22. Armida's Luck Vs Destiny's Game


Nakaupo si Armida sa kama. Hinihintay niyang matapos si Josef sa ginagawa nito sa kusina. Ito kasi ang naghugas ng lahat ng plato at mga ginamit niya.

Ayaw magtagal ni Josef sa bahay nila. Alam niyang anytime susulpot na si Miethy at aayain na naman silang mag-asawa sa kung saan at magkakaproblema na naman. At dahil nangako siya kay Josef na "titigilan" na niya sina Miethy, wala siyang choice kundi sumunod.

"O, tara na," sabi ni Josef na kakatapos lang magpunas ng kamay.

Tumayo na si Armida at tiningnan ang wristwatch niya. 8:03 na. Hindi pa siya nakontento, tiningnan pa niya ang wall clock. 8:13 a.m. ang nakalagay sa digital clock. Hindi niya tuloy alam kung advance ang clock nila o late lang ang watch niya.

Lumabas na sila ng bahay.

Nakasuot na naman ng white long-sleeve shirt si Josef na nakatupi ang manggas hanggang siko at naka-unbutton ang dalawa sa itaas na butones. Naka-black pants na naman siya at leather shoes.

At si Armida, white peasant dress na naman na hanggang talampakan ang haba. Dala na naman niya ang knitted bag niya na may lamang pera.

Wala naman silang ibang makitang damit sa cabinet at drawers nila kundi pambahay at mga damit na mukhang pangkasal. At walang ibang kulay kundi black and white. Napaka-monotonous.

Pasimple pang sumulyap si Armida sa rest house sa katapat na bahay para hintayin kung lalabas ba sina Miethy. Pwede siyang pumaraan.

"'Wag ka nang maghintay sa kanila, Armida," sabi pa ni Josef nang mapuna ang asawa.

Agad ang ikot ng mata ni Armida at sumimangot. Nagpatiuna na lang siya sa kalsada para lumayo nang kaunti kay Josef.

Tumingala siya at nakita kung gaano kalinis ang langit sa oras na iyon ng umaga.

"Hello, Chance," bulong niya sa langit. "Try to stop me within twenty minutes, and I'll stop this game."

"Hoy, kung inaatake ka na naman ng kabaliwan, pwedeng sa loob mo na lang ng bahay gawin?" sarcastic na sinabi ni Josef habang nakapamulsa sa harapan ng asawa niyang nakatingala. "'Wag dito sa gitna ng kalsada kasi ikakaila talaga kita bilang asawa ko."

Tiningnan na lang nang diretso ni Armida si Josef.

"This is really a good morning." Tumalikod na si Armida at nagsimula nang maglakad. Sumunod na lang sa kanya si Josef.

Magkatabi sila pero hindi man lang nag-abalang magdikit gaya ng ginagawa ng mga normal na couple. Nakapamulsa lang si Josef, nakapamaywang naman si Armida. Sabay lang sila maglakad. Walang ka-inti-intimacy.

Ilang metro pa lang ang nalalakad nila nang biglang huminto si Armida at inamoy ang hangin. Napahinto na rin si Josef at tiningnan ang asawa niyang palinga-linga at parang may hinahanap.

"Josef, do you smell that?" tanong ni Armida.

"Smell what?" Inamoy naman ni Josef ang paligid. "Hmm, amoy-fried rice. Ang bango."

"What the f—! Hindi 'yon!" Sinundan ni Armida ang naamoy niyang kakaiba.

"Ano na naman 'yang naamoy mo?"

"Baril. May baril sa paligid."

"Baril? Naamoy mo 'yon? Ano ka, K9?" gulat na tanong ni Josef. Tiningnan lang tuloy siya nang masama ni Armida.

"Josef, amoy gunpowder ang hangin. Kung gawa lang 'yon ng iisang baril, hindi ko 'yon dapat maamoy," sabi ni Armida habang sinusundan ang naamoy niya.

Umikot na naman ang mata ni Josef at sinundan na lang ang asawa niyang umaariba na naman ang kawirduhan sa katawan.

"No'ng unang beses, ang sabi mo, amoy-alak ako, Tapos ngayon, gunpowder naman? Ano bang klaseng ilong meron ka?" tanong ni Josef habang tinitingnan ang dinadaanan nila.

Gilid kasi iyon ng entrance ng village at natural na mapuno sa nilalakad nila.

"Abnormal ang olfactory system ko, and you know why. At doon sa amoy mo, I can smell special human scent as chemical messenger. Mga taong may abnormal secretion of volatile pheromones at may unique sweat glands." Nilingon pa niya si Josef. "And it was really weird for you to have that intense scent. Hindi pang-tao." Nagwagayway pa siya ng hintuturo kay Josef habang nagpapaliwanag. "Either you grew up with a good hormones, or you injected a lot of pheromones."

"Ehem," napatikhim tuloy si Josef at napalunok dahil sa sinabi ni Armida.

"Either way, now I get why your Art of Seduction works. Para kang nagpapawis ng scented sex hormones."

Kakahuyan na at gubat na ang nilalakaran nila. Nadaan na roon minsan si Josef noong tinakasan niya sina JC.

"But still, gun powder is different than pheromones," paliwanag pa ni Josef.

"Thirteen years na 'kong assassin, Josef," sagot pa niya at nilingon ang asawa na may bored na tingin. "Ang hina ko naman kung hindi ko malalaman kung may baril sa paligid."

Limang minutong lakaran lang at huminto si Armida sa likod ng rest house kung saan tumutuloy sina Fovi.

Natunganga tuloy silang mag-asawa habang nakatingin sa bahay.

"Armida, sinabi ko na, di ba? Lumayo sa problema. Iwasan na sila. Ako ba, niloloko mo, ha?" poker-faced na sinabi ni Josef habang nakatingin sa bahay.

"Josef, dito huminto yung amoy. Ano'ng ibig sabihin nito?" Kahit si Armida, hindi rin maintindihan ang nangyayari. Tiningnan niya ang relo niya.

Nineteen minutes na ang lumipas pagkatapos niyang makipag-deal sa tsansa niya.

Hindi pa tapos ang usapan niya sa pagkakataon. May chance pa at dinala siya ng pagkakataon sa lugar na dapat lalayuan na niya.

"Hoy! Ano'ng ginagawa n'yo diyan?!"

Biglang lumabas sa bahay at sa likuran nila ang limang lalaking may hawak na matataas na kalibre ng baril. Tinutukan sila at dahan-dahang lumapit sa kanila.

"Why does destiny always put the best chance for me at the worst moment?" sabi ni Armida habang tinitingnan ang hawak na AK-47 ng mga lalaking pumapalibot sa kanilang mag-asawa.

"Armida, I'm not sure if magnet ka lang talaga ng trouble o magnet lang talaga ako ng kamalasan," bulong ni Josef.

Malas lang dahil parehong tama ang sinabi niya.

Tinusok-tusok sila ng nguso ng baril para papasukin sa loob ng rest house. Pagpasok doon, bumungad sa kanila ang ilang lalaking nagbabaraha at tumayo nang makita silang dalawa.

"O, ano 'yan?!" sigaw pa nito.

Sumenyas ang isang may hawak ng baril para gapusan silang dalawa. Kinuha ng isang lalaki ang nakatabing lubid sa gilid lang ng mesa na nilalaruan nila.

Nagkatinginan ang mag-asawa. Mukhang kini-kidnap na naman sila . . . ng mga totoong kidnapper. Mga pipitsuging kidnapper. Mga amateur na kidnapper. Mga kidnapper na obvious na ransom lang ang habol. Mga kidnapper na nanghihiram ng tapang sa baril. Mga kidnapper na tatanga-tanga.

Tahimik lang sila habang ginagapusan ng dalawang lalaki. Nagsesenyasan pa ang mga ito dahil masyadong kalmado ang mag-asawa para sa kini-kidnap. Parang hindi marunong matakot.

"Mukha kayong mayamang dalawa a. Mayaman ba mga pamilya n'yo?" tanong ng isang lalaking sitting pretty at hine-head-to-toe silang dalawa.

"Pinatira lang kami sa katapat na bahay nitong rest house. Pinahiram lang din sa amin itong damit. Mukha lang kaming mayaman," mahinahong paliwanag ni Armida.

"Boss, daming pera, o!" sabi ng isang lalaki habang kinakalkal ang dalang bag ni Armida. Inilabas niya ang lahat ng laman ng bag at nakuha nila ang 30 thousand na laman niyon.

"Mukhang mayaman, huh?" sabi ng tinawag na boss n'ong lalaki.

"Magnanakaw ako," pag-amin ni Josef habang nakatingin lang sa kung saan.

"Huh! Talaga lang, ha," sabi pa ng tinawag na boss. Itinuro nito ang itaas gamit ang ulo. "Iakyat na 'yan!"

Tiningnan lang ng mag-asawa ang isa't isa habang pakaladkad silang inaakyat sa taas ng rest house. Napadpad sila sa pinakadulong parte ng hallway. Huminto sila sa tapat ng isang mahogany door na may magandang sculpture.

"'Wag kayong gagawa ng ingay kung ayaw n'yong matulad sa kanila," babala ng isa sa nagdala sa kanila. Binuksan na ng kasama niya ang pinto sabay tulak sa kanilang dalawa sa loob ng kuwarto.

"Agh!"

Nasubsob ang dalawa sa kahoy na sahig. Sumara na ang pinto at nabalot ng kadiliman ang buong kuwarto. Nakapatay ang mga ilaw. Nakasara ang mga bintanang tinatakpan ng makapal na kurtina.

"Josef, kaya mong makatakas?" kalmadong tanong agad ni Armida na pilit bumabangon.

Click!

At biglang bumukas ang ilaw.

"May sinasabi ka?" proud pang tanong ni Josef habang nakatingin sa asawa niyang naka-indian seat sa sahig. Nasa tabi na siya ng pinto at nagawa na niyang buksan ang ilaw.

"Yabang." Nagpaikot lang ng mata si Armida at umiling.

Ano nga ba'ng aasahan niya kay Josef? Trained ito sa kahit anong klase ng pagtakas. Kasimple-simple ng pagkakagapos sa kanya kaya sisiw lang ang pagtakas. Ni hindi nga siya pinagpawisan.

Ang kaso . . .

"Mmmm!"

"Oh . . . shit." Napa-facepalm na lang si Josef nang makita ang nasa harapan niya.

Nakagapos ang apat na couple. Pare-parehong may busal sa bibig at nakatingin sa kanya. Sinasabi ng mga tingin nito na pakawalan sila. Nasa gilid sila ng malaking kama at doon nagsiksikan.

Ginawa naman ni Armida ang magagawa niya para makatakas sa pagkakagapos niya. At nakatakas naman siya. Hindi nga lang kasimbilis ng kay Josef.

"Ano sa tingin mo, Josef?" Tumayo na si Armida at nagpamaywang sa tabi ng asawa niya. Tiningnan nilang pareho sila Miethy na nakatingin lang sa kanilang dalawa. Puno ng pagmamakaawa ang mga tingin ng mga ito.

"Kung may tatanggalan ka ng busal sa bibig sa kanilang walo, sino?" tanong ni Josef habang iniisa-isa sila ng tingin.

"Isa lang naman ang naiisip ko," sabi ni Armida at tiningnan si Josef. Mukhang ganoon din ang iniisip ni Josef kaya lumapit ito sa tatanggalan nila ng takip sa bibig.

"Matino kausap at hindi maingay." Tinanggal na ni Josef ang panyong nakatakip sa bibig ni JC. Itinapon niya ang panyo sa kama at tumabi ulit kay Armida sabay halukipkip.

"Okay, now, let's start with the interview," sabi ni Armida.

"Plano n'yo 'tong dalawa, 'no?!" sigaw ni JC sa mag-asawa.

Napataas na lang ang kilay ni Armida dahil kay JC.

"Excuse me," mataray na sinabi ni Armida habang nakataas ang hintuturo, "ang mag-iinterview dito e kami at hindi kayo." Lumapit pa siya nang kaunti kay JC sabay pamaywang. "I'll give you a good deal. You'll answer all my question pagkatapos, pakakawalan namin kayo. Kapag hindi mo 'ko sinagot nang matino, papatayin ko kayo isa-isa."

"Ugh! God." Napailing na lang si Josef at napahilamos ng mukha. "Don't make yourself sound like you're the kidnapper. Victim lang din tayo dito, ano ka ba?"

"Josef, what is the Criminel Credo Basic Rule 37?"

"Information before action."

"O, ano ba ang ginagawa ko?"

"Pero madadaan po 'yan sa masinsinang usapan, hija. Don't just make any deal. Nandyan ka na naman sa decision-making mo na walang ka-sense-sense e."

"You're wasting time," seryosong sinabi ni Armida.

Napa-facepalm na lang ulit si Josef. Wala nang pag-asa ang asawa niya. Wala na talaga. Sige na, suko na siya.

"So, JC. What is happening here?" pagbabalik niya sa usapan. "Bakit nagkaroon ng mga armed guys dito sa rest house?"

"E di ba, kasabwat kayo ng mga kidnapper na 'yon?" galit na tanong ni JC.

"Tanga ka ba?" sarcastic na sinabi ni Armida at iniluhod ang isang tuhod sa harap ni JC sabay tampal sa noo nito. "Kung kasabwat kami, dapat hindi na kami ginapos at hindi na kami dinala rito para ikulong. Gumagamit ka ba ng utak?"

Natahimik na lang si JC at inisip na ang tanga nga naman. At sinong matinong kidnapper ang magpapagapos sa mga kasamahan niya, aber?

Pero maliban doon, nagpapakita na naman ang katarayan ni Armida sa kanila. Kahit sila, napapangiwi sa salita at kilos nito.

"Anyway, anong oras dumating yung mga 'yon dito?"

Inisip pa sandali ni JC kung anong oras nga ba.

"Mga, hatinggabi kagabi."

"Alam mo kung ilan sila rito?"

Umiling lang si JC. Hindi rin kasi niya alam.

"Paano ba 'yan, Josef. Hindi raw alam," sabi ni Armida. Tiningnan niya si Josef na tinatantiya pa ang nangyayari.

"Sino ba talaga kayong dalawa? Mga pulis ba kayo? Pwede ba, pakawalan n'yo na kami rito?" pakiusap ni JC sa kanila.

"Kilala n'yo na kami. Ano, may amnesia?" Tumayo rin ulit si Armida at nagpamaywang.

"Sa ngayon hindi pa namin kayo puwedeng pakawalan," kalmadong sinabi ni Josef sa kanila.

"At bakit naman?"

"Kung sakaling makatakas kayo, mahuhuli lang kayo ng mga kidnapper. May chance na maging hostage-taking drama ang mangyayari dito. Mamatay kayo pare-pareho oras na makawala ang isa sa inyo. Sana marunong kang mag-isip ng sitwasyon. Kung mag-su-suicide ka, 'wag ka nang mandamay," mahabang paliwanag ni Josef.

Sandaling natahimik sa loob. Tiningnan lang ni Armida ang palibot ng kuwarto. Mukha namang simpleng kuwarto. Pang-isang tao nga lang pero malaki. Kulay apple green ang pintura sa loob, malamig sa mata, isang kama lang at may night stand sa tabi. Walang telepono roon, mukhang inalis. Maliban sa likuran nila kung nasaan ang pinto. Sa kaliwa nila ang pinto ng banyo.

"Wala akong idea kung ilan ang kidnappers," sabi na lang ni Armida at halatang nag-iisip habang tinutuktok ang takong ng sandals sa sahig. "Ano, Josef? I'll do it my way or—"

"I'll do it," putol agad ni Josef sa kanya. "'Wag ka nang mangialam dahil last time na ikaw ang kumilos, pinatay mo lang ang sarili mo."

"Tss." Umirap lang si Armida at tumabi saka sumandal sa gilid ng pinto. Binuksan ni Josef ang pintuan at sinilip ang paligid. May nakita siyang isang lalaking armado sa dulo ng hallway.

"Pstt!" sitsit ni Josef. Napalingon ang lalaki sa kanya at gulat na nakita siyang nakasilip sa pinto. Napatakbo agad ito palapit sa kuwarto kung nasaan sila.

Dali-daling isinara ni Josef ang pinto at kinuha ang lubid sa sahig na iginapos sa kanya.

"Ano, may nakita ka?" tanong ni Armida.

"Pakikuha ng upuan na 'yon." Itinuro ng tingin ni Josef ang isang kahoy na single chair na may armrest at puting cushion sa upuan at sandalan. Sinunod naman siya ni Armida at inilagay ang upuan sa gitna ng kuwarto, sa tabi ni Josef.

BLAG!

Pagbukas ng pinto, ipinulupot nang mabilisan ni Josef ang lubid sa kamay ng kidnapper at hinatak ito paupo sa upuan. Itinali niya ang lubid paikot sa kamay ng kidnapper at sa armrest. Mabilisan niya iyong ginawa sa magkabilang kamay ng kidnapper damay na pati sa paa. Isinara ni Armida ang pinto at saka sinipa ni Josef ang upuan para masandal iyon sa pintuan.

"Ah, I love that move," nakangising sinabi ni Armida habang tahimik na pumapalakpak. Puno ng admiration ang tingin niya nang tingnan ang asawa niyang napakabilis kumilos. "Mangidnap na nga rin tayo tapos ulitin mo 'yon, Josef."

Lahat ng couple natulala sa ginawa ni Josef. Pumikit-pikit pa sila para siguraduhing tama ba ang nakita nila.

Sa sobrang bilis, hindi na nila alam kung totoo pa ba ang nakikita nila sa mga sandaling iyon.

"Hoy! Hindi n'yo kilala kung sinong—"

PAK!

"Hoy ka rin," pagbabalik ni Josef matapos sampalin ang lalaking hinuli niya. "Ilan kayong nandito?"

"Sino ba kay—"

PAK!

"Ilan. Kayong. Nandito."

"At sa tingin mo sasabihin ko?"

PAK!

Dumugo na ang nguso ng kidnapper kasasampal ni Josef. Ang kaso, ayaw pa ring magsalita.

"Josef, hindi mo mapapakanta 'yan ng ganyan lang," sabi ni Armida habang pumipili ng unan sa kama.

Nagbuntonghininga si Josef at binalikan ang kidnapper. Bahagya siyang yumukod at ipinatong ang magkabilang palad sa mga tuhod niya para pantayan ang mukha ng lalaki. "Brad, parang awa mo na, sumagot ka na lang." Itinuro niya si Armida. "Kapag 'yang asawa ko ang nagtanong sa 'yo, paniguradong iiyak ka ng dugo."

"Manigas kayo!" galit pang sigaw ng kidnapper.

Bumuga na naman ng hangin si Josef at napayuko na lang.

"Brad, binalaan na kita." Tumayo na siya nang tuwid at tinapik ang kaliwang balikat nito.

"Tabi," utos ni Armida na kasalukuyang naghahagis-hagis ng unan sa ere. Lahat ng mata ng mga nakagapos, nakasunod sa kanya at nag-aabang ng gagawin niya.

Kumuha na lang din ng isa pang upuan si Josef at umupo kaharap ng mga couple na nakagapos. Komportable siyang nag-de-kuwatro doon na ikinakunot ng noo nina Earl.

"Mister kidnapper, please naman, magsalita ka na," pa-cute na sinabi ni Armida habang yakap sa tagiliran ang una.

"Hahaha!" Natawa na lang ang kidnapper sa sinabi ni Armida. Napataas na lang ang kilay ng mga couple.

"Alam mo, brad. Magsalita ka na lang. Sige na," mahinahong sinabi ni Josef sa kidnapper. "Hindi mo gugustuhing matikman ang totoong pait ng buhay sa kamay ng babaeng 'yan."

"Huh! Ako ba e ginagago n'yo, ha?" maangas na sinabi ng kidnapper.

"Magsalita ka na, please . . ." pa-cute na request ni Armida.

"Hoy, sexy. Kung—Aaarrg—MMM!"

Tinakpan agad ni Armida ang mukha ng kidnapper pagkatapos niyang tapakan ang ibabang parteng niyon ng lalaki. Walang makaririnig sa sigaw ng siraulong kidnapper dahil sa unan na itinakip niya sa mukha nito. At hindi pa siya nakontento. Tinalo pa niya ang pumapatay ng upos ng sigarilyo base sa ginagawa niya.

Napanganga na lang sina Josef at JC sa nakikita. Nanlaki naman ang mga mata ng iba.

"Uh—Armida," pagpigil ni Josef na nakangiwi na. Akma pa siyang tatayo para awatin ang asawa niya. "Masyado ka namang—"

"Gusto mong isunod kita?" banta pa ni Armida sa asawa niya.

"Ah, sabi ko nga hehehe." Napabalik sa upuan si Josef at napalunok. "Sige, take your time." Pagtingin niya sa mga couple, mga hindi makapaniwala ang mga tingin nito sa kanya. "What?"

Nagpatuloy si Armida sa pangto-torture niya.

"Kapag tinanggal ko ang unan na 'to, siguraduhin mo lang na magsasalita ka na. Dahil kung hindi, babalatan na kita nang buhay," babala ni Armida. At halatang sanay siya sa pangto-torture dahil walang-wala sa kanya ang ginagawa. Mukhang kulang pa nga.

Tinanggal na niya ang unan at bumungad sa kanila ang mukha ng kidnapper na namumula at maluha-luha na sa sakit.

"Ilan kayong nandito?" seryoso nang tanong ni Armida.

"Dose. Dose kameee. Doseee . . . Parang awa n'yo na, pakawalan n'yo na koooo. Dose kameeee."

POK!

"Di kami bingi kaya 'wag mo nang ulit-ulitin," inis na sinabi ni Armida pagkatapos niyang batukan ang ulo ng kidnapper gamit ang nadampot na picture frame. Hinampas pa niya ito ng unan sa mukha sabay sipa sa sikmura nito. "Magsasalita naman pala, pinahirapan mo pa sarili mo."

Nilingon ni Armida si Josef na ang mukha ay ramdam na ramdam ang paghihirap ng kidnapper. Nakangiwi lang ito at halatang naaawa sa kinahinatnan ng lalaking nakuha nila.

"Bakit ganyan 'yang mukha mo?" tanong pa ni Armida sa asawa niya.

"Ang sadista mo talaga kahit kailan," sabi pa ni Josef habang nakangiwi. Tumayo na siya at nagpagpag ng damit. Nakangiwi siyang lumapit sa lalaking lumuluha na dahil sa sakit. "Sabi ko na sa 'yo, brad, 'wag ang asawa ko." Tinapik-tapik pa niya ito sa balikat para pakalmahin. "Pasensya ka na, ha."

"So, paano," sabi ni Armida habang nakakrus ang mga braso. "Dose raw. Ano na'ng balak mo, Josef? Ah! Wait!" Lumapit ulit si Armida sa kidnapper.

"Aahh, parang awa mo na! 'Wag mo 'kong sasaktan!" sigaw ng kidnapper kay Armida.

POK!

Nahampas na naman ito ng picture frame sa ulo. "'Wag kang paranoid, tanga! Kilala mo ang mastermind?"

"Hindeeee, hindeeee!" nangingiyak na sinabi ng kidnapper habang mabilis na umiiling.

"Ah, hindi," tumango pa si Armida. "Sige, wala tayong magagawa, pipigain na naman kita." Kinuha na ni Armida ang upuan na inupuan ni Josef at itinaas iyon sa hangin at akmang ihahampas sa kidnapper.

"Magsasalita na 'ko! Magsasalita na 'koooo . . ." maluha-luhang sinabi ng kidnapper.

"Good!" nakangiti pang sinabi ni Armida at ibinaba na ang upuan na hawak.

"Hi-hindi ko kilala ng . . . ng personal pero . . . pero alam ko ang pangalan."

Huminto sandali ang kidnapper para huminga.

"MAGSASALITA KA O HINDI?!"

"Oo na! Oo na! Magsasalita na! Diyos ko naman! Hindi ba pwedeng huminga?!"

POK!

Humampas na naman sa kidnapper ang picture frame na halos magkandagutay-gutay na.

"Sinasabi ko bang huminga ka muna! Tanga! Ano'ng pangalan? Dali na! Kapag ako napikon, tatanggalan talaga kita ng paa!"

"Alexander Hernandez! 'Yon ang narinig kong pangalan na sinabi ni Boss! Ang utos, kidnapin ang asawa niya para sa ransom pagkatapos papatayin pagkakuha ng pera!"

Pare-parehas silang napahinto dahil sa narinig.

"Pakawalan n'yo na 'ko, parang awa n'yo naaa . . . May pamilya akooo. Pito ang anak kooo . . . Kailangan ko lang ng pera kaya ko 'to ginawaaa."

Sabay-sabay silang napatingin kay Alex na gulat na gulat sa sinabi ng kidnapper.

----

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top