Chapter 37: Found it
Tahimik na binaybay ni Ms. Garcia kasama ang kaniyang estudyanteng si Shilloh ang kahabaan ng pasilyo. Kanina pa sila nakalabas sa controlled room nang walang kahit anong bitbit na armas dala ng kanilang labis na pagmamadali. Naimapa na ng guro kung saan sila dadaan at kung walang palyang mangyayari ay mararating nila ang kinaroroonan ng mga sundalo na may kalayuan din ang pwesto mula sa gusaling kinalalagyan nila ngayon.
Akay-akay ng maestra ang kaniyang estudyante at minu-minuto niya rin itong sinusulyapan para tignan ang kalagayan nito. Aminado siya na labis na ngang nanghihina ang katawan ng kasama ngunit sa kagustuhan niyang mailabas ang bata sa eskwelahan ay susugal siya kahit wala pang kasiguraduhan.
"Kapit ka lang, Shell," pampalubag-loob niya saka hinigpitan ang pagkakakapit sa dalaga nang sagayon ay hindi ito bumagsak. Pasarampay na rin si Shilloh kung maglakad kaya bahagyang nahihirapan si Blaire na alalayan siya.
"We still have to cross two more buildings before we could reach the hall. Kaunting tiis na lang, nak. Malapit-lapit na tayo," pabulong niyang sabi bago idinikit ang sarili sa pader nang sagayon ay masilip niya muna ang panibagong corridor na dadaanan nila. Gusto niyang makasigurado kung may zombies bang palakad-lakad sa paligid para mabigyan pa sila ng tyansa na makapagbago ng ruta.
Hindi mapigilan ni Shilloh ang magnakaw ng tingin sa katabi. Kung tutuusin ay pwedeng-pwede siya nitong iwang mag-isa rito lalo na't sa ganitong uri ng sitwasyon, pinapairal na ng mga tao ang pagiging makasarili. Ngunit siyang tunay ngang iba sa lahat ang kaniyang guro dahil sa kabila ng kaniyang pagiging salbahing tao, pinili pa rin nitong tulungan siya.
"Why?" mahinang tanong ng dalaga nang hindi man lang inaalis ang dalawang mata sa kasama. "Why are you doing all of this?"
"Why do you need to protect someone like me?" dagdag niya pa habang binibigyan pa rin ng nagtatanong na tingin ang katabi. "What's the point of sacrificing yourself just to keep a mischievous person like me safe?"
Ilang beses mang isipin ni Shilloh ang mga sagot mula sa nabubuo niyang mga katanungan ngunit kahit isa ay wala siyang sagot na nakuha.
Sa tinagal-tagal niyang namuhay rito sa mundo ay nananatili pa ring misteryo para sa kaniya ang iilang mga bagay na taliwas sa paniniwala niya pero kadalasan namang ginagawa ng iba. Marami siyang mga napapansing gawi na hindi niya maintindihan kung bakit ba iyon naging tama. Isa na rito ang pinapakitang tulong ng maestra sa kaniya kahit na alam niya sa sarili niyang hindi siya karapatdapat pang gawaran ng kahit katiting na kabaitan.
"Hindi ko deserve 'to. Hindi ko deserve lahat ng efforts na binibigay mo sa'kin, Ms. Garcia."
Nabalik lamang siya sa reyalidad nang bigla siya nitong ibinaba sa sahig. Tarantang napasandal sa gawing gilid ang maestra at mahahalata sa mukha nito ang matinding pagkabalisa. Nag-aalala siya nitong binalingan ng tingin bago sumenyas sa kaniya tanda ng pagbibigay alarma na huwag siyang gagawa ng ingay. Nahihilo man pero hinayaan ni Shilloh na ramdamin ang paligid, sunod na lang niyang narinig ang mga hindi kaaya-ayang tunog na nagmumula sa mga zombie. Sa dami ng narinig niya ay halatang hindi sila makakaligtas sa oras na mapansin sila nito. Idagdag pa ang kasalukuyan niyang estado na tiyak na makakapagpabagal sa kanilang pag-usad.
"We have to find an alternative route. Hindi natin sila kayang lampasan," bulong ng kasama sa kaniya na lihim niya na lang din na sinang-ayunan. Akmang itatayo na siya nito pero bigla na lang silang nakarinig ng isang napakalakas na pagsabog na nagmumula sa gawing likuran. Ramdam din nila ang mahinang pagyanig na para bang may kung anong bagay na bumagsak sa lupa. Iyon din ang naging rason kung bakit kaagad na nagsialisan ang mga zombies para sundan ang pinagmumulan ng ingay na iyon.
"A-Ano iyon?" Gulat na tanong ng guro na halatang wala rin itong kaalam-alam kung ano nga ba ang tunay na nangyari sa likod ng pagsabog na iyon. "Are they trying to wipe out our school? Diyos ko, sana okay lang ang lagay nila Yohan."
Miski si Shilloh ay walang malinaw na teorya sa kung saan nagmumula iyon ngunit hindi niya maiwasang mapaisip kung may kinalaman nga ba ang mga kaklase sa pangyayaring 'to. Magmula no'ng umiba siya ng landas ay tanging sa CCTV monitors niya na lang nababantayan ang kilos ng mga dating kasama ngunit hindi pa rin iyon nagiging sapat para mabasa niya ang mga planong nais nilang gawin.
"Let's grab this chance to escape. Tara na," aya ni Blaire sa kaniya. Maingat ulit siyang inalalayan nito para makatayo saka dahan-dahang inakay para makapagsimula sila muli sa paglalakad.
Muli silang nag-umpisa sa pagtahak ng madulas na koridor. Bahagya ring naniningkit ang mata ng guro dahil hindi siya makaaninag nang maayos dulot ng nagpapatay-sinding mga ilaw. May mga bangkay silang nadaanan ngunit hindi nga lang siya sigurado kung buhay pa ba iyon o hindi na.
Saktong pagdating nila sa dulo ay nakalabas sila ng building at sumalubong sa kanila ang pathway na nakapwesto sa bandang gilid ng quadrangle. Sandali pang pinalandas ng maestra ang kaniyang tingin sa paligid para matignan kung ligtas bang dumaan dito o hindi. May naaaninag siyang pigura ng tao pero hindi nga lang siya sigurado kung zombie ba ang mga iyon o sundalo at dahil nga sa hindi na abot ng ilaw ang pwestong iyon ay hindi niya talaga ito klarong natignan.
"Ito na ang pinakahuling pathway na dadaanan natin, nak," imporma niya sa dalaga bago ito nilingon. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay bigla na lamang naramdaman ng guro ang tila ba pagbigat ng katawan ng kaniyang estudyante na para bang nawalan na ito ng lakas para suportahan ang sarili. Gulat niya itong tinignan rason kung bakit muli silang huminto.
"Shilloh?" tawag ng maestra kay Shilloh saka niya ito tinapik-tapik nang makailang ulit. Nakapikit na ang mga mata ng dalaga at hindi rin nakatakas sa kaniyang pakiramdam ang paunti-unti nitong paglamig.
"Nak, gumising ka. Malapit na tayo sa hall kaya please, huwag ka na munang pumikit." Muli niya itong sinubukang gisingin pero tila ba umabot na nga sa dulo ang kapasidad ng lakas nito kaya hindi na ito nagdilat ng mata. Dinudunggol na ng kaba ang maestra bunga ng kaniyang mga negatibong ideya na pilit na pumapasok sa kalmado niyang isipan. Ayaw niya sanang pangunahan ng emosyon at mas lalong ayaw niyang lamunin siya ng nakakakilabot na katotohanan. Ngunit tila ayaw siyang tantanan ng katotohanan dahil kahit ano mang pilit niyang pagpapakatatag ay sinisira talaga ng kapalaran ang kaniyang pag-asa. Lakas-loob siyang lumunok bago inihiga ang katawan ni Shilloh sa sementadong sahig para makapa niya nang maayos ang pulso nito.
"Come on, Shell. Open your eyes!" Hindi na niya nga napigilan pa ang sarili na mapasigaw. Kahit pa nagagawa niya pang maramdaman ang pulso ng kasama ay hindi niya pa rin maiwasang mabahala. Ginawa na niya ang mga bagay na kaya niyang ibigay para lang masiguro itong buhay. Kumakapit na siya ngayon sa isang pag-asa na walang kasiguraduhan kung mangyayari ba o hindi. Sa hindi mabilang na pagkakataon ay muling sinubok ng kapalaran ang kaniyang kakayahan at aminado ang maestra na mas naiipit siyang lalo. Gusto niyang makauwi, gustong-gusto niya na ring makalabas at magawang makaligtas. Ngunit kinakailangan din siya ng kaniyang estudyante, sa puntong ito ay kailangan na kailangan siya ni Shilloh. Sa halip na iwang mag-isa ang dalaga rito ay mas nanaig ang kaniyang pagiging isang ina kaya kahit nahihirapan din siya sa kanilang sitwasyon ay pinili niya pa rin itong isama.
Sa puntong 'to, napagtanto na nga nang tuluyan ni Shilloh na ilang minuto na lang ay babawian na talaga siya ng buhay. Sa sinapit ng katawan niya ay napakaimposible na ngang isipin na tatagal pa siya. Ngunit kahit nawalan na ng lakas ang dalaga para makakilos, nanatili pa ring buhay ang kaniyang pakiramdam. Naririnig niya ang mahinang paghikbi ng kaniyang guro at ang paulit-ulit nitong pagtawag sa kaniyang pangalan. Ramdam niya rin ang mainit nitong paghaplos na siyang nagpapaalala sa kaniya kung gaano kasarap ang haplos ng isang ina.
Ilang saglit pa ay naramdaman niya na lang na humigpit ang pagkakahawak ng maestra sa kaniya hanggang sa muli siya nitong kinarga.
"In my entire existence, I didn't experience having someone whom I could rely on. Not until Ms. Garcia came to my life..." mahina niyang bulong sa sarili saka inabala ang kaniyang isip sa paggugunita ng mga ala-alang ni minsan ay hindi niya inakala na magkakaroon pala ng malaking parte sa puso niya. "She's the first person that never failed to make me feel comfortable. A type of person that anyone would wish to have."
"I didn't expect that I am going to feel the sense of love in my remaining minutes of my life," dagdag niya pa. Sa hindi malamang dahilan ay unti-unting gumagaan ang kaniyang loob at ni kahit katiting na sakit, galit o kahit ano mang klaseng negatibong emosyon ay hindi na niya naramdaman pa. Tila ba nakawala na ang kaniyang sarili mula sa isang mapait na hawla na kay tagal din siyang ikinulong at inalipin. "Hindi ako nag-expect na mafi-feel ko pa iyong peace na sinasabi ng iba sa kahuli-hulihang sandali ng buhay ko."
"Thank you so much for this, Ms. Blaire Garcia."
Nang tuluyang marating ng guro ang pinakahuling daan na tinahak nila patungong hall ay doon niya na nahagilap ang napakaraming flashlight na naglilibot sa buong lugar. Madilim ang nilalakad nila ngayon kaya hindi sila kaagad napansin ng mga nandito. Dulot din ng kaniyang labis na panghihina dahil sa mahigit dalawang linggo niyang walang matinong kain at tulog ay hindi na talaga nakaya pa ng katawan niya ang suportahan ang dalagang hawak. Bumagsak silang dalawa sa sahig na siyang naging mitsa kung bakit sabay-sabay na naitutok sa pwesto nila ang lahat ng ilaw.
"There are survivors coming in our way," untag ng Captain bago nilingon ang isa niyang miyembro.
"Do you want me to check it, Alpha?" tanong ng kaniyang kasama na siyang agaran niya ring tinanguan.
"I am giving you my permission, Serpent," sambit nito na mabilis namang sinunod ng lalaki. Kaagad itong lumapit sa madilim na pwesto bitbit ang kaniyang baril na may nakakabit na flashlight sa gawing ibabaw. Nauna niyang inilawan ang nakahigang estudyante sa gawing binti ng maestra. Ilang segundo niya ring itinutok ang flashlight dito nang sagayon ay usisahin ang lagay ng estudyante. Hindi niya maiwasang maalerto lalo na at maputla ang balat nito, idagdag pa na maraming bahid ng dugo ang suot nitong puting blusa. Nang makitang gumalaw pa ito ay doon niya na nga nakumpirmang buhay pa ang bata.
"Hands on your head," utos ni Serpent sa guro na wala na ngang nagawa pa kundi ang bitawan ang pagkakahawak kay Shilloh para sumunod. Hindi siya gumalaw at hinayaan lang ang sundalo na itapat ang infrared thermometer sa kaniyang mismong noo.
"37.5° Celsius detected," sambit ng automated voice matapos makalkula ang temperatura ng guro. Nang masigurong ligtas ang lagay ng maestra ay doon pa ito inalalayan ng lalaki.
"33.6° Celsius detected." Nang marinig ang sagot ng robotic voice ay doon pa naalerto ang sundalo. Sa dinami-rami niyang nakuhanan ng temperatura ay hindi na bago pa sa kaniya ang ganito kababa kaya hindi na siya nagdalawang-isip pa at mabilis na tinutukan ng baril ang dalagang nakahiga pa rin sa semento.
"She's not infected, Sir!" sabat ni Blaire at doon minadaling sinapupo ang katawan ng estudyante. "Walang bitten marks sa katawan niya at puro normal na sugat lang kaya nakakasigurado ako na hindi siya nahawaan."
"We are just following our protocol, Ma'am. Wala akong nakikitang mali sa result na nilabas ng infrared thermometer kaya pasensya na kung—"
"She dropped her temperature because she's in the verge of dying!" sigaw ng maestra. "Hindi mo ba nakikita, Sir? Mamamatay ang bata sa oras na hindi siya maagapan. So please, bring the kid with you and rush her to any available hospital in the city. Tulungan mo akong madugtungan ang buhay ng estudyante ko!"
Hindi na inalintana pa ng guro kung halos lumuhod na siya sa harap ng lalaki para lang pakiusapan itong salbahin si Shilloh. Handa siyang tiisin na manatili sa school mabigyan lang ng paunang lunas ang dalaga.
"Medic! Medic! Medic!" Nang hindi na nga nakatiis pa si Serpent ay mabilis niyang inikot-ikot ang flashlight para kuhanin ang atensyon ng mga kasama. Kaagad din namang nakakilos ang team at kinuha ang stretcher bago lumapit sa pwesto nila.
Saktong pag-alalay ng mga sundalo sa katawan ni Shilloh ay ang siya ring pagsulpot ng isang zombie mula sa kung saan at nasakmal nito ang leeg ng maestra. Mabilis na naitulak ng guro papalayo ang katawan ng dalaga sa kagustuhang hindi ito matipuhan ng halimaw. Ilang saglit pa ay umalingawngaw ang putok ng baril dito sa hall na nagmumula sa high-powered riffle ng kapitan ng Black Mamba. Kasabay ng pagtama ng bala sa noo ng halimaw ay ang siyang paghandusay ng zombie sa sahig.
Nanginginig na kinapa ni Blaire ang gilid ng kaniyang leeg. Rumaragasa na mula sa kaniyang malalim na sugat ang malapot na pulang likido na nagmumula sa kaniyang katawan. Halos mablangko ang kaniyang utak nang mapagtanto niya kung ano na ang susunod na mangyayari sa kaniya. Dahan-dahang iniangat ng maestra ang kaniyang tingin sa mga sundalong hindi rin nagdalawang-isip na iangat ang kani-kanilang mga baril at itinutok iyon diretso sa pwesto niya.
"K-Kayo na lang ang pinakahuling mga tao na malalapitan ko. T-tulungan niyo siyang maka-recover, p-please let my Shilloh survive." Matapos niyang ihabilin iyon ay hindi nakatakas sa kaniyang namumulang mata ang dahan-dahang paglingon ng dalaga sa pwesto niya.
Nahihirapan man si Shilloh sa kaniyang kalagayan ngunit nagawa pa rin nitong idilat ang kaniyang mata sa kagustuhang makita kung ano ba ang ibig sabihin ng kaniyang mga narinig.
"T-This would be my last time to see you breathing, Shell..." mapakla siyang ngumiti bago napasinghap nang bigla na lamang hindi naging normal ang kaniyang paghinga. Tila ba may kung anong pakiramdam na umuusbong sa kaniyang loob na siyang nagdudulot din kung bakit nagsimulang gumalaw nang tila wala sa kontrol ang kaniyang mga boto. "P-Promise me that you're not going to walk the same path for the next time, okay? L-Let your heart hewed you into a new version of y-yourself. A version of you that I haven't seen b-before." Sa huling bilin niya ay doon na gumapang nang tuluyan ang napakaraming itim na ugat sa leeg ng maestra. Kumalat iyon nang kumalat sa kaniyang buong katawan hanggang sa gumapang na nga ang mga iyon papunta sa kaniyang mukha.
Kitang-kita ni Shilloh kung paano bawiin ng kapalaran ang buhay ng kaniyang guro at sa isang iglap lang ay tuluyan na nga itong nawala sa kaniya. Mula sa mga mata nitong kanina lang ay kababakasan pa ng labis na pagmamahal, sakit at pag-asa, ngayon ay nanlilisik na ito at hindi na nga siya nakikilala pa. Bagay na siyang dahilan kung bakit kumawala ang luhang kanina niya pa pinipigilan.
"Shoot her," utos ng Captain na siyang nagpaalerto kay Shilloh. Sabay-sabay na ikinasa ng mga nandito ang mga hawak nilang de-kalibring mga baril at nang akmang kakalabitin na nila ang gatilyo ay doon na kumawala ang dalaga mula sa pagkakahawak ng isang sundalo at mabilisang humakbang para humarang sa guro.
Saktong pagputok ng baril ay ang siyang pagtayo ng dalaga sa gawing harapan ng maestra nang sagayon ay magawa niyang masalo ang mga bala. Ramdam niya kung paano bumaon sa kaniyang katawan ang napakaraming bala at may iilan din ditong tumagos sa kaniya at diretsong tumama kay Blaire.
Sa kabila ng kaniyang malagim na sinapit ay hindi man lang nagawa ni Shilloh na dumaing. Sa tinamo niyang humigit sa limang tama ay hindi man lang nito nagawang tumbasan ang sakit na nagkukubli sa kaniyang puso. Ang sakit na siyang nanunuot sa kaniyang kalamnan nang makita kung paano bumagsak ang guro sa kaniyang mismong harapan. Paunti-unting nanlulumo ang kaniyang tuhod at miski ang mga binti niya ay gustong-gusto na rin na bumigay. Hindi na nga nagmatigas pa ang dalaga bagkus ay hinayaan niya na lamang na matumba ang kaniyang katawan sa napakatigas na daanan.
"So this is how it feels when you protect someone closer to you..." panimula niya bago umubo. "I am so sorry if I let my hardheaded side conquer myself again. Gusto ko lang talagang tignan kung ano ba ang mangyayari the moment na pagsasabayin ko iyong pagiging ako at iyong pagiging Shilloh na gusto mong makita sa'kin. I am pretty sure that I am not going to regret this scenario. 'Cause this is my very first time to risked my life for the sake of someone."
"If it is possible..." saglit siyang huminto nang maramdaman ang nagbabadyang dugo na pilit kumakawala sa kaniyang bibig. Sunod niya na lang din namalayan na tila ba nawawalan siya na ng hangin, para bang may kung anong maliit na bagay na nakabara ngayon sa kaniyang mismong dibdib kaya nahihirapan siya sa paghinga.
"I want to go to the same place as you, Ms. Garcia." Huli niyang banggit bago hinayaan ang mata na umidlip at nilisan ang kaniyang kinagisnang mundo na minsan na rin siyang naging parte.
***
Gumulong paibaba ng hagdan ang katawan ni Mills dulot ng napakalakas ng pagsabog. Tinangay ng matinding pwersa ang kaniyang katawan kaya kahit ang kumapit sa kung ano mang bagay na mahahablot ng kaniyang daliri ay hindi niya na rin nagawa pa. Ilang saglit pa ay naramdaman niya na lamang na tumama ang likod niya sa matigas na pader. Sa halip na makaramdam ng sakit ay tila ba balewala lang para sa kaniya ang pangyayaring iyon. Isang bagay na muli na namang nagpagulo sa kaniyang isipan. Subalit sa halip na magpalunod sa samut-saring mga tanong ay mas pinili niyang tumayo at pagtuunan ng atensyon ang mga mahahalagang bagay na dapat niyang unahin.
Sandali niyang sinuri ang kaniyang sarili kung may tinamo ba siyang sugat o may kumapit bang bubog sa kaniyang balat ngunit tanging alikabok at dumi lang ang nakita niya. Nang saktong dumapo ang tingin niya sa kaniyang tiyan ay doon pa lang pumasok sa kaniyang isip ang tinamong mga saksak galing kay Quincy. Mabilis itong kinapa ng dalaga para sana pakiramdaman kung malala ba iyon o ano pero sa ikalawang pagkakataon ay wala rin siyang naramdaman. Bunga ng kaniyang labis na pagtataka ay binuksan niya ang butones ng suot na blusa nang sagayon ay mas matignan niya nang klaro ang lagay.
"Naghilom na naman ang mga sugat ko?" wala sa wisyo niyang tanong. Tanging bakas na lang ng dugo ang naiwan dito at hindi na niya alam pa kung kakabahan ba siya sa kaniyang sarili sa kadahilanang muli na namang nagpamalas ang kagila-gilalas na kakayahan ang kaniyang katawan o 'di kaya ay ang magpapasalamat na lamang dahil nananatili pa rin siyang buhay sa puntong ito.
Nagmamadaling tinakbo ni Mills ang daan papasok sa gusali. Bahagya rin siyang nahirapan sa pagdaan lalo na at hindi na gano'n katibay ang mga hagdan at may iilan pang malalaking tipak ng semento ang nakaharang. Ilang minuto rin ang inilaan niya sa pagpapalit ng koridor na papasukan para makahanap ng hagdan na walang masyadong sagabal hanggang sa tuluyan na nga siyang nakabalik sa huling palapag. Diretso ang kaniyang tingin sa pintong sadya nang hindi inaalintana ang mga zombies na nagbabalak pa ring umatake sa kaniya. Saktong paghinto niya sa mismong harap ng System Door ay inusisa niyang maigi ang pinto kung kaya niya bang madaanan ito. Ngunit gaya nga ng inaasahan niya ay hindi niya magawang makalusot.
"Tangina, ano ba 'tong nakaharang?" Makailang ulit niyang tinadyak-tadyakan ang malaking tipak ng semento na nakasandal sa metal. Babagyang nagkaroon ng maliit na sewang ang pinto kaya naman ay hindi niya mapigilang tumingkayad para makasilip ngunit hindi iyon naging sapat para klaro niyang matignan ang nasa loob. Sa makailang ulit niyang paglalapat ng pwersa ay kamuntik pa siyang mawalan ng balanse nang mag-umpisa na namang gumuho ang paligid na para bang may panibago na namang poste ang natumba. Ilang sandali pa ay may narinig siyang hiyaw mula sa likod ng tipak waring mayroong taong naipit sa ilalim.
"Sino 'yan?" magkahalong kaba at pagtataka na tanong ni Mills at muling sinubukan na sumilip sa maliit na siwang ngunit gaya kanina ay wala pa rin siyang makita kundi puro tipak lamang.
"M-Mills, ako 'to. Si Earlyseven," sagot ng binata na para bang naghahabol ng hangin.
"Seven? Teka, hindi ako makapasok. Sandali lang hahanap ako ng ibang daan para makabalik ako sa rooftop. Ilalabas ko kayo—"
"Mills, makinig ka," madaliang sabat ng kaklase sa kaniyang sinasabi kaya wala na siyang ibang nagawa pa kundi ang huminto at mag-antay. "Huwag ka ng magtangka pang bumalik dito sa rooftop dahil pare-pareho tayong mamamatay rito sa itaas kapag nagpumilit ka pa."
"Ano? Pero hindi pwede. Hindi ko kayo pwedeng hayaan diyan, Seven. Delikado," tutol ng dalaga at muli na namang nilibot ang mata para maghanap ng kahit anong pwede niyang madaanan papasok.
"Bumigay na ang pinakadulong poste sa gawing kaliwa ng building at rumurupok na rin ang sa kanan. Tagilid na ang rooftop, Mills. At sa oras na alisin mo 'tong tipak ng semento sa gawing pinto ay dadausdos ito paibaba at hindi rin malabong bibigay ang poste sa kanan sa oras na mangyari iyon," paliwanag ng binata sa kaniya. "Ang posteng iyon ang nag-iisang sumusuporta ngayon sa rooftop para manatili ang balance ng inaapakan namin. Alam mo naman siguro ang mangyayari sa oras na bumigay ang poste di'ba?"
Hindi nakasagot si Mills dahil miski siya ay hindi inakala na ganito na pala katindi ang sitwasyon sa itaas. Ngayon niya lang napagtanto na kaya pala paunti-unting tumatagilid at yumayanig ang paligid sa oras na sinusubukan niyang itulak ang napakalaking tipak ng semento dahil malapit na pala itong bumigay. At kung pagbabasehan niya ang sinabi ng kaibigan ay tiyak na mahuhulog nga silang lahat paibaba kung magpupumilit siyang maalis ang tipak.
"Hindi mo na kinakailangan pang mag-alala sa amin dito, Mills. Okay lang kami. Medyo malayo nga lang iyong pwesto nila Yohan sa'kin pero sinisiguro ko sa'yo na ligtas sila," pampalubag-loob ng binata gamit ang kaniyang nakaugaliang tono. "Gagawa kami ng paraan para makaalis dito. Susunod kami kaagad, pangako 'yan."
Nag-aalangan man si Mills mula sa narinig ngunit hindi na lamang siya nakipagtalo pa.
"Hahanapin ko muna si Willow, mag-iingat kayo," paalam niya pa at hindi niya na inantay pa ang sagot ng kaklase bagkus nagpasya na siyang bumaba ng hagdan. Mabibilis ang kaniyang paghakbang habang iniisip nang mabuti kung saang building siya susunod na tutungo para hanapin ang nawawalang kaibigan. Saktong pag-apak ng kaniyang paa sa ibaba ay doon na siya nag-umpisang tumakbo. Hindi na niya inalintana pa ang dilim ng bawat pasilyong nalulusutan niya sa kagustuhang marating kaagad ang kinaroroonan ni Willow.
"Class 8-C... Class 8-D..." Abala ang kaniyang tingin sa paglilibot hanggang sa dumapo nga ang mata niya sa pinakadulo kung saan nakapwesto ang Comfort Room nitong palapag.
"Gotcha." Hindi na nga siya nagsayang pa ng oras at sinubukang buksan ang pinto ng CR para tignan kung dito ba pumasok ang kaklase. Akmang pipihitin na niya sana ang doorknob pero laking gulat niya na lang nang makitang putol na ang handle. Bunga ng kaniyang labis na pagtataka ay doon na niya itinulak papasok ang pinto, una niyang napansin ang malaking bitak sa tiles na para bang may kung anong bagay na bumagsak mula sa itaas. Hindi rin niya maiwasang tingalain ang ibabaw at doon niya nga nakumpirma na mayroon ngang bumagsak dito lalo na at butas talaga ang ibabaw.
Ang mas nagpakabog pa lalo ng kaniyang dibdib ay ang mga patak ng mga butil-butil na dugo sa napakaputi nitong sahig. Bunga ng kaniyang matinding pag-aalala sa kaibigan ay mabilisan niyang binuksan ang bawat kubikulo.
"Willow?" tawag niya sa pangalan ng kaklase habang abala ang kamay sa paghahampas-tulak sa bawat pinto ng mga kyubikel ngunit wala man lang siyang nadadatnang tao sa loob.
"Tangina, asan ka na ba kasi?" Muli niyang sabi bago bagsak ang balikat na tumalikod nang sa panghuling kyubikel ay hindi niya pa rin natagpuan ang sadya. Nang muling natuon ang atensyon niya sa sa dugong nasa sahig ay sinundan niya kaagad kung saan patungo ang bakas. Dayan-dahan niyang pinasunod ang kaniyang mga mata para sundang maigi kung saan siya dadalhin no'n. Hinakbang niya rin nang paunti-unit ang kaniyang mga paa hanggang sa dalhin siya nito pabalik sa koridor na nilakaran niya kanina.
"Tama, sa ground floor!" Wala sa wisyo niyang hinuha nang mapagtantong maigi ang kaniyang nakita. Muli siyang nagmadali sa pagtakbo at hindi na niya naiapak nang maayos ang kaniyang paa sa bawat baitang ng mga hagdan dahil hindi siya halos magkandaugaga sa pagbaba. Sumalubong sa kaniya ang nagpapatay-sinding ilaw na siyang hindi nakaapekto kay Mills. Nakakatakot mang isipin ang kaniyang dinadaanan ngunit mas natatakot siya para kay Willow, hindi niya alam kung anong nangyari sa dalaga o kung ano na ba ang lagay nito ngayon. Sa nakita niya sa monitor radar kanina ay mahahalata talagang nahihirapan itong makaalis at kung anuman ang siyang tunay na rason, iyon ang hindi niya alam. Idagdag pa ang dugong nakita niya sa Comfort Room ng second floor na mapa-hanggang ngayon ay wala siyang ideya kung kanino ba iyon galing. Ngunit umaasa siya na sana ay hindi iyon galing sa dalaga.
Saktong pagdating niya sa pinakadulong bahagi ng koridor ay nauna niyang napansin ang pintong hindi nakasarado, may maliit na siwang sa gilid nito na siyang naging dahilan kung bakit kahit hindi pa siya tuluyang nakakapasok ay may naaaninag na siyang mga aninong gumagalaw sa loob. Bunga ng labis na pagmamadali at kuryosidad kung sino nga ba ang nasa loob ay mabilis niyang itinulak ang pinto. Lumangitngit iyon sa sahig na siyang naging dahilan kung bakit tuluyan niyang naagaw ang atensyon ng mga taong nandito.
Sabay-sabay ang mga itong napatingin sa direksyon niya ngunit tila wala siyang ibang nakikita ngayon kundi ang babaeng nakaluhod sa puting sahig habang hawak-hawak nito ang nagdurugong tiyan. Hindi rin nakatakas sa kaniyang tingin ang napakatalim na kutsilyong nakatutok ngayon mismo sa leeg ng dalaga.
"M-Mills?" Mahinang tawag ng kaklase sa kaniyang pangalan at ang nangungusap nitong mga mata ay ang siyang diretsong sumalubong sa kaniya.
Hindi nakatakas sa paningin ni Mills kung paano pinunit ng matalim na kutsilyo ang leeg ni Willow nang marahan itong gumalaw para lang tignan siya.
"Willow!" Nang magawa niya na ngang masundan ang kamay ng taong nakahawak sa patalim ay mas lalo lamang siyang nagngitngit nang tuluyang makilala kung sino na naman ang tao na makakalaban niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top