Chapter 3: New Beginning
Adrian's POV
SAMPUNG minuto na lang ay mag-a-alas dose na ng gabi pero hindi pa rin kami nakakaupo ni Missy. Ramdam ko ang pagod niya dahil kanina pa kami naglalakad, naghahanap ng pwedeng matuluyan pansamantala. Pero bigo kami. Bitbit niya ang isang maletang kulay itim habang ako naman ay bitbit sa magkabilaang braso ang dalawang backpack kung saan naroon ang mga damit ko.
Isang tao na lang ang naiisip kong makakatulong sa amin. Nang buo na ang desisyun ko na kapalan ang mukha, nagpunta na kami kaagad sa bahay nila.
"Pasensya ka na, tol. Wala kasi talaga kaming ibang mapuntahan, eh. Promise, bukas na bukas kaagad maghahanap ako ng trabaho at ng malilipatan. Kahit ngayong araw lang sana."
Nasa labas kami ng isang kahoy na gate ng bahay nila Toni, nagbabakasakaling pwede kaming makituloy muna kahit ngayong araw lang. Hindi ga'nun kalaki ang bahay nila pero kinapalan ko na ang mukha ko. Wala rin naman kasi talaga kaming mapuntahang iba. Hindi naman pwedeng doon sa bahay nila Missy dahil nga bayolente ang tatay niya. Hindi rin ako pwedeng bumalik sa amin. Kailangan kong patunayan sa erpats ko na tama ang naging desisyun ko.
"Medyo negative kasi tol, dahil nga dito rin nakitira ang asawa ng ate ko at hindi pa nakakapag-bukod." Nanlumo ako dahil sa narinig pero bigla rin nabuhayan nang magsalita siya ulit. "Pero kung ipapangako mo na makakahanap ka kaagad kinabukasan, makikiusap na lang ako kay Mama na dito muna kayo ngayong araw makitulog."
Napangiti ako sa narinig. Sa wakas!
"Talaga, tol? Salamat! Pangako, bukas na bukas maghahanap ako." napayakap ako ng di oras sa kanya dahil sa tuwa. Mayamaya lang ay lumipat ako ng yakap kay Missy na ngayon ay nakikita kong parang inaantok na dahil sa namumugto na ang mga mata. Hinalikan ko na lang siya sa noo at saka sinundan si Toni na ngayon ay papasok na sa bahay nila.
Patay ang ilaw sa loob ng bahay nila maliban lang sa may kusina. Pero naaninag pa rin naman namin ang daanan kaya hindi kami nangapa nang makapasok na kami sa loob ng tuluyan. Tulog na siguro ang mga tao dahil. Maliban kasi sa aming tatlo, wala na akong ibang taong nakikita pa.
Dumiretso na kaming dalawa ni Missy sa loob ng kwarto ni Toni. Malinis at organized ang kwarto niya. Wala kang makikita ni isang kalat man lang sa sahig o sa kama. Mayamaya lang ay naglapag siya sa sahig ng isang maliit na kutson at saka tinuro sa amin.
"Dito kayo hihiga. Pasensya na, ah. 'Yan lang ang nakayanan ko, eh." Pagpaumanhin niya.
"No, it's okay, Toni. We're good. Thank you. Na-appreciate ko yung help mo sa amin ni Adrian." pagsasalita ni Missy. Kita kong napangiti siya.
"Oo, tol, okay na sa amin 'to. Para namang di sanay sa sahig matulog." pagbibiro ko saka natawa.
"Teka, ngayon ko lang napansin. Matutulog kang ganyan?"
Napatingin ako sa kung ano ang tinuro niya. Napahawak naman ako sa ulo ko. Oo nga pala, para akong nakipagsabunutan sa kanto at nagsilagasan ang mga buhok ko. 'Yung dating hanggang balikat kong buhok ay umiksi na hanggang batok. Kaya pala kanina pa ako nangangati, dahil pala doon, nawala na sa isip ko gawa nung nangyari.
"Di ko alam anong nangyari pero tara sa banyo, tol. Ayusin natin yan. Marunong naman ako mag-gupit kahit papaano."
'Yun lang ang sinabi nya at nagpunta na nga kami sa banyo para ayusin ang pagka-gupit sa akin. Ginawa niyang reference ang french cut hairstyle na nakita sa google. Nagustuhan ko naman ang naging resulta. Mukha na talaga akong lalake.
"Naks! Pogi!"
Napangiti ako sa naging reaksyon ni Missy. Nakaramdam din ako ng ginhawa nang mapatingin ako sa salamin at nakita ang bago kong hitsura.
"Sa wakas! Ang tagal mo ring nakatago, Adrian. Nakalabas ka na rin sa pagkakakulong sa sarili mo. Pero ngayon, wala nang makakapigil pa sa 'yo. Malaya ka nang maging ikaw." sambit ko sa isipan.
Hindi na kami masyadong nag-usap pa ni Toni pa at natulog na rin siya kaagad. Nalaman ko na tulog na pala talaga siya kanina nang tawagan ko siya. Na-istorbo ko pa siya. Pero ayos lang, ang mahalaga ay may matutulugan kami ngayong gabi.
---------*****----------
"Anong ibig sabihin nito? Sino kayo!?"
Napabalikwas ako ng tayo dahil sa ingay na narinig. Bumungad sa akin ang isang babaeng sa tingin ko ay nasa edad trenta, naka-duster itong mabulaklakin at nakatali ang buhok na sa tingin ko ay chopstick ang ginamit. Mayamaya lang ay naramdaman kong nagising na rin si Missy at saka lumapit sa akin.
"H-Hello po—"
"Ate, sila Adrian at Missy, kaibigan ko. Nakitulog lang ngayon pero maghahanap din ng matuluyan mamaya." Pagsasalita ni Toni dahilan para di matuloy ang sasabihin ko. Magpapakilala pa sana ako pero nauna nang magsalita ang ate niya.
"Ano ba naman yan, Toni. Nagdagdag ka pa ng palamunin dito. Kulang na nga panggastos natin dito, eh."
"Wag ho kayo mag-alala hindi rin naman po kami magtatagal, kailangan lang talaga namin ng matulugan." Depensa ko pero nakita kong medyo umirap siya at saka bumuntong hininga.
Natahimik ako. May kung anong kirot ang naramdaman ko nang makita ang ginawa niya sa amin. Hinawakan naman ni Missy ang kamay ko.
"Ate, respeto naman. Bisita ko sila, mga kaibigan ko sila."
"H-Hindi, ano tol, aalis na rin kami. Sabi ko naman sayo makikitulog lang talaga kami, eh." Ngumiti ako sa kanya. Pilit na ngiti pero sana hindi na niya mapansin pa 'yun. Sumenyas lang ako kay Missy at naintindihan niya rin naman kaagad ang gusto kong sabihin. Nagligpit kami ng gamit saka kinuha ang mga bag at maleta.
"Hindi mo ako kailangang pahiyain ng ganito sa mga kaibigan ko, Ate. Konting konsiderasyon naman. Sinabi ko naman sayo na nakikitulog lang sila at maghahanap rin ng matutuluyan mamaya, bakit ganoon kaagad ang reaksyon mo?"
Ramdam ko ang gigil sa mga salita ni Toni. Mahina lang boses niya pero sapat na para marinig ko ang mga 'yun. Nakatalikod kami sa kanila kaya hindi ko makita ang ekspresyon ng mukha ng ate niya. Pero pakiramdam ko, nakataas ang kilay niya. Ibang-iba siya sa ugali ni Toni. Kung gaano kabait si Toni, kabaliktaran naman ang ate niya. Pero di ko rin naman siya masisisi. Marami na sila sa loob ng bahay tapos dadagdag pa kami.
Nang makuha na namin ang gamit namin ay lumabas na rin kami sa kwarto ni Toni. Nakaabang lang sa amin si Toni habang napansin ko naman na nasa may hapagkainan naman ang nanay at tatay nito pati na rin ang isang lalaki na tingin ko ay hindi nagkakalayo sa edad ng ate niya. Ito marahil ang asawa. Katabi niya ay dalawang bata na mukhang nasa edad siete at otso.
"Tol, pasensya ka na sa ugali ng ate ko, ah. Bungangera talaga 'yun. Kahit ako naririndi na rin minsan, eh."
"Ano ka ba, tol. Ako nga dapat ang hihingi ng pasensya at nakaabala pa kami."
"We didn't mean to disturb or cause any trouble here, Toni. Pero thank you sa pagpatuloy mo sa amin dito." ani Missy. Ngumiti lang sa amin si Toni pero bakas sa mukha niya na disappointed siya sa nangyari. Siguro dahil na rin sa inasta ng ate niya.
---------*****----------
"Pasensya na pero puno na kami."
"Mag-jowa kayo? Ah eh puno na kami. Sa iba na lang kayo maghanap."
"Kailangan kasi may two months advance and 1 month deposit. Hindi pwede yung gusto mo na sa susunod na ang bayad."
"Pwede kayo dito pero bawal kasi ang may jowa. Medyo bitter ang may-ari ng paupahan. Kung gusto niyo, hiwalay kayo ng kwarto."
Kanina pa kami naghahanap ni Missy ng apartment na pwedeng matuluyan pero lagi kaming bigo. Medyo pahirapan din kami dahil kulang ang pera na meron kami. Kailangan naming makahanap ng matutuluyan na pwede kahit walang downpayment.
Tagaktak ang mga pawis dahil sa init ng panahon. Pareho kaming pagod kaya nagpahinga muna kami saglit sa isang bench.
"Sorry, kailangan mong maranasan 'to." sambit ko kay Missy. Napalingon ako sa kanya na ngayon ay umiinom sa isang bottled water. Pinunasan niya muna ang lumagpas na tubig sa bibig bago nagsalita.
"It's okay, hal. Mas mabuti na rin naman yung ganito. At least, from now on, tatayo na tayo sa sarili nating mga paa."
Natahimik ako. Hinarap ko siya saka tiningnan mata sa mata. Parang may sinabi siya kanina para mapantig ang tenga ko.
"A-Anong sabi mo? Paulit?"
Isang matamis na ngiti ang binigay niya sa akin saka hinawakan ang mga kamay ko.
"Ang sabi ko, hal. Mahal."
Ramdam ko yata ang pamumula ng pisngi ko dahil sa narinig. Hindi ko mapigilang lumapad ng ngiti saka siya niyakap ng mahigpit.
"Parang magic yung sinabi mo, h-hal. Kanina lang pagod ako pero ngayon, mukhang malakas na ulit at may energy." Pagmamayabang ko pa sa kanya habang tumatalong-talon sa tuwa na parang bata.
Matagal ko rin inisip anong pwedeng itawag sa kanya. Natanong ko pa noon si Toni kung anong maganda pero ang kokorni naman kasi ng mga sinuggest ng mokong na 'yun. Munchkin, Honeybunch, Kyutipie, Lablabin ko, Palalabs ko; ilan lang naman yan sa mga sinuggest niya sa akin noon. Ni isa, wala akong nagustuhan. Pero nung narinig ko kay Missy—mahal, ang salitang 'yun, bigla akong ginanahan.
Isang simpleng salita lang pero yung pagod gawa ng kanina pa kami naglalakad kakahanap ng apartment na makakatanggap sa amin at yung nangyari sa amin ng erpats ko, lahat ng 'yun ay parang nawala bigla dahil sa isang salita na hindi ko naman inasahang marinig.
"Hal. Ang babaw ko pero napasaya mo ako ngayon, hal."
---------*****----------
Nang hapon ding 'yun ay nakahanap kami ng paupahan at doon pansamantalang nanuluyan. Doon kami magsisimulang muli. Kapag nakaipon ako, lilipat din kami sa kung saan ay mas komportableng kwarto at mahihigaan. Isang linggo matapos kaming makalipat ay naghanap naman kaagad ako ng trabaho. Mabuti na lang at natanggap kaagad ako sa Morning Cafe, isang coffee shop hindi kalayuan sa kung saan kami nakatira. Kailangan kong tumigil sa pag-aaral dahil medyo hirap kami sa gastusin. Hindi kakayanin kung magtatrabaho ako at mag-aaral nang sabay, isama pa ang gastusin sa pag-aaral ni Missy. Simula kasi noong umalis kami at nagpakalayo-layo, kami na rin ang gumagastos sa lahat. Wala kaming inaasahang tulong galing sa erpats ko at sa magulang ni Missy. Hirap man kung minsan pero kahit papaano ay nakakaya pa rin naman naming makakain ng tatlong beses sa isang araw.
[Hal, natanggap ako sa trabaho.]
Naka-break ako sa trabaho nang makatanggap ako ng text message mula kay Missy. Nangunot naman ang noo ko sa nabasa kaya dali-dali kong dinial ang kanyang numero at di rin nagtagal ay sinagot niya rin naman 'yun.
"Ano yung text mo, hal? Anong natanggap sa trabaho? Hindi ba't nasa school ka?" sunod-sunod kong tanong sa kanya.
"Relax lang, hal. Magpapaliwanag ako mamaya. Alam kong naka-break ka lang. Baka hindi kakayanin ng oras kung magkukwento ako sa 'yo ngayon."
Natahimik ako. Kung sabagay ay may punto siya. Napailing na lang ako. Bakit kailangan niyang maghanap ng trabaho, eh sinabi ko naman sa kanya na kakayanin ko ang mga gastusin?
"Di ka pa papasok, pre?"
"Mauna ka na pre, kausap ko lang partner ko." Sabi ko sa katrabaho kong si Samson. Binaling ko naman ang atensyon ko kay Missy na nasa kabilang linya.
"Sige, mag-usap tayo mamaya, hal. Babalik na muna ako sa trabaho ko. I love you. Ingat ka sa pag-uwi mo, please."
"I love you too, hal. Ikaw rin."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top