Chapter 10: Pahinga

"Takbo!" Sigaw ni Yohan at hindi na nag-aksaya pa ng oras ang dalawa at mabilisan ding sumunod. Sa isang iglap lang ay bumaliktad kaagad ang kanilang sitwasyon. Muling naging dominante ang ingay sa paligid dulot ng mga mabibigat na yabag mula sa mga nandito. Kapansin-pansin din ang tila along pagdaloy ng mga halimaw palabas ng dalawang nagtataasang gusali.

Hindi nakatakas sa kanilang mata ang iilan ding mga estudyanteng nakakasabayan nila sa pagtakbo waring nagulat sa biglaang pagpapakita ng isang horde.

Kaagad ginamit ni Corbin ang dala niyang patpat nang muntikan nang masakmal ang nakasabayan niyang babae. Mabilisan niyang naiangat ang hawak niyang stick saka niya iyon buong pwersang hinampas sa leeg ng halimaw. Agarang napatihaya ang zombie sa ibaba na siyang sinundan niya na naman ng panibagong atake. Pinuntirya ng binata ang ulo nito bago nagpakawala ng nagmamadaling sipa na siyang nakapagpatalsik sa halimaw nang ilang dangkal na layo. Hindi na siya nagsayang pa ng oras at kaagad na binalingan ng tingin ang babaeng niligtas niya. Pagdapo pa lang ng kaniyang tingin dito ay mahahalatang wala na talaga ito sa sarili.

"Hoy, ayos ka lang?" Pagtawag niya sa dalaga. Akmang lalapitan na niya sana ito pero nahinto lamang siya nang bigla itong lumupaypay sa sahig. Kitang-kita ni Corbin kung papaano ito nangisay at kasabay din noon ang paglitaw ng nangingitim nitong ugat sa braso at binti ng kaharap. Subalit bago pa man iyon tuluyang makatayo at makaatake ay tuluyan na itong tinapos ni Mills.

"Halika na!" Aya ng dalaga sa kaniya saka sumenyas kay Yohan na magpatuloy sa pagtakbo.

Panibagong pasilyo na naman ang tinahak nilang tatlo at halos hindi sila makausad nang maayos dahil sa dami ng zombies na sumasalubong sa kanilang dinadaanan.

"Maiipit tayo rito sa hallway! Kailangan nating maghanap ng bagong-" bago pa man matuloy ni Yohan ang kaniyang sasabihin ay kaagad siyang napakapit sa poste ng hallway nang may bumangga sa kaniya. Saktong paglingon niya sa gawing gilid ay doon niya nakita ang isang napakapamilyar na lalaki na bumagsak sa ibaba.

"Zigler?" Tawag niya saka mabilis na dinaluhan ang kakilala, inalalayan niya ito patayo bago tinignan kung nagkaroon ba ito ng sugat. Nag-angat ng tingin ang binata bago sandaling sinilip ang gawing likuran.

"Bakit kailangan niyo pang bumalik? Umalis na kayo rito." Halata sa boses nito na nangungumbinsi siyang paalisin silang tatlo. Dominante rin ang panginginig ng kaharap dulot ng labis na pagkabaghala at pagkataranta.

"Hindi pa kami pwedeng umalis," paunang sambit ni Mills. "Nasa room pa sila Elsie at nakakasiguro akong inaantay din nila kami." Dugtong niya dahilan kung bakit napakagat-labi na lamang ang kausap.

"Hindi na kayo makakadaan dito, napuno na ng zombies ang lugar kaya napakaimposible ng isipin na makakabalik pa kayo sa room niyo."

"Susugal kami kung kinakailangan." Walang alinlangan na sagot ni Yohan.

"Teka, nagkahiwalay ba kayo ni Sir Winston, Zigler?" Usisa ni Corbin na siyang nakapagpaiwas ng tingin sa kausap.

"Hindi kami nagkita," diretsa nitong banggit bago sandling tumikhim. "Kung hindi ko na talaga magawang baguhin ang isip niyo, mag-ingat nalang kayo. Mauuna na ako." Huli nitong sambit saka muling nakipagsabayan sa mga estudyante sa pagtakbo hanggang sa tuluyan na nga itong mawala sa kanilang tingin.

"B-Babalik ba tayo, Yohan?" Hindi siguradong tanong ni Corbin pero inilingan lang siya ng kaibigan.

"Nandito na tayo at wala na rin naman akong nakikitang rason para bumalik pa." Sagot ng binata. "Ikaw ba sa side mo, gusto mo pa bang bumalik sa dinanan natin kanina?" Tila nanghahamong tanong nito na siyang daglian niya ring inilingan.

Lihim na lamang siyang napalunok bago binalingan ng tingin si Mills at umaasa na baka mabago nito ang isip ng kasama. Ngunit tila pinagbiyak na bunga ang dalawa niyang kaibigan lalo na nang hindi ito sumang-ayon sa kaniyang kagustuhan.

"Tama si Yohan, wala nang atrasan 'to. Maniwala ka sa'kin, Corbin. Makakabalik tayo sa room." Pampalubag loob nito bago siya tinapik sa balikat.

Hindi na nila pa inantay ang muling paglitaw ng panibagong grupo ng mga halimaw at agaran ding nilisan ang pwestong kinatatayuan nila.

"As much as possible, huwag na huwag kayong didikit sa kanila," bilin ni Yohan bago nagnakaw ng tingin sa likuran para makasiguro kung may humahabol ba sa kanila. Gaya ng kaniyang inaasahan ay mayroon nga, ngunit hindi ito kasinrami kanina. "Hindi natin sila kailangang labanan nang manu-mano, mas okay if iiwas tayo." 

Saktong paglabas nila sa hallway ay tuluyan nilang narating ang napakalawak na quadrangle ng Juanico High. Ang berde nitong damuhan ay binahidan na kaagad ng dugo. Hindi na nila matukoy kung lumipas na ba ang oras magmula nong mag-umpisa ang kaguluhang ito lalo na at sa itsura pa lang ng field ay tila ba dinaanan ito ng malagim na giyera dulot ng mga dugong dumidikit sa berde nitong paligid. Kabi-kabila ring mga sigaw ang maririnig dito na siyang nagdala ng ibayong takot sa kanilang sistema. Siyang tunay ngang tuluyan nang nag-iba ang takbo ng oras dito sa loob ng eskwelahan. Hindi na ito katulad nong dati, dahil binago na nang trahedyang ito ang kinagisnan nilang lahat.

Todo iwas at tulak lang ang ginagawa nila para lang makausad sa pagtakbo. Bawat halimaw na kanilang makakasalubong ay daglian silang lumilihis ayon na rin sa plano ni Yohan. Hangga't maaari ay ayaw ng binata na may zombie na didikit sa kanila lalo na at masyadong delikado kung mapapalaban sila lalo na at mas marami ang bilang ng mga halimaw sa gawing ito kaya may posibilidad na maiipit sila kung saka-sakali.

Aminado ang tatlo na hindi naging madali ang ginagawa nilang pagtakas lalo na at may mga pagkakataon na may iilang zombie na nakakaya silang hablutin o hindi kaya ay madaganan.

Nang saktong nasa gawing gitna na sila ng quadrangle ay ang siya namang pagtigil nila sa kawalan. Kahit saan sila lumingon ay puro zombies lamang ang sumasalubong. Patuloy lang sila sa paglinga-linga at umaasang may mahahanap silang malulusutan pero tila napili silang asarin ng tadhana dahil wala talaga silang makitang malulusutan.

"Sino ba kasi sa inyong dalawa ang may balat sa pwet?"birong sabi ni Corbin at pilit kinukubli ang katotohanan na nawawalan na talaga siya ng pag-asa na makaligtas pa sa sitwasyon nila ngayon. Kung titignang maigi ay para silang mga insektong nagkamali sa paggala na nahulog sa patibong ng isang gagamba at aksideng naidikit ang sarili sa sapot na kahit ano mang gawin ay hindi na talaga makakaalis pa.

Subalit sa pagkakataong ito ay napatunayan niya ring masyado pang maaga ang mag-isip ng negatibo lalo na at hindi ganito ang takbo ng utak ng dalawa niyang kasama.

"Naaalala niyo pa ba iyong nilaro natin last year?" Agarang tanong ni Mills at agad namang natuon ang atensyon nila sa dalaga.

"Nagka-outbreak na nga at lahat lahat tapos laro pa rin iniisip mo? Ano ba naman 'yan, Mills!" Hindi makapaniwalang tugon ni Corbin na siyang hindi naman pinagtuunan nang pansin ng kasama.

"Marami tayong nilaro last year. Saan ba sa mga iyon?" tanong ni Yohan nang hindi man lang binabalingan ng tingin ang kaibigan.

"Iyong nilaro natin sa P.E class ni Ms. Garcia, tanda niyo na? Iyong pole vault," sagot ni Mills at bago pa man makasingit si Yohan ay dumapo na kaagad ang tingin niya sa likod kung saan din nakatitig ang dalaga. Doon niya malayang nakita ang napakaraming solid ash pole na naiwan sa damuhan.

"Ano namang mapapala natin sa walang kwentang larong iyon?!" Natatarantang tanong ni Corbin dahilan kung bakit hinila ni Mills ang tainga niya saka pwersahang pinaharap sa likod nila.

"Huwag niyong sabihin sakin na--" saglit na nahinto ang binata sa kaniyang nais na sabihin nang may biglaan siyang napansin sa ibabaw. "Teka, ano 'yang lumilipad sa itaas?"

Matapos niyang maisatinig ang kaniyang nakita ay dagliang naningkit ang kaniyang mga mata. May kondisyon kasi si Corbin na hindi makaaninag nang maayos dala ng kaniyang astigmatism kaya naman ay minsan itong nagiging sagabal sa kaniya katulad na lamang ng mga ganitong sitwasyon.

Nang marinig naman siya ni Yohan ay daglian ding nag-angat ng tingin ang kaibigan at walang kahirap-hirap itong tumingala sa itaas nang hindi man lang nakaramdam ng kahit katiting na silaw. Doon niya nakita ang isang pamilyar na drone na nakahinto mismo sa kanilang ibabaw, tila ba pinapanood sila nito dahil kataka-takhang hindi man lang ito umaalis.

"Drone ni Ledger," konklusyon ni Yohan na siyang nagtulak kay Corbin para mapangiti at agarang kumaway-kaway sa camera kahit hindi niya alam kung nakatutok ba sa kaniya ang lens o hindi.

"Hoy, andito kami! Buhay kami tol! Buhay na buhay!" Sunod-sunod niyang sigaw nang hindi na inabala pa ang mga halimaw sa paligid na mas lalong nagkukumahog sa paglapit dulot ng kaniyang pag-iingay.

Sandaling sinilip ni Mills ang drone bago muling binalik ang tingin sa mga nagkalat na pole vault.

"At least, alam nilang buhay tayo. Kailangan na nating bilisan," tugon ng dalaga saka dagliang kinuha ang isang pole gamit lang ang isang paa. Sinipa niya iyon kaagad dahilan kung bakit umangat iyon sa ere at doon niya ito sinalo.

Hindi na nagsayang pa ng oras si Yohan at sumunod ding dumampot. Dalawa ang kinuha niya at siya na rin ang nagkusang iabot ang isa kay Corbin.

"Putangina, anong gagawin ko rito?" Naguguluhang tanong ng kaibigan. Dagliang dumikit ang magkabila niyang kilay at mahahalata talagang wala siyang ideya kung ano ang paggagamitan niya rito. Lalo na at may hawak naman siyang dalawang patpat, kaya ano pang saysay ng ash pole na inaabot sa kaniya ng kaibigan?

"Alam kong marunong kang maglaro ng pole vault kaya hindi na ako magpapakapagod na i-explain iyon sa'yo," sambit ng kausap at pwersahang pinahawak sa kaibigan ang hawak na alanganin namang tinanggap ni Corbin.

"Sigurado ka ba sa plano mo, Mills? Delikado 'to," paniniguro ni Yohan bago pinukulan ng tingin ang dalaga. Sinalubong naman kaagad ni Mills ang mga mata niya saka ito ngumiti na para bang punong-puno nang kumpiyansa.

"Oo naman, wala ka rin bang bilib sa'kin? Delikado rin naman iyong sitwasyon natin ah, so okay lang din na gumawa ng delikadong plano."

"Kapag talaga namatay ako rito, Mills. Sinasabi ko sa'yo, mumultuhin talaga kita!" banta ni Corbin pero hindi siya pinansin nito bagkus ay kinakalkula na ng katabi kung kailan ang tamang pagkakataon para tumakbo.

"Hindi na ako sure kung anong sasalubong sa'tin sa building diyan sa harap. Pero ang mas importante ngayon, ay ang makaalis tayo sa pesteng sitwasyon na'to," dugtong ni Mills bago pinuwesto ang pole sa kaniyang gilid.

"Ayan na naman tayo sa planong walang assurance." 

"Takbo!" Matapos masiguro ng dalaga na iyon na ang pinakainaantay niyang pagkakataon ay doon na siya pasigaw na nagmando. Nilunok niya lahat ng nararamdaman niyang takot at pasulong na tumakbo paharap. Hindi na niya inalintana pa ang nag-uumapaw niyang pag-aalinlangan lalo na at aaminin niya na mismo sa sarili niya na hindi talaga siya sigurado rito. Hindi siya bulag para hindi makita kung gaano kadelikado ang binuo niyang plano, ngunit sadyang ito na lamang ang nakikita niyang nag-iisang susi para makaalis sila rito.

Mabilis na itinukod ni Mills ang pole sa lupa saka pikit-matang iniangat ang sarili sa ere. Ramdam niya ang kaba dahil aminado siya na hindi talaga siya kagalingan dito. Kung dati ay wala siyang kainte-interest na laruin ito, ngayon ay nagpapasalamat na siya dahil kahit papaano, maisasalba pa sila nito.

Nang muling maitukod ng dalaga ang kaniyang paa sa lupa ay muli siyang lumingon sa likuran. Walang kahirap-hirap niyang nalagpasan ang papasugod na zombies na halos magkapatung-patong na dahil sa dami at sa kagustuhan na ring maabot siya kanina. Nang muling mabaling ang atensyon nila sa kaniya ay doon muli siya nag-umpisa sa pagtakbo para tumakas.

Hindi na rin pa nagpatumpik-tumpik pa si Yohan bagkus ay sumunod ito kaagad at nang ilang metro na lamang ang layo niya sa mga zombies ay itinukod niya rin sa lupa ang pole bago swabeng inangat ang sarili sa ere. Halos kasabayan niya lang din si Corbin sa pagbaba at kamuntik pang sumubsob sa damuhan ang kaibigan nang mawalan ito ng balanse pero mabuti na lang at nahawakan niya kaagad ang kwelyo nito saka niya iyon hinila patayo. Kaagad nilang inihagis papalayo ang kaniya-kaniya nilang pole bago sinabayan si Mills papasok sa panibagong corridor at doon nagmadaling pumasok sa isang classroom.

Nang masigurong naisara na nila nang mabuti ang pinto ay doon pa lamang sila pabagsak na naupo sa sahig. Hindi na alintana pa ng tatlo kung gaano kakalat ang loob lalo na at ang mas importante ngayon ay ang kaligtasan nila. Sa lumipas na ilang minuto ay puro malalalim lang na paghinga ang maririnig sa loob. Idagdag pa ang mga nagpupumilit na pagkalampag ng mga zombies sa labas ng pinto na siyang nagdala ng nakakaistorbong ingay sa kanilang tainga. Sa kabila nito ay hindi man lang iyon nagdala ng kahit katiting na pagkabahala sa kanila lalo na at hindi hamak naman na mas nakakamatay ang sitwasyon nila kanina.

"T-Tangina, nakakatrauma talaga kayo k-kabonding," untag ni Corbin saka ipinatong ang ulo sa armchair para maging komportable siya sa pag-upo. Hinayaan niyaang lumandas ang malalaking butil ng pawis mula sa kaniyang ulo paibaba sa upuan. "A-ang baliw niyo m-magplano."

"Well, b-birds with the same feather fucks t-together," sagot ni Mills na siyang naging rason kung bakit nagawi ang tingin ng binata sa kaniya.

"Flocks iyon, gago!" sita nito na siyang nauwi lang sa tawanan. Muli na namang lumukob ang katahimikan sa loob waring hindi pa talaga sila tuluyang nakakabawi. Hinahayaan lamang ng tatlo ang kanilang sarili na makapagpahinga kahit saglit.

Lumipas ang panibagong minuto at naunang makabawi si Yohan at doon siya nagpasyang ilibot ang tingin sa buong classroom. Nakakalat sa kanilang harapan ang mga gamit dito, nagkakagulo rin ang mga upuan at mahahalata talagang may hindi kaaya-ayang pangyayari ang naganap sa silid na ito bago pa man sila dumating. Sa muling pag-ikot ng kaniyang mata ay natuon ang kaniyang pansin sa gawing itaas ng pinto kung saan nakadikit ang section na kinalalagyan nila.

"Nasa Grade 10 - Hera pala tayo," pauna niyang sambit bago tinuro ang agaw-pansin na layout sa itaas. "Anim pa na rooms ang kailangan nating lagpasan bago pa tayo makabalik sa Aries." 

Nagpagpag muna siya saglit bago nagsimulang maglakad upang maghanap ng mga gamit na pwede nilang mapakinabangan. Nang matuon ang atensyon niya sa nakabukas na bag ay kaagad niyang nahagilap ang isang pack ng fudgee bar na nakausli.

"Corbin, may pagkain," tawag niya sa kasama at doon niya na hinalungkat ang bag para sana maghanap pa ng makakain pero isang piraso na lang talaga ang nandito.

"Pwede kaya nating kainin 'yan?" tanong ng kaibigan bago lumapit sa pwesto niya. "Hindi naman siguro macoconsider na pagnanakaw 'to diba?"

"Sa lagay nating 'to takot pa rin kayong magnakaw? Eh hindi nga kayo natakot na halos pumatay na tayo kanina," sabat ni Mills saka niya itinali ang gulo-gulo niyang buhok. Bago pa man makasagot si Yohan ay kaagad na itong inagaw ni Corbin at walang pasa-pasabing binuksan ang pakete at sunod-sunod na pinapak ang chocolate bar.

"Tagal niyo kasi magdesisyon, kinain ko na lang," inosente nitong sagot saka nilibang ang sarili sa pagnguya. Wala na lamang pang nagawa si Yohan kundi hayaan na lamang ito. Saglit niyang nilingon ang gawing labas para sana magbakasakali kung makakadaan pa rin ba sila pero bumagsak na lamang ang balikat niya nang nasa labas pa rin ang mga halimaw na naghahanap ng tiyempo kung papaano sila makakapasok.

"Hindi na talaga tayo makakalabas," pag-iiba ni Yohan bago iminuwestra ang daliri sa mga anino sa labas na halos basagin na ang bintana. "Nakaharang sila sa pinto at hindi natin sila kaya kung bubuksan natin 'yan."

"So, dito muna tayo?" Tanong ni Corbin saka tinapon sa kung saan ang pakete ng pagkain bago nagpunas ng bibig.

Sandaling umiling si Yohan bago siya sumagot. "Hindi na safe kung mananatili tayo rito, siguro hindi na rin aabot ng sampung minuto 'yang pinto at bubukas na 'yan dahil sa dami ng mga zombies nagpupumulit na pumasok dito.

Nang akmang magtatanong pa ulit si Corbin kung saan sila dadaan ay sakto namang nagawi ang tingin nila sa window glass. Muli na namang nasira ang ekspresyon niya lalo na at bumalik sa kaniyang isipan ang nangyari sa kaniya kanina sa loob ng luncheon.

"Ayoko," agaran niyang tutol. "May trauma na ako sa lintik na glass window na 'yan kaya ayoko na." Binalak niya pang dumistansya ngunit nang makita niyang hindi talaga nagbibiro ang dalawa ay wala na siyang nagawa pa kundi ang magmaktol at muli na namang lumapit.

Maingat na tinulak pagilid ni Yohan ang bintana bago siya sumilip sa ibaba. Palipat-lipat ang kaniyang tingin para lang makahanap ng pwedeng daanan, pero wala siyang ibang makita kundi ang window ledge. Kung titignang maigi ay sakto lang ito para gawing apakan, iyon ay kung malakas ang loob mo at magaling kang magbalanse lalo na at wala kang ibang mahahawakan kundi ang pader.

Kaagad siyang sumampa sa bintana at maingat na iniapak ang paa sa semento. Tinantsa niya muna iyon saka dumikit nang maigi dito upang hindi siya mahulog. Pagilid din siyang naglakad at maingat na inihahakbang ang paa hanggang sa nilingon niya ang pwesto nila Mills na nakadungaw at pinapanood ang ginagawa niya.

"Seryoso ba kayo? Diyan talaga tayo dadaan? Ano ba namang klaseng plano to oh! Gusto niyo na ba talagang magpakamatay?" sunod-sunod na reklamo ni Corbin. Bubungangaan niya pa sana si Mills para huwag din itong tumuloy pero pinigilan niya na lamang ang sarili lalo na at nang lingunin niya na ang pinto ay doon niya na nakita na may iilang kamay na ng mga zombies ang nakapasok at kaunting tulak na lang nito ay siguradong bubukas na talaga iyon.

Wala sa wisyo siyang napasapo sa kaniyang noo bago lihim na umusal ng dasal kahit hindi naman talaga siya maka-Diyos.

Kaagad sumunod si Corbin kay Mills at ginaya ang ginawa ni Yohan. Hindi rin nalalayo ang agwat nilang tatlo pero sakto na iyon para kahit papaano ay maging komportable silang kumilos. Ilang saglit pa ay ang bintanang nilusutan nila kanina ay biglaang dinamba ng isang zombie. Kaagad nagsitalsikan ang mga bubog paibaba kasabay ng pagbulusok ng halimaw. Tuloy-tuloy iyong nahulog hanggang sa bumagsak sa lupa.

Saglit silang napahinto upang tignan ang nangyari ngunit natigil lamang iyon nang muling sumenyas si Yohan.

Bawat bintanang nadadaanan nila ay yumuyuko sila nang sagayon ay hindi sila makakatawag nang pansin. Sa katunayan ay kulang pa ang kaalaman nila patungkol sa mga zombies kaya wala pa silang masyadong ideya kung ano pa ba ang mga kaya nitong gawin. Kaya naman ay mas pinili na lang nila ang mag-ingat kaysa sa magpabaya.

Halos balutin na ng malamig na pawis ang kamay ni Mills dala ng labis na takot na baka tuluyan nga siyang mahulog sa ibaba. Paminsan-minsan siyang napapasilip at muli na namang didikit sa pader. Gustuhin man niyang kumilos katulad ni Yohan ay hindi niya talaga magawa lalo na at napapangunahan siya ng takot. Sa puntong ito, sa isang bagay lang siya nakakasigur: kung hindi man siya mamamatay sa zombie, tiyak na matutuluyan talaga siya sa bali.

"Diretso lang ang tingin, Mills," rnig niyang sambit ni Yohan dahilan kung bakit mabilis siyang nag-angat ng tingin. Takot man pero sinunod niya ito at muling tumuloy sa paglalakad. Kabado ulit siyang napahinto nang sumenyas ang binata na yumuko. Saktong pag-angat pa lang ng kamay nito ay siya ring pagtigil nila.

Sa kasunod na bintana ng panibagong classroom kung saan nakabukas lahat ng jalousie at walang kahit anong kurtina, doon klarong nakita ni Yohan na lahat ng mga nasa loob ay puro zombies na. May iilan sa mga iyon na tila baliw na sinusundan ang kahit anong ingay na maririnig. Hindi rin nakatakas sa kaniyang paningin ang ibang kasalukuyang kinakain ang bago nilang biktima.

Saglit na ikinalma ni Yohan ang sarili saka maingat na lumampas doon, makailang beses din siyang napalunok ng laway lalo na at pakiramdam niya ay babaliktad ang sikmura niya dahil sa senaryong nakita. Nahihirapan man siya sa pagyuko pero wala siyang ibang pagpipilian kundi ang gawin ito kung ayaw niyang makaagaw ng atensyon. Ito na ang huling classroom na lalampasan nila bago nila maabot ang room ng Aries kaya kailangan talaga nilang magpatuloy. Nang magtagumpay si Yohan ay sumunod namang sumalang si Mills na pigil-hiningang tumawid. Kamuntik pa siyang madulas pero mabuti na lang at nakakapit siya kaagad.

Nang si Corbin na ang sumunod ay halos tawagin na niya lahat ng Archangel na alam niya maitawid lang ang sarili sa bingit ng kamatayan. Makailang beses na rin siyang lumulunok pero hindi talaga siya kumakalma.

Todo abang naman si Mills at Yohan sa kabila at hindi pa tuluyang pumapasok sa kanilang classroom dahil inaantay pa nila ang kaibigan. Ni ang tignan ang loob ng classroom ay hindi na nila nagawa pa sa kagustuhang antayin si Corbin.

"Kaya mo 'yan, Corbin. Tumawid ka na," mahinang bulong ni Mills habang kabadong tinitignan ang kalagayan nito.

Alanganing hinakbang ni Corbin ang kaniyang paa at dama na niya ang rumaragasang malamig na pawis sa gilid ng kaniyang sentido. Nang saktong nasa gawing gitna na siya ng classroom ay aksidente naman siyang nabahing. Hindi lang isang beses kundi tatlo na siyang dahilan kung bakit kaagad nabaling ang atensyon ng mga zombies sa pwesto niya at huli na para sa kaniya ang magtago. Sunod na lamang niyang namalayan na dinamba ng isang halimaw ang bintana na siyang naging mitsa kung bakit nawalan siya ng balanse.

"AHH!"

"Corbin!" Hindi mapigilang sigaw ni Mills at ni Yohan na siyang naging rason kung bakit kaagad na nagsidungaw sila Cody at ang iba pa sa glass window at sa jalousie. Sa sobrang sinsinan din ng atmospera sa loob ay ngayon lang din nila napansin ang presensiya ng tatlo.

Tuluyan na nga nilang nakita ang mga kaibigan na ngayon ay kasalukuyang nakatuntong sa window ledge. Halos dumugin din sila ng kaba nang makita ang sitwasyon ni Corbin na nakakapit ang isang kamay sa semento habang ang zombie naman na nagtangkang umatake rito ay nakakapit ngayon sa binti nito na para bang walang planong bumitaw.

"Tulungan niyo ako!" Nahihirapang sigaw ng binata. Mabilis na nakakilos si Cody at inalis ang tubo na sinabitan ng kurtina bago Inilusot sa glass window. Kaagad ding kumilos si Mills at halos hablutin na niya ang tubo mula sa kamay ng kaklase.

Saglit niyang binalanse ang sarili bago itinutok ang hawak sa ulo ng halimaw. Buong pwersa niyang itinusok iyon saka nagmadaling tinulak paibaba. Makailang beses niya pa iyong pinaghahampas hanggang sa tuluyan niya nga iyong napaalis. Muli niyang nilipat ang tingin kay Corbin na halos manginig na sa takot lalo na at natatanaw niya rin sa ibabaw ang mga halimaw na nagsisiksikan at nagbabalak na lumusot sa bintana.

Sunod-sunod ang kaniyang paghinga bago muling pinilit ang sarili na makaahon. Sinubukan ng binata na iangat ang kaniyang katawan para sana makapatong muli pero naunahan siya ng takot. Dala na rin ng ngalay ay hindi na nga siya nakaangat pa bagkus ay dumulas na lamang ang kamay niya mula sa mariing pagkakakapit at kung hindi lang niya nahawakan ang tubong ibinaba ni Mills ay baka tuluyan na rin siyang nahulog.

"Hawak kita, Corbin kaya 'wag na 'wag kang magkakamaling bumitaw," sambit ni Mills bago mariing hinawakan ang tubo para lang hindi ito dumulas sa kamay niya. Madaliang sumampa papasok si Yohan at pinagtulungan nilang hilahin ang tubo upang maiangat ang kaklase.

Nang magkaroon sila ng saktong distansya ay doon na nilahad ng dalaga ang kaniyang kamay. Inabot naman iyon kaagad ni Corbin at sa halip na suportahan pa ang sarili ay mas pinili na lamang niyang magpatianod lalo na at hindi na talaga kinakaya ng katawan niya. Nang tuluyan na nga siyang nakatuntong ulit sa itaas ay doon pa siya huminga nang malalim saka hinayaan lang ang dalaga na alalayan siya papasok.

Bagsak ang balikat nilang tatlo nang tuluyan na nga silang nakapasok sa loob. Wala sa kanila ang nakapagsalita miski ang mga nadatnan nila rito ay hindi rin nakaimik dahil sa nangyari.

Subalit hindi na iyon ang naisip pa nila Mills, lalo na at sa puntong ito ay nakakasiguro siya na tuluyan na nga silang makapagpapahinga at makakaramdam ng bahagyang kaginhawaan. Hindi man sila tuluyang ligtas mula sa malagim na sitwasyong ito, pero kahit papaano ay napalagay din ang kaniyang loob dahil muli silang nakabalik sa isang lugar kung saan lahat sila ay dito rin nagsimula.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top