CHAPTER 2
CHAPTER 2
DELAIHLA FRIA HATT
"Aksana!" malakas kong sigaw mula sa harap ng bahay, sinasapawan ang tunog ng aking pagwawalis.
Alas-sais na ng umaga kaya naman ilang beses na rin akong sigaw nang sigaw katatawag sa pangalan ng kapatid ko para paalalahanang kailangan na niyang pumasok sa school.
"Fria, lalabas na nga ako, 'di ba?"
Tinabi ko sa gilid ang walis tingting bago ko siya pinuntahan. Nadatnan ko siyang nakatayo sa bukana ng pintuan at nakabusangot sa akin. Tinapatan ko ang kaniyang tangkad saka ko naman nilingon ang kaibigan kong si Stephanie na nasa likod ni Aksana.
Hinawakan ko ang balabal sa ulo ni Aksana saka iyon marahang tinanggal.
"Ano ba naman 'to? Tanggalin natin 'yang balabal na nakapandong sa 'yo. Ang ganda kaya ng buhok mo."
Humaba ang nguso nito sa 'kin. "Aasarin na naman nila ako, Fria!" maktol nito. "Palibhasa wala ka sa school."
Parang may kung anong kumurot sa aking dibdib dahil sa sinabi niya. Huminga ako nang malalim bago muling nagsalita.
"Hindi ba nga, ang sabi ko sa 'yo—"
"Huwag silang pansinin at hayaan na lang," pag-putol niya sa aking sinabi saka bahagyang umirap.
Mahina akong natawa bago ko hinalikan ang kanyang noo. Tuluyan ko nang tinanggal ang nakatakip sa kanyang ulo at doon lumantad ang kanyang mahaba, makapal, at kulot na buhok.
"Tignan mo, ang ganda kaya ng buhok mo," pagpuri ko sa kanya.
Sumimangot siya saka niyakap nang mahigpit ang kanyang doll na si Merida—ang main character sa 'Brave.' Pareho kasi sila ng kulay ng buhok at kung bibihisan ko si Aksana ng damit na kagaya kay Merida, pagkakamalan talaga na siya 'yon.
Lalo pang humaba ang kanyang nguso. "Sinasabi mo lang 'yan kasi magkapareho tayo ng kulay ng buhok."
Inangat ko ang aking tingin saka tinanguan si Stephanie. Tumawa siya at pinuntahan si Aksana.
"Tara na, Axe. Male-late kana sa school," wika ni Stephanie.
Dahan-dahang tumango si Aksana. Marahan niya akong nilingon.
"Yakapin mo 'ko, Fria. Para gumaan naman ang pakiramdam ko," pabulong nitong saad.
Lumuhod ako at niyakap siya nang mahigpit. May kinuha akong clip mula sa bulsa ng short ko. Inipit ko 'yon sa kanyang buhok. Hinalikan ko ulit ang noo niya saka pahagod na sinuklay ang kanyang buhok bago bumitiw.
"Bagay sa 'yo ang nabili kong ipit, Axe. Lalo kang gumanda," ani ko, sumisilip ang tuwa mula sa aking tono.
Natuwa naman ako nang makitang sumilay sa kanyang labi ang isang malambing na ngiti. Grabe, buo na naman ang araw ko.
"Salamat! Huwag kang mag-alala, Fria. Pag-uwi ko, may star na ako. Abot hanggang dito." Tinuro niya ang kanyang kamay paakyat sa kanyang braso.
Mahina akong natawa at tumango na lang.
"Sige na, Fria. Ihahatid ko na muna 'tong si Axe nang matulungan kita sa paglilinis ng bahay," pagpapaalam ni Stephanie.
"Okay, mag-iingat kayo."
"Bye, ate!" sigaw pa ni Axe.
Kumaway ako sa kanya hanggang sa tuluyan na silang mawala sa aking paningin. Pumasok ako sa loob ng bahay at niligpit ang pinagkainan nila. Isang malumanay na buntonghininga ang aking napakawalan.
Si Stephanie na ang kasama ko simula pa nang mapunta ako rito sa kanilang baryo. Walong taon na rin pala ang nakalilipas. Sa paggunita ko ng mga araw, may isang pangalan pa ang siyang sumagi sa aking isipan.
Kumusta na rin kaya ang kaibigan kong si Cattalina? Nami-miss ko na rin siya.
Sa lagay ko ngayon, parang hindi ko pa kayang bisitahin siya. Kinakain pa rin kasi ako ng aking konsensya. Gusto ko nang ibaon sa limot ang lahat ng mga nangyari pero binabalik-balikan pa rin ako ng mga malalagim alaalang 'yon.
Kung tutuusin, hindi naman kay Cattalina nagsimula ang bangungot na pilit ko nang tinatakasan. Ang lahat ng ito ay kagagawan talaga ng isang naghahari-hariang uri. . . si Dinoques.
Sa katunayan, hindi ko alam kung paano ako nahanap ni Dinoques. Ang pagkakatanda ko lamang ay may sakit noon si nanay at kinakailangan namin ng malaking halaga para mapa-operahan siya.
Sa mga panahong 'yon sumulpot sa buhay ko si Dinoques. Ipinangako niya sa aking mao-operahan si mama kapalit ng pagpayag ko sa kung ano mang hinahangad niya.
Hindi na ako nakapagdalawang-isip noong mga panahong 'yon. Pumayag ako dahil nasa kritikal na kondisyon na rin noon si mama. Ang inisip ko na lang ng mga sandaling 'yon ay gusto ko pa siyang makasama nang matagal.
Tumugon naman noon si Dinoques sa kanyang pangako, at ang naging kapalit no'n? Iyon ay ang pagsali ko sa Yroctyis Organization—isang samahang hinahawakan niya.
Halos atrasan ko ang kanyang kondisyon nang malaman ko ang papasukin kong organisasyon, pero para kay mama, kumagat na lang din ako.
Pinadalo ako ni Dinoques sa samu't saring ensayo at nang tuluyan na akong matuto, kanya akong ipinadala sa Paris, France. Ang naging misyon ko roon? Manmanan si Cattalina.
Sa Paris nagtatrabaho ang kaibigan kong si Cattalina bilang isang model. Nang sumalang ako sa misyon, ako ang nagsilbing taga-antabay sa kanyang bawat galaw.
Ngunit kalaunan, naging malapit din ang loob ko sa kanya. Sa labas ng misyon ko, doon ko rin siya naging matalik na kaibigan—at nakilala niya ako sa ilalim ng alyas kong 'Daisy.' Noong una ay nahihirapan ako dahil alam kong masasaktan siya kapag nalaman niya ang totoong ako, na hindi ako si Daisy kundi si Delaihla Fria Hatt.
Tinustusan ako ni Dinoques sa kabuuan ng misyon kong 'yon. Lahat ng pangangailangan ko ay kanyang tinugunan. Ang pera na hawak ko noong kasama ko si Cattalina ay sa kanya rin nanggaling.
Pero lahat ng 'yon ay tila balewala na lang nang—sa loob ng mahabang panahong nasa Paris ako—malaman kong matagal na palang wala si mama.
Malubhang paghihinagpis ang naramdaman ko noong mga panahong 'yon. Gumuho ang mundo ko at nagsimulang umapoy ang galit ko para kay Dinoques dahil hindi man lang niya sinabi sa akin ang nangyari sa mama ko.
At noong akala ko ay doon na magtatapos ang paghihirap ko, nabalitaan ko na lamang na nakulong na rin si Dinoques. Ngunit ano ang naging balik sa akin ng kanyang pagkakakulong?
Lahat ng perang naipon ko sa bangko ay siya ring nawala bunsod ng kanyang pagkakakulong. Hindi ko mawari kung saan ako pupulutin noong mga panahong 'yon.
Kaya nagsimula ako sa umpisa. Back to zero, kumbaga.
Nang sinubukan kong maghanap ng trabaho upang makapagsimulang muli. Sa hindi ko rin maalalang dahilan ay napadpad ako noong mga panahong 'yon sa isang bahay-ampunan. Doon ko nakilala si Aksana. Siya kaagad ang unang nakita ko roon dahil sa kanyang buhok.
Sa paningin ko ay nagmukha siyang namumukod-tangi mula sa mga nakakalaro niya. Namangha pa nga ang isa sa mga madreng naroroon noon dahil may nahahawigan raw nila si Aksana sa akin.
Pinaampon nila sa akin si Aksana. Hindi rin ako tumanggi sa responsibilidad noon na ampunin siya. Masaya ako na kasama ko siya hanggang ngayon dahil siya na rin ang nagsisilbi kong sandigan.
Pitong taong gulang na ngayon si Aksana at siya ay nag-aaral bilang isang Grade 1 student. Palaging 'Fria' ang tawag niya sa akin. Tinatawag niya lang akong 'ate' kapag malungkot siya o kung may mabigat siyang nararamdaman.
Half day lang ang pasok ni Aksana, at mamayang alas-dose ng tanghali ay nandito na siya. Dahil maaga ang kanyang pag-uwi ay ipinagluto ko siya ng paborito niyang ulam na adobong manok.
Si Stephanie naman ay may trabaho rin. Isa siyang saleslady sa mall dito sa bayan namin, at dito rin siya nakatira sa bahay ko.
Naputol ang takbo ng aking iniisip nang marinig kong tumunog ang aking cellphone.
"Dehlaihla! Anong oras ka pupunta rito? Maaga ka makakapunta o male-late ka?" bungad ni Rose mula sa kabilang linya nang masagot ko ang tawag.
"Hindi ko lang alam. Ite-text na lang kita kung paalis na 'ko, at saka mamayang gabi pa naman 'yon. Excited ka naman yata sa magiging kliyente mo," natatawa kong saad.
"Nako! Hindi naman. Oh, sige na, at maliligo muna ako. Bye!" Agad niya rin namang ibinaba ang tawag.
Iiling-iling na lang akong napahagikhik. Katrabaho ko si Rose sa Poufiasse Club—isang whorehouse. Nakakadiri mang pakinggan ang kinasangkutan kong trabaho, pero ano pa nga bang magagawa ko? Iyon lang ang nakita kong paraan upang madaling makakuha ng malaking halaga ng pera eh.
Sa panahon ngayon mahirap na kumita ng sampung libo sa isang araw. Masyadong maraming gastusin. Butas na ang yero sa banyo at kailangan namin 'yong palitan dahil baka masilipan kami.
"Ate. . ."
Kaagad na tumalas ang aking pandinig nang matulinigan ang malumanay na boses na tumawag sa akin. Pagkalingon ay namataan ko ang bagong-uwing si Aksana na humihikbi. Napagmasdan ko ang marumi niyang suot na uniform habang papalapit siya sa 'kin. Kumunot ang aking noo saka ko siya nilapitan.
Nilingon ko si Stephanie na tahimik sa likuran ni Aksana. Nginuso niya lang ang bata, sinasabing si Aksana na lang ang tanungin ko.
"Aksana, anong nangyari? Bakit ang dumi ng uniform mo?"
"Iningatan ko siya, ate, p-pero sinira nila 'yon. . . Huwag kang magagalit sa 'kin kasi pinagtanggol ko sa kanila 'yon. . . Inaway nila ako," humihikbi niyang paliwanag hanggang sa pumalahaw na ito ng iyak.
May kinuha siya sa kanyang bulsa at ipinakita iyon sa akin. Ang ipit na ibinigay ko sa kanya ay sira na.
"H-huwag kang magalit, Fria. Promise, pinagtanggol ko 'to pero kinuha pa rin nila s-sa 'kin," salita niya sa pagitan ng kanyang paghikbi.
Niyakap ko siya nang mahigpit hanggang sa kumalma siya. Pagtingin ko kay Stephanie ay lumuluha na rin ito. Hindi ko na napigilan na hindi umiyak. Sumisikip ang dibdib ko dahil hindi ko kayang makita siyang umiiyak.
Bumitiw ako sa pagkakayakap at tiningnan siya nang mabuti. Punum-puno ng luha at sipon ang kanyang mukha kaya pinunasan ko 'yon gamit ang dulo ng aking damit.
"Huwag ka nang umiyak." Kinuha ko sa kanya ang sira-sirang ipit. "Papalitan na lang 'to ni Fria," buong ngiti kong pagpapagaan sa kanyang loob.
Umiling siya. "Huwag na, Fria. Pero kung bibilhan mo ulit ako ng bagong ipit, dito ko na lang sa loob ng bahay susuotin."
Tumango ako, 'di pa rin mapigilan ang mga tumutulong luha.
"Shh. . . Huwag ka nang umiyak. Nakakasama 'yon sa 'yo, 'di ba?"
Tumango siya sa sinabi ko. "Oo."
"Tama na," mahinahon kong pagpapatahan. "Nagluto ako ng paborito mong adobong manok! Kumain na lang tayo. Tapos, pupunta tayo sa bakuran. Magpa-practice tayong pumana, okay?" masaya kong saad.
"Oo," bulong niya sa akin.
Pinunasan ko ang kanyang luha at hinalikan ang kanyang noo.
"Bakit ka umiiyak, Fria? Nasasaktan ka rin ba?" tanong niya. Muling tumulo ang kanyang luha.
"Oo. Nasasaktan ako. . . sobra," umiiyak kong sagot.
"Huwag ka nang umiyak. Kakain na tayo, eh," pagpapatahan niya sa akin kahit na mukhang paluha na ulit siya.
Mahina akong natawa at kinarga siya. Nilingon ko naman si Stephanie.
"P'wede bang ikaw muna ang maghanda ng pagkain? Bibihisan ko muna siya."
Ngumiti siya sa 'kin saka tumango. "Sure."
Kinarga ko si Aksana hanggang sa makapunta kami sa loob ng aking kwarto. Maliit lang ang kuwarto ko, saktong pandalawahan lang. Binaba ko siya at pinaupo sa kama. Habang naghahanap ako ng dress na masusuot niya ay bigla siyang nagsalita.
"Nasaan kaya ang mama ko, Fria?" Halos matigilan ako sa aking kinatatayuan. "At saka, 'yong mama mo rin. Siguro magkaparehas kami ng buhok, 'no?" masaya niyang tanong sa akin.
Dumampot na lang ako ng kahit anong dress bago siya hinarap. Nginitian ko siya nang tipid saka ko hinubad ang kanyang uniform.
"Siguro nga," mahina kong sagot at pinagdadasal na sana hindi na siya magtanong pa tungkol sa kanyang ina.
Pagkatapos kong isuot sa kanya ang damit ay lumabas na kaagad kami ng kuwarto saka nagtungo sa hapag-kainan. Naabutan namin doon si Stephanie na tapos nang maghain.
"Bakit pala hindi ka pumasok sa trabaho mo?" tanong ko sa kaibigan ko.
"Day off. At saka na-miss ko rin 'tong si Aksana, eh," masaya niyang tugon. Pinisil niya nang mahina ang pisngi ni Aksana.
"I love you, tita," malambing na sambit ng bata.
Napangiti ako dahil doon.
"I love you too."
Nilagyan ko ng manok ang plato ni Aksana at hinayaan siyang kumain nang magana. Habang pinagmamasdan siya ay hindi ko maiwasang matuwa. Magandang bata si Aksana—para siyang carbon copy ko. Bukod sa maganda ay napakatalino rin.
Pagkatapos naming kumain ay ako ang naghugas ng plato dahil magpapahinga raw muna si Stephanie sa kanyang kuwarto. Si Aksana ang nagpupunas ng nabanlawan kong mga pinaghugasan bago niya ilagay sa cabinet.
Nang matapos sa ginagawa ay agad kaming dumiretso sa bakuran. Tutuparin ko kay Aksana ang sinabi kong pagpa-practice niya kung paano gumamit ng pana.
Gusto niya raw gayahin si Merida dahil ang tapang-tapang niya raw. Ginawan ko rin siya ng tatamaan ng palaso, at sa tuwing nakakatama siya roon ay tuwang-tuwa siya.
"Nakita mo 'yon?! Ako lang nakakagawa no'n, Fria! Ang galing, 'di ba?" tuwang-tuwa niyang sambit.
Pinagmamasdan ko lang siya. Kung saan siya masaya, sinusuportahan ko siya. Doble ang saya na nararamdaman ko kapag nakikita ko siyang natutuwa sa mga gusto nitong gawin.
Kahit nahihirapan siya sa paghatak ng bow ay nagagawa niya pa ring matamaan ang kahoy. Pumalakpak ako nang makatama ulit siya.
Hay, Aksana. Walang sino man ang makakapawi ng ngiti ko kapag napagmamasdan kitang masaya.
-ˋˏ ༻❁༺ ˎˊ-
"Anong oras ka makakauwi?" tanong ni Stephanie. Nakasandal siya sa gilid ng pintuan at pinagmamasdan akong ayusan ang aking sarili para sa trabaho ko.
"Siguro mga alas-tres nang madaling araw o baka matagalan din kasi magse-serve din ako sa bar ng PC."
Papasok na ako sa trabaho. Usually, tuwing gabi lang talaga ako pumapasok pero may mga pagkakataong napasok din ako ng umaga—depende sa gusto ko.
Mas lamang nga lang ang pagpasok ko tuwing gabi kaysa umaga dahil mas gusto ko 'yon. Alas-dose nang hatinggabi kasi ako pumapasok kapag gabi, tipong mga oras kung kailan tahimik ang mga kalye.
Nakasuot ako ngayon ng isang white V-neck peplum top at high-waisted maong pants. Pinaresan ko na lang 'yon ng stiletto na itim.
Nang lingunin ko si Stephanie ay nakangiti siya sa akin saka niya ako pinagmasdan mula ulo hanggang paa.
"Wow, ang hot naman!" bulalas niya.
Umirap ako saka mahinang natawa. "Bayaran 'ka mo."
Narinig ko ang kanyang pagbuntonghininga.
"Makabayaran naman d'yan, wagas! P'wede namang prostitute para medyo sosyal, 'di ba?"
"Ganoon pa rin 'yon. Pok—"
"Shh!" agad niyang pagputol sa 'kin. "Tigil na. Nilalait mo na naman sarili mo."
Gumuhit ang isang linya sa aking mga labi. "Totoo naman, Stephanie. Ang dami ko nang nakatalik, matanda man o kaedad ko, para lang sa maintenance ng gamot ni Aksana at sa pangangailangan natin," seryoso kong saad.
"Alam mo, hindi na ako nahihiya na sabihan ako ng gano'n. Bahala sila kung ano'ng sabihin nila sa akin—doon naman sila magaling. Hindi nila inaalam ang dahilan kung bakit ganoon ang trabaho ko at puro panghuhusga ang nasa utak nila," dagdag ko pa habang inaayos ang mga gamit ko.
"Alam ko namang may dahilan ang iba kung bakit sila nagpo-prostitute," malungkot na wika ni Stephanie. "Pero sana, 'wag mo ring ibaba ang sarili mo kahit na ganyan ang trabaho mo."
Nilingon ko si Aksana na mahimbing na natutulog. Hinalikan ko ang kanyang noo bago muling lapitan si Stephanie.
"Bantayan mo siya ah. Aalis na 'ko," mahina kong sambit habang papalabas, iniiwasang magising si Aksana. Tinanguan lamang ako ni Stephanie bago siya tuluyang pumasok sa loob ng aking kwarto.
-ˋˏ ༻❁༺ ˎˊ-
"Nako, Fria! Nandoon na sa room 345 ang client mo! Dalawa yata sila, at mukhang yayamanin! Jackpot ka!" masayang wika ni Rose.
Tipid akong ngumiti saka ipinatong ang bag sa lamesa. Nilabas ko ang susuotin kong maroon floral lace lingerie garter na may choker. Pumasok ako sa aming designated dressing room. May naabutan akong mga kababaihan na hubo't hubad ngunit binalewala ko 'yon. Normal na 'yon para sa amin.
Nagsimula akong magbihis at isuot ang choker sa aking leeg. Pagkatapos, saka ako nagtungo sa room 345. Inayos ko rin ang suot kong tag na siyang nagpapakita ng pagkakakilanlan ko.
May naka-assign na pangalan sa bawat kwarto, at mayroon ding scanner sa pinto ng bawat silid na iyon. Kinakailangan naming i-scan ang suot naming tag sa bawat kwarto upang makumpirma ang aming pagkakakilanlan.
Hindi mabubuksan ang kwarto kung hindi magpapares ang pangalang naka-assign sa kwarto sa pangalang nakalagay sa tag na kinakailangang ma-scan. Automatic namang magbubukas ang pinto kung sakaling mag-match nga ang mga pangalan.
Bumukas ang kwarto matapos kong itapat ang aking tag sa scanner. Naabutan ko roon ang dalawang lalake na nagse-cellphone. Nang madama siguro nila ang aking presensiya ay sabay silang napalingon sa akin. Bakas ang mga bahid ng kanilang pagnanasa sa kanilang pagtitig.
"Looks like you got a good one. She's a redhead," dinig kong bulong ng lalakeng medyo maskulado ang hulma ng katawan sa kasama niya.
"How much?" agad na tanong naman ng lalakeng matangkad.
"Ten thousand," mabilis kong sagot.
Tumango siya saka mahinang natawa. "Wala na bang maitataas 'yan?"
'Di sila nilubayan ng aking mga mata. Gusto pa yata nilang dagdagan kung magkano ang dapat nilang ibayad sa akin, ah?
Panandalian akong natikhim bago muling sumagot.
"Depende sa performance niyo," kumpiyansa kong sagot.
Isang mala-demonyong ngisi ang gumuhit sa labi ng maskuladong lalake.
"Come here, little kitty. Let's make this night both pleasurable and unforgettable," pang-aakit niya, mga hagikhik nila'y nagsasanib sa ere.
Malagkit akong ngumiti bago naglakad papalapit sa kanila. Hinayaan ko lang kung ano ang gugustuhin nilang gawin sa akin. Sinunod ko ang bawat utos nila na mainit nilang ibinubulong sa akin. Pikit-mata kong nilunok ang bawat salitang kumikiliti sa aking tainga.
Para kay Aksana 'tong ginagawa ko. Para kay Aksana. . .
Pinuno namin ng ungol ang buong silid kasabay ng unti-unting pag-init ng hangin. Magdamag nila akong pinaglaruan hanggang sa tuluyan nila akong pinagsawaan.
SHANGPU
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top