Chapter 12: Naughty and Nice
"Gusto mo nito?"
"Ang mahal! Ito, mura lang pero maganda. Saka sexy ako tingnan dito."
Parang noong isang buwan lang, nasa Divisoria pa kami ng asawa ko, bumibili ng wedding gown niya.
Sabi ko sa kanya, kahit ano naman ang suotin niya, maganda naman lahat.
Maganda naman palagi si Kikay. Kahit nga nakasimangot, maganda pa rin. Mas lalo na kapag nakangiti.
Noong kasal namin, simple lang ang makeup niya. Nagkulot siya nang kaunti ng buhok tapos nag-ipit ng bulaklakin kahit walang belo.
"Ang ganda ko talaga!"
"Bakla ka! Ilusyunada!"
"Inggit ka lang kasi mas maganda ako, tse!"
"Pekpek lang inilamang mo sa 'kin, ses! 'Wag kang ano! Babyloves, sure ka na ba? Puwede akong pumalit sa babaitang 'to."
Kahit naman nagsasagutan sila nina Mariah, umarkila pa sina Rihanna ng jeep para lang ihatid kami sa baranggay hall. Sila nga lang ang maingay roon na nanonood, wala naman kami sa paliga.
Habang nakatingin ako sa mukha ni Kikay, lahat ng inisip kong pagkukulang ko bilang lalaki—bilang tao—lahat, hindi ko na maalala. Kasi mula nang iwan ako ni Bea at makasama ko siya, ipinaramdam niya sa akin na lahat ng ginawa ko, sobra pa sa dapat na natatanggap niya.
Nangingilid ang luha ko kapag naaalala ko ang paghawak ko sa kanang kamay niya roon sa kasalang-bayan. Lahat ng pangako ko sa kanya—lahat bumabalik sa isipan ko.
"Simple lang akong tao, ni wala akong matinong pangarap sa buhay, pero binigyan mo ako ng pag-asa. Lagi mong sinasabi sa akin na mahalin ko ang sarili ko gaya ng pagmamahal ko sa ibang tao. Hindi ka humiling ng mga bagay na hindi ko kayang ibigay. Sa totoo lang, hindi ko alam kung karapat-dapat ba ako para sa 'yo. Pero kapag may nagagawa akong maganda at masaya ka, pakiramdam ko, mahal talaga ako ng Panginoon. Kasi ibinigay ka Niya sa akin noong sumusuko na ako."
Gusto kong sukatin kung hanggang saan ang pagmamahal ng Diyos sa akin. Napapatanong ako sa sarili ko kung naging masama ba ako? May nagawa ba akong mali?
Naging mabuting tao naman ako sa lahat. Nirespeto ko lahat-lahat ng nakakasalamuha ko. Nagdarasal ako araw-araw, nagpapasalamat ako sa mga biyaya, maliit man o malaki.
Pero bakit . . .
Bakit ako?
Bakit si Kikay?
Bakit kami?
Bago pa man lumubog ang araw, nagbalot na ako ng mga gamit ko. Mga damit ko, mga mahahalagang dokumentong kailangan ko, ilang mahahalagang gamit ni Kikay na iniingatan niya—lahat ng tingin ko ay importante, isinilid ko sa isang malaking bag na itinago ko sa likod ng puno ng santol malapit sa bakery.
Paglubog ng araw, dumeretso ako sa bar na dating pinagtatrabahuhan ng asawa ko dala ang galon ng gasolina at isang gamit ko sa pagkukumpuni ng linya ng koryente. Dumaan ako sa likod, sa eskinita na tapunan nila ng basura karugtong ng likod ng motel sa tabi.
Kabisado ko ang bar. Madalas akong mag-ayos ng tubo ng tubig doon at minsan, ako rin ang nag-aayos ng mga wire kapag nagtitipid ang amo nila.
"Idi-dismiss na raw yung kaso ni Kikay, a. Pinabubura na nga raw yung record sabi ni Boss Gerry."
Napahinto ako sa paglakad nang marinig ang nag-uusap sa backdoor ng bar.
"Iba talaga 'pag malakas ang backer. Kaya pala walang media na dumaan dito. Inaabangan ko pa naman sa TV."
"Kawawa naman si Kikay."
"Sinabihan naman na kasi ni boss na di pa tapos ang kontrata niya. Kasalanan niya rin e."
"Kahit pa, brad. Buti si Tisoy, di pa nakakatunog."
"Paanong makakatunog e wala namang alam 'yon."
Sumandal ako sa pader para makapagtago nang magtapon ng malaking itim na lagayan ng basura sa sulok.
Alam nila.
Alam nilang lahat.
Para akong sinasakal nang mahigpit sa leeg, hindi ko na alam kung paano uunahan ng hangin ang galit ko.
Kahit anong gawin kong pagkalma sa sarili, tuwing bumabalik ang imahen ni Kikay sa damuhan—wala nang buhay at gawin nilang parang karne ng hayop—hindi ko na alam.
Ikinalat ko ang gasolina sa may basurahan karugtong sa pintuan ng kusina sa loob. Madilim doon, hindi gaanong naiilawan. Huwag daw iilawan nang malinaw kay mahuhuli kapag ininspeksyon. Makikita kung gaano sila karumi sa mga hinahain nila sa mga customer.
Ako ang nagkabit ng ilaw roon kaya alam ko kung paano makakapagtago sa kanila.
Matagal nang amoy-gasolina roon, hindi na bago sa kanila kay katabi lang ang parking lot ng motel. Hindi rin bago sa kanila ang sigarilyo. Doble pa ang singil nila kada stick kumpara sa labas.
May bakal na gate sa likuran, hindi nga lang nabubuksan kay bukas din naman sa kabila. Para ngang inilagay na lang doon para masabing may bakod. Tumalon ako roon sa kabila at mabilis na kinuha ang pink na lighter maging ang paboritong yosi ni Kikay na nakatago sa drawer niya.
Hindi ako naninigarilyo at alam kong itong yosi ang huling yosi ng asawa ko sa kuwarto.
Umisang tahip ako bago bumuga ng usok. Kahit sa kahuli-hulihang pagkakataon, maalala man lang ng labi ko ang lasa ng labi ng asawa ko.
Ang kalahati ay ibinato ko sa basurahan at tumalikod na ako paalis.
Maganda at tahimik na buhay lang ang hiningi ko sa Diyos. Hindi na ako naghangad ng higit pa roon. Kaligtasan lang. Kahit hindi na yaman, kahit hindi na mga materyal na bagay o pera—kaligtasan lang naming mag-asawa. Pero bakit parang ang hirap ibigay?
Pagtapak ko sa kalsada, sinasalubong ko ang mga nagtatakbuhang tao.
"May sunog daw sa kabila!"
"Saan daw?"
"Sa KTV!"
Nararamdaman ko ang init ng gabi na sinasalubong ng malamig na hangin mula sa bawat lumalagpas sa akin.
Sa gitna ng kalsadang puno ng mga nagkakagulong mga tao, binabanggit ko ang huling sermon na narinig ko sa misa.
"Sapagka't, narito, ang araw ay dumarating na nagniningas na parang hurno . . ."
"Doon daw sa bar! Nagpatawag na ng bumbero!"
"Padaanin n'yo yung trak!"
". . . at ang lahat na palalo, at ang lahat na nagsisigawa ng kasamaan ay magiging parang dayami, at ang araw na dumarating ay susunog sa kanila . . ."
Gusto kong sundan si Kikay kung nasaan man siya naroroon ngayon. Pero kapag naiisip kong papatayin ko ang sarili ko, naririnig kong pinagagalitan niya ako.
"Kapag sinaktan mo ang sarili mo, 'wag ka nang magpapakita sa 'kin, ha!"
Ayokong humarap kay Kikay nang nahihiya ako. Ayokong isipin niyang hindi na naman ako nakikinig sa kanya. Ayokong magalit na naman siya sa akin. Ayokong sumama ang loob niya at sabihin niyang bakit pa ba niya ako pinakasalan samantalang ang tigas-tigas ng ulo ko.
Binalikan ko ang lahat ng gamit ko sa may punong santol at sa kahuli-hulihang pagkakataon, nilingon ko ang maliwanag na apoy na kumakalat na mula sa di-kalayuan.
Sabi ni Inay, maging mabuti sa lahat ng oras. Palaging magdasal at dapat may takot sa Diyos. Pinagpapala ang lahat ng nananampalataya sa Kanya.
Baka nga kinulang lang ako sa pananampalataya.
Nasa sampung utos ng Diyos na huwag akong papatay. Pero hindi naman nakalagay roon na huwag akong manununog. Tingin ko naman, wala akong nilalabag.
One year later . . .
"Nagsabi na ho ako sa management nitong building na ayusin na ang pipe na konektado sa linya ng tubig, ma'am. Hintayin n'yo na lang ho ang update sa kanila. Ganito rin ho ang kaso sa ibang unit dito sa Everlies Tower."
Tumayo na ako matapos isara ang valve ng tubig sa ilalim ng lababo ng kliyente ko ngayon. Hindi naman ito ang unang beses kong pagpunta sa condo unit na ito, o kahit sa iba pang unit dito sa Everlies. Linggo-linggo ang reklamo sa linya ng tubig. Pinetisyon na raw ito sa management ng condo pero wala pa ring aksyon mula sa mga may-ari.
"Tawag na lang ho kayo sa guard kapag may problema ho ulit. Sila naman ang tumatawag sa amin para pumunta rito." Kinuha ko ang basahan sa bulsa ng pantalon ko at pinunasan ang sahig, sunod ang gilid na tiles ng lababo.
"This is your fourth time here sa condo ko, tama?"
Tiningala ko siya at matipid akong ngumiti saka tumango. "Oho. Yung dati ho kasing pumupunta rito, umuwi na ho sa probinsiya. Ako ho ang ipinalit."
Tumayo na ako mula sa pagkakaluhod at binukas-sara ang faucet para malaman kung maayos na ba ulit ang linya ng tubig sa unit na ito.
"Foreigner ka ba? TNT sa Pinas?"
Umiling lang ako habang patuloy sa pagpupunas sa palibot ng lababo gamit ang bagong basahan. "Hindi ho. Laking Maynila ho ako. Amerikano lang ho ang tatay ko."
"Where do you live? Sa Manila pa rin?"
Umiling ulit ako pero hindi na ako sumagot.
Wala rin kasi akong isasagot.
"Malapit lang ang house mo rito?"
Itinuro ko na lang ang bintanang kaharap naming dalawa. "Kahit saan ho."
"What do you mean by kahit saan?"
Matipid ko siyang nginitian pagsulyap ko sa kanya. "Wala ho akong bahay. Sa ngayon ho, doon ako natutulog lang sa ilalim ng puno sa may park. Hindi naman ho ako sinisita kay maaga naman ho akong gumigising."
"What?"
Base sa punto ng pananalita niya, parang may mali na akong nasabi.
"Are you serious? Where do you take your bath anyway?"
Itinuro ko ang terminal na bus na nasa highway sa kabilang kanto. "Doon ho sa public restroom, puwede hong maligo roon."
"Oh my gosh. You're so . . . poor."
Napayuko na lang ako at nagbuntonghininga. Iniwas ko na lang ang tingin ko sa kanya at iniligpit ko ang mga gamit ko.
"By the way, I saw you last time. You cleaned my house."
Napakamot agad ako ng ulo nang maalala iyon. Sobrang kalat kasi sa unit niya, parang hindi babae ang nakatira.
Makalat din naman si Bea, pero masyadong maganda itong condo unit para maging sobrang kalat.
"Pasensiya na ho, ma'am. Hindi na ho mauulit."
"Ah, no! Don't be sorry. Okay lang. I'm looking for a caretaker din ng condo ko. Nanakawan kasi ako last time, you said wala kang house? You can stay in."
Para akong saglit na dinamba sa dibdib nang matingnan ko siya nang deretso.
Ang alam ko lang, sa Alejandre unit itong kanya. Wala akong ibang alam kung sino ang may-ari nito.
Matapang ang mukha niya—kaya ayokong tingnan kasi parang nangmamata ng tao. Ang dami niyang hikaw sa tainga, kahit sa dila at sa pusod. Parating itim o kaya madilim na lila ang lipstick. Kung may iba pang mapapansin sa mukha niya, malamang na mata na iyon. Para kasing tumatagos sa kaluluwa. Pakiramdam ko, nakikita niya ang nilalaman ng loobin ko.
Nagbaba ako ng tingin. Iniwas ko ang mata ko sa suot niyang tube at maikling puting palda—iyon bang damit ng limang taong gulang na bata pero pinagkasya sa katawan ng beynte anyos.
Ang dami niyang peklat gawa ng laslas sa braso. May tatlong sariwa pa.
Ako ang nasasaktan para sa kanya habang tinitingnan ko.
"Hindi ho ba delikado 'yon?" tanong ko na lang habang nakalingon sa labas ng bintana. "Nagtitiwala kayo sa hindi ninyo kakilala."
"I wasn't even here the first three times na pumunta ka, yet nothing was stolen naman. You even clean my living room kahit wala naman sa bayad. Saka you really look okay naman. Even the guards are fine with you. Sabi nila, ang bait mo nga raw."
"Kahit pa ho. Dapat hindi ho kayo basta-basta nagtitiwala sa tao."
"And . . . are telling me na huwag magtiwala sa 'yo?"
Pag-angat ko ng tingin sa kanya, naniningkit ang mga mata niya nang titigan ako.
Nakipagtitigan lang ako sa kanya. Hindi ako interesadong sumagot.
Maliit lang siyang babae, sintaas lang yata ng dibdib ko, pero kung tingnan niya ako, parang napakaliit ko lang sa kanya.
"You know what, you don't look like a bad guy, actually. Saka ang gaan ng loob ko sa 'yo. I don't know."
"Tawag na lang ho kayo sa guard kapag may problema ulit kayo sa linya ng tubig."
Naglakad na ako paalis kay wala namang patutunguhang maganda ang usapan namin, pero hinarang agad ako ng sugatang braso niya.
"Just tell me kapag payag ka na sa offer ko. I'm Aya, by the way."
Tumango lang ako sa kanya kahit pa mukhang balak niyang makipagkamay. "Pag-iisipan ko ho," sabi ko bago lumabas ng unit niya.
Wala akong planong patulan ang alok niya dahil ayoko ng problema. Hindi niya ako kilala, hindi ko siya kilala. Iniiwasan kong mapagbintangan ng kung ano-anong hindi ko naman ginawa.
Gusto ko lang ng tahimik na buhay. Iyon lang . . . iyon lang.
Pero hindi ko na alam.
Hindi ko alam kung bakit may mga babaeng makukulit sa mundo gaya niya.
"Hi! Is this Denzell Hanson?"
Kumunot agad ang noo ko pagsagot ko sa tawag sa telepono umagang-umaga.
"Sino ho sila?"
"This is Aya! By the way, libre ka?"
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top