CHAPTER 13

CHAPTER 13




IBINUNTON ni Nathalie ang napakaraming brand ng damit sa harap nina Claud at Astrid. Napataas ang kilay ni Claud.

"Seryoso ka ba?" tanong nito sa kaibigan.

"Isukat mo lahat 'yan, dali." Pinagtulakan ni Nathalie ang dalaga papasok ng fitting room bitbit ang ilang pares ng damit. Nakasandal lamang siya sa labas ng department store kung saan naroon ang dalawa. Napasulyap siya sa wristwatch dahil ilang oras na silang paikot-ikot sa bawat sulok ng mall.

"Ganito ba talaga kapag babae? Tss," bulong niya sa sarili at hinintay na lamang sina Nathalie at Astrid. Ang buong plano niya, tutulungan niya ngayon ang dalaga sa paghahanap ng totoo niyang pamilya. Ngunit bago iyon, kailangan munang magmukha siyang tao. Ayaw niyang pagtinginan ito ng iba tuwing magkasama sila. May pagkabobo pa naman ito.

"LC! LC, halika ka rito!" tawag sa kanya ni Nathalie kaya agad siyang lumapit habang kinakamot ang ulo.

"Bakit?"

"I need your opinion! Astrid, labas ka nga riyan," utos ng naka-cross arm na si Nathalie at nakatitig sa nakasaradong fitting room.

"Astrid?" tawag nito muli nang hindi pa ito lumalabas. Nahihiyang sumilip ang dalaga sa kanila.

"N-Nathalie? Baka pwedeng huwag na lang ito," nahihiyang sambit niya at napakagat-labi. Tumaas ang kilay ni Nathalie at siya na mismo ang humatak sa dalaga palabas ng fitting room.

Tumambad sa kanila ang nakatungong si Astrid habang suot ang isang bestida na hindi lalagpas ng tuhod. Sky blue ito at may pa-off shoulder and style. Nakasuot rin ang dalaga ng hindi kataasang heels. Bakas sa mukha nito na hindi siya komportable sa suot. Maya't maya itong natatapilok.

Sa kabila nito, bagay sa kanya ang suot kahit may pagka-morena. Nakalugay ang mahaba at kulot niyang buhok.

Hindi mapigilang matulala ni Claud sa nakikita. Bakit parang pamilyar ang mga mata ni Astrid sa kanya? Parang nangungusap at napakahinhin. Naipilig niya ang ulo niya nang tapikin siya ni Nathalie.

"Oy, Louis Claudio. Tinatanong kita. Bagay ba kay Astrid?"

Muli niyang pinasadahan ng tingin si Astrid sa suot nitong bestida at blankong tumitig sa kaibigan.

"Ayos lang. Mukhang taong-gubat pa rin naman," seryoso niyang saad at ibinaling ang tingin sa labas ng department store. Gulat na napatingin ang saleslady sa kanilang tatlo. Ngumiwi naman si Nathalie.

"Luhh, bhie? Are you serious? Napakaganda nga ni Astrid, ah?" kontra nito at napahawak sa baba. Siya mismo ang tumingin sa hitsura ni Astrid. "Okay lang 'yan, ghourl! Try ka pa ng iba," mungkahi na lamang nito upang pataasin pa rin ang self-confidence ng dalaga sa kabila ng  sinabi ni Claud rito.

"Excuse me, sir?" Napalingon si Claud nang tawagin siya ng saleslady na naga-assist sa kanila. Napakunot ang noo niya.

"Bakit?" masungit niyang tanong.

"Payo lang po. Huwag mo naman ibaba ang self-confidence ng girlfriend mo. Alam mo po ba, napakalaking bagay na sa aming mga babae na purihin ng mga lalaki kahit sa simpeng 'bagay sa'yo' o 'ang ganda mo diyan'. Kahit iyon lang sir, mapapangiti na kami," paliwanag nito dahilan para maningkit ang mga mata niya.

"Sorry Miss pero nagkakamali ka. Hindi ko siya kaano-ano at hindi ko siya girlfriend," naiinis niyang sagot at tinalikuran ang saleslady para lumabas na. Ilang beses pa ba siyang mapagkakamalan na boyfriend siya ni Astrid?

"Basta sir, 'yung sinabi ko sana maalala mo! Stay strong po sa inyo!" pahabol pa nito.

"Potangina," mura niya dahil sa inis.








Makalipas ang mahigit dalawang oras ay lumabas sila ng mall at ngayon, nakasakay na muli sila sa kotse ni Nathalie. Walang ideya si Claud kung saan naman sila dadalhin nito. Napasulyap siya sa backseat kung saan naroon ang tahimik na si Astrid.

Suot nito ang isang sleeveless na pinaibabawan ng denim jacket. Naka-high waist short rin ito at pares ng white shoes. Napaiwas siya ng tingin. Hindi niya maitatangging magaling nga talaga ang kaibigan sa pagpili ng mga nababagay na damit. Aaminin niyang naging maayos nang tingnan ang dalaga. Mas gumanda nga ito sa paningin niya.

"Saan naman tayo pupunta ngayon?" tanong niya kay Nathalie na pakanta-kanta pa. Napangisi ito at lumiko sa direksyon ng salon.

"For the final make-over at para magmukhang tao na talaga ang ating Astrid!" bulalas ng bakla at tuluyang lumabas ng sasakyan. Sumunod naman sina Claud at Astrid sa kanya.

Bumungad sa kanila ang pangalan ng salon na pinuntahan nila. Nathalie's Hair and Make-up Salon ang nakalagay sa mismong pinto nito na pagmamay-ari ng baklang kaibigan. Dire-diretsong pumasok ang tatlo sa loob at agad pinapwesto si Astrid sa harap ng salamin.

"Grabe, girl. Kailan ka ba huling nagsuklay?" sambit ng nakangiwing si Nathalie at hinawakan ang dry na buhok ng dalaga. Pansin rin niya ang pagiging madumi ng mga kuko nito. "You really need a transformation. Saan ka ba nakatira dati? Kaloka naman iyang hygiene mo sa katawan!"

"Claud saan ba siya galing?" baling niya kay Claud na nakaupo na at pinagmamasdan sila.

"Sa Alhambra," tahasang sagot nito.

"Alhambra what?"

"Basta, mahabang kwento. Bilisan mo na kasi riyan. Anak ng tokwa!"

"Wow, nahiya naman ako. Ako na nga 'tong tumutulong!"

"Huwag kayong mag-away," tila naiiyak na sabat ni Astrid at tiningnan sila pareho. Sa totoo lang ay hindi naman nag-aaway ang mga ito. Nagkakapikunan lamang sila dahil sa ugali ni Claud. Maikli ang pasensya nito at mainitin ang ulo.

"Fine, tss." Napairap si Nathalie at pinaupo na si Astrid upang simulan ang panghuling hakbang sa pagpapaganda sa dalaga.

"Ngayong araw, pagagandahin pa kita lalo, Astrid," nakangiting sambit ni Nathalie at hinawi ang mahaba nitong buhok. Napangiti ng tipid si Astrid dahil sa narinig.

"Talaga?" namamanghang tanong nito kaya napatango ang bakla.

"Of course! I am Nathalie and I can do everything!" Agad sinuklay ni Nathalie ang buhok ni Astrid na hanggang bewang lamang ang haba. Halos maputol pa ang mga ngipin ng suklay noong una kaya nahihirapan siya.

"Oh mahabaging langit naman. Saan ba gawa itong mga hibla ng buhok mo at napakahirap suklayin?" reklamo niya.

Sisimulan na sanang gupitin ni Nathalie ang buhok ni Astrid nang may mapansin siyang gumagalaw sa may batok nito. Napakusot tuloy siya sa mga mata. Kulay berde ito na parang ugat ng puno.

Hindi siya pwedeng magkamali. May gumagalaw sa mismong batok nito. Nanlaki ang mata niya at napatitig sa salamin. Mas naging klaro iyon para sa kanya. Napatda siya sa likuran ni Astrid at tila na-estatwa ang kamay sa ere.

"What is this?!" bulalas niya nang mas lumabas mula sa buhok ang kulay berde na ugat. Buhay ito at gumagalaw.


***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top