Chapter 26: Angel Wings
Hindi ko alam kung ano'ng i-re-react ko.
Maiinis ba ako? Magagalit? Matatawa? Ewan.
Nandito ako ngayon sa pinaka-magical place sa buong school. Kasama ang pinakaguwapong bully ng year namin na si Angelo. Pati na ang pinakamagandang babae sa room na si Chim. At ang pinakaguwapo at pinakamatalinong lalaki sa room na si AJ. At ako bilang pinakamalas na babae sa balat ng lupa.
O, di ba? Saan ka pa?
May gusto si Gelo kay Chim. Gusto ni Chim si AJ. At alam kong ganoon din si AJ kay Chim.
At ako? Wala lang. Dakilang epal lang.
Pero ang awkward talaga e.
Kung ako ang nasa posisyon ni Gelo, magwawala talaga ako. Ang sarap lang mag-amok dahil sa mga nangyayari.
Imagine, nasa isang napakagandang lugar ka, tapos nandoon din ang taong gusto mo. O, di ba, ang saya niyon!
Ang kaso, nandoon din ang taong gustong-gusto niya sa tabi niya at hindi sa tabi mo.
Ouch lang. Ouch talaga.
Naaawa ako na natatawa sa mga nangyayari ngayon kay Gelo.
Ang lakas lang din man-trip ng tadhana sa kanya.
Gusto kong alaskahin si Angelo para lang makaganti sa mga pang-iinis niya sa akin kaso baka magkagulo. Mahirap na. Baka magsimula ang World War III ngayon.
"Puwede bang magsalita?" alanganing tanong ko. "Alam mo, Gelo . . ."
"Subukan mo lang, kukutusan talaga kita," banta agad ni Gelo kasi mukhang ayaw niyang marinig ang kahit anong balak kong sabihin.
Napayuko na lang ako at napahawak sa tuhod ko. "Sabi ko nga."
Tahimik lang kami ni Gelo.
Okay sana kung tahimik din ang dalawa sa swing e, kaso hindi.
Ang nakakairitang part, dinig na dinig namin ang pinag-uusapan ng dalawa sa may swing!
Actually, si Chim lang ang maingay. Mukhang marunong makaramdam si AJ.
Hindi ko na idinako pa ang tingin ko roon sa lovers. Baka isipin nila, tsismosa ako. Wala pa namang ibang ginawa si Chim kundi ikuwento ang buong buhay niya. Nakaka-bad trip at nakakarindi. Napilitan tuloy akong kunin ang earphone ko at mp3, huwag lang marinig ang kunwaring kadramahan ni Chim sa buhay niya.
Pake ba naman ni AJ kung feeling niya, sobrang hopeless na ng buhay niya dahil hindi siya binilhan ng expensive shoes ng Mommy niyang nagtatrabaho sa Paris para sa Christmas party. Duh. Sobrang nakakaiyak.
Oo nga pala, may ibinigay pala si PJ na chocolate. Kinuha ko na lang ang Toblerone sa paperbag at binuksan ko agad.
Nagningning ang mga mata ko dahil sa chocolate.
Mula noong bumagsak sa fifty pesos ang baon ko everyday, luxury na para sa akin ang Toblerone. Ang mahal naman kasi. Alangang unahin ko pa ito kaysa sa pagkain namin ni Miminggay, hello?
"At last, masasayaran din ng chocolate ang dila ko . . ." bulong ko pa habang naglalaway sa hawak ko.
"Akin na nga 'yan!" Galit na kinuha ni Gelo ang chocolate sa akin. Tiningnan ko siya nang masama.
"Gelooo!"
"Gelooo!" Ginaya na naman niya ang maarteng tono ko sabay hirit ng "Akin na 'to!" Nag-cut siya ng isa at isinubo agad.
"Gelo kasiii! Akin 'yan!"
Oh, my God. Kinain niya! Kinain niyaaa! Nooo!
"Akin na 'yang chocolate ko!" sigaw ko pa habang pilit na inaabot sa kanya ang chocolate ko.
"Talaga? May pangalan mo?" Tiningnan niya ang buong balot ng chocolate. "Wala namang nakalagay na Stella e, kaya akin na 'to!"
"Ibigay mo sa 'kin 'yan!" Pinilit kong abutin sa kanya ang Toblerone ko kahit na mukhang imposible kasi ang haba ng braso niya.
"Kuuuniiin mooo," pakanta niyang sabi habang inilalayo sa akin ang chocolate.
"Akin na!"
"Sige. Say Ah."
"Ah mo mukha mo! Akin na sabi!"
"Ayaw!"
"Para kang bata!"
"Para kang bata!"
Umayos na ako ng upo at humalukipkip. Nakakunot ang noo ko dahil sa inis.
Sa dinami-rami ng kakainin, iyong chocolate ko pa! Ilang taon na akong hindi nakakakain niyon tapos ngayon, talagang mang-eepal pa siya!
Kahit na inalaska ni Carlo si PJ dahil sa itsura niya kanina, lakas-loob pa rin niyang ibinigay sa akin iyong chocolate at flowers, tapos . . . tapos . . . kinain lang nitong Angelo na ito!
"Gusto mo?" Inalok niya sa akin ang isang piraso.
"Ang gusto ko, lahat!" sigaw ko pa.
"Okay." Kinain na niya ang inaalok niya at pumutol pa ulit ng isang piraso.
"Gusto mo?" alok uli niya.
"Ang gusto ko nga, lahat!"
"Okay, sige." Kinain uli niya ang inaalok niya at pumutol ulit ng isang piraso.
"Gusto mo?" alok ulit niya na sobrang nakakainis na!
"Gelo naman kasi! Ubos na! Wala na! Inubos mo na! Ano pa'ng kakainin ko diyan!"
"Iiyak ka na niyan? Sige na, iyak na. I-i-yak na 'yan. I-i-yak si Stella! I-i-yak si Stella! Hahaha!"
"Sagad talaga sa buto 'yang pagiging bully mo, 'no? Tuwa ka? Tuwa ka, ha?" sabi ko sabay irap.
"Hahaha! Ikaw naman, di ka na mabiro." mahinahon niyang sinabi. "O, eto na lang sa 'yo." Iniabot niya sa akin ang isang bar ng Hershey.
Wow. Hershey.
"Akin 'yan?" tanong ko pa sa kanya habang tinititigan ang chocolate na hawak niya.
Tumango naman siya habang nakangiti sa akin.
"Talaga?" masaya kong tinanong.
Tumango uli siya habang nakangiti nang malaki.
"O, kunin mo na," sabi pa niya.
Kukunin ko na sana ang chocolate na alok niya nang biglang . . .
"Hahaha! Uto-uto! Akin 'to, bakit ko ibibigay sa 'yo? Ano 'ko, tanga?"
"Gelooo!" sigaw ko na naman sa kanya kasi sagad-sagaran na naman ang pang-aalaska niya ngayon.
Ang lakas ng tawa niya. Tumayo na ako at malakas siyang kinutusan.
"Aray! Put— Bakit mo 'ko binatukan, ha?" reklamo niya.
"Nakakainis ka kasi! Nakakaasar ka!"
Tumalikod na ako para mag-walkout kaso nahatak niya ulit ako pabalik sa bench.
"Hwops! Sa'n ka pupunta, ha? Hindi pa tayo tapos!"
"Tapos na tayo!" Tatayo na sana ako pero napigilan ulit niya ako. Bigla niyang hinawakan ang magkabilang kamay ko para hindi ako makaalis.
"Bitiwan mo nga 'ko!" sigaw ko pa.
"Bitiwan mo nga 'ko!" Ginaya na naman niya ang tono kong maarte!
"Akala mo ba, nakakatuwa 'tong ginagawa mo?"
"Oo naman! Tuwang-tuwa nga 'ko e!"
"Buwisit ka! Nakakainis ka talaga!" Bumitiw na ako sa kanya at tumayo ulit. "Bakit ba kita pinilit um-attend ngayon, ha? Napaka-bully mo. Matatapos na lang ang taon, ang sama pa rin ng ugali mo!"
Natawa na naman siya. "Kasi nga, di ba, gusto mong makasali sa presentation."
Nakangiti lang siyang tumayo at kinuha na naman ang kamay ko.
"I don't want a lot for Christmas. There is just one thing I need . . ."
Bigla na lang siyang kumanta at isinayaw ang para sa presentation namin sana kanina.
"I don't care about the present underneath the Christmas tree . . ."
Bigla niya ang akong inikot at in-slide.
"Gelo, ano ba'ng ginagawa mo?" nalilitong tanong ko habang tinitingnan sina AJ na nagtataka sa ginagawa namin.
"I just want you for my own, more than you could ever known . . ."
Binuhat niya ako at inikot.
"Gelo! Huy!"
"Make my wish come true, all I want for Christmas is you."
Ibinaba na niya ako at binitiwan.
Hindi na ako nakaumang pa kasi hindi ko alam ano'ng trip niya sa buhay ngayon.
"O, wala na 'kong atraso sa sayaw, ha? Naisayaw na kita, baka magreklamo ka pa," sabi niya na may kaunting ngiti sa labi niya.
"Ano ba'ng problema mo?" tanong ko agad kasi para siyang sinaniban ng kung ano.
Kinuha na naman niya ang kamay ko at ibinalik na naman niya ako sa may bench.
"At dahil kinain ko yung chocolate na bigay sa 'yo ng kung sino mang tuleg na 'yon, ito na yung kapalit."
Iniabot niya sa akin ang isang heart-shaped container na puno ng Ferrero Rocher.
"Para sa 'yo talaga 'yan. See?" Ipinakita niya sa akin ang card. May nakalagay na TO: STELLA.
Kinuha ko naman at tiningnang maigi. Okay. Akin nga. To Stella e. Mas masarap din ito kaysa Toblerone.
At mas mahal.
"At siyempre . . ."
Nagulat na lang ako kasi hawak na niya ang gift ko na inilagay ko sa bitbit kong paperbag na ipinamudmod nina ma'am kanina na lalagyan ng remembrance para sa lahat ng fourth year.
"Ang talagang gift ko para sa 'yo."
Isinuot niya sa akin ang necklace na may pendant na angel wings. Hawak ko lang ang pendant habang inaayos niya ang buhok ko.
"Inabot ako nang tatlong oras sa jewelry shop para lang makahanap ng ganyang pendant kaya ingatan mo 'yan."
Ang bilis ng lingon ko sa kanya nang marinig ko iyon.
"Gelo . . . ikaw yung nakabunot sa 'kin?" di-makapaniwalang tanong ko.
Ang simple lang ng ngiti niya habang inaayos ang kuwintas sa pagkakasuot ko. "Mas bagay sa ayos mo ngayon."
Nagtataasan na naman ang balahibo ko dahil sa ginagawa niya. Lalong lumalalim ang paghinga ko habang nakatitig lang sa kanya habang nakatingin siya sa regalo niya sa akin.
"Gelo . . ."
Parang gusto ko siyang yakapin. Iyong sobrang higpit.
Parang gusto kong umiyak sa harapan niya. Sabihin sa kanyang "Alam mo, Gelo, sobrang suwerte ng babaeng magiging girlfriend mo . . ."
"Binigyan mo 'ko ng dahilan para um-attend e." Nginitian niya ako sabay tulak sa noo ko nang marahan. "Sabi mo, gusto mo ng happy memories, di ba? Gusto mong kasama ako sa maaalala mo."
Tumango naman ako nang dahan-dahan kasi . . . sinabi ko nga iyon. Pero kasi . . .
"Puwede na ba 'tong happy memories mo na kasama ako?"
Kinagat ko na lang ang labi ko at sinuntok nang mahina ang dibdib niya.
Nakakaasar. Mangiyak-ngiyak na ako sa mga pinaggagagawa niya. Nakakaasar talaga.
Bakit ba ganito ngayon si Angelo?
Sa dinami-rami ng taong puwedeng gumawa nito sa akin, siya pa? Iyong bully pa? Iyong walang ibang ginawa kundi pasakitan ang buhay ko ever since makilala ko siya.
"Pagkatapos mo 'kong asar-asarin, ito ang gagawin mo? Nakaka-bad trip ka, alam mo 'yon?" naluluha ko pang sinabi.
"Galit ka ba?" mahinahon niyang tanong.
"Sana nga," mahina kong sinabi habang nakatitig sa mga mata niya. "Sana nga, galit ako sa 'yo." Hindi ko alam kung ano'ng pumasok sa isip ko basta, isinubsob ko na lang ang ulo ko sa balikat niya. "Okay na nga ako sa spaghetti na libre mo. Sinagad-sagad mo pa," bulong ko.
Hinagod niya ang likod ko. Ang sarap pala sa pakiramdam. Kailan ko ba huling naranasan ito maliban kay Mama?
Hindi alam ni Chim kung sino ang pinakakawalan niya.
Kawalan ni Angelo ang hindi siya piliin ni Chim?
Mali.
Kawalan ni Chim ang hindi piliin si Angelo.
Masyado namin siyang nahusgahan noon. Siguro nga, kasi bully siya at pinanindigan na lang niya ang image niya. Inisip naming ganoon na siya at wala na siyang pag-asang magbago. Masyado kaming naging judgmental. Iniisip ko, parang kami pa ang nagkulong kay Angelo sa imahen ng pagiging bully niya kaya no choice siya kundi maging ganoon kasi mas tanggap naming ganoon siya kaysa maging mabait siya sa lahat.
Komportable na ako sa lagay ko nang may sabihin siya . . .
"Alam mo, pinangarap kong gawin sa kanya lahat ng 'to."
Sa kanya.
Biglang bumagsak ang sayang nararamdaman ko dahil sa sinabi niya.
Parang may biglang sumakit sa dibdib ko noong narinig ko sa kanya iyon.
Si Chim.
Si Chim ang tinutukoy niya, di ba?
Si Chim pa rin. Si Chim pa rin pala.
Okay. Aaminin ko, nasaktan ako roon.
Para kay Chim. Tama. Para kay Chim. Sumasalo na naman ako ng binabasura ni Chim. Kumukuha na naman ako ng tira-tira ni Chim.
Ganoon pa rin pala ang maiiwang impression sa akin ng lahat ng nangyayari ngayon.
Hobby ba talaga ni Angelo na durugin ang pride at pagkatao ko?
Masakit, ha. Sana binato na lang niya ako ng mangga, mas tanggap ko pa.
Ang ganda ng mga ginawa niya sa akin. Ang sweet kasi tinablan ako ng mga kalokohan niya. Bagay na wala pang nakagagawa para sa akin.
Pero . . .
Hindi pala talaga para sa akin. Parang iyong towel lang pala. Ibinigay sa akin kahit na iba ang dapat paglaanan.
Lalayo na sana ako sa kanya pero hinabol lang niya ako ng yakap. Pinigilan ko ang sarili kong huwag maiyak habang ayaw niya akong pakawalan.
"Hindi mo naman kailangang ipilit," bulong ko na lang habang panay ang lunok kasi . . . hindi ko talaga alam paano pipigilan ang sama ng loob ko. "Di mo kailangang ibigay sa 'kin ang mga 'to kasi wala ka lang choice. Tanggap ko namang walang kahit sino'ng magkakagusto sa 'kin kasi tama ka sa dahilan."
"Alam mo," mahina niyang panimula niya habang hinahagod ang buhok ko. "Sabi sa 'kin ni Tita, piliin mo yung pipiliin ka pa rin kahit ayaw na sa 'yo ng lahat. Kasi sila yung gugustuhin ka pa rin kahit kaayaw-ayaw ka na." Nararamdaman ko na ang init niya. Kahit ang tibok ng puso niya, naririnig ko nang pumipintig. "Hindi 'yon sa wala akong choice. Hindi ko na rin naman kasi kailangang mamili."
Lumuwag ang pagkakayakap niya. Inilayo ko na ang sarili ko sa kanya at tiningnan siya nang diretso.
"Kung may deserving sa special treatment ko, sa tingin ko, ikaw 'yon at hindi siya."
Nakangiti lang siya sa akin. Ngiti na biglang sumalo sa akin matapos niyang itulak sa malalim na bangin.
"'Wag mong sasabihin sa 'king walang may gusto sa 'yo kasi, alam mo . . ."
Tumuloy na ang pagbagsak ng luha ko dahil sa mga sinabi niya.
"Gusto kita."
"Meow."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top