i.
[C H A P T E R 1]
Michael John's POV
Pula.
Tinitigan ko ang sarili ko sa salamin.
Hinawakan ko ang pisngi ko at pinagmasdan ito. Namumula pa rin ito ngunit bumawas naman ang hapdi na nararamdaman ko. Napatingin ako sa aking mga labi na mamula-mula rin na para bang naglagay tuloy ako ng lipstick. Bumagay rin naman pala siya e, mas nagkaroon pa ng kulay ang mukha ko.
"Fight lang nang fight," sabi ko sa sarili ko habang nakatitig sa repleksyon ko sa salamin pagkatapos ay nangiti.
Kinuha ko na 'yung bag ko at lumabas na ng kwarto. Nangangamoy alak pa rin at napansin kong may mga plato, bote, at baso na hindi pa naliligpit. Natutulog din si Papa sa may sofa habang humihilik pa at nakataas ang suot na t-shirt kaya nakikita ang kalakihan ng kanyang tiyan. Napatingin ako sa aking relo. Maaga pa naman kaya hindi pa siguro ako mahuhuli sa klase nito.
Mabuti naman at natapos ako sa pagliligpit na hindi ko nagigising si Papa. Umalis na lang ako na hindi na nagpapaalam pa.
Maingay na paligid. Masikip na eskinita. Mga aleng nagbebenta ng pancake sa umaga, mga tambay na naglalaro ng chess sa gilid ng kalsada. May mga bata na rin na naglalaro ng text at pogs kahit na maaga pa kung tutuusin. Sa may isang bahay, lumabas ang isang dalaga na may kargang sanggol na umiiyak. Nagsimula siyang umawit kasabay ang paghina ng pagtangis ng sanggol. Nakita niya akong nakatingin sa kanya kaya binigyan niya ako ng isang ngiti na siya namang ibinalik ko. Napansin ko ang pula niyang bestida na bumagay naman sa kulay niya dahil may kaputian ang balat niya.
Araw-araw na ganito ang tanawin.
Araw-araw na ganito ang umaga ko.
Ngunit sa araw-araw na iyon, sa umaga pa lamang ay nakikita ko na ang ganda ng buhay. Nakakatuwa ang ingay ng lugar at ang sigla ng mga tao. Kahit na ganito lang ang estado sa buhay ay patuloy pa rin sila sa pagngiti.
May ganda lang talaga siguro sa lahat ng mga bagay... at siguro, nakikita nila iyon.
***
Tumunog ang bell na hudyat ng pagtatapos ng klase. Halos napahiyaw ang mga kaklase ko at nagsitayuan na kaagad kahit na hindi pa tapos magsalita si Mrs. Dela Cruz na nasa harapan. Nanahimik na lamang din ang guro at sinimulan nang ayusin ang mga gamit niya.
Napatingin ako sa paligid ng klasrum. Makalat ang buong silid dahil nag-iwan sila ng mga candy wrapper at cans ng softdrinks. Inayos ko lang saglit ang mga gamit ko pagkatapos ay tumayo na rin para magsimulang maglipit ng mga kalat. Pinagpupulot ko 'yung mga nakayuping pulang lata ng Coca-cola at 'yung mga pulang balat ng kendi. Pagkatapos, itinapon ko na rin 'yun sa basurahan at handa nang lumabas ng klasrum nang tawagin ni Mrs. Dela Cruz ang apelyido ko.
Nilingunan ko siya. "Po?"
Lumapit siya sa'kin at pinagmasdan ang mukha ko. "Ano'ng nangyari r'yan?"
"Ay, namumula pa rin po ba? Akala ko hindi na halata. Wala po ito, nahulog lang ako sa may hagdan ng bahay." Dalawang beses akong nagsinungaling. Una, hindi naman ako nahulog sa hagdan. Pangalawa, wala namang hagdan ang bahay namin. Pero mukha namang naniwala si Mrs. Dela Cruz at nginitian niya na lang ako.
"Ang bait mo talagang bata. Ubod pa ng talino. Panigurado, pagkatapos mo sa hayskul, malaki ang tsansa mo na makapasok sa UP."
"Si Ma'am talaga, nambola pa. Sige po, mauna na po ako. Kaylangan ko na pong umuwi e."
Nagpaalam na lang ako kay Mrs. Dela Cruz. Habang naglalakad sa may pasilyo ng eskwelahan, napaisip ako sa sinabi niya. Wala pa naman sa utak ko 'yung tungkol sa pag-aapply sa mga unibersidad para sa kolehiyo, pero noong nabanggit niya, naisip ko kung ano kayang mangyayari sa'kin? Makakapag-aral pa kaya ako? Hindi ko alam. Sana.
***
Maingay ang paligid. Maraming mga tao. Mainit pa kahit malapit kaunting oras na lang at bababa na ang araw.
Isang pulang dyip ang huminto sa harapan namin. Humupa ang pila at nag-sakayan ang mga tao. Sumakay na rin ako at naupo sa may isang sulok habang napapaisip sa mga iba't ibang alalahanin sa bahay at sa eskwelahan.
"Isa pa, isa pa," Sabi ng lalaking konduktor habang winawagayway ang kanyang pulang bimpo.
Pagkatapos, doon siya dumating.
Naalala kong humihingal pa siya dahil sa hinabol niya ang jeepney. Nakasuot din siya ng uniporme katulad ko, ngunit mula sa ibang eskwelahan. Nagpasalamat siya sa konduktor noong pinasakay siya nito at saka naman siya umupo sa harapan ko.
Sa mga sandaling iyon, pakiramdam ko huminto ang buong mundo ko. Nawala ang mga alalahanin. Napatingin ako sa kanya at nakaramdam ako ng kakaibang kapayapaan.
Hindi ko inaasahan na mangyayari sa akin iyon. Ang mahulog sa isang taong ngayon mo pa lang nakita.
Unang sulyap ko pa lang sa mukha niya, para bang tinamaan na agad ako ng palaso ni kupido. Totoo pala ang love at first sight? Pakiramdam ko para bang nagbukas ang mga langit, at iyong oras na iyon, sa aming pagkikita, iyon na ang itinakda. Para bang siya ang soulmate ko.
Posible pala iyon. Tumibok nang mabilis ang puso ko noong pinagmasdan ko siya sa harap ko. Para siyang isang anghel na ibinaba ng Diyos mula sa langit. Napakagat ako sa labi ko, pinipigilan na mapasigaw sa kilig na nadarama sa mga oras na iyon. Gusto ko siyang kausapin, gusto ko siyang mahawakan, gusto ko malaman ang pangalan niya, ang lahat ng tungkol sa kanya. Gusto kong mapatingin din siya sa akin, na titigan din niya ako tulad ng pagtitig ko sa kanya. Natanong ko sa sarili ko noon: 'Mas interesado ba siya sa labas ng jeep kaysa sa akin?'
At naisip kong oo nga naman ang sagot sa katanungan kong iyon. Hindi naman sa pangit ako. Masyado lang kasi siyang mataas, parang hindi ko siya kayang abutin. Ano bang naisip ko noon? Mukhang nababaliw na ata ako. Oo, nababaliw na nga ako.... sa kanya. Noon lang ako nakakilala ng tao na sobra ang epekto sa akin.
Nagulat ako nang unti-unting gumalaw ang ulo niya at napatitig din siya sa akin. Nakapako lang ang mga mata niya sa akin. Lalo pang bumilis ang pagtibok ng puso ko, at pakiramdam ko nawala lahat ng tao sa paligid ko, na kaming dalawa lamang ang nakasakay sa jeepney na iyon. Para bang matagal na kaming magkakilala, o kaya naman talaga ngang tinakda na kami para sa isa't isa...
"Bababa na po," nasira ang lahat sa sinabing iyon ng ale sa tabi ko. Noong narinig ko siyang nagsalita, nahila ulit ako pabalik sa reyalidad. Ano nga bang inisip ko? Nagbabakasakaling interesado din siya sa akin at may pag-asa ako?
Bumaba na 'yong ale at sumunod naman ako. Dito na rin kase ako bababa. Pagkababa ko ng dyip at nasinagan ako ng sikat ng araw, na naririnig ko ulit ang ingay ng mga kotseng dumadaan, nagising na ako sa maiksing panaginip kong iyon. Panaginip na nakabukas ang mga mata. Nahimasmasan ako at napagtantong imposible nga naman ang mga pinag-iisip kong iyon.
Pero nanghihinayang ako. Sayang. Kahit pangalan niya hindi ko man lang nalaman. Magkikita pa kaya kami? Ganito ba talaga ang tama sa akin ng lalakeng iyon na kung anu-ano na ang mga pinag-iisip ko?
Napalingon ako at napatingin muli doon sa jeep na umaandar na papunta sa kabilang kanto. Hindi na nahagip ng mga mata ko ang mukha niya. Pinanood ko na lang na umalis 'yong jeep hanggang sa nawala na ito sa paningin ko. Sana kasabay din nun ang paglisan ng nararamdaman ko, pero hindi. Mabilis pa rin ang pagtibok ng puso ko.
Napapikit na lang ako at pagmulat ko muli, nandoon na siya sa harapan ko. Halos kinakapos na ako ng hininga.
Dug dug.
Nagkatitigan muli kami. Walang nagsasalita pero sa mga matang iyon, nagkakaroon kami ng komunikasyon. Pwede nga kayang... posible nga kaya...
Ngumiti siya sa akin. Nilahad ang kamay niya. Napatingin ako sa kamay niya na parang masarap hawakan. Hindi ko maipaliwanag ang saya na nadarama.
"A-anong.... maaari ko bang... maaari ko bang malaman ang pangalan mo?"
Tadhana. Fate. Destiny.
Binalik ko ang ngiti niyang iyon. Nahiya ako bigla sa kamay ko kase mukhang magaspang ito at pasmado pa ako. Pinunas ko ang kamay ko sa pantalon na suot ko.
Inabot ko ang kamay niya at pinisil ito nang mahina. Hindi nawala ang mga ngiti sa aming mga mukha at hindi naalis ang aming mga titigan sa isa't isa.
"Ang pangalan ko ay Michael John. Pero MJ na lang for short."
Napangiti siya sa akin. "Ako naman si Joel."
***
Tinitigan ko ang sarili ko sa salamin.
Hinawakan ko ang pisngi ko at pinagmasdan ito. Inisip ko si Joel noon bago matulog. Sinabi niya na sana maging mag-kaibigan daw kami. Pagkatapos noon ay umalis na siya at sinabing gusto niya raw ulit akong makita. Namumula pa rin ang mga pisngi ko pero hindi dahil sa mga pasa na natamo ko. Namumula ito at hindi hapdi ang nararamdaman ko, kundi kakaibang saya sa kalooban ko.
Unang beses lamang nangyari sa'kin iyon, ang mamula ang mukha sa sobrang kilig... at iyon ay dahil sa lalaking nakilala ko sa loob ng pulang Jeepney na iyon kung saan itinakda na kaming dalawa ay magkakilala.
Pula. Puro pula ang lahat.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top