CHAPTER FIVE

A/N: Dedicated to the first commenter.

**********

Naluha-luha si Tita Chayong nang makita niya akong lumabas ng kuwarto na naka-suit at bitbit ang kulay itim kong rectangular bag, iyong ginagamit kadalasan ng mga office ladies sa Japan. Pinaresan ko ng puting long sleeves blouse na may ruffles na pahaba sa bandang dibdib ang itim na paldang suot. To complete my attire, nagsuot ako ng three-inch heels na black shoes na matulis sa dulo. Pinusod ko pa ang buhok at inikot-ikot ito to form a neat chignon sa tuktok ng ulo ko. Pang-Miss Tapia raw ang porma ko pero mukha naman daw bumagay sa akin.

"Sinong Miss Tapia?" tanong ko agad kay Tita Chayong.

"Siya iyong nerdy na guro sa iskul-bukol no'ng araw."

"Ano pong iskul-bukol?"

Napatirik ang mga mata niya at minadali na niya akong lumabas ng bahay dahil kung hindi ay male-late na raw ako sa unang araw ng trabaho. I made a mental note na i-search ko na lang ang pinagsasabi niya.

"Hoy, huwag kang tumakbo! Mamaya niyan mababali na naman iyang takong ng sapatos mo!" pahabol sa akin ni Tita, pero hindi ko siya pinansin. Nahawa na ako sa mga Hapon na lagi na lang tumatakbo para humabol sa paparating na tren.

Timing ang dating ko sa Takatsuki station. Dumating na ang sasakyan ko papuntang Umeda. After twelve minutes, nakarating kami sa Awaji Station at doon na ako nag-norikae o change trains bound for Kita-Senri para makarating sa Hankyu Suita Station. Mabuti't ilang minuto lang ang pinaghintay ko sa tren kaya eksaktong alas otso y medya nasa harap na ako ng building kung saan naroon ang F-K English School. Excited na pinindot ko ang ninth floor kung saan naroon ang eskwelahan namin. Sinalubong ako ng magandang Haponesa na nagngangalang Akemi. Siya raw ang sekretarya ng school at mukhang na-brief na siya tungkol sa akin dahil alam na niya ang buo kong pangalan. Mayroon na ring dalawang puting guro sa loob. Nagpakilala silang sina Lyndon Perry at Sarah Davidson. Pareho silang galing US. Tingin ko hindi nalalayo ang edad naming tatlo. At tingin ko rin makakasundo ko sila.

"We don't have any students yet, so what we should do is attend to those who will come for a trial lesson. Let's all work hard! Gambarimasho!" At itinaas pa ni Akemi ang kamao sa ere na tila baga nagche-cheer sa aming tatlo. Halata ang Japanese accent sa English niya pero fluent naman itong magsalita.

May tatlong pares na estudyante kaagad na nag-inquire tungkol sa mga classes namin. Ang dalawang magkapatid na batang lalaki ay binigay sa akin ni Akemi at ang mga adults naman ay sa dalawa kong kasama. Pagkatapos ng twenty minutes na trial lesson, pumasok na si Akemi sa loob ng kuwarto ko at pakwelang nagtanong sa dalawang bata kung nagustuhan daw ba nila ang klase ko. Sabay-sabay na sumagot ng "Hai!" ang mga bata at nag-request pang i-extend kahit 10 minutes and lesson namin. Pinagbigyan ko naman sila. Pagkaalis nila with their mother, proud na binalita sa akin ni Akemi na mayroon na akong two students for three months. Halos sumabog ang puso ko sa pride.

Marami pa ang nagsidatingan nang araw na iyon at kapag bata ay sa akin binibigay. Successful lahat ang trial lessons ko at na-book na ang buong isang buwan kong schedule. Mayroon akong tatlong klase kada araw at sabi pa ni Akemi ay madadagdagan pa iyon dahil mayroon daw isang kompanya na nag-require sa lahat nilang tauhan na mag-aral ng English sa school namin.

Ganunpaman, gaya nga ng laging nangyayari sa buhay ko, hindi lagi lubus-lubos ang biyaya. Bandang alas singko ng hapon may dumating na dalawang dalagita. College students daw sila at gusto nilang mag-aral ng English in preparation daw sa nalalapit nilang on-site research sa Canada na siyang requirement sa isa nilang subject sa school. Dahil may tinuturuan no'n si Lyndon at Sarah ako ang natoka na magbigay sa kanila ng trial lesson. Napansin ko agad na sumimangot ang dalawang maldita. Akala siguro nila hindi ako nakakaintindi ng Japanese dahil sa harap ko pa nagtanong kay Akemi kung kailan mababakante si Lyndon. Mas type daw nilang mag-aral kung guwapong Amerikano ang teacher nila.

"Pasensya na. Busy ngayon si Lyndon-sensei," sagot sa kanila ni Akemi sa pinakamagalang niyang Japanese. Bumulung-bulong ang dalawa at tila tinatamad na pumasok sa classroom ko. Wala pa akong five minutes na nagle-lesson, humikab na ang isa. Na-tense ako. Ganunpaman, sinikap kong maging cheerful pa rin. A few seconds after, nagreklamo na ang isa.

"Ah, tsumaranai! (Ang boring naman!)"

Nanuyo ang lalamunan ko. Natigil ako sa pagsasalita.

"Sana si Lyndon-sensei na lang! Kainis naman ito, oo. Nakakasira ng araw!" sabi pa ng isa.

Bahagya akong yumuko sa kanila at nag-sorry sa English. Hindi ko pa rin inamin na naintindihan ko ang bawat insulto na sinabi nila. I thought that would be all, pero bahagya pang sinipa ng isa ang bakanteng upuan sa harap niya. Nang mapakislot ako, nagtawanan sila.

Natigil lang ang dalawa nang may kumatok sa nakabukas na pinto. Napatingin kaming tatlo sa intruder. At gano'n na lamang ang pagsikdo ng dibdib ko nang makita ko kung sino ang bisita. Si Kaito! At hindi maipinta ang mukha nito. Nangunot ang noo ko kung bakit. Pumasok siya sa loob at sa dumadagundong na boses ay pinalayas ang dalawa. Nakita kong gulat na gulat sila at tila nayanig. Takot na nga nagawa pa nilang kiligin. Kakkoi daw o ang guwapo ni Kaito. Hindi man lang nag-iba ang modo ng damuho kahit pinarinig ng mga dalagita na ang guwapo niya. Lalo pa siyang nagalit. Sa salita nila sinabihan niya ang dalawa na kung pumunta lang sila roon para lumandi huwag na kamo silang magpakita ever!

"Ba't mo sila ginano'n? Hindi na nga babalik ang mga iyon! Nakakainis ka! Mawawalan kami ng estudyante nang dahil sa iyo, e. Tsaka bakit nandito ka?" naiinis kong sabi.

Sumesenyas-senyas si Akemi sa akin sa may bandang pintuan pero hindi ko siya pinansin. Pinangaralan ko nang husto si Kaito at sinabihang wala siyang karaparang manghimasok dahil wala naman siyang koneksyon sa school.

He looked at me lazily. "Nagmamadali ako. Gusto kong mag-trial lesson sa iyo dahil required ang empleyado sa kompanya naming mag-aral dito ng English. Kaya here I am. Mag-umpisa ka na nang magturo nang makaalis na ako dahil ang dami ko pang gagawin dapat."

Pinaningkitan ko siya ng mga mata.

"Hindi mo na kailangan pang mag-aral ng English. Alam mo iyan. Sabihin mo na rin iyan sa boss mo."

"Oh, are you refusing to give me a lesson? And why do you speak Japanese with me? It's not allowed, right? Do you want me to tell your boss?" sunud-sunod na sabi niya sa deretsong English with an American accent. Lalo akong sumimangot sa kanya. Ginu-good time yata ako ng walanghiya.

"Kung gusto mong mag-aral dito, hintayin mo si Lyndon!" At tinalikuran ko na siya. Hinawakan niya ang isa kong braso kaya napaatras ako.

"Ano ba?!" asik ko sa kanya.

Nakita ko siyang napangiti. Nag-init tuloy ang mukha ko. May dumi ba ako sa mukha? Kinabahan ako tuloy. Inalis ko ang kamay niya sa braso ko at dinama-dama ng palad ang mainit kong pisngi. Lumabas ang mokong sa classroom na tumatawang parang timang.

**********

Two weeks ago

"E, nande? (Why?!)" Gulat na gulat si Akio. Nanlaki ang ga-kudlit niyang mga mata nang marinig ang nais kong ipagawa sa kanya. "Seryoso ka ba? Ano naman ang alam mo sa pagpapatakbo ng eskwelahan?"

"Kaya nga ang sabi ko sa iyo i-research mo. Magpatulong ka sa staff natin. Sabihan mo sila pending muna ang pag-develop ng bagong video game. Asikasuhin muna ito. Gusto ko in three days ay maitayo na iyang eskwelahang gusto ko."

Napanganga si Akio. Tila bagang nagdududa pa kung tama ang dinig niya sa mga sinabi ko. Tinaasan ko siya ng kilay sabay patong ng dalawang binti sa ibabaw ng desk. Ibig sabihin, gusto ko na siyang sumibat at gumawa na ng paraan kung paano mapabilis ang proseso ng pagtatayo ko ng eikaiwa school. Mayamaya pa, may kumatok sa pintuan ng office ko at sumilip ang dalawang babaeng staff. Kinokompirma nila sa akin kung totoo ang mga pinagsasabi ni Akio sa kanila. Imbes na sagutin sila tumayo ako't humalukipkip pa habang nakatingin sa kanila. Napayuko ang dalawa at napahingi ng dispensa bago maingat na tiniklop ang pinto. Ang bobobo!

Pagkaalis nila, tinawagan ko agad ang abogado ng pamilya. Parang nagulat ito nang marinig ang boses ko. Hindi naman kasi ako nakikipag-usap sa kanya. Katunayan, ito ang kaunaunahang pagkakataon na personal akong sumangguni tungkol sa balak kong negosyo. Pagkarinig sa plano ko, nagkaroon ng mahabang katahimikan. Inakala kong binabaan na niya ako ng telepono kung kaya napa-moshi-moshi ako ng ilang beses.

"Nandito pa rin ako, Kaito-kun. Medyo nalilito lang ako nang kaunti. Nagbabalak ka kamong magtayo ng sarili mong eikaiwa gakko? Ayaw mo na ba sa video game company mo? Isasara mo na ba ito at mag-iiba ng pagkakaabalahan?"

"Oh no, Imai-san. Gusto ko lang magkaroon ng dibersiyon. Nakakabagot din minsan sa video game business," sabi ko na lang. "Matutulungan mo ba ako sa legal side ng negosyong ito? Gusto ko asikasuhin mo ang registration nito't lahat sa lalong madaling panahon. Can you do that in less than a week?"

Napangiti ako nang matapos ang usapan namin ng matandang abogado. Paglabas ko ng upisina, sinalubong ako ng magandang balita. Nakakuha na si Akio ng maaari naming gawing office at classrooms para sa naisipan kong eskwelahan.

"Good job! Maaasahan ka rin pala," sabi ko at tinapik-tapik siya sa balikat. "Magpa-advertise ka na para mayroon agad tayong mga estudyante at guro," bilin ko sa kanya bago tuluyang lumabas ng gusali. Nang nakalayo na ako ng kaunti, narinig ko silang nagbulung-bulungan. Ano raw ba ang nangyayari sa akin? May sakit daw ba ako? O baka nababaliw na raw dahil hindi natuloy ang kasal namin ni Amane. Ang hindi nila alam, ako ang umatras do'n dahil napatunayan ko sa sarili na kailanman ay hindi ako liligaya sa piling niya. Ayaw kong matulad kay Papa na sa kabila ng maganda nila kamong relasyon ni Mama ay nagagawa pa rin nitong mag-side line sa mga entertainers ni Chayong-san. If I'll ever get married someday, gusto ko hindi lamang iyon pakitang tao lamang.

**********

Nang sumunod na linggo dumagsa na ang mga estudyante naming adults. Nagsipasok na kasi ang mga empleyado ng isang car at video games company sa school namin. Kung noong nakaraang unang linggo ay tatlong lessons lang ako kada araw at puro pa mga bata ang estudyante, ngayo'y halu-halo na at five lessons pa a day. Napansin ko mabenta ako masyado sa mga maliliit na bata at sa mga lolo. Minsa'y may nag-demand ng one-on-one lesson na sitenta anyos na ojisan at gusto pa ay pumunta ako sa kanila at ipagpatuloy namin ang pag-aaral ng English. Dahil bukas ang maliliit na cubicles para sa one-on-one lesson napansin agad ni Akemi na iba na ang pinupuntirya ni Lolo. Sumenyas siya sa akin na i-cut ko na ang lesson. Nagreklamo si Lolo. At nagulat na naman ako nang sumulpot na naman ang asungot ng buhay ko at bigla na lang itinayo ang matanda at dinala sa labas.

"Hoy! Ano ka bang lalaki ka? Mapapahamak ako sa iyong bwisit ka! Hindi mo dapat ginaganyan ang estudyante ko. Susko! Mawawalan na talaga ako ng adult classes nang dahil sa iyo!"

"Aba, nag-e-enjoy ka sa pervert na matandang ito? Nagustuhan mo ang pagdila-dila niya habang nagtuturo ka? Feel mo rin yata si Lolo e!" naiirita na sagot ni Kaito. Namumula ang kanyang pisngi sa galit.

Napasulyap ako kay Akemi. Sumenyas siyang nakipanood daw ang hunghang sa CCTV camera ng school. Mayroon kasi no'n sa bawat classroom.

"Ba't ba napaka-tsismoso mo't pakialamero, ha? Ano ka ba rito? Supervisor?"

Sumenyas-senyas na naman si Akemi na huwag kong bastusin si Kaito. Pero hindi ako nagpaawat. Pinamaywangan ko pa siya. Pero ang mokong at hindi ako sineryoso. Nang makita nito si Sarah na tapos na sa lesson niya'y, basta na lang itong lumapit na sa babae at nakipaghuntahan. Iniwan ako in the middle of my nagging. Napakuyom na lang ako ng mga palad.

"Pasensya na, ha? Hindi mo siya dapat ginagano'n," ang sabi ni Akemi sa Japanese. "Siya ang nagpasok ng mga estudyante natin from two big companies in Osaka. Tsaka may darating pa raw sa susunod na linggo kung kaya dapat natin siyang pakisamahan nang husto."

"Ang bastos niya, e! Daig pa niya ang may-ari ng school!" naiinis kong sabi at padabog na pumasok sa classroom kung saan ako nagkaklase para sa group lesson.

Dahil wala na akong klase, nag-ayos na ako ng mga gamit ko. Nag-freshen up na rin ako't nagsuklay ng buhok. Tinanggal ko na ang parang korona ko sa ulo at hinayaan na lang na nakalugay ang lampas balikat kong straight hair. Napalingon lang ako nang naramdamang parang may nakamasid sa akin. Nagtama ang paningin namin ni Kaito. He looked solemn this time.

"Akala ko ba may klase ka with Ms. Sarah?" asik ko sa kanya. Iyon lang ang paraan ko para tumigil sa pagdagundong ang puso ko. Hindi ko alam kung bakit pero bigla na lang bumilis at lumakas ang tibok nito nang makita ang damuhong nakatitig sa akin nang matiim.

"A fifteen-minute lesson is okay. Alam mo naman ako. Maikli lang ang attention span."

"Oo, kasi'y special ka, e."

"I'm sorry?"

Pumasok na ito sa loob ng classroom ko. Dali-dali ko namang pinasok ang kikay kit sa loob ng bag at pinunasan ang nagkalat na powder sa ibabaw ng makintab kong wooden desk.

"Ang sabi ko special ka kasi, kaya maikli ang attention span mo."

"Alam ko. Special nga ako." At ngumiti siya. Hindi ko alam kung naintindihan niya ang ibig kong sabihin o naintindihan nga ako pero gusto lang akong ginu-good time. Sinimangutan ko siya. Hinila naman niya ang isang upuan na para sa mga estudyante at dinala sa harap ng desk ko. Naupo siya roon. Kahit pambata ang silya, pumantay pa rin ang line of vision namin dahil matangkad siya nang di hamak sa akin. Inadjust ko tuloy ang upuan at tinaasan pa ito nang kaunti para hindi maging magka-level ang paningin namin. Ewan ko ba. Lately kasi'y hindi na ako komportable kapag tinititigan niya ako.

"Lagi ka na lang nandito. Hindi ka ba hinahanap ng boss mo? Bulakbol kang empleyado, ano? Ginagawa mo lang rason ang English classes mo. Hindi ka naman nag-aaral nang maigi rito."

"Sabi mo nga hindi ko na kailangan, di ba? Why would I waste my time with a lesson I don't need?"

"Iyon naman pala. Then, go! Huwag mo kaming piniperwisyo rito."

Ngumiti lang siya.

"Pinaglihi ka yata sa sili. Ang hot mo lagi."

Nag-init ang mukha ko sa double meaning ng sinabi niya. Pinanuyuan pa ako ng laway. Kung kailan hinanda ko na ang sarili sa pang-aasar pa niya, bigla na lang siyang nagseryoso.

"Are you happy with your job here?"

"Oo naman! Fulfilled ako rito."

Ngumiti siya. This time, wala nang halong pang-aasar. "I'm happy to hear that."

Natigil lang kami sa pag-uusap nang biglang may kumatok. Dahil nakabukas naman ang pintuan nakita kong bigla siyang natigilan sa panauhin. Ako nama'y napatanga. She was the most beautiful and elegant Japanese woman I've ever set my eyes on. At ang lagkit ng tingin niya kay Kaito.

"Oh, Amane!"

Tumayo si Kaito at sinalubong ang babae. Ni hindi na nakapagpaalam sa akin ang damuho. Nang makita kong nag-abrisyete agad ang babae sa kanya, nakaramdam ako ng paninibugho. Pinilig-pilig ko ang ulo at itinaboy ang ganoong klaseng pakiramdam.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top