Chapter 2
"Strat 'yon, boy. Hindi ka puwedeng mag-farm lang habang nasa mid lahat."
Napakrus na ng mga braso si Ma'am Salcedo habang nakatitig kay Colter sa likurang row ng classroom. Nagdi-discuss siya pero nakikipagtagisan ng lakas ng boses sa kanya si Colter.
"Second skill, SS. Dapat kasama mo yung tank—"
"De Chavez."
Napahinto sa pagsasalita si Colter nang matawag ang apelyido niya sa harapan. "Yes, ma'am."
"Stand up."
Nakalingon ang buong klase kay Colter nang tumayo siya. Maging siya ay nagtatanong ng tingin sa mga kaklase kung bakit bigla siyang natawag.
"What is the purpose of aerodynamics, and give me an example where it is applied?" naghahamong tanong ni Ma'am Salcedo.
Saglit na tumingin sa whiteboard si Colter, pero wala siyang ibang nakita roon kundi mga computation lang, mga arrow na kung saan-saan nakaturo, at malaking sulat ng "AERODYNAMICS" sa bandang itaas.
Saglit na lumibot ang mga mata ni Colter sa buong klase at huminto kay Polene sa harapang row na naghihintay rin ng sagot niya.
"Um . . . aerodynamics is the study of how air flows around objects . . . and its purpose is to reduce drag . . . improve efficiency . . . and enhance stability when something moves through the air," paputol-putol na sagot ni Colter, bago inilipat ang tingin sa teacher nila. "Example of application? It can be seen at the shape of the wings. It was designed to create lift by controlling how air moves above and below them."
"What if there's no aerodynamics?" tanong ng guro.
"Airplanes couldn't fly. Babagsak ang mga building. Babagsak ang mga tulay. Those structures are designed to withstand wind. Wind can produce vibrations. Without aerodynamics, strong gust of wind can produce deadly vibrations na kayang mag-collapse ng mga structure."
Nanliliit ang mga mata ni Ma'am Salcedo kay Colter. Nanunukat ng tingin. Napakamot ng batok ang binata habang naghihintay ng hudyat ng pag-upo.
"Daldalan kayo nang daldalan diyan sa likod," sermon ng guro.
Pangiti-ngiti na lang si Colter, hindi malaman kung saan ba ipapaling ang katawan.
"Lumipat ka rito sa tabi ni Rose."
"Ma'am!" malakas na tanggi ni Colter. Lalo pang napakamot ng ulo. "Ayoko diyan!"
"Lilipat ka rito sa harapan o lalabas ka ng classroom?"
Sukong-suko ang mukha ni Colter nang isampay ang face towel niyang kanina pa nakapatong sa desk niya. Sunod niyang kinuha ang wooden chair mula sa sandalan at ilalim ng pinaka-upuan saka binuhat paitaas ng ulo.
Umurong si Rose sa dulo ng mahabang mesa. Katabi nito si Polene sa gitna na umurong din para lang magkasya ang isa pang upuan. Running for top 2 si Rose at isa rin sa pinakatahimik sa batch na iyon.
Kampante si Ma'am Salcedo na hindi na makakapagdaldal si Colter kung tahimik ang mga katabi nito.
Bagot na bagot ang mukha ng binata nang isiksik sa blangkong espasyo sa gitna ng mahabang mesa ang buhat na upuan. Umikot pa siya sa dulo ng mesa para lang makapasok sa kabila kahit pa iisang upuan lang naman ang kailangan niyang daanan kung sa parte ni Rose siya dadaan.
Pagtapat kay Polene, bahagya niyang pinisil ang pisngi nito, dahilan para nakasimangot itong tumingala sa kanya at panoorin siyang maupo.
Kay Rose siya pinatatabi, pero dikit na dikit ang upuan niya sa upuan ni Polene.
Sarkastiko ang ngiti ni Colter kay Ma'am Salcedo na agad ding nawala pagtalikod nito para magsulat sa white board.
"By understanding and controlling airflow, engineers can design vehicles, machines, and even buildings that perform better and use less energy," pagpapatuloy ni Ma'am Salcedo sa klase.
Pero hindi gaya ni Colter ang magpapaawat dahil lang nabago na ang puwesto niya sa classroom.
Ipinatong niya ang kaliwang braso sa sandalan ng upuan ni Polene saka niya kinuha ang ilang hibla ng buhok nito para laruin ang dulo.
"Leng, ano lunch mo today?" tanong niya sa dalaga, titig na titig sa mga mata nito.
"Ha?" mahinang tanong ni Polene sa kanya, namumula na ang magkabilang pisngi.
"Lunch. Ano'ng kakainin natin ngayon?"
"Spam saka cheese omelette ang lunch ko, e."
"Hati tayo. Wala akong baon, e." Ngumuso pa at nag-puppy eyes si Colter, nagpapaawa.
"Bakit wala kang baon?" malungkot na tanong ni Polene.
"Wala pa 'kong allowance, e. Hati tayo, ha?"
"Kaso baka hindi ka mabusog."
"Mabubusog ako niyan." Inikot niya sa puwesto niya ang dulo ng mahabang buhok ni Polene at nilaro sa mukha para maging pekeng bigote niya. "Oh, these times are hard . . ." mahinang pagkanta niya, iniipit ng nguso ang buhok ng dalawa sa pagitan ng ilong at bibig. "Yeah, they're making us crazy . . . don't give up on me, baby . . ."
"This is the air density. Imagine a car moving at thirty meter per second . . ."
Mula sa pekeng bigote, naipon na ni Colter ang makapal na buhok ni Polene at ginagawa na niyang pekeng wig. Inayos-ayos pa niya sa bandang bangs para hindi humarang sa mukha niya.
"What is the frontal area?"
"Two point two meter per second . . ." sabay-sabay na sagot ng buong klase.
Mula sa pasimpleng wig mula sa buhok ni Polene, ibinagsak na niya ang ulo sa balikat nito at ginawa nang taguan ng mukha ang buhok ng dalaga. Nakatabing na sa buong ulo niya ang mahabang buhok nito at sinasamyo mula sa ilalim ang matamis na amoy galing doon.
Hindi naman alam ni Polene ang sasabihin at nababato na lang sa upuan niya dahil sa kagagawan ni Colter.
"Both equations show how speed, surface area, and shape directly affect aerodynamic performance . . ."
"Colt, nakikinig ka ba kay Ma'am?" mahinang tanong ni Polene.
"Uh-huh."
"Parang di ka naman nakikinig."
"Nakikinig ako. Bango mo na naman."
"Pagagalitan ka na naman diyan ni Ma'am."
"LOL."
"Get one-fourth sheet of pad paper. Solve this problem."
Ang bigat ng buntonghininga ni Colter at umalis na sa ilalim ng buhok ni Polene. Ang ganda-ganda na ng puwesto niya pero nasira pa ng quiz.
Kinuha niya sa kuwelyo ng T-shirt ang nakasabit na sign pen. Saktong paglabas na paglabas ni Polene ng makapal na pad, inagaw niya agad iyon para pumilas ng isang sheet bago ibinalik sa harap ng may-ari.
"Formula na naman," reklamo ni Colter at nagsulat na agad sa papel.
Colt de Chavez.
Bihirang-bihira niyang isulat ang buong Colter Nazareth sa mga papel niya maliban na lang kung exam.
Dalawa lang ang question sa board kaya sigurado siyang sila rin ang magtse-check ng mga papel nila.
"Naintindihan mo ba yung lesson, Colt?" tanong ni Polene sa kanya.
"Siguro. Malay."
Pero mabilis na isinulat ni Colter ang mga given at ang formula. Walang-paalam niyang sinikwat ang calculator na kalalabas lang ni Rose at mabilis na pumindot doon ng mga numero.
"Could you say 'Please, let me borrow your calculator?'" reklamo ni Rose sa kanya.
"O, sa 'yo na." Padarag pang itinulak niya pabalik kay Rose ang calculator at mabilis na isinulat ang mga sagot sa dalawang tanong.
Nagsusulat pa lang ng buong equation ang mga kaklase niya pero inabot na niya mula sa upuan ang papel niya kay Ma'am Salcedo.
"Tapos na 'ko, ma'am."
Nakasimangot na kinuha ni Ma'am Salcedo ang papel ni Colter at pinagtaasan ng kilay ang mga sagot niya sa harap at likod.
Nagdududa pa rin ang tingin ng guro sa kanya pero inipit pa rin nito ang quiz paper niya sa textbook na gamit nito.
"Tapos ka na agad?" tanong pa ni Polene sa kanya nang magulat dahil wala na siyang ginagawa.
"Kapag di mo alam ang sagot, magpasa ka na lang. Makaka-zero ka lang din naman, why effort?" sagot ni Colter bago iniyukyok ang ulo sa mesa paharap kay Polene.
"Sana nagsabi ka para pinakopya kita."
"No, thanks." Sabay ngisi ng binata.
Pinanood niya kung paano magsulat si Polene. Kaliwete ito na ang bawat sulat ay laging pahiga kaya ang papel ay laging gilid ang nakapaling paitaas. Alam na agad ni Colter na pagkatapos magsulat ay puno na naman ng tinta ang gilid ng palad ng dalaga.
Nalipat ang mga mata niya sa seryosong mukha ni Polene. Maamo ang mukha ng dalaga, na ang tawag niya ay mukha ng uto-uto. Bilugan ang mga mata nito na makakapal ang pilik-mata maging ang kilay na hindi pa nadaraanan ng ahit kahit na kailan. Pink na pink ang maliit na labi at maliit na ilong na bumagay sa maputing kutis nito.
Biglang kinilig at napangiti si Colter nang magandahan na naman sa dalaga kaya para na naman siyang pusa na hinilamos ang mukha sa long sleeves ng uniform nito.
"Colt, nagsusulat ako. Ano ba?"
"Kaliwete ka naman, e."
"Hawak ko yung paper ko."
Bahagyang lumayo si Colter at kunwaring galit na sinukat ng tingin si Polene.
"Nagsusulat ako," pakiusap ng dalaga.
"E, di magsulat ka. Bahala ka diyan." Pairap na humarap sa kabilang direksiyon si Colter nang magtampo.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top