Chapter 65
TIME KEPT ON SLIPPING BY...
My son and I were doing well here in Canada. Kasama namin sina Mommy, Daddy, at pati sina Kuya Zed, ang hipag ko, at ang preschooler na anak ng mga ito. Sama-sama kami sa condo-apartment ng mga ito.
Si Daddy ay may work na rito, tagalinis siya ng swimming pool sa isang leisure center, at minsan ay suma-sideline sa iba pang work. Si Mommy naman ay tagaalaga ni Baby Mateo at minsan ay bantay na rin sa anak ni Kuya Zed na nasa preschool.
Ako? Ito, tourist lang din. Malaki-laki ang gastos ng aking kuya kaya kailangan kong bumawi. Mabuti at may mababait na kapwa Pinoy rito, mga OFW na kinukuha ako na tagalinis ng mga flat nila. Kasama na sa linis ang paglalaba, plantsa, at pagtutupi.
Tiis lang talaga dahil matagal-tagal pa ang maging citizen kami rito sa Canada. Mag-aaral pa ulit ako rito para makakuha ng mas magandang trabaho.
I was putting self Adhesive body patch for pain over my shoulder when Mommy came into the room. Hinila ko ang aking jacket para matakpan ang balikat ko. Hindi kasi gusto ni Mommy iyong ginagawa kong pagsa-sideline. Hindi raw nila ako pinatapos ni Daddy ng college para lang maging maging tagalinis ng bahay ng may bahay.
Mommy frowned and closed the door. "Wag mo nang takpan, nakita ko na."
"Tulog na po ba ang mga bata?" Afternoon nap kasi ng magpinsan ngayon. Ang anak ko at ang preschooler na anak ni Kuya Zed.
"Oo, nandoon sa sala, mga nakabulagta."
"Ah, okay po. Iidlip lang din sana ako, Mommy. Aalis po kasi ako mamaya. Pupunta ako sa apartment ng katrabaho ni Kuya Zed—"
"Maglilinis ka na naman doon? Ipagkukuskos sila ng banyo? Ipaglalaba? Ipagpaplantsa? Bakit hindi mo pa sulitin? Maging hardinero at umakyat ka na rin sa bubong!"
"Kung kaya ko lang po e—"
"Zandra!" Napahiyaw na si Mommy.
"Mommy, walang masama sa ganoong trabaho. Marangal iyon. Hindi ko naman kasi kaya na nakikitang sina Daddy, Kuya Zed, at ang hipag ko lang, ang naghahanap-buhay para sa atin lahat dito. Ang mahal ng kuryente at tubig. Tapos itong condo ay si Kuya Zed ang mag-isang sumasalo. $2,000 na rent monthly."
"Bakit kasi ang mahal nitong condo e kaliit naman?! Tapos iyong mga dingding pa ay makapal na plywood lang, kaya kapag nag-iyakan ang mga bata, kinakatok agad tayo ng mga kapitbahay!"
Mura na nga itong condo na tinitirahan namin dahil wala kami sa city. 2 bedroom na ito at maganda naman.
Sa master bedroom ay doon natutulog sina Kuya Zed, ang hipag ko, at ang anak ng mga ito. Dito naman sa isang kuwarto ay ako, si Mommy, at si Baby Mateo. Si Daddy naman ay minsan lang dito kasi may tulugan ito sa staff area ng pinapasukang trabaho.
May dating bahay na kinuha sina Kuya Zed pero binitiwan din nila dahil mas mahalaga na makakuha ng sariling sasakyan ang hipag ko. Nasa 2 hours kasi ang layo ng pinapasukan nitong fastfood. Balik apartment kami lahat ngayon. Ito ngang condo-apartment.
"Ang hirap naman pala rito. Iyong isang kakilala ng kuya mo, ilang buwan na rito sa Canada, baon na sa utang, pero wala pa ring trabaho na matino. Uuwi na lang daw ng Pilipinas. Kaya lang, problema pa dahil naghihintay siyempre ng pasalubong ang mga uuwian niya."
Ganoon talaga. Kahit saan naman, may sinusuwerte, pero meron ding sadyang hindi pinapalad. Tiyagaan lang talaga dahil wala namang madali sa mundo.
Nakahiga na ako nang tabihan ako ni Mommy. "Gusto mo na ba talaga rito, Zandra?"
Nagulat ako sa tanong niya.
"Alam ko namang napilitan ka lang sumama rito, dahil alam mong gusto namin dito ng daddy mo."
I smiled to ease her mind. "Gusto ko rin naman po rito, Mommy. Gusto ko kayang mag-Canada. Ayoko na po sa Pinas, ma-polusyon, at ang gulo pa ng gobyerno," biro ko pa. "Saka, gusto ko kasing maging sosyal ako. Dollars ang kinikita. Tapos lalo akong kikinis at puputi rito dahil sa klima."
"Paano ang ama ng anak mo?"
Muli akong nagulat. Sa walong buwan namin dito, ngayon niya lang ito binanggit.
"May hindi pa ako sinasabi sa 'yo. Alam mo bang noong nanganak ka at hindi pa nagigising, pumunta ang asawa mo."
Alam ko iyon. Noong umaga na saktong pagdating ni Mommy sa ospital galing airport, dumating din si Miko. Pero umalis din si Miko bago ako nagising, kaya si Mommy na ang namulatan ko. Ang hindi ko lang alam ay kung ano ang napag-usapan nila.
"Galit na galit ako noon sa lalaking iyon," mahinang sabi ni Mommy. "Pakiramdam ko, inagaw ka niya sa amin ng daddy mo para lang kawawain ka."
Nabanggit ni Mommy na kahit nakaalis na sila ni Daddy noon sa Canada, kahit masama ang loob nila sa akin at gusto nila akong tiisin, hindi rin daw nila nakayanan. Sa huli, kahit ilang buwan pa lang sa Canada, nagsikap silang makalikom ng pamasahe ni Mommy para mauna na siyang umuwi.
Sakto pa ang uwi ni Mommy na araw na nanganak ako. Sa ospital niya na ako nadatnan.
"May pasabi-sabi pa ang lalaking iyon noon bago kami umalis ng daddy mo, na kesyo hindi ka raw niya pababayaan. Wag daw kaming mag-alala at ibigay ka na lang namin sa kanya, dahil siya na ang bahala sa 'yo."
That was the night I ran away before our flight. Iyon din iyong gabi na nasuntok ni Daddy si Miko at nahampas niya pa ng Starbucks tumbler.
"Tapos malalaman ko sa pag-uwi ko na cesarean ka, at sa public hospital lang dinala. Nasa public ward ka pa at wala man lang bantay, kasi wala man lang kahit anino niya. Para pa akong binuhusan ng tubig nang makita ang itsura mo. Ang payat-payat mo, maputla ang dry na balat! Iyong dextrose mo pa noon ay saliwa at wala man lang nag-aasikaso!"
May sumilip ng luha sa gilid ng mga mata ni Mommy.
"Sobrang sama ng loob ko noon, Zandra. Kasi iyong prinsesa ko na iningatan ko mula pagkabata, alaga sa mahal na sabon, lotion, tapos naka-aircon pa, madadatnan ko lang nang ganoon!"
"I'm sorry, Mommy..."
Tumihaya si Mommy at nagpunas ng luha. "Kaya nang dumating iyong lalaking iyon sa ospital at hinahanap ka, sa tindi ng galit ko, nasampal ko."
Sinampal niya si Miko?
"Sabi ko pa, sino ba itong payat na lalaking ito na mukhang puyat at gutom? Ito ba ang umagaw sa anak ko sa akin? Anong ibubuhay nito sa anak ko? Pinagsasampal ko, pinagsalitaan ko ng kung anu-ano. Lahat ng galit ko, pinakawalan ko."
"M-Mommy..." I remembered Miko's appearance. Namayat nga talaga ang lalaki. That same day, I was sure he hadn't had enough sleep. I didn't even know if he had eaten anything.
Tumulo ang luha ni Mommy. "Pero anak, nakonsensiya rin ako. Kasi lahat ng pananakit ko at masasakit na salita, lahat iyon ay walang imik niyang tinanggap. Ni hindi niya ipinagtanggol kahit kaunti ang sarili niya."
Napabangon na ako. "Mommy, ano ang sinabi niyo noon kay Miko? Bakit noong sinundan ko siya sa Buenavista ay itinaboy niya na ako?!"
Mommy looked at me. "Pinaalala ko lang sa kanya kung sino at ano ka bago ka niya kunin sa amin. At ipinamukha ko sa kanya kung ano na ang itsura at kalagayan mo nang nasa kanya ka na. Sapat na iyon para magising siya sa katotohanang masisira lang ang buhay mo sa kanya."
Bumangon din si Mommy. Nagpunas siya ng luha.
"May pride ang lalaking iyon. Ang sabi niya, babawi siya sa 'yo. Ang sagot ko, kailan pa? May pambili ba siya ng gatas ng anak niyo? Pambili ng vitamins? Mga damit at gamit? Kaya ba niyang palagyan ng aircon ang tinitirahan niyo, para hindi kayo mainitan ng apo ko? E may balance pa nga kayo sa ward na ako pa ang nagbayad!"
Nangingilid ang mga luha na umiling ako. "Mommy, hindi niya ako ginutom..."
"Pero hindi ka niya pinakain ng masasarap!"
"Inalagaan niya po ako..."
"Pero hindi ka niya binigyan ng kaginhawaan!"
"Hindi niya ako po pinabayaan..."
"Pero iniwan ka niya sa huli!"
Napasubsob ako sa mga palad ko at doon impit na umiyak. Bakit ba namin ito pinag-uusapan? Bakit ngayon pa na nandito na kami?!
"Iniwan ka ng lalaking iyon dahil sinabi kong hindi siya nararapat sa 'yo. Na pahihirapan ka lang niya. Na kung gusto ka talaga niyang makasama, dapat ayusin niya muna ang buhay niya. Dahil hindi na lang ikaw ang pahihirapan niya. May bata nang madadamay sa paghihirap niyong dalawa!"
"M-mommy, bakit mo ito sa akin ngayon sinasabi?" garalgal kong tanong.
Matagal bago nagsalita si Mommy. "Zandra, nandoon pa naman ang bahay natin."
Naguguluhang nagpunas ako ng luha. "P-po?"
Umiwas siya sa akin ng tingin. "Makakabalik ka pa rin naman siguro sa trabaho mo. Iyong trabaho na talagang kursong tinapos mo. Iyong propesyon na gusto mo. Alam ko na kakayanin mo rito sa Canada, pero ako ay hindi na kayang magtiis na nakikitang nahihirapan ka. Hindi ko na kayang hintayin kung kailan ka pa rito aasenso"
"M-mommy, naman..."
"Nabili na pala ang restobar natin," sabi niya na ikinagulat ko. "Zandra, May pera na kung gusto mong umuwi."
I didn't get to ask Mommy anymore because she had already laid down and closed her eyes. I just looked up as tears streamed down my face. Napapatanong na lang ako, kung bakit ngayon?
Bakit ngayon ko pa nararamdaman ang ganito?
My phone vibrated, and I cried even more when I opened it. Pumasok na ang sustento ni Miko ngayong buwan. Thirty thousand pesos.
Umalis man kami ng bansa, walang nagbago sa padala. Hindi tumigil, hindi pumalya. Sa loob ng pitong buwan namin dito, ganito ang buwan-buwan na natatanggap ko mula sa ama ng anak ko...
HINDI AKO NATULOY SA SIDELINE KO.
Tumawag iyong dapat paglilinisan ko ng bahay, tinawagan pala sila kanina ni Mommy. Inaway. Napasentido na lang ako.
Kakaiba talaga ang mga trip ni Mommy. Minsan ay nakakainis siya, nakakaubos ng pasensiya, at nakakagalit talaga. Pero iniisip ko na lang palagi na meron siyang dahilan na hindi ko lang talaga maintindihan. At kung ano man ang dahilan na iyon, ako lang naman ang iniisip niya.
Iba-iba lang talaga ng pag-iisip at paraan ang mga magulang, pero iisa lang lahat ang ipinaglalaban nila. Mga anak nila.
Dahil wala akong trabaho at ayoko na magkasalubong kami ni Mommy. Dahil tao lang naman kasi ako, napipikon din, kaya nagkulong na lang muna ako sa kuwarto kasama ang anak ko.
Busy si Baby Mateo sa pagsipsip sa tsupon nito habang nanonood sa sa tablet na bili rito ng kuya ko. Ang ipinapanood ko rito ay mga low stimulating shows para sa mga bata, katulad ng Trash Truck, Curious George, Storytime book, at Bluey.
Tapos na ako magtupi ng mga damit kaya naisipan ko na magbukas ng Internet sa phone.
I activated my account that had been inactive for months. Minsan ko lang ito i-activate para di tuluyang mabura, at idine-deactivate ko rin agad. Naka-private ako at kakaunti lang ang friends, dahil hindi naman ako sa bilang nagba-base.
Posts popped up in the feed. Mga hinanaing sa trabaho ng mga katrabaho ko, mga eat-out ng ilang kakilala, at ang shared post ng kinakapatid kong si Isaiah.
Kapansin-pansin lang kasi akala ko ay patay na account na ang account ni Isaiah, dahil walang photo, pero active pa pala.
The photo of Isaiah's shared post was the first thing I noticed. Ang design ay neon lights, band instruments, at mga snacks and drinks. Graffiti iyong style ng lettering kaya di ko masyadong tiningnan dahil mas na-focus na ako sa caption niya.
Isaiah Gideon DV: FB friends, you know the drill. Pa-like and share. Pili ako ng swerteng nilalang na isha-shout out ko.
There were so many reactions. Naka-feature iyong unang comment na galing kay Asher, kasi mutual friend ko ito kay Isaiah.
Asher James Prudente: Ulol, makakain ba iyang shoutout mo? But done liking and sharing. Pa-shoutout, paps!
Ang ibang nag-comment ay mga babae na. Katulad nitong Patrice Lim: Wow, nice restobar. Sarap ba drinks diyan?
Doralyn Babie Mo: Done poh, Isaiah. ^.^v
Marami na ring iba pang like, share, at comment. Si Arkanghel ay naka-like na rin pero hindi nag-comment. Masyado na talaga itong seryoso sa buhay, e.
May isang comment ako na nakita. Hindi naman iyon ang sadya ko sa comment section pero nakita ko.
Michael Jonas Pangilinan: Thanks, Papi. Labyu.
One of my eyebrows raised. Why was he thanking Isaiah?
I was curious about the post so I looked at the page. Nandilat ang aking mga mata nang makita kung ano. Page ng isang restobar— ng "Kiss Bar" !
Our restobar already had a page? I mean, iyong dating restobar namin?! Pero sino ang nakabili? Kailan pa? At bakit hindi pinalitan ng pangalan?!
The realization hit me like a meteor hitting the ground. Nayanig ako. Ang phone ko ay aking nabitiwan.
Hindi ko na kailangang magtanong dahil alam ko na. Ang nakabili sa restobar... Walang iba kundi siya lang! Si Michael Jonas Pangilinan!
>> Up next: The Final Chapter
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top