Chapter Five

"KAYE."

Napatingin ako sa pinanggalingan ng boses. Si Frank ay nakatayo na pala sa likuran ko. Ibinalik ko ang mga mata ko sa bintana at muling sumilip sa labas. Magagawa ba talaga namin ito? Ang makarating ng buhay sa base-militar?

"Ayan ka na naman. Pinanghihinaan ka na naman ng loob," narinig kong sabi ni Frank.

"Hindi mo 'ko masisisi, Frank. Hindi mo rin ako masisisi sa nararamdaman ko ngayon. Papaano ko maaatim na pauulanin ng militar ang buong siyudad ng mga missiles? Dito na ako lumaki't nagkaisip. Tapos gano'n-gano'n na lamang ba iyon? Bobombahan at pasasabugin ang lugar na aking kinalakihan?"

"Eh, ano ang gusto mo? Ang sakupin ng mga zombies ang buong bansa? Mas mahihirapan tayo kung makalabas ang mga zombies na iyan sa Zamboanga. Isipin mo kung ano ang makabubuti para sa nakararami."

Sa paraan ng pananalita ni Frank, tila bang ipinararamdam nito sa akin na makasarili ako. Porke't ito ang lugar na minahal ko, isasakripisyo ko ang buong sambayanan? Pero papaano kung may mga natitira pang buhay na hindi nailikas ng mga militar? Papaano na sila?

Ngunit papaano na rin ang ibang mga tao? Papaano nga kung nakalabas ng Zamboanga ang mga zombies?

Ano ba talaga ang nararapat na gawin?

"Bago mo isipin ang kapakanan ng iba, bakit hindi mo na lamang isipin muna ang kapakanan mo?" giit pa ni Frank.

Kapakanan ko? Hindi ba't mas makasarili iyong iisipin ko kung ano ang makabubuti para sa pansariling kapakanan ko?

Tiningnan ko si Mayor. Nagpaiwan ito no'ng nagsipaglikas ang kaniyang mga tauhan dahil sinigurado niya muna na makaalis at mailigtas ang kaniyang mga sinasakupan bago niya inisip ang sariling kaligtasan. Papaano ko ba ilalarawan si Mayor? Isa ba siyang hangal dahil nagpaiwan siya? O isa siyang makabayan na tapat sa kaniyang tungkulin at sinasakupan?

Naramdaman kong ipinatong ni Frank ang kamay niya sa balikat ko. "Wala na tayong magagawa pa maliban ang iligtas ang ating sarili. Pagkatapos no'n, maaari mo namang balikan ang lugar na ito at magsimulang muli. Isipin mo kung ano ang mas makabubuti para sa nakararami."

Parang tinanong niya ako kung ano ang mas mahalaga: bayan ba o sarili? Madali lang naman na sabihin na dapat inuuna natin ang ating bayan, ngunit kahit sino man ang nasa posisyon ko ngayon, makararamdam din sila ng panghihinayang. Oo, pipiliin ko ang aking bayan. Pipiliin ko kung ano ang mas makabubuti para sa nakararami, kung ano ang mas makabubuti para sa lahat. Pero hindi ibig sabihin niyon ay madali ko itong matatanggap.

Hinarap ko si Frank at binigyan siya ng isang maliit na ngiti. "Marahil ay tama ka. Ano ba ang gagawin natin?"

"Sa kabilang gate tayo dadaan. Hindi ganoong karami ang mga zombies na nakaabang doon."

Ayon kay Frank, ang mga zombies na nasa boundaries ng Zamboanga sa east at west coast ay naging mas mabangis. Mangilan-ngilan lamang sila ngunit nahihirapan na raw ang militar na mapigilan ang mga ito. Kaya siguro napagdesisyunan ng presidente na agahan ang pagpapasabog sa siyudad.

Ayon naman kay Rey, magpapahulog ng mga missles ang militar mula sa itaas, sa mga lugar kung saan marami ang mga zombies. Pasasabugin ang mga bomba. Magpapalipad ng mga mortar. Matapos iyon ay papasok ang mga sundalo sa siyudad at uubusin ang mga natitirang zombies.

Panalangin ko'y magtagumpay sila. Bukod sa mapanganib ang kanilang gagawin, para saan pa ba ang sakripisyong iyon kung mauuwi lang sa kabiguan ang lahat?

Kailangan naming umalis bago dumating ang gabi. Mahihirapan kaming makaalis kung sumapit ang dilim.

Iginiya kami ni Ate Cora sa loob ng van ng isang bodyguard ni Mayor habang ang mga kalalakihan naman ay kumuha ng kanilang gagamiting armas at sandata laban sa mga zombies. Granada. Baril. Kahit mga kutsilyo't patalim. Lahat ng maaaring gamitin panlaban ay inipon nila upang madagdagan ang aming pag-asang makaligtas kami't makarating nang buhay sa base-militar.

"Handa na ba kayo?" tanong ni Mayor sa amin nang nakaupo na kaming lahat sa loob ng van.

Ang tauhan ni Mayor ang sumagot para sa amin. "Handa na, Mayor."

Sinimulang paandarin ng driver ang sasakyan. Kinalas ni Frank ang hawak na baril. Napasinghap ako nang pinaandar ng driver ang sasakyan at napagtanto kong nakasarado pa ang gate. Napasigaw kaming dalawa ni Ate Cora nang mabilis na dumausdos ang sasakyan patungong gate hanggang sa bumangga ito roon. Ngunit patuloy pa rin sa pag-andar ang sasakyan hanggang sa nakalagpas na kami sa nayuping mga rehas ng gate.

Nakahinga ako nang maluwag. Ngunit panandalian kamang iyon dahil may kalabog akong narinig mula sa itaas. Muli akong napatili nang may naaagnas na ulo ang nagpakita sa windshield mula sa itaas ng sasakyan.

"Barilin mo! Barilin mo!" sigaw ni Rey kay Frank.

"Papaano ko gagawin iyon kung bulletproof ang salamin?" sagot naman ni Frank.

Mabilis na lumiko ang sasakyan, dahilan kaya't may nahulog na dalawang zombie mula sa bubongan ng van. May iilang zombies ang nagpakita, ngunit dere-deretso lang ang van, binundol at sinagasa ang mga naaagnas na zombies.

Malapit lamang ang Edwin Andrews Airbase. Ilang minuto lamang ay mararating na namin iyon. Ilang minuto lamang ay makaliligtas na kami sa impyerno't bangungot na ito.

Sa isip ko ay ligtas na kami. Sa isip ko ay makapipiling ko na rin ang nakaligtas kong pamilya. Siguro ay matindi ang kanilang pag-alala. Umiiyak kaya si Mama? Si Papa kaya ay pinipilit na makauwi ng Zamboanga upang iligtas ako kahit alam niyang delikado?

Biglamg humito ang sasakyan. Napaabante pa kami't sumubsob ang ulo ko sa likod mga upuan sa harapan namin.

"Bakit ka tumigil?" tanong ni Mayor sa driver.

Itinuro ng driver ang harapan niya. Nais kong manlumo sa aking nakita. Mahigit sa isang daang zombie ata ang bumarikada sa aming daraanan. Nakatayo lamang ang mga ito, naghihintay ng aming susunod na galaw. Tila naging mas mabangis ang mga ito, na para bang gutom ang mga ito para sa laman ng tao.

Ligtas kami sa loob ng sasakyan, iyan ang paulit-ulit kong sinasabi sa aking sarili. Naramdaman ko na lamang na may humawak sa aking kamay. Si Frank.

"Kunin mo ito." Iniabot ni Frank sa akin ang isang baril. "Basta't matamaan mo sila ay ayos na, makatakas ka lang. Pero mas mainam na barilin mo sila sa ulo, naiintindihan mo ba, Kaye?"

Tumango ako. Ang malamig na hawakan ng baril ay mas lalong nagpanginig sa aking mga daliri. Hahantong ba sa barilan ang aming pagliligtas sa sarili?

Bigla naman akong kinabig ni Frank at nagulat na lamang ako nang hinalikan niya ako sa labi.

"B-bakit mo ginawa iyon?" tanong ko nang inilayo na ni Frank ang mga labi nito sa akin.

Nagawa pang ngumisi ni Frank sa kabila ng panganib na aming ikinahaharap. "Pandagdag lakas ng loob lang."

"Daven, halikan mo rin ako!" dinig kong hirit ni Rey na nasa likuran ko. "Pampalakas ng loob lang!"

Nasa gitna kami ng panganib ngunit nagawa pa naming magsipagtawanan sa hiling ni Rey. Siguro ay lahat kami'y naghahanap na rin ng lakas ng loob, at ikinukubli ang aming kaba at nerbyos sa aming mga tawa.

"Humanda kayo't kumapit nang mahigpit," babala ng driver at bodyguard ni Mayor. Muli niyang pinaandar ang sasakyan at walang tigil na inabante ito.

Nagsipagwalaan ang mga zombies nang pinagbubundol ng van ang mga ito. Ang iba'y tumilapon dahil sa lakas ng impact ng pagtama ng sasakyan sa katawan nito. Ang iba nama'y kumapit sa sasakayan at pinipilit na itaob ito.

Pinagbabaril nina Frank at Dave ang bubong ng sasakyan nang nagsimulang paghahampasin ng mga zombies ang itaas ng sasakyan. Ligtas naman kami sa magkabilang gilid, pati na rin sa harapan at likuran dahil hindi madaling mababasag ang mga salamin ng sasakyan.

Bigla namang gumewang-gewang ang sasakyan, at tila nahihirapan ang driver na i-maniobra ang van hanggang sa tumaligid ito't sige pa rin sa pagdausdos sa kalsada. Halos mabingi na ako sa sabay-sabay na paghiyaw namin, idagdag pa ang tunog ng kumikiskis na sasakyan sa magaspang na semento. Muntik nang mabagok ang ulo ko, ngunit mabuti na lamang at maagap ako sa pag-ilag.

Dahan-dahang kumilos si Frank upang buksan ang pinto ng tumaob na sasakyan, ngunit bago niya ito ginawa, pinaalalahanan muna niya kami: "Bubuksan ko ang pinto habang hindi pa nakalalapit ang mga zombies. Una kaming lalabas ni Daven pati na rin ang mga bodyguards ni mayor."

Mahirap man ay nagawa pa rin naming tumango. Mainam na sila ang mauunang lumabas dahil may mga hawak silang armas at baril. Mas mapoprotektahan nila kami.

Binuksan ni Frank ang pinto, at sunod-sunod na paputok ang narinig ko. Marahil ay nasa malapit na ang mga zombies. Nang nakalabas na ang mga lalaki, sumunod naman kami ni Mayor, Rey at Ate Cora.

Mula sa kinatatayuan namin ay tanaw ko na ang base-militar. Malapit na rin kami sa aming destinasyon. Ilang metro na lamang ay ligtas na kami.

"Daven, Frank, palibutan n'yo sina Mayor. Kami naman ang bahala sa likuran," mungkahi ng isa sa mga tauhan ni Mayor.

Habang binabaril ng mga bodyguards ni Mayor ang mga zombies na humahabol sa amin, binilisan naman namin ang pagtakbo. Kita kong sinesenyasan kami ng mga sundalo mula sa parapet ng pader ng base-militar na bilisan ang aming pagtakbo; ang iba naman ay pinagbabaril ang mga zombies na papalapit sa base.

Isang hiyaw ang narinig ko mula sa likuran. Nang lumingon ako, kita kong nilalapa ng zombies ang mga binti ng isa sa mga tauhan ni Mayor. At dahil marahil alam nitong wala na siyang kawala, tinanggal nito ang pin sa hawak na granada. Ilang segundo lamang ay sumabog ang hawak nitong granada, at dahil sa lakas ng pagsabog kaya halos malipad kami't dumausdos sa semento.

Dali-daling tumayo si Frank at tinulungan naman akong tumayo.

"Bilisan na natin!" sigaw naman ni Daven na tinutulungan si Mayor na tumayo mula sa pagkadapa nito.

Muli kaming tumakbo, ngunit mabilis na nakakahabol ang mga zombies. Halos malapit na nilang matawid ang distansya sa pagitan namin. Pinagbabaril ni Frank ang mga zombies sa likuran namin, kahit papaano'y bumabagal ang pagtakbo ng mga ito dahil sa ginawa ni Frank. Sinunod ko naman si Frank at pinagbabaril ang mga zombies, kahit pa hindi ako sigurado kung may natatamaan ba ako.

Sa dulo ng aking paningin ay kita kong may isang zombies na umakyat sa nakaparadang sasakyan malapit kay Rey. Akmang tatalon ito, ngunit bago pa nito nagawa ang binabalak ay tumakbo ako sa direksyon ni Rey.

"Rey!" sigaw ko sa kaniya, ngunit huli na ng narinig ni Rey ang aking babala. Nang tumalikod si Rey, kita ko ang pamimilog ng mga mata nito dahil sa kaba at takot bago pumaibabaw ang zombie sa aking pinsan. Pinipilit namang pigilan ni Rey ang mukha ng zombie na makalapit sa kaniya; ang isang palad ni Rey ay tulak-tulak ang panga ng zombie habang ang isa naman ay nasa naaagnas na pisngi ng nagwawalang bangkay.

Nakatutok ang baril ko sa zombie ngunit hindi ko magawang barilin ito dahil sa pagpupumiglas ng zombie at ni Rey. Baka si Rey pa ang mabaril ko.

"Ano ba, Kaye!" hiyaw ni Rey. "Barilin mo na!"

Napapikit pa ako ng mata ng binaril ko ang zombie, dala ng takot at kaba. At nang tuluyan nang umalis sa pagkakapatong ng zombie kay Rey ay ipinagpatuloy ko ang pagbabaril sa halimaw.

"Tama na, Kaye! Double dead na ang zombie!"

Ang sigaw ni Rey ang nagpabalik sa akin sa tamang ulirat. Tinulungan ko si Rey na makatayo. Tanaw namin mula sa kinatatyuan namin na papasok na ng gate sina Mayor at Ate Cora.

"Tara," sabi ko sabay tapik sa balikat ng pinsan ko. Ngunit nang nagsimula na akong humakbang ay may kung anong bagay ang pumulupot sa aking kaliwang binti, dahilan kaya napabagsak ako sa semento. Kasabay ng paglingon ko ang pagtili ni Rey. Ang inaakala naming walang malay na zombie ay buhay pa pala, hawak-hawak ng mahahaba nitong daliri ang bukong-bukong ko, hinihila papalapit sa nakaawang nitong bibig.

"Kaye!"

Hindi ko na makilala kung kaninong boses iyon dahil abala ang aking utak sa paghahanap kung nasaan na ba ang baril na hawak-hawak ko lamang kanina. Lumipad ata iyon nang nadapa ako. Hinihila naman ni Rey ang mga braso ko, habang pinagsisipa ko sa mukha ang zombie.

Sunod-sunod na putok ng barila ng narinig ko. Nasa tabi na pala namin si Frank at pinagbabaril ang zombie hanggang sa tuluyan nitong nabitiwan ang bukong-bukong ko.

"Bilisan na natin! Papalapit na ang ibang mga zombies!" babala ni Frank.

Tinulungan ako nina Frank at Rey na makatayo at binilisan namin ang pagtakbo. Ngunit halos lakad-takbo lamang ang nagagawa ko dahil sa kirot na nararamdaman ko sa aking paa. Marahil ito ay dahil sa higpit ng pagkakahawak ng zombie sa paa ko kanina.

"Bilisan n'yo!" sigaw ng mga sundalo. At nang narating na namin ang gate, ay dali-dali nila itong isinara, saka naman nila sunod-sunod na pina-uulan ng bala at ng granada ang mga naghihiyawang bangkay sa labas ng base.

Pakirmdam ko isang taon kaming tumatakbo para sa aming kaligtasan. Ngayon ko lamang naramdaman ang pagod at matinding uhaw. Pabagsak akong naupo sa kongkretong daan, hindi alintala ang alikabok at ang mga nagtatakbuhang sundalo sa harapan ko.

Lumuhod sa harapan ko si Frank. "Halika na. Sabi ng isa sa mga sundalo, maaari raw tayong magpahinga sa isa sa mga barracks nila."

"Sandali lang, Frank. Medyo nanghihina ako. Atsaka medyo sumasakit pa ang paa ko dahil sa pagkakagapos ng zombie sa akin kanina," paliwanag ko habnag minamasae ang binti at bukong-bukong ko.

"Frank, lumayo ka sa babaeng 'yan!"

Pareho kaming napatingin kay Daven. Namilog ang mga mata ko nang kita kong nakatutok ang baril nito sa akin.

Tumayo naman si Frank at nilapitan si Daven. "Ano ba! Ilayo mo nga 'yan at baka makabaril ka pa ng tao!"

"Tao?" Humalakhak si Daven na parang nababaliw. "Ilang minuto na lang hindi na tao 'yang nobya mo!"

Namutla ako sa narinig kong akusasyon ni Daven, kasabay no'n ay ang muling pagkirot ng aking paa. Pikit-mata kong minasahe ang kaliwang bahagi ng aking bukong-bukong, at doon ko nakapa ang tila maliliit na sugat. Napa-mulat ako ng mga mata nang naramdaman kong may humawak sa aking paa. Si Frank pala iyon na sinusuri ang aking binti't paa.

"Kaye..."

Ang lungkot sa boses ni Frank ang nagbigay ng kompirmasyon sa aking hinala: nakagat ako ng zombie kanina. Namuo ang mga luha sa mata ko. Alam ko na ang susunod na mangyayari. Alam ko kung ano ang iniisip at binabalak ni Daven. At hindi ko alam kung lalaban ba ako upang mabuhay o magpapaubaya kay kamatayan bago pa ako lamunin ng organismong kokontrol sa akin bilang zombie.

"Kaye," untag ni Frank, "hindi ko hahayaan si Daven sa binabalak niya. Ililigtas kita."

Umiling ako. "Pero paaano mo ako maililigtas sa pagiging isang halimaw? Ayokong manakit ng tao..." Pero ayoko ring mamatay...

"Ililigtas kita," diin ni Frank. "Hindi kita pababayaan."

Muling lumapit sa amin si Daven, nakatutok pa rin ang baril sa akin. "Frank! Wala ng oras!"

"Sandali lang!" bulalas ni Frank. "Nag-iisip pa ako!"

"Wala ng panahon! No'ng kinagat ba si Darla ng zombie, nagkaroon ka ba ng oras upang mag-isip kung babarili mo ang kapatid ko o hindi?"

"Kung hindi ko ginawa iyon, marahil isang zombie ka na rin ngayon!"

"At kung hindi ko ito gagawin, magiging zombi tayong lahat dahil sa kaniya! 'Wag ka ngang umasta na parang si Kaye na ang huling babae sa mundo!"

Muling nilapitan ni Frank si Daven; noong una ay mahinahon pa ang mga ito na nag-uusap, hanggang sa nagsimulang mag-agawan ng baril ang dalawa.

"Frank, Daven!" Ngunit hindi ako pinakinggan ng dalawa, hanggang sa nabitiwan ni Daven ang baril at nagsimulang magsuntukan ang dalawa. "Rey! Pigilan mo sila!"

"Sisteret, ano ba ang magagawa ko?" naging sagot ng natatrantang si Rey.

May iilang sundalo ang nagtangkang pigilan ang dalawa. Ngunit ayaw magpaawat ang magkaibigan.

Napatitig ako sa aking sugat. Nakaramdam uli ako ng kirot, ngunit ngayon ay tila may nadarama akong init na gumagapang sa loob ng aking ugat, dahan-dahang umaakyat sa aking binti. Wala na rin akong maramdamang sensasyon sa aking paa, na para bang namamanhid na ito. May namumuong pus na rin sa aking malilit na sugat.

Inilipat ko ang aking paningin sa nagsisigawang magkaibigan. Ano ba ang magagawa ng kanilang pag-aaway? Maililigtas ba ng kanilang ginagawa ang mga tao? Maililigtas ba nila ako?

Ilang minuto lamang ay kakalat na ang lason sa buo kong katawan. Mamamatay ako't muling mabubuhay. Ngunit mawawalan ako ng kontrol sa aking sarili, magiging isang halimaw na walang ibang hangad kundi ang kumain ng laman ng tao.

Nahagip ng aking paningin ang baril ni Daven. Abot kamay ko lamang ito. Nang nakuha ko ito, pinagmasdan ko ito. Isang bala lang naman ang katapat ng pinag-aawayan nina Frank at Daven. Isang bala lang naman ang katapat ng kaligtasan ng mga tao rito, kaligtasan ng aking pamilya, kaligtasan ni Frank...

Ano ba ang mas masama? Ang kumitil ng buhay ng ibang tao o ang iligtas ang mga tao kapalit ng aking buhay?

"Kaye..." nanginginig pa na boses ni Rey. "Kung ano man 'yang binabalak mo... por pabor, pensar—"

Hindi ko na pinakinggan pa ang mga sinasabi ni Rey. Itinutok ko ang baril sa aking sentido. Para sa kaligtasan ng lahat, kapalit ng iisang buhay...

"Kaye! Huwag!"

Mariin kong ipinikit ang aking mga mata. Ang huli kong narinig ay ang boses ni Frank bago bumaon ang bala sa aking bungo.

Kamatayan... Ganito ba ang pakiramdam ng kamatayan? Hindi ba'y impyerno ang kinahahantungan ng taong kumitil ng sariling buhay? May malamig akong nararamdaman na dumadampi sa aking pisngin. Hindi ko pa rin minulat ang aking mga mata kahit pa sunod-sunod kong naramdaman ang pagtulo ng mga luha mula sa kalangitan.

"Kaye..."

Unti-unting nagigising ang diwa ko sa narinig kong pagtawag sa aking pangalan.

"Kaye..."

Ramdam kong yumuyugyog ang aking paligid. Nais kong imulat nang tuluyan ang aking mga mata ngunit bakit napakabigat ng mga talukap nito?"

"Hoy Bruhilda! Porque bo aqui ya durmir?"

Ano raw? Bakit ako rito natulog?

Nang tuluyan kong naimulat ang mga mata ko, bigla akong nakaramdan ng pagkahilo sa ginagwang pagyugyog ni Rey sa aking mga balikat.

"Hoy!" muling sigaw ni Rey. "Akala ko ba magjo-jogging ka? Bakit nakanganga ka pa riyan habang natutulog?"

"H-ha?" Napatingin-tingin ako sa aking paligid. Nasaan na ang mga sundalo? Nasaan na sina Frank at Daven? Nalilito ako sa mga pangyayari. Hindi ba't kani-kanina lamang ay nasa loob kami ng base-militar? Papaanong nakabalik kami rito sa Paseo del Mar? Papaanong nandirito ako ngayon at nakaupo sa isa sa mga bench ng lugar na ito?

Nakatulog lamang ba ako at panaginip lang ba ang lahat? Nakaramdam ako ng sakit sa aking sentido. Bakit parang may tumutusok sa aking ulo?

"Tara na at pumunta na tayo ng Fort Pilar," pagpupumilit ni Rey. Tumango lamang ako.

Isang panaginip lang pala ang lahat. Isang napakasamang pananigip.

Tumayo ako upang mag-stretching, ngunit may nakaagaw sa aking atensyon. Isang grupo ng may edad na kababaihan ang nakaupo sa mahabang sementong upuan, nag-uusap. Namumukhaan ko ang isa kanila. Kamukha nito ang isa sa mga babaeng nasa panaginip ko.

Nahagip naman ng aking paningin ang isa namang grupo na kung susuriin ko'y mga dayo lamang sa siyudad namin, mga turistang nagmula sa ibang lugar dahil sa punto ng kanilang pananalita. Isang babae at dalawang lalaki. Ang isa sa mga lalaki ay nakatitig sa akin, nakakunot ang noo at salubong ang kilay.

Kilala ko ang lalaking iyon...

Bumilis ang pintig ng puso ko, halos tambol na rin sa lakas ang tunog nito sa aking dibdib.

Akala ko ba panaginip lang ang lahat?

"Kaye! Tingnan mo, o! Shooting stars!"

Sinundan ng mga mata ko ang itinuturo ni Rey. Isang pulang ilaw ang lumitaw mula langit at nawala nang ito'y nahulog sa karagatan. Tumindig ang aking balahibo nang isa pang nagbabagang ilaw ang lumitaw, mas malaki kaysa sa nauna, ang nahulog sa karagatan na siyang nagdulot ng maliliit na alon.

"Rey..." Ngunit hindi ako pinakinggan ng aking pinsan dahil sa tuluyan na itong namangha sa mga ilaw, parang gamo-gamong naakit sa liwanag na nagmumula sa isang lampara.

"Rey!" Hila-hila ko na ang aking pinsan. Alam ko na ang mga susunod na mangyayari. Nagbabdya ang isang matinding panganib. Ang panaginip ko ay nagsilbing isang babala, at ilang minuto lamang ay sunod-sunod nang babagsak ang mas malaki pang bulalakaw. Ang kasunod no'n ay ang katapusan ng siyudad ng Zamboanga. Ang katapusan ng aking buhay.

Ngunit mas handa na ako ngayon sa mga napipintong pangyayari. Ngayon, nakasisigurado akong mabuhay ako hanggang sa huli.

—THE END—

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top