ii.

[C H A P T E R 2]

Kahel.

"Binugbog ka na naman ba ni Ismael?" Tanong sa'kin ni Aling Elena.

Pagkatapos balatan ang mga dalandan, inilagay ko sila sa isang plato at saka lumapit kay Aling Elena. Ipinatong ko iyon sa may mesa malapit sa kinauupuan niya. Kumuha siya ng isang piraso at isinubo iyon, pagkatapos iniluwa ang mga buto ng dalandan at napangiwi sa asim. "Ang sarap nito," Sambit niya.

Napangiti ako. "Ayos lang naman po. Medyo nasanay na rin ata ako sa mga pasa ko kaya hindi na siya ganoon kasakit 'di tulad dati." Tugon ko naman.

Nakatira si Aling Elena sa tabi ng bahay namin kaya madalas akong magpunta rito lalo na sa tuwing nasa trabaho si Papa. Mag-isa na lang din kasi ito sa buhay kaya palagi ko siyang sinasamahan para maibsan naman ang kalungkutan niya. Kahit na masiyahin at palatawa, nakikita ko ang kalungkutan at pangungulila sa kanyang mga mata. Nakaratay na sa kailaliman ng lupa ang kanyang asawa at ang kanyang kaisa-isang anak naman ay nasa isang lugar kung saan halos lahat ng mga tao roon ay nakasuot ng kulay kahel.

"Kung pupuwede nga lang na kupkupin na lamang kita, ngunit wala rin naman kabuluhan dahil magkatabi lang ang mga bahay natin."

Tumawa ako. "Huwag po kayong mag-alala, ayos lang po talaga. Naiintidihan ko naman kung bakit siya galit sa'kin. Dahil na rin siguro sa ganito ako, at isa iyong malaking kahihiyan para sa kanya, lalo pa't isa pa naman siyang pulis. Kung anu-ano na rin kasi ang sinasabi sa kanya ng mga tao sa paligid niya dahil sa may anak siyang katulad ko. Isang bakla... Isang salot sa lipunan."

Hinawakan ni Aling Elena ang magkabila kong balikat at napatitig ako sa kanyang mga mata. Ngumiti siya sa'kin. "Walang mali sa'yo. Walang masama sa ginagawa mo. Hindi mo kasalanan kung ano ka ngayon. Wala kang tinatapakan na tao. Walang mali sa'yo. 'Wag mong iisipin na isa kang salot o sumpa ka sa lipunan. Walang mali sa isang taong nagmamahal at sa isang taong hindi takot ipakita kung sino talaga siya. Alam mo kung ano ang mali? Ang lipunan. Sila ang mali dahil nanghuhusga sila sa mga bagay na hindi naman nila nalalaman. Makikitid ang mga utak. Puro salita ng mga bagay na wala namang kabuluhan. Ikaw ay isang kabataan na ubod ng kagandahan, isang kabataan na puno ng puso at kabutihan. Walang mali sa'yo... Tandaan mo 'yan."

Ibinalik ko ang ngiti niya pagkatapos ay niyakap niya ako. "Walang mali sa'yo, Michael John."

Sa mga salita niyang iyon, naniwala muli ako.

Naniwala akong wala ngang mali sa pagiging isang bakla.

***

"Michael John!"

Noong narinig ko ang boses niya, nagsimula na namang bumilis ang pagtibok ng puso ko. Pinunasan ko kaagad gamit ng panyo ko ang mga namumuong pawis sa noo ko pagkatapos ay hinarap siya na may ngiti sa aking mukha.

"O, ikaw pala, Joel. Kumusta?" Nakatayo siya sa harapan ko, at noong nakita ko na siya, mas lalo pang bumilis ang pintig ng aking puso. Kakaiba talaga ang epekto niya sa'kin.

"Ayos naman. Medyo busy nga lang kasi exam week. Uuwi ka na ba? Kain muna tayo. Libre ko."

Halos isang linggo na rin ang nakalipas simula noong nagkakilala kami sa dyip. Sabay lang kasi ang oras ng uwian ng aming eskwelahan sa uwian nila. Nasabi sa'kin ni Joel na bago lang siya sa pag-commute at nasanay siyang hinahatid-sundo ng kanyang Mama. Buti na nga lang daw ay pumayag na ang Mama niya na sumakay na lamang siya ng jeepney pauwi para hindi na nakakaabala sa kanyang Mama lalo pa't nadestino ito sa mas malayong banko.

Nagpunta kami sa isang parke malapit lamang sa aming mga eskwelahan. Naupo si Joel sa isang pulang duyan at umupo naman ako sa kulay-kahel na duyan katabi noon. Sa aking mga kamay ay ang siopao at plastik ng Royal softdrink na nilibre niya sa'kin.

"Mukhang masaya sa eskwelahan niyo a," Sabi niya pagkatapos ay sumubo sa siopao na hawak niya. Ngumuya siya at nabaling ang kanyang tingin sa direksyon ng aming eskwelahan. "Madalas kong nakikita ang mga estudyante sa inyo. Mukha kayong masasaya e."

Humigop ako sa straw ng naka-plastik na Royal pagkatapos ay napatingin sa kanya. "Pero mukha rin namang masaya sa paaralan niyo, a. Naiinggit nga kami dahil ang ganda ng eskwelahan niyo. Mga mayayaman kasi ang mga estudyante sa inyo, e."

"Alam mo, Michael John, hindi naman porke may pera, masaya ka na. Minsan pa nga kung sino pa 'yung mayayaman, sila pa 'yung mas malulungkot. Masyado kasing nahuhumaling sa mga materyal na bagay kaya nakakalimot na sa totoong kahulugan ng kasiyahan. Kung papipiliin nga lamang ako, siguro mas pipiliin ko pang maging mahirap."

Natahimik lamang kaming dalawa roon hanggang sa matapos na kami sa aming mga kinakain. Akala ko nga uuwi na kami pagkatapos noon, pero nagyaya si Joel na maglaro sa playground katapat ng parke. Natawa na lang ako dahil para siyang bata kung umasta.

Naglaro kami sa may see-saw. Tawa siya nang tawa habang ako naman, pinagmamasdan lamang ang mukha niya. May kakaiba talaga sa kanyang mga ngiti. Para bang ang saya-saya niya sa buhay at wala siyang problema, kaya kahit papaano ay nadadala ako sa kanyang masayahing pag-uugali.

Kakaiba ang saya ko sa tuwing naririyan si Joel. Para bang kulay kahel lamang ang nakikita ko sa kanyang mukha. Sinabi ng guro ko sa sining, ang kulay kahel daw ay sumisimbolo sa kasiyahan at kalayaan.

Naniniwala akong lahat ng tao ay may kanya-kanyang kulay... At kay Joel, iyon ay ang kulay Kahel.

***

Maraming tao. Maingay ang paligid. Masikip ang daanan.

Naglalakad lamang ako noon sa may kalye pauwi ng bahay nang mapansin kong nagkatipon ang mga ilang tao sa iisang bahay.

Sa bahay ni Aling Elena.

Bigla akong kinabahan. Bagamat masama ang pakiramdam ko sa nakita ko noon, pinili ko pa ring lumapit para tingnan kung ano'ng nangyari. Mabagal lamang ang aking mga hakbang at sa bawat pag-abante ko ay ang pagsikip ng aking puso. May hinala na ako kung ano'ng nangyari, ngunit ayokong maniwala. Ayokong maniwala hangga't hindi ko pa nakikita.

"Kawawa naman si Tanda. Inatake sa puso, at dahil walang kasama sa bahay, hindi rin nakahingi ng saklolo."

"May anak siyang bilanggo, di'ba? Nalulong sa droga 'yong anak niya. Ang haka-haka raw, hindi kasi siya mabuting ina noon at napapabayaan na lamang ang anak. Sa hirap kasi nila noon, napagdesisyunang maging bayarang babae ni Tanda para lamang may pangtustos sa pag-aaral ang kanyang anak. Maaga kasing pumanaw ang asawa niya."

"Mabuti na rin palang namatay 'yan, kahit papaano nababawasan ang mga salot sa mundo. Kawawa naman ang kanyang kaluluwa. Ipagdasal na lang natin na nakahingi siya ng tawad sa Diyos sa kanyang mga pagsasala para hindi siya tuluyang bumagsak sa impyerno."

Hindi nila kilala si Aling Elena. Alam lang nila ang nakaraan niya, ngunit hindi nila alam kung gaano kabuting tao si Aling Elena. Hindi nila alam na kahit naging bayaran siyang babae ay nanatili ang kanyang puso sa kanyang pumanaw na asawa. Hindi nila alam na nagsikap siya para maalagaan nang husto ang kanyang anak para magkaroon ito ng magandang kinabukasan, ngunit nalulong naman ito sa droga dahil sa impluwensiya ng mga kaibigan.

Hindi nila kilala si Aling Elena, ngunit kung makahusga sila ay para bang alam nila ang buong pagkatao nito.

Lumakad ako palayo sa lugar na iyon at hindi na nasilayan sa huling pagkakataon ang kanyang katawan. Tumunog ang sirena ng ambulansya, narinig ko ang mga bulungan ng pangungutya ng mga tao, at higit sa lahat, narinig ko sa aking isipan ang tinig ni Aling Elena.

"Alam mo kung ano ang mali? Ang lipunan. Sila ang mali dahil nanghuhusga sila sa mga bagay na hindi naman nila nalalaman."

Napatingin ako sa kalangitan. Dapit-hapon na pala. Pinagmasdan ko ang kalangitan na nakulayan ng kahel dahil sa paglubog ng araw.

Dapit-hapon. Isang pagtatapos, ngunit isa rin namang panimula.

Kung nasaan man si Aling Elena, siguro puro kulay kahel ang mga nakikita niya sa kapaligiran niya. Kasiyahan at kalayaan. Kasiyahan dahil tapos na ang kanyang paghihirap at kalungkutan. Hindi na siya iiyak. Hindi na siya mangungulila pa at magkikita na sila ng asawa niya.

Kalayaan. Kalayaan mula sa mapanghusgang lipunan. Kalayaan mula sa malupit na mundo.

Kahel. Kaylan ko rin kaya makikita ang kulay na iyon sa aking sarili lalo pa't hindi naman mahilig sa kulay na kahel ang mga taong nasa paligid ko?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top