Chapter 17: Morning Blues
Siguro nga, may mga bagay akong hindi kahit kailan maiintindihan, pero may mga bagay akong nauunawaan kahit hindi ko naman dapat maranasan.
Binalot ko ng kumot si Aya at buong magdamag ko siyang kandong-kandong hanggang makatulog siya sa pag-iyak. Hindi ko nga alam kung anong oras na ako nakatulog. Pero sigurado akong sa oras na dapat gising ko na ay nakapikit pa ako.
Naalimpungatan lang ako dahil sa gumagapang sa pisngi ko. Tinapik ko pa para mawala, pero ayaw mawala. Pagdilat ko, napatingin ako kay Aya na nanduduling na habang tinutusok ang pisngi ko.
"Ayos ka na?" mahinang tanong ko.
Umiling lang siya habang tinutusok pa rin ang mukha ko—o hindi niya tinutusok. Pinasasadahan niya ng daliri ang may kaunting kirot na parte.
Lumingon ako sa kaliwa at nakitang mataas na ang araw. Wala akong trabaho ngayong araw na gagawin at pupunta dapat ako sa baranggay hall para magtanong kung puwedeng maglinis ngayon ng kalsada.
Ibinalik ko ang tingin kay Aya na sobrang lapit sa mukha ko. "Tanghali na. Bumaba ka na."
"Mamaya na."
"Baba ka na. Pupunta pa ako sa hardware."
"Dito muna 'ko."
Nagbuntonghininga ako at isinilid ang kaliwang braso ko sa malambot na kulumpon ng kumot banda sa binti niya. "Dito ka lang, ha? Mag-aasikaso lang ako." Binuhat ko siya para ilipat sa sofa. Para lang siyang higad na nakabalot sa kumot habang nakasandal patagilid sa sandalan ng mahabang upuan. Pagtayo ko, mukhang tulala pa rin siya. "Nag-almusal ka na ba?"
Umiling lang siya bilang sagot.
Ang layo ng itsura ng Aya na naka-makeup sa wala. Mukha lang siyang batang kulang sa pagbabantay. Tuyo ang maputlang labi at malungkot ang mga mata. Wala ang maitim na labi at matapang na matang iniiwasan kong tingnan.
"May malapit na lugawan sa labas, gusto mo ng goto? Tanghali na, wala na yatang pandesal sa bakery."
Tumango lang siya habang tulala pa rin.
"Makikigamit sana ako ng banyo. Puwedeng makiligo?"
Balisa pa rin siyang tumango.
"Salamat."
Hindi naman nagalaw ang bag ko sa pinaglagapan ko n'on. Sa may gilid ng pintuan, sa kanto ng side table. Kumuha ako roon ng pambihis ko saka tuwalya. Dinala ko na rin ang toothbrush ko saka natitirang toothpaste na mukhang kailangan ko nang bilhin ulit.
Nakikihingi lang ako ng sabon saka shampoo kina Ate Lily sa terminal kapag maliligo ako, kaso malayo pa.
"Aya, manghihingi sana ako ng sabon saka shampoo. Babayaran ko na lang."
Tumango ulit siya.
Naririnig kaya niya ako?
"Salamat ulit."
Pumasok na ako sa kuwarto niya at doon ko lang napansin nang mabuti ang loob. Nakatabingi na ang mattress. Kagabi pa nakakalat sa sahig ang kumot niyang gamit ngayon. Bagsak pa ang lampshade kaya itinayo ko muna at ibinalik sa dating ayos ang kama.
Tumutulo pa rin ang shower pero hindi na kasinlakas gaya kahapon pagdating ko rito. Hindi pangmatagalan ang remedyo kaya kailangan na talagang palitan.
Ang daming nakalatag na bote sa lababo ng banyo kaya hindi ko malaman agad kung alin ang shampoo at sabon sa hindi. At walang sabon doon na malaki. Puro nakabote lahat.
Inisa-isa ko pa para mabasa kung alin ang alin. May ibang nakahilera doon ang pamilyar ako kay pinabibili rin sa akin ni Bea saka ni Kikay noon kapag napapadaan ako sa Watson's. Pero ang iba, hindi ko talaga kilala. Sa huli ay ginamit ko na lang ang kulay asul na malaking bote at isang kulay puti. Body wash at shampoo naman ang nakalagay pero hindi pa rin ako sigurado. Lotion naman na ang iba at moisturizer.
Masasabi kong mabango at maganda pala talaga ang mga ginagamit nila. Pagkatapos kong maligo, pakiramdam ko, napakalinis ko talaga.
Paglabas ko sa kuwarto, naabutan ko pa si Aya sa ayos kung paano ko siya iniwan kanina. Mukhang hindi talaga siya kumilos.
"Aya, bibili lang ako ng pagkain sa labas."
At gaya kanina, tumango lang siya habang nakatulala.
Umalis na lang ako ng unit niya para makabili ng almusal naming dalawa.
Isang taon.
Sa isang taon na iyon, nakibagay ako sa paligid. Hindi ako nagtagal sa iisang lugar sa loob ng kalahating taon. Sa sumunod na kalahati naman, dito na ako nanatili kay mukhang wala nang makakakilala sa akin dito.
Tahimik ang buhay ko. Maliban sa ilang pagkakataon na kung pagkaguluhan ako ng mga bata rito, para silang nakakita ng ibang tao. Siguro kasi iba ang itsura ko sa kanila.
"Uh, hi. Excuse me, I'm . . . the line . . . this . . . line, you know?"
Napatingin ako sa gilid ko nang may dalagang itinuro ang pila sa bilihan ng lugaw kung nasaan ako ang dulo. Napatingin ako sa dalawang binatang . . . hindi ko alam kung binata ba ang tawag dahil mga naka-makeup at nakasuot ng pambabae kahit mukhang mga lalaki naman.
"Tae ka, beh. Porenjer. Ano sasabihin ko?"
"'Te, ma-nosebleed ka diyan."
"Are you the end?" tanong pa ng dalagang tinuturo ang pila at ako.
"The end . . .? Ako?" Itinuro ko pa ang sarili ko. "Dulo ng pila ba?" Mabilis akong tumango. "Dito yung dulo ng pila."
Bigla silang nagtulakan kaya napaurong agad ako.
"Tae, beh, nagtagalog."
"'Te, tanga mo rin, 'te. Sana nagtagalog ka na lang!"
"Kuya, sorry po! Di marunong mag-English 'tong malandot na 'to."
Nakakahiyang sabihing hindi rin naman ako marunong. Naririnig ko ang bulungan nila sa likuran ko. Nakakailang talaga.
"Hala, beh, ang bango. Tara."
"'Te, ang bango nga."
"Ah—" Napahakbang ako paharap nang may bumangga sa akin sa likod.
"Kuya, ito po, o!" Itinuro agad ng isang binatang naka-makeup ang dalawang kasama niyang nagtatawanan sa likod. "Nanunulak kasi, parang tanga!"
"Tae ka, beh, landi mo!"
"Sorry po talaga, Kuya."
Bihira ako rito sa lugawan kay mas madalas akong malibre sa tindahan nina Ate Yoly ng kwek-kwek saka turon. Sa kabila naman iyon, sa may hepa lane. Kapag naman kasi wala akong trabaho, tumutulong akong magbuhat ng mga kahon ng pugo saka mga penoy sa tindahan nila. Meryenda lang at hapunan ang bayad, may pagkain na ako sa buong araw. Madalas, nakakarami pa ako ng buko juice o kaya melon kapag napapansin ni Ate Yoly na ang dami kong ginagawa sa tindahan niya.
Kaso sarado pa iyon nang ganitong oras ng umaga at mamaya pang hapon magbubukas.
"Pabili ho ng dalawang goto, apat na tokwa, saka isang itlog, Kuya," sabi ko sa tinderong nagsasandok. "Palagyan ho ng maraming bawang yung isa. Salamat ho."
May nakahilig na salamin sa itaas ng lugawan. Nakikita ko roon ang kanina pa naghaharutang kabataan sa likod ko. Pero mas napansin ko ang kanina pang tinutusok ni Aya sa mukha ko. Napahawak tuloy ako sa kanang pisngi ko. May kalmot kasi. Hindi mahaba pero kitang-kita.
Nagbuntonghininga ako habang inaalala ang itsura ni Aya kagabi. Takot na takot siya—parang nakakita ng multo. Hindi ko mabilang kung ilang beses niyang sinabing gusto na niyang mamatay.
Nablangko ako habang naririnig ko iyon sa kanya. Sa isang banda, siguro ginusto ko na ring mamatay at sumunod kay Kikay kung nasaan man siya naroroon, pero iniisip ko pa lang ang gagawin ko, naririnig ko na siyang nagagalit. Sasabihin niya kung nabubuhay pa siya na huwag kong sasaktan ang sarili ko.
Ayokong magalit sa akin si Kikay.
"Dalawang goto, apat na tokwa, isang itlog," pag-uulit ng tindero sa binili ko. Inabot ko sa kanya ang isandaan na sahod ko noon pang nakaraang araw saka kinuha ang plastic na laman ang binili ko. Tumanaw pa ako sa paligid habang naghihintay ng sukli nang mapansin ko na naman ang pamilyar na mukha ng lalaking kahapon ko pa nakikita.
Ayoko sanang sabihing sinusundan ako—o kami—pero kahapon ko lang siya napansin habang kasama ko si Aya.
O baka masyado lang akong nag-iisip kay baka tagarito lang din. Pero ang tagal ko na rito sa lugar na 'to, kahapon ko lang talaga siya napuna.
"Sukli sa isandaan!"
"Salamat ho, Kuya."
Pag-alis ko sa lugawan, sumimple lang ako ng tingin sa paligid, kunwaring lilingon sa pagtawid.
Sumabay siya sa pag-alis ko at doon naman nag-abang sa malayo para tumawid din.
Pagpula ng stop light at paghinto ng mga sasakyan, tumawid na rin ako. At kahit walang crossing sa puwesto ng lalaking iyon, tumawid pa rin siya eksaktong pagtawid ko kasama ng iba pang naghihintay sa pedestrian lane.
Huwag naman sanang tama ang iniisip ko.
Kalmado lang akong naglakad pabalik sa Everlies, pero doon ako sa underground parking dumaan. Kung tama ang bilang ko, may sampung CCTV rito sa parking lot. May isang ipinalipat ko ng puwesto noong nag-check kami rito ng mga water pipe. Delikado kasi kapag biglang nag-leak ang tubo, doon tutulo ang tubig eksakto sa camera.
Siguro kakausapin ko na lang si Kuya Norman kung napapansin niya rin itong pamilyar na mukhang ito sa paligid ng Everlies. May CCTV naman, baka nakukuhanan ng mukha ang mga dumaraan dito sa parking lot.
Hindi ko naman gustong manatili sa condo unit ni Aya, pero natatakot kasi ako para sa kanya. Noong binalewala ko ang nangyari sa asawa ko, wala akong ibang sinisi kundi sarili ko lang noong namatay si Kikay. At ayokong maulit iyon. Tama na ang isang bangungot sa bawat gabi ko. Sobra na ang dalawa.
Pagbalik ko sa unit ni Aya, hindi talaga siya nawala sa puwestong huli kong kita sa kanya. Kung paano ko siya iniwan, ganoon ko pa rin siya binalikan.
"Aya, tayo ka na diyan. Mag-almusal ka muna."
Dumeretso ako sa kusina niya para ilapag doon ang pinamili ko. Sumulyap ako sa kanya at mukhang kahit yata umupo nang maayos, wala siyang balak gawin.
Nagbuntonghininga na lang ako at nilapitan siya.
Mahinahon akong nagsalita. "Masakit ba'ng katawan mo?"
Umiling siya.
"Bakit ayaw mong tumayo diyan?" mas mahinahon ko pang tanong.
Iling na naman ang natanggap ko.
"Tayo ka na diyan para makapag-almusal ka na." Hindi ko inalis ang kumot sa kanya kay alam kong wala siyang ibang damit kundi manipis na sando at panty lang. Hindi ko rin siya binalak bihisan kagabi kay nagwawala.
Inalalayan ko siya para tumayo pero kahit yata pagtayo, ayaw rin niyang gawin.
Nagpamaywang na lang ako at nagbuntonghininga. Kung maghahalo ang ugali nina Bea at Gretchen, malamang na si Aya na iyon.
"Tara sa kusina." Inalalay ko na lang ang kaliwang braso ko sa likod niya at sa likod ng tuhod naman ang kanan. Masasabi kong sobrang gaan ni Aya pagbuhat ko. Mas mabigat pa yata ang kahon ng pugo kaysa sa kanya.
Inilapag ko siya sa isang upuan sa pabilog na mesa at ako na ang kumuha ng mga mangko at kutsara't tinidor sa cabinet.
"Sana nag-asikaso ka na habang wala ako. Wala ka bang pasok? Nagtatrabaho ka ba o nag-aaral pa?"
Binalikan ko siya sa mesa at tulala pa rin siya sa harapan.
"Gusto mo bang subuan kita?" Hinawakan ko siya sa noo at leeg. Wala namang lagnat.
Kinakabahan na ako rito. Hindi kasi makulit.
Naghatak na ako ng upuan at itinabi sa kanya. "Aya, ayos ka lang?"
Ang bigat ng buntonghininga niya nang biglang hawiin ang nakabalot sa kanyang kumot.
"Huwag mo munang—"
"Mainit."
"Sana nagbihis ka na lang muna." Inilayo ko na lang ang sarili ko sa kanya at pumuwesto ako sa kabila.
Ako na ang nagsalin ng pagkain sa mangko habang pasulyap-sulyap ako sa kanya. Mukha kasi siyang balisa. Huling kita ko kay Bea bago kami naghiwalay, ganyan din siya kabalisa. Ang kaibahan lang, sinisigawan ako ni Bea. Si Aya, tulala lang.
"Wala ka naman sigurong eskandalong iniisip ngayon kaya ka balisa," sabi ko nang iurong ang isang mangko sa kanya.
Nagtagpo ang mga mata namin, at sa wakas, nagkadireksiyon na ang tingin niya.
"Eskandalo ka diyan." Inirapan niya ako at isinampa lang niya ang kaliwang paa sa upuan niya—ginawang patungan ng siko ang tuhod niyang nakatupi. Humikab siya at nahawa ako pero pinigil ko lang.
"Masarap ba 'to?" tanong niya habang nakatingin sa goto.
"Lahat naman ng pagkain, masarap. Nasa kumakain lang iyan."
Inalok ko siya ng tokwa. "Sana kumakain ka ng ganito."
Natawa siya nang mahina saka kinamay ang isang maliit na hiwa ng tokwang nakababad sa toyong sawsawan. "Of course, kumakain ako ng ganito." Isinubo niya iyon at ibinalik ang pagkakasandal sa upuan.
Nakakatatlong subo pa lang ako nang matigilan dahil nadaanan ng mata ko ang gumagalaw sa sando niya—bandang kanang dibdib.
"Ayos ka lang? Nahihirapan ka bang huminga?" tanong ko agad saka ako sumubo.
Bigla na naman siyang tumawa nang walang tinig habang nakatitig sa akin. "Nilalamas ko lang, di na agad makahinga? Not sure if you're just overprotective, overacting, or you just—whatever."
Parang nawalan ako ng gana sa isinagot niya. Nahirapan pa akong lunukin kahit lugaw lang naman itong kinakain ko.
"Kumain ka na lang," walang ganang utos ko habang inuubos ang laman ng mangko.
"Wala kang work today?"
Umiling ako habang tutok sa pagkain. Wala pa kasi hindi pa ako pumupunta sa baranggay.
"Anong course mo?" Saglit akong natigilan pero bigla niyang idinagdag ang "Oh, I forgot. Plumber ka nga pala. Graduate ka ng high school?"
Tumango lang ako habang sumasandok ng tokwa sa mangkong nakagitna sa mesa.
"Di ka nakapag-college?"
Umiling ako para sabihing hindi.
"Ako, nag-stop din e. First year lang natapos ko. Nakalimang shift ako ng course."
Sinulyapan ko ulit siya kay akala ko talaga, graduate siya ng college.
"Sana tinapos mo. Beynte anyos ka na, di ba?"
"21 na kahapon."
Nahinto sa hangin ang isusubo ko sanang tokwa at nakaawang ang bibig nang matitigan siya.
Birthday niya. Kahapon?
"Di mo sinabing birthday mo pala. Hindi sana lugaw ang binili ko para sa 'yo." Tinapos ko na ang pagkain at nabaling ang tingin ko sa pagkain niyang hindi pa niya nagagalaw talaga maliban sa ilang pagdampot ng piraso ng tokwa.
"Bakit? Bibilhan mo 'ko ng cake?"
Nagusot ang mukha ko nang ilipat sa mukha niya ang paningin ko. "Cupcake sana. Yung Lemon Square. Saka kandilang maliit."
Nagpakita na naman ang ngiti niya. Pero kaiba kapag may makeup siyang nakakatakot, para lang siyang inosenteng trese anyos. Maliban sa pawala nang pasa sa dulo ng labi.
"Hindi ka mukhang beynte uno," puna ko. Ang bata niya kasing tingnan. Parang mas matanda pa ang itsura ni Gretchen kaysa sa kanya.
"Ang cute ko, 'no?" sabi niya, at dumampot na naman ng isang tokwa.
Hindi ako tumanggi. Totoo naman. Kung itong ganitong itsura niya ang nakiusap sa akin noong nakaraang linggo, baka pumayag na agad akong tumira dito. Mukha kasing walang nagbabantay sa kanya tapos naglalaslas pa.
"Wala bang handa sa inyo? Parang di mo naman birthday kahapon."
Umiling siya at dumampot na naman ng tokwa sa mangko. "Daddy called last week, he asked me if I want to celebrate with them. Sabi ko, I'm with my friends. Kaso, ang sinabi ko naman sa mga friend ko, may date ako yesterday so, walang supposed-to-be club night. I was supposed to be with Jes para sa apartment niya mag-celebrate, kaso hindi ko naman ine-expect na may outing pala sila ng girlfriend niya. Kaya umuwi na lang ako rito sa condo."
Sa dami ng paliwanag niya, yung Jes lang ang rumehistro sa akin.
"Di ba, ex mo yung Jes? Bakit gusto mong pumunta sa kanila? Siya yung nakaraang parang galit sa 'yo, di ba?"
"Si Jes . . ." Bumuga siya ng hangin at tumanaw sa bintana ng kusina sa likuran ko. "Magse-sex lang kami n'on. Tapos uuwi na rin ako pagkatapos." Nakangiti na siya nang ibalik ang tingin sa akin.
Lahat yata ng sasabihin ni Aya, mahihirapan talaga akong unawain.
"Pero sabi mo, may girlfriend siya. Hindi ba magagalit sa iyo yung nobya niya?"
Ayan na naman siya sa tawa niyang paunti-unti at biglang hahalakhak.
"Hahaha! Oh my gosh! You know what, first time kong maka-encounter ng gaya mo, promise!" natatawa niyang sinabi habang inuugoy-ugoy ang sarili sa upuan. "Alam mo 'yon? Yung ang obvious ng sagot pero parang hindi mo alam. Seriously, ilang taon ka na talaga?"
"24 na ako sa susunod na buwan."
"24 ka na pala tapos ang weird mong magtanong!" Nangalumbaba pa siya sa mesa habang naguguluhan ako sa mga sinasabi niya. "Of course, magagalit yung jowa niya. Jowa niya 'yon e."
"Kaya nga bakit ka pa hahabol doon kung may babae na palang para sa kanya? Hindi ba masama ang ginagawa mo?"
Lalo lang namula ang pisngi niyang maputi habang tinatawanan ako. Mukha talaga siyang bata.
Mukha siyang manika.
"Okay, Denzell, real talk." Ibinaba niya ang magkabilang braso sa mesa at bahagyang yumuko paharap sa akin.
Pagbaba ko ng tingin, ibinalik ko agad ang mata ko sa mukha niya dahil nakikita ko na naman ang hindi ko dapat makita sa katawan niya.
"Temporary lang ang lahat sa mundo. If you don't want to live your life to the fullest, decision mo 'yon. I'm living my life the way I want to experience it. So kung gusto kong kasama si Jes, I'll be with him if possible." Dinampot na niya ang natitirang tokwa sa mangko saka isinubo.
"Mahal mo ba siya?" tanong ko habang pinanonood siyang ngumuya.
"Actually, not anymore. Kaso kasi siya lang ang pumapatol sa trip ko sa kama."
"Paanong . . . trip?" kunot-noong tanong ko nang sundan ulit siya ng tingin habang may hinahanap sa mesa.
"I told you, I asked for this," sagot niya habang tinuturo ang dulo ng labi niyang may pasa. "Sex lang naman ang habol ko kay Jes. Nothing more. Kung mahal niya yung jowa niya, e di shing. Ako pa magkasal sa kanila e. It's just that . . . Jes know how to satisfy me."
Dumako ang tingin ko sa mesa at dinampot niya ang nakapatong na tissue roon kasama ng mga pack ng ketchup na iniwan ko mula sa hapunan namin kagabi. Sayang kasi kung itatapon lang, hindi naman marumi.
"Kailangan bang gawin iyon?" usisa ko dahil hindi ko talaga naiintindihan ang ginagawa niya. Hindi naman sila mag-asawa at may iba pang nobya ang Jes na sinasabi niya.
Hindi rin naman kami mag-asawa ni Kikay noong una naming ginawa iyon pero pinakasalan ko naman si Kikay pagkatapos.
"You will never understand me," sabi niya at tumayo na. "Saka every time na nakikipag-sex ako, nawawala ang nightmares ko. Probably because of some hormonal shits. I don't know. Di pa okay yung shower, 'no? Maliligo muna ako." Sinundan ko lang siya ng tingin habang papunta siya sa kuwarto niya. "Saka pala sasama ako sa 'yo sa mall. Di mo pala alam yung password ng card ko. Baka sabihin ng cashier, ninakaw mo."
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top