Chapter 5: Blocklisted


Ang hirap umuwi kapag pakiramdam mo, wala ka nang mababalikan. Isa rin sa mga dahilan kaya ayokong umuwi. Ayokong masumbatan dahil lang pinili ko ang sarili ko. Alam 'yon ni Cali, alam ni Rex, alam halos nilang lahat na hindi ko gusto ang kasal kay Coco. Kahit nga si Coco, alam 'yon, e.

Pero bakit parang kasalanan ko lang? Ni wala nga akong ambag sa kasal na 'yon. Ilang taon ko nang sinasabi, ayoko. AYOKO. Walang nakinig. Tapos biglang kasalanan ko kasi naghanda silang lahat sa kasal, e ayoko nga.

Maybe I should be thankful na bago ang kasal, tinanong muna ako ni Coco kung gusto kong tumuloy o hindi. At least he knows how to ask for my consent at hindi lang siya basta nag-rely na dahil lang gusto ng parents namin kaya niya gagawin ang kasal. Noong sinabi kong hindi, tinanggap na niya 'yon. Siya pa ang nagsabi na kung ayoko, huwag akong tumuloy.

It could have been better if we were in a different situation. Maybe I could have love Coco better if it weren't forced. Maybe we could be together if it happened because we both wanted to be together.

My eyes were drying up after crying. My nose was clogged, and I was still calming myself. Nasa bahay nina Papa ang mga gamit ko pero ayokong umuwi. Ayokong masumbatan. Ayokong sabihin nila na matapos kong sumagot-sagot, babalik din pala ako sa kanila.

"Ang predictable mo pa rin until now."

Ang sama ng tingin ko kay Coco nang maglakad siya palapit sa akin. Nag-walkout ako at hindi na ako umasang may hahabol pa sa akin. Si Cali ang inaasahan ko pero naisip ko agad na karga niya ang baby niya kaya imposibleng unahin pa niya ako.

Nakaupo ako sa gutter ng parking lot kung saan ko iniwan ang kotse niya. I was facing the car's hood, hiding from everyone behind these lined-up cars. Bumalik lang talaga ako sa parking ng coffee shop para lang umiyak.

"Kung galit ka rin sa 'kin, magalit ka na. Sabihin mo na lahat. Kasi ayokong makikipagtitigan ka lang sa 'kin at pahuhulain mo 'ko kung saan ba talaga ako nagkamali," galit na sabi ko sa kanya.

Pero parang wala siyang narinig. He even sat on his heels in front of me. Malungkot pa rin ang mga mata niya gaya kaninang madaling-araw, pero tingin ko, gawa na lang 'yon ng lungkot dahil namatayan siya ng girlfriend at labas na ako sa lungkot niya ngayon.

"Sa daming beses mong nag-no sa 'kin, wala akong karapatang magalit sa 'yo. Alam mo 'yan, Ram. Kaya nga sabi ko sa 'yo, kung ayaw mo sa gagawin mo, huwag kang tutuloy . . . tinanggap ko 'yon."

Kahihinto ko lang sa pag-iyak, napaiyak na naman ako nang matitigan ko na naman siya sa mga mata. "Bakit ikaw, naiintindihan mo? Bakit sila, hindi?"

Hindi niya ako sinagot. Tumayo na lang siya at tinapik ako sa balikat para patayuin. "Umuwi ka na muna."

"Ayokong umuwi. Uuwi ako? Para ano? Para i-guilt trip nila? Na hindi sana tayo aabot sa ganito kung pinakasalan lang kita?"

"Tinanggap na naming lahat kung ayaw mo talaga. It's been eight years, Ram. You don't have to think like it happened yesterday."

"Hindi ko iisipin kung hindi nila ipinararamdam! It's been eight years, but they still look at me like it only happened last week!"

He heaved a sigh and ran his fingers through his hair. "Saan mo balak umuwi niyan?"

"Sa hotel? Kay Tita Shin?"

"Alam mong nakatira sina Tita Shin kay Ninang Mel, di ba?"

Fuck.

"Kahit saan! Hindi ko alam!" naiinis na sigaw ko dahil hindi ko rin alam kung saan ako uuwi. May allowance ako sa bangko pero hindi ko puwedeng gastusin dahil allowance ko 'yon pagbalik ko sa ibang bansa. Hindi ako puwedeng magwaldas ng pera dito sa Pilipinas tapos mamumulubi ako pagbalik ko sa Canada.

Hinahanda ko na ang sarili kong matulog sa lobby ng kahit saang hotel. Iniisip ko na kung saan-saang hotel ako magpapalipas ng gabi nang libre pero mukhang alam na ni Coco ang iniisip ko.

"Hotel's not a good idea, Ram. Wala kang work dito, wala kang pambayad. Matutulog ka sa lobby? Come on."

Hatak-hatak niya ang braso ko hanggang pasakayin niya ako sa sasakyan niya. Pagsara niya ng pinto sa passenger seat, umikot na agad siya para lumipat sa kabilang pinto.

Nakailang punas na ako sa luha ko pero patak pa rin nang patak.

"Mas okay ba kung hindi na 'ko bumalik?" tanong ko pag-upo na pag-upo niya sa driver's seat. "Wala namang naghahanap sa 'kin, di ba? Wala naman akong babalikan dito, di ba? Umuwi lang ako para makiramay sa 'yo, kasi kaibigan pa rin kita. Umuwi ako para lang sa 'yo! Hindi para sa kanila! Hindi ako bumalik para iparamdam n'yo sa 'kin na hindi na 'ko kailangan dito!"

"Don't cry. Walang magagawa 'yang pag-iyak mo."

"Sana maaga pa lang, sinabi na nila sa 'king bawal pala akong magdesisyon para sa sarili ko . . ."

Punas ako nang punas ng luha ko at napaurong ako paatras nang itawid niya ang kaliwang braso niya sa akin para ayusin ang seatbelt ko. 63

"Kung disappointed sila, hayaan mo silang ma-disappoint. Nag-decide sila nang hindi mo gusto ang gagawin. You have the right to decline everything. Hindi ka na bata para hindi magdesisyon para sa sarili mo," paliwanag niya.

Pilit kong hinahanap ang galit sa kanya dahil sa ginawa ko, pero hindi ko 'yon maramdaman. O siguro kasi, gaya nga ng sabi niya, sana maaga pa lang ako umalis para mas maaga silang nagkakilala ng namatay niyang girlfriend. Mahirap naman kasing magalit sa taong wala ka namang pakialam.

Hindi ko alam kung saan ako dadalhin ni Coco. Inisip ko pa na baka dalhin niya 'ko sa farm o kaya ipakausap ako kay Tita Shin para mag-sorry ako kay Mama. Duda ako roon. Baka sabihin pa ni Tita Shin na hayaan ko na lang ma-highblood si Mama para makaganti ako—kung sa anong dahilan, hindi ko rin alam, pero ganoon ko 'yon nakikita.

Akala ko, sobrang layo pa ng pupuntahan namin. Wala pang twenty minutes, pumasok kami sa basement parking at pinababa na agad ako ni Coco.

"We were expecting you to come home, but no one's expecting na ngayon 'yon," panimula niya nang ayain niya ako papuntang elevator area.

"Sabi ni Yaya Sale, dumadalaw ka raw sa bahay," malungkot na sabi ko dahil napagod na kaiiyak.

"Audree wanted to see you before she died. Ayoko nang manisi o manumbat sa kahit na sino. Wala nang maibabalik kahit anong paninisi ko pa."

Pagpasok naming dalawa sa elevator, kitang-kita ang mugtong mga mata naming dalawa sa nagsarang metal panels. Pareho na talaga kaming mukhang galing ng lamayan. Nakaputi siya, nakaitim pa ako.

Sa sobrang pag-iisip ko about staying sa lobby ng iba't ibang hotel, saka lang nag-sink sa akin na dinala pala ako ni Coco sa unit niya. Hindi ko na rin naisip na iuuwi niya ako dahil nilamon na ako ng assumption kong galit siya talaga sa akin.

If he had a grudge against me, he shouldn't have let me in here in his safe haven. Baka nga matuwa pa siya kung sa kalsada na lang ako matutulog kung talaga ngang galit siya.

"I'll talk to them first," sabi niya. "Hindi ka papayagan ni Cali na makitira ka sa kanila ng asawa niya."

Wala rin akong balak. Kung meron, e di sana, hindi ko naisip ang lobby ng hotels.

Itinuro lang niya ang sofa sa pinaka-sala ng unit niya bago niya ako iniwan. Huling tingin ko sa kanya, nakatutok na agad siya sa phone at mukhang may tatawagan.

His unit looked larger than what I had imagined. Loft-type pa kaya ang spacious tingnan. The whole place didn't look sad. I could tell that he's the son of Tito Rico. The wall was painted light blue and white, and there were cute toys on every table. I didn't feel alone. Yeah, maybe the paint and toys help.

Nasa itaas ang bedroom niya. Nasa ibaba ang working area. Coco finished interior design. I took up industrial design. Sobrang layo ng courses niya sa family business, pero sobrang lapit sa work ni Ninong Clark. From Luan to Coco, halos lahat ng influence sa programs, galing kay Ninong Clark. Si Cali, napunta ng Library and Information Science. Hindi nga raw trip ni Ninong Clark maging bantay sa library kaya hindi rin niya alam kung saan nakuha ni Cali ang hilig sa libro maliban sa may isang buong dingding sila ng bookshelves sa bahay.

Itong interior ni Coco sa unit niya, parang hindi siya. Parang taste talaga ni Tito Rico. Ganitong-ganito. Parang kuwarto ng bata. But somehow, the ambience works. It felt like someone will take care of me kahit ano pa ang edad ko.

Napabuntonghininga na naman ako. Wala akong kahit anong dala ngayon maliban sa phone at wallet. May credit card ako, pero Amex. Ayoko rin munang gamitin dahil ayokong may bayaran monthly. Wala pa akong stable job sa Canada dahil may tinatapos pa akong research. Ayokong manghingi kina Papa ng pera matapos ang ginawa ko kanina.

Saka ko naalala na baka isumbat na naman nila sa akin na pera nila ang pinampaaral nila kahit nasa abroad ako. Hindi naman kasi ako scholar para maging libre lahat.

Kung babalik ako ng Canada, kakailanganin ko pa ring bawasan ang laman ng bangko na magno-notify sa bank ng family namin. Kung alam ko lang na aabot ako sa ganito, sana naghanap na lang talaga ako ng stable job sa ibang bansa kaysa puro aral lang.

Ilang beses kong nasuklay ng mga daliri ang buhok ko saka ipapatong ang noo sa mga palad. Sana lang talaga, hindi na lang ako umuwi kung ganito lang din pala ang maaabutan ko.

"Nasa Dasma raw yung mga gamit mo. . ."

Napaupo ako nang maayos nang lumapit na naman si Coco sa puwesto ko sa sala niya. "Pinalalabas na raw ni Tita Mel sa bahay. Sabi ko, dalhin na lang dito, baka kung saan pa nila itapon."

Napairap ako sa narinig ko. Fault talaga 'tong lahat ni Mama. Bakit siya ang magde-decide kung sino ang pakakasalan ko at kung kailan ba ako dapat magpakasal?

"Pag-isipan mo muna kung ano'ng balak mo sa mga susunod na araw. Hihintayin ko lang yung mga gamit mo sa lobby," sabi niya at umalis na naman ng unit niya.

Sumandal ako sa sofa at tumitig sa mataas na kisame ng bahay niya. Bumili raw siya ng condo kasama ng girlfriend niya at nabenta na rin bago mamatay yung babae. Dito siya ngayon nakatirang mag-isa. Ibig sabihin, humiwalay na rin siya kina Tita Jae. Reasonable naman dahil 30 na siya at may sarili nang trabaho. At sigurado akong malaki ang sahod niya per project, gaya ng plano niya noon pa man.

Susubukan kong mag-apply muna rito. Kung babalik ako sa Canada at gagamitin ko ang pera nina Mama, baka lalong walang makatulong sa akin. Kukuha na lang naman ako ng records doon bago umuwi rito. Kailangan ko lang munang makausap si Tita Shin.

"Umuwi ka nang hindi pa kinukuha ang records mo? Hindi ka ba nag-iisip?"

Napamasahe agad ako ng sentido habang pinagagalitan ako ni Tita Shin. "I was planning to go back sa BC after kong bumisita rito, Tita."

"What about now? Nabubuwisit sa 'yo si Meng. You really think na madaling kalaban ang mama mo?"

"Fault ko ba na ayokong pakasalan si Coco before? Naghanda siya sa kasal kahit ilang beses na akong nag-no. Sasabihin niyang nakakahiya kay Tita Jae? Siya yung nakakahiya!"

"O, paano ngayon 'to? Pinaba-block ka na niya sa lahat ng employers? Pati bank account mo, pina-freeze na rin. Saan ka pupulutin ngayon niyan? Alam mo nang sira-ulo 'tong mama mo, pinatulan mo pa."

"Patayin na rin niya 'ko kung gusto niya! Nag-anak pa siya, ganito rin lang pala ang gagawin niya sa 'kin!"

"Nasaan ka ngayon?"

Humina ang boses ko. "Nandito kay Coco."

"Hinahanap ka raw niyan, a."

"Gusto raw akong makausap ng girlfriend niya kaso wala na nga."

"Ang gugulo n'yo na ngayon, hindi na ako natutuwa. Kakausapin ko si Meng. Titingnan ko pa kung ano'ng puwedeng gawin dito."

Hindi na ako hinayaang makapagsalita pa ni Tita Shin. Siya na ang naunang magbaba ng call.

Kung buhay pa si Lolo Bobby, sure na hindi niya 'to magagawa sa 'kin. Si Papa, isa ring walang silbi, e! Nakakainis!

"I got your things."

Umangat ang tingin ko nang dumaan sa bandang harapan ko si Coco hatak-hatak ang suitcase ko at ang travel bag kong may kaunting dumi pa sa bandang ilalim.

Seryoso nga si Mama na itinapon niya ang gamit ko palabas ng mansiyon.

"I don't know kung allowed akong patirahin ka rito sa 'kin, Ram. I need to make phone calls. Hindi muna ako mangangako ng kahit ano. Tatawagan ko na rin si Kuya Eugene, baka may magawa siya."

Tatawagan na si Kuya Eugene. Ibig sabihin, ganoon na ka-worse ang situation ko ngayon. Sana talaga hindi na lang ako umuwi.



♥♥♥

RUNAWAY STATUS: ONGOING

Join po kayo sa t.me/TambayanNiLena sa Telegram kung nais ng spoilers. Pero kung ayaw n'yong ma-spoil, don't join para hindi kayo magreklamo na puro ako spoiler doon, hahaha

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top