119

Send Answer, Lods!
(A simple phrase but our beginning.)

Ayoko pang mamamatay.

Gusto ko pa siyang makasama, pero sobrang imposible na.

Habang hinihintay kong malagutan ako ng hininga, pinikit ko ang mga mata ko at inalala ang pinaka-magandang nangyari sa buhay ko.

Siya...

“Cassandra Megumi Takahashi!”

Napahinto ako sa pagtulak kay Willie sa pilahan nang marinig ko ang pangalang iyon. Hindi ko alam kung bakit ako huminto. Hindi ko alam kung bakit ako agad na tumingin sa harapan. Hindi ko alam kung bakit agad siyang hinanap ng mga mata ko.

Pero hindi ako nagsisising tumingin sa kanya sa mga oras na iyon.

Ang ganda niya.

Ang maitim at mahaba niyang buhok ay malayang umaalon sa likod at kanang balikat niya. Parang papel ang  balat niya, maputi at makinis. Nasusugatan ba siya o nagkasugat ba siya? Parang sa tanang buhay niya hindi e. Sakto lang ang tangkad niya. Pero ang kapansin pansin talaga sa kanya ay ang mga mata niya. Singkit. Pero matalim kung tumingin parang may galit sa mundo.

Hindi rin siya ngumingiti.

Sino siya? Bakit ngayon ko lang siya nakita?

Gusto ko pa siyang makilala.

“Ang landi mo, Miggy!”

Rinig kong sigaw ni Artchilian sa bintana, matapos kong mag-volunteer na pumunta sa section A, para manghingi ng chalk kay Lola Paula. Siya kasi ang English teacher nila roon.

At section A si Cassandra.

Makikita ko siya.

Nakaka-excite!

Lumingon ako kay Art na nakangisi bago ko tinaas ang gitnang daliri ko sa kanya. Natawa si gago pero agad na napahinto nang marinig kong sigawan siya ni Sir Larry, ang Science teacher namin.

Isang classroom lang ang pagitan ng room namin sa section A kaya agad akong nakarating doon.

Maingay ang room nila nang tumapat ako sa pintuan. Wala si Lola. Si Cassandra ang nasa harapan at abalang nagsusulat sa black board. Nakatali ang buhok niya pero may ilang hibla na tumatakip sa mukha niya.

Pero kahit na gano’n, ang ganda pa rin niya.

“Ano ‘yon?”

Napatigil ako sa pagmamasid sa kanya nang biglang sumulpot ang isang kaklase nila sa harapan ko. Tumikhim ako bago nagsalita. “Pahingi raw ng chalk sabi ni Sir Larry.”

Lumingon ito sa kung nasaan si Cassandra. “CM, chalk daw!” sigaw niya at mukhang magkaibigan sila dahil hindi na lumingon si Cassandra nang hinagis niya ang chalk sa direksyon ng babaeng nasa harapan ko ngayon.

Napangisi pa siya dahil nasalo niya ang chalk. Maganda rin siya at ito ‘yung tipong ganda na gusto ni Art. Palihim akong napangisi siguradong pagnakita niya ang babae ay araw araw na siya rito.

Morena, matangkad, payat at may palabang mukha. Para siyang model pero palaging fierce ang pose.

“Hoy, Irish! Ibigay mo na ‘yang chalk! Naghihintay ‘yang lalaki!”

Biglang sigaw no’ng babaeng nasa likuran. Napairap si Irish bago inabot sa akin ang chalk.

“Ingay mo talaga Daisy!”

Sigaw niya habang naglalakad pabalik sa upuan niya. Sa huling pagkakataon tumingin ulit ako kay Cassandra bago tumalikod at bumalik na sa room.

Sa loob ng tatlong taon. Gano’n lang ang ginagawa ko. Pasimpleng sisilip sa room nila at titingnan siya. O kaya’y susulyapan siya tuwing flag ceremony, o di kaya ay tuwing uwian. Hihintayin ko siya sa gate ng school at kung kailan sasakay na siya sa jeep saka rin ako sasakay. Feeling ko hinahatid ko na rin siya pauwi.

Mukha akong tanga kasi kinikilig ako tuwing nangyayari ‘yon habang siya ay walang kamalay malay na kasama niya ako. Ni hindi niya nga ako kilala.

Natatakot... Nahihiya rin akong magpakilala. Hindi naman ako kagaya nina Art at Willie na kung may nagustuhan ay magpapakilala na agad.

Kahit sikat ang banda namin sa school wala pa rin akong tapang na magpakilala sa kanya.

Sa ngayon, sapat na sa aking pagmasdan siya mula sa malayo. Ihatid siya pauwi kahit hindi niya alam.

Minsan ko lang siyang nakitang tumawa. No’ng kasama niya ang mga kaibigan niya sa canteen. At tangina ikamamatay ko pa ata ang pagtawa niya.

Dinala ako noon ni Lola sa clinic dahil hindi ako makahinga ng maayos. Sa sobrang saya ko sumakit ang puso ko.

“Ano na naman ba kasing ginawa mo? ‘Di ba ang bilin ko sa ‘yo, huwag kang magpapagod, huwag matuwa ng husto, huwag masaktan ng husto, at huwag magpadala sa emosyon mo kasi sasakit talaga ‘yang puso mo!” sermon niya sa akin pero alam kong nag-aalala lang siya.

Ngumisi na lang ako habang nakahiga sa kama at may oxygen na nakasalpak sa ilong. “Sorry na, La...” malambing kong sabi.

Bata pa lang ako may sakit na ako sa puso pero syempre hindi ko pinapahalata. Ayokong ituring akong iba. Gusto kong mamuhay ng normal kagaya ng iba.

Malayo naman ‘to sa bituka.

Tanga, Miggy syempre puso ‘yan, malayo nga talaga.

'Arat inom!'

Pagkabasa ko pa lang sa chat ni Willie ay agad na akong nagpaalam kay Lola na pupunta sa bahay nila Willie pero syempre hindi ko sasabihing mag-iinom kami.

Halos isang taon na simula no’ng mag-lock down dahil sa COVID 19. Dahil sa virus na ‘yan nagbago bigla ang takbo ng mundo. Wala ng face to face. Modular at online learning na ngayon ang bagong sistema ng pag-aaral.

Ang dating mukha ng maasim mong kaklase ang palagi mong kaharap, ngayon ay puro bond paper na.

Mga bond paper na kung tawagin ay module. Module na naiwan sa bahay dahil pinili kong mag-inom at hindi tapusin kahit na pasahan na bukas.

Tapos na ang masasayang oras.

Heto ako sa harapan ng modules ko. Lasing at hindi maintindihan ang math.

Ampota, panibagong dagdag na naman ng modules bukas.

Bakit ba kasi ako pumayag na mag-inom?

Inabot ko ang cellphone ko at naghanap ng kung sino man ang online sa oras na ‘to. Four o’clock na kaya konti na lang ang active.

Napangiti ako nang makita ang pangalan ni Willie.

'Send answer lodssss'

'Tangina hirap na hirap na ako sa math😭 arithmetic arithmetic pa siyng nalalmn'

'Kung sya mathematics aq mamaMATHay naaaaaa'

'Lodsdffss'

'Answer na pleasererrrrree'

'Nilansing m kong yawa ka panagutan mo qqqqqq psahan na bkas have mercyy😭'

“Tangina, ba’t ang tagal mong magreply?” inaantok kong bulong nang makalipas ang ilang minuto wala pa rin akong nakukuhang reply. Hindi ko na namalayang nakatulog na ako.

At pagkagising ko. Iyon na pala ang simula ng pagbabago ng boring kong mundo.

Si Cassandra pala ang na-chat ko!

Ang bilis ng mga pangyayari tuwing kausap ko siya.

Hanggang ngayon ramdam ko pa rin ang kaba na naramdaman ko noong tinanong niya ako kung gusto ko ba siya.

The chance was already chasing me, so why not give it a shot?

At hindi ako nagsisising umamin sa kanya.

Bawat oras at araw na kausap ko siya para akong lumulutang.

Kahit pagod na ako sa paulit ulit na trabaho ko rito sa bahay tuwing kausap ko siya nawawala lahat ng pagod.

Tuwing pasuko na ako, naalala ko siya  at doon ako nagkakaroon ng lakas ng loob na magpatuloy.

At nang malaman kong sinasaktan siya ng nanay niya. Sobrang pag-aalala ang bumalot sa sistema ko. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Namalayan ko nalang na tumutugtog ako ng gitara habang kumakanta. Kinakantahan siya.

Salamat sa Diyos dahil nakatulong ako sa kanya. Naligtas ko siya.

Ang dating akala kong hindi nasusugatan na babae ay grabe pala ang mga sugat na natatamo sa loob ng bahay nila mismo. Mga sugat mula sa nanay niya.

Magmula sa araw na ‘yon nangako na ako sa sarili ko na hinding hindi ko siya pababayaan. Na iingatan ko siya. Na hinding hindi ko na siya hahayaan pang masugatan.

Pero hindi ko inaasahang sa unang beses naming pagkikita na kilala niya ako ay sobra akong mapapahiya.

Lintek, bakit ba kasi ako nawalan ng balanse?

Damang dama ko ang init ng pisngi ko habang nakadapa sa harapan ni Cassandra. Hindi ko alam kung sa hiya o kilig. Ang ganda niya.

Pero dagdagan pa natin ang kahihiyan ko. Nag-bow lang naman ako at sinabi ang, “Sorry po.” Pumiyok pa si gago. Sa mga oras na ‘to pakiramdam ko iniwan na ako ng kaluluwa ko.

Hindi ako makatingin sa kanya. Hiyang hiya ako.

Pero naramdaman kong umupo siya sa harapan ko. “Hey, stop apologizing wala kang kasalanan,” malumanay niyang sabi parang boses ng angel.

Ramdam ko ang pagbilis ng tibok ng puso ko.

“Get up there, it's dirty...” sabi pa niya.

Awtomatiko akong napatayo at napakaripas ng takbo papasok sa clinic. Hiyang hiya ako.

Pero lahat ng hiya ko nawala nang maalala ko ang sakit ko. May sakit ako sa puso kaya hindi ako pwedeng bakunahan.

Kaya galit na galit sa akin si Lola nang malaman niyang nilulutuan ko si Cassandra ng pagkain at dinadala iyon sa hospital.

Nag-positive siya sa covid.

Sobra akong nag-aalala at nagpanic nang gabing sabihin niya iyon sa akin, pero hindi ko pinahalata sa kanya kasi alam kong kailangan niya ng mas matibay na masasandalan. Kailangan kong magpakatatag para may masandalan at makapitan siya.

“Miggy naman! Gusto mo na ba talagang mamatay?! Wala ka na ngang bakuna! Mahina pa ‘yang puso mo! Tapos susugod sugod ka riyan sa hospital! Magtigil ka! Hayaan mo si Cassandra, gagaling din siya!”

Tumigil ako sa paglalagay ng tupperware sa bag at hinarap si Lola. Hinawakan ko ang magkabilang balikat niya para kumalma siya.

“La... nag-iingat naman po ako. Hindi po ako mamamatay, okay? La, walang magulang si Cassandra ngayon. Ako lang ang nakakaalam na may covid siya. La, kailangan po ako ngayon ni Cassandra at nangako ako sa sarili kong aalagaan ko siya at hindi papabayaan. La kailangan niya ng makakapitan ngayon. Hayaan niyo na po ako... please?” kalmadong saad ko.

Pilit pinapaintindi kay Lola na kailangan kong gawin ito.

Sa wakas ay lumambot ang ekspresyon ng mukha ni Lola. Bumuntong hininga siya at saka ako niyakap nang mahigpit.

“Proud na proud talaga ako sa ‘yo, apo. Mag-iingat ka ha? At pag-gumaling na si Cassandra ipakilala mo siya sa amin, okay?”

“Opo La, salamat...”

Napakahirap ng mga araw na ‘yon pero nagpapasalamat ako sa Diyos dahil nalampasan namin iyon.

We just kept swimming.

And that time I realized that Cassandra is like a song notes. Difficult to read yet beautiful.

At sa oras matutunan mong basahin ang bawat nota at matutunang awitin ito. Hinding hindi ka na makakaahon pa. Siya ‘yong musikang hindi ka magsasawang ulit uliting awitin. Siya ‘yong musikang nailalabas mo lahat ng emosyon mo. Siya ‘yong musikang mararamdaman mong kamahal mahal ka. Siya ‘yong musikang ayokong umahon pa mula sa pagkakalunod.

Siya ang pinakapaboritong musika ko.

At wala nang mas sasaya pa no’ng araw na binigay niya sa akin ang matamis niyang oo.

At tama nga sila. Tuwing masaya ka bumibilis ang takbo ng oras. Hindi mo namamalayan ang paglipas ng panahon.

“Miggy...” malambing na tawag niya sa akin.

Ultimo pagbanggit niya sa pangalan ko kinikilig ako. Malala na talaga ‘to.

“Yes, bebe?”

Nanlaki ang mga mata ko. Huminto ang pagtibok ng puso ko bago ito tumibok ng napakabilis na parang lalabas na sa loob ng dibdib ko. Eksaktong paglingon ko sa direksyon niya ay ang malambot niyang labi ang sumalubong sa akin.

Nakapikit siya habang nakalapat pa rin ang labi niya sa akin. Ilang segundo pa bago ako nakagalaw at marahang hinawakan ang malambot niyang pisngi at ang isa ay sa batok niya. Pinikit ko rin ang mata ko. Bago ko nilaliman ang halik sa kanya hanggang sa hindi na kami makahinga pa.

“Happy birthday...” bulong ko habang nakalapat ang noo ko sa kanya. Pareho kaming naghahabol ng hininga.

Nagtama ang mata namin at kasabay ng pagngiti ng labi niya ay ang pagkislap ng mata niya.

Hindi ko na alam kung ano ba talaga sa kanila ang dagat. Kung ang kaharap ba namin o siya. Kasi nalulunod na naman ako. Hindi ko alam na posible pa palang malunod kahit lunod na lunod na ako.

Dalawang buwan.

Puno ng takot at kaba.

Miss ko na siya.

Nag-gi-guilty na ako sa ginagawa kong pagsisinungaling sa kanya. Wala ako sa probinsya. Nasa ospital ako rito sa Manila.

Akala ko okay na ako matapos kong ma-ospital no’ng February, pero hindi pala. Mas lalong lumala. Madalas na akong hindi makahinga at madalas ring sumasakit ang puso ko.

Ayokong sabihin sa kanya.

Ayokong mag-alala siya sa akin.

Gagaling naman ako.

Gagaling din ako.

Wala pa silang nahahanap na donor. At ramdam kong malapit nang magwakas ang kwento ko rito sa mundo.

“Tito...” pagtawa ko kay Tito James. Siya ang nagbabantay sa akin simula no’ng lumala ang sakit ko.

Tumingin sa akin si Tito ay buong atensyong naghihintay sa sasabihin ko.

“Uwi na tayo... Gusto ko nang umuwi...”

Umiling siya. “Pero hindi ka pa magaling.”

Mapakla akong natawa. “Hindi naman na ako gagaling pa, hayaan niyo nalang po akong umuwi. Miss ko na siya Tito... Gusto ko na siyang makasama.”

Ilang minuto pa kaming nagtalo pero sa huli, ako ang panalo.

Simula no’ng umuwi ako wala akong sinayang na oras. Lahat ng iyon inubos ko kasama siya. Kasi ramdam ko na. Ito na ang huli.

Kaya lahat ginagawa ko makita ko lang ang mga ngiti at marinig ang mga tawa niya.

“Miggy! Panalo ako!” masayang sabi niya habang naglalaro kami sa arcade.

Tumatawa siyang pinakita sa akin ang puting teddy bear. Hindi ko maiwasang matulala na lang sa mukha niya.

Paano na lang kung mawala ako.

Ngingiti pa kaya siya nang ganyan kaganda?

Sana, oo.

Sana kahit na wala na ako, ngingiti at tatawa pa rin siya ng kagaya ngayon.

She deserves that.

She deserves all the good things.

“Ang galing naman ng bebe ko!” pinasigla ko ang boses ko bago marahang kinurot ang tungki ng ilong niya.

“Ako pa! Ikaw try mo rin dali!”

Agad niya akong hinila papunta sa kung saan siya nanalo.

“Sa tingin mo magugustuhan ‘to ni Hayi?” tanong niya. Napatingin ako sa kanya. Akala ko sa kanya ‘yan pero ang kapatid ko pala ang iniisip niya.

Mahal na mahal niya talaga ang kapatid ko at isa iyon sa nagustuhan ko sa kanya.

Ngumiti ako. “Oo naman, pero mas maganda kung huwag mo na lang siyang bigyan,” pagbibiro ko.

Agad niya akong hinampas sa braso. “You’re bad.”

Natawa ako. “Syempre joke lang, pero dapat barney sana ang ibigay mo sa kanya. Tatay niya ‘yon e.”

Malakas siyang natawa. “Adik ka talaga kay barney.”

“‘Di ah,” sabi ko sa gitna ng pagtawa.

Sana tumigil na lang ang oras.

Sana rito na lang kami. Masaya. Walang problemang iniisip.

Pero syempre hindi pwede. Tao lang naman tayo, sumasabay sa ikot ng mundo at takbo oras.

“Are you okay? Ang putla mo,” nag-aalalang tanong niya sa akin.

Tapos na ang recognition. Kasama niya ang mama niya kanina at sa tingin ko magkakaayos na sila, malapit na. Hinalikan ko pa siya sa harap ng mga kaibigan namin at ng mama niya, wala... gusto ko lang na maalala nila na minsang naging kami. Na si Cassandra ay minahal ni Hekamiah.

Ang paboritong tawag niya sa akin. Sabi niya mas bagay daw sa akin, kaya Hekamiah pa rin ang tawag niya, minsan lang ang Miggy.

Ramdam ko na. Malapit na akong mamatay. Hindi na ako makahinga ng maayos pero pinipilit ko. Kasi gusto ko pa siyang makasama.

Kahit sampung minuto pa.

Hinigpitan ko ang pagkakahawak sa kamay niya.

“Oo naman,” sabi ko nang humarap ako sa kanya at ngumiti. “Mangako ka sa akin...”

Kumunot ang noo niya. “Saan?”

“Na hinding hindi mo sasaktan ang sarili mo kahit na anong mangyari. At magiging masaya ka,” marahang sabi ko habang nilalagay sa likod ng tainga niya ang ilang hibla ng buhok niya.

Tumango siya bago ngumiti. “Promise...”

Marahan akong ngumiti kasabay ng paghahabol ko sa aking paghinga. Panatag na ako. Magiging okay din siya.

Sorry, Cassandra.

Sorry kung iiwan na kita.

I’m sorry.

“I love you...”

Namula agad ang pisngi niya. “I love you, too...”

Senyales na iyon para bitawan siya. Kasi kung hindi baka hindi ko na gugustuhin pang bitawan siya. Tinawag niya ako pero hindi ako lumingon. Tumakbo lang ako nang tumakbo hanggang sa makasakay ako sa taxi.

Mabilis ang pangyayari.

Heto na ako ngayon sa ospital, nakahiga. Naghihintay na mamatay kasi alam ko namang wala akong donor. At walang gugustuhing mag-donate ng puso nila.

“Miggy...” tawag ni Tito.

Minulat ko ang mga mata ko kasabay ng paglaho ng mukha ni Cassandra sa isip ko.

Hirap pa rin akong huminga kahit na may oxygen sa ilong ko. Ang sakit sakit ng puso ko. Ni-daliri hindi ko na maiangat. Hinang hina na ako.

“Tito...” bulong ko.

Nilapit niya ang tainga niya sa bibig ko. “Paki-hanap po ang papa ni... Cassandra... A-Alam kong kilala niyo siya...” halos limang minuto bago ko natapos ang pangungusap na iyan.

“Paki-sabing... kailangan siya ng anak niya... Kailang siya ni Cassandra. Paki-sabing umuwi na... s-siya at magpakatatay sa anak niya.”

Pumikit na ako. “P-Paki-sabi rin kay CM... na...”

Ang sakit ng puso ko.

Hindi ko na kaya.

“Na mahal na... mahal ko siya... at p-pakisabi kila... Lola, patay na ako...”

Puno ng takot ang mukha ni Tito habang umiiling.

Tumulo ang luha ko. “Pakisabi na po ngayon... please...”

“Miggy...”

Nagtalo pa kami pero ako pa rin ang panalo.

Narinig kong tinawagan niya sina Lola. Sinabi niyang patay na ako.

Mangyayari rin naman ngayon.

Tuluyan nang pumikit ang mga mata ko sa huling pagkakataon.

.

.

.

.

.

.

.

.

“Hekamiah...”

“Cassandra!”

Puting kisame ang bumungad sa akin nang imulat ko ang mga mata ko. Teka?

Buhay ako?

Paano?

“Miggy, ligtas ka. May donor na dumating matapos ka nilang i-revive...” sabi ni Tito James matapos umalis ng doctor.

Nalaman kong nasa Seattle na pala kami at dito ako dinala matapos akong na-opera sa Pilipinas. Dalawang linggo na rin akong walang malay.

Sa sobrang lungkot nina Lola hindi na nila nasabi sa mga kaibigan ko at kay Cassandra na buhay pa ako. Lahat sila ang alam ay patay na ako.

Masyado pa akong mahina para kumilos.

At siguro makakabuti na rin sa lahat na alam nilang wala na ako. Masyado ko nang nagulo ang buhay nila at ngayong inaayos na nila ayoko nang guluhin pang muli.

Hindi ngayon pero sana balang araw.

Sa tamang panahon.

Sa ngayon, sarili muna namin ang aayusin namin at uunahin namin. 

Pero babalikan ko siya. Babalik ako Cassandra... at hindi na muli kitang iiwan. Sana... Ako pa rin. Sana... Tayo pa rin. 

Mahal kita.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top