CHAPTER 14

CHAPTER 14







NANGINGINIG na nabitawan ni Nathalie ang hawak na gunting at gulat na napatingin sa binatang si Claud.

"Ano?" tanong nito kay Nathalie.

"S-Sa b-buhok niya," nauutal nitong sambit at dinuro-duro ang batok ni Astrid na ngayon ay nakatungo pa rin. Lumapit naman si Claud at sinilip ang mismong tinuturo ng kaibigan.

"Pota!" Halos lumuwa ang mga mata niya nang makakita siya ng kulay berdeng ugat. Tila kumakaway ito sa paningin niya. Sa puntong ito ay nakarinig sila ng awitan ng mga ibon sa labas ng salon at ang huni ng iba pang malalapit na hayop. Nagkatinginan silang dalawa nang agad tumayo si Astrid mula sa pagkakaupo.

Alinlangan sila nitong tiningnan na parang nababahala.

Wala talagang sekretong hindi nabubunyag. Napalunok ang dalaga at hindi makatingin nang diretso kina Nathalie at Claud na ngayon ay sindak pa rin sa nakikita. Kahit anong tago ni Astrid sa ugat mula sa kanyang buhok, kusa itong lumalabas at nagliliwanag.

Natutop ni Nathalie ang bibig at napalinga-linga sa paligid. Nagpalipat-lipat ang tingin niya kay Claud at Astrid na panay ang hawi sa buhok upang itago pa rin ang bagay na nagliliwanag. Nakaawang na lamang ang bibig ni Claud dahil hindi alam ang sasabihin.

Mayamaya ay napahawak ito sa naninikip na dibdib. Hanggang sa tuluyan itong bumulagta sa sahig.

"Nathalie!" Umalingawngaw ang sigaw ni Claud sa loob ng mismong salon ng kaibigan.










Otomatikong tinapakan ni  Claud ang preno ng Mazda ni Nathalie. Halos mapasubsob sa unahan ng kotse ang mukha ni Astrid kahit pa mahigpit ang seatbelt niya. Hindi nagsasalita si Claud. Nakatitig lamang ito sa kawalan habang hawak pa rin ang manibela.

Narito na sila ngayon sa tapat ng apartment niya. Mag-aalas otso na rin ng gabi kaya nagpasya na silang umuwi. Matapos nilang maisugod sa malapit na ospital ang kaibigan ay hiniram muna niya ang sasakyan nito at balak na ibalik bukas.

"C-Claud," tawag ng dalaga sa wala pa ring kibo na si Claud. "P-pasensya na." Napakagat-labi ito at napatungo.

"Muntik nang atakehin sa puso si Nathalie dahil sa'yo," walang emosyon na sambit ng binata at napabuntong-hininga. Mas napayuko si Astrid dahil sa narinig.

"Ano bang klaseng nilalang ka?"

Nahihintakutang napalingon si Claud kay Astrid na ngayon ay katabi lamang niya. Bakas sa mga mata niya ang pagkabahala. Ngunit hindi siya matatahimik hangga't hindi niya nalalaman kung anong meron kay Astrid. Saan nga ba talaga ito nagmula? Bakit may ganoong bagay sa buhok niya?

Ilang minuto niya itong pinakatitigan ngunit wala siyang natanggap na sagot mula rito. Napakislot siya nang makarinig ng busina mula sa nasa likurang sasakyan.

"Ano? Wala ka bang balak i-park 'yan sa tamang lugar?" bulyaw ng boses sa likuran kaya agad niya muling pinaandar ang kotse para ipasok sa parking lot na malapit sa apartment.

Nang maiparada, nagsalita muli siya.

"Hindi ko alam kung ano ka ba talaga Astrid. Ang dami ko pang hindi alam sa'yo. Ang gusto ko lang naman ay tulungan kang mahanap ang totoo mong pamilya. Sana tulungan mo rin akong ipaintindi sa akin kung ano ang nangyayari," litanya niya at naisubsob ang sumasakit na ulo sa manibela.

Tumulo ang luha ni Astrid at napatingin sa bintana ng kotse. Kumurap-kurap siya. Hindi rin naman kasi niya alam kung paano sasabihin sa binata ang totoo. Hindi niya alam kung saan magsisimula. Habang tumatagal, parang gusto na lang niyang sarilinin lahat.

Humugot ng buntong-hininga si Astrid at pinagmasdan ang natutulog nang si Claud. Kapansin-pansin ang pagod na hitsura nito dahil sa pagiging pabigat niya buong maghapon. Inayos niya ang kumot bago tuluyang umupo sa sahig kung saan nakalatag ang foam na hihigaan niya.

Napaka-ungentleman ni Claud sa totoo lamang. Ito kasi mismo ang natutulog sa mismong kama kaysa sa babaeng si Astrid na sa semento lamang humihiga. Sabagay, nakikituloy lang naman siya rito kaya wala siyang magagawa. Pinagpagan niya ang higaan at agad humiga nang patagilid.

"Meow." Napangiti siya at hinimas ang ulo ng pusa na tumabi sa kanya.

"Kumusta, Casper? Anong pinagkaabalahan mo habang wala ako?" tanong niya sa pusa na ngayon ay nakatunghay sa kanya.

"Meow," tugon nito sa amo.

"Talaga? Buong araw ka lamang natulog?" Humagikhik nang palihim ang dalaga na animo'y naiintindihan nga ang sinasabi ng hayop.

"Pagod ako ngayon, Casper. Matulog na tayo. Magandang gabi sa'yo," bulong ni Astrid sa alagang pusa.

Sa kadiliman ng gabi ay bukod-tangi ang liwanag na nagmumula sa berdeng ugat ng kanyang buhok. Kusa pa rin itong gumagalaw na parang may sariling buhay. Napangiti si Astrid at sa mismong pagmulat niya, kumislap ang kanyang mga mata sa dilim. Kulay berde rin ito at nagliliwanag.

"Meow."

"Astrid, sino ka ba talaga?" bulong ni Claud na nagising pala at ngayon ay nakatitig na sa kisame habang pinakikiramdaman ang natutulog nang si Astrid.










"This is to produce quality tropical timber from Alhambra. We can also provide opportunity for private investors to make money with this business. Revenues are based on local timber prices and for expensive timber segments on international timber trading."

"The produced timber will be certified and consists of varied indigenous timber species. The required capital for the investments amounts will be 27 million in one installment."

Maririnig ang pag-echo ng boses ni Jem Sarzuelo sa buong conference hall at mayamaya ay ang mga sunod-sunod na palakpakan ng mga tagapakinig.

"Congratulations, Mr. Sarzuelo on your rising business! I'm so glad to be one of your investors!" bati ng isang lalaking gaya niya ay naka-formal attire rin. Nag-shake hands ang dalawa at nagngitian pa.

Napangisi siya dahil halatang sang-ayon naman ang mga ito sa binabalak niya. Unti-unti nang napapasakanya ang buong Alhambra. Sa kanya na ang bawat sulok ng kagubatang ito at wala nang iba.









"Bilisan mo naman riyan!" reklamo ng naglalakad na si Claud habang nasa likod niya ang humahangos na si Astrid. Mas malalaking hakbang ang ginawa ni Claud upang mahirapan ang dalaga sa pagsunod sa kanya.

Sobrang init ng araw at wala silang dalang payong. Heto sila at naglalakad sa kahabaan ng crossing upang magtanong-tanong tungkol sa pamilya ni Astrid. Paano ba naman mapapadali itong ginagawa nila kung wala man lang picture at address ang pinaghahanap nilang kamag-anak?

"Taragis!" mura niya nang makitang nakatigil lamang si Astrid sa tapat ng malaking basurahan. "Ano namang ginagawa mo riyan? Huwag mong sabihin na mangangalakal ka naman ngayong araw? Pambihira!" himutok niya at sinamaan ng tingin ang dalaga.

Pero hindi ito nagpatinag. Nakatitig lamang ito sa basurahan na pinagkukumpulan ng mga bangaw.

"Tara na, ano ba?!"

"Sandali," pigil nito sa kanya. Mayamaya ay nakarinig siya ng pag-ingit. Parang may umiiyak na hayop mula sa loob ng basuraha.

"Oy ano na namang ginagawa mo?" Hindi na napigilan ni Astrid ang sarili at kinalkal na ang basurahang iyon. Pag-angat niya ay bitbit na niya ang isang munting tuta na napakarungis.

"Iuwi natin? Kawawa naman," mungkahi nito kay Claud.

"The fuck," bulong ng binata at napangiwi na lamang.



***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top