Chapter 3: The Time
"Miminggay! Pss! Pss! Pss!"
"Meow."
Lumapit naman siya agad sa 'kin pagpasok ko ng bahay.
"Gutom ka na ba?" Hinimas ko ang ulo niya. Nilagyan ko ng kaunting cat food na pasimple kong dinakot sa may bilihan ng feeds ang lalagyanan niya ng pagkain. Minsan lang siya makakain n'on dahil gaya ko, nabubuhay rin siya sa instant na pagkain.
Inilapag ko sa sofa ang bag ko at dumiretso sa kusina. Tiningnan ko ang airpot. Nakalimutan kong bunutin ang plug kanina kaya may naabutan akong mainit na tubig. Sinilip ko ang laman ng cabinet. May cup noodles pa. Kinuha ko agad at nilagyan ng mainit na tubig pagkatapos ay inilapag sa mesa ang hapunan ko.
"Meow."
Umiikot-ikot na naman si Miminggay sa paanan ko. Nagpapalambing kasi ubos na ang masarap niyang pagkain.
"Kailan kaya magkakaroon ng adobo flavor ang cup noodles?" tanong ko kay Miminggay.
"Meow."
"Paano kaya kung Sipa ang pangalan nitong cup noodles. Maiaalok mo pa kaya 'to sa iba?"
"Meow." Umikot-ikot pa rin si Miminggay sa paanan ko.
"Kasi pakinggan mo . . . Miminggay, Sipa, gusto mo?"
"Meow, meow, meow."
Kinain ko ang kalahati at pinakain ko ang kalahati kay Miminggay. Pinanood ko siyang ubusin ang pinaghatian naming noodles kahit na parang nawalan siya ng gana dahil mas malasa pa rin ang cat food kaysa pagkain ko.
Ang sabi nila, mas mabuti raw sa isang taong mag-isa ang magkaroon ng alaga para may kasama raw kahit paano na living thing sa bahay.
Noong namatay ang nanay ni Miminggay, ni hindi ko siya narinig na umiyak o nagreklamo sa mga taong pumatay sa nanay niya. Kaya simula noon, tinigilan ko na ang paninisi sa iba. Gusto kong patuloy na mabuhay. Katulad ni Miminggay.
Bumalik ako sa sala at kinuha ang gamit ko. Umakyat na 'ko sa kuwarto ko. Two-story ang bahay ni Mama at masyado 'tong malaki para sa mag-isang katulad ko. Wala naman na kasi silang ibang ipamamanang bahay sa 'kin kundi ito lang.
Makalat ako noon. Lagi akong pinagagalitan ni Mama dahil kababae kong tao pero napakakalat ko.
Ngayon, naiinis ako kapag may nakikita akong kalat sa paligid. Hindi ako makahinga. Kaya kahit ultimong balat ng kendi, hindi ko pinalalagpas. Hindi na rin naman ako makapagkalat dahil wala akong pambili ng ikakalat ko.
Inilapag ko ang bag ko sa study table at humiga sa kama. Binuksan ko ang music player sa ulunan at nagpatugtog.
Isang guitar cover ng Wonderful Tonight.
Wala pang ilang minuto, biglang pumasok sa isip ko ang pocket watch. Bumangon ako at kinuha sa bulsa ng bag ko ang relong bigay n'ong weird guy sa school. Napansin kong hindi naman 'yon gumagana.
"Ano'ng sabi niya? Isipin ang past tapos ilagay raw sa twelve."
Inisip kong malaking kalokohan kung gagawin ko ang sinabi niya. Lagi kong iniisip ang nakaraan pero walang nangyayari.
Kung iisipin ko ulit ngayon, may mangyayari ba?
Maibabalik pa ba ang panahong kasama ko pa ang buong pamilya ko?
Sinusian ko ang pocket watch at itinapat sa exact twelve.
Huminga ako nang malalim at pumikit.
Pagdilat ko, tiningnan ko agad ang paligid.
Walang nangyari.
Ngumiti na lang ako nang kaunti.
"Ang engot ko talaga. Naniniwala pa 'ko sa mga ganoong bagay."
Tiningnan ko ang oras saalarm clock sa night stand. 6:49 p.m. Late na pala. Kailangan ko nang matulog.Hindi na 'ko mag-a-alarm, wala naman akong pasok bukas.
###
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top