Chapter 3
"Maraming salamat, Jaydel, sa pagbabantay mo sa anak namin habang narito siya sa hospital," sambit sa akin ng dad ni Laila.
KASALUKUYAN namang inaasikaso ni Tita Lileth ang mga gamit ng kaibigan ko dahil ngayong araw ding ito ay lalabas na siya. Habang kami namang dalawa ay narito sa may gilid at pinagmamasdan sila.
"Wala po iyon, Tito Ryan. Ang mahalaga po ay okay na si Laila."
Tinapik niya ang balikat ko at tsaka ako nginitian. "Maraming salamat pa rin, hijo. Salamat at may kaibigan ang anak ko na katulad mo. Malaking pabor man na hihingiin, pero gusto kong sundin mo ang pinag-usapan natin, okay? Alam kong gusto niya pa ring bumalik sa pag-aaral at hindi ko naman siya hahadlangan, basta dapat ay may magbabantay sa kaniya."
Agad naman akong kinain ng takot at pangamba. Majority ng mga naging ex-boyfriend ni Laila ay nasa St. Andrew's. Ang iba pa ay higher year. Siguro nga, mabuti na lang at wala kaming kaklase na naging karelasyon niya para hindi ako gaanong mahirapan. Ang kailangan ko na lang gawin ay protektahan siya sa iba pang mga lalaki.
"Huwag po kayong mag-alala, Tito Ryan, ako po ang bahala sa anak ninyong matigas ang ulo."
Tinawanan niya naman ako at ginulo-gulo ang buhok. "Good, good. Maaasahan ka talaga, Jaydel. Basta ang bilin ng doctor, huwag mong hayaang mag-boyfriend ulit ang dalaga ko dahil ayoko naman siyang masaktan na naman at worse, mawala sa amin. Hindi kakayanin ni Lileth, kapag nawala ang solo naming anak."
Agad naman akong napangiwi. Ibig sabihin, hindi pala pinag-isipan ni Tito Ryan ng masama ang pagsabi ko ng 'I love you' sa anak niya. Sabagay, napakaimposible rin naman kasing isipin na ako at ang anak niya ay magkakaroon ng relasyon. Kaya siguro hinihingian niya na ako ng pabor na ligawan ko na si Laila. Pero paano ko nga liligawan, eh, niyaya na nga ako ng anak niyang maging kami?
"Naiintindihan ko po, Tito Ryan."
Dahil ako, hindi ko rin kakayanin kung dumating ang araw na mawala si Laila. Ni ayokong isipin.
***
MAGANDA ang sikat ng araw nang magkita kami ni Laila sa St. Andrew's. Hinatid siya ng mga magulang niya at ako naman ay hinintay sila rito sa gate.
"Jaydel, ikaw na ang bahala sa baby girl namin!" sigaw ni Tita Lileth habang naroon sa passenger seat at kumakaway sa amin.
"Opo, Tita! Ihahatid ko po siya pauwi mamaya!" pabalik kong sambit at sinundan na lamang ng tingin ang kotse nilang papalayo na sa school namin. Nakaramdam naman ako ng malakas na pagsiko sa tagiliran ko.
"Masayang-masaya ka, ah?" hirit na naman ni Laila sa akin at napangiti ako. Bakit ba palagi niyang kinukwestiyon ang pagiging masaya ako? Oo naman at masaya ako dahil sa wakas nakalabas na siya sa hospital. Kailangan lang ng mariing pag-iingat para hindi na siya bumalik pa sa lugar na 'yon, kahit na ang isang ito'y mukhang gusto.
Naalala ko tuloy ang huli naming pag-uusap sa hospital. Tsk. Bakit ko naman siya iiwan?
"Of course, Laila, masaya ako. Narito ka na ulit na parang walang nangyari. Halika na, pumasok na tayo at baka mahuli na tayo sa klase. I'm sure namimiss ka na rin ng mga kaibigan mo at lalo na ni Mikaela."
"Tsk. Ni hindi nga nila ako binisita!" reklamo niya na parang nag-aalburoto na naman.
"Eh kasi nga bawal ang marami sa hospital."
"Sabagay, kung pupunta sila, aalis ka naman. Okay na pala ako."
Gumuhit ang ngiti sa labi niya at para bang mas nasilaw ako sa mukha niya kaysa sa mataas na sikat ng araw. Isinakbit niya ang braso niya sa braso ko bago ako hinila papunta sa classroom, pero natigilan kami sa paglakad nang makita ang isang lalaki sa harapan namin.
Si Maximo Cuevas-ang huling ex-boyfriend ni Laila bago siya isinugod sa hospital.
"Laila, pwede ba tayong mag-usap?" tanong ng ungas na siyang ikinapuno ko. Kusang lumabas ang inis sa kalooban ko at muli kong naalala ang bilin sa akin ni Tito Ryan. Agad kong hinawi si Laila papunta sa likod ko at ako ang humarap kay Maximo.
"Sorry, hindi pwede," matigas kong sambit.
Tinitigan niya ako nang masama. Magkasing-tangkaran lang kami ni Maximo, pero mas malaki ang katawan niya, kaysa akin dahil member siya ng varsity players sa St. Andrew's. Isa sa mga dahilan kung bakit siya nagustuhan ni Laila ay dahil magaling siyang mag-basketball na wala naman akong pakialam dahil hindi ko siya aatrasan kapag niyaya niya akong makipagsuntukan sa labas. Tatambakan ko kamo siya.
Wala rin akong pakialam kung mas matanda siya sa akin ng isang taon. Pagkatapos niyang gaguhin ang kaibigan ko, kahit second year college na siya ay papatulan ko siya ng sapakan, mailigtas lang si Laila.
"I heard what happened. Gusto ko lang humingi ng tawad," wika niya pa at saka sumilip kay Laila.
Napangisi ako. "Hindi mo dapat hingin ang bagay na hindi mo ibinigay kay Laila. Wala kang patawad, Maximo. Kaya umalis ka na dahil hindi mo naman gustong ma-late si Laila sa klase. Kababalik niya pa lang galing sa hospital. Huwag ngayon."
Mabuti na lang at hindi na siya pumalag, kaya naman natangay ko na si Laila sa classroom namin. Agad naman siyang dinumog ng mga kaklase namin para kumustahin. Hindi ko naman mapigilang tingnan ang mukha niya na para bang nababalisa dahil sa naging engkwentro namin kanina sa ex-boyfriend niya.
At hindi ko alam bakit kumikirot ang dibdib ko habang tinititigan siya.
Of course, she still loves that guy.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top