VI. Characters

Ang bawat kuwento ay mga pangyayaring umiikot sa isa o higit pang bilang ng mga tauhan. Walang kuwentong walang tauhan. Walang pangyayaring walang tauhang iniikutan. Ang tauhan ay maaaring hayop, bagay, o lugar na personipikado o personified, sa halip na aktuwal na mga tao.

Dahil ang kuwento ay laging nangangailangan ng tauhan, importante na nababagay ang pangunahing tauhan sa uri ng kuwentong isinusulat. Great stories make great characters. Great characters make great stories. Ang maririkit na kuwento ay laging nagtatanghal sa kariktan ng mga tauhan. Gayundin, ang mga maririkit na tauhan ay laging nagbubuyo sa maririkit na kuwento. They go hand and hand.

Ngunit paano malalaman kung marikit, epektibo, at buhay ang isang tauhan? May sinabi si Leslie Gordon Barnard ukol dito:

Don't expect the puppets of your mind to become the people of your story. If they are not realities in your own mind, there is no mysterious alchemy in ink and paper that will turn wooden figures into flesh and blood.

Ayon kay Barnard, ang isang epektibong tauhan ay tunay at buhay sa isipan ng manunulat. No, it doesn't mean that we have to meet our characters in real life or that we have to base them in real life for them to be real. Ngunit marapat daw na bilang mga manunulat, ang ating mga tauhan ay hindi mga puppet o manika lamang na pinakikilos ayon sa kagustuhan natin. If they're alive to us, they have their own flesh and blood. They are breathing. At oo, ang ibig sabihin din nito, maaari silang sumang-ayon, tumanggi, o makipagtalo sa atin.

Parehas ni Barnard ang pananaw ni Hemingway tungkol sa mga tauhan. Sinabi niya:

When writing a novel, a writer should create living people; people, not characters. A character is a caricature.

Sa pagsisimula natin sa pagsulat, maaaring ang mga impormasyong inililista natin sa tauhan ay ang kanila lamang kaarawan, mga paboritong bagay, edukasyon, pangarap, at iba pa. Ang mga ito ay mga datos na inilalagay sa Character Profile. Bukod sa mga nabanggit na detalye, ang mga kumpletong tauhan—simple man o komplikado—ay laging mayroong sarili nilang personalidad na maaaring naiiba maging sa nagsusulat. Tulad ng isang tunay na tao, sila ay mayroong sariling paniniwala at mithiin sa buhay. Sila ay may sariling paraan ng pag-iisip o psyche at mayroon ding sarili nilang background story o pinanggalingan. Dito pumapasok ang tinatawag na Characterization.

CHARACTERIZATION

Ang characterization ay isang literary device na ginagamit ng manunulat upang ipakilala o ipresenta ang isang tauhan o mga tauhan sa kuwento. May dalawang uri ng characterization.

Direct Characterization

Ang direct characterization ay ang direktang pagpapakilala at paglalarawan sa tauhan. This is the writer telling the readers directly about the character. Karaniwan itong makikita sa introduction ng tauhan sa kuwento kung saan agarang ibinibigay ang mga detalye ng kanyang kasuotan, personalidad, at itsura at pangangatawan.

Indirect Characterization

Ang indirect characterization naman ay ang pagpapakilala at paglalarawan sa tauhan gamit ang iba pang detalye at elementong nakapaloob sa kuwento.

Magkasamang ginagamit ang direct at indirect characterization upang magpakilala ng isang tauhang buhay at humihinga at nababagay sa kuwento.

Methods of Characterization

Sa sikolohiya, sinabi ng psychologist na si David C. Funder:

Personality refers to individuals' characteristic patterns of thought, emotion, and behavior, together with the psychological mechanisms—hidden or not—behind those patterns.

Ibig sabihin, ang pag-aaral sa pag-iisip, pag-uugali, at emosyon ng isang tao ay tutukoy sa kanyang personalidad. Sa literatura, nakikilala rin ang tauhan ayon sa mga pamantayang katumbas ng nabanggit. Ang mga ito ay ginagamit sa character building, inililista sa character profile at kumukumpleto sa characterization.

1. Physical Appearance(Pisikal na Anyo)

Isa sa pinakaunang ibinibigay ang pangangatawan, pagmumukha, at kasuotan ng tauhan. Ang tauhan ay maaaring payat, mataba, matangkad, maliit, maskulado, katamtamang bulas at iba pa. Siya ay maaaring napapanot, kalbo, may malagong buhok, may manipis at makintab na buhok, may bangs, may poknat, at iba pa. Siya ay maaaring may kamukhang artista o multo. Maaaring matangos o pango o may tungking tulad sa loro ang kanyang ilong. Maaaring makipot, malaman, o makapal ang kanyang labi. Maaaring bilugan, singkit, o maliliit ang kanyang mga mata. Maaaring balantok o makapal ang kanyang kilay. Maaaring matambok o humpak ang kanyang pisngi. Siya ay maaaring may pilat o nunal o biloy. Siya ay maaaring nakasuot ng mamahalin, mumurahin, o sira-sirang kasuotan. Maaaring pinturado ang kanyang mga kuko. Maaari ding ito ay pudpod. Maaari ding may putik o ink o dugo o langis. Siya ay maaaring naka-sneakers, nakatsinelas, naka-rubber shoes, naka-flat shoes, naka-stiletto, at iba pa.

Ang pisikal na katangian, kasuotan, at pangangatawan ng tauhan ay nagbibigay, hindi lang ng direktang detalye ukol sa kanyang damit at itsura, kundi mga pahiwatig din sa kanyang personalidad, estado sa buhay, pag-uugali, at mga preferences.

Kaya naman kung ang tauhang ipinakilala ay nakasuot ng mamahaling damit at kumikinang na mga accessories, may pahiwatig na agad na maaaring siya ay mayaman, magastos, o ginagastusan. Kung siya ay ipinakilala na payak at walang arte sa katawan, siya ay maaaring simple, matipid, o mahirap. Kung siya ay bata pa pero napapanot na o siya ay matanda na pero mukhang bata, siguradong may dahilan kung bakit.

2. Actions (Kilos atPag-uugali)

Siya ba ay maagang natutulog at gumigising o siya ba ay palapuyat at tinatanghali sa higaan? Siya ba ay mahinahon kumilos at magsalita o siya ba ay laging mataas ang tono at mabilis makipagtalo? Siya ba ay taas-noong maglakad o nakatungo? Siya ba ay palangiti o alumpihit at atubili? Siya ba ay malakas o pabulong magsalita?

Ang kilos, ugali, at habit ng tauhan ay nagbibigay ng pahiwatig sa kanyang goals, motivations, interes, at lifestyle. Nagbibigay rin ito ng dagdag na impormasyon sa kanyang mga iniisip at kanyang pinanggalingan o pinagdaanan sa buhay (backstory).

Kaya naman, kung ang isang tauhan ay mayaman o nakaaangat sa buhay, iba ang inaasahan nating kilos niya kapag siya ay nalagay sa isang lugar na hindi pamilyar sa kanya—sa palengke, sa probinsiya na walang tubig at kuryente, at maging sa isang ospital o institusyon na kapos ang pasilidad. Kung siya naman ay mahirap, iba ang inaasahan nating kilos niya kapag siya ay nalagay sa isang sopistikadong lugar—sa mamahaling hotel o restawran, sa first-class section ng eroplano, at maging sa institusyon ng malalaking uri ng tao gaya ng Senado.

3. Speech Pattern(Pananalita)

Siya ba ay matatas magsalita o utal? Matataas ba o payak ang salitang kanyang ginagamit? Nakauunawa o nakapagsasalita ba siya ng mga jargons? Siya ba ay nag-i-Ingles o nag-i-Espanyol? Ano ang kanyang mga bukambibig? O baka naman, bibihira siyang magsalita? O baka naman, seryoso palagi ang kanyang tono? Mahilig ba siya sa mga biro o baka naman kaya ay mga kawikaan?

Ang speech pattern o paraan ng pagsasalita o pananalita ng isang tauhan ay nagpapahiwatig ng kanyang kinalakhan (lalo na kung may accent o bukambibig na likas sa isang partikular na lugar), estado sa buhay, edukasyon, pag-iisip at pag-uugali, at background story.

Kaya naman kapag sinabing ang isang tauhan ay negosyante, kapani-paniwala ito kung siya ay maalam sa business jargons. Kung siya ay mayaman, inaasahan nating siya ay conyo o pala-Ingles o palabanggit ng brand items na nagpapakita ng social status. Kung siya ay matalino, inaasahan nating siya ay matatas. At kung siya ay taong kalye, inaasahan natin ang mga salitang-kalye.

4. Thoughts (Pag-iisip)

Anu-ano ang laman ng pag-iisip ng tauhan? Siya ba ay impressionable o cynical? Siya ba ay observant o oblivious? Ano ang iniisip niya patungkol sa sarili niya at sa ibang tao? Siya ba ay mabilis humusga o mapagtimbang? Siya ba ay sarkastiko o malumanay? Paano siya mag-isip sa gitna ng mga sitwasyon at pagsubok na ibinibigay sa kanya? Siya ba ay matatakutin o lohikal? Siya ba ay panatiko? Paano siya makipag-usap sa kanyang sarili?

Ang pag-iisip ng tauhan ay kaugnay ng kanyang sikolohiya o psychology. Sinasalamin nito ang kanyang impressions, beliefs, preferences, perspective, intellect, at feelings.

Kaya naman, ang isang tinukoy na simpatiko at matulunging tauhan ay inaasahan nating mayroong inspiradong mga paniniwala ukol sa pagtulong sa sangkatauhan. Ang tinukoy na matapat ay inaasahan nating mayroong makatarungang pagtitimbang sa gitna ng isang kasinungalingan o sikreto. At ang isang tinukoy na mabuti ay inaasahan nating mayroong pagsasaalang-alang sa lahat ng mga tao sa kanyang paligid.

5. Effect on Others (Epekto)

Paano kumikilos ang iba pang tauhan sa paligid niya? Paano siyang pinakikitunguhan? Sila ba ay palagay, atubili, alerto, o natatakot? Ano ang iniisip ng iba pang tauhan sa kanya?

Ang epekto ng tauhan sa iba pang tauhan ay nagpapahiwatig sa kanyang pakikisalamuha sa mga ito. At ang kanyang pakikisalamuha ay nagpapahiwatig naman ng kanyang personalidad, pag-uugali, paniniwala, at social status.

Ang physical appearance, action, speech pattern, thoughts, at epekto ng tauhan sa iba pang tauhan ay dapat na consistent. Ibig sabihin, ang mga detalyeng ating isinusulat ay dapat na magkakaugnay at nababagay sa isa't isa. Kapag magkakalaban ang mga detalyeng inilarawan sa kuwento tungkol sa isang tauhan, nagkakaroon ng tinatawag na character inconsistency. Ang character inconsistency ay maaaring sumira sa daloy, lohika, at kabuuan ng kuwento.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top