Chapter 4
BAKIT KO SIYA IISIPIN?
Mabuting anak ba siya sa parents niya? Matalino ba siya? O kahit paano ay masipag man lang ba siyang estudyante? Iyon na lang ang standards ko, pero bagsak siya sa lahat ng iyon, kaya bakit ko siya iisipin?
Binawasan ko na iyong standards ko, wala na iyong mayaman. Naniniwala kasi ako na basta matalino, masipag, at madiskarte, at syempre ay mabait kang tao, ay aasenso ka rin sa buhay mo. But Michael Jonas Pangilinan didn't have any of it. He had a gorgeous face and nice body, but that was all.
Paggising ko sa sumunod na araw ay napanguso ako nang mapatingala sa pader sa may taas ng aking headboard. Naroon nakasabit ang lavender dream catcher. Kumiskislap-kislap iyong ilang pirasong beads niyon sa paligid. Oh, cutie!
Dinala ko nga pala iyon pauwi, dahil hindi ko na siya nahabol kahapon para iyon isauli. Ang bilis niya kayang maglakad tapos ang hahaba pa ng biyas niya, anong laban ko roon, di ba? So akin na itong dream catcher!
Pagpasok sa school ay naghahanap na agad ang mga mata ko dahil kadalasan naman ay maagang pumapasok ang lalaking iyon. Hindi naman ako nabigo dahil natanaw ko siya agad. Nakatayo siya sa papasok sa canteen habang nagsi-cellphone.
Naglakad palapit sa kanya. Tatawagin ko na siya kaya lang ay may nauna na sa kanyang tumawag. Babae na naman. "Hi, Michael Jonas!"
Pag-angat ng mukha niya rito ay matamis na ngumiti siya agad. Ang aking balak na paglapit ay hindi ko na naituloy. Ang aga-aga, bigla na lang akong naalibadbaran!
NAKASIMANGOT AKO HANGGANG FIRST BREAK. Hindi ko alam kung bakit ako naiinis. Siguro dahil thirty na naman kasi ang baon ko.
Mabuti na lang dahil sa aking paglabas ay nakita ko si Arkanghel sa canteen. Para itong literal na anghel na lumiliwanag habang naglalakad.
A good child. Nabanggit ng daddy ko kay Mommy noong nag-uusap ang mga ito na mabuting anak daw si Arkanghel. Kapag mabuting anak, mabuting tao na rin agad. Oo, ganoon nga. Dahil saan ba nagsisimula ang kabutihan? Saan pa nga ba kundi sa loob ng tahananan!
Si Arkanghel sana ang gusto ko kung magbo-boyfriend ako ulit. Ito na rin sana forever, dahil ayaw ko nang papalit-palit. Bagay rin kami dahil pareho kaming mabait. Pero hindi naman ako nagmamadali. We could start as friends, study buddies, and soon, after we graduate from college, we could finally become lovers.
Ang kaso lang, masyadong mailap si Arkanghel. Gusto ko sana na ngayon pa lang ay magsimula na kami as friends. Ang tanong nga lang, paano ako nito mapapansin?
"MAY GUSTO KA KAY ARKANGHEL?"
Muntik akong mapatili dahil biglang may magsalita sa gilid ko. Nanlaki yata pati butas ng ilong ko nang ang malingunan si Michael Jonas Pangilinan o 'Miko'. Ang angas na naman niya. At parang wala yatang pagkakataon na walang nginunguyang bubble gum sa bunganga.
Ngumisi siya at pumalatak. "May gusto ka nga."
Napipi naman ako.
Namulsa siya at sinulyapan si Arkanghel na ngayon ay papasok na sa canteen. "Gusto mo bang tulungan kita kay Arkanghel?"
Parang pumalakpak ang tainga ko sa narinig. Really, he would help me? But why would he?!
Siniko niya ako. "Ano, gusto mo ba?"
Tempting. Kahit maging friend lang ako ni Arkanghel ngayon ay puwede na para makilala na namin ang isa't isa. Nahihiya na sumagot ako. "Uhm, sige..."
Lalong lumawak naman ang pagkakangisi ni Miko. But what he had said next shattered my dreams. "Ayoko."
"Ano?!" Halos magtalsikan sa mukha niya ang laway ko. "E, bakit mo ako tinatanong?!"
Nagpunas naman siya ng panyo niya sa kanyang mukha, habang nakangisi pa rin. "Wala lang, gusto ko lang malaman kung gusto mong magpatulong. Pero wala talaga akong balak tulungan ka."
Tigagal ako. Was this guy for real?!
Ang kaninang nakakabuwiset niyang ngisi ay wala na. Pati mga mata niya ay malamig na. Nilampasan niya na rin ako na wala man lang pasabi. Gigil na gigil naman ako sa pagkaasar. Imbes babayaran ko siya sa limang piso niya ay parang ayaw ko na!
Paglabas ni Arkanghel sa canteen ay kasama niya na ang salbaheng si Miko. Tumambay sila sa gilid. Si Miko ang nakaharap sa gawi ko at si Arkanghel ay bahagyang nakatagilid. Nag-uusap sila na hindi ko naririnig. Ano ang pinag-uusapan nila? Hindi naman siguro ako?
Nang mapatingin sa gawi ko si Miko ay ngumisi ito nang makitang nandito pa rin ako. Sinimangutan ko sana siya nang bigla ay walang sabi-sabing dinaklot niya ang puwet ni Arkanghel. What the?!
He was still grinning while his hand was still on Arkanghel's ass. Si Arkanghel naman ay parang wala lang. Ano ba? Takot ba ito sa kanya kaya kahit hina-harass niya ay nagtitiis lang?!
Agh, it was clear as crystal! Napakabalahura ni Michael Jonas Pangilinan!
LUNCH BREAK. Ten minutes before the bell.
Pawisan ako paglabas ng banyo. Irregular ako, pero handa naman ako palagi. Nagbaon ako ng panty liners just in case. Ang hindi ko lang inaasahan na first day pa lang ay ang lakas agad ng dugo ko. Siguro lumakas dahil bumili ako ng one cup ng tinging Coke kanina sa labas.
How could I buy a napkin? I only had three pesos in my purse. Kung uuwi naman ako ay hindi na kayayanin, dahil kaunting minuto na lang ay magbi-bell na.
Hindi rin ako puwedeng mangutang sa best friend kong si Faye. Ubos na baon niyon at pamasahe na lang ang natitira dahil bumili ito ng formal theme. Ayaw ko namang mangutang sa iba dahil alam ng aking mga classmates na rich kid ako.
Nag-crossed fingers ako at umusal na lang paulit-ulit habang naglalakad. 'Hindi ako tatagusan, hindi ako tatagusan.'
"MISS, MAY TAGOS KA!"
"Ha?" Napalingon ako sa mga estudyanteng babae na nadaanan kong nakaupo sa bench. Nakatingin sila sa likuran ng palda ko!
Anong gagawin ko? Anong gagawin ko? Hindi ako puwedeng bumalik sa classroom na ganito. May mga makakakita sa akin sa daan. Napatakbo ako pabalik sa banyo dahil doon mas malapit at wala gaanong tao.
Sa loob ay pabalik-balik ang lakad ko. Kahit kusutan ko ang aking palda rito ay balewala rin, dahil tatagusan lang ako ulit. Wala na akong liners dahil naubos ko na. Hindi ko akalaing kahit iyong aking huling pinagpatong-patong ko ay tatagusin din pala.
Hindi naman puwedeng tissue. Should I ask for help? Kanino?
Sumilip ako sa labas ng pinto ng banyo, sakto na bumukas ang pinto sa kabila, iyong sa mga boys. Namilog ang mga mata ko nang makita na ang matangkad na lalaking lumabas doon ay walang iba kundi si Miko!
Hindi niya ako nakikita dahil abala siya sa pag-double check sa zipper ng pants niya. Pagkatapos makatiyak na okay na ay maglalakad na sana siya paalis nang sitsitan ko siya. Napalingon-lingon siya sa paligid pero wala siyang makita. Sumitsit ulit ako. Napalunok na siya.
"Pst!" Nilakasan ko na ang sitsit ko. Doon na siya napalingon sa gawi ko.
Muntik siyang madulas sa gulat nang makitang nakasilip ang mukha ko sa pinto. "Tangina naman!" bulalas niya habang hawak ang dibdib niya. "Bakit nakasilip ka riyan?!"
"I need your help!"
Napalapit siya. "Anyare sa 'yo? Natae ka ba?"
"Hindi!" gigil na tanggi ko. Seryoso ba siya na itanong iyon sa isang girl na katulad ko?!
Napakamot siya ng daliri sa isa sa makakapal niyang kilay. "E ano?"
"Uhm, ano, e..." Should I tell him ba? What if pagtawanan niya ako? O ipagkalat niya?
Lumapit pa siya sa akin at ikinalang ang isang kamay niya sa pinto. "Ano nga? Bilisan mo dahil magbi-bell na. Hindi ako puwedeng ma-late sa klase, malulungkot iyong teacher ko pag wala ako at baka di na ganahang magturo. Kawawa naman ibang classmates ko, wala silang matututunan."
"May tagos ako!" bigla kong sabi bago pa siya mapikon at iwan ako.
Kumiling naman ang ulo niya. "Tagos? Ano iyon?"
"Stain!"
"Stain?" Nagsalubong ang mga kilay niya. "Stainless steel?"
"Oh, my! You're so bobo!"
"Hehe, guwapo naman. Puwede na iyon."
Gusto ko na siyang sabunutan kung hindi lang ako nagtatago rito sa likod ng pinto. Kinalma ko ang sarili dahil mas kailangan ko siya ngayon. Hindi ko siya dapat awayin. "May pera ka ba riyan?"
"Magkano ba?"
"Five lang. Promise, babayaran kita bukas na bukas din ng umaga kasama iyong isa ko pang five pesos na utang!"
Nilabas niya ang purse niya. Pagbukas niya ay bukod sa mga barya ay meron pa akong natanaw na mga nakatuping tagbebente sa loob. Meron ding isang fifty yata at isang isangdaan.
Kinuha niya ang isang buong lima at inabot sa akin. Napailing agad ako. "Hindi! Ang kailangan ko talaga ay uutusang bumili sa tindahan!"
"Anong bibilhin?" Wala man lang siyang violent reaction na uutusan ko siya.
"Uhm, napkin," mahinang sagot ko.
"Napkin? Iyong pamunas? Bibili ka pa niyon? Magtabo ka na lang." Nilabas niya ang isang navy blue na panyo sa bulsa niya at inabot sa akin. "O kaya ito na lang."
Nag-init na naman ang mukha ko. "Napkin! Sanitary napkins! Sanitary pads! For menstruation!"
"Aw..." Naitakip niya bigla iyong panyo niya sa kanyang bibig.
"Please, ibili mo ako. Babayaran ko rin sa 'yo bukas, I promise!"
"Paano ba bumili niyon? Anong sasabihin sa tindahan?"
"Sabihin mo lang menstrual napkin. Maraming brand iyon, pero kahit ano ay okay lang. Basta iyong may wings. Pero kung di kasya iyong five pesos sa may wings, kahit no wings ay okay na. Pagkakuha mo ay itago mo agad sa bulsa mo at dalhin dito."
Nang aking tingnan si Miko ay para siyang nahilo sa lahat ng sinabi ko. Ano ba? Naintindihan niya ba?
Umalis na siya. Isinara ko ulit ang pinto. Tuwing may pumapasok ay sa banyo ay pumapasok ako sa cubicle sa dulo. Hanggang sa wala nang iba pang pumasok sa loob. Inip na inip naman na ako at kating-kati na ang pakiramdam.
Hanggang sa nag-bell na nga, wala pa rin siya. Wala nang palakad-lakad na estudyante sa labas. Babalikan niya pa kaya ako?
Naiiyak na ako nang makarinig ako ng dalawang katok sa labas ng pinto. Napatingin ako agad doon.
Kasunod ay boses na mahina. "Hoy, nandiyan ka pa?"
Napatakbo ako sabay bukas ng pinto. Nakatayo si Miko sa harapan ko. Hindi siya sa akin nakatingin pero may inaabot siya sa akin na paper bag.
"Walang paninda sa tindahan sa labas kaya nag-jeep pa ako papuntang Malabon. Sa pharmacy ako nakabili. Check mo na lang kung puwede na iyan."
May sumigaw na lalaking teacher sa labas. "Hoy, oras na ng klase, bakit pagala-gala pa kayo?! At mga di kayo naka-complete uniform! Hala, doon kayo sa guidance!" Ang sinasaway nito ay iyong nagdaang dalawang lalaking estudyante.
Sa aking pagpa-panic na makita ng teacher si Miko ay hindi nag-iisip na hinatak ko bigla ang shirt na suot niya. Nakapasok siya sa banyo ng girls bago ko pa ma-realize ang aking ginawa. Kahit siya ay nagulat at kapwa na lang namilog ang mga mata namin sa isa't isa.
"Ah..." Bumukas ang mga labi ko pero hindi ko alam ang sasabihin. Hinatak ko na lang ang paper bag. "M-magpapalit na ako."
"O-okay." Tumango na lang din naman siya saka tumalikod habang ang isang kamay niya ay nakahawak sa kanyang bibig. "Take care."
Take care? Napanguso na lang ako na pumasok sa loob ng isang cubicle para ayusin na ang sarili. Napangiwi ako dahil ang messy ng underwear ko upang gamitin ulit. Kahit lagyan ko pa iyon ng napkin, ay parang hindi kakayanin.
I think I should wash it. Manipis naman at kahit suutin ko ay mabilis matutuyo. Pero paano ko lalabhan? Nasa labas ng cubicle iyong lababo, at naroon si Miko!
Binuksan ko na ang paper bag na bigay niya. Hindi lang ang kaalamang buong pack ng menstrual pads ang kanyang binili, kundi may kasama pang sanitary feminine wipes, at isang bagong panty!
Naisip niya talaga ito? O baka sinuggest ng binilihan niya? I guess it was the latter. Ang may dugo kong panty ay aking ibinalot sa may dugo kong shorts. Paglabas ko ng banyo ay aking bitbit iyon sa likuran ko. Nakatayo siya patalikod sa nilabasan kong cubicle.
"Okay ka na?" tanong niya sa paos na boses.
"Kailangan kong kusutan iyong stain sa palda ko." Hindi kasi ako puwedeng bumalik sa room na may dugo pa sa palda.
Nanatili namang nakatalikod si Miko. Inayos ko sa pagkakatupi ang shorts ko kung saan nasa loob ang aking underwear saka iyon itinapon sa basurahang naririto. Nakakahinayang, pero mas ayaw ko naman iyong dalhin pa hanggang sa room.
Pagkuwa'y humarap na ako sa lababo at hinila aking palda patungo sa harapan. Itinapat ko sa mahinang agod ng tubig sa gripo iyon bandang may mansta saka iyon kinusot-kusot. Hindi gaanong nabura, pero at least ay hindi na halata. Iyon nga lang at basa ang harapan ng aking palda.
Binalingan ko si Miko. Okay lang kaya siya? Namumula mula sa likuran ang magkabilang tainga niya. Naiinitan siya?
"Miko, okay na," pagpapaalam ko sa kanya.
"Ah, sige." Paos pa rin ang boses niya.
Nang humarap na siya sa akin ay sa mukha ko lang siya dapat nakatingin pero hindi niya yata naiwasang mapababa ng mga mata sa aking palda. Hindi ko pa iyon naiikot kaya nakita niya agad ang basa.
"Halata ba?" nakangiwing tanong ko.
"Oo, gagi."
Kumibot ang aking sentido sa salitaan niya pero ikinalma ko ulit ang sarili. "Nabasa na iyong panyo ko kakapahid pero ganyan pa rin. Di bale, matutuyo rin naman ito mamayang kaunti."
"Teka, wait!" Inilabas niya ang panyo niya kanina.
Napatanga na lang ako nang humakbang siya sa akin palapit. "A-anong gagawin mo?"
"Tuyuin natin slight iyang basa sa palda mo," sagot niya na ang ekspresyon ay desidido. "Mabilis lang ito." Napasinghap na lang ako nang hawakan niya na ang palda ko. Inipon niya iyong parteng basa, binalot ng panyo niya, saka paulit-ulit na piniga.
Hindi ako humihinga habang nakatanga pa rin sa kanya. Nakayuko siya at seryosong-seryoso siya na akala mo ay isang napakakomplikadong bagay ang ginagawa. Pinagpapawisan na ang gilid ng sentido niya, sa bandang kaliwa ng makapal at may silver na hikaw niyang kilay, pero tuloy pa rin.
Habang mas nagiging desidido siya ay hindi niya napapansin na ang lapit-lapit na ng mukha niya sa akin. Sobrang lapit. Ang lapit-lapit. Nasasamyo ko na ang mainit na paghinga niya sa aking noo.
Hindi ko na rin namalayan ang sarili na nakatitig na lang sa kanya, sa makinis na pisngi niya na bahagya nang namumula sa init, mga mahahabang pilik-mata niya, sa matangos na ilong na may kaunti na ring pawis, at sa mga labi niyang mapupula na minsan ay nakakagat niya ang pang-ibaba. Nang tumingin siya sa akin at tila nagulat siya.
"Okay na." Binitiwan niya na ang palda ko.
Nakailang lunok ako bago sumagot. "T-thank you..."
"NP."
Isa-isang bumalik sa akin ang lahat, mula nang bayaran niya ang kulang kong five pesos sa fishball-an, ibigay niya sa akin iyong lavender dream catcher, at ngayon na pagtulong niya sa akin. Lahat iyon, iisa lang ang ibig sabihin. May gusto siya sa akin!
Buong tapang kong binitiwan ang tanong. "Do you like me?!"
Hindi naman siya sumagot.
Napalunok ako dahil sa aking tingin ay alam ko na ang ibig sabihin niyon. Yes, he was handsome and all, but he was not my type. I was not into bad boys. But how could I reject him after all he had done for me?
Ah, whatever! Nakapag-decide na ako hindi siya paasahin. Huminga ako nang malalim. Dederetsahin ko na siya bago pa siya tuluyang ma-fall sa akin. "Miko, 'wag ka sanang malulungkot pero kasi hindi kita—"
Bigla siyang napapalatak. "Shet, alam ko na!"
"Ha?" Anong alam niya na?
"Kung sino iyong kamukha mo." Paglingon niya ay nagulat ako dahil nangingislap ang kanyang mga mata. "Sabi na! Kamukha mo rabbit na regalo ng mommy ko sa akin dati! Taena, kaya pala ang gaan ng loob ko sa 'yo!"
"Ako?" gilalas na turo ko sa sarili. "Mukhang rabbit?!"
Ang tamis ng pagkakangiti niya na tumango. "Oo. Kasi malalaki ngipin mo sa harapan. Pero cute naman iyong rabbit ko. Namatay lang kasi walang jowa, natigang yata—" Hindi niya na natapos ang sinasabi nang makita ko na lang ang aking kamao na lumilipad patungo sa kanyang panga.
Sa pagkabigla yata ay muntik na siyang masubsob sa sahig, mabuti na lang at napahawak siya sa lababo ng banyo. Hawak ang panga habang windang na sa akinay nakatingala. "Pota, babae ka ba talaga? Bakit ang lakas mong sumapak?!"
"Hinding-hindi talaga kita magugustuhan!" bulyaw ko na may humihingal sa gigil. "Hinding-hindi! I hate you!"
"Hoy, I hate you, too!" bulyaw rin niya pabalik. Galit na rin siya at parang gusto na akong tirisin, pero wala akong pakialam! Galit ako!
"I hate you so much!" bulyaw ko na halos maglabasan ang aking litid sa leeg. "I hate you times one million!"
"I hate you times infinity!"
"Anong infinity?! Walang ganoon, dapat numbers lang!"
"Paki mo!" Dinuro niya ako sa noo. "Feeling mo, ikaw lang matalino? Hoy, first honor ako noong kinder ako!"
"Kabisado mo ba ang multiplication table 1-10?!"
"Gawin mo pang multiplication table 1-1000!" maangas na balik niya naman sa akin.
"What?! Kabisado mo iyon?!" Nginisihan niya ako kaya nag-panic ako. Hindi ako puwedeng magpatalo. Dinuro ko siya. "Magaling ka nga sa math, bobo ka naman sa ibang subject! Pariwarang student!"
"Maganda ka nga, kaso, malalaki naman ipin mo!"
"Ano kamo?!" Susugurin ko na siya nang bigla kaming makarinig ng ingay sa labas. May papasok dito sa banyo! Hindi lang isa, dahil mga tatlong boses ang naririnig naming parating!
Namilog ang mga mata namin. Pareho naming alam na hindi puwedeng may makakita sa amin dito. Nagpa-panic kami kung ano ang gagawin nang papalapit na ang mga boses. Sa huli ay wala kaming choice kundi manakbo sa dulong cubicle.
Ini-lock namin ang pinto at pareho kaming sumampa patayo sa bowl para hindi kami makita mula sa ibaba. At para hindi rin kami makita sa itaas ay yumuko rin kami nang bahagya. Ang mga kamay naman namin ay nakatukod sa pader. Para tuloy kaming mga ninja na dito ay nakalutang.
"Ano ba?!" gigil kong pabulong na sita sa kanya kasi ang lapit niya masyado. Halos magkadikit na kasi ang mga pisngi namin sa isa't isa.
"Anong gagawin, e sa masikip?!" gigil ding pabulong na balik niya sa akin.
Pinandilatan ko siya. "Umusod ka roon!"
Pinandilatan niya rin ako. "Ikaw, umusod, ikaw nakaisip, e!"
"Usod sabi!"
"Masikip nga, mahuhulog na ako!" Saka ko napansin na mas malaki pala ang space ko kaysa sa kanya, pero kahit na. Mas malaki siya kaya dapat lang na sisihin ko siya!
Matalim na nagkakatitigan pa kami nang may pumasok na sa banyo.
Hindi pamilyar ang mga boses at parang mga bata pa. Mga practice teacher yata. Tatlo nga ang mga ito. Iyong dalawa ay ginamit na iyong naunang dalawang cubicle.
Pinagpawisan ako nang malapot dahil tiyak na iyong isa ay dito sa kinaroroonan namin ni Miko dederetso. Pagtingin ko kay Miko ay pati siya'y mukhang kabado. Namumutla na rin siya at pawisan na pati dulo ng matangos na ilong niya.
May nagtanga na magbukas ng cubicle namin pero nabigo dahil nga naka-lock. "Under maintenance yata itong sa dulo," sabi ng nasa labas.
"Dito na lang, 'Cher. Tapos na ako." Lumabas na ang teacher sa katabi namin.
Nagtagal pa ang mga ito. Nag-usap pa tungkol sa mga subject material daw na gagamitin sa presentation bukas with the observer. Parang evaluation na nila.
"Di pa ba aalis? Pota, nangangalay na ako," bulong na himutok sa akin ni Miko. Dumudulas na ang kamay niya sa pader ng cubicle.
"'Wag ka maingay, marinig tayo!" gigil na ganting bulong ko naman sa kanya. Hirap na hirap na rin kaya ako.
Mga ilang minuto pa. Nagre-retouch pa iyong mga practice teacher sa labas. Ngalay na ngalay na ako at muntik nang dumulas kundi lang ako naagapan ni Miko sa bewang. Napatingala ako sa kanya at ganoon na lang ang paglunok ko nang magtama ang aming mga mata.
Hindi na siya mukhang buwiset. Malamlam na ang mga titig niya, at kahit pawisan siya ay mukha pa rin siyang fresh. At sige na, aaminin ko nang mabango talaga siya.
"Zandra..." usal niya.
"B-bakit?" usal ko rin.
"Bati na tayo."
Napalunok ako habang nakatitig sa mga mata niya na malamlam.
"Sorry na."
Muli akong napalunok, bago mahina na nagsalita. "S-sorry din..."
Ngumiti siya. Iyong ngiti na tila nakakaalis ng pangangalay. At okay na sana, kaso may pahabol pa siya. "Pero kamukha mo talaga iyong na-deadz kong rabbit. Pero maganda ka talaga kahit malalaki ipin mo sa harapan."
Nagusot ang mukha ko. "Kababati lang natin, gusto mo na naman ba ng away?"
"Hindi na." Natatawang ginulo niya ang buhok ko. "'Wag ka nang sumimangot. Di mo na nagiging kamukha iyong rabbit ko pag ganyan."
Aawayin ko na talaga siya ulit nang mauna na siyang lumabas ng cubicle. Wala na pala iyong mga teacher kaya napalabas na rin ako. Nakaalis na kami sa nakakangalay na posisyon, pero bakit hindi ako masaya? Tumingin ako sa kanya, bakit parang hindi rin siya masaya?
Paglabas namin ng mismong banyo ay nag-inat siya at nagsisisipa sa ere. Nangalay nga talaga siya sa pagkakasampa niya kanina sa bowl kasama ako. Hindi ko napigilan ang paghagikhik habang pinapanood siya.
Tumigil lang ako at pumormal nang lingunin niya ako. "Balik ka na sa room mo, baka mabawasan talino mo pag di ka pa nakapasok sa next subject."
"Sige. Ikaw rin. Para di ka masyadong mabobo, pumasok ka na sa next na subject niyo."
Napangiwi siya subalit ngumiti. "Salamat sa concern. 'Wag kang mag-alala, isasapuso ko iyan."
Nang malayo-layo na siya ay lumingon siya at sumaludo sa akin. Ngumiti naman ako at kumaway sa kanya. Hindi man ako nakapasok sa first subject ngayong tanghali ay hindi ako malungkot. Sa halip, masaya ako dahil sa tingin ko, nakatagpo ako bigla ng isang bagong kaibigan.
Yes, I am welcoming a newfound friend into my life. And yes, it's Michael Jonas Pangilinan.
#BadLoverbyJFstories
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top