Kabanata 4

Iyon na yata ang pinakamatagal na animnapung segundo ng buhay ko.

Nagtapos ang kaguluhan sa tunog ng isang nabasag na salamin—isang matalim na tunog na pumuno ng katahimikan sa buong paligid. Naghintay pa ako nang kaunti, tiniyak kong kalmado na ang lahat. Nang sigurado na akong ligtas nang lumabas, kinuha ko ang lumang baseball bat na nakapatong sa ibabaw ng aparador ko.

Alam kong bilin ng kuya ko na maghintay ako hanggang umaga, pero nanaig ang kuryosidad sa akin. Bukod pa roon, may bumibigat na pakiramdam sa dibdib ko—parang kailangan ni kuya ng tulong ko. At sa lakas ng mga ingay kanina, pakiramdam ko'y hindi magtatagal at may pulis o usisero nang kapitbahay na susulpot para alamin ang nangyari. Kailangan kong tiyakin na kaya kong ipaliwanag ang lahat—nang hindi napapahamak ang kapatid ko.

Dahan-dahan kong binuksan ang pinto ng kwarto ko, at isang mahina ngunit matinis na langitngit ang lumusot sa nakakabinging katahimikan ng gabi.

Maingat akong lumabas, dahan-dahan ang bawat hakbang papunta sa sala.

Napaatras ako nang makita ko ang itsura ng paligid. Kahit halos madilim ang buong lugar dahil sa mga nasirang ilaw, hindi nito natakpan ang kaguluhan sa harap ko.

Sinuyod ng mata ko ang paligid, naghanap ng anumang senyales ng buhay—pero mag-isa lang ako sa gitna ng wasak na kabahayan. Parang sumabog ang buong lugar. Nagkandakalat ang mga kasangkapan, nakataob ang mga drawer at sofa, may mga galos sa mga pader, at para bang may malakas na bagyo na rumagasa sa buong paligid.

Sinubukan kong isipin kung paano ko 'to ipapaliwanag sa may-ari ng building nang hindi siya tumatawag ng social services. Nirentahan ko lang ang lugar gamit ang parte ng insurance money ng magulang namin—yung naisalba namin mula sa aming tiyuhin. Hindi pa namin makuha ang natitira hangga't 'di pa kami umaabot sa tamang edad.

Mahabang usapan bago ako pinayagang tumira rito nang walang kasamang nakatatanda, pero nakumbinsi ko rin sila—salamat sa pahintulot ng tiyuhin ko. Ayos lang yata sa kanya na hindi niya kami kasama, basta't patuloy siyang nakikinabang sa amin bilang legal guardian. Pero ngayon, alam kong mahirap lusotan ang gulong 'to. Baka pa nga mauwi ako sa kulungan kung palpak ang paliwanag ko.

Pero higit sa takot sa batas, mas inaalala ko ang kuya ko. Napatingin ako sa basag na bintana, kung saan tumatagos ang liwanag ng buwan. Napansin kong kakaunti lang ang bubog sa loob, ibig sabihin, may tumalsik pa-labas—kaya nabasag ang salamin pa-labas din.

Doon ko naalala ang malakas na kalabog kanina... kasunod ng kakaibang katahimikan. Sumagi sa isip ko: tumalon ba ang kuya ko sa bintana? Lalong sumidhi ang masamang kutob ko.

Napatingin ako sa ibabang bahagi ng gusali—hindi posibleng may mabuhay sa ganung kataas na bagsak. Pero nanatili ang hinala ko. Habang nakatitig ako sa sirang bintana, lalong lumala ang masamang pakiramdam ko.

"Kailangan kong hanapin si kuya," bulong ko sa sarili, habang pinakikiramdaman ang nakabukas na pinto.

Hinigpitan ko ang hawak sa baseball bat at lumakad papunta sa labas. Habang papalapit ako sa pinto, ramdam ko ang malamig at mamasa-masang hangin na gumapang sa buto ko, pinaparamdam sa akin ang ginaw ng gabi.

Bumaba ako sa hagdan, kinakabahan, habang napapansin kong may mga matang nakasilip sa mga bahagyang bukas na bintana ng mga kapitbahay. Ramdam ko ang tanong sa tingin nila—kung ligtas bang ako'y lapitan.

Alam ko sa paningin nila, ako lang 'yung tahimik na batang nakatira mag-isa sa rooftop unit. Mabuti naman sila sa akin, pero alam kong dahil lang 'yon sa awa—awa sa isang ulilang galing sa magulong pamilya. Pinilit kong patunayan sa kanila na kaya kong mabuhay nang mag-isa, na hindi ako pabigat. Gusto ko lang naman mamuhay nang tahimik. Pero ngayong gabi, nasira lahat 'yon. Alam kong sa loob-loob nila, masaya silang napatunayang may mali nga sa akin. Na ako'y isang musmos na sakit sa ulo at lapitin ng gulo.

Pero ngayon, wala akong pakialam sa mga iniisip nila. Ang mahalaga lang ay ang kuya ko.

Matatag ang loob ko habang hawak-hawak ang baseball bat sa kamay ko. Patuloy akong bumaba sa hagdan, iniwasan ko ang elevator para hindi mapansin ng iba. Tumungo ako kung saan nakakalat ang mga bubog ng basag na bintana.

Hindi ko alam kung ano ang sasalubong sa akin, pero ang kagustuhang mahanap ang kuya ko ang lumamon sa lahat ng takot at pagdududa sa loob ko.


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top