Chapter 2

ILANG LINGGO NA rin ang dumaan mula no'ng napagdesisyunan kong tumira na sa Batangas.

Dito ako tumutuloy ngayon sa kabilang bahay nina Rex. Maliit na bahay lang naman 'to na nakatayo sa bandang likod ng kanila. Ang alam ko nga, minsan, pinarerentahan nila 'to sa mga customers nila. May negosyo rin kasi silang resort dito sa Nasugbu. Itong Jupiter.

Minsan mas gusto ko rin talagang tumitira dito sa resort. Para kasing may pamilya ako kapag nandito ako. Si Karina, ang misis ni Rex, mabait 'yon sa 'kin. Mataas nga ang respeto ko ro'n. May pagkakatulad kasi sila ng nanay ko. Si Rex naman at ang erpat ko, pareho rin—parehong tarantado.

Hindi naman sa may sama ako ng loob kay Rex. May mga pagkakataon lang kasi talagang nakaka-gago siya. Katulad ngayong araw, pinaalis ba naman ako sa FRANCO para mag-henna na lang muna ro'n sa tapat nitong resort. Eh tangina, ang kaunti naman ng mga tao ngayon dito. Nakakabagot lang.

Mukha akong tanga ro'n kanina sa mesa na naghihintay ng taong lalapit. Minsan si Rex hindi ko malaman kung nasa'n ba talaga ang utak ng hayop na 'yon eh, kung nasa ulo ba o nasa talampakan. Boss na boss kung maka-asta.

Naisipan ko na lang na lumabas na ulit dito sa tinitirhan ko. Babalik na 'ko ro'n sa tabing-dagat. Pero dadaan muna ako sa bahay nina Rex. Titingnan ko lang kung umuwi na ba 'yong matandang 'yon.

Pagkapasok ko naman dito sa bahay, wala akong ibang naabutan kundi itong bunso niyang si Desa. 'Yong cute. Nandito sa kusina, kumakain.

Tumuloy ako ng pasok para tanungin siya kung nakauwi na ba ang tatay niya.

Kaso no'ng nakita niya 'ko, parang bigla siyang nanigas. Tutok na tutok na siya sa mangkok niya ngayon. Tangina, para namang tatakbuhan siya ng kinakain niya. Natawa na lang ako.

"Umuwi na ba Papa mo?" tanong ko.

Umiling siya, tapos nag-angat ng tingin sa 'kin.

Umiwas naman agad ako. Ba't gano'n siya tumingin, parang ang lalim. Aalis na nga lang dapat ako kaso bigla niyang inilapit sa 'kin 'yong plastik ng pandesal na nandito sa mesa.

"Gusto mo po?" sabi niya. "Tinapay?"

'Po' raw. Gan'on na ba 'ko katanda tingnan?

Ngumisi na lang ako. "Iyo na 'yan. Baunin mo sa klase mo."

"Klase?"

"Bakit, hindi ka na ba nagbabaon? Anong year mo na ba?"

Yumuko siya. "Hindi na ako nag-aaral. Graduate na po ako, matagal na."

"Ah." 'Yon lang ang nasabi ko tapos umalis na 'ko agad.

Tangina, napahiya pa tuloy ako.

Dumiretso na lang ako ng punta ro'n sa tabing-dagat.

Hindi na pala siya nag-aaral. Gano'n na ba talaga katagal no'ng huli akong nagbakasyon dito sa Batangas? Dati nag-aaral pa 'yon, eh. Ang bata kasi ng mukha niya.

PAGKARATING KO RITO sa kaninang pwesto ko malapit sa mga cottage, hindi ko naman inaasahan kung sino ang naabutan ko.

Si Arkhe.

Tropa ko 'to rito sa Batangas, kainuman ko. Nandito na rin pala siya. Ang alam ko kasi, sa Maynila 'to nagtatrabaho bilang DJ sa mga club.

Binatukan ko nga pagkalapit ko. "Tangina, ang bilis nakarating sa 'yo ng balita ah."

Lumingon naman agad siya sa 'kin sabay nakipag-apir.

"'Langya, akala ko nagbibiro lang si Rex no'ng sinabi niyang nandito ka. Totoo pala. Kailan ka pa rito?"

"Mga ilang linggo na rin." Umupo ako sa katabing silya sabay abot sa kaha ng yosi. "Ang haba na ng buhok mo, brad, ah. 'Yan na ba gusto ng mga babae mo ngayon?"

"Oo. Gusto nila 'yong may sinasabunutan sila sa 'kin."

"Tangina, ang manyak mo pa ring gago ka. Ano nang balita sa 'yo?"

"Ito. Buhay pa naman."

"Nandito ka pala. Kaya pala hindi kita mahagilap sa Maynila."

"Matagal-tagal na rin akong nakabalik dito, 'tol. Hindi nga lang ako masyadong nagpupunta rito sa Jupiter tsaka sa FRANCO. Kung hindi ko pa nga nakasalubong si Rex kahapon, 'di ko pa malalamang nandito ka na rin."

"Biglaan lang 'tong paglipat ko. Ikaw, ba't bigla kang umuwi rito? Wala na ba 'yong trabaho mo sa Maynila? Resident DJ ka ro'n, 'di ba?"

"Umalis ako. Tumigil na rin muna ako sa pagkuha-kuha ng mga raket ngayon. Pahinga muna. Tsaka 'yong utol ko kasi planong magtayo ng club dito sa Nasugbu. Baka do'n na 'ko magtrabaho kung sakali."

"Ah." Sinindihan ko na 'tong yosi ko.

Kinuha niya naman ang lighter ko pagkatapos. "Balita ko sinara mo na raw 'yong shop mo sa Ortigas?"

"Si Rex din nagsabi sa 'yo?"

"May iba pa ba? Ba't mo sinara? Sabi mo dati malakas naman ang kita no'n. Mas malakas pa 'yon kaysa sa FRANCO, 'di ba?"

Tsk, ito na naman. Hinihingan na naman ako ng paliwanag. "Wala," sagot ko na lang sabay hithit sa yosi. "Bagong buhay lang."

"Bagong buhay. Gago! Marunong ka ba no'n?"

"H'wag kang maniwala kung ayaw mo."

"Ang seryoso naman nito. Bakit nga? Ah, teka, hulaan ko." Sinindihan niya 'yong sigarilyo niya. "Break na kayo no'ng bestfriend mo, 'no? 'Yong photographer?"

"Tss." Napailing-iling ako. "Hindi naman naging kami."

"Hindi ba? Umastang syota ka lang?"

Inangat ko 'tong gitnang daliri ko sa kanya. "Kita mo 'to?"

Tumawa siya. "Bakit nga kasi? Sabi mo dati, ayaw mo nang magbakasyon dito kasi binabantayan mo 'yong babae mo ro'n sa Maynila. Ano nga uling pangalan no'n? Sheila? Sheila ba? O Rizza? Rizza yata, 'no?"

"Tangina mo wala kang naitama kahit isa. Leila 'yon."

"Ah, Leila pala. Eh, sino si Sheila?"

"Malay ko sa 'yo. Mga pinag-iimbento mo diyan."

Natawa lang ulit siya. "Oh, eh, ano ngang nangyari sa inyo no'ng Leila? Ba't bigla mong iniwan? Kilala kita, 'tol. Hindi ka basta-basta aalis sa isang lugar lalo na't may kinababaliwan kang babae ro'n."

Kumunot ang noo ko. "Wala. May nagawa lang akong kasalanan."

"Ano? May iba kang babaeng sinabay sa kanya?"

"Gago, ikaw lang 'yong gano'n. Hindi ko pinagsasabay-sabay mga babae ko."

"Ah. Hindi mo pinagsasabay-sabay. Pero kung magpalit ka ng babae, kada linggo, 'no? Nawala na ba sumpa mo ngayon? 'Di ba hanggang dalawang buwan lang tinatagal ng mga relasyon mo? May nakatalo na ba sa record, brad?"

Napikon ako, pinaso ko nga siya ng yosi sa tuhod.

Napa-aray siya. "Tangina naman nito! Ano nga kasing nangyari sa inyo? Wala ka pala, eh."

"H'wag mo nang alamin."

Napailing-iling siya. "H'wag ka kasing nananakit ng babae, brad. Nananakit ka, eh."

Tinamaan ako ro'n. Hindi na 'ko sumagot, nginisian ko lang siya.

"Eh 'di wala ka palang babae ngayon?" tanong niya habang nagce-cellphone.

Humithit ako sa yosi. "Wala."

"Bigyan kita, gusto mo?"

"Meron ka?"

"Diyan sa kabilang mga resort. Pili ka lang."

"Tangina wala namang maganda ro'n."

"Ay, may kakilala pala ako, 'tol. Matapang na babae. Pero wild! Pang-hardcore! Ano, gusto mo?"

Natawa ako sabay umiling-iling. "Wala bang iba? Ayoko na ng matapang." Gano'n kasi si Leila.

"Ah, nagbago na ba taste mo? Mahinhin na gusto mo ngayon? Oh ayan, oh. 'Yang bunso ni Rex. Mahinhin 'yan."

Nabigla ako sabay lipat ng tingin do'n sa tinuturo niya. Si Desa nga, naglalakad papunta sa dagat. Ang iksi pa ng shorts na panligo.

"Ayan, brad. Tunay na mahinhin 'yang si Desa," tuloy pa nitong si Arkhe. "Kung gusto mong maiba naman."

Umiwas na lang agad ako ng tingin at tumutok sa paninigarilyo ko.

"Ang seksi niya, oh," sabi naman ni Arkhe.

Napasilip din tuloy ulit ako kay Desa na nagtatali na ng buhok ngayon.

Pinipilit ko ngang tingnan lang 'yong parte ng katawan niya na may damit pero nabagsak pa rin talaga 'tong mga mata ko sa legs niya. Ang puti.

Umiwas na 'ko ulit. Tsk, magkakasala na naman ako nito.

"Ayan na, 'tol, lumusong na siya sa dagat."

Tarantado talaga 'tong si Arkhe, nakatingin pa rin pala kay Desa. Siniko ko nga. "H'wag mo nang titigan, gago."

"Bakit, iyo ba 'yan para hindi ko titigan? Ay kaso, brad, hindi nga pala kayo pwede niyan. Hanggang tingin lang pala talaga tayo."

"Bakit? May boyfriend na ba 'yan ngayon?"

"Wala. Pero istriktong tatay, mayro'n. Bantay-sarado ni Rex 'yang si Desiree. Hindi niya 'yan pinalalapitan sa kahit na sinong lalaki, 'di ba?" Humithit siya sa yosi niya. "Pero kung type mo 'yan, tutulungan kita. Para naman maging masaya ka. Iba aura mo ngayon, eh. Masyado kang seryoso. Ano? Tulungan kita?"

"Tangina. Kahit kailan talaga 'yang mga katarantaduhan mo. Hindi ko type 'yan. Masyadong bata."

"Sus. Ayaw mo?"

"Ayoko."

Ngumisi siya. "Bahala ka. Baka pagsisihan mo 'yang sagot mo."


KINAGABIHAN, UMINOM LANG kami ni Arkhe sa bahay nila kasama ang mga utol niya. Pero saglit lang. Hindi raw pwedeng maglasing si Ark kasi may lakad pa siya.

Pabalik na rin ako ngayon sa Jupiter. Wala pa naman akong balak umuwi ro'n sa tinitirhan ko. Tatambay muna ulit ako sa isa sa mga cottage sa tapat. Magpapahangin lang tsaka magyoyosi saglit.

Nagiging bisyo ko na talaga 'to rito sa resort. Mula no'ng tumira na ulit ako rito, madalas akong nasa tabing--dagat. Minsan nagpapahangin lang, minsan umiinom. Nilulunod ko na lang ulit ang sarili ko sa alak para mas mabilis kong makalimutan si Leila.

Buti nga ngayon nandito na rin si Arkhe. May makakasama na akong uminom. Dati kasi mag-isa lang akong naglalasing.

Pagkarating ko ngayon dito sa Jupiter, sakto namang nandito rin pala ulit sa labas si Desa.

Nakaupo siya malapit sa swimming pool. Napatitig pa nga siya sa 'kin no'ng mapansin niya akong naglalakad papasok.

Umiwas na lang ako tapos naglakad na papunta sa tabing-dagat dala 'tong kaha ng yosi.

Kakaiba talaga tumingin 'yong batang 'yon. Ang inosente ng mga mata. Parang lahat ng nakikita niya, bago sa kanya. Seven years old pa lang yata talaga 'yon, eh.

"Uhm. Kuya Baron?"

Nabigla ako, nakasunod pala siya sa 'kin. Hindi naman ako makatingin nang diretso sa kanya. Ang nipis kasi ng suot niyang damit.

"Bakit?" Kinunot ko ang noo ko.

"Hinahanap ka po kanina ni Papa."

"Bakit daw?"

"Hindi ko po alam, eh."

"Sige, pupuntahan ko na lang siya mamaya." Tinalikuran ko na siya tapos tumuloy na 'ko sa paglalakad.

Nagpalipas muna ako saglit bago ko ulit siya nilingon. Akala ko umalis na siya, nando'n pa rin pala sa likuran ko.

"Sabi ko, pupuntahan ko na lang si Rex mamaya. Magyoyosi lang ako."

"Narinig ko po. P-pero may gusto pa kasi akong ibigay sa inyo." Lumapit siya sa 'kin.

Hinarap ko naman. Ang liit pala ng babaeng 'to. Hanggang dibdib ko lang.

Hinintay ko siyang magsalita ulit pero wala naman na yata siyang balak magsalita. Nakayuko lang siya ngayon tapos nakatitig sa tinatago niya sa mga kamay niya.

"Ano ba 'yan?" Tinanong ko na. "Ibigay mo na kung ibibigay mo."

Inabot niya na rin naman sa 'kin. Hindi niya na nga hinintay na tanggapin ko, basta niya na lang hinayaan na mahulog sa buhanginan tapos bigla na siyang tumakbo pabalik sa bahay nila.

Tangina. Ba't tumakbo 'yon? Parang bata talaga, tsk.

Pinulot ko na lang 'tong ibinigay niya. Sobre lang naman 'to na pambabae. Kulay pink tapos mabango. May mga nakadikit pang mga puso at kung anu-anong kaartehan.

Binuksan ko. May papel sa loob. Tangina, ano 'to? Love letter?

Binasa ko na nga lang din kung ano'ng nakasulat.

| May gusto akong lalaki. Ang pangalan niya, Baron Medel.

Love, Desiree Claud Franco |

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top