5
Bumalik ako sa unit 16 at ang taong naabutan ko sa loob ay tanging si Martin lamang. Nakaupo siya sa couch habang nanunuod ng telebisyon, nakasuot na rin siya ng itim na pantalon habang sando lamang ang kaniyang suot na pang-itaas.
Nilingon niya ako nang buksan ko ang pinto bago siya muling tumingin sa telebisyon. "Anong oras ang first class mo? Kent." tanong niya sa akin.
Dumiretso ako sa kabinet ko para kunin ang mga isusuot kong damit para sa pagpasok. "Nine o'clock pa e. Kayo ba?"
"Eight o'clock ang unang klase naming pareho ni Clyde. Sasabay ka ba sa amin sa pagpasok?"
Binuksan ko ang kabinet ko, kumuha ako roon ng isang white t-shirt, itim na pantalon, at ang uniform na ibinigay sa akin ng school na para naman sa nga mag-aaral sa kursong Information Technology. Kumuha na rin ako ng iba pang mga puwedeng suotin gaya ng boxer briefs at medyas.
Tumingin ako kay Martin at nakita ko ang maayos na pagkakasuklay ng kaniyang buhok. "Sige, sasabay ako. Maliligo lang ako sandali." Tumayo ako habang dala-dala ang mga damit na susuotin ko, sa aking kanang braso.
Tumango lang si Martin habang babad ang kaniyang atensiyon sa palabas na kaniyang pinapanuod.
"Teka, ba't mag-isa ka lang dito? Nasa'n na sina Clyde at Reinald?" Pahabol na tanong ko pa sa kaniya bago ko buksan ang pintuan palabas ng unit namin.
Hindi na ako nilingon ni Martin nang sagutin niya ang tanong ko. "Nasa rooftop sila e. Nagpatulong kasi si Reinald na buhatin yung mga basket ng mga lalabhan nilang damit ni Kurt mamaya."
Tumango ako. Mukhang maraming lalabhang damit sina Reinald.
"Sige sige, una na ako," binuksan ko ang pinto at saka ito isinara pagkalabas ko.
Dito sa Dormisteryo, may sarili silang patakaran na sinusunod. May public shower kasi sila rito na puwedeng gamitin ng kahit sinong dormer ng Dormisteryo anumang oras. Matatagpuan siya sa bawat palapag, sa dulo ng hallway malapit sa hagdanan.
May mga banyo naman sa loob ng mga unit pero dahil nga sa marami ring mga naghahati sa iisang unit, kailangan talaga ng extra na paliguan para magamit ng nakararami. At dahil puro mga kalalakihan lang naman ang nandirito, hindi naman malaking problema ang privacy sa pagligo.
Habang naglalakad ako sa hallway, may nakita akong lalaking kalalabas lang mula sa public shower area. Nakatapis lang siya ng tuwalya sa beywang habang bahagya namang natuyo ang buhok niya na medyo basa pa rin nang kaunti. Hindi niya ako nakita at nagdire-diretso lang siya sa paglalakad papunta sa ikatlong palapag sa pamamagitan ng hagdan.
Nakarating ako sa shower area at nakita ko ang malawak nitong espasyo. May ilang paliguan na may pinto habang may iba namang kitang-kita ka habang naliligo. Mga typical na itsura ng isang public bath ng mga kalalakihan.
Sa mga oras na 'to, wala na akong nakikitang iba pang naliligo. Pero bakas sa kondisyon ng paligid, katatapos lang nitong gamitin ng maraming tao. Basa pa kasi ang mga pader at hindi pa tuluyang natutuyo ang tiles sa sahig.
Napansin ko rin ang amoy ng magkakaibang shampoo at sabon, at may amoy rin akong nalanghap na nagmula sa isang body spray na produkto.
Dahil wala namang tao, naisipan kong doon na lang maligo sa mayroong pintuan para may mapagsabitan ako ng mga dala kong damit. May bihisan naman dito kaya puwedeng dito na rin ako magpalit.
Pumasok ako sa pinakadulong bakanteng cubicle at isinara ko na ang pinto. Isinabit ko ang mga damit ko sa ibabaw nito at nagsimula na akong maghubad ng kasuotan ko. Nang handa na akong maligo ay agad ko nang pinihit ang pihitan ng shower at saka bumungad sa akin ang napakalamig na tubig na bumuhos mula rito.
Habang naliligo ako, may narinig akong mga yabag ng paa mula sa loob ng shower area. Pinihit ko muna ang pihitan ng shower para tumigil ang pagbuhos ng tubig at maigi akong nakiramdam. Inisip ko kung may tao nga bang pumasok dahil may kakaiba akong nararamdaman mula sa kaniya.
Yung pakiramdam na alam mong may mangyayaring masama, o yung lumalakas ang kutob mo na baka may mangyaring hindi aayon sa mga gusto mong mangyari. Mga dahilan kung bakit nakikiramdam ako sa presensiya ng taong nasa labas nitong pinto kung saan ako nagkukubli.
Nakarinig ako ng buntong-hininga mula sa isang lalaki. Sumunod no'n ay ang tunog ng isang cellphone na nag-ring na agad din namang sinagot ng may-ari nito.
Hindi ko maiwasang hindi makinig sa pinag-uusapan nila...
"Ba't ka na naman napatawag ma?" Isang medyo may kalalimang boses ang narinig kong nagsalita. "Hindi kita marinig, pakilakasan naman ma ng boses mo o? Lagi na lang tayong ganito."
"Sinabi nang lakasan e," inis niyang turan sa kausap niya sa telepono.
'Anak, gusto ko lang namang mangamusta kung anong kalagayan mo riyan sa Dormisteryo, maayos ka naman bang namamalagi riyan?' Naka-loudspeaker na ang cellphone ng lalaking nasa labas at base sa boses ng kaniyang ina, masasabi kong medyo malapit-lapit na rin sa border ng may-edad na babae ang boses na aking naririnig mula sa kaniyang ina.
Bumuntong-hininga ang lalaki. "Ma. Mula noong una, ayaw ko na talaga sa letseng dormitoryo na 'to. Gusto ko nang bumalik diyan sa bahay, mas gusto ko pa diyan kaysa sa impiyernong lugar na 'to. Ang papayat ng mga kasama ko, mga dugyot sa gamit, hindi ko sila kayang pakisamahan." Punong-puno ng pagkairita ang boses ng lalaki na sa tingin ko ay kasing-edaran ko lang din.
Gusto ko mang sumilip kung sino ang nasa labas ng pinto, hindi ko maaaring gawin. Oras kasi na buksan ko ito kahit na maliit lang na siwang, mapapansin agad ng kung sinumang iyon na may tao rito na nakikinig sa usapan nila ng nanay niya.
'Azi, ang papa mo ang nagdesisyon para sa'yo. Iniisip niya na mas makabubuti sa'yo na magkaroon ka muna ng experience na hindi ka umaasa sa kaniya,' ani ng kaniyang ina.
Pamilyar ang pangalan nung lalaki... kung hindi ako nagkakamali, siya yung kasama nung mga lalaki sa unit 12 na nakita kong natutulog na parang lasing. May tattoo kasi siya ng pangalang 'Azi' sa katawan niya kaya maaaring siya ang nasa labas ng pinto.
"Ma naman, sabihin mo na lang kay papa na ilipat na lang ako ng ibang lugar. Basta malayo rito, ayaw ko rito. Ano bang pumasok sa ulo ni papa para dito niya ako dalhin?"
'Lumipat ka na lang ng unit 'nak.'
Tumawa na may halong pagkasarkastiko si Azi. "Ginawa ko na 'yan ma. Pero wala akong napala. May iniwan yatang utos si papa sa mga receptionist sa labas na 'wag akong palipatin ng unit."
Napabuntong-hininga ang kaniyang ina. 'Sabi ko naman sa iyo 'nak e. Papa mo ang may kontrol sa lahat ng ito. Mas mabuti kung susundin mo na lang siya, para naman ito sa ikabubuti mo. Gusto ka ng papa mo na tumayo sa sarili mong mga paa at hindi lang yung umaasa ka sa kaniya.'
Narinig kong sinuntok ni Azi ang pader. "Gago ba siya? Tatay ko siya, natural na dapat suportahan niya ako. Anak niya ako kaya dapat hindi siya nanghihinayang sa mga ginagastos niya para sa 'kin. Tsaka wala naman akong nagagawang katarantaduhan para ganituhin niya ako Ma."
Hindi nakasagot ang mama niya mula sa mga sinabi ni Azi. Batid ko kung gaano kasama sa pakiramdam ang nararamdaman ni Azi ngayon. Parang itinuturing kasi siyang pabigat ng kaniyang ama. Na walang pag-asang nakikita ang ama niya para sa kinabukasan ng kaniyang anak.
"Nasasakal na ako Ma sa totoo lang. Lagi na lang si papa, lagi na lang siya ang nasusunod. Wala ba kayong boses Ma? Bakit hindi mo ako ipaglaban kay papa? Bakit hinahayaan mo lang siya na kontrolin ako sa mga desisyon ko?" May galit sa tono ng pagtatanong ni Azi.
'Hayaan mo na, mag-ingat ka na lang diyan anak. May tiwala ako sa'yo-'
Nagmura si Azi habang tumatawa na parang dismayado siya. Mukhang inilayo niya ang cellphone niya para hindi marinig ng kaniyang ina ang pagmumura niya. Masyado yatang malaki ang familial issue nila.
"Nasaan si papa ngayon?" Kahit papaano ay nabawasan ang yamot sa paraan ng pagtatanong ni Azi.
'Nakipagkita ang papa mo sa mga kaibigan niya. May importanteng pagpupulong silang dadaluhan,' sagot naman ng kaniyang ina na parang walang nangyari sa kaniyang anak.
Hindi man lang nagbago ang tono ng pananalita ng ina ni Azi. Ramdam ko na parang nagbubulag-bulagan ito sa kalagayan ng kaniyang anak at ginagampanan niya lang ang obligasyong ipakita na may pakialam siya sa kaniyang anak kahit na hindi naman ito gano'n kalaki.
Napabuntong-hininga si Azi. "Inuna niya pa talaga ang mga kaibigan niya. Anong klase siyang ama."
'Azi, 'wag mo nang pagsalitaan ng ganiyan ang ama mo.'
"Hindi naman niya ako maririnig. Sige na Ma, sa susunod mo na lang ako istorbohin... kapag kaya mo na akong ipagtanggol kay papa."
'Azi-'
Huminga nang malalim si Azi. "Buwisit na buhay 'to."
Matapos no'n, nawala na ang boses na naririnig ko mula sa labas. Pinakiramdaman ko kung nasa labas pa rin si Azi o baka tuluyan na siyang lumabas ng shower area.
Kaya para makasiguro, dito na ako nagtangkang silipin ang labas ng cubicle kung nasaan ako ngayon. Nagulat na lang ako na wala nang tao sa paligid. Mukhang umalis na nga talaga si Azi, ang bilis naman no'n.
Pero kahit papaano, nakahinga na ako nang maluwag. Isinara ko na ulit ang pintuan at nagpatuloy na ako sa pagligo. Muli kong pinihit ang pihitan ng shower at sinulit ko ang malamig na buhos ng tubig. Masyadong mainit ang palitan ng mag-inang iyon kanina.
Mabuti na lang at may nanay akong may pakialam sa akin. Medyo nakakaawa tuloy si Azi dahil napapansin ko na kaya siyang tiisin ng mga magulang niya na tratuhin lang siya bilang isang obligasyong kailangang tuparin at hindi tulad ng isang anak na dapat arugain.
Pipihitin ko na sanang muli ang pihitan ng shower nang may nakita akong anino sa pader sa tabi nito. Napatingala ako para makita kung saan nanggagaling ang aninong iyon at nagulat na lang ako nang makita ko ang ulo ng isang lalaki na may malawak na ngisi sa kaniyang labi, ang siyang nakadungaw sa akin mula sa itaas ng border na naghahati sa mga cubicle.
Nakatingin siya sa akin na tila tuwang-tuwa sa kaniyang nakikita. Hindi ko na nagawang takpan pa ang hubad kong katawan dahil nakita na rin niya ang lahat. Hindi nga lang ako agad nakagalaw sa kaba na naramdaman ko, may kakaiba kasi sa lalaking 'to at ayaw kong malaman kung anong bagay ba ang meron siya na dahilan nitong kabang nararamdaman ko.
Bigla siyang tumawa. "Nagulat ba kita, ha? Anong masasabi mo sa mga narinig mo? Alam mo, mahilig din akong makinig sa usapan ng may usapan. Ikaw, mahilig ka rin bang gawin 'yon?"
Hindi ako nakasagot sa tanong niya. Ang mga mata niyang nakakatunaw ang titig, ang ngisi sa kaniyang labi, masyado siyang nakaka-intimidate para sa akin. Naloko na, mukhang nalaman niyang nakikinig ako sa usapan nila ng nanay niya kanina.
Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. "Bago ka lang dito ano? Ngayon lang kasi kita nakita. Pero ako? Kung hindi mo tatanungin, isang linggo na akong nagtitiis dito sa mala-impiyernong lugar na 'to," bigla siyang ngumiti. "Masyado ba akong overacting? O naiilang ka lang na nakikita ko ang katawan mong hubad? Masyado ka kasing tulala."
Bumaba si Azi at umalis sa pagkakadungaw niya sa itaas ng cubicle kung nasaan ako. Nakahinga ako nang maluwag kahit papaano, pero may kaba pa rin sa dibdib ko. Parang baliw kung umasta yung lalaking 'yon... siguro dahil sa ugali niya, gano'n ang naging trato ng mga magulang niya sa kaniya.
Mukhang totoo nga na kailangan ko munang alamin ang rason ng magkabilang panig. Maling hinusgahan ko kaagad ang mga magulang niya dahil sa malamig na pagtrato nila sa kaniya. Kung huhulaan ko ang dahilan, gusto ng mga magulang niya na ilayo muna si Azi mula sa kanila dahil natatakot sila para sa lagay ng kaligtasan nila.
Nakarinig ako ng pintong sumara sa katabing cubicle kung nasaan si Azi. Maya-maya ay nakita ko na lang na isinampay niya ang damit niya sa may pintuan kagaya ng ginawa ko sa mga gamit ko.
"Sasabayan na lang kitang maligo. Gusto mo ba ng kanta? Kakantahan kita," narinig ko ang tunog ng pagpihit niya sa pihitan ng shower at ang malakas na pagbuhos ng tubig mula rito. "Ang Dormisteryo ay isang lugar na maraming itinatago. Ibang-iba 'to sa lahat ng mga dormitoryo na nasa tabi-tabi. Mukhang perpekto kung titignan... pero may itinatagong mga sikreto."
Tumawa na naman siya. "Hindi ko alam kung bakit dito ako ipinadala ng tatay kong abno. Dito sa lugar kung saan napapalibutan ako ng mga taong may mga madidilim na nakaraan, ikaw ba? Anong sikreto mo?" Ang mga salitang binibitiwan niya ay hindi ko na kayang pakinggan. Sumusobra na siya, kung may problema siya, bakit hindi na lang niya itago sa sarili niya?
Hindi ko siya sinagot. Siguradong may maluwang sa mga turnilyo nito. Sino namang nasa tamang katinuan ang magsasalita ng mga ganiyan?
"Hindi mo pa yata naaamoy ang sarili mong baho," humalakhak siya. "Hayaan mo, anumang itinatago mong sikreto, siguradong aalingasaw 'yan. Dahil lahat tayong nandito, may sari-sariling sikreto. At lahat ng nandito sa lugar na 'to... may dahilan kung bakit nandito. Ewan ko na lang sa akin, siguro nandito ako bilang parusa sa mga nagawa ko. Pero oras na makaalis na ako rito, babalik ako sa amin at pagsisisihan nilang pinaalis nila ako sa bahay para lang ilipat sa lugar na 'to."
Hindi ko na kayang magbingi-bingihan. Tumingin ako sa direksiyon ng cubicle niya at buong tapang ko na siyang tinanong. "Si-sino ka ba? Ba't ganiyan ka magsalita?"
Narinig ko ang unti-unting paghina ng buhos ng tubig sa cubicle senyales na unti-unti niyang hininaan ang pagbuhos ng shower. "Wow naman, akalain mo 'yon? Ang ganda naman pala ng boses mo pare. Yung mga ganiyang klase ng boses dapat hindi sinasayang, alam mo, bagay na bagay sayong mag-compose ng kantang pangpatay, masyadong kalmado yung boses mo. Kung mamamatay si mama, puwede bang ikaw ang kunin kong singer?" Tumawa siya, tawang may halong pang-iinis.
Hindi na talaga nakakatuwa ang mga sinasabi niya. Yung awa na naramdaman ko kanina sa kaniya, agad-agad na nawala. Hindi siya dapat kaawaan. He's totally sick.
"Tungkol naman sa tanong mo, tinatawag nila akong Azi. Sa unit 12 ako nakatira ngayon, kasama ng mga sanggulo, mga patapon ang buhay. Ikaw ba pare ko'y?"
"Kent... sa unit 16 ako-"
"OOOOH! Sa unit na 'yon? Mukhang sinusuwerte ka pare ko'y. Dahil sa lahat ng mga unit dito, ang unit 16 ang pinaka-umaalingasaw ang baho. Nakakaamoy ako ng maraming sikreto..." Kinuha ni Azi ang mga damit niya at mukhang isinusuot niya na iyon. "Mag-ingat ka sa kanila pare ko'y."
Bumukas ang pintuan sa cubicle niya at naramdaman ko ang paglabas niya mula roon. "Mauna na ako. Nakatanggap kasi ako ng text mula sa nanay ko. Payong kaibigan lang dahil pare ko'y na kita," kinatok niya ang pintuan ko. "Wag mong hayaang maamoy nila ang baho mo... siguradong gagamitin nila 'yan laban sa'yo."
Tumawa siya bago niya tuluyang lisanin ang shower area...
Naiwan akong tulala sa mga sinabi niya. Sa mga bagay na narinig ko, isa lang ang masasabi ko.
That guy is definitely a psycho...
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top