Chapter 3: Ang Ministro at ang Imortal na Halimaw

Matatalim na tingin ang paulit-ulit na tumatama kay Valentina mula sa mga halimaw na kilala ang bukod-tanging mersenaryong babae ng bayan ng Rhoxinu.

"Ano ang ginagawa rito ng gaya niya?" ang maririnig na bulungan sa paligid.

"Hindi ito ang mundong dapat mong pasukin, mersenaryo," pakutyang paalala sa kanya ng isa sa mga kalahok.

"Magkasama sila ng tusong Revenante," bulong ng iba.

"Kasama ng isang manunubos ang isang Roja Revenante?"

"Hindi niya pinaslang ang halimaw."

"Mapapaslang nga ba niya ang imortal na halimaw?"

Puwersahang pinapila si Valentina sa dulo at itinabi kay Gangia Shima.

"Isang maling galaw at walang magdadalawang-isip sa lugar na ito na tapusin ka," babala kay Valentina ng tigreng kawal.

Walang itinugon si Valentina ngunit bakas na bakas sa mukha niya ang matinding inis at pagnanasang tapusin ang lahat ng halimaw na nasisilayan ng kanyang mga mata.

Lumabas na ang mga kawal. At bago pa man tuluyang maipinid ang pinto ng Breva ay tila ba idinikit sa isang pader na gawa sa mahika ang mga kadenang kumokonekta sa kanilang mga tanikala. Tila ba mga hayop na itinali ng kanilang mga amo. Nasa likod nila ang malalamig na kadenang pinoprotektahan ng isang kapangyarihang mga kawal lamang ng Cedillar ang nakalilikha. Hindi iyon basta-bastang masisira ng sinumang halimaw na magtatangkang umalis bago pa ang pagdating ng ministro.

Muli, dumilim ang paligid.

Napahugot ng hininga si Valentina dahil wala siyang kahit anong makita.

"Napakagandang ideya, Gangia Shima," sarkastiko niyang bulong sa katabi. "Nakabibilib! Kamangha-mangha." Pumikit na lamang siya dahil wala rin namang ipinagkaiba kung nakadilat siya. Pinakiramdaman na lamang niya ang paligid at wala ibang pumapasok sa isip niya kundi ang nakapangingilabot na lamig ng Breva. Nakapaninindig-balahibo.

"Huwag kang sumimangot, binibining mersenaryo," nang-iinis na sinabi ni Gangia habang tinititigan ang katabi gamit ang kakayahan niyang makakita sa dilim. "Nababawasan ang iyong rikit sa pagkunot ng iyong noo. Isipin mo na lamang na daan ito upang makalabas ka rito sa aming itinagong lugar."

"Ngunit may pulong pa akong kailangang puntahan! Ipinatawag ako ng konseho ng Rhoxinu at obligado akong dumalo!"

Tumawa nang mahina si Gangia at pinilit na huwag humalakhak. "Mabuti't walang kakayahang magliyab ang mga mersenaryo tuwing sila'y nagagalit! Hindi ba mga kasama?"

At dahil sa birong iyon ay nagtawanan ang mga halimaw na kasama nilang naroroon.

"Sumpain ka!" Dahil sa inis, muling hinugot ni Valentina ang espada niya. Pinilit niyang sirain ang kadenang nagdurugtong sa tanikala at sa pader na nilikha ng mahika upang hindi sila makatakas. Isang beses pa lang niya itong pinatamaan ngunit hinarang na iyon ng malakas na puwersa—dahilan upang paliparin ang espada niya sa pinakamalapit na matigas na haligi ng malaking lugar na iyon. "Amarilla!"

"Oooh," mahina ngunit sabay-sabay na narinig sa lugar.

"Mukhang iniwan ng kanyang laruan ang munting mersenaryo," pang-aasar ng isa sa mga halimaw.

"Malas!" inis na maktol ni Valentina.

"Wala ka yatang dalang panlaban sa mahika, binibining Valentina Stigma ng Rhoxinu," ani Gangia. "Inaasahan ko pa namang marami kang dala mula sa iyong bayan dahil sa iyong pagiging mersenaryo."

"Tumahimik ka, halimaw! Pangahas ka!"

Muling bumukas ang pinto ng Breva at lumiwanag nang muli ang paligid. Nabaling ang atensyon ng lahat sa pintuan.

"Magbigay-pugay para sa Ministro Pereio!" sigaw ng isang kawal at sabay-sabay na lumuhod ang mga manlalaro maliban kay Valentina.

"Psst! Magbigay-pugay!" Sapilitang hinatak ni Gangia ang kamay ni Valentina upang paluhurin ito gamit ang kanang tuhod.

"Kakausapin ko ang ministro at aalis na ako sa lugar na ito," mariing sinabi ni Valentina.

"Huwag kang gagawa ng bagay na pagsisisihan mo, mersenaryo," babala sa kanya ni Gangia na sa wakas ay sumeryoso na. "Matuto kang tumantiya ng oras."

"At ito na ang oras ko!" naiinis ngunit pabulong na sagot ni Valentina.

"Narito ang isa sa oras mo subalit hindi ito ang tamang oras para sa iyo."

Nilingon ng dalawa ang ministrong kasalukuyang sinusuri ang mga kalahok na nakapila.

"Makakausap mo siya ngunit huwag kang umasang mapagbibigyan ka," pagpapatuloy ni Gangia. "Uulitin ko, narito ang oras mo ngunit hindi pa tama ang panahon para sa kahilingan mong makaalis rito. Isang beses na pagkakamali't hindi ka na makaaalis pa kahit kailan. Walang pangalawang pagkakataong inihahandog ang ministro sa mga kaso mo."

Kumunot ang noo ni Valentina sa mga sinabi ni Gangia sa kanya. "Kung makapagsalita ka'y parang kilala mo ang ministro. Nakikipag-usap pala ang namumuno rito sa mga mabababang uring tulad mo."

"Gangia Shima."

Napahinto sa pag-uusap ang dalawa at sabay na napatingala. Muling yumuko si Gangia bago bumati. "Mahal na Ministro."

Samantala, titig na titig naman si Valentina sa matandang lalaki. Pinapatungan ang pilak na buhok nito ng koronang ginto at ilang mamahaling bato. Suot nito ang pulang robang halos sumayad na sa sahig at lumagpas na sa dulo ng daliri sa kamay ang haba. Mahaba ang tainga nito at may asul na matang kakikitaan ng kawalang-awa sa madaraanan ng paningin. Isa nga sa matataas na uri ng mga imortal sa daigdig.

"May pulong ngayon sa Rhoxinu," panimula ng ministro. "Hindi ba dapat ay naroroon ka ngayon upang dumalo?"

Lalo pang yumuko si Gangia at hindi na tumugon.

Walang pagdadalawang-isip na tumayo si Valentina at siya na ang kumompronta sa ministro. "Mahal na Ministro ng Cedillar." Yumuko si Valentina upang magbigay-galang at muling tumayo nang deretso. "Ako si Valentina Stigma, mersenaryong nagmula pa sa bayan ng Ghunna. Nagpatawag ng pulong ang aming konseho at dapat ay dadalo ako roon bilang representante ng bayan ng Rhoxinu. Sa kasamaang-palad ay napadpad ako sa lugar na ito dahil sa problemang may kaugnayan sa portal na aking ginamit upang tumungo sa aming bayan. Nais ko sanang—"

"Tahimik!" pigil sa kanya ng ministro. "At ano ang taglay mong karapatan upang makisabad sa aming usapan?"

"Subalit ako ay isang mersenaryong—"

"Ano'ng aking pakialam kung sino ka at ano ang dahilan mo sa pagpunta rito! Walang babaeng mersenaryo ang Ghunna maliban sa isa, na sa pagkakaalam ko'y nasa isang misyon ngayon. Mga manlalaro lamang ang napapadpad sa Breva! At kung ikaw ay narito, isa ka lamang manlalaro ng aking Torneo! Wala kang karapatang magpaliwanag sa akin kung hindi kita tinatanong, nauunawaan mo?"

Napailing na lang si Gangia Shima dahil binalaan na niya si Valentina ngunit hindi ito nakinig.

"Hindi ninyo naiintindihan!"

"Mga kawal!" tawag ng ministro. "Dakpin ang pangahas na babaeng ito at sunugin sa gitna ng arena!"

Tumayo na si Gangia Shima at buong tapang na hinarap ang ministrong nakatayo sa kanyang harapan. "Mahal na Ministro, ako ang nagdala sa kanya rito sa Breva!"

"At wala akong pakialam kung sino ang nagdala sa kanya rito! Mga kawal!"

Hinawakan ni Gangia ang kadenang nakadugtong sa tanikalang nasa kanyang leeg. "Subukan ng mga kawal mong galawin siya"—walang hirap niyang dinurog gamit ang kamay ang kadenang nahirapang sirain ni Valentina, ilang sandali pa lang ang nakalilipas—"mahihinto ang Torneo mo ngayong taong ito."

Nagsilayuan ang katabing halimaw ni Gangia, maging ang ministro at si Valentina, nang may lumabas na napakainit na usok sa katawan niya.

Panandaliang huminto ang lahat—napatingin sa napigtal na kadena ang lahat ng naroon.

Humugot ng hininga ang ministro at nakipagsukatan ng tingin sa halimaw. Samantala, napuno ng gulat si Valentina sa ikinilos at ginawa ni Gangia Shima.

"Iginagalang ko ang inyong salita," ani Gangia sa mahinanong tono, "ngunit sana'y naiintindihan rin ninyo ang nais kong mangyari."

Naumang ang ministro at hindi agad nakasagot.

"Walang gagalaw sa mersenaryo kahit kayo pa ang nag-utos. Ang kalooban ng langit ay hindi mapipigilan ng mga gaya mo . . . Mahal na Ministro."

Naningkit lang ang mga mata ng ministro. "Napakatigas talaga ng ulo mong bata ka. Manang-mana ka sa iyong ina!" pigil na nasabi nito at dali-daling naglakad palabas ng Breva.

Napuno ng katahimikan ang loob ng lugar nang makaalis ang ministro at ang mga kawal. Iniwang bukas ang pintuan ng Breva kaya't kitang-kita ang nasindak na reaksyon ni Valentina habang nakatitig kay Gangia.

Napalatak na lang ang lalaking halimaw at ang masiyahing awra ay bigla na lamang napalitan at madarama ang hindik na bumabalot dito. "Hindi ka ba talaga marunong makinig?" tanong niya sa mersenaryo. "Saang bahagi ba ng aking salita ang napakahirap maintindihan?"

"Sino ka bang talaga?" takang tanong ni Valentina.

Palalim nang palalim ang paghinga ni Gangia, tanda ng pagpipigil ng galit. Itinaas nito ang kanang kamay at itinutok sa espadang nakabaon sa haligi ng Breva. Lumipad ang armas at sinalo ng kanyang palad at itinutok sa leeg ni Valentina.

Muling lumiwanag ang mga simbolo. Lumabas ang pulang usok mula rito na hindi pa kailanman nasilayan ni Valentina sa tanang buhay niya. Hindi na nakapagsalita pa ang babaeng mersenaryo, di-makapaniwalang tinitigan ang sariling armas na nakatutok sa kanya.

"Wala kaming pakialam kung sino ka sa iyong bayan. Nasa ibang teritoryo ka, ipinaaalala ko lamang. Ibinibigay ko na ang lahat ng tulong at pabor na maiaalay ko. Isang salita pa mula sa iyo na magpapahamak sa iyong sarili, Valentina Stigma, at ituturing ko nang isang karangalan bilang Roja Revenante ang tapusin ka."

###

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top