Chapter V: Middle Child Syndrome
Kahel
MIDDLE CHILD SYNDROME—it's kind of a stigma. Ito ang tawag sa kadalasang nararansan ng mga middle child dahil hindi gaya ng bunso at panganay, limitado ang atensiyong natatanggap namin. Napagtuunan ng atensiyon ng mga magulang ko ang kuya ko noong siya pa lamang ang anak ng mga ito. Nang ipinanganak naman ang bunso namin ay nalipat agad sa kaniya ang atensyon.
Sanay na 'ko. Alam ko namang pantay-pantay kami sa paningin ng mga magulang namin kahit naging ganoon ang hati ng oras nila. Minsan ay ayos din na maging middle child. I learned how to be independent. Kagaya ngayon. Nagmumukmok ako sa gitna ng campus habang pinagsisisihan ang ginawa ko sa teatro kahapon.
"Ang tanga-tanga ko," bulong ko.
"Tanga talaga," hirit naman ng katabi kong babae. Hindi ko siya pinapansin kahit buong araw niya akong binubungangaan dahil sa ginawa ko.
Nakaupo kami sa tambayan sa entablado. Presko ang hangin dito at kitang-kita ang buong soccer field mula sa kinauupuan ko. Naka-Indian seat ako habang pinagmamasdan ang mga estudyante. May ibang mayayaman na ni minsan ay hindi ko nakitang nagdala ng libro. Samantalang ang iba naman, ay kulang na lang ay lunukin ang mga aklat na hinihiram nila sa library.
Tulala ako habang iniisip ang sinabi ko kay Victoria kahapon. Bigla akong nakaramdam ng kurot sa hita ko.
"Aray!"
"Buti nga sa'yo!" bulyaw sa akin ng kapatid kong si Lila. Matalim ang kaniyang tingin sa akin habang nakahalukipkip sa kanan ko. "Of all the things you could have said sa date mo, iyon pa talaga, Kuya Kahel?"
"Oo na, Lila," nagngingitngit kong tugon. Panay ang haplos ko sa aking paa dahil tila bumaon ang kuko niya sa balat ko. "Hindi ko naman sinasadya. Ayaw ko lang ulit ma-bully."
"So, ikaw naman ngayon ang bully?" dagdag na sermon sa akin ni Lila. Kumuha siya ng salamin at sinimulang maglagay ng lipstick. "Minsan talaga, hindi ko sigurado kung magkapatid ba talaga tayo."
May pagkabrutal ang kapatid ko. Kulot ang kaniyang buhok na kulay brown gaya ng sa akin. Balingkinitan ang kaniyang katawan. Mapupula ang kaniyang pisngi at matangos ang kaniyang ilong. Hanggang balikat ko lamang si Lila. Mas bata siya sa akin ng isang taon ngunit sa sobrang talino niya ay na-accelerate hanggang sa naging kasabay ko na sa pag-aaral.
Ibinalik ko ang atensyon ko sa mga mag-aaral sa loob ng kampus. Nakita ko si Victoria na lumabas ng library. Agad kong kinuha ang dala kong paper bag at itinakip sa aking ulo.
"Mukha kang ewan, alam mo ba?" giit sa akin ng kapatid ko. "Sino ba ang ka-date mo kahapon? Bakit ayaw mo sabihin?"
Siningkitan niya ang kaniyang mata. Sinuyod niya ang buong kampus at sinundan ang lugar na huli kong tinignan. Agad ko kinuha ang takip sa ulo ko at inilagay sa ulo niya.
"Chismosa!" bulyaw ko. "Sana talaga hindi ko na lang sinabi sa'yo."
Pinipilit niyang alisin ang paperbag sa mukha niya. Ako naman ay panay balik nito sa pagkakatalukbong. Nagkakapisikalan na kami sa entablado nang biglang nag-ring ang cell phone ko.
Nanlaki ang mata ko sa pangalang bumungad sa screen.
"Si Kuya Kalim, tumatawag!" nakangiti kong saad.
Mabilis na pinunit ni Lila ang paperbag sa ulo niya. Inilagay ko sa speaker-mode ang tawag ng kuya namin.
"Nag-aaway ba kayo?" bungad agad ni Kuya Kalim.
"Oo!" sabay naming sagot ni Lila. "Ito kasi, e."
Panay ang tawa ng kapatid namin sa kabilang linya. A goofy smile dashed on the faces of me and my sister. Hindi ko na maalala kung kailan namin huling nakita ang kuya namin. Ang nakakahawa niyang mga tawa ay kinasasabikan na namin sa bahay. Maging ang ngiti niyang nakakapanatag sa tuwing tinititigan namin.
"Bakit ka napatawag, Kuya?" usisa ko.
"May sorpresa ako, Kahel," halakhak niya sa kabilang linya.
"Ano na naman 'yan?" dagdag naman ni Lila.
"May klase pa ba kayo?"
"Wala na, katatapos lang."
"Masusundo ninyo ba ako sa airport?"
Nagkatinginan kami ni Lila. Sabay na nagliwanag ang mga mukha namin. Mabilis kaming napatayo at nagtatatalon sa entablado.
"Now na?" tanong ni Lila.
"Oo," halakhak ng kuya ko.
Kumaripas kami pababa ng entablado. Madapa-dapa pa kami habang tumatakbo sa soccer field. Ilang minuto pa ay nasa gate na kami ng paaralan.
"Pambihira! Walang taxi!" reklamo ko.
Panay ang butingting namin ng kapatid ko sa aming mga cell phone. Maging marentahang sasakyan ay wala kaming mahanap. Nakailang ikot na rin kami sa kabilang kanto ngunit lahat ng makita naming taxi ay may sakay na.
"Aha!" bulalas ni Lila. "I have an idea. Dito ka lang, babalik ako."
"Saan ka pupunta?"
"Sa College of Medicine!"
"Bakit doon?"
"Ang slow mo talaga!"
Tuluyan na niya akong iniwang mag-isa sa gate ng Olympiada. Nakatayo ako habang inaabangan siyang lumabas. Nagsisiuwian na ang ibang estudyante. May ibang sinasalubong ng magagarbong kotse habang ang ilan naman ay magko-commute pa na gaya ko. Ilang minuto rin akong nakatayo nang nagsimula na akong mainip.
Papasok na sana ako nang may napansin akong papalabas. Sa halip na ang kapatid ko ang aking makita ay ang isa pang taong iniiwasan ko ang sumalubong sa akin.
Si Drake. May suot na malaking headset habang magkasalubong ang mga kilay. Maayos ang kaniyang porma habang nakabusangot na naglalakad patungo sa direksiyon ko.
Napatingin ako sa kanan. May mga palumpong ng santan. Paniguradong kitang-kita agad niya ako kung sakaling doon ako magtatago. Napatingin ako sa kaliwa. May manhole. Hindi naman ako ganoon kadesperado para maging bakla sa septic tank.
Napalunok na lang ako ng laway. Pinilit ko siyang ngitian. Nakatitig ako sa kaniya at sinimulan siyang kawayan.
"Drake—"
Ngunit nilagpasan niya lang ako. Para siyang malamig na hangin na hindi man lang akong nilingon. Parang hindi niya ako nakita. Magkasalubong lamang ang kaniyang mga kilay habang nagtungo siya sa kaniyang sasakyan na nasa aking likuran.
Pinaandar ng driver niya ang kanilang sasakyan. Itim na limousine na may bandila pa sa harapan.
Nakaramdam ako ng munting kirot sa dibdib ko. Mas masakit pa sa pagkurot kanina sa hita ko ni Lila. Kusang umangat ang kamay ko patungo sa aking dibdib. Pinipilit kong haplusin ang pinagmumulan ng sakit. Ngunit patuloy lamang sa kirot. Kirot na sa halip na mawala ay lalong humahapdi habang pinapanood kong umandar paalis ang kaniyang sinasakyan.
"Kahit kailan ay hindi niya ako iniwasan. Madalas pa ngang siya ang nambubuwiset sa akin."
Para akong isang bata nagtataka sa kakaibang pakiramdam sa dibdib ko. Huli kong naramdaman ito noong na-bully ako sa high school, kung paano ako iwan ng nobyo ko. At kung paano ako iniwasan ng ibang tao. Nakatulala lamang ako sa kaniyang sasakyan hanggang sa lumabas ito sa pader ng Intramuros.
"Kala ko ay makakasanayan ko rin. Napikon ka na ba talaga sa akin?"
Biglang may sasakyang bumusina sa aking harapan. Sa lakas ng tunog ay kusang nawala ang kirot sa aking dibdib. Maging ang diwa ko na lumulutang sa ulap ay bumagsak pabalik sa katawan ko.
"Kuya Kahel, may sasakyan na tayo!" sigaw ni Lila mula sa back seat. Panay ang kaway nito sa akin habang nakalabas ang kaniyang ulo.
Sa harapan ko ay ang pamilyar na kotse, isang kulay puting SUV. Malinis at halatang sopistikado gaya ng may-ari na kakilala ko.
Nginitian ko ang driver. Marahan niyang ibinaba ang bintana. Gaya nga ng inaasahan ko, sa isang sulyap lamang sa maamo niyang mukha ay tila napunan ang agam-agam ko kanina. Ang mata niyang sumisingkit habang nakangiti sa akin.
"Kuya Kyo, ayos lang ba?" tanong ko sa kaniya. "Kaya ba hanggang airport? Wala ka bang gagawin?
"Ang dami mong tanong!" bulalas ni Kuya Kyo. "Sakay na at susunduin na natin si Kalimbahin."
Tinabihan ko agad si Lila sa loob. Tumatawa kami sa likod ng kapatid ko habang panay ang sulyap ni Kuya Kyo sa akin.
"Nakakatuwa talaga kayong tatlong magkakapatid ano?" sabi ni Kuya Kyo. "Ang cute ng mga pangalan ninyo."
Nagkatinginan kami ni Lila. Parehong nagtaasan ang aming mga kilay habang natatawa sa likod ng sasakyan.
"Lila, Kahel, at Kalimbahin," halakhak ko. Napakamot ako ng ulo. "Ewan ko ba sa mga magulang namin."
"Purple, orange, and pink," natatawang saad ni Kuya Kyo. "Parang Power Rangers."
"Hay naku, Kuya. Huwag na huwag mong tatawaging Pink si Kuya Kalim, magagalit iyon," saway ko.
"Hindi sa akin magagalit iyon, trust me," sagot ni Kuya Kyo.
"'At saka, wala namang purple at orange sa Power Rangers, a?" singit ni Lila.
"Meron na!" bulalas ni Kuya Kyo. "Kaka-text lang. Hindi ka updated."
Panay ang tawanan namin sa loob ng sasakyan. Kita ko ang mga wagas na ngiti ni Kuya Kyo habang nagmamaneho. Panay ang kurba pataas ng kaniyang mga labi kahit sa daan siya nakatingin. Halatang maging siya ay natutuwa sa balitang darating na si Kuya Kalim. Hindi ko siya masisi. Magkaedad kasi sila. Madalas silang maglaro ng basketball sa probinsiya kasama ang iba pang mga taga sa amin. Ngunit mula nang mamatay ang tatay ko, agad na nagtrabaho si Kuya Kalim sa ibang bansa pagkatapos ng kolehiyo. Siya na ang nagtustos sa aming dalawa ni Lila. Malaking tulong rin ang scholarship namin ng kapatid ko pati ang mga part-time job na aming napasukan.
"Nandito na tayo," sabi ni Kuya Kyo. Agad itong bumaba ng sasakyan at nagtungo sa kumpol ng mga tao. Nagtatalon ito at halatang ganadong mag-abang para sa kaniyang kababata.
"Mas nauna pa siyang bumaba sa sasakyan kaysa sa mga kamaganak," halakhak ko.
"You are the most dense person ever!" pang-aasar ni Lila sa akin.
"Ano na naman?" usisa ko.
"Wala, idiot."
Napakulot ang aking noo habang iniwan akong mag-isa ng kapatid ko sa loob ng kotse. Sinundan ko rin sila agad. Nakatayo sa harap ko sina Kuya Kyo at Lila habang ako naman ay nagtatalon makita lamang ang mga lumalabas na pasahero.
"Ang daya, hindi ko makita," reklamo ko.
"Let me help you."
Biglang may bumuhat sa akin. Inangat akong bahagya hanggang malagpasan ko na si Kuya Kyo.
"Thank you..." Mabilis akong napalingon. Nagliwanag ang mukha ko nang makita ko kung sino ang may buhat sa akin mula sa likod. "Kuya Kalim!"
"Kanina pa ako dumating! Ang tagal ninyo."
Agad ko siyang niyakap. Pinagmasdan ko ang matangos niyang ilong, makapal niyang kilay at brown niyang buhok na hindi nalalayo sa amin ni Lila. Sobrang tangkad niya, halos 6'3" na. Bakat na bakat ang katawan niyang pangkargador sa manipis niyang shirt. Ang amoy niyang musky na may halong amoy ng pakwan. Para akong bata na nakakapit sa katawan niya habang inalalayan niya ang mga hita ko.
"I miss you so much, Kuya Kalim!" bulalas ni Lila. Kusa na akong bumaba upang mapagbigyan naman siya.
Nakatingin lang sa amin si Kuya Kyo. Isang metro ang layo niya sa aming tatlo habang masaya kaming pinapanood. Pansin kong mas mapula na ang kutis niya kaysa kanina sa sasakyan. Nang makuntento sa amin ni Lila ay inakbayan naman ni Kuya Kalim si Kuya Kyo.
"Ikaw ba ang nagdala sa kanila rito, Kyosuke?"
"Oo, wala naman akong ginagawa kaya sinamahan ko na sila."
"Ang lakas ko talaga sa'yo!"
Sinimulang guluhin ni Kuya Kalim ang buhok ni Kuya Kyo. Halatang sanggang-dikit silang dalawa. Nakita ko kung paano magusot ang buhok ni Kuya Kyosuke na palaging parang dinilaan ng baka sa paaralan. Panay lang halakhak niya habang nakalingkis ang malalaking braso ni Kuya Kalim sa kaniyang leeg.
"Kalimbahin, tama na," natatawang saway ni Kuya Kyosuke. Pero sinimulan namang pisilin ni Kuya Kalim ang mga pisngi nito.
"Baka puro ka naman aral, Tsubasa!" halakhak ni Kuya. "Ang laki na ng eyebags mo, puro ka siguro libro. Inuman naman tayo!"
"Pink, ano ba!" saway ni Kuya Kyo habang pinanggigilan ang mukha niya.
"Ah, Pink pala ha!"
Mabilis na sinakyan ni Kuya Kalim ang likod ni Kuya Kyosuke. Para silang mga bata na naka-piggyback sa isa't isa.
"Hoy! Ang bigat mo."
"Sige na, kahit hanggang sa sasakyan lang Tsubasa. Kanina pa ako naghihintay sa inyo, e," pagsamo ni Kuya Kalim. He started munching on Kuya Kyo's ear. "Para saan pa itong muscles mo kung hindi mo ako kayang buhatin."
Parang akong babalinguynguyin habang pinapanood silang dalawa. Dalawang barakong binata na magkapatong habang naglalakad sa gitna ng airport. Yakap ni Kuya Kalim si Kuya Kyosuke mula sa likod habang pinipisil ang matatambok na dibdib nito.
"Kalim, ilalaglag kita!" babala ni Kuya Kyosuke.
"Sorry, ititigil ko na po," sagot naman ni Kuya Kalim.
Ilang minuto pa ay nasa loob na kami ng sasakyan. Sa unahan na umupo ang dalawang kuya habang kami naman ni Lila ay nakatingin sa kanila mula sa likod.
Balak naming dumeretso sa Tarlac dahil wala namang kaming pasok kinabukasan. Dalawang oras lang naman ang layo nito mula sa Maynila at hindi naman gaanong traffic sa biyahe. Panay ang kuwentuhan ng magkaibigan sa harapan. Si Lila naman ay panay ang tingin sa labas. Sa malayo ay natatanaw na namin ang Mount Arayat. Lalo itong lumalapit, hudyat na malapit na kaming makarating sa aming bahay.
"Kahel!" Mabilis akong natauhan nang tawagin ako ni Kuya Kalim.
"O?"
"Kanina ka pa tulala, malalim ba ang iniisip mo?"
"Hay naku, Kuya," biglang sumingit si Lila. Yumuko ito patungo sa harap upang mas makatitigan niya si Kuya Kalim. "Sinampal iyan ng babae kahapon!"
"O?" sagot naman ni Kuya Kyo. "Anong ginawa mo, Ed? 'Kala ko good boy ka?"
"Good boy naman ako, Kuya Kyo." I pouted.
"So, bakit ka nga nasampal?" dagdag pa ni Kuya Kalim. Nakalingon na ito mula sa harap habang naghihintay sa sagot ko.
Dahil hindi agad ako makakibo ay inunahan na ako ni Lila.
"Kasi, sinabihan niya iyong babae na ayaw niya sa mga—"
"Ang daldal mo!" Hinila ko pabalik si Lila sa likod. Tinakpan ko ang bibig niya at tinitigan siya nang masama.
Agad siyang nanahimik.
"Kahel," seryosong tawag sa akin ni Kuya Kalim. "Sino iyang babaeng iyan at anong ginawa mo?"
"Wala, Kuya. I'm sure hindi ninyo naman kilala," I sighed.
"Hindi naman pala namin kilala, Ed. So, sabihin mo na!" dagdag ni Kuya Kyo.
Napahinga ako nang malalim. Napatingin ako sa labas. Madilim na ang langit at tinatakpan na ng Mount Arayat ang buwan.
"Si Victoria Rivera," saad ko. Nakatitig ako sa repleksyon ko sa salamin ng bintana. "Ka-batch ko."
"A, iyong step-sister ni Drake?" biglang tugon ni Kuya Kyosuke.
Nanlaki ang mga mata ko. Para akong nabuhusan ng malamig na tubig.
"OMG!" tili ni Lila. Mabilis itong napaupo at napatitig sa akin.
"O, bakit anong problema?" usisa ni Kuya Kyo.
Nakatingin silang lahat sa akin. Si Kuya Kyo mula sa rear-view mirror. Si Kuya Kalim na nililingon ako mula sa harap. Si Lila na nakanganga habang nakatitig sa akin sa tabi ko.
Muli kong naalala ang sinabi sa akin ni Victoria kagabi matapos kaming manood ng play. Kung paano niya akong sumbatan matapos niya akong sampalin at hampasin.
"I'm not gay, but my stepbrother is."
Nilingon ko ulit si Kuya Kyo. Napalunok ako ng laway. Bumilis ang tibok ng puso ko.
"Si D-Drake lang ba ang kapatid na lalaki ni Victoria?" nauutal kong tanong.
"Oo. They have different sets of parents. Drake's mom married Victoria's dad," tugon ni Kuya Kyo. "Bakit? Anong meron?"
Naalala ko kung paano kami sinundan ni Drake sa palabas kahapon. Ang reaksyon niya noong kamuntikan ko nang halikan si Victoria. Higit sa lahat, ang hindi niya pagpansin sa akin sa paaralan kanina.
Napagtingin ako kay Lila. Nakatitig siya sa akin. Umiiling ito. Her eyes look so disappointed while she makes that clicking sound from her tongue.
"You are such an idiot," she whispered.
"Badtrip talaga," nauutal kong tugon.
Ang sikat na modelo? Ang tagapagmana ng Valentino? Ang dakilang fuck boy ng Olympiada? Ang lalaking maraming pinaiyak na babae?
Si Drake, bakla?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top