Chapter 6
GRADE 12.
Ang bilis ng panahon. Graduating na ako ngayong taon. About having a boyfriend, hindi ko na iyon one of stressors ngayon. Hindi na ako apektado ng pressure na dapat bago maka-graduate ay makaranas munang magka-BF. I came here to study, make my parents proud, and, of course, enjoy my teenage years, but with limitations.
May limitasyon ako sa sarili, pero hindi ibig sabihin na wala na dapat inspirasyon. Ang tamis ng ngiti ko habang naglalakad papunta sa school.
Wala pang gaanong estudyante dahil maaga pa. Maaga ako dahil nga inspirado.
Sa silong ng isang saradong tindahan ay natanaw ko ang matangkad na lalaking nakatayo. Basa pa ang buhok, bagong paligo, pero mukhang hindi nagising ng tubig dahil naghihikab pa. Si Michael Jonas Pangilinan o 'Miko'. Pakalat-kalat talaga palagi ang lalaking ito.
In fairness, naka-black siya shoes ngayon. May polo rin siya kaya lang ay hindi pa niya suot. Naka T-shirt pa rin siya at nakasampay ang polo sa kanyang balikat. Monday nga pala ngayon. May flag ceremony. Gaya ng term niya na madalas gamitin: may checkpoint.
Nang malapit na sa kanya ay binati ko siya. "Hi, my delinquent friend!"
Napaungol siya pagkakita sa akin. Mukhang antok pa nga dahil namumungay pa ang mga mata.
Huminto ako sa harapan niya. "Bakit ang aga mo? Mukhang inaantok ka pa, ah?"
"Umalis nang maaga si Mommy sa bahay, nagising ako tapos hindi na ulit nakatulog. Ang kaso, kung kailan umaga na, saka naman ako inantok amputa!"
Three years na kaming friends ni Miko kaya alam ko na rin na kahit maangas siya sa school ay mama's boy siya. Madali lang naman din kasing mahalata, pag palagi mo siyang nakakasama ay mapapansin mo na palaging bukang-bibig niya ang kanyang mommy.
Isinuot niya na ang polo. "Tangina, bakit kasi Monday ngayon?!"
He cursed again. Yes, this was him. Michael Jonas Pangilinan the curse machine.
Noon ay naaalibadbaran ako sa tuwing nagmumura siya, pero ngayon ay sanay na ako. Nasanay na rin ako sa marami pang nakaka-turn off na pag-uugali niya, like he was tamad, nag-i-smoke, at ang bata-bata pa pero lasenggo na. Oh, may isa pa, malandi siya at easy-to-get!
Naiintindihan ko ang mga girls na nagkakagusto sa kanya, dahil kahit saang anggulo ay guwapo siya. Malakas ang dating niya at maangas. At kapag minor ka na mahilig sa bad boys, malaki ang tsansa na magugustuhan mo talaga ang lalaking ito. O baka mabaliw ka pa nga.
Kadalasan sa ganitong edad, nauunang ma-attract sa panlabas na itsura, sa matatamis na salita, at sa pambubuyo ng nakapaligid sa inyo. Dagdag pa ang mga lason na lovesong na paniniwalain kang in love ka, kahit hindi naman talaga. Tapos matatabunan na ng pagkahumaling mo roon sa tao iyong mga bagay sa kanya na hindi magaganda. Hanggang sa wala nang atrasan pa dahil na-trap ka na. Ganoon kadelikado ang teenage love.
But I marked myself: SAFE!
Thanks to this handsome delinquent. He was my eye opener. Iminulat niya ako sa tamang guy na dapat kong gustuhin.
Sumabay na siya sa akin sa paglalakad papunta sa gate. Habang naglalakad ay hinila niya ang bag ko. Alam ko na agad ang ibig sabihin. Manghihiram siya ng salamin. Yup, kabisado ko na talaga ang galawan niya.
Ihinarap ko sa akin ang bag ko saka kinuha ang puple na compact mirror, at inabot sa kanya. Walang salita na tinanggap niya naman saka na siya nanalamin habang naglalakad. Umanggulo siya sa salamin nang ilang ulit. Oo na, guwapo na nga. Galawang patapon lang talaga.
Matapos niyang sipatin ang sarili sa salamin ay ibinalik niya iyon sa akin nang wala ulit salita. Wala kahit labas sa ilong na 'thank you'. O di ba? Patapon na nga, wala pang utang na loob.
Pagdating sa gate ay tinanong ko siya. "Hey, kasama niyo si Arkanghel kahapon sa bilyaran, di ba? Nag-text sa akin iyong mama niya e, hinahanap siya. Akala ay kasama ko."
"Pag ganoon ay pagtakpan mo na lang," tamad namang sagot ni Miko.
Hinampas ko siya sa balikat niyang malapad at matigas. "Basta make sure niyo lang na wala kayong gagawing kalokohan. Wag kayong makikipag-away sa bilyaran!"
"Hindi. Saka kung sakali man, hindi iyon sasali. Takot niya lang sa mama niya."
Alam ko rin naman iyon. Sobrang laki ng respeto ni Arkanghel sa mga magulang, kaya nga crush na crush ko ito. Habang nag-aaral nang mabuti for better and more chances of winning sa future ay patuloy ang pagkaka-crush ko rito.
Wala na talaga sa akin kahit pa hindi mayaman si Arkanghel. Hindi porke't iyon ang sitwasyon nito ngayon ay ganoon na ito habangbuhay. Walang imposible basta may pagsisikap, diskarte, at higit sa lahat ay mabuting tao.
May dumaang dalawang grupo ng girls. Iyong isang grupo ay may babae roon na namumukhaan ko. Siniko ko si Miko. "Is that your ex? Ang sama ng tingin sa 'yo, oh!"
Tamad na tumingin naman siya. "Saan diyan?"
"Ayan, di ba?"
"Ah, akala ko iyong naunang dumaan." Napakamot siya sa kanyang makinis na pisngi. "Ex ko rin kasi."
Nahampas ko ulit siya. Okay lang naman sa kanya. Kung sanay na akong abnormal siya, ay sanay na rin siyang maiksi ang pasensya ko sa ka-abnormal-an niya.
"Ay, teka." May naalala siya. "Bibili ako chewing gum. Una ka na sa loob."
Tinaliman ko ang tingin sa kanya. "Weh?!"
"Oo nga. Saka, parating na si Arkanghel, ka-text ko kanina. Abangan mo na lang sa bench." Itinulak niya na ako sa balikat. "Dali, parating na iyon. Mag-retouch ka. Iyong nilalagay sa mukha, make up! Tapos, silipin mo braces mo baka may tinga ng ulam niyo kagabi!"
"What? Anong tinga?!" Hindi ko na siya nahampas kasi nanakbo na siya. Napapadyak na lang ako sa inis.
Pero tama si Miko. Saglit nga lang ay dumating na si Arkanghel, kaya lang ay hindi ito nag-iisa. Kasama si Isaiah. Tapos mayamaya ay dumating na rin ang iba pa nilang mga kaibigan. Sa bench sila tumambay. Dahil hindi pa bell ay nakisali ako sa kanila.
Sa mga nagdaang taon na crush ko si Arkanghel ay nakakasalamuha ko na rin pala ang tropahan nila. Apat silang boys, siya, si Isaiah, at sumunod na pinakabata sa kanila na sina si Miko at si Asher. May naging ka-tropa rin silang mga babae, iyong Carlyn at Nelly, pero silang mga boys ang palaging magkakasama.
Nakilala ko na rin pala at nakasama tumambay dito sa bench ang GF ni Isaiah na si Vivi na super pretty and mahinhin, but simpleng malambing, and Asher's GF, Lai, na super kind, smart, and shy.
Ang hindi ko na lang nakaka-bonding ay GF ni Miko, kasi nga kumbaga sa NPA na 'No Permanent Address' ay no permanent relationship siya. Kung sino ang magkakagusto sa kanya, basta trip niya rin, ay automatic na GF na agad niya. Tapos magbi-break din agad sa walang kakuwenta-kuwentang dahilan.
Sa tropahan nila ay si Arkanghel na lang talaga ang hindi nagkaka-girlfriend. He was still a snob, not only to me, but also to other girls. Pero kahit ilag siya sa akin ay hindi naman niya ako lantarang itinataboy. Gentleman nga kasi, kaya mas lalo ko pa siyang nagustuhan.
Pagdating ni Miko ay mukhang gising na ang kanyang kaluluwa. "Mga repa!"
Maliksi na siya at hindi na naghihikab. Mukhang hindi lang siya basta bumili ng chewing gum, mukhang yosi talaga ang dahilan. Inirapan ko siya pagdaan niya sa aking harapan. Nginisihan niya lang naman ako dahil alam niyang buko ko na siya.
Nakiumpok na rin siya sa bench. Nakipagkulitan. Ang pinakabata sa kanila, bata kay Miko ng buwan, na si Asher ay ang aga-aga pa pero mainit na ang ulo. Nagyayaya ng laro sa phone. Mukhang inip na inip na sa buhay.
"Dali na. G na!"
Si Miko na naiirita. "Teka lang, excited ka namang mabuhat!"
Tapos iyon, puro trashtalk-an na ang maririnig mo sa kanila. Puwera syempre kay Arkanghel baby ko na bagaman nanggigigil din sa phone, ay behave lang.
Dahil hindi ko nasolo si Arkanghel kaninang umaga ay sa lunchbreak ko ito hinanap. Nag-text ako kay Miko para alamin kung nasaan si Arkanghel, nag-reply naman agad siya kung nasaan ito.
Sa canteen daw. Tama nga, dito ko natagpuan si Arkanghel na bumibili ng Sugo na mani.
"HI, ARKI!"
May own pet name na pala ako kay Arkanghel. Blangko naman ang mga mata ng lalaki nang tiningnan niya ako.
"Arki, pumunta pala ulit iyong papa mo sa amin kagabi. Akala ko kasama ka, hindi pala. Bumaba pa naman ako. Sayang, hindi mo nakita iyong bagong pantulog ko. It's a partnered purple pajamas. You know my favorite color is purple—"
Naglakad na siya paalis. Nagpa-panic na napahabol naman ako. "Arki, wait! Are you angry with me? Nangutang ulit iyong papa mo sa amin kagabi, but I'm sorry dahil hindi napautang nina Daddy, kasi naubusan kami ng cash, e!"
Tumango lang siya, tapos tinalikuran na naman. Shy type pa rin ba ang ganoon?!
Nagpupuyos ang loob ko. Three years na pero ganyan pa rin si Arkanghel sa akin. Dito na naman tuloy ang bagsak ko sa bench.
Twenty minutes before bell nang dumaan si Miko. May kaakbay na girl. Nang makita ako ay pinauna niya iyong girl. "Teka, doon ka muna. Sad girl ang pinsan ko."
Napalabi ako. Kalat na talaga na pinsan niya ako. Pero okay lang, at least ay hindi na ako iniirapan ng mga babae niyang haliparot siya. Pagkaalis ng kanyang GF of the day ay saka niya ako nilapitan at tinabihan sa bench.
Yumuko siya para silipin ang mukha ko. "Anyare? Bakit sad girl ka na naman?"
"Bakit ganoon siya sa akin? Bakit palagi na lang siyang cold?"
Na-gets niya na agad kung sino ang tinutukoy ko. Isa lang naman ang pinagkakaganito ko sa loob ng tatlong taong nagdaan. Napabuga siya ng hangin. "Baka kulang lang sa tulog."
Napapadyak ako habang nakaupo. "Is that really the reason?!"
Napakamot siya sa kanyang makinis na pisngi. "Oo, palaging puyat iyon, e. Tanong mo pa kay Isaiah. Di nga raw natutulog iyon hanggang hindi pinapatayan ng WiFi."
Lumabi ako muli. "May iba ba siyang nagugustuhan? May alam ba kayo na hindi ko alam?"
Napaisip siya, tapos umiling. "Wala naman. Kami lang kasama niya lagi."
Yumuko ako at mahinang nagsalita. "You know, I like Arki so much. Minsan, kahit parang ayaw nang pautangin ng daddy ko ang papa niya, kasi di sila makabayad nang ayos, ay ako ang namimilit na pautangin pa rin sila. Lalo na kapag ang utang ay para sa baon niya or for school projects."
Alam ni Miko ang tungkol sa pangungutang ng parents ni Arkanghel sa parents ko, naikuwento ko na rin sa kanya. Mas nakukuwento ko pa sa kanya kaysa sa best friend kong si Faye. Siya kasi ay never akong sinermunan o hinusgahan.
Nagpatuloy naman ako sa paglalabas ng sama ng loob. Kahit parang lagi siyang sabog kausap, at least ay nakikinig siya sa akin nang walang panghuhusga. Lahat din ng sinasabi ko sa kanya ay hindi niya sinasabi sa iba.
Napahikbi na ako sa frustration. "Pero bakit ganoon? Bakit ang ilap pa rin ni Arkanghel sa akin? Ni hindi niya man lang ako naa-appreciate!"
Ang malaking kamay ni Miko ay humawak sa aking ulo dahilan para mapatingala ako sa kanya.
Ang kaninang walang pakialam na kislap ng mga mata niya ay nagbago. Madilin na ang kislap ng mga ito. "Di ba palaging umuutang ang parents niya sa parents mo? Tapos gusto ka pa ng parents niya, kaya anong inaalala mo?"
Nahahati ako pag-iisip sa sinabi niya at sa nakikita ngayon sa kanyang mga mata. Parang sa isang iglap, wala na iyong Miko na maligalig. Like he was now a different person.
Napalunok ako bago nakapagsalita. "P-pero paano kung hindi pala talaga ako gusto ni Arkanghel?"
"Kaya susuko ka na?" Kasing seryoso ng boses niya ang madilim na kislap ng kanyang mga mata. "Ikaw na rin ang nagsabi, mabuting anak siya, di ba?"
Muli akong napalunok.
"Zandra, ang dali lang ng paraan kung gusto mo talaga."
Yumuko si Miko at inilapit ang bibig sa aking tainga. May ibinulong siya na ikipinanlaki ng aking mga mata. Nakaalis na siya at mag-isa na lamang ako sa bench pero tigagal pa rin ako.
Alam ko na may itinatago si Miko, na hindi siya palaging masaya lang, tamad, at magulo. Like he was hiding something dark inside him.
Although I was aware that he had this side, I had almost forgotten about it since I was no longer seeing it. Ang nakikita ko na lang kasi sa mga nagdaang taon ay iyong side niya lang na gusto niyang ipinapakita. Minsan tuloy ay naiisip ko na mali lang ako, pero ngayon ay napatunayan kong hindi.
Yumuko ako at pumikit nang mariin. Nang magtaas ulit ako ng mukha ay puno na ng determinasyon ang aking ekspresyon. Pa-martsa na bumalik na ako sa room. Doon ko pinag-isipang mabuti ang mga sinabi ni Miko, hanggang sa makabuo ako ng desisyon.
SASABIHIN KO NA SA PARENTS KO NA MAY GUSTO AKO KAY ARKANGHEL!
Feeling ko ay aware na si Daddy, dahil sa madalas kong pakikiusap sa kanya na pautangin pa rin ang papa ni Arkanghel sa tuwing nangungutang ito sa amin, kahit hindi pa bayad lahat ang iba nitong utang.
Kay Mommy naman, hindi nito gusto si Arkanghel sa dahilang mahirap lang ang lalaki at palautang pa ang mga magulang. Gayunpaman, hindi maitatago ni Mommy ang paghanga nang malaman kung gaano kabait na anak si Arkanghel.
May tiwala si Mommy kay Arkanghel, kaya nga inutusan nito si Daddy na sabihan si Arkanghel na tingnan-tingnan ako sa school. Simply put, pinagkakatiwala nila ako kay Arkanghel.
Sure din ako na ikatutuwa ng parents ni Arkanghel kung malalaman ng mga ito ang feelings ko. His parents liked me so much. Sabi pa nga ng mama ni Arkanghel ay magsumbong lang daw ako kapag inaway ako nito, o kaya ay nambabae ito.
Excited na akong sabihin kina Mommy at Daddy na gusto kong maging kami ni Arkanghel. Mabait, magalang, at masipag si Arkanghel kaya for sure they would agree, kaysa mapunta pa ako sa iba. Gusto ko na kausapin nila ang parents ni Arkanghel para ipagkasundo na kami.
Wala namang girlfriend si Arkanghel, wala akong nalalamang dinidikitan niyang babae, maliban doon sa girl na chubby na nag-transfer na sa Bulacan tatlong taon na yata ang nakararaan. Wala na ngayon. As in wala na talaga, so walang problema. Kung magi-girlfriend lang din siya, e di ako na!
Hindi naman lugi si Arkanghel sa akin. Pretty, matalino, masipag mag-aral, at galing pa ako sa buena familia. Pag naging kami ay hindi na rin problema ang utang ng parents niya, tapos tutulungan pa siya ni Daddy na makaipon for his tuition fee in college. He could work at our bar as a singer and guitarist.
Ngingiti-ngiti ako habang sa isip ay pinasasalamatan si Miko. Bakit ba kasi ngayon ko lang din naisip ito? Kung gugustuhin ko ay puwede naman pala talaga!
NASA KUWARTO SINA MOMMY AT DADDY PAG-UWI KO. Nakapagtataka lang dahil madalas na sumasalubong sila sa akin, bakit ngayon ay hindi? Nakalimutan ba nilang uwian ko na from school?
Umakyat ako sa second floor ng bahay namin. Isang dipa pa lang ang layo ko sa kuwarto nila ay aking naulinigan na ang usapan sa loob.
Boses ni Mommy ang una kong malinaw na narinig. "Kung hindi ko pa nakita ang resibo ay hindi ko pa malalaman na nagpadala ka roon ng ganoon halaga! Kailan pa, ha, Zoren?! Kailan ka pa sa akin nagsisinungaling?!"
Napatda ako sa kinatatayuan. Were they fighting? Were they really fighting? My perfect parents?!
"Jesela, naman!" Kahit ang boses ni Daddy na palaging mahinahon ay ngayo'y mataas at kakakapaan ng iritasyon. "Pera lang ito, pag-aawayan pa ba natin?!"
"Bakit hindi?!" sigaw ni Mommy. "Nagpapadala ka pala ng pera doon, pero hindi mo sa akin sinasabi! Shit naman, Zoren, nakita ko ang resibo ng ipinadala mo! Fifty thousand pesos!"
"Ngayon lang ulit ako nagpadala! Ngayon lang! At kung sasabihin ko naman sa'yo, sigurado namang hindi ka papayag!"
Nahinto sila pagtatalo nang mabitiwan ko ang aking payong sa sahig. Napaatras naman ako agad bago sila lumabas. Sakto na paglabas ni Mommy ay nasa may hagdan na ulit ako.
"Zandra!" gulat na bulalas ni Mommy. "Kanina ka pa?"
"Kararating ko lang po," pagsisinungaling ko sabay pilit na ngiti.
Lumabas din si Daddy mula sa pinto. Akala mo ay walang nangyari. "O Zandra, nandito ka na pala. Gutom ka na ba? May nilutong pancake ang mommy mo."
"Oo nga, anak, may niluto ako," sabi ni Mommy na ang lambing na ng ekspresyon. Humawak pa siya sa kamay ni Daddy. "Sabay-sabay na tayong pamilya na mag-meryenda."
Sa kitchen habang kumakain ay palihim akong nakamasid sa kanila. Wala na kahit anong bakas ng pag-aaway nila kanina. Parang wala talagang naganap na sigawan, sumbatan, at pagtatalo tungkol sa pera.
Pero sino ba ang pinag-uusapan nila kanina? Sino ang pinadalhan ni Daddy ng fifty thousand pesos sa Maynila?!
"SAD GIRL KA NA NAMAN."
Napaangat ang mukha ko mula sa pagkakayuko. Naglalakad ako sa mahamog na daan ng Brgy. Pinagtipunan papunta sa school nang may sumabay sa akin sa paglalakad. Isang matangkad na lalaking mabango, pero may humahalong ibang amoy. Amoy sigarilyo.
Napanguso ako. Si Michael Jonas. Ang aga na naman namin pareho. Solo pa nga namin ang daan. Siya ay malamang na nagmaaga dahil bored lang, o kaya ay maaga na namang umalis ang mommy niya na isa nga palang police woman.
Habang ako naman ay ang aga-aga rin. Parang bigla kasi ay ang bigat-bigat ng pakiramdam sa bahay namin. In denial pa rin ako sa naabutang tagpo sa bahay kahapon. Gusto ko munang ibaling sa iba ngayon ang aking atensyon.
"I will do it." Huminto ako sa paglalakad at hinarap si Miko. "Gagamitin ko iyong mga magulang namin ni Arkanghel para tulungan siyang ma-realize na nang maaga na kami ang para sa isa't isa!"
Huminto rin siya sa paglalakad. Nasa gitna kami ngayon ng daan kung saan solo namin at walang katao-tao, dahil kahit ang mga maliliit na tindahan sa tabi ay nananatili pa ring sarado.
Nakatingin lang sa akin si Miko, nakangiti nang normal na ngiti niya, but I knew better. This two-faced guy was proud of me.
"But what if... After everything ay hindi pa rin pala kami ni Arkanghel?"
Ang kislap sa mga mata ni Miko ay unti-unti na namang nagbago. And again, I was seeing the hidden side of him. "Okay lang sa 'yo na sa huli ay sa iba siya mapunta?"
Mapupunta si Arkanghel sa iba? I-imagine pa lang ay ayoko na. Ito ang perfect guy for the perfect Zandy. Ayaw ko na maghanap pa ng iba, kasi baka magkamali lang ako. Saka kami ni Arkanghel iyong para sa isa't isa, kaya bakit ito mapupunta pa sa iba?!
Nagpatunog ng dila si Miko. Tila ako ginising niyon. Napatingala ako sa kanya habang siya ngayon ay nakayuko at ang malamig na mga mata ay nakatunghay sa aking mukha.
"Ano, Zandra? Hindi okay sa 'yo na mapunta siya sa iba, di ba? Hindi ka papayag, di ba?" His tone was serious but it had a hint of provocation, as if he was a demon whispering to me and tempting me to sin.
"H-hindi ko naman kasi hawak ang feelings ni Arkanghel. Pero kung ako ang tatanungin, ayoko na mapunta siya sa iba..."
Ngumisi siya sa akin. At bigla akong kinabahan.
"E di pag talagang ayaw niya sa 'yo..." Lalong dumilim ang kislap ng mga titig niya. "May tropa ako sa may Pabahay na out of school youth at bagong labas ng kulungan. Kung gusto mong ipatira si Arkanghel, walang makakaalam."
Sukat ay nanlaki ang mga mata ko.
Ngumiti si Miko at pinisil ang pisngi ko. "Di ba ayaw mo siyang mapunta sa iba kung di lang din sa 'yo? Kaya isang sabi mo lang, Zandra. Para saan pa't naging pinsan mo ako?"
jfstories
#BadLoverbyJFstories
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top