12
"Anak, nariyan ka na pala. Bakit ginabi ka na?" salubong na bati sa akin ni Nanay. Agad niyang kinuha ang bag ko tsaka inilagay sa sala. Ako naman ay naghubad ng polo tsaka nagmano sa kaniya.
"Napadaan pa po ako kina Laila."
"Ganun ba? Kumusta na nga pala siya? Kamo at pasensya na dahil hindi ako nakadalaw sa kaniya kasi ang dami kong tinanggap na labahin."
"Okay na po siya, Nay. Wala po kayong dapat ipag-alala. Nakalabas na rin po siya sa hospital at pumapasok na po ulit sa school."
"Mabuti naman kung ganun. Ang bata-bata niya pa para palaging maisugod sa hospital. Oo nga pala, kumain ka na ba? Nagtira kami sa 'yo ng ulam sa lamesa. Nandun nakatakip," pagturo ni Nanay sa hapagkainan.
"Di na po, 'Nay. Kumain na po ako kina Laila. Magpapahinga na po ako."
Papasok na ako ng kwarto nang muling magsalita si Nanay.
"Pasensya ka na, anak, kung 'yan lang ang nakayanan ko. Naiintindihan ko kung bakit mas gugustuhin mong kumain sa ibang bahay kaysa rito sa atin. Huwag kang mag-alala, kapag nakapagtapos na ng pag-aaral ang ate mo, sigurado akong tutulungan niya tayong makaahon sa hirap. Palagi nang masarap ang pagkain natin," sambit ni nanay habang nakayuko. Ngumiti pa siya sa akin nang sulyapan niya ako na para bang pinipigilan ang mga luha.
Magsasalita na sana ako nang marinig ko ang boses ni Ate Jaymie.
"Nay? Bakit naman iaasa ninyo sa akin ang pag-ahon sa kahirapan? Hindi pa nga ako nakaka-graduate, dinadagdagan ninyo na 'ko kaagad ng responsibilidad. Hindi porque ako ang panganay, eh, ako na ang aako ng lahat. Tsaka, Jaydel, kung anong meron tayo, matuto kang magtiis! Hindi pwedeng masarap ang pagkain mo do'n, tapos kami hindi? Mag-aral kang tumanggi at sabayan kami rito!"
Hindi na ako nakaimik pa nang samaan ako ng tingin ni Ate Jaymie.
"O-okay po. P-pasensya na. Hindi na po mauulit."
"Tsaka, maghugas ka ng plato d'yan! Wala ka nang ginawa! Nasa lakwatsa ka lang maghapon!"
"Anak, hindi naman naglalakwatsa ang kapatid mo. Pumasok siya sa school."
"Naku! Kung alam mo lang, Nay, ilang araw na 'yang di pumapasok kasi binabantayan 'yung kaibigan niya. Eh, ano namang mapapala niya ro'n? Mayaman 'yon? Hindi dapat siya makipagsabayan do'n dahil malayong-malayo ang estado ng buhay natin sa kanila. Kung sila kayang maghayahay, tayo, hindi, kaya ikaw, Jaydel, mag-aral ka nang mabuti kung gusto mo talagang maging Engineer. Ngayon pa lang, magpursigi ka na para makita naman ni Gov na worth it ipasa sa 'yo ang scholarship ko."
Pumasok na siya sa kwarto niya. Galing pala si Ate Jaymie sa banyo, kaya may tuwalya pa ang buhok. Pero hindi yata nakatulong ang pagligo niya para mabawasan ang init ng kaniyang ulo.
"Huwag mo nang intindihin ang mga sinabi ng Ate Jaymie mo, Jaydel. Sige na, magpahinga ka na. Maaga pa ang pasok mo bukas."
Tumango na lamang ako tsaka nagpaalam kay Nanay. Pagkarating ko sa kwarto ko, umupo ako sa kama at napahilamos. Kanina lang okay pa ako dahil kasama ko si Laila. Kapag siya ang nakikita ko, nakakalimutan ko ang totoong sitwasyon ng buhay ko rito sa bahay.
She's my escape. When I'm with her, I feel like I don't have anything to worry about except her. I don't need to think about my future, or be worried about it because my future is already with me.
Pero kapag umuuwi ako sa bahay, sinasampal ako ng reyalidad na sobrang magkalayo ng mga buhay naming dalawa. She can get what she wants, while me, I have to work hard for it.
Ang lamang ko lang ay wala akong sakit na kagaya niya. Siguro dahil masaya naman ako at nabubuo ang araw ko kahit nasisilayan ko lang siya. Sapat na 'yon para maging healthy ang puso ko. Kahit na medyo masakit kapag nakikita ko siyang may kasamang iba, naaalala ko naman ang lugar ko, kaya hindi ako ganoong umaasa.
Pero iba na ngayon, I am his boyfriend now. And I have to stick with it. I'll do everything to make her believe that my feelings are real and this relationship she offered is true to me. A chance she gave me to show my intentions, that I will take care of her every step of the way. Ang kailangan ko na lang gawin ngayon ay sulitin ang pagkakataong meron ako.
Nahinto naman ako sa pag-iisip nang may kumatok sa kwarto ko. Unti-unting bumukas ang pinto at iniluwa no'n ang bunso kong kapatid na si Jaymart.
"Kuya? P-pwede po ba akong pumasok?"
"Oo naman. May kailangan ka?" tanong ko kasabay ng pagpinid ng pinto nang makapasok na siya. Si Jaymart ang bunso naming kapatid. Labing-limang taong gulang na siya at kasalukuyang nasa Grade 8.
"Ano po kasi, Kuya Jaydel, may hindi ako maintindihan sa math problems na 'to. Pwede po bang magpaturo?"
"Patingin."
Sinilip ko ang tinutukoy niya at napangiti ako. "Naku, madali lang 'yan! Halika, hilahin mo 'yung table. Dito tayo umupo sa may kama."
Sumunod naman si Jaymart sa akin, kaya sinimulan ko nang ituro sa kaniya ang pagso-solve ng equation.
"Mukhang quadratic equation ang lesson ninyo, ah. So, x squared minus ten x plus sixteen equals zero (x2−10x+16=0). From the formula ax2+bx+c=0, ang value ng a ay one, ang b ay negative ten, at ang c naman ay sixteen. Kuha?"
"Opo, Kuya."
"Okay, ngayon maghahanap tayo ng factors na ang c ay magiging equals to sixteen, at ang b ay magiging negative ten," wika ko pa habang sinusulat sa papel ang mga sinasabi ko. "Isip ka ng dalawang number, Jaymart..."
"Uhmmm... eight tsaka two, Kuya."
"Oo, tama, pero dapat negative eight at negative two. Bakit? Kasi kapag pinag-add mo ang negative eight at negative two, ang sagot ay magiging?"
"Negative ten..." bigkas niya.
"Tama. At kapag pinag-multiply naman ang negative eight at negative two..."
"Sixteen! Oo nga 'no, Kuya? Gets ko na! Ang galing mo!" nakangiti niyang sambit habang nakatingin sa akin. Ipinagpatuloy ko na lamang ang pagtuturo sa kaniya ng factorization hanggang sa nagsolve na kami para makuha ang x.
"Ang final answer ay x is equals to two or x is equals to eight," saad ko tsaka binilugan ang sagot.
"Ang galing, dalawa ang sagot."
"Oo, usually naman dalawa ang sagot sa quadratic equation. Well, depende sa discriminant. Sa case kasi ng pinaturo mo sa akin, may exponent na two, ibig sabihin, posibleng dalawang x ang magbigay ng parehong resulta. Nagegets mo ba?"
"Ano po 'yon, kahit anong piliin kong sagot, tama?"
Napakunot ang noo ko. "Huh? Anong ibig mong sabihin?"
"Kunwari, dalawa po ang sagot, kahit isa lang po ang piliin kong sagot, tama pa rin?"
"Ahhh... depende sa tanong. Kung ang sabi ay find the values of x, lahat ng posibleng sagot, ilalagay mo. Pero may mga cases na ang sagot ay negative, hindi mo 'yon pwedeng ilagay dahil hindi pwedeng negative ang sukat, kaya ang pipiliin mo ay 'yong positive. Naintindihan?"
"Opo, Kuya. The best ka talaga! Kaya idol kita, eh! Dahil sa galing mo, gusto ko ring maging engineer, katulad ng pangarap mo."
Pumusyaw ang sigla sa mukha ko. "Gusto mo ring mag-engineer, Jaymart?"
"Opo, Kuya. Susundan ko ang mga yapak mo. Alam kong hindi ako mabibigo, kapag ginaya kita. At alam kong tutulungan mo rin ako, kaya hindi ako mahihirapan. Dalawa tayong magiging engineer sa pamilya."
Tumikhim ako. Sa isang iglap, bigla akong nabahala. Hindi dahil mataas ang tingin niya sa isang gaya ko. At hindi rin dahil mabibigo ko s'ya pagka't iba na ang binabalak ko ngayon.
Hinawakan ko ang magkabilang-balikat niya tsaka hinaplos at tinapik na puno ng panghihikayat. "Jaymart, makinig ka kay Kuya, okay? Hindi mo ako kailangang sundan. Hindi kita anino. Ang gusto ko, kunin mo ang course na gusto ng puso mo, hindi dahil iyon ang kinuha ko, o dahil iyon ang madali. Wala namang madali, lahat nagsisimula sa mahirap. At huwag kang matakot kung mahirap. Mahirap talagang abutin ang mga pangarap. Kaya ikaw, magsikap kang huwag maging kagaya ko. Sikapin mong maging ikaw... yung ikaw."
Nang gabing 'yon... matapos magpaalam si Jaymart sa akin, naiwan akong nakatulala sa kisame habang nakahiga sa kama.
Malalim ang iniisip.
Kung parehong tama ang sagot, pero hindi mo pwedeng kunin parehas, sa huli ang marapat mong piliin ay kung saan ka magiging mas masaya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top