Sirene VI

[Kabanata 6]


"Suman na bukayo kayo riyan" alok ng isang binatilyo na tindero, payat ang pangangatawan nito habang buhat-buhat niya ang isang bilao ng kaniyang paninda na naglalaman ng mga bagong lutong suman na bukayo. Naalimpungatan si Nikolas nang kalabitin siya ni Batchoy na kanina pa natatakam sa suman na tinitinda ng binatilyo.

"Ano ba Batchoy, patulugin mo naman ako" reklamo ni Nikolas sabay sandal ulit sa pinakasulok ng dingding. Nakaupo lang sila ni Batchoy na natulog buong gabi dahil napakaraming pasahero sa loob ng tren at halos wala ng espasyo. "Nagugutom na'ko!" giit pa ni Batchoy, kulang pa ang kalahating sakong nilagang kamote na baon nila at naubos na niya iyon lahat kagabi.

Magrereklamo pa sana si Nikolas ngunit bigla rin siyang napahawak sa kaniyang sikmura dahil kumukulo na rin ito. "Bakit mo kasi inubos lahat ng baon natin?!" reklamo ni Nikolas, napakamot naman sa ulo si Batchoy sabay himas din sa kaniyang bilog na tiyan.

"Napagod kasi ako sa pagtakbo natin kahapon mula palengke hanggang sa papaalis na tren at bukod doon kumain ka rin naman ng kamote ah!" tugon ni Batchoy, dinukot naman ni Nikolas ang isang kamote na nakalagay sa kaniyang bulsa, iyon ang kamoteng ibinigay niya kay Sirene kagabi ngunit tinanggihan ng dalaga dahil hindi naman siya kumakain niyon.

"Oh, heto" saad ni Nikolas sabay abot kay Batchoy ng nag-iisang kamoteng iyon. Nanlaki naman ang mga mata ni Batchoy sa tuwa dahil pinakapaborito niya talaga ang kamote. "Kaya utot ka ng utot eh, bawas-bawasan mo nga 'yang kakakain mo nito" patuloy niya pa, hindi naman siya pinansin ni Batchoy dahil agad nitong kinuha sa kamay niya ang kamote at nilantakan iyon.

"Ano bang gusto mong kainin ngayon?" tanong ni Batchoy nang matapos niya kainin ang nag-iisang kamote. Agad namang lumingon si Nikolas sa kaliwa nila kung saan naroon ang binatilyong nagtitinda ng suman. Napangiti naman si Batchoy dahil mukhang naunawaan na niya ang kalokohang binabalak na naman ng kaniyang pinsan.

Naunang tumayo si Nikolas na parang haring naglakad sa gitna ng maraming bagahe at ilang mga kalalakihang natutulog sa lapag ng tren. Paulit-ulit niya pang inayos ang kaniyang sumbrerong buri (gawa sa banig) na animo'y isa siyang Don.

"Hijo!" tawag ni Nikolas sa binatilyong tindero na ngayon ay abala sa pag-aalok ng kaniyang paninda sa iba pang mga pasahero na mukha rin namang walang balak bumili. Napalingon sa kaniya ang binatilyo at agad niya itong sinenyasan na lumapit sa kaniya. Dali-dali namang naglakad ang binatilyo papalapit sa kaniya at nahihirapan pa ito sa paghakbang sa mga tao at bagahe sa sahig.

"May pambili po ba kayo ginoo?" tanong ng binatilyo at pinagmasdan niya si Nikolas mula ulo hanggang paa. Napakunot naman ang noo ni Nikolas, sa isip-isip niya ay mukha siyang hari ngunit nakalimutan niya na nakasuot lang siya ng ordinaryong puting damit na pang-itaas na medyo madumi na at ang kaniyang pantalon ay madumi na rin.

Napataas naman ang kilay ni Nikolas saka pa-simpleng sumenyas kay Batchoy sa likuran nila at muli niyang hinarap ang binatilyo "Ingatan mo ang iyong sinasabi bata, isa akong kilalang tao sa Norte. Ganito lang ang aking anyo sapagkat maraming mga tao ang naghahabol sa kayamanan ko" pabulong na tugon ni Nikolas at kung umasta siya ay para nga siyang isang pinuno ng mga grupo ng siga.

Magsasalita na sana ang binatilyo ngunit biglang dumating si Batchoy at napayuko sa harapan ni Nikolas "Don Kolas! Kanina ko pa po kayo hinahanap, umaapaw na po ang salapi sa ating lalagyan. Ano pong gagawin ko sa mga salaping hindi na kasya sa ating napakalaking baul?" tugon ni Batchoy kay Nikolas, pabulong niya itong ginawa ngunit sinadya niyang lakasan ang boses niya upang marinig ng binatilyo na marami silang pera.

Nanlaki ang mga mata ng binatilyo dahil sa narinig at ngayon ay bigla siyang nagsisi kung bakit kinuwestiyon niya ang pagkatao ng lalaking kaharap niya na isa pa lang makapangyarihang Don.

"Itapon mo na lang sa bintana ang mga sumobrang salapi, kung maaari ay bawasan mo na rin ang ibang alahas na laman ng ating baul dahil ayokong magdala ng mabigat na bagahe" kampanteng sagot ni Nikolas na sinadya niya ring lakasan ang boses niya para marinig ng binatilyo.

"Masusunod po pinuno----" hindi na natapos ni Batchoy ang kaniyang sasabihin dahil biglang nagsalita ang binatilyo na tila kumikinang na ang mga mata nang makarinig ng pera.

"S-sandali, maaari bang sa akin niyo na lang ho ibigay ang mga salaping itatapon niyo?" pakiusap ng binatilyo, pa-simple namang nagkatinginan si Nikolas at Batchoy dahil mukhang napaniwala na nila ang binatilyo.

Napatingin si Nikolas sa mga paninda nitong suman saka kumuha ng isa at kinilatis itong mabuti. "Bagong luto ba talaga ito?" tanong niya, agad naman napatango ang binatilyo sabay kusot pa sa kaniyang ilong dahil mukhang sinisipon pa ito.

"Malinis ba ito?" tanong pa ni Nikolas, tiningnan naman siya ng binatilyo mula ulo hanggang paa. Hindi makapaniwala ang binatilyo na nais pa ni Nikolas ng malinis na pagkain kahit pa ang damit nito ay para ng basahan.

"Magkano nga ulit ito?" dagdag pa ni Nikolas habang binabalatan ang suman at agad niya itong kinagatan. Kumuha pa siya ng limang suman saka inabot kay Batchoy na ngayon ay abot tenga na ang ngiti.

"Singko sentimos po bawat isa señor" sagot ng binatilyo, napakunot naman ang noo ni Nikolas sabay kain pa ulit ng isang suman.

"Ang mahal naman, dos sentimos lang ito sa amin. Dos sentimos lang ang ibabayad namin" reklamo ni Nikolas sabay kuha pa ng tatlong suman. Napakamot naman ng ulo ang binatilyo. "Tapat na presyo na ho 'yan wag niyo naman ho akong gipitin" buwelta naman ng binatilyo at akmang babawiin sa kamay ni Nikolas ang suman na hawak nito pero mabilis niyang naipasa iyon kay Batchoy.

"Hep! Hep! Kung inaakala mo makakaligtas ka sa aking mga mata... tsk tsk .. nagkakamali ka" buwelta ni Nikolas sabay akbay sa binatilyo at hinawakan niya ang bulsa nito na punong-puno ng mga alahas.

"Hindi ka isang tindero, isa kang mandurukot, tama ba?" bulong ni Nikolas sa Binatilyo, gulat namang nanigas ang binatilyo sa kaniyang kinatatayuan at hindi na siya ngayon makapalag sa pagkakaakbay sa kaniya ni Nikolas. Hindi inaasahan ng binatilyo na may makakapansin sa pandurukot niya sa oras na nilalapitan niya ang mga pasahero. Pa-simple niyang kinukuha ang mga alahas, salapi at iba pang bagay na maaari niyang mailagay sa kaniyang bulsa.

"Sa tingin ko ay maging ang panindang suman na ito ay ninakaw mo lang din" banat pa ni Nikolas, gulat namang napatingin sa kaniya ang binatilyo. "Kanina, ang sabi mo suman na bukayo itong mga suman na tinitinda mo ngunit nang aking tikman wala namang bukayo sa loob, isa lang itong ordinaryong suman kaya dos sentimos lang dapat ito!" buwelta pa ni Nikolas, agad namang napayuko ang binatilyo dahil wala na siyang mukhang maihaharap sa kanila.

"S-sige ho d-dos sentimos na lang kada piraso" tugon ng binatilyong mandurukot. Bigla namang natawa si Nikolas nang malakas dahilan para mapalingon ang ilan sa mga pasahero sa kanila.

"Kung pumayag ka kanina na dos sentimos lang ito edi sana hindi na humaba pa ang usapan... pero hindi ko pa rin naman bibilhin kaya tapos ang usapan. At isa pa akin na ang mga ninakaw mong----" hindi na natapos pa ni Nikolas ang kaniyang sasabihin dahil agad umalma ang binatilyo saka bumitaw sa pagkakaakbay niya sabay hagis ng mga paninda niyang suman at dali-dalis siyang tumakbo.

"Sandali!" sigaw ni Nikolas ngunit hindi siya makausad sa pagtakbo dahil ang daming mga bagahe sa sahig. Dali-dali namang dinampot ni Batchoy ang mga suman na nagkalat sa sahig. Habang ang mga tao ay gulat na gulat at napapatabi sa gilid dahil sa binatilyong tumatakas na ngayon.

Pagbukas ng binatilyo sa pinto ng kasunod na bagon ng tren napatigil siya nang tumambad sa harapan niya si Sirene. Walang emosyon ang mukha nito habang nakatingin sa kaniya.

"M-maaari ba akong dumaan binibini?" magalang na tanong ng binatilyo, hindi naman umimik si Sirene at nanatili lang itong nakatingin sa kaniya na parang wala itong naririnig. "Kamahalan, bugbugin mo na 'yan" sigaw ni Nikolas, tiningnan lang naman siya ni Sirene saka muling ibinalik ang mga mata nito sa binatilyong nasa tapat niya ngayon.

"Kayang-kaya mo 'yan kamahalan" dagdag pa ni Batchoy habang punong-puno ang bibig ng suman. Ipinamigay din nila ni Nikolas sa ibang pasahero ang mga suman na iniwan ng binatilyo.

Napatingin si Sirene sa bulsa ng binatilyo na punong-puno na ngayon. Sa pagkakataong iyon, napansin niya ang isang pamilyar na alahas na nasa bulsa nito. Agad niyang dinukot sa bulsa ng binatilyo ang alahas na iyon, bagay na ikinagulat ng lahat dahil sa padalos-dalos na kilos ng isang dalaga.

Nanlaki ang mga mata ni Sirene nang makita niya ang isang alahas na may kulay asul na dyamante (Aquamarine). "S-saan mo nakuha ito?" tanong niya sa binatilyo. Agad naman siyang sinagi ng binatilyo saka dali-daling tumakbo papalayo at lumundag ito sa labas ng tren upang hindi na mahuli pa.

"Kamahalan, natangay niya ang ilan sa mga alahas---" hindi na natapos ni Batchoy ang kaniyang sasabihin dahil napansin niya na nakuha naman din pala ni Sirene ang mga alahas na nanakaw ng binatilyo. Agad nagsitayuan ang mga pasahero na nawalan ng mga alahas. Nakahinga naman sila ng maluwag at paulit-ulit na nagpasalamat kina Nikolas, Batchoy at Sirene dahil naibalik sa kanila ang mga alahas na hindi nila namalayang nadukot ng binatilyong inakala nilang tindero kanina.

Halos mapunit naman ang labi ni Nikolas at Batchoy sa laki ng ngiti nila dahil nagmistula silang mga bayani. Habang si Sirene naman ay tulala pa rin sa kuwintas na may kulay asul na dyamante na tinititigan niya ngayon.

"Isa talaga akong gwapong bayani" bida pa ni Nikolas sabay sagi sa balikat ni Sirene ngunit hindi siya inimik nito, nanatili lang itong nakatitig sa kulay asul na dyamante. Kung kaya't biglang nagtaka si Nikolas at napatitig na rin doon sa kulay asul na dyamante.

"Iyan na ba ang perlas? Bakit parang iba----" hindi na natapos pa ni Nikolas ang kaniyang sasabihin dahil biglang may matandang babae na tumambad sa harapan nila. "Hija, sa akin ang kuwintas na iyan" saad ng matandang babae dahilan upang matauhan si Sirene at iabot sa matanda ang dyamante na iyon.

Tulala at hindi nakapagsalita si Sirene kung kaya't si Nikolas na ang nagsalita para sa kaniya. "Nay, Saan niyo po pala nakuha iyan?" tanong ni Nikolas, napangiti namana ng matandang babae.

"Pag-mamay-ari ito ng aking itay, bago siya mamatay ang sabi niya noon sa akin mahiwaga raw ang pinagmulan nito" sagot ng matandang babae. Agad namang inalalayan ni Nikolas ang matanda na bumalik sa kinauupuan nito kanina.

"Maraming Salamat nga pala sa inyo, hindi ko namalayan na nakuha na pala sa akin ito ng binatilyong tindero kanina, mabuti na lamang at napansin mo agad hijo ang kaniyang gawain" saad ng matanda. Napangiti na lang si Nikolas, hindi naman niya masabi na gawain niya rin kasi iyon kaya alam na alam niya kung paano mandukot ang mga kawatan.

Napatingin si Nikolas kay Sirene na ngayon ay parang gulat na gulat pa rin sa nakita niyang kulay asul na dyamante. "Oo nga pala, ang dyamante na ito ay kilala sa ingles na 'Aquamarine' ayon sa aking itay ang dyamanteng ito raw ay nakukuha lamang mula sa luha ng mga sirena" tugon pa ng matandang babae saka muling ipinakita kay Nikolas at Sirene ang napakagandang asul na dyamante na iyon.

Napatulala si Nikolas nang malaman ang bagay na iyon. Hindi niya akalain na ganoon pala talaga kahiwaga ang mga sirena. "Ang luha mula sa sirena na bihira lamang pumatak sa mga mata nito dahil ang puso nila ay di tulad ng tao na madaling mapa-ibig. Ngunit sa oras na umibig ang isang sirena iyon ang bagay na hindi dapat sayangin ng isang mortal na tao" dagdag pa ng matandang babae. Sa pagkakataong iyon, muling napatingin si Nikolas kay Sirene na ngayon ay tulala lang sa asul na dyamanteng iyon.

Nararamdaman niya na may nalalaman si Sirene kung kanino at sino ang sirenang lumuha nang dahil lang sa pag-ibig.





"Ano? Dalawang oras pa?" gulat na tanong ni Nikolas sa isa sa mga nangangasiwa ng tren na sinasakyan nila. Kasalukuyan silang nasa istasyon ng Biñan, Laguna nang magbigay ng anunsyo ang tagapangasiwa ng tren na pansamantala munang aayusin ang ilang parte ng makina nito upang tuloy-tuloy na ang byahe papuntang Maynila.

"Siguradong gabi na tayo makakarating sa Maynila" tugon ni Batchoy habang napapakamot pa ng ulo, napaupo na lang ulit sila ni Nikolas sa sahig dahil mukhang maghihintay na naman sila ng matagal. Alas-dose na ng tanghali at unti-unti na rin silang nakakaramdam ng gutom.

"Pasensiya na ho nawa'y unuwain niyo ang ating sitwasyon" tugon ng tagapangasiwa ng tren habang isa-isang sinasagot ang mga katanungan ng mga pasaherong hindi na rin makapaghintay na makarating sa Maynila.

"Paano na iyan? Akala ko pa naman ngayong tanghali na tayo makikikain sa bahay nila madam Sandra mukhang hapunan na ang dating natin sa kanila" dismayadong tugon ni Batchoy at sinandalan niya pa si Nikolas na naipit na ngayon sa pinaka-sulok.

"Umusog ka nga roon" reklamo ni Nikolas sabay tulak sa pinsan, sa mga ganitong sitwasyon naghahabulan na dapat sila at nagsisipaan ni Batchoy ngunit dahil masikip ang paligid at walang espasyo hindi tuloy sila makapag-sipaan at suntukan.

Magrereklamo pa sana si Batchoy ngunit bigla silang natameme ni Nikolas nang makita si Sirene na nakatayo sa harapan nila at walang emosyon ang itsura nito na nakatingin sa kanilang dalawa. "K-kamahalan, ano pong maipaglilingkod-----" hindi na natapos ni Batchoy ang kaniyang sasabihin dahil nagsalita na si Sirene.

"Nagugutom na ako, maghahanap muna ako ng makakain" seryoso nitong sagot sabay talikod at dire-diretsong lumabas ng pinto. Gulat namang nagkatinginan si Nikolas at Batchoy at dali-dali silang sumunod kay Sirene na mabilis na nakalabas sa bagon ng tren na sinasakyan nila.

Paulit-ulit namang humingi ng pasensiya si Nikolas at Batchoy sa mga taong hinakbangan nila dahil nagkalat na ang mga bata at bagahe sa sahig ng tren. "Sandali ho kamahalan" tawag ni Batchoy kay Sirene nang makalabas ito sa tren ngunit hindi siya nilingon ni Sirene, dire-diretso lang itong naglalakad sa gitna ng maraming tao sa labas.

"Kamahalan! Sandali ho!" patuloy pa ni Batchoy, habang nakasunod naman sa kaniya si Nikolas. Napatigil si Batchoy nang biglang hawakan ni Nikolas ang balikat niya "Kolas! Dapat natin siyang pigilan! Siguradong papatay siya ngayon ng tao para makakain" kinakabahang tugon ni Batchoy, napahinga naman ng malalim si Nikolas na animo'y hindi kakakitaan ng anumang kaba.

"Sa tingin ko kumakain naman ng karne ng hayop o anumang pagkain 'yang sirenang iyan, nag-iinarte lang siguro siya o nais niya lang tayo takutin na kumakain daw talaga siya ng tao tsk tsk" saad ni Nikolas na animo'y isa siyang dakilang imbestigador. Bigla namang napaisip ng malalim si Batchoy, naalala niya na kumain naman noon si Sirene ng ulam na inihain ni inang Diday sa kanila.

"At bukod doon hindi siya lilingon kahit anong sigaw mo riyan" tugon pa ni Nikolas habang nakatanaw sila ni Batchoy kay Sirene na ngayon ay papunta na sa gitna ng pamilihan ng Biñan. "Anong gagawin natin? Paano mo makukuha ang atensyon niya?" tanong ni Batchoy, agad naman siyang inakbayan ni Nikolas sabay ngisi.

"HOY! BRUHANG MANGKUKULAM NA SIRENE!" sigaw ni Nikolas dahilan upang mapalingon sa kaniya ang mga tao sa paligid habang ang ilan naman ay napatigil pa sa paglalakad at nagtatakang nakatingin sa kanila ni Batchoy.

Sa pagkakataong iyon, maging si Sirene ay biglang napatigil din sa paglalakad at seryosong napalingon sa kanila. "Oh, diba nakuha ko ang atensyon niya gamit lang ang limang salita HA HA HA!" tawa pa ni Nikolas na napapatalon pa sa tuwa habang nakaakbay kay Batchoy. Habang si Batchoy naman ay pinagpapawisan na ngayon sa kaba dahil mukhang umiiral na naman ang pagka-pilyo ng kaniyang pinsan, bagay na siguradong ikagagalit ng sirena.

"A-ano nang plano mo ngayon?" kinakabahang bulong in Batchoy dahil mukhang naglalakbay na ang tensyon sa paligid lalo na ang talim ng tingin sa kanila ngayon ni Sirene. Nagsimula namang magbulong-bulungan ang mga tao lalo na nang marinig nila ang salitang 'Mangkukulam'

"Kung totoo nga na kumakain siya ng tao kailangan nating ibahin ang atensyon niya ngayon upang hindi siya makapaghanap ng taong papatayin para kainin" bulong ni Nikolas, napatango-tango naman si Batchoy. "Tama! Sa gayon makapagliligtas tayo ng buhay, ang talino mo talaga Kolas!" sagot naman ni Batchoy sabay akbay sa pinsan.

Tumawa-tawa naman si Nikolas na animo'y normal lang sa kaniya ang mapuri ng mga tao "Tinatanong pa ba iyan? Maswerte ka dahil may pinsan kang sobrang gwapo na napaka-talino pa" ngisi pa ni Nikolas, napatango-tango na lang si Batchoy kahit nasobrahan sa pagkahangin ang pinsan niya kahit papaano ay mahal pa rin niya ito.

"Hala! nawala na siya!" biglang tugon ni Batchoy sabay turo sa kinatatayuan ni Sirene kanina na ngayon ay wala na roon. "Kung anu-ano kasi ang pinagsasabi mo, ayan! paano na natin siya ngayon hahanapin?" kinakabahang tugon ni Batchoy. Napalunok na lang din sa kaba si Nikolas dahil nawala na si Sirene sa paningin nila.

Dali-daling naglibot sa paligid si Nikolas at Batchoy. Nakasuot ng blusang kulay puti at mahabang palda na kulay berde si Sirene habang nakalugay ang napakahabang buhok nito. Halos karamihan sa mga babaeng nas paligid ay nakapusod ang buhok o di kaya ang iba naman ay nakalugay din ngunit maiikli at kulot ang buhok nila dahil ito ang uso ngayon sa kanilang panahon.

Lumipas ang halos kalahating oras ngunit hindi pa rin nila matagpuan si Sirene. Napakaraming tao sa paligid ng palengke at biglang napatigil ang lahat at tumabi sa gilid ng kalsada nang matanaw nila ang halos isang dosenang mga sasakyan ng sundalong Amerikano.

"Bakit tila napakarami ng mga sasakyan ng mga Amerikano ngayon?" nagtatakang tanong ni Batchoy habang tinatanaw nila ang mga sundalong Amerikano na seryosong nakasakay sa mga sasakyan habang hawak nito ang kani-kanilang mga baril.

"Sa tingin ko ay may mangyayaring hindi natin inaasahan" tugon ni Nikolas na para bang may bumabagabag din sa kaniyang isipan. Napalingon naman sa kaniya si Batchoy.

"Paano mo nasabi na may masamang mangyayari?" nagtatakang tanong ni Batchoy, kahit papaano naman ay may mga oras din na matino kausap ang kaniyang pinsan at sa ngayon ay nararamdaman niya na seryoso ito.

"Una, mabilis ang pagpapatakbo nila ng mga sasakyan senyales na nagmamadali sila. Pangalawa, seryoso ang itsura nilang lahat at hawak nila ng mahigpit ang mga baril nila. At higit sa lahat, kaya ko nasabing parang may kakaiba sa mga pangyayari ngayon ay dahil... hindi sila namimigay ng tsokolate! Napakadaya talaga kung kailan naman handa akong makipag-agawan sa mga bata para sa tsokolateng hinahagis nila ngayon naman sila nagdamot haay!" tugon ni Nikolas, napabusangot na lang ang mukha ni Batchoy saka nilayasan ang pinsan na patuloy pa rin sa pagdadaldal tungkol sa hindi pagiging patas ng buhay dahil bakit puro bata lang daw ang binibigyan ng mga dayuhan ng tsokolate.

"Kolas! Delikado!" gulat na tugon ni Batchoy sabay hila kay Nikolas at nagtago sila sa likod ng isang tindahan. "Anong delika----" hindi na natapos pa ni Nikolas ang kaniyang sasabihin dahil nagulat siya nang makita si Sirene na seryosong nakatayo sa tapat ng isang panciteria kung saan may isang nanay ang nagpapasuso sa kaniyang sanggol.

"Mukhang natatakam na siya sa bata!" gulat na tugon ni Nikolas sabay hila kay Batchoy at dali-dali silang tumakbo papaunta kay Sirene upang pigilan ang masamang balak nito sa sanggol. Nagulat naman si Sirene dahil biglang hinarangan ni Nikolas ang mag-ina.

"Pigilan mo ang sarili mo kamahalan" saad ni Nikolas, napakunot naman ang noo ni Sirene. Agad namang tumabi si Batchoy kay Nikolas at iniharang niya rin ang kaniyang sarili sa mag-ina.

Napatigil ang ilang mga kumakain sa loob ng panciteria dahil sa eksenang nangyayari sa labas. Napakunot pa ang noo nila dahil mukhang may dalawang baliw na gumagawa ng eksena sa labas.

Napatayo naman ang mag-ina saka naglakad papalabas sa panciteria dahil mukhang nasisiraan na sa ulo si Nikolas at Batchoy. Napakunot na lang ang noo ni Sirene dahil hindi niya maintidnihan kung bakit siya hinaharangan ng dalawang mokong.

"Mag-iingat po kayo, tumakbo na po kayo" bilin pa ni Batchoy sa ale na may dalang sanggol. Sinamaan lang siya nito ng tingin at napasenyas pa ng krus dahil inakala niyang sinasapian ang dalawang binata.

"Ang mabuti pa kumain na lang tayo dito" aya pa ni Nikolas sabay hawak kay Sirene ngunit agad din siyang napabitaw. "Sorry me" tugon niya sa dalaga na animo'y nagyayabang dahil nakakapagsalita siya ng ingles. Hindi naman siya pinansin ni Sirene saka pumasok na sa panciteria na iyon.

Pagpasok nila sa loob, sinundan sila ng tingin ng mga tao kanina na nakakita ng kabaliwan nila sa labas. Agad naupo si Nikolas at Batchoy sa pinakamalapit na mesa. Dahan-dahan namang naupo si Sirene sa tapat nila at nababakas sa mukha nito na naninibago siya sa paligid lalo na dahil napakaingay sa loob ng paciteria at hindi magkamayaw ang mga naghahatid ng pagkain sa bawat mesa.

Sa dulo ng panciteria ay makikita ang makapal na usok mula sa mga inihaw na pagkain at sa pugon kung kaya't amoy na amoy sa loob ang napakabangong mga ulam na niluluto ng mga kusinero. May mga pulang palamuti na nakasabit sa kisame at sa bawat gilid ng panciteria senyales na pagmamay-ari ito ng isang intsik.

Ilang sandali pa, lumapit na sa kanila ang isang lalaking payat na intsik na siyang kukuha ng mga ulam ipapaluto nila. "Ano inyo gusto?" tanong nito, agad namang sinampa ni Nikolas ang paa niya sa kabilang upuan, animo'y isa siyang maton na siga.

"Gusto ko ng isang bilaong pansit, chapseuy, lumpia, inihaw na manok, inihaw na isda, inihaw na baboy, inihaw na kahit anong inihaw niyo diyan" saad ni Nikolas, dali-dali naman iyong inilista ng payat na lalaki na mukhang nasindak sa asta ni Nikolas at Batchoy.

"At isang bilaong kanin!" dagdag pa ni Batchoy. Napatingin naman sa kanila ang ibang tao saka muling bumalik ulit sa kaniya-kaniyang pagkain.

"Sige sige kayo hintay pagkain" sagot ng payat na lalaki saka dali-daling hinatid ang listahan sa mga kusinero.

"Bakit ang dami niyong----" hindi na natapos ni Sirene ang sasabihin niya dahil bigla siyang nginitian ni Nikolas. "Para sa iyo lahat 'yan kamahalan para hindi ka na maghanap ng tao" ngisi pa ni Nikolas, hindi naman siya inimik ni Sirene kung kaya't tinawanan siya ni Batchoy.

Ilang sandali pa, inihain na sa kanilang mesa ang lahat ng pagkain, idinugtong pa ang kabilang mesa dahil hindi kasya ang lahat ng pagkaing pinaluto nila. Dali-dali namang nilantakan ni Batchoy ang mga inihaw na manok, isda at baboy habang si Nikolas naman ay inupakan agad ang pansit at chapseuy.

"Sige na kumain ka wag ka na mahiya kamahalan" aya pa ni Nikolas kay Sirene nang mapansin niya na nakatingin lang ito sa samu't-saring pagkain na nakahain ngayon sa kanilang mesa. Bakas sa mukha nito na bagong-bago sa kaniyang mga mata ang mga putaheng nakahanda.

Agad kinuha ni Nikolas ang bilao ng pansit saka inilapag sa harapan ni Sirene "Ang tawag dito ay pan-sit, sabi nila pangpahaba ng buhay ang pagkain na ito" paliwanag pa ni Nikolas, napatitig sandali si Sirene sa pagkaing iyon ay bakas sa mukha niya na nagdadalawang-isip siyang tikman iyon lalo na't hindi naman ito karne.

Magsasalita pa sana si Nikolas ngunit agad bumulong sa kaniya si Batchoy "Kolas, immortal ang mga sirena hindi nila kailangan ng pagkain para humaba ang buhay nila" bulong nito, napanganga naman si Nikolas saka muling hinarap ang dalaga.

"Pangpahaba rin ng buhok ang pagkaing iyan kamahalan kaya kumain ka na" tugon pa niya, at inabutan niya pa ng lumpia, inihaw na manok at baboy si Sirene. "Tikman niyo rin ito kamahalan siguradong maiiyak kayo sa sarap" ngiti pa ni Nikolas iaabot niya rin sana ang inihaw na isda kaso naalala niyang kalahi pala ni Sirene ang mga isda. Ilang sandali pa hinawakan na ni Sirene ang tinidor sa gilid niya saka dahan-dahang tinikman ang mga pagkaing ibinida sa kaniya ni Nikolas.

Palihim namang napangiti si Sirene nang matikman niya ang mga pagkain ng tao. "Anong masasabi mo kamahalan? Masarap diba?" usisa pa ni Nikolas habang nakangisi ng todo. Napaupo naman ng maayos si Sirene saka nilunok ang pagkaing nginunguya niya.

"Hindi" diretsong sagot ni Sirene. Nagkatinginan naman si Nikolas at Batchoy dahil mukhang mahihirapan talaga sila mapangiti ang dalaga. Sakto namang napadaan ang payat na lalaking intsik na naglista ng kanilang mga pagkain kanina.

"Sandali, hindi raw masarap ang pagkain niyo" sumbong ni Nikolas sa payat na lalaking intsik. Agad naman itong napatigil sa paglalakad at napapamewang pa. "Sino sabi iyan?" reklamo nito. Agad namang tinuro ni Nikolas si Sirene.

"Hindi pa raw masyadong luto kaya hatiran mo pa kami ulit ng bago" saad ni Nikolas, napakamot naman sa ulo ang payat na lalaki saka kinuha ang mga inihaw na halos maubos na rin naman nila.

Pagkaalis ng payat na lalaking intsik agad nagtawanan si Nikolas at Batchoy ngunit napatigil din sila nang magsalita si Sirene "Bakit nagsisinunggaling kayong mga tao?" seryosong tanong ni Sirene dahilan upang biglang mabilaukan si Nikolas.

Agad naman siyang inabutan ni Batchoy ng tubig. "Alam mo kamahalan, ang pagsisinunggaling ay parte ng buhay. Walang sinuman ang hindi nakapagsinunggaling sa buong buhay niya, ikaw ba kahit kailan hindi ka nagsinunggaling?" paguusisa ni Nikolas kay Sirene na walang emosyong nakatingin sa kanila.

"Hindi ako tao kaya hindi parte ng buhay ko ang pagsisinunggaling. Kapag may bagay na itanong sa akin hindi ko na lang sila sasagutin kaysa magsinunggaling pa ako" diretsong sagot ni Sirene na animo'y walang makakatinag sa kaniya.

"Kapag hindi ka nagsalita ibig sabihin totoo ang sinasabi nila" banat naman ni Nikolas, na animo'y hindi rin siya magpapatinag.

"Kapag nanahimik ka may sasabihin ang iba, kapag nagsalita ka may sasabihin pa rin naman sila kaya mas mabuting huwag ka na lang magsalita" dagdag pa ni Sirene, bigla namang napatulala si Nikolas at wala na siyang masabi.

"May nanalo na!" pang-asar ni Batchoy sabay tawa. Napasabunot na lang si Nikolas sa buhok niya saka kumain na lang ng kumain.


Makalipas ang ilang sandali, habang kumakain sila napansin nila na pinapagalitan ng payat na lalaking intsik ang mga trabahador niya at ang ilan ay sinisingil niya ng napakalaking halaga. Nang matapos sila kumain, agad silang nilapitan ng may-ari at inabot ang listahan ng kanilang babayaran.

Agad inabot ni Nikolas kay Batchoy ang listahan at napansin niyang hindi ito mapakali sa pagkapa sa sarili nitong bulsa. "Kolas, wala pala akong dalang salapi" pa-simpleng bulong ni Batchoy na ngayon ay pinagpapawisan na sa kaba.

Napalunok na lang sa kaba si Nikolas at sumenyas kay Batchoy na wala rin siyang dalang pera. Kung kaya't pasimpleng bumulong si Nikolas kay Sirene "May salapi ka ba riyan?" tanong niya, napailing lang si Sirene.

"Maaari ka bang umiyak ngayon kamahalan para magkaroon tayo ng dyamante na pambayad----Sabi ko nga nagbibiro lang ako hehe" biglang bawi ni Nikolas nang tingnan siya ng seryoso ni Sirene.

"Lima piso inyo bayad" tugon ng payat na lalaking instsik. Bigla naman siyang nginitian ni Nikolas at Batchoy at agad siyang inakbayan ng dalawa.

"Iyo kainan ganda!" pangbobola ni Nikolas, napangiti naman ang may-ari saka kinuwento kung sino ang nagdisenyo ng kaniyang panciteria.

"Iyo pagkain dito sobra sarap! Lahat tao busog" puri naman ni Batchoy sabay himas-himas sa tiyan niya at inaaliw nila ang may-ari hanggang sa makarating sila sa labas ng panciteria.

"Ganda-ganda araw ngayon ikaw sigurado swerte" tawa pa ni Nikolas at sabay-sabay silang nagtawanan. Pa-simpleng lumingon si Nikolas sa likod nila kung saan natanaw nilang nakaupo pa rin doon sa hapag si Sirene. Agad niya itong sinenyasan na sumunod na sa kanila sa labas kung kaya't tumayo na ito at naglakad papalapit sa kanila.

"Salamat Salamat kayo sobra puri sa'kin Salamat talaga" ngiti ng may-ari saka napatingin kay Sirene na nakatayo na rin sa gilid nila. "Oh, ikaw hija sarap luto ko diba?" tanong niya kay Sirene na walang emosyong napalingon din sa kaniya.

"Hindi" diretsong sagot ng dalaga na ikinakunot ng noo ng payat na lalaking intsik. "Ano hindi? Akin na nga bayad----Hoy! Sandale!" sigaw ng may-ari dahil biglang kumaripas ng takbo si Nikolas at Batchoy at agad nilang hinila si Sirene na ikinagulat din ng dalaga.

"Tabeee!" sigaw ni Nikolas ay Batchoy sa mga taong nakakasalubong nila. Nagtataka naman ang mga tao na napapatabi sa gilid upang iwasan sila. Maging si Sirene ay gulat na gulat at nagtataka rin sa pagtakas nila ngayon pero bigla siyang napatigil nang lumingon sa kaniya si Nikolas.

"Bukod sa pagsisinunggaling, parte rin ng buhay naming mga tao ang pagtakas, kamahalan" ngiti pa ni Nikolas. At sa pagkakataong iyon, saka lang napansin ni Sirene na magkahawak ang kanilang kamay ni Nikolas habang tumatakbo papalayo. Papalayo sa magulong mundo ng mga gawain ng tao.





"Inay! Inay! Ito na po ba ang Maynila?"

Naalimpungatan si Nikolas nang marinig ang boses ng mga batang sabik na sabik na nakatingin ngayon sa bintana ng tren habang tinatahak nito ang daan papapunta sa istasyon ng Binondo. Dahan-dahang bumangon si Nikolas mula sa pagkakahiga sa ibabaw ng mga bagahe nila saka nag-unat-unat.

Nanalaki ang mga mata niya nang makita ang maunlad at napakagandang siyudad ng Maynila. Dali-dali siyang sumingit sa bintana upang makasilip sa labas at napanganga na lang siya nang makita ang nagtataasang mga istruktura sa paligid na napapalibutan din ng mga nagliliwanag na ilaw.

"Nasa Maynila na tayo!" sabik na sabik na tugon ni Batchoy na halos maiyak na sa tuwa dahil ito ang unang beses niyang makarating sa Maynila. Habang si Nikolas naman ay patuloy na hindi nagsasawa sa ganda ng siyudad kahit pa nakarating na siya noon dito.

"Kamahalan, halika!" tawag ni Nikolas kay Sirene na ngayon ay tahimik lang na nakaupo sa isang sulok. Walang emosyong napatingin sa kaniya si Sirene kung kaya't agad niya itong nilapitan saka hinila papunta sa bintana upang masilayan nito ang pambungad na ganda ng Maynila.

"Iyon ang munisipyo ng Maynila!" pagbibida ni Nikolas kay Sirene sabay turo sa mataas na tore mula sa di-kalayuan. May napakalaking orasan ito at nagliliwanag din sa ganda. Alas-siyete na ng gabi ngayon ngunit buhay na buhay pa rin ang buong siyudad taliwas sa buhay nila sa probinsya kung saan tahimik na at patulog na ang mga tao sa oras na ito.

Palihim namang tinitigan ni Nikolas si Sirene habang nakatitig ito sa nagagandahang mga istruktura ng Maynila. Hindi nga siya nabigo na muling masilayan ang pag-aliwalas ng itsura ng dalaga at ang pagsilay ng kaunting ngiti nito habang pinagmamasdan ang paligid.

"Ayan, ngumiti ka ulit" banat ni Nikolas kay Sirene dahilan upang bigla itong mapasimangot at tiningnan siya ng masama "Pinagloloko mo na naman ba ak----" hindi na natapos pa ni Sirene ang sasabihin niya dahil bigla lang siyang tinawanan ni Nikolas at kumaripas ito ng takbo saka sumayaw-sayaw pa habang inaasar-asar siya.





"Bigyan mo kami ng tatlong silid" tugon ni Nikolas sabay lapag ng sampung piso sa tanggapan ng bahay-panuluyan (hotel) na tutuluyan nila. Napag-desisyunan nilang bukas na lang nila pupuntahan ang bahay nila madam Sandra dahil gabi na at kailangan na rin nila magpahinga.

"Pasensiya na po ngunit isang silid lang po ang bakante ngayong gabi" sagot ng isang babae na nangangasiwa sa pagtanggap ng mga bisita. Gulat namang napatulala si Nikolas at Batchoy sabay hampas sa mesa ngunit hindi naman nasindak ang babae.

"Malapit na rin po ang pasko kung kaya't karamihan sa mga bahay-panuluyan ngayon ay puno po" mahinahong sagot ng babae, napahilamos naman sa mukha si Nikolas dahil siguradong hindi makakapayag si Sirene na sa iisang kwarto silang tatlo matutulog.

"Dadagdagan ko ang bayad ko" saad pa ni Nikolas, napailing naman ang babae. "Puno na po talaga ang mga silid dito señor, at ngayon kung mapilit pa rin po kayo maghanap na lang po kayo ng ibang matutulugan" sagot ng babae. Napahinga naman ng malalim si Nikolas, batid niyang napakaraming tao nga ngayon sa Maynila at siguradong mahihirapan sila maghanap ng matutulugan. Halos dalawang oras din sila naglibot sa paligid pagbaba nila sa tren kanina upang makahanap lang ng bahay-panuluyan.

Magsasalita pa sana si Nikolas ngunit napatigil siya nang biglang magsalita si Sirene "Kukunin na namin ang nag-iisang silid" tugon nito, napatango naman ang babae saka inabot ang susi kay Sirene at dire-diretso na itong umakyat sa ikalawang palapag.

Agad namang sumunod sa kaniya si Nikolas at Batchoy na ngayon ay hirap na hirap na sa pagbubuhat ng kanilang mga bagahe at sa baul na naglalaman ng madaming salapi.

Sa ikaapat na palapag ng bahay-panuluyan matatagpuan ang silid na inupahan nila. Nahihirapan naman umakyat sa hagdan si Nikolas at Batchoy dahil makipot lang ang hagdan na gawa sa kahoy. Nang makapasok si Sirene sa pinakadulong silid, tumambad sa harapan niya ang maliit na kwarto.

Isa lang ang kama sa loob at sa gilid nito ay may malaking bintana at balkonahe. May maliit na mesa at dalawang upuan sa gilid, isang aparador sa tabi ng pinto at may isang maliit na banyo. Gawa sa kahoy din ang sahig kung kaya't rinig na rinig ang bawat pagtapak ng paa dito.

Agad inihagis ni Nikolas ang mga dala-dala niyang bagahe at akmang lulundag na sa kama "Sa wakas, makakahiga na rin ako sa malambot na kama---" bigla siyang napatigil nang iharang ni Sirene ang kamay niya.

"Sabi ko nga, ikaw sa kama matutulog kamahalan at dito na lang kami sa sahig" dismayadong tugon ni Nikolas saka padabog na hinubad ang kaniyang sapatos at inayos na niya ang mga bagahe nila.

Naupo naman si Batchoy sa isang upuan saka pinagpatuloy ang pagkain niya ng suman na kahit panis na ay hindi pa rin niya alintana, hindi naman siya madaling tablan ng mga panis na pagkain.

Ilang sandali pa, hinubad na ni Nikolas ang pang-itaas niyang damit upang magpalit ngunit napatigil siya nang biglang batuhin siya ni Sirene ng sapatos. "Bawal maghubad dito" giit nito, napakunot naman ang noo ni Nikolas.

"Magpapalit lang ako ng damit"

"Doon ka sa palikuran!"

"Mababasa ang paa ko doon"

"Doon ka magpalit sa palikuran" giit pa ni Sirene, napahinga na lang ng malalim si Nikolas saka binitbit ang damit niya papunta sa palikuran pero bago niya isara ang pinto tinawag niya ulit si Sirene. "Kamahalan!"

Napalingon naman sa kaniya si Sirene na nakatingin sa bintana ngayon "Napakabastos mo talaga!" sigaw ni Sirene dahil biglang hinubad ni Nikolas ang kaniyang panatalon habang tumatawa-tawa pa sabay sarado ng pinto dahilan upang sa pinto tumama ang sapatos na binato sa kaniya ni Sirene.

Ilang sandali pa, nagtatakang napatingin si Nikolas sa paligid lalo na sa linya na nakaguhit sa sahig. "Hanggang dito lang ang teritoryo niyo" seryosong tugon ni Sirene sabay turo sa ginuhit niyang linya sa pagitan nila.

Hindi naman nakaimik si Batchoy na siyang nakasaksi sa pagguhit ni Sirene kanina ng linya mula sa gilid ng kama niya hanggang sa kabilang dulo ng dingding. "Ang sinumang lalagpas mula sa linya na ito ay siguradong malalagot sa akin" seryosong tugon ni Sirene habang nakaupo ng diretso sa kama.

Napakamot naman sa ulo si Nikolas, "Mahigpit din pala sa teritoryo ang mga isda" bulong ni Nikolas kay Batchoy pero agad silang napatigil nang magsalita muli ang dalaga.

"Narinig ko ang sinabi mo" seryosong tugon ni Sirene dahilan para biglang tumawa si Nikolas at Batchoy na parang walang nangyari.

"Parang gusto ko kumain ng isda mamaya" palusot ni Nikolas sabay akbay kay Batchoy "Huwag ka mag-alala kamahalan, hindi naman kami dito matutulog dahil magsasaya kami buong gabi habang ikaw ay maiiwan dito mag-isa at nagmumukmok sa apat na sulok ng silid na ito" pang-asar sa kaniya ni Nikolas at sumayaw-sayaw pa ito.

Agad naman siyang pinalakpakan ni Batchoy dahil hindi naman talaga maitatanggi na ang ganda ng bihis ngayon ni Nikolas. Animo'y isa siyang mayaman na señor. Dali-dali namang nagpalit ng damit si Batchoy at ngayon ay mukha na silang mayayamang personalidad.

"Magkita na lang tayo bukas kamahalan at hangad namin ang kaligayahan mo dito" tawa pa ni Nikolas habang nakaakbay kay Batchoy at pilit na winawasiwas sa ere ang hawak niyang tabacco.

"Saan kayo pupunta?" usisa ni Sirene, napatigil naman sa paglalakad papunta sa pinto si Nikolas at Batchoy sabay lingon sa kaniya. "Nais mo bang sumama kamahalan?" tanong ni Batchoy, magsasalita na sana si Sirene pero inuhan siya ni Nikolas.

"Imposible, hindi magugustuhan ng kamahalan ang pagaaliw nating mga tao" banat naman ni Nikolas, agad namang napatayo si Sirene at akmang magsasalita ulit pero inunahan na naman siya ni Nikolas.

"Bukod doon siguradong aawayin niya ang mga tao doon, baka pagbantaan niya pa ang mga buhay nito o kaya naman baka magutom siya at kainin ang mga---" hindi na natapos ni Nikolas ang sasabihin niya dahil biglang naglakad si Sirene papalapit sa kanila.

"S-sasama ako" tugon niya. Bigla namang napangisi si Nikolas at napapamewang pa.

"Bakit nais mong sumama kamahalan?" usisa pa nito, halatang nais lang niya asarin at inisin si SIrene.

"D-dahil nais kong makita kung paano kayo magsaya" sagot ni Sirene na ngayon ay hindi na makatingin ng diretso kay Nikolas. Agad namang tiningnan ni Nikolas ang linya na ginuhit ni Sirene kanina sa sahig.

"Akala ko ba bawal lumagpas sa teritoryo? Bakit sinuway niyo ang mismong utos na----"

"Ako lang ang maaaring sumuway sa utos" giit pa ni Sirene.

"Kung ganoon, hindi ka maaaring sumama sa amin kamahalan" giit naman ni Nikolas dahilan upang mapakunot ang noo ni Sirene habang si Batchoy naman ay nahihilo na sa paglingon-lingon sa kanilang dalawa.

"At bakit hindi ako maaaring sumama?" reklamo ni Sirene, hindi naman nagpatinag si Nikolas.

"Dahil ako lang ang maaaring magsabi kung pwede ba o hindi" banat ni Nikolas kung kaya't napapikit na lang sa inis si Sirene.

"Sige na nga, kalimutan na ang teritoryo at linya na 'yan" inis na tugon ni Sirene at dali-dali niyang binura ang ginuhit niyang linya sa sahig kanina. Palihim namang natawa si Nikolas at Batchoy dahil mukhang desperada si Sirene na sumama sa kanila.

"Ayan, nabura ko na" nagmamadaling tugon ni Sirene. Agad naman siyang nginitian ni Nikolas at Batchoy "Kung gayon, tara na!" ngiti nila at sabay-sabay silang nagsigawan papalabas ng silid na iyon.


Pagdating nila sa baba dire-diretsong nagtungo si Nikolas sa isang malaking pintuan sa gilid ng hagdan kung saan naroon ang isang malaking silid kung saan ginaganap ang mga sayawan, inuman at kantahan habang nasa pinakagitna ng entablado ay may grupo ng banda (orchestra) na tumutugtog ng mga nakakaindak na musika gamit ang kanilang mga saxophone.

May napakalaking chandelier na nakasabit sa gitna ng kisame na kung saan nagsisilbing liwanag sa buong paligid. Sa gitna ng entablado ay may isang lalaking nasa edad singkwenta na umaawit ng musika ng mga Amerikano habang ang dalawang babae naman na nasa likuran niya ay sumasayaw gamit ang kanilang indak ng kanilang mga paa habang winawagway sa ere ang mahahaba nilang palda.

Nagkalat din ang mga mesa at upuan sa gilid habang masayang nagtatawanan at nagkwekwentuhan ang ilan sa mga panauhin na karamihan ay mga Amerikanong sundalo at negosyante. Usok mula sa mga sigarilyo na kanilang hinihithit ang kumalat sa buong paligid habang sinasabayan iyon ng ilang mga bote ng alak na kanilang pinagsasaluhan.

Napatulala lang si Sirene habang iginagala niya ang kaniyang mga mata sa buong paligid. Hindi niya mapigilang mamangha at manibago sa mga pangyayari ngunit sa kabila nito ay unti-unting nagiging malinaw sa kaniya ang uri ng mundo na ginagalawan ng mga tao.

"Kamahalan" tawag ni Nikolas sa kaniya sabay abot ng isang baso ng red wine. Hindi niya namalayan na nasa likod lang pala niya ang binata at kanina pa siya nito pinagmamasdan. "Subukan mong tikman" patuloy pa ni Nikolas sabay ngiti. Agad namang napaiwas ng tingin sa kaniya si SIrene sabay kuha ng baso at inamoy niya muna ito.

"Iniisip mo siguro na isa iyang dugo no'?" bulong pa ni Nikolas sa kaniya, kailangan nilang mag-usap ng malapitan dahil napakalakas ng tugtugin at hiyawan sa loob ng silid na iyon.

"Ang tawag diyan ay alak----" hindi na natapos ni Nikolas ang sasabihin niya dahil nagsalita agad si Sirene.

"Alam ko" sagot nito.

"Akala mo naman lahat ng bagay dito sa mundo ay alam mo" tugon pa ni Nikolas na animo'y inaasar na naman ang dalaga. Magsasalita pa sana siya ngunit biglang tumugtog muli ang banda ng orchestra.

"Sayaw tayo" aya ni Batchoy sabay hila kay Nikolas, agad namang hinila ni Nikolas si Sirene na hindi na rin nakapalag dahil tila kusang sumunod ang mga paa niya sa paganyaya ng binata.

Isang nakakaindak na tugtugin ang naghari sa buong paligid kung saan ang lahat ng kababaihan at kalalakihan na nasa loob ay sabay-sabay nagtalunan habang umiikot-ikot ng mabilis at nagpapalitan ng kapareha.

Naghawak-hawak sila ng kamay habang lumulundag-lundag sa indak ng musika. Malalakas na tawanan at hiyawan ang maririnig sa bawat sulok ng silid. Halos lahat ay nakangiti at mababakas sa itsura ng bawat isa ang matinding saya.

Sa pagkakataong iyon, hindi namalayan ni Sirene na maging siya ay nakitawa sa kanila sa kauna-unahang beses. Ang indak ng musika, ang masayang paligid, ang sayawan at hiyawan na nagaganap habang hawak niya ang kamay ni Nikolas ay tila nagdudulot ng kiliti sa kaniyang buong katawan.


Ilang sandali pa, nang matapos na ang nakakaindak na musika ay sunod na tumugtog ang isang mabagal na awitin. Kasabay niyon ay isa-isang umupo ang ilan sa mga kalalakihan habang ang ibang may kapareha naman ay naiwan sa gitna ng sayawan.


Akmang aalis na rin sana si Sirene ngunit bigla siyang napatigil nang hindi bitawan ni Nikolas ang kaniyang mga kamay. "May isang bagay dito sa mundo ang alam kong hindi mo pa nalalaman at nararanasan" tugon ni Nikolas, tila nanigas naman si Sirene sa kaniyang kinatatayuan at napatulala na lang siya sa kamay niyang hawak-hawak pa rin ngayon ng binatang naghahatid ng kakaibang pakiramdam sa kaniya.


Kasabay ng pagngiti nito ay ang pagtama ng liwanag ng ilaw sa kanilang dalawa. Dahan-dahang humakbang si Nikolas papalapit sa kaniya habang nakatitig ito sa kaniyang mga mata. Nagulat siya nang biglang hinawakan nito ang kaniyang baywang at hindi niya namalayan na sumasabay na pala sila sa indak ng musika.


"Ito ang tanging bagay dito sa mundo na parehong nagbibigay ng pag-asa sa bawat puso ng tao. Alam mo ba kung ano iyon?" patuloy pa ni Nikolas, halos walang kurap namang nakatingin si Sirene ng diretso sa kaniyang mga mata. Ito ang kauna-unahang beses na may isang lalaking humawak sa kaniya ng ganoon at hindi niya mawari kung bakit hindi niya magawang makapalag ngayon.


"Ang tawag sa bagay na iyon ay... pag-ibig" wika pa ni Nikolas, habang sumasabay sila sa indak ng musika nagsimula na ring kumanta ang lalaking may bigote na nasa gitna ng entablado.


~Do I want to be with you
As the years come and go?
Only forever
If you care to know~


~Would I grant all your wishes
And be proud of the task
Only forever
If someone should ask~


~How long would it take me
To be near if you beckon?
Off hand I would figure
Less than a second~


~Do you think I'll remember
How you looked when you smile?
Only forever
That's puttin' it mild~


Halos hindi makapaniwala si Sirene dahil memoryado ni Nikolas ang liriko ng kantang iyon. At mas lalong hindi siya makapaniwala dahil tuwid na nakakapgsalita ng ingles si Nikolas habang sumasabay ito sa awit.


"Ang pamagat ng kantang iyan ay Only Forever" tugon ni Nikolas sabay ngiti. Agad namang napaiwas ng tingin si Sirene sa kaniya na ngayon ay hindi na mapakali dahil sa lakas ng pagpintig ng puso niya.


"Ang sabi sa kanta dapat lagi ka raw nakangiti, Do you think I'll remember how you looked when you smile? Only forever that's puttin' it mild" tugon pa ni Nikolas habang sumabasabay siya sa kanta.


Nang matapos ang awiting iyon, agad nagpalakpakan ang mga tao. Agad namang bumitiw si Sirene sa pagkakahawak ni Nikolas at dali-dali siyang naglakad papunta sa pintuan. Napahawak na lang siya sa kaniyang puso na ngayon ay hindi niya maintindihan kung bakit kumakabog ito ng malakas at tila pinagpapawisan siya ng malamig dahil sa kaba.


"Sirene" tawag pa ni Nikolas at agad siyang sinundan nito ngunit hindi niya ito nilingon. Ngunit bago siya makalabas ng pintuan bigla siyang napatigil at napatulala nang makita ang isang lalaki na hindi niya inaasahang muli niyang makikita sa pagkakataong ito.



Si Kenzou Hayashida.


*******************

Featured song

'Only Forever' by Bing Crosby


Note: Pakinggan niyo mga anak ang song na ito na narelease pa noong 1941 Omg nakakakilig haha! naiimagine ko yung dance scene ni Nikolas at Sirene habang sumasayaw sila kasabay ang awiting ito. Maraming Salamat mga anak <3

https://youtu.be/mNCt6hkCUic

"Only Forever" by Bing Crosby (1941)

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top