kutob niya.
Kung totoo man ang kanyang pangitain, alin sa dalawa niyang kapatid ang lumabag sa kautusan ng kamahalan?
Napakaingay sa loob ng Studio 5. Hindi magkamayaw ang ilang make-up artists at mga model ng nasabing kompanya. Iilan lamang ang photographers ng studio kaya maya't maya ang dial ni Nathalie sa number ng kaibigang si Claud. Anong oras na ay wala pa ito sa studio. Kulang tuloy ang photographers niya.
Mayamaya pa ay mas umingay ang paligid dahil sa beagle dog ng paparating na si Morrigan.
"Morrigan! I've been looking for you kanina pa, ghourl! Late ka ng five minutes!" bungad ng nai-stress na si Nathalie at nagbeso-beso pa silang dalawa.
"Sorry, Mamsh. Sobrang traffic kasi. Anyway, magsisimula na ba tayo?" sagot ng dalaga at napangiti. Saglit na tumingin si Nathalie sa wristwatch niya na parang binabantayan ang oras.
"We'll just wait for LC, siya kasi ang naka-assign sa photoshoot mo ngayon," paliwanag ng bakla at tumalikod na para asikasuhin ang iba pang model. Dahil sa narinig ay napangisi lalo si Morrigan at binalingan ng tingin si Raven na siyang may dala ng buong bag niya na puno ng mga damit. Nagmukhang walking wardrobe tuloy ang kaibigan.
"Raven, narinig mo 'yon?" tanong nito at parang baliw na humalakhak. Napangiwi si Raven.
"Baka naman mag-pabebe ka sa oras ng shoot. Sabunot ka sa akin pagkatapos," sambit ni Raven. Napairap naman si Morrigan pero hindi maalis ang kakaibang ngisi sa labi nito.
"Anong oras na? Bilisan mo naman d'yan! Napakahinhin mo kasi!" bulyaw ni Claud sa kasamang si Astrid. Agad niya itong hinatak at sumakay sa elevator paakyat ng 17th floor kung saan naroon ang studio ni Nathalie.
Nakabusangot itong napatingin kay Astrid na waring natatakot sa pag-andar ng sinasakyan nila. Namumutla na rin ito at nanginginig dahil salamin lamang ang tinatapakan nila at kitang-kita ang ground floor kung saan sila nanggaling kanina.
Nakalimutan niyang first time pala nito sumakay sa elevator.
"Huwag ka kasing tumingin sa ibaba," payo ng binata kaya napapikit na lamang si Astrid.
Hindi na nakatiis si Claud. Napabuntong-hininga siya at hinawakan nang mahigpit ang kanang kamay ni Astrid. Nagulat pa nga ito sa ginawa niya pero sa bandang huli, hinawakan rin ni Astrid nang mahigpit ang kamay niya dahil sa kabang nararamdaman.
Pakiramdam niya'y kinabahan rin siya bigla. Bumilis ang tibok niya sa hindi malamang dahilan. Hindi niya alam kung dahil rin sa elevator na sinasakyan nila o dahil ngayon lamang siya nakahawak ng kamay ng isang babae.
Napangiwi siya. Ang korny ng mga iniisip niya ngayong araw.
Tumunog ang elevator at otomatiko itong bumukas.
Pagbukas pa lamang, agad niyang binitawan ang kamay ni Astrid at naunang maglakad palabas. Nakaramdam siya ng awkwardness sa ginawa niyang iyon. Ano bang pumasok sa utak niya?
"Sa wakas, Louis Claudio! Dumating ka rin!" Nagpantig na ang tenga niya nang marinig ang boses ni Nathalie. Nakataas na ang kilay nito at nakapamewang.
Napakamot siya sa ulo.
"Sorry, traffic e."
"Wala na ba kayong ibang palusot bukod sa traffic na 'yan? Jusme! Okay, back to work na agad! LC, mag-ready ka na rin," utos nito at pumalakpak pa upang kunin ang atensyon ng lahat.
"Makinig kang mabuti," baling ni Claud kay Astrid na nasa likuran lamang niya.
"Maupo ka lang sa tabi at manood. Huwag kang gagawa ng kabobohan dahil mayayare ka sa akin. Naiintindihan mo ba ako?" babala ng binata. Napatango lamang si Astrid at umupo sa sulok ng studio. Bitbit nito ang mga gamit ni Claud. Naging instant personal alalay ang kaawa-awang dalaga.
"Model number 1! Sa platform, akyat!" tili ng baklang si Nathalie. Panay ang lingon ni Astrid sa mga naglalakarang magagandang babae. Hindi niya mapigilang mamangha sa mga ito.
Pumwesto na si Claud upang kuhanan ng magandang anggulo ang model number 1.
Napatitig si Astrid kay Claud na naka-focus ngayon sa hawak na camera. Sa hindi malamang dahilan ay napapangiti siya tuwing nagiging seryoso ito.
Napawi naman ang ngiti ni Morrigan nang makita siya sa sulok. Naabutan niya itong nakatitig kay Claud habang nakangiti. Nagpalipat-lipat ang tingin niya kay Astrid at kay Claud na busy sa pagkuha ng litrato.
"Girlfriend ba 'yun ni LC?" tanong ni Raven na nasa likuran lamang niya. Nakuyom ni Morrigan ang kamao at nabuhay ang matinding selos.
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top