Chapter 28: Chocolates

7:45 a.m. Monday.

Gumising ako nang maaga at nagluto ng instant noodles. Naghanda na rin ako para pumasok sa school.

Medyo naninibago ako kasi ang bagal ng panahon dito sa panahong ito pero pakiramdam ko, ang dami nang nangyari.

"Para saglit!"

Ang ganda ng umaga. Maganda ang bagsak ng sikat ng araw habang nasa biyahe ako. Napansin kong may nakatingin na naman sa akin. Lalaking tagakabilang school. Nakaupo sa katapat kong puwesto.

Nagulat siya noong nahuli ko siyang nakatingin sa akin. Pinilit naman niyang ngumiti. Para tuloy siyang natatae dahil sa itsura niya. Ngumiti na lang ako nang sandali at inilayo ang tingin sa kanya.

Ang weird. Medyo good mood ako ngayon kaya maaga akong pumasok. Lagi kasi akong late.

"Para!"

Bumaba na ako sa tapat ng gate ng school. Nandoon na naman ang guard na laging nag-che-check ng bag. Iba sa guard na nakausap ko kahapon.

"Sige, pasok na," sabi ng guard sa akin bago ko pa ipa-check ang bag ko.

"Hindi nyo i-che-check yung bag niya?" tanong ng isang estudyante sa likod ko.

"Hindi na kailangan," sabi ng guard.

Hindi ko na lang inintindi ang mga estudyanteng tsini-check pa rin ang bag nila at tumuloy na lang ako papunta sa room ko.

"Wala pang tao?" bulong ko kasi talagang wala pang kahit sino sa room pagtapak na pagtapak ko roon. Umupo na lang ako sa puwestong walang nagtatangkang kumuha sa akin. Fil 2 namin at mukhang katatamaran na naman kaming pasukan ng prof.

"Ano kaya? Sa last birthday kaya ni Mama?" bulong ko habang iniisip kung saan at kailan ko pa gustong bumalik sa past.

Naaalala ko pa rin ang mga nangyari noong Christmas party. Ang saya lang. Napapangiti ako nang hindi sinasadya.

First time kong ma-experience iyon kahit na second time ko iyong ginawa at napuntahan.

"Ay, nga pala!" Naalerto agad ako. Hinawakan ko ang leeg ko. "Bakit wala?"

Nasaan na ang kuwintas na regalo ni Gelo? Siguro naman, nasa akin na iyon ngayon kasi natanggap ko sa past. Imposibleng wala, kasi kung meron akong kopya ng mga picture, dapat nasa akin iyon.

Kinalkal ko ang bag kong walang kalaman-laman. Walang kahit anong kuwintas.

"A, baka iniwan ko sa bahay noon."

Naaalala ko pa ang design. Bakal ang gilid tapos crystal glass ang kabuuan.

Ang ganda talaga niyon. Sayang at hindi ko suot ngayon.


* * *


Malapit na palang matapos ang sem. Inuunti-unti na kami ng mga project.

Natapos na ang klase ko ngayong araw kaya manananghalian na naman ako sa may punong santol. Naglalakad ako sa campus para makapuwesto na agad sa tambayan ko nang biglang . . .

"Yo! 'Musta na?"

Inakbayan na naman niya ako.

"Puwede bang tanggalin mo 'yang braso mo sa balikat ko?" naiirita kong utos sa kanya kasi ang bigat.

Tinanggal naman niya agad. Tumayo siya sa harapan ko at nginitian lang ako. Napahinto tuloy ako sa paglalakad.

"Ano na namang kailangan mo?" tanong ko pa.

"Puwede mo ba 'kong samahan ngayon?" tanong niya. Ang mukha niya, halatang gustong mamilit.

Tiningnan ko ang paligid. Bumuntonghininga ako bago sumagot.

"Saan?"

"Yes!" Napasuntok siya sa hangin at hinatak ako sa may bench sa ilalim ng puno ng santol.

"Dito?" tanong ko pa kasi dito rin naman ang punta ko.

"O!" Iniabot niya sa akin ang isang Toblerone na maliit at isang chocolate drink.

"Para saan 'yan?" tanong ko habang palipat-lipat ang tingin ko sa kanya at sa hawak niya.

"Kunin mo na," sabi niya na lang. Kinuha ko naman.

Tinitigan ko ang bigay niya sa akin. Isang maliit na Toblerone at isang chocolate drink. Bigla ko tuloy naalala ang bigay ni PJ na kinain ni Gelo.

"Alam mo, may nagbigay rin sa 'kin ng Toblerone noon. May kasama ngang flowers. Christmas party namin," kuwento ko sa kanya.

"Talaga?"

Tiningnan ko siya. Nginitian niya ako.

"Ang pangit mo!" sabi ko sabay palo ng mahina sa noo niya. Puno kasi ng chocolate ang ngipin niya kaya mukha siyang bungi. "Ano ba 'yan, Philip! Abnormal ka!"

"Hahaha! Di ka naman mabiro." Nilinis na lang niya ang ngipin niya ang gamit ang dila.

Kinain ko muna ang binili kong fishballs at kikiam bago ko isunod ang bigay niya.

"Kumusta ang araw mo?" tanong niya habang kumakain ako.

"Ayos lang. Gaya pa rin ng dati."

"Mukhang good mood ka, a." Hinawi niya ang harapan ng mukha niya. "Ang aliwalas ng mukha mo ngayon e."

Nag-isang tango ako sa kanya. "Maganda lang siguro ang gising ko." Nginitian ko siya nang matipid bago ko ibalik ang atensyon sa kinakain ko.

"Good." Saglit siyang huminto. "Sana palaging maganda ang gising mo."

Saglit naman akong natigilan. Tiningnan ko siya. Nakatingin lang siya sa malayo.

Ilalayo ko sana ang tingin ko sa kanya pero may napansin ako. Ngayon ko lang natitigan nang maigi ang mukha niya. Parang nakita ko na siya dati.

"Philip."

"Yes?"

"Saan ba tayo unang nagkita?"

Sandali siyang tumingin sa akin sandali at inilipat din ang tingin sa ibaba na parang iniisip din niya kung kailan.

"Sa school? Dito?" alanganing sabi niya. Hindi pa siya sigurado. Inilayo na naman niya ang tingin niya sa akin.

Tumahimik na lang siya. Inubos ko na rin ang Toblerone at ininom ang chocolate drink na bigay niya.

Ngayon lang ako nilibre ni Philip. Himala. Sulit na rin pala na hindi ko nakain ang bigay ni PJ noon. Nakatikim na rin ako ngayon ng Toblerone dahil kay Philip.

"May tanong pala 'ko," pagbasag niya sa katahimikan namin.

"Ano? Baka sakit na naman sa ulo 'yang tanong mo, ha?" sarcastic kong sinabi sa kanya.

"Hindi naman masyado. Ano lang . . . kapag dinala kita sa favorite place ko pero ayaw mo sa favorite place ko, sasamahan mo ba 'ko r'on?"

Agad ang kunot ng noo ko sa sinabi niya. "Bakit naman kita sasamahan in the first place? Saan mo 'ko tatangayin?"

Bigla siyang natawa sabay iling. "Hindi naman. Nagtatanong lang ako. For SWS survey."

"Baliw. SWS survey mo mukha mo."

Nagsisimula na naman si Philip sa mga tanong niyang makabasag-utak. Ewan ko ba sa kanya. Kung saang lupalop niya nakukuha ang mga itinatanong niya sa akin.

"Alam mo, may nabasa ako dati sa bookstore. Mga pick-up line, gano'n. Ang sabi: Ang taong mahal ka ay parang namimili sa palengke. Hinding-hindi siya hihingi ng tawad kung hindi ka mahal."

Ngumiti siya at sumandal sa bench.

"O, ano ngayon?" sabi ko pa habang inililigpit ang mga pinagkainan ko.

"Wala lang. Parang conditional ang apology, gano'n. Na kung hindi ka mahal ng tao, hindi siya magso-sorry sa 'yo."

Alanganin naman akong tumango. "Ang ligalig ng utak mo, 'no? Kung ano-ano'ng naiisip mo."

Ngayon ko lang nakasama nang ganito katagal si Philip. Parang kanina lang, alas-onse pa lang. Ngayon, alas-dose pasado na. Tinitigan ko si Philip. Bigla siyang nag-hum ng pamilyar na tono habang nakapikit.

"When the visions around you, bring tears to your eyes

And all that sorrounds you, are secret and lies."

Napataas na lang ang kilay ko sa kanya kasi bigla na lang siyang kumanta.

"I'll be your strength, I'll give you hope

Keeping your faith when its gone

The one you should call was standing here all along."

Maganda pala ang boses niya. Kaso, ano kaya'ng problema nito? Bakit biglang kumanta? Nabo-bore na siguro kasama ako.

Uuwi na ba ako?

"And I will take you in my arms

And hold you right where you belong

Til the day my life is through, this I promise you . . ."

Ngumiti lang siya at hindi na tinapos ang kanta. Umayos siya ng upo at inilipat ang tingin sa akin.

"Alam mo, kinanta ko 'yan sa babaeng gusto ko noon no'ng birthday niya."

Ayun, kaya pala. May hugot.

"Natuwa naman ba?" pabiro kong tanong.

Sa bagay, kung ako ang babaeng iyon, baka matuwa ako. Ang ganda ng boses ni Philip e.

"Siguro. Umiiyak naman kasi siya noon kaya hindi ko na tinanong kung natuwa ba siya. Nandoon kami sa favorite place ko. Nagkataon pa na yung favorite place ko e yung lugar na pinakaayaw niya. Tapos ako pa yung isa sa pinakaiinisan niya noon."

Aw, I see. "Kaya ba tinatanong mo 'ko kung sasamahan ba kita sa favorite place mo kung ayaw ko r'on?"

Bigla siyang napangiti. Ang reaksyon niya, kulang na lang, sabihing "Tama ka!"

"Nandoon siya sa lugar na pinakaayaw niya kasama ako. Kung ayaw mo sa isang tao at doon sa lugar na paborito niya, matutuwa ka bang kasama siya?"

Napabuga ako ng hangin. May gusto sana akong isagot kaso heto na naman siya sa mga tanungan niyang hindi ko alam kung paano sasagutin.

"May problema ka ba?" tanong ko na lang kasi hindi ko alam ang sasabihin ko.

Natawa na naman siya. "Wala, ha." Nakangiti siya at saka yumuko na lang. Ano kaya'ng problema ng taong ito?

"Bakit pala siya umiiyak?" pagtatanong ko na lang para kunwari, may pakialam ako.

Napatingin siya sa itaas at huminga nang malalim.

"Nasaktan siya kasi hindi siya ang pinili n'ong lalaking mukhang gusto niya," sabi niya.

"Binasted siya?"

Umiling naman siya. "Ang totoo, may nakaaway siya tapos ang kaaway ang kinampihan ng lalaki." Sumulyap siya sa akin. "Imagine, yung taong gusto niya, nagalit sa kanya sa mismong birthday niya. Tapos ang tanging nandoon lang e ako. Malas ko lang kasi hindi niya 'ko gusto at nandoon pa siya sa lugar na hindi niya rin gusto."

Napasandal na lang din ako sa bench na inuupuan namin. "Dapat nga, magpasalamat siya sa 'yo kasi nandoon ka. Ako nga, no'ng galit sa akin ang lahat, walang kumampi sa 'kin kahit na birthday ko. Buti siya, sinamahan mo pa. At least, di ba, meron siyang ikaw."

Pagtingin ko sa kanya, ang lungkot lang ng tingin niya sa akin.

"O? Ano'ng klaseng mukha 'yan?" puna ko pa.

"Kapag ba nawala ako, hahanapin mo 'ko?"

"Oh, come on." Eto na naman ho kami. Tumayo na ako at nag-ayos ng bag ko. "Alam mo, Philip, kaunti na lang, iisipin ko nang may saltik ka sa utak."

Nanatili ang malungkot niyang mukha. Hindi ko alam kung maaawa ba ako o ano.

"Naniniwala ka ba sa destiny?" tanong niya.

"Yuck," sabi ko agad habang nakasimangot. "Alam mo, Philip, kahit may itsura ka, ang creepy mo na."

"Makikilala mo pa kaya ako 'pag hindi mo 'ko nakilala ngayon?"

Ayaw niya talagang tumigil! Paulit-ulit siya ng tanong!

"Bakit ba laging ganyan ang tinatanong mo sa 'kin? Ano ba'ng problema mo?"

"Hahanapin mo ba 'ko 'pag nawala na 'ko sa buhay mo?"

"Mamamatay ka na ba?"

"Yung babaeng gusto ko, hindi ko alam kung naaalala pa niya 'ko hanggang ngayon. Sa tingin mo, hinahanap niya kaya ako?"

"Aba, malay ko sa 'yo," sagot ko agad. "Hindi ko siya kilala. Wala akong kakilala. 'Wag mong hanapin sa 'kin yung taong gusto mo kasi wala akong maisasagot sa 'yo."

Tatalikod na sana ako para umalis pero natigilan ako kasi bigla siyang yumuko.

"Gusto kong balikan yung birthday niya. Yung araw na dapat masaya siya pero pinaiyak lang siya ng iba. Limang taon na ang lumipas, sobrang bilis. Sana naalala niya 'ko."

Napailing na lang ako. Siguro nga, malungkot lang talaga si Philip. Hindi ko na kasi alam kung ano na ang mga sinasabi niya.

"Aalis na 'ko. Salamat sa chocolates. Kung ano man ang problema mo at sa babaeng gusto mo, tingin ko, dapat siya ang kinakausap mo at hindi ako."

Naglakad na ako para makaalis na. Tapos na ang usapan. Iyon at iyon na naman ang pagtatalunan naming dalawa.

"Happy birthday, Stella!" sigaw niya kahit na nakalayo na ako sa kanya.

Tumaas na lang ang kilay ko sa isinigaw niya.

Teka . . .

"Anong araw ba ngayon?"



* * *



Alas-otso na nang gabi. Pinanonood ko na naman ang mga alitaptap sa likod-bahay. Nakakain na ko't lahat-lahat. Matutulog na lang.

Kanina ko pa hinahanap ang necklace na bigay ni Gelo pero wala talaga. Inabot na ako ng gabi pero hindi ko talaga makita. Hawak ko ang pocket watch at tinititigan ang kamay nitong nakatapat sa 8.

"Birthday ko nga pala ngayon."

Paano kaya nalaman ni Philip? Buti pa siya, alam niya kahit hindi ko naman sinasabi. Siguro, nanghingi ng records iyon sa school. Madali lang namang makakuha ng records kung doon din siya nagtatrabaho.

Pinihit ko ang kamay ng pocket watch nang hindi nag-iisip kung kailan ko ba balak bumalik.

Hindi ko rin alam kung saanat kailan ako nakabalik. Nagulat na lang ako pagdilat ko, malakas na tawananang bumungad sa akin.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top