Chapter 22

TWENTY-TWO:

Maganda ang gising ko kinabukasan. Pagkamulat ko pa lang ng mata, wala ng ibang laman ulit ang utak ko kundi si Reid na awtomatikong nagpangiti ng umaga ko.

Sariwa pa sa memorya ko ang mga nangyari kagabi. Hindi pa rin ako makapaniwala na isang date ang nangyari sa'min na ibang-iba sa labas na ginagawa naming dalawa noon bilang magkaibigan. Masaya akong binubuksan ni Reid sa wakas ang puso niya sa'kin.

Wala kaming ibang pinag-usapan kundi ang magiging kinabukasan namin matapos kaming ikasal. Napagkuwentuhan namin ang ilang plano sa kung paano namin patatakbuhin ang bubuohin naming pamilya kasama ang magiging anak namin.

Walang makakapagpaliwanag kung gaano ako kasaya. Napayuko ako at hinimas ang pinagbubuntis ko na siyang dahilan ng lahat ng pagbabagong ito sa buhay ko.

Napatitig din ako sa mga nakahilerang wedding invitation na handa na ngayong ipadala sa mga dadalo sa kasal. Konting araw na lang magiging misis na ako ni Reid.

"Mrs. Alvarez..." bulong ko sa sarili na napakasarap pakinggan.

"Mukhang ang saya ng umaga ng munting dalagita ko."

Nangingiting nilingon ko si Dad na sumulpot mula sa likuran ko. Malambing na niyakap ko siya't hinalikan.

"Munting dalagita?" pagpupuna ko sa kung paano niya ako tawagin.

"O bakit? Kahit malaki ka na, ikakasal ka na, at kahit magiging ina ka pa, hindi magbabago ang katotohanang ikaw pa rin ang bunso ko. Ang munting dalagita ko."

"Paano ba 'yan Dad, mawawala na ang bunso mo dito sa bahay sa oras na maikasal na ako. Mamimiss mo ako niyan!" sambit ko na may paglalambing. Kasama sa napag-usapan namin ni Reid na sa kanila na ako titira. Bagaman nakakalungkot na ibang bahay na ang uuwian ko, mas nangingibabaw pa rin ang saya't excitement ko na makasama si Reid sa iisang bubong bilang asawa't bagong pamilya. "Huwag kang mag-alala Dad, dadalaw pa rin naman ako dito parati kasama ang apo mo."

Isang mapayapang ngiti ang sumilay sa labi ni Dad. "Alam mo bang matagal na panahon nang huli kong nakita 'yang klase ng saya't ngiti sa'yo ngayon... at 'yon 'yung panahong kompleto't buo pa tayong pamilya kasama ang mommy't ate Aries mo. Ngayon lang kita ulit nakita na ganito kasaya simula nang araw na 'yon, Sizzy. And it looks like I owe it Reid."

"Dad..." naiiyak na sambit ko habang mas humigpit ang yakap ko sa kanya.

"Wala akong tutol kay Reid na may kakayahang pasayahin ka ng sobra-sobra. Kitang-kita ko kung gaano mo siya kamahal. Alam kong magiging mabuti kang asawa't ina tulad ng mommy mo. Ngayon palang, I'm proud of you..."

Hindi ko magawang makapagsalita o ngumiti man lang sa sinabing iyon ni Dad. Kung malalaman lang niya sa kung paanong paraan ko nakuha si Reid, sasabihin pa rin kaya niya iyon sa'kin? Maipagmamalaki pa kaya niya ako?

Pilit kong binura ang negatibong bagay na umuusbong sa isip ko. Masyado ng huli para ngayon palang sumiksik ang konsensiya sa pagkatao ko.

"Tama na nga itong drama natin Dad," pag-iiwas ko kasabay ng pagbitaw ko sa pagkakayakap sa kanya. Humiwalay ako sa kanya at pumunta sa kusina na abot tanaw pa rin naman niya. "I'll bake some cupcakes for Reid, gusto mo rin ba Dad?"

Isa-isa kong nilabas at inipon ang mga gagamitin na ingredients at kasangkapan.

"Huwag na. Bawal na sa'kin ang matatamis." Sagot ni Dad na bago umakyat ng hagdan para bumalik sa kwarto niya. "Mukhang dapat pagluluto ang dapat mong pagtuunan ng pansin. Mag-aasawa ka na kaya dapat lang na marunong ka na kahit man lang ang magsaing ng bigas. Ikaw din, iiwanan ka ni Reid dahil lang sa wala kang matinong mapakain sa kanya."

Natawa ako sa iniwang banta ni Dad. Totoong wala akong kaalam-alam sa pagluluto. Pagbebake lang ang alam ko na hindi naman pwedeng ihain at ipakain ko kay Reid tatlong beses sa isang araw. Mukhang kailangan ko na nga naman talagang simulang pag-aralan.

Binalik ko ang atensyon ko sa ginagawa ko. Balak kong puntahan mamaya si Reid para dalhan siya ng cupcakes. Wala namang okasyon pero pakiramdam ko kailangan ko itong gawin para tuluyan na rin akong magustuhan ni Reid. Magbubunga rin itong lahat na effort na ginagawa ko.

Tanghali na nang matapos ako sa pagbake ng cupcakes at hapon na ng makarating ako sa bahay ni Reid.

Nang ang maid niya ang nagbukas sa'kin ng pinto, diretso ko ng tinungo ang kwarto niya. Naabutan ko siyang tulog pa kaya nagkaroon ako ng pagkakataong pagmasdan siya.

Ang kabuuan ng mukha niya ang tanging mukhang gusto kong makita bago matulog at pagkamulat ko ng mata. At ilang araw na lang, mangyayari na iyon.

Mula sa mukha niya, napadako ang tingin ko sa larawang katabi lang ng lampshade. Kuha iyon ni Reid at Bianca na parehong nakangiti habang magkayakap. Tandang-tanda ko pa kung saan at kailan iyon nangyari dahil ako lang naman ang kumuha ng litrato nila. Ako ang madalas na thirdwheel nila noon, ang naging side-kick ni Reid noong panahong nanliligaw pa lang siya kay Bianca.

Inabot ko ang litrato at tinaob iyon.

"Sizzy..."

Nagulat ako sa biglaang boses ni Reid na kagigising lang. Nasa akin ang mata niya na mukhang nakita ang ginawa ko sa pagtaob ng litrato nila ni Bianca.

"Sa... sa tingin ko, mas makakalimutan mo siya agad kung aalisin mo ang mga bagay na tulad nito..." maikling pagpapaliwanag ko bago ko binuksan ang bintana na nagdala ng liwanag sa kaninang madilim na silid niya. "Bumangon ka na diyan at maligo. Tumawag sa'kin si Megan, pumunta raw tayo sa kanila ngayon dahil may surpresa daw sila ni Kurt para sa'tin."

"Surpresa?" kunot noong tanong niya dahil sa pagkasilaw. "Anong surpresa naman iyon?"

"Hindi ko rin nga alam. Walang sinabi. Pero parang importante, kinukulit ako kanina pang umaga nang tumawag sa'kin. Tinawagan ka rin nga daw nila, pero hindi ka sumasagot."

Walang ginawang pagkilos si Reid sa kabila ng sinabi ko. Halatang tinatamad pa siya bumangon, kaya binato ko siya ng unan ng paulit-ulit. Nang wala pa rin, kumuha ako ng cupcake mula sa dala ko para sa kanya at walang pagdadalawang isip na dinikit 'yon sa mukha niya.

Kumalat ang icing sa mukha niya na ikinatawa ko ng malakas. Nangingiwi naman siya nang bumaling sa'kin habang dinadama ang malagki na icing sa balat niya. "Saan 'to galing?"

"Dala ko para sa'yo. Naisipan ko lang magbake kaninang umaga."

"You know what, dapat mas pag-aralan mo kung paano magluto. Dahil hindi pwedeng puro cupcakes na lang ang pakakainin mo sa'kin kapag mag-asawa na tayo."

Natawa ako sa kung paano lumabas sa bibig ni Reid ang eksaktong sinabi ni Dad. Pero mas napangiti ako sa huling sinabi niya na para bang bukas na bukas na siya sa ideyang pagiging mag-asawa namin.

"Huwag kang mag-alala, magkakaroon ka ng perfect na asawa. Mag-eenroll ako sa culinary para lang siguraduhing hindi ka magugutom o mangangayayat." Biro ko kahit na plano kong totohanin iyon. Kung kailangan kong mag-aral ulit ng ibang kurso gagawin ko para lang maging perfect housewife ni Reid.

"Would that be too late? Sa susunod na linggo kasal na natin... Huwag mong sabihing pagtatyagain mo muna akong kumain sa labas?" ganting biro ni Reid na ma kasamang tawa na ngayon ko rin lang ulit nakita sa kanya.

"Iiwan mo ba ako kapag ganoon nga ang nangyari?"

"Oo." Walang pasakalyeng sagot niya na nabato ko ulit ng unan pero nakailag lang. Nang uulitin ko sana, bigla na siyang nagtatatakbo sa banyo para maligo.

Naiwan akong abot-tenga ang ngiti sa kwarto niya. Kung gani-ganito lang ang magiging kasaya ang araw namin bilang mag-asawa, wala na akong hihilingin pa.

Halos kalahating-oras din si Reid sa banyo kaya habang naghihintay, nagawa kong maglinis ng kwarto niya na walang kaso sa'kin dahil ito rin lang naman ang magiging isa sa papel ko sa oras na makasal na kami.

Pasado alas singko na ng hapon nang makaalis kami ng bahay. Si Reid na ang nagmaneho gamit ang kotse ko. Dahil sa matinding traffic, madilim na nang marating namin ang bahay ni Kurt at Megan.

"Bumaba kana muna. Ipapark ko lang 'tong kotse." Sabi sa'kin ni Reid na tinigil ang sasakyan sa mismong harap ng bahay. Sinunod ko ang sinabi niyang bumaba pero hinintay ko na lang muna siya para sabay na lang kaming pumasok sa loob.

Naging matagal na higit pa sa sampung minuto ang paghihintay ko kay Reid na hindi ko alam ang eksaktong dahilan ng pagkaantala niya. Pupuntahan ko na sana siya para alamin nang eksakto namang bumaba na rin siya ng kotse ko at nagmamadaling lumapit sa'kin.

Napansin ko agad ang pagbabago sa kanya na para bang puno ng katanungan ang ekspresyon ng mukha niya.

"Bakit Reid?" tanong ko agad.

Hindi niya iniwas kahit isang segundo ang mga tingin niya sa'kin. "Nakita ko 'to sa kotse mo..."

Mula kay Reid, bumaba ang tingin ko sa hawak niya na awtomatikong naghatid ng kaba sa dibdib ko. Tinutukoy lang naman niya ang engagement ring na nawala bago siya magpropose kay Bianca.

"Sa— sa kotse ko? Wa—la akong alam." Nauutal na sagot ko habang pilit na nagpapakalma. Wala akong ibang dapat gawin kundi ang magkaila. "Baka naiwan mo 'yan sa kotse ko bago mo pa man nalamang nawala mo 'yan."

Hindi ko alam kung nakumbinsi ko ba si Reid sa binitawan kong pagpapalusot. Kung alam ko lang na mangyayari ito ngayon, sana pala hindi ko na 'yon kinuha pa mula kay Megan. Mukhang ito pa ang magiging sanhi ng pagkapahamak ko.

Ipinagdarasal ko na lang na sana hindi man lang sumagi sa isip ni Reid na plinano kong isabotahe ang proposal niya.

"Siguro nga." Tanging nasambit ni Reid na pinagpapasalamat kong hindi na masyadong nagtanong o nag-ungkat. "Pasok na lang tayo sa loob."

Napasunod na lang ako kay Reid na hindi ko mabasa kung anong eksaktong nasa isip. Hindi naman siguro niya ako pinaghihinalaan. Pero siyempre, isang malaking palaisipan pa rin sa kanya kung paano napunta ang sing-sing sa mismong kotse ko.

Napailing na lang ako sa dumadaming isipin na sumisiksik sa utak ko. Dapat ako magpakahinahon at itigil ang kakaibang ikinikilos ko kung ayaw kong tuluyan na paghinalaan ni Reid.

Nang marating namin pareho ang pinto, may karatulang nakalagay na huwag kaming papasok na hindi kumakatok, pero sa halip na sundin, binalewala iyon ni Reid na binuksan iyon at tuloy-tuloy lang na pumasok. Napasunod na rin lang ako sa kanya, hanggang sa marinig namin ang tawanan at kwentuhan ng tatlong boses.

Naging malinaw lang saming dalawa ni Reid ang surpresang tinutukoy ni Megan at Kurt nang makita namin ang taong kasama nila ngayon sa isang mesa. Walang iba kundi si Caleb.

"Caleb!" Sigaw ko ang nangibabaw sa lahat dahil na rin sa sobrang pagkagulat. Ako rin ang nangungunang napatakbo sa kanya't niyakap siya. "Papaanong nandito ka na hindi namin nalalaman."

"Surpresa nga 'diba!" Singit ni Megan na mukhang nasa likod ng pagtatagong ito. "Pero mukhang hindi gaanong naging surpresa dahil hindi lang naman kayo sumunod sa karatulang nilagay ko sa pinto."

At ngayon lang naging malinaw sa'kin kung para saan ang karatula.

"Hindi ko mapapalagpas ang wedding of the year kaya umuwi talaga ako sa kabila ng kawalan ko ng oras..." saad ni Caleb na abot-tainga din ang ngiti tulad namin.

Malaki na ang pinagbago ng itsura niya kung ikukumpara noon. Mas pumuti siya ngayon, gumwapo, at medyo pumayat... pero sa kabila noon, masasabi kong siya pa rin ang Caleb na kilala namin.

Hindi ko inaasahan ang biglaang pagkakabuo namin ngayong araw na 'to na para kaming bumalik sa nakaraan na sabik sa kwentuhan at asaran. Agad naming sinulit ang sandaling tulad nito na alam naming panandalian lang. Ilang linggo lang pananatili ni Caleb na agad ring aalis kinabukasan matapos ang kasal. Ganoon din si Megan at Kurt na nalalapit na rin ang pagtatapos ng kanilang dalawang buwang bakasyon dito sa Pilipinas.

"Reid, huwag na huwag mong paiiyakin si Sizzy!" pagbibilin ni Caleb sa kalagitnaan ng paghaharap namin. "Alam namin kung gaano ka niya kamahal kaya sana suklian mo rin 'yon ng higit pa."

Biglang pinandilatan ko si Caleb sa walang prenong bibig niya, pero sa halip na tumigil mas lalo lang siyang nagreact sa ginagawa kong pamimigil sa kanya. "O, bakit? Ikakasal na kayo, hindi mo na rin naman siguro kailangang ilihim pa kay Reid 'ang higit pa sa kaibigang damdamin mo para sa kanya..."

Sa loob ng barkada, tanging si Reid lang naman ang walang alam sa kung anong nararamdaman ko para sa kanya. Kaya para akong nanigas sa kinauupuan ko nang malinaw na rumehistro sa pandinig ni Reid ang inanunsyo ni Caleb.

"At kailan pa nagkagusto sa'kin si Sizzy?" Saad ni Reid na inakalang biro lang ang binitawan ni Caleb.

Mapapanatag na sana ako nang muling magsalita si Caleb na hindi nagpapaawat. "Naaalala mo pa ba Reid noong minsang nagkasiyahan tayo't nalasing si Sizzy at pinatattoo ang pangalan mo sa batok niya?"

Sandaling napakunot ang noo ni Reid na para bang inaalala ang nakaraan. Napangiti rin siya ng makaalala. "A, Oo, I remember. Sizzy has a little crush on me that time."

"Little crush?!" sabat din ni Megan na may kasamang halagapak ng tawa. Hindi ko napansin na nakakailang baso na pala siya ng alak dahilan ng pag-iba ng boses niya na lasing na sa napakaikling oras. "Hindi 'yon little, at lalong hindi 'yon simpleng crush! Mahal ka na niyan noon hanggang ngayon."

Ramdam ko ang pag-akyat ng dugo ko sa mukha ko na nag-iinit sa diskomportableng pakiramdam. Nagawa ko ring tignan si Reid, pero hindi ang mga mata niya kaya hindi ko rin siya mabasa at ang reaksyon niya.

"Ano bang pinagsasasabi niyo," Mabilis na pagmamaang-maangan ko kahit na parang huli na rin dahil napagkaisahan na ako ng tatlo. "Mukhang lasing lang kayo kaya niyo nasasabi 'yan..."

"Dahil 'yan sa ang tagal niyo. Nakailang baso na si Megan dahil sa pagkainip." Singit ni Kurt na pinagpapasalamat kong nilihis ng landas ang pinag-uusapan.

"Mahirap 'yan kapag nalasing, buti na lang nandito lang tayo sa bahay niyo. Mahirap na kung nasa ibang lugar..." segunda ko para tuluyan ng ilayo ang usapan lalo na't pansin ko ang pagkatahimik ni Reid matapos ang pambubuko na may gusto ako sa kanya.

"Bakit, paano na nga ba malasing ngayon si Megan? Malaki na ba ang kaibahan sa noon?" tanong ni Caleb na pinakatagal naming hindi nakasama sa ganitong bagay.

"Kapareho lang naman siya ni Reid na tinatakasan ng kaluluwa kapag nasobrahan na ng alak." Ani ni Kurt na nagsimula ng magkuwento. "Gaya noong huling beses na pareho pang lasing si Megan at Reid. Ang hirap! Buti na lang hindi pa ganoon kalasing si Sizzy na siyang umalalay kay Reid, at ako naman kay Megan."

"Sandali..." biglang putol ni Reid sa kalagitnaan ng pagkukuwento ni Kurt at tawa ni Caleb. Maging ako ay napahinto rin at napatingin sa seryosong mukha ni Reid.

"Sinasabi mo bang, Ako at si Megan lang ang nalasing ng sobra ng gabing iyon? At si Sizzy hindi lasing?" pagpapatuloy ni Reid na huli nang mapagtanto ko kung para saan iyon. Ni hindi ko na rin napigilan pa si Kurt sa tuloy tuloy na pagsagot.

"Oo nga. Si Sizzy pa nga ang nagmaneho ng kotse mo at naghatid sa'yo noong gabing 'yon."

Muling bumalik ang kaba sa dibdib ko na ibang-iba kanina. Ni hindi ako makalunok habang tinatanggap ang nandidilim na paningin sa'kin ni Reid.

"Mag-usap tayo Sizzy!" Baling sa'kin ni Reid sa galit na tono habang biglang nalito naman ang tatlo sa biglaang pagbabago ng mood nito. "Iwanan mo na muna kaming dalawa."

"Teka, ano bang nangyaya—"

"Ang sabi ko, iwanan niyo na muna kami!" Bulyaw ni Reid na sinunod rin ng tatlo dahil sa ma-awtoridad na boses niya. Naiwan ako sa harap niya na kinakabahan sa kung ano mang sasabihin niya. Hindi maganda ang pakiramdam ko rito.

"R-Reid..." ni hindi ko mabanggit ng maayos ang pangalan niya dahil sa nakikita kong nakakatakot na galit sa mga mata niya. Alam kong pinakaayaw niya sa lahat ay ang niloloko at pinagsisinungalingan siya... kaya hindi nakakapagtakang ganito na lang niya ako titigan matapos niyang malaman ang pinakaiingatan kong lihim.

"Di'ba sabi mo nalasing ka rin ng sobra ng gabing iyon?" tanong sa'kin ni Reid nang kaming dalawa na lang. Hindi ko alam kung anong isasagot. Alam kong sa puntong ito, nagkakaroon na siya ng ideya. Hindi siya tanga para hindi makonekta ang sinpleng bagay.

"Plinano mo ba 'to? Ang lahat ng 'to?! Itong pagpapaikot mo sa'king ito?!"

Hindi ko magawang magsalita kaya tanging pag-iling ang nagagawa ko.

"Pwede ba! Huwag mo ng subukan pang magkaila dahil huling-huli na kita." Mariing sambit ni Reid na nilabas ang sing-sing at hinarap sa pagmumukha ko. "Ngayon malinaw na sa'kin kung bakit biglang nawala ang singsing at napunta sa'yo... na sa umpisa pa lang, plinano mo na 'to di'ba?"

"Of all people, Sizzy, hindi pumasok sa isip ko na magagawa mo akong paikutin ng ganoon na lang! At para ano?! Para pakasalan ka?! Ni hindi ko alam na may kakayahan kang gumawa ng dirty tricks just to get what you want!"

Kitang-kita ko ang pagtatagis-bagang ni Reid nang mas lumapit siya sa'kin at hinapit ang braso ko ng napakahigpit. "Sabihin mo nga, buntis ka ba talaga? O baka naman, iba ang ama niyan?!"

"Ikaw ang ama, Reid." Nagawa ko ring makapagsalita sa garalgal na boses. Isipin na niya ang lahat na masasama tungkol sa'kin huwag lang ang pagdudahan niya ang pagiging ama niya sa pinagbubuntis ko. "Reid, maniwala ka..."

"Sa tingin mo maniniwala pa ako sa'yo? Sa tingin mo patatawarin pa kita? At sa tingin mo pakakasalan pa kita matapos ang lahat na nalaman ko?!!!"

Nanghina ang tuhod ko sa mga sinabing iyon ni Reid. Umiiling na lumapit ako sa kanya habang bumabaha ng luha ang mukha ko. Walang pagdadalawang isip ring napaluhod ako sa harapan niya habang nakakapit sa kumakawalang kamay niya. Kung kailangan kong magmakaawa, gagawin ko.

"Reid... Patawarin mo ako. Nagawa ko 'yon dahil sa sobra-sobrang pagmamahal. Alam kong mali ako sa kahit anong anggulong tignan, pero ito lang ang tanging bagay na nakapitan ko para..."

"Para pakasalan ka? Para matali ako sa'yo, nagawa mong sirain ang relasyon ko kay Bianca?! Sizzy, hindi na kita kilala! Alam mo bang noong umagang nalaman kong may nangyari sa'tin hanggang sa araw na nalaman kong nabuntis kita, alam mo bang kahit na mahal na mahal ko si Bianca, nagawa kong kumbinsihin kong iwan siya at panagutan ka dahil sa iniisip kita at ang kapakanan mo! Wala akong ibang sinisi kundi ang sarili ko dahil sa paniniwalang sinira ko ang magiging kinabukasan mo. Tapos malalaman ko na lang ngayon na gawa-gawa mo 'to?!"

"Reid—"

"Tama na Sizzy! Kahit anong pag-iyak at paghalumpasay na gawin mo, hindi na kita babalikan at lalong hinding-hindi na kita pakakasalan!"

Mabigat ang bawat binitawang salita ni Reid na para bang pangangatawanan niya ang lahat ng sinabi niyang iyon. Nang tangkang aalis na sana siya para talikuran ako, mabilis ko siyang pinigilan.

Mahigpit ang pagkakakapit ko sa braso niya dahil sa takot na mawawala na siya sa buhay ko...

"Huwag mo 'kong iwan Reid..." pagmamakaawa ko habang nagsisilabasan na naman ang mga luha ko. "Di'ba nangako ka sa'kin na hindi mo 'ko iiwan... hindi mo kami iiwan ng magiging anak natin..."

Binalikan ako ng tingin ni Reid na hindi man lang nababawasan ang lalim ng galit na meron siya. "Kalimutan mo na ang pangako kong 'yon!"

"Paano ang –anak natin?" halos hirap akong sambitin ng buo ang mga salitang iyon na hindi umiiyak. "Paano na 'yong buong pamilyang hinahangad mo para sa kanya?"

Kahit parang imposible, umaasa pa rin ako na may magagawa ang pakiusap ko sa kanya. Na mananaig pa rin ang pagiging ama niya't pagmamalasakit sa magiging anak namin.

"Anak ko man 'yan o hindi," mahina pero madiing sambit ni Reid habang tinuturo ang tiyan ko. "Hindi ko pangangatawanan 'yan!"

Mula sa mahigpit kong pagkakahawak sa braso niya, unti-unti 'yong lumuwag na parang nawalan na lang ng enerhiya ng bigla.

Wala na rin akong nagawa kundi ang panooring umalis sa harapan ko si Reid.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top