Chapter 13
...
"Gaga ka! Nilalandi ka ba ni Arc?"
Tumigil ako sa pagsusulat at tiningnan si Darrel na nasa screen ng phone ko ka-video call ko. Tumawag pa talaga siya para lang maki-tsismis at mambulabog.
"Hindi, okay? Kinantsawan ko lang naman siyang i-libre niya ako ng milk tea kanina. Hindi ko naman alam na galante pala manlibre si Arc kaya ayun. Nag-SH kami."
"At may pa-hatid pang nangyari papuntang sakayan pauwi? Gaga, ang landi mo!" Halatang kinikilig si Darrel. Kahit ako naman, pero ayoko lang talagang i-sagad ang kilig ko dahil alam ko namang walang malisya 'yon kay Arc.
"Sadyang galante lang kasi 'yong tao. Tyaka 'di ba nga, temporary vocalist ako ng Neptune? Member ako ng banda nila kaya syempre may friendly bonding ang leader sa mga ka-members niya." Pagda-dahilan ko pa.
"Na kayong dalawa lang. Alam mo, ikaw, babae, ang dami mong naiisip na dahilan. Gusto mo si Arc, pero iba ang gusto mo para sa kaniya? Muntanga ka talaga eh noh? Dapat kung gusto mo, ipaglaban mo. Akitin mo. Angkinin mo hangga't wala pang nagmamay-ari, hindi 'yong ipinamimigay mo na, na parang hindi mo gustong mapa-sayo 'yong tao."
Napabuntong-hininga ako at nangalumbaba.
"Oh, anong drama 'yan? Hindi ba tama naman ako? Adik ka sa mga high school romance stories 'di ba? Bakit hindi mo gayahin 'yong mga leading lady ro'n na kering-keri ang maghabol mapansin lang sila ng taong gusto nila?"
"Wala tayo sa libro, Darrel. Hindi 'to isang fictional story na pwede mong gawin lahat. Isa pa...ayokong mairita si Arc dahil lang sa kakulitan ko. Tyaka si Tamara ang gusto niya---"
"Sinabi ba mismo niya sa 'yo 'yan?" Natigilan ako sa tanong niya.
"Oh kitams? Hindi. Kung si Tamara ang gusto ni Arc, hindi ikaw ang ili-libre niya ng milk tea at sasamahan papuntang sakayan."
Napabuntong-hininga nalang ako. Nilibre lang naman kasi talaga niya ako. Ayokong bigyan ng meaning ang lahat ng pinapakitang kabaitan ni Arc sa akin dahil siguradong bilang kaibigan lang 'yon.
Matapos kong magpa-tulong kay Darrel na gumawa ng math homework namin ay nag-bihis kaagad ako dahil may usapan kami ni Arc na sasama ako sa kaniya sa Lakwatsero Bar. Dinaldalan pa ako ni Darrel tungkol sa mga tips kung paano raw lumandi ng maayos at kung paano aakitin si Arc. Pasok sa isang tainga at labas sa kabila naman ang lahat ng sinasabi niya. Kung babae lang talaga si Darrel, hindi ko lang alam kung naka-ilang exes na siya.
Ang totoo niyan ay pinayagan din ako nila Mama dahil ipinaliwanag ko na sa kanila noong nakaraan ang pagiging temporary vocalist ko ng Neptune. Pero kahit na pinayagan ako ay hindi parin naalis ang curfew ko.
Tiningnan ko ang messenger ko para i-check kung may chat ba si Arc. Ang sabi kasi niya ay abangan ko nalang daw siya rito sa harap ng bahay namin.
Hindi naman nagtagal ay may motor na palapit sa kinatatayuan ko. Naningkit ang mga mata ko dahil sa headlight nito. Napaawang ang bibig ko nang tumapat ito sa kinatatayuan ko.
"Wow." Napahawak pa ako sa bibig ko. Ang angas kasi ng black-gold aerox ni Arc. "S-sa'yo 'yan?"
"Mmm." Tipid na sagot niya sabay abot sa akin ng helmet. Hindi maalis ang mga mata ko sa motor niya. Halatang alagang-alaga dahil bihis na bihis ito. Wala akong masiyadong alam sa mga accessories ng motor, pero masasabi kaagad na inaalagaan ni Arc 'tong motor niya. Mukhang mahilig siya sa....
"Crush mo?"
"Huh?" Napaangat ang tingin ko sa kaniya. "Ang alin?"
"Kanina mo pa tinitingnan 'tong sasakyan ko. Crush mo?"
Napailing ako. Lakas din ng humor nito. Isinuot ko ang helmet ko. "Tinitingnan lang crush agad? 'Di ba pwedeng 'yong may-ari ang crush ko?" Halos bulong nalang ang huling katagang sinabi ko.
"Huh?"
"Hatdog." Panggagaya ko sa laging isinasagot sa akin ni Arc. Napailing siya, "Hop in. Daldal mo."
Nakangiti akong umangkas sa likod, pero kinailangan kong hawakan ang balikat ni Arc para suportahan ang pag-angkas ko dahil medyo mataas itong motor niya. Wala namang reklamo si Arc sa ginawa ko hanggang sa makaayos ako. Humawak ako sa tail handle para maiwasang yumakap kay Arc.
"Ayos na?"
"Game."
"Game huh? Kumapit ka." Napahigpit ang hawak ko dahil sa sinabi niya na parang nang-aasar pa.
"Hoy, Arc, 'wag mo masyadong bilisan." Napapikit ako nang pihitin niya ang gas.
"Minsan ka lang magagasgasan, Aelia."
"Anong magagasgasan? Seryoso ako, Arc. H'wag ka masiyadong mabilis. Akong kinakabahan sa 'yo eh!" Sigaw ko para marinig niya.
Binagalan naman niya ang bilis ng sasakyan na parang nakikilibing kami. "Kailan pa tayo makakarating kung ganito kabagal ang gusto mo?"
"Sinabi ko bang ganito kabagal?....Hoy! Arc!!!"
Napapikit ako at mas humigpit pa ang hawak ko sa handle dahil bigla niyang binilisan ang motor. Baka konting higpit nalang matatanggal ko na tong hawakan. Ramdam ko na nga ang pamumula ng mga kamay ko. Panay ang overtake niya sa mga kasunod naming tricyle at four wheels. Bakit hindi ko naisip na kaskasero nga pala 'tong si Arc?
Nakahinga lang ako ng maluwag nang tumigil kami sa harap ng bar. Bumaba ako at ramdam ko ang panginginig ng mga tuhod ko.
"What happened to you, Aelia?"
Alam mo kung hindi lang kita crush, Arche Callisto, baka, maihampas ko sa 'yo tong helmet na hawak ko. Walang imik kong inabot sa kanya ang helmet niya. Halata ang pagpipigil niya ng tawa na mukhang tuwang-tuwa pa sa hitsura kong haggard na dahil sa bilis niyang magpatakbo.
"Sana napasaya kita." Sarkastiko kong sabi sa kaniya habang ipinaparada niya ang motor niya.
"You did." Ngumisi siya at alam ko na sa pagkakataong 'yon ay mas lalo lang akong nadala sa ka-gwapuhan niya. Kung pinapaasa mo ako Arc, oo na, ang galing mo. Mabilis akong nag-iwas ng tingin at nauna ng pumasok sa loob. Hindi na ako hinarang pa ng bantay sa entrance dahil kilala na rin naman ako rito.
Bumungad sa loob ang upbeat na background music. Marami-rami ang tao ngayon katulad nang unang punta ko.
"Uy, Aelia!" Binati ko ng ngiti si Kuya Baste na siyang nakilala kong bar tender noong nakaraan. "Hello po."
"Lemonade?" Alok niya, pero umiling ako. "Tubig nalang po."
Tumalikod siya para ibaba ang hawak niyang bote ng alak tyaka sinalinan ng tubig ang baso. Napatingin ako sa kanan ko nang maupo si Arc sa katabi kong high stool. Kaagad akong nag-iwas ng tingin dahil napansin kong humarap na si Kuya Baste sa amin.
"Salamat, Kuya." Kinuha ko kaagad ang baso ng tubig na inilapag niya sa counter tyaka 'yon ininom dahil pakiramdam ko ay nauhawan ako sa bilis ng patakbo kanina ni Arc.
"Teka, nag-sabay kayo?" Kaming dalawa ni Arc ay itinuro ni Kuya Baste tyaka siya humalukipkip. "Umangkas ka rito kay Arc, Aelia?" Nakakunot na tanong niya.
"Sa motor po, Kuya, hindi po kay Arc." Natawa si Kuya Baste dahil sa pabirong sagot ko.
"Pilosopo." Rinig kong bulong ni Arc na umagaw ng atensyon ko. Pailing-iling pa siya.
"Nagsalita 'yong hindi pilosopo." Tinaasan ko siya ng kilay.
"Anong ginawa ko?" Nakakunot niyang tanong sa akin.
"Sabi ko kanina 'di ba, bagalan mo. Binagalan mo ngang mag-drive, pero parang makikilibing ka naman tapos no'ng sinabi kong h'wag gano'n kabagal, bigla mong binilisan na halos lumipad na 'yong motor. Sinong pilosopo sa atin?" Halos hingalin pa ako sa pag-sagot.
Napatingin ako kay kuya Baste dahil natawa siya. "Sinasabi ko na sa 'yo, Aelia. Walang makakapigil dito kay Cali kapag hawak na niya ang manibela."
"Parang hinahabol si kamatayan." Dagdag ko pa.
"Nerbyosa ka lang. Halatang 'di sanay. 90 lang 'yong takbo natin." Sagot pa niya na tinawanan ni Kuya Baste.
Tiningnan ko si Arc na napatingin din sa akin. "Kaskasero ka lang. Sinong 'di ni-nerbyosin sa 90? Eh 'yong 70 to 80 ang bilis na."
"You'll get used to it one day." Ibinaling niya ang tingin sa lemonade na ipinatong ni Kuya Baste sa counter. Kinuha niya 'yon tyaka ininom. Nakatingin lang ako sa kanya. Anong sabi niya? Masasanay rin ako? Paano? Lagi niya akong ia-angkas sa motor niya gano'n? Napahawak ang isa kong palad sa pisngi ko. Sana hindi halatang kinilig ako sa sinabi niya. Ang bilis ko lang makalimutang kaskasero siya.
"Alam mo bang madalas kayong hanapin nung mga tambay rito sa bar lalo na 'tong si Aelia simula no'ng una kayong rumaket kasama siya?" Saad ni Kuya Baste habang nagpupunas ng baso. "Ganda kasi ng boses nitong si Ae, ang lamig, tapos kaya pang mag-transform pang-rakrakan. Aba, flexible! Kahit ako napa-WOW."
Napainom ako ng tubig. "Salamat po. Kaka-practice ko po siguro 'to sa banyo." May halong birong sagot ko na ikinatawa niya. Nakakahawa din talaga ang ngiti nitong si Kuya, halatang masayahing tao.
"Eyyy!" Napalingon kami nang dumating si Vanessa na kaagad nilapitan si Arc para makipag-fist bump. Ang angas ng suot niyang black leather jacket, white sleeveless shirt na tinernuhan ng black leather pants. Ang cool niya!
"I heard, you're the new vocalist. Aelia right?" Inilahad niya ang kamay niya. Medyo nahiya pa ako, pero kaagad ko rin namang inabot 'to. "Aelia Dela Fier. Ae nalang."
"Nice meeting you, Ae." Bumitaw siya at naupo sa high stool katabi ko. Kaagad naman siyang binigyan ni Kuya ng isang baso ng watermelon juice. "I saw your performance. Nag-voice lesson ka noh?"
"Seriously, Van? How many times did I tell you that she didn't?" Sagot ni Arc na nasa kaliwa ko. Tiningnan ko si Vanessa na nakangisi kay Arc bago ako tiningnan, "May nangyari na bang hindi ko alam? Why don't you update me, Ae? Parang pinagtatanggol ka sa akin nitong si Cali." Inakbayan niya ako na muntik ko ng ikinasubsob sa counter dahil sa pagiging energetic ni Vanessa.
"Daming alam." Rinig ko pang bulong ni Arc at nang tingnan ko siya ay nakabusangot na. Anong nangyari rito?
"Kumusta naman ang mga dati kong ka-members? Mabait ba sila sa 'yo? Sabihin mo lang kung binu-bully ka at ako ang gaganti para sa 'yo." Hindi ko alam na ganito pala ka-friendly at kadaling i-approach si Vanessa. Kung alam ko lang noon, siguro hindi pa ako nagiging temporary vocalist ng Neptune, baka close na kami. Ka-batch lang namin siya, pero sa taon ay mas ahead siya sa akin ng one year kaya siguro ramdam ko ang ate vibes niya kila Arc.
"Ask Erin. He dislike Aelia." Komento ni Arc. Sa wakas ay tinanggal na rin ni Vanessa ang pagkaka-akbay niya sa balikat ko dahil nakakangawit din kaya 'yon! Nakakunot niya akong tiningnan, "Hindi parin maayos ang pakikitungo niya sa 'yo? Aba, sinabihan ko na ang lalaking 'yon ah. He's not listening at all."
"Okay lang 'yon. Hindi mo naman siya kailangang sabihan..."
"And why is that?" Kumunot ang noo niya.
"Ang ibig kong sabihin, naiintindihan ko naman si Erin. Malapit kayo sa isa't isa tyaka ikaw mismo malapit ang loob sa kanilang lahat, kaya mahirap lang tanggapin para sa kaniya na bigla-biglang mapapalitan ng bokalista ang banda. Syempre, ikaw ang nakasanayan niya, kaya ang magkaro'n ng bagong pakikisamahang miyembro sa banda ay hindi gano'n kadali para sa kaniya."
Natahimik siya at nakatingin lang sa akin. Teka, may mali ba sa sinabi ko? "Ano ka ba, wala 'yon sa akin. Kung ako siguro si Erin, baka pareho lang kami ng mararamdaman." Dagdag ko.
Medyo nagulat ako nang hawakan niya ang kamay ko habang diretso ang tingin niya sa mga mata ko, "I think, I should really thank you."
"Para sa'n naman?" Natawa ako ng mahina nang bitawan na niya ang kamay ko.
"For being the temporary vocalist of Neptune? Basta. Anyway, kung ako lang ang magde-desisyon, hindi mo na kailangang mag-audition. You already proved yourself that you are capable to be the voice of the band...Am I right, Arche Callisto?" Nakataas ang kilay na binalingan niya ng tingin si Arc kaya napatingin din ako sa katabi ko. Napatingin siya sa akin. Seryoso ba si Vanessa sa sinasabi niya?
"Aelia Dela Fier as Neptune's voice?" Nagkibit-balikat si Arc, hinawakan ang baso ng lemonade niya. "Not bad, I guess."
"Di ka sure, tol?" Pabiro ni Kuya Baste.
"Di siya sure, tol." Pangagaya ni Arc kay Kuya tyaka sila natawang tatlo.
"Sure kaya ako." Pagsali ko dahilan nang matigil sila at napatingin sa akin.
"Hey, what did you just say?" May sorpresa sa mga mata ni Vanessa.
"Sabi ko, sure ako. Bakit hindi?" Tiningnan ko si Arc na nakatingin sa akin.
"There's no turning back, Aelia." Seryoso siyang nakatingin sa akin. Napainom tuloy ako sa tubig ko. Huminga ako ng malalim matapos kong makainom.
Ito na siguro ang desisyon ko sa buhay na itinuloy kong gawin sa kabila ng pagda-dalawang isip sa posibleng resulta. Isang bagay lang naman ang maliwanag sa akin: ang dahilan kung bakit gusto kong manatili bilang bokalista ng Neptune...
Gusto kong mas makilala at mapalapit pa kay Arc.
Bahala na kung ano ang magiging resulta.
Bahala na kung saan ako dadalhin ng sinasabi nila sa mga librong, tadhana.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top