Chapter 1
"Baka puwede kang magbigay na lang sa erpats mo kahit yung amount lang, p're."
Ang talim ng tingin ni Luan kay Neyo, kabarkada niya.
"Oo nga, Luke. Kahit yung pera lang. Kahit wala muna yung payslip," segunda ni Aykee.
Tambay na naman silang tatlo sa Oval, nanonood ng nagsa-soccer doon at ine-enjoy ang ice cream nila. May partikular silang cemented bench na tambayan at pinalalayas nila kung sino man ang naunang maupo roon.
Oo nga't kulang-kulang tatlong libo lang ang nawala sa kanya at kaya niyang iutang iyon sa mga kaibigan, pero hindi lang pera ang hinahabol niya.
Serial number ng mga paper bill na nasa envelope.
Payslip na pirmado ng accounting department.
At resibo ng withdrawal sa cashier.
Hindi lang iyon basta pera. Sahod niya iyon sa loob ng sampung araw na pagtatrabaho—kung trabaho nga ba ang tawag sa ginawa niya sa opisina ng Ninong Clark niya.
Gastador.
Lagi iyong bukambibig ng papa niya sa kanya. At dudugtungan pa ng "Yung kuya mo, marunong magtipid. Alam kung saan, kailan, at kanino gagastos. Samantalang ikaw na walang trabaho, ang lakas mong magwaldas ng pera!"
Pero hindi siya ang kuya niya. Hindi nga rin niya maintindihan kung bakit laging dapat pinagkokompara silang dalawa. Sampung taon ang tanda nito sa kanya, at kung magdesisyon man ito nang mas rational, malamang ay dahil mas matanda nga ito at may sariling trabaho.
At iyon nga ang problema. Siya, wala.
At kapag nag-aaway sila ng papa niya, wala naman siyang ibang matatakbuhan kundi ang pinakamabait niyang ninong.
♥♥♥
18 days ago . . .
"Ninong Clark, puwede ba 'kong mag-work sa 'yo kahit ten days lang?" tanong niya at padabog na umupo sa office chair kaharap ng office table nito.
Sinundan niya ng tingin ang Ninong Clark niyang may kinuha sa katabi nitong file cabinet. Alam niyang hindi ito magtatagal sa opisina dahil nakasuot lang ito ng casual na long sleeves at khaki pants. Kahit 48 years old na ito, hindi ito kasimbugnutin ng papa niya. At sigurado siyang matutulungan siya nito dahil hindi sila nagkakalayo ng mine-major na field.
"Nag-away na naman ba kayo ng daddy mo?" usisa nito sa seryosong tono, tutok sa folder na hawak.
"He cut my allowance for ten days kasi. Ang problema ko—"
"Magastos ka."
"Ninong, naman!" hiyaw niya agad, kunot ang noo, dahil sa pagputol nito sa sinasabi niya. "Kaya nga may work sina Daddy, di ba? Para gastusin."
Kumunot pang lalo ang noo niya nang magbuntonghininga ang ninong niya pagbalik nito sa office table.
"You know what? Ang daddy mo, first year college pa lang—"
"Nagwo-work na, I know. Lagi niya 'yang sinasabi, as if hindi ko pa narinig ever since I was a kid. Pero, di ba, ang point ng work nila ni Mama is for me not to experience that?" katwiran niya. "Then sasabihin ni Daddy na buti pa si Kuya Eugene, marunong ng financial management. Of course, he must! Para saan ang diploma ni Kuya sa financial management kung hindi siya marunong mag-manage financially? Tapos gusto niya, ako rin? Computer engineering ang tine-take ko, malay ko ba sa management?"
Nakanguso lang pakanan ang ninong niya habang tinititigan siyang mabuti. Napasimangot tuloy siya kasi wala siyang mabasa sa mukha nito maliban sa tinititigan lang siya hanggang mailang siya.
"Ninong, kahit anong work dito. Encoding? Troubleshooting? Kaya kong mag-repair ng system units! Maintenance? IT solutions? Anything!"
"Aware kang nakatapak ka sa subsidiary ng Afitek, right?" tanong ng ninong niya, at hindi niya iyon naintindihan.
"So?" Nagtaas pa siya ng magkabilang kamay para magtanong nang pasungit.
"Wala ka pa sa kalingkingan ng mga agent dito. Wala kang trabaho rito."
"Pero hindi naman pera lang ang need ko, Ninong. May pera ako! Kailangan ko lang ng proof na may work ako para mapakita ko kay Daddy!"
Nangasim na naman ang mukha ng ninong niya. May hinugot itong isang papel sa folder at pinirmahan sa likod bago ibinalik sa pinagkunan. "Alam mo, Luan . . ." mas mahinahon na nitong sermon at ini-stapler ang laman ng folder na kinuha. "Kaya ka ginaganito ng papa mo, kasi hindi ka lang basta anak niya. Anak ka rin ng mama mo."
"Obvious ba?"
"Wala ka ring respeto. Si Kuya Jijin mo, hindi ganyan."
"Ano bang meron si Kuya at dapat maging gaya niya rin ako? Come on, people!"
Ang lalim na naman ng buntonghininga ng Ninong Clark niya at tiningnan si Luan na para bang wala na itong kapag-a-pag-asa sa buhay.
"Tatawagan ko si Tita Pau mo . . ." pagsuko ng ninong niya at itinuro nito ang kaliwang gilid. "Doon ka mag-work sa lending. Mag-encode ka."
"Bakit doon, e nandoon si Daddy?" reklamo agad ni Luan.
"Mamili ka: sa lending o dadalhin kita sa mga Lauchengco."
Padabog na sumandal si Luan sa office chair at humalukipkip. "Wala talaga akong kakampi sa inyong lahat."
♥♥♥
Iba ang pressure na dala ni Luan bilang Scott. Laging sinasabi ng mga ninong at ninang niya na hindi lang siya basta Scott. Isa rin siyang Chua.
Wala naman siyang pakialam kung Chua siya dahil hindi niya naman iyon ginagamit bilang apelyido. Kaya nga takang-taka siya kung bakit big deal sa mga nakatatandang kilala niya ang pagiging Chua niya, lalo pa't hindi naman niya narinig na pagsalitaan ang kuya niya tungkol sa pagiging Chua nito. Kung hindi lang parang pinagbiyak na bunga ang papa at kuya niya, iisipin na niyang ampon lang ito.
"Psst! Luke," sitsit ni Aykee, siniko pa siya nang ilang beses.
"What?" naiirita niyang tanong.
"Ex mo, palapit."
Pasimple pang lumingon sa kaliwa si Luan para lang makita si Heyzel, ang ex niyang madalas buntutan ng mga basketball player sa university nila.
"Sibat na ba tayo?" tanong pa ni Neyo.
Idinaan na lang sa irap ang paglayo ng tingin ni Luan. "Hayaan mo siya. Wala namang may pakialam sa kanya kung dito siya dumaan."
Iyon lang, mukhang siya lang ang walang pakialam sa mga sandaling iyon.
"Hi, Luke! Can we talk?"
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top