Kabanata f(x - 13)
[Kabanata 13]
Our Asymptotically Love Story
(page 80 - 103)
Ika-Anim na Kabanata
Filipinas 1688
"Kadalasan ang ating nararamdaman ay nailalabas sa lasa ng pagkain" panimula ni Manang Estelita habang marahan pinapakuluan ang karne ng baka sa malaking palayok.
"Ano po ba ang ihahain natin ngayong tanghalian Manang?" tanong ni Ising habang abala sila ni Salome sa paghihiwa ng mga patatas, carrots, red bell pepper, green bell pepper, sibuyas at bawang. Binawasan naman ni Manang Estelita ang panggatong sa pugon upang hinaan ang apoy.
"Kaldereta" nakangiting sagot ni Manang Estelita at umaawit-awit pa ito.
"Kaldereta ho ulit? Hindi po ba kakahain lang natin ng kaldereta noong isang linggo?" tanong pa muli ni Ising. Napatango naman si Salome dahil kasama pa siya noong mamalengke ng karne ng baka sa palengke.
"Ang ating Senor Fidel ay mahilig sa mga pagkaing ma-sarsa" tugon pa ni Manang Estelita sabay kuha ng panapin sa kamay at buong pwersa niyang binuhat ang malaking palayok paalis sa pugon, tutulungan sana siya ni Ising at Salome ngunit naibaba na niya ito agad.
"Manang kami na ho"
"Malakas pa ako, kaya ko ito... atupagin niyo na lang ang ginagawa niyo riyan" saad pa ni Manang Estelita, napailing-iling na lang ang dalawang dalaga dahil ginigiit na naman ni Manang Estelita na siya'y malakas pa sa kabila ng iniinda nitong rayuma gabi-gabi.
Si Salome ang madalas na taga-hilot ng tuhod ni Manang Estelita dahil sanay ito sa paghihilot na itnuro sa kanila ng kaniyang ina na si Nay Delia. Sa susunod na linggo pa makakabalik sa trabaho si Nay Delia dahil hinihintay pa nitong gumaling ng tuluyan ang sugat na tinamo ni Tay Isko sa binti.
"Manang kung patuloy kayong magpapasaway... si Ising na ho ang maghihilot ng inyong tuhod" panakot pa ni Salome kay Manang Estelita at natawa naman sila. Napangiti na lang si Manang Estelita at naupo na siya sa isang bangkito sa gilid upang magpahinga.
"Sige na, Sige na ako'y mauupo na rito at gagabayan ko na lamang kayo sa pagluluto, natatakot ako na baka mabali ang buto ko kung sakaling si Ising ang maghihilot nito" biro pa ni Manang Estelita sabay halakhak nila ni Salome, animo'y pinagkakaisahan ang kawawang si Ising.
"Biro lang Isabela" habol pa ni Salome dahil napabusangot ang mukha ni Ising lalo nang tawagin niya ito sa totoong pangalan nito. "Lumeng, ilagay mo na ang panibagong palayok at ilagay mo na ang mga rekados at karne, dahan-dahan lang ang paghalo at pagbuhos ng sarsa" bilin pa ni Manang Estelita agad namang sinunod ni Salome ang utos ng matanda at halos mapunit naman ang mga mukha nila ni Ising dahil sa sobrang ngiti habang inaamoy ang mabangong halimuyak ng kaldereta.
"Ganyan nga... marahan lang ang paghalo, hindi dapat mabilis at hindi rin malamya" patuloy pa ni Manang Estelita habang hinahalo ni Salome ang mga rekados.
Ilang sandali pa dumating si Susana at Piyang sa kusina, si Susana ay dalawampu't tatlong taong gulang na kung kaya't siya ang pinakamatanda sa kanilang apat nila Salome, Ising at Piyang. Bilugan ang mga mata nito at pa-hugis puso ang mukha. Kayumanggi rin ang balat at manipis lamang ang mahabang buhok nito.
Si Susana ang pinaka-mailap sa kanila, hindi ito gaano nagsasalita kumpara sa kadaldalan ni Salome at Ising, paminsan naman ay sumasali si Piyang ngunit madalas itong kasama ni Manang Estelita. "Manang, ipinaabot po ni Mang Berto na mula sa palengke, dumating na raw po ang pina-reserbang keso ni Senor Fidel mula sa Maynila" tugon ni Susana habang magka-tulong nilang buhat-buhat ni Piyang ang isang kahon ng keso.
Nanlaki naman ang mga mata ni Salome at Ising at agad inusisa ang kahong inilapag ni Susana at Piyang sa tambakan ng rekados sa kusina. "Ang keso bang iyan ay mula pa sa Europa?" tanong ni Salome at hindi na maitago sa kaniyang mga mata ang pagkamangha.
"Oo Lumeng, dala-dala ito ng barkong Galleon na kamakailan lang ay dumaong na sa Maynila" sagot ni Piyang, agad namang umalis si Susana at bumalik na sa paglilinis ng bahay. "Kung gayon, siguradong napakalaki talaga ng impluwensiya ni Senor Fidel dahil ipinadala pa rito sa San Alfonso ang pinareserba niyang keso" wika ni Salome habang hinihipo-hipo ang malaking kahon na gawa sa tabla.
"Oo naman, kilala ang pangalang Montecarlos lalo na sa Maynila dahil kay Senor Fidel, Samantala dito naman sa San Alfonso tanyag si Senor Patricio" nakangiting saad ni Piyang at mukhang ginanahan pa ito magsalita dahil mag-uumpisa na naman ang pagkwekwento niya. hindi naman lingid sa kanilang kaalaman na sadyang mahilig sa tsismis si Piyang.
"Senor Patricio? Hindi ba't siya ang pinsan ni Senor Fidel?" tanong ni Salome, mag-iisang buwan na rin kasi siyang naninilbihan sa hacienda ngunit hindi pa rin niya nakikilala ang sinasabi nilang Senor Patricio.
"Oo, si Senor Patricio rin ang siyang may ari ng hacienda Montecarlos, kasalukuyang nasa Maynila pa si Senor Patricio bihira lang kasi iyon magawi dito sa San Alfonso lalo na nang lumawig ang kaniyang negosyo at koneksyon sa Ka-Maynilaan" paliwanag pa ni Piyang, napatango-tango na lang si Salome, sisilipin pa sana niya ang kesong nasa loob ng kahon ngunit biglang nagsalita si Manang Estelita na noo'y nakaupo pa rin sa bangkito sa gilid.
"Lumeng, ang iyong niluluto" paalala nito dahilan para biglang maging alerto si Salome at dali-daling kinuha ang sandok at hinalo muli ang kalderetang nasa palayok. "Hindi dapat iniiwan ang niluluto kahit pa gaano ito katagal, dapat ay matuto kang maghintay hanggang sa maluto na ito ng tuluyan" bilin pa ni Manang Estelita, napatango sabay ngiti na lamang si Salome. Habang si Ising ang siyang patuloy na umuusisa doon sa kahon ng keso.
"Manang Estelita, kakasya pa ho ba ang limang bariles ng alak sa tambakan?" tanong ni Mang Berto na noo'y kakasulpot lamang sa kusina habang pasan-pasan sa balikat ang isang malaking bariles ng alak. Nanlaki naman ang mga mata ni Salome. "Maluwag pa naman ata ang imbakan, tingnan mo na lamang Mang Berto" sagot ni Manang Estelita at napatango naman si Mang Berto.
"Ang alak po bang iyan ay mula rin sa Europa?" tanong pa ni Salome at muntikan na niyang maiwan ang niluluto niya upang usisain din ang bariles na dala ni Mang Berto ngunit agad siyang tinawag ni Manang Estelita.
"Oo Hija, kay Senor Patricio ang lahat ng ito na binili niya pa sa bagsakan ng mga produkto at kalakal sa daungan ng Maynila" sagot ni Mang Berto at naglakad na ito pababa sa tambakan, "Sandali lang po Manang!" paalam pa ni Salome upang sundan si Mang Berto na noo'y binuksan ang isang lagusan sa sahig at may hagdan ito pababa.
"Lumeng ano ang sinabi ko ukol sa pagluluto?" tawag pa muli ni Manang Estelita kung kaya't natigilan si Salome at bumalik na lang sa kusina "Hindi dapat iniiwan ang pagluluto" sagot ni Salome at napabusangot ito ng mukha, nananabik kasi siya makita ang imbakan na nasa ilalim ng mansyon.
"Ngumiti ka na hija baka maging mapakla ang iyong niluluto... Ano muli ang sinabi ko kanina ukol din sa pagluluto?" hirit pa ni Manang Estelita. Napahinga naman ng malalim si Salome at sinubukang ngumiti kahit medyo labag pa ito sa kalooban niya.
"Ang ating nararamdaman ay nailalabas sa lasa ng putaheng ating niluluto" sagot ni Salome, napangiti naman si Manang Estelita at dahil doo'y napangiti na si Salome. Hindi niya magawang matiis ang matanda. "Ikaw talagang bata ka, huwag kang masyadong mausisa dahil kung minsan ang pagiging mausisa ay nakakasama" paalala pa ng matanda. Nagtataka namang napatingin sa kaniya si Salome habang si Piyang at Ising ay nagtungo sa lawa ng luha kung saan ginaganap ngayon ang klase ni Fidel.
"Kadalasan naman po ang pagiging mausisa ay nakakatulong upang makatuklas tayo ng mga bagay" saad naman ni Salome, natawa naman si Manang Estelita dahil kahit kailan ay hindi talaga nagpapatalo si Salome sa paglalabas ng kaniyang mga opinyon at paniniwala.
"Tama ka hija ngunit may mga bagay na hindi na dapat tinutuklas pa... dahil sa oras na malaman mo ay baka sisihin mo ang iyong sarili kung bakit inalam mo pa" paliwanag pa ni Manang Estelita, napangiti naman si Salome at napailing naman ang matanda dahil mukhang hindi pa rin titigil sa pangangatwiran ang dalaga.
"Hindi po mangyayari iyon Manang... lahat po ng tutuklasin ko at aalamin ko sa mundong ito ay hindi ko pagsisihan kailanman" tugon pa ni Salome dahilan para sumuko na lang sa pakikipag-paliwanagan si Manang Estelita at tumawa na lang dahil sa likas na kakulitan ng dalaga.
"Tulad na lang po Manang ng mga Kastila, hindi po ba pagtuklas ang kanilang pakay sa paglalayag pa-silangan at hindi nila sinasadyang matuklasan ang Pilipinas" wika pa ni Salome habang nakatingin sa hinahalong kaldereta. Tumango-tango naman si Manang Estelita, "Tama ka Hija, kung sabagay mas marami namang magandang naidudulot ang pagtuklas sa bagay bagay... tanging mga sangkap sa pagluluto (spices) lamang ang kanilang pakay ngunit mas malaki pa roon ang natuklasan nila, sa hindi inaasahang pagkakataon ay natuklasan nila ang napakaganda nating bansa" dagdag pa ni Manang Estelita.
Napangiti naman si Salome sabay lapit kay Manang Estelita upang ipatikim ang lasa ng ulam na niluluto niya. "Masarap..." tugon ni Manang Estelita, napangiti naman si Salome kahit pa mukhang napilitan lang si Manang Estelita na sabihin iyon upang hindi sumama ang kaniyang loob.
"Manang kasi hindi talaga ako bihasa magluto, si inay at ate Felicidad lang ang magaling sa pagluluto sa amin" reklamo pa ni Salome pero tinawanan lang siya ng matanda. "Kaya nga sinasanay kita eh, lahat naman ng bagay ay natutunan Hija" saad pa ng matanda dahilan para matawa na lang silang dalawa.
Ilang sandali pa nagmamadaling dumating si Ising at Piyang, "Manang! Ipinagutos po ni Senor Fidel na buksan ang kahon ng keso, at kunin namin ang kalahati dahil nais pong ipatikim ito ni Senor Fidel sa mga bata" paalam ni Ising, tumango naman si Manang Estelita. Hindi naman mapigilan ni Salome na usisain ang kahon nang buksan nila iyon, hiniwa ni Piyang sa apat na hati ang hugis bilog na keso na halos kasing laki ng unan.
"Hindi pa ako nakakatikim nito" saad ni Piyang, tumango-tango naman si Salome "Ako rin, hindi pa ako nakakatikim ng keso" tugon ni Salome, gulat namang napatingin si Ising sa kanilang dalawa.
"Hayaan niyo sa oras na magawi kayo sa aming panciteria sa palengke ay patitikim ko sa inyo ang keso na pinaka-tago-tago ni inay" pilyang tugon ni Ising at nagtawanan silang tatlo.
"Hawakan mo muna Lumeng" wika pa ni Piyang sabay abot kay Salome ng plato na naglalaman ng keso na kasing-laki ng kamao. Kinuha naman iyon ni Salome dahil magkatulong na bubuhatin ni Piyang at Ising ang mabigat na takip ng kahon na gawa sa tabla.
Ngunit malakas na naibagsak ni Piyang at Ising ang pantakip sa kahon dahilan para mapaatras si Salome at aksidenteng matabig ng plato na hawak niya ang kalderetang nasa palayok na nasa likuran nila, kung kaya't nahulog ang keso sa loob ng palayok at unti-unti itong nalusaw sa init ng kaldereta.
"Sus Maryusep! Paano na?" gulat na sigaw ni Salome at pilit na sinasalba ang natutunaw na keso sa kaldereta ngunit sa halip na makuha niya iyon ng buo humalo pa ito ng tuluyan sa ulam. "Nako! Lumeng mag-iiba ang lasa ng kalderetang iyan!" gulat na tugon ni Ising at Piyang napalingon naman sila kay Manang Estelita na hindi napansin ang nangyari dahil nagtungo na ito papalabas sa pintuan sa likod ng kusina.
"Magluluto na lang ulit ako ng bago" kinakabahang tugon ni Salome sabay hawak sa palayok, napasigaw siya dahil nakalimutan niyang mainit pa nga pala iyon at dahil doo'y napaso ang kaniyang daliri. "Wala ng karne ng baka Lumeng" saad ni Ising at siya na ang kumuha sa palayok gamit ang sapin sa kamay.
"At isa pa malapit na magsimula ang tanghalian" wika naman ni Piyang, hindi naman sumuko si Salome at agad siyang naghiwa ng mga rekados. "Maisasalba pa natin ang karne ngunit ang sarsa----" hindi na natapos ni Salome ang kaniyang sasabihin dahil narinig nila ang hiyawan ng mga bata mula sa salas.
"Narito sila?" tanong ni Ising sabay takbo papapunta sa salas. Sumunod naman si Salome ngunit sumulip lamang siya sa pintuan. Nakita niya ang mga batang mag-aaral ni Fidel na tuwang-tuwa nang makapasok sa mansyon. naka-pila rin sila ng maayos habang nakasunod kay Fidel, "Pakihanda ang hapag dito kami magsasalo-salo sa tanghalian" tugon ni Fidel kay Susana na noo'y napatigil din sa paglilinis.
Agad nagtungo si Susana sa hapag at inayos ang mga plato, baso at kubyertos. Nasa sampung bata rin ang kasama ni Fidel, buti na lang dahil mahaba at malaki ang mesa sa hapag. "Niños, sígueme"(Children, follow me) tugon pa ni Fidel, sabay-sabay namang tumayo ng tuwid ang mga bata habang maayos itong nakapila mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamatangkad.
Hindi naman mapigilan ni Salome na mapangiti ng makita ang bunsong kapatid niyang si Julio na pusturang-pustura at disiplinadong nasa unahan ng pila dahil ito ang pinakabata. Napangiti rin siya nang makita si Danilo na nasa hulihan naman ng pila. Sinitsitan niya pa ito ngunit seryoso itong nakasunod sa pila.
Lagot ka sa'kin mamaya Danilo.
Hindi naman magkanda-ugaga si Susana, Piyang at Ising sa pag-hahanda ng hapag. Maayos ng nakaupo ngayon ang mga bata sa hapag, habang si Fidel ay nasa pinaka-dulo sa gitna. Hindi rin mapigilan ni Salome na mapangiti habang nakatitig kay Fidel na ngayon ay tuwang-tuwa na kausap ang kaniyang mga estudyante. Nasa tabi ni Fidel si Julio, at inaasikaso niya pa ito na parang anak niya.
Bakit maging sa pamilya ko ay napakabait mo Fidel...
Nagsimula na silang magdasal, habang nakatayo sa gilid sila Piyang, Ising at Susana. Naihain na rin nila ang kanin, ulam, prutas at panghimagas. "Tayo'y kumain na" tugon ni Fidel at masayang silang nagkainan. Nanlaki naman ang mga mata ni Salome dahil sa gulat nang mapagtanto niya na ang putaheng nakahain sa mesa na sinasandok na ngayon ni Fidel ay ang kalderetang niluluto niya kanina na aksidenteng nalagyan ng keso.
Napalingon siya doon sa pugon at laking gulat niya na wala na nga roon ang palayok na pinag-lutuan niya. "SANDALI! SENOR!" sigaw ni Salome habang kumakaripas ng takbo papunta kay Fidel na ngayon ay isusubo na ang ulam, pero huli na ang lahat dahil naisubo na ito ni Fidel.
"Salome!" suway ni Susana dahil biglang hinawakan ni Salome ang kamay ni Fidel na kung saan ay hawak-hawak niya ang kutsara. Nagulat naman si Salome at bigla niyang binitiwan ang kamay ni Fidel, maging si Fidel ay nagulat din dahil sa paghawak sa kaniya ng dalaga kung kaya't nabitawan niya ang kutsarang hawak niya.
Bumagsak sa sahig ang kutsara at umalingangaw ang matinis na tunog ng metal nito. "Lumeng! Anong ginagawa mo?" gulat na tanong ni Manang Estelita na noo'y kakarating lang sa hapag kainan. Napahawak naman sa bibig si Salome dahil sa gulat, habang ang lahat ay nakatingin sa kanilang dalawa ni Fidel. Ang mga bata naman ay inosenteng nakatingin din sa kanila.
Naistatwa naman si Fidel dahil sa matinding pagkabigla, hindi niya inaasahan na magagawang hawakan ng ganoon ni Salome ang kaniyang kamay. Sa kadahilanang nais sanang pigilan ni Salome na maisubo ni Fidel ang ulam. "Patay! Sino ang nagdala ng kaldereta dito sa hapag?" gulat na tanong ni Ising sabay tingin kay Piyang. Gulat namang napatingin si Piyang sa kalderetang nasa hapag at napailing-iling ito. Ngayon lang din nila napagtanto na naroon na sa hapag ang kalderetang niluto ni Salome dahil masyado silang nawindang sa pagmamadaling maayos ang hapag kanina.
"Ako ang nagdala... bakit ba?" wika ni Susana, napahawak na lang sa noo si Ising at Piyang. "May problema ba? Kaldereta naman ang putahe natin ngayon" singit naman ni Manang Estelita at naglakad siya papalapit kina Salome at Fidel na parehong naistatwa na.
"K-kasi nalagyan po ng keso... a-ang kalderetang----"
"Kaya po pala masarap!" anunsyo ng isang batang magana kumain dahilan para mapatingin ang lahat sa kaniya, natauhan naman na si Fidel at nagawa na niyang manguya ang kalderetang naisubo niya. Umaliwalas ang kaniyang itsura at napatango-tango habang nginunguya ang pagkain "Mas masarap nga ang kalderetang nakahain ngayon" pag-sangayon ni Fidel dahilan para mapangiti si Manang Estelita.
"Si Salome ang nagluto niyan" tugon pa ni Manang Estelita dahilan para mas lalong mawindang si Salome dahil napatingin ulit ang lahat sa kaniya ngunit sa pagkakataong iyon ay nakangiti na sila. "T-talaga? N-napakasarap ng iyong niluto... Lumeng" saad ni Fidel at agad itong napaiwas ng tingin dahil sa hiya, hindi pa rin mawala sa kaniyang isipan ang paghawak ng dalaga sa kaniyang kamay kanina.
"S-salamat po Senor" sagot ni Salome at yumukod na ito bilang pagbibigay galang, akmang aalis na si Salome nang biglang magsalita muli si Fidel "M-mula ngayon aasahan kong matitikman ko muli ang kalderetang ito" habol pa ng binata. Napalingon naman si Salome sa kaniya at nahihiyang napatango sa binata.
"A-ano ang gusto mong itawag sa iyong bersyon ng kaldereta?" tanong pa ni Fidel, habang ang lahat ng mata ay nasa kanilang dalawa ni Salome. Nagitla naman si Salome at napatingin kay Ising, Piyang at Manang Estelita pero bakas sa mga mukha nito na kinikilig sila sa tagpo ng dalawa.
"K-kayo po ang bahala Senor Fidel" saad ni Salome. Napaisip naman si Fidel.
"Kung gayon... ipapangalan ko na lang sa iyo, kaldereta ala Salome" wika ni Fidel sabay ngiti. Napangiti naman si Salome ngunit hindi nito magawang makatingin ng diretso sa mata ng binata kung kaya't madalas ang tingin niya sa sahig o kaya kina Piyang at Ising.
"M-maraming Salamat po Senor... ngunit masyado pong mataas ang pribileheyong ibinibigay niyo sa akin, sa katunayan po aksidente lamang po ang pagkakahalo ng keso sa kaldereta kanina, kasama ko rin po sila sa pagluluto kanina" wika ni Salome sabay turo kina Manang Estelita at sa mga kasamahan niyang tagapagsilbi.
Napatango-tango naman si Fidel, "kung gayon... Ano ang nais mong itawag sa putaheng ito Lumeng?" tanong pa muli ni Fidel, para namang may kung anong kuryenteng dumadaloy sa katawan ni Salome sa tuwing naririnig niyang binibigkas ni Fidel ang pangalan niya.
"K-kayo pa rin po ang bahala Senor"
"Sige kung gayon, tatawagin na lang natin itong Kaldereta ala Montecarlos" wika ni Fidel at nagpatuloy na sila sa pagkain. Halos maglulundag naman ang puso ni Salome dahil sa sobrang saya habang tinatahak ang daan patungo sa kusina.
Ikaw ang bahala Fidel... Magmula ngayon ikaw na ang bahala sa puso ko...
"Nakabisado mo na ba ang alpabeto?" tanong ni Fidel sabay upo sa damuhan, naging ganito ang palagi nilang gawi. Pagkatapos ng klase si Salome naman ang tuturuan niya, halos isang linggo na rin ang lumipas mula nang magsimula ang pagtuturo ni Fidel sa dalaga.
Mahinahong naupo naman si Salome sa tabi ni Fidel, nakaharap sila ngayon sa lawa ng luha. "O-opo Senor" sagot ni Salome, mabuti na lamang dahil ang mga mata ni Fidel ay nakagawi sa lawa kung kaya't hindi napansin ng binata ang pamumula ng pisngi ng dalagang kakaupo lamang sa tabi niya.
"Mag-uumpisa naman tayo ngayon sa pagbabasa ng patinig at katinig, mahalagang maging pamilyar ka sa mga letra hanggang sa mabuo ang salita mula rito" panimula ni Fidel at napatigil ito ng makita ang kuwaderno ni Salome na kung saan nakasulat ang pangalan nito sa letrang baybayin.
"B-bakit po Senor?" nagtatakang tanong ni Salome dahil tinititigan mabuti ni Fidel ang nakaguhit na baybayin sa kuwadernong hawak niya.
"Maaari mo rin ba akong turuan mag-baybay?" tanong ni Fidel kay Salome dahilan para gulat na mapatingin sa kaniya ang dalaga. "T-talaga po Senor? Interesado po kayong matuto mag-baybay?"
Napangiti naman ang binata dahilan para mapangiti na rin si Salome dahil naaninag na naman niya ang magagandang ngipin nito. "Bago ako magtungo dito sa Pilipinas, interesadong-interesado na ako sa bansang ito, noong nasa Espanya pa ako marami akong naririnig tungkol sa bansang ito at hindi nga ako nagkamali dahil sadyang napakaganda nga ng bansang Pilipinas, lalo na ang makulay ninyong kultura" wika ni Fidel habang nakatanaw sa lawa ng luha na ngayon ay kumikinang-kinang dahil sa tama ng sinag ng araw.
Napayuko naman si Salome nang maalala niya ang kwento sa kanila noon ni Lolo Pablo na napakaganda nga ng bansang Pilipinas lalo na noong ang namumuno pa sa kanilang bayan ay sina Rajah Soliman, Rajah Matanda at Lakandula.
Sina Rajah Soliman, Rajah Matanda at Lakandula ang namumuno noon sa Maynila at Tondo nang dumating ang mga Kastila at sakupin ito. Nang sumanib si Lakandula sa mga kastila at maging Kristiyano, bininyagan siya sa pangalang Carlos Lakandula na hinango sa hari ng Espanya na si Haring Charles I. Si Lakandula rin ay tumulong sa pagpapatayo ng mga kastila ng gusali at simbahan sa Maynila.
Hindi man iyon naabutan ni Salome ngunit ang kaniyang Lolo Pablo ay isa sa mga lumaban sa mga kastila ngunit tumakas din ito dahil pinagpapatay ang mga dugong bughaw na katulad nila. Kahit pa si Lakandula na hari ng Tondo ay sumanib sa mga Kastila, ang iba pang mga kamag-anakan ng dugong bughaw ay hindi umayon, isa na rito si Lolo Pablo na kamag-anakan ng lahi ni Lakandula, malayong pinsan rin ito ni Agustin de Legaspi na tagapag-mana ni Lakandula. Si Lolo Pablo ay tiyo nila...
Dionisio Capulong - datu ng Candawe/Candaba, Pampanga
Magat Salamat - na namuno sa Tondo kasama si Agustin de Legaspi matapos mamatay ni Lakandula ngunit nahatulan sila ng kamatayan nang mag-alsa sila laban sa Espanya noong 1588 (na mas kilala bilang Revolt of Lakans; 1588)
Phelipe Salonga - datu ng Pulu/Valenzuela
Martin Lakandula - na umanib sa samahan ng mga paring Augustinian bilang lay brother noong 1590.
Luis Taclocmao/Salugmoc - na namatay rin noong 1603 nang magrebelde ang mga intsik.
"Lumeng?" tawag pa muli ni Fidel dahilan para matauhan si Salome. Kanina pa siya tinatawag ni Fidel subalit dahil sa lalim ng kaniyang iniisip pansamantala siyang nawala sa sarili. "May bumabagabag ba sa iyo?" tanong pa ni Fidel at inilapit nito ang kaniyang mukha upang usisain mabuti ang mukha ng dalaga. Nanlaki naman ang mga mata ni Salome at naisandig niya ang kaniyang kamay sa likuran upang hindi siya matumba dahil sa pagkaatras.
"W-wala po Senor..." sagot ni Salome ngunit nakatitig pa rin sa kaniya ang binata kung kaya't bigla siyang napatayo dahil sa kaba. Dugdugdugdugdugdug!
"Ah-Senor nakalimutan ko pong dalhin ang aking pluma kukunin ko-----"
"Narito ang pluma mo" sagot ni Fidel sabay dampot sa plumang nasa gitna nila.
"Ah! Tama! Ang akin po palang tinutukoy ay ang tinta na hindi ko nadala, kukunin ko lang----"
"Mayroon akong tinta dito, ito na lang muna ang gamitin mo" sagot pa ni Fidel sabay abot ng bote ng tinta na nasa tabi niya.
"Nako! Senor! Nakalimutan ko po palang pakainin si ChingChing, sandali lang po----"
"Sino si C-ching-ching?" nagtatakang tanong ni Fidel na may halong ngiti sa kaniyang labi, hindi niya mapigilang mapangiti lalo na sa mga pinagsasabi at kilos ni Salome ngayon sa harapan niya.
"Ang paborito ko pong manok na nasa likod ng inyong bakuran" diretsong tugon ni Salome dahilan para biglang matawa si Fidel, hinubad pa nito ang kaniyang sumbrero habang tumatawa.
"Pinangalanan mo na rin ang mga manok dito sa hacienda? Mukhang magkakasundo kayo ni Patricio niyan" saad pa ni Fidel at hindi pa rin siya maawat sa pagtawa. "Chingching... napakagandang pangalan" habol pa ni Fidel sabay tingin sa lawa.
Isang pagkakataon na iyon upang makatakas doon si Salome, hindi na kasi maaawat ang malakas napagkabog ng kaniyang puso lalo na nang titigan siya ni Fidel ng malapitan kanina. Animo'y nilamon na siya ng napakagandang mata nito.
"Maupo ka na rito... Lumeng" wika pa ni Fidel sabay tingin sa kaniya at sumenyas ito na maupo na siya ulit sa kinauupuan niya kanina. Umihip naman ang marahan na hangin kung kaya't ang buhok ni Fidel ay animo'y sumasayaw. Napalunok na lamang si Salome dahil sa kaba lalo na dahil napakalinaw ng kagwapuhan ng binata na nasa harapan niya. naistatwa lamang siya doon habang nakatitig din sa mga mata ni Fidel. At dahil nagwawala na ang kaniyang puso napatakbo siya papalayo.
"Senor! Magtutungo lang ako sa palikuran! Babalik ho ako" sigaw ni Salome habang kumakaripas ng takbo papalayo. Ito ang kauna-unahang beses na nakakaramdam siya ng ganito sa isang ginoo kung kaya't naninibago siya sa nararamdaman. Wala pa siyang karanasang umibig di tulad ng kaniyang ate Felicidad.
Natawa na lamang si Fidel at napailing-iling habang ang ngiti ay hindi na mapawi sa kaniyang labi "Hihintayin kita... Lumeng" wika ni Fidel sa sarili habang pinagmamasdan si Lumeng na tumatakbo papalayo. "Hihintayin kita"
"Senor Fidel, pinapasabi po pala ni Lumeng na hindi na siya makakabalik ngayon dahil isinama po siya ni Manang Estelita sa bayan, inatake po muli si Manang ng rayuma at dinala po siya ngayon ni Lumeng sa manghihilot sa bayan" panimula ni Piyang nang marating niya ang lilim ng puno kung saan nakaupo doon si Fidel at naghihintay kay Salome habang tinatanaw ang lawa ng luha.
Higit isang oras din siya naghintay doon ngunit nito lang nasabi ni Piyang dahil inasikaso niya pa ang mga naiwang gawain ni Manang Estelita kanina. Tumango na lamang si Fidel "Gayon ba? Sige papanhik na ako sa loob, Salamat Piyang" sagot ni Fidel ngunit nanatili lang itong nakatingin sa lawa.
Nagtataka namang umalis doon si Piyang dahil mukhang malalim ang iniisip ng Senor.
"Ito ang langis ng alovera, ilagay lang ito sa masakit na bahagi ng katawan at paulit-ulit na haplusin upang mabawasan ang pagsumpong ng rayuma ni Manang" bilin ng matandang babaeng manggagamot. Inay Laya ang tawag sa kaniya ng lahat. ang kaniyang tahanan ay malapit sa bayan at dinaragsa rin ito ng mga taong nais magpahilot lalo na ng mga mahihirap na hindi kayang sumangguni sa doktor.
"Ako'y marunong rin sa pagtatawas at kung ano-ano pang mga paraan ng panggagamot. Minsan na rin akong tinaguriang albularya" kwento pa ni Inay Laya habang tinatapalan ng dahon ng pinainit na tuba ang tuhod ni Manang Estelita. Nakahiga ito ngayon sa maliit na papag ni Inay Laya, habang nakaupo naman sa gilid si Salome at Ising na noo'y nakikinig sa mga sinasabi ni Inay Laya.
"Saan niyo po pala natutunan ang panggagamot Inay Laya?" tanong ni Ising, napangiti naman ang matanda "Ako ay nagmula sa lahi ng mga Babaylan noon pang bago dumating ang mga Kastila, kahit pa isang daang taon na ang lumipas marami pa ring sumasangguni sa mga Babaylan sa panahong ito lalo na sa mga liblib na lugar at malalayong isla na hindi pa nararating ng mga Kastila"
May mga ilang Babaylan din ang humamon sa mga pari, Noong 1621 ang isang kilalang Babaylan na nagngangalang Tamblot mula sa Bohol ay kumalaban sa mga paring Kastila, hinamon ni Tamblot ang mga pari at sinabing kung sinuman ang makapagpapalabas ng kanin at alak sa isang kawayan sa tulong ng diyos na kanilang pinaniniwalaan ay siyang tunay ngang diyos.
Nahikayat ni Tamblot ang dalawang libong Boholanos na talikuran ang kristiyanismo at umanib sa kaniya at sumiklab ang digmaan sa pagitan nila. humingi ng tulong ang mga Kastila sa karatig bayan na Cebu upang matalo ang mga rebelde. Sa kasamaang palad natalo ang panig nila Tamblot at napatay siya.
Napatango-tango naman si Salome at Ising at manghang-mangha sila sa kinukwento ng matanda. "Sandali lamang, magpapainit muli ako ng dahon ng tuba" saad ni Inay Laya at tumayo ito papunta sa kusina.
Tumayo muna si Salome at naglibot-libot sa loob ng bahay, ngayon lamang siya nakakita ng mga kakaibang kagamitan. Samantalang, naiwan naman sa papag si Manang Estelita habang kinakausap ni Ising.
Ang loob ng bahay ni Inay Laya ay napapalibutan ng kung ano-anong mga agimat, anting-anting, mga dasal na nakasulat sa baybayin at iba't-ibang simbolo na ginagamit ng mga sinaunang Babaylan.
May mga nakaguhit pang larawan ng mga sinaunang kasuotan ng mga datu, rajah at lakan. Maging ang mga sinaunang hikaw, kuwintas at mga bolo ay naroon din sa loob ng tahanan ni Inay Laya. Ilang saglit pa, napatigil si Salome nang mapansin ang isang papel na lumang-luma na, pahaba ang hugis nito at nakasabit sa dingding ng bahay malapit sa bintana, may dalawang pulang kandila rin ang nasa ibaba nito. nakasulat ito sa wikang baybayin at sinusubukan niyang basahin.
"P-pang----"
"Pangako" tugon ni Inay Laya, nagitla si Salome dahil hindi niya namalayan na nasa likod na pala niya ang matanda. "Pangako... ang ibig sabihin niyan Hija" patuloy pa ng matanda habang nakangiti sa dalaga.
Hindi naman maintindihan ni Salome kung bakit hindi niya maialis ang mga mata niya sa katagang iyon na nakalagay sa lumang papel na halos mapunit na dahil sa pagkaluma. "Pangako na binitiwan at hindi maaaring baguhin" saad pa ni Inay Laya, tumango na lamang si Salome at ibinaling na lang niya ang tingin niya kay Manang Estelita at Ising na nag-uusap patungkol sa mga bilin ni Inay Laya.
"Ikaw ba'y marunong mag-baybay?" tanong pa ni Inay Laya, habang nakangiti pa rin sa dalaga. Hindi naman maintindihan ni Salome kung bakit ganoon na lang siya kausapin ng matanda.
"Opo... ang lolo ko po ang nagturo sa akin" sagot ni Salome at akmang aalis na pero hinawakan ni Inay Laya ang kaniyang kamay upang pigilan siya.
"Mabuti naman at naipasa ng inyong lolo ang kaalaman sa pagbabaybay, natatakot ako na unti-unti na itong mabura sa ating kultura dahil sa impluwensiya ng mga Kastila" wika ni Inay Laya at hindi pa rin niya binibitawan ang kamay ng dalaga. "Hindi kayo taga-rito sa San Alfonso, hindi ba?"
"Ah-O-opo, kami po ay taga-Hilaga, mula po kami sa bayan ng Tondo" sagot ni Salome, nais na niyang kumawala sa pagkakahawak ng matanda ngunit isa iyong kabastusan. Ang mga matatanda lalo na ang mga manggagamot ay dapat iginagalang.
"Kaharian ng Tondo" pag-tama ni Inay Laya dahilan para manlaki ang mga mata ni Salome. Paano niya nalamang nagmula kami sa dugong bughaw?
"Hindi dapat tinatawag na bayan lamang ang Tondo dahil ito ay isang Kaharian, isang mayamang kaharian na pinamumunuan ng mga magagaling na Rajah, ngunit sinira lamang ng mga Kastila" paliwanag ni Inay Laya, nakahinga naman ng maluwag si Salome dahil iba naman pala ang tinutukoy ni Inay Laya.
Akala ni Salome ay bibitawan na ni Inay Laya ang kaniyang kamay ngunit nagulat siya dahil buksan ni Inay Laya ang kamay niya at titigan ang mga guhit sa palad niya. "Ang mga guhit sa iyong palad ay nagpapakita ng iyong kapalaran" sambit pa ni Inay Laya habang tinititigan mabuti ang palad ni Salome. Napalingon naman si Salome kay Manang Estelita at Ising na hindi pa rin natatapos sa pag-uusap hanggang ngayon.
Nais sana niyang tawagin si Ising dahil hindi na siya mapalagay sa presensiya ng matandang babae na nasa harapan niya. "Nais mo bang malaman ang kapalaran mo Hija?" tanong ni Inay Laya at tumingin ito ng diretso sa mga mata ni Salome. Sa pagkakataong iyon, hindi naman mawari ni Salome kung bakit hindi niya rin maaalis ang tingin niya sa mga mata ng matanda. "A-ano po ang kapalaran ko?" tanong ni Salome at ramdam na ramdam na niya ngayon ang lakas ng kabog ng kaniyang dibdib.
Bigla namang napawi ang ngiti ng matanda at napalingon ito sa bintana sa labas. nagsisimula na namang pumatak ang ulan. "Ang kapalaran mo ay..." wika ni Inay Laya sabay tingin muli ng diretso sa mga mata ni Salome, animo'y may hiwaga itong kakambal na nakapagdudulot ng matinding takot sa taong kausap nito. "Mas tamang sabihin na, Ang kapalaran niyo ay... katulad ng Ulan at ng Asimptota"
Binitiwan na ni Inay Laya ang kamay ng dalaga at napayuko ito "Ulan at Asimptota... Hija" patuloy pa ng matanda at iniwan na siyang nakatayo doon habang paulit-ulit niyang iniisip kung anong nais ipabatid ng matanda sa kaniya...
Tulad ng Ulan at Asimptota? Ano ba ang Asimptota?
Habang tinatahak nila ang daan pauwi, hindi mapigilan ni Salome na isipin ang sinabi ni Inay Laya, lalo pa't umuulan na rin habang nakasakay sila sa kalesa pabalik sa hacienda. "Nais mo bang dumaan muna saglit sa inyo Lumeng?" tanong ni Manang Estelita at dahil doo'y biglang nabuhayan si Salome.
"Sabi ko na nga ba, kaya ka tahimik ngayon ay dahil nananabik ka sa iyong pamilya" wika pa ni Ising sabay akap sa kaibigan. Nang makarating sila sa Barrio Tagpi, hindi naman na sila nakababa pa sa kalesa dahil sila Ernesto, Danilo at Nay Delia na ang sumalubong sa kanila habang hawak-hawak ang malalaking dahon ng saging na ginawa nilang payong.
Malayo pa lang ay natunugan na nila ang paparating na kalesa, at agad silang tumakbo papalabas sa bahay ng matanaw sila Manang Estelita at Salome na lulan ng kalesang iyon. "Inay! Bakit lumabas pa kayo? Kami na lang po ang papasok---"
"Huwag na anak, mababasa pa kayo ng ulan, tatahakin niyo pa ang makipot na daan sa gitna ng palayan" sagot ni Nay Delia at sumampa sa kalesa upang yumakap kay Salome. Napatango na lamang si Salome dahil tama nga ang kaniyang inay, halos limampung metro pa ang lalakarin sa makipot na daan sa gitna ng palayan para marating ang kanilang bahay kubo sa gitna nito.
"Heto, nagdala ako ng hinog na saging na lakatan, may punong itinanim si Ernesto sa likod ng bahay nila, matamis ang saging na ito, nais ko sanang ibigay mo ito kay Senor Fidel bilang pasasalamat dahil sa kabutihan niya sa ating pamilya" bilin pa ni Nay Delia sabay abot ng isang kumpol ng saging na lakatan kay Salome. Binigyan rin niya ng iba't-ibang prutas sila Manang Estelita, Ising at Mang Berto bago siya bumaba sa kalesa at nagpaalam na.
"Sa Linggo ay pumarito kayo, kaarawan na ni Danilo" wika pa ni Nay Delia habang kumakaway ito papalayo sa kalesa. Kumaway naman sila pabalik.
Pagdating sa mansyon, naging abala sila sa paghahanda ng hapunan, ginabi na rin sila ng dating dahil malakas ang ulan kung kaya't bumagal ang takbo ng kabayo. Agad naman silang nagbihis at nagpatuyo ng buhok upang hindi sila magkasakit bago nagsimula magluto.
Nang maihain na ang hapunan, ipinag-utos ni Fidel na dalhin na lang sa kaniyang opisina ang pagkain dahil may tinatapos pa siyang mga gawain. Si Salome ang pinipilit nilang mag-akyat ng pagkain kay Fidel ngunit ayaw ni Salome dahil naalala niya pang hindi niya nabalikan kanina si Senor Fidel sa lawa ng luha.
At dahil sa pag-tuturuan nila Salome, Piyang at Ising kung sino ang magdadala ng pagkain kay Senor Fidel, si Susana na lang ang nag-presenta at nag-akyat niyon. "Ikaw kasi! Pagkakataon mo na iyon para makausap muli si Senor Fidel" pang-asar pa ni Ising kay Salome at hinampas pa nito ang balikat ng kaibigan.
"Nagtaka nga ako kanina kasi mukhang dismayado si Senor nang sabihin ko sa kaniya na hindi ka na makakabalik dahil nagtungo kayo nila Manang sa bayan" sumbong pa ni Piyang, at binigyan din niya ng ngiting nakakaloko si Salome.
"Hinintay ka pa man din niya" habol pa ni Piyang at sinimulan na siyang asar-asarin nila Ising at Piyang, mabuti na lamang dahil dumating na si Manang Estelita mula sa kusina. Nasa hapag kasi silang tatlo ngayon at nagkwekwentuhan.
"Tama na iyan, ayusin niyo na ang kusina at matulog na kayo" utos pa ni Manang, agad naman siyang inalalayan ni Ising at Piyang papunta sa kanilang tinutuluyang kubo sa likod ng mansyon, malakas din ang ulan kung kaya't kani-kaniya silang dala ng pangsangga sa ulan.
"Lumeng, diyan ka muna babalik kami, ihahatid lang namin si Manang" sigaw pa ni Ising, hindi pa kasi sila naghuhugas ng mga pinagkainan dahil nagtuturuan sila kanina kung sino ang magdadala ng pagkain kay Senor Fidel.
Binuhat naman ni Salome ang upuan papunta sa tapat ng bintana sa hapag upang pagmasdan ang malakas na pagbuhos ng ulan. Inilahad din niya ang palad niya upang saluhin ang patak ng ulan mula sa labas ng bintana, sa tuwing ginagawa niya iyon ay naaalala niya si Fidel dahil madalas itong gawin ng binata sa tuwing bumubuhos ang ulan. Ang malaking gasera naman ay nasa gitna ng mesa at nagbibigay ng liwanag sa loob ng silid-hapagkainan.
Napalingon naman siya sa likod ng makitang nakababa na si Susana at dire-diretso itong nagtungo sa kusina at sumunod kina Manang Estelita sa kanilang kubo. Ibinaling na lang muli ni Salome ang kaniyang atensyon sa buhos ng ulan at inilahad niya ulit ang palad niya.
Napatigil naman siya nang maalala na binasa ni Inay Laya kanina ang kapalaran niya sa pamamagitan ng guhit sa palad niya. pinagmasdan ni Salome ang kaniyang palad na ngayo'y basang-basa na dahil sa tubig ulan.
Ulan at Asimptota?
Ulit niya muli sa kaniyang isipan. Ang dalawang salitang iyon ay pilit na bumabagabag sa kaniya.
Pambihirang saya ang dulot sa akin ng ulan... samantalang, wala naman akong ideya kung ano ang Asimptota.
"Hindi ba't tuturuan mo pa ako mag-baybay?"
"Anak ng tupa!" nagitla si Salome nang marinig niyang may nagsalita mula sa kaniyang likuran. Agad siyang napatayo at nagbigay galang kay Fidel na noo'y nakangiti sa kaniya habang ang mga kamay nito ay nasa likuran.
"K-kayo po pala Senor... Tapos na po ba kay kumain? Huhugasan ko na po---" hindi na natapos ni Salome ang kaniyang sasabihin at akmang aalis sana siya kaya lang bigla siyang hinarangan ni Fidel.
"Ikaw ba'y tatakas na naman?" usisa pa ng binata, agad namang napahakbang paatras si Salome dahil muntikan na siyang mabangga sa dibdib ni Fidel.
"Ho? Hindi ho Senor" pagtanggi niya pa sabay yuko, hindi na naman siya mapakali dahil sa pambihirang kaba na nararamdaman niya.
"Kung gayon, dumito ka lang, ipagpapatuloy natin ang naudlot nating lektura kanina" wika ni Fidel sabay kuha ng upuan sa hapag at inilagay niya iyon sa tabi ng upuan ni Salome na nasa tapat ng malaking bintana.
"Senor, baka po mabasa tayo dito sa tapat ng bintana" tugon pa ni Salome at akmang bubuhatin na niya ang upuan pabalik sa mesa upang doon na lang sila pero pinigilan siya ni Fidel. "Dito na lang tayo, mas maaliwalas ang tanawin sa labas" sagot ni Fidel, nagtaka naman si Salome dahil gabi naman na at walang buwan, kung kaya't madilim sa labas at walang awat din ang pagbuhos ng ulan.
Naupo na si Fidel sa upuan at binuklat na rin niya ang kuwaderno ni Salome "Senor, nakakahiya po, sa inyo ko pa pinadala ang aking gamit" saad ni Salome dahil dala-dala pa ni Fidel ang kaniyang kuwaderno, maging ang kaniyang pluma at tinta.
"Wala iyon, baka may makalimutan ka na naman at paghintayin mo ako ng matagal" biro pa ni Fidel sabay tawa dahilan para matawa na lang din si Salome. Napapansin niyang napapadalas ang pagbibiro at pagtawa ng binata na mas lalong nakakadagdag sa kagwapuhan nito.
"Saan ba tayo magsisimula?" tanong ni Fidel sabay tingin kay Salome, habang nakapatong ang kuwaderno sa kaniyang hita at hawak rin niya ang pluma. Napangiti naman si Salome at naupo na sa tabi ng binata. Binuklat niya ang kuwaderno sa ikalawang pahina kung saan nakasulat ang labing-pitong letra ng baybayin.
"Nais niyo po bang isulat ang pangalan niyo Senor sa letrang baybayin?"
"Maaari ba?"
"Opo Senor, iyon nga lang kailangang palitan ng P ang unang letra ng pangalan niyo" paliwanag ni Salome, napatango naman ang binata, naiintindihan niyang walang F na salin sa baybayin.
Kinuha ni Salome ang kuwaderno at pluma kay Fidel at sinimulan niyang isulat ang pangalan nito sa baybayin.
(Pidel)
"Napakaganda" saad ni Fidel habang pinagmamasdan ang nakaguhit na salita sa baybayin. "Subukan niyo pong gayahin Senor... madali lang po iyan" wika pa ni Salome sabay ngiti. Kinuha naman na ni Fidel ang pluma at kuwaderno at ginaya niya ang isinulat ni Salome.
Nang matapos siya ay hindi maitanggi sa kaniyang mukha ang pagkamangha at saya dahil nakapagsulat siya sa paraang baybayin. "Napakaganda talaga ng inyong kultura" tugon pa ni Fidel habang nakangiti ito. "Sadyang Napakaganda talaga" ulit niya pa sabay tingin ng diretso kay Salome. Napangiti naman si Salome ngunit hindi pa rin iniaalis ni Fidel ang titig sa kaniya kung kaya't bigla na namang kumabog ng malakas ang dibdib niya.
A-ako ba ang tinutukoy niya?
At dahil hindi na makayanan ni Salome ang kakaibang tagpo nila, agad siyang napaiwas ng tingin at humarap na lamang sa bintana. "S-senor ang lakas po ng ulan ngayon at ang lamig... Ganito rin po ba kalamig sa tuwing umuulan sa Espanya?" pag-iiba niya ng usapan at pasimple pa siyang sumulyap ulit sa binata sabay iwas ulit ng tingin.
Napangiti naman si Fidel at humarap na rin sa bintana. "Mas malamig doon, parang pinapasok ng malamig na ihip ng hangin ang buong katawan mo sa tuwing umuulan at tag-lamig" sagot ni Fidel habang nakangiting tinatanaw ang pagbuhos ng ulan sa labas.
"Kailan po ba ang huling punta niyo sa Espanya?"
Napaisip naman si Fidel "Matagal na rin, labing tatlong taong gulang lamang ako nang magtungo ako dito sa Pilipinas, nais kong sundan ang ama ko at hanapin siya" wika ni Fidel dahilan para mapatingin sa kaniya si Salome. Hindi akalain ng dalaga na may ganoong kwento pala ang binata.
"H-hindi po ba may dugong Pilipino ang inyong ama?" tanong pa muli ni Salome, naalala niya na nabanggit ito ni Fidel sa kaniya noong umiinom sila ng kapeng bigas sa panciteria ni Aling Teodora.
"Oo, ang aking ama ay kalahating Pilipino at kalahating Kastila, sa Espanya na siya lumaki dahil dinala siya roon ng kaniyang ama na aking lolo, ang kaniyang ina ay isang Pilipina na namatay sa panganganak sa kaniya, sa Espanya rin nakilala ni ama ang aking ina na isang anak ng mayamang pamilyang Kastila, nakapagtapos naman ng abogasya ang aking ama kung kaya't hindi tumutol ang pamilya ni ina, nang ikasal sila sa Madrid na sila nanirahan at doon kami ipinanganak ng tatlo ko pang kapatid, ngunit hindi naglaon ay napapadalas ang pagtatalo ni ama at ina hanggang sa isang araw bigla na lang kaming nilayasan ni ama, nag-iwan lang siya ng sulat na babalik siya sa Pilipinas at magsisimula ng panibagong buhay" tugon ni Fidel at bakas sa mukha nito ang kalungkutan habang inaalala ang masaklap na paghihiwalay ng kaniyang mga magulang.
"N-nahanap niyo na po ba ang inyong ama dito... Senor?" tanong pa muli ni Salome, maging siya ay nakaramdam din ng matinding kalungkutan dahil sa kwento ni Fidel.
"Hindi pa, halos labing apat na taon na akong namamalagi rito sa Pilipinas ngunit ni isang balita ay wala akong nahahagip tungkol sa kaniya, may nagsabi sa akin na sa Intramuros daw namalagi noon si ama ngunit nalibot ko na ang buong Maynila pero hindi ko pa rin siya natunton" sagot ni Fidel at napayuko ito. Parang nakaramdam naman ng konsyensiya si Salome dahil mukhang mas napasama ang pag-iiba niya ng usapan kanina. Hindi niya nais na malungkot ang binata.
"Ayos lang po iyan Senor, noong isang linggo nga po nawala si ChinChing, tatlong araw ko rin siyang hinanap at noong napagod na ako kakahanap, bigla na lang siyang sumulpot, nasa kuwadra lang pala siya ng mga kabayo, siguro naghahanap ng magiging nobyo" biro pa ni Salome dahilan para biglang umaliwalas ang itsura ni Fidel at sumilay ang ngiti sa labi nito.
"Ipakilala mo nga sa akin si ChingChing at pasasabihan ko iyan, hindi tamang dumadayo pa siya sa ibang kuwadra upang maghanap ng nobyo" tawa pa ni Fidel, ang kanilang tawanan ni Salome ang umalingangaw sa buong silid. Hindi naman maitago ni Salome ang saya dahil napatawa na naman niya ang binata.
"Ibig sabihin Senor kaya bihasa na rin kayo magtagalog ay dahil matagal na pala kayo rito sa Pilipinas" ngiting tugon ni Salome nais niyang pagaanin pa lalo ang loob ng binata.
"Oo... napamahal na rin ako sa inyong wika" saad ng binata at nakangiti na ito. "Ngunit hindi ko pa rin kinakalimutan ang sarili kong wika... hindi ba't sinabi ko rin sa iyo na tuturuan kita magsalita sa wikang Kastila" patuloy pa ni Fidel, napatango-tango naman ang dalaga.
"Buenas Dias, Mi Nombre Salome Aguantar" panimula ni Salome at napangiti ito. "Natutunan ko po iyon noong ituro niyo sa unang araw ng klase kung paano ipakilala ang sarili sa wikang kastila" paliwanag pa ni Salome, napangiti naman sa bilib si Fidel.
"Amigo? Amiga?"
"Kaibigang babae at kaibigang lalaki" sagot ni Salome, mas lalo namang napangiti si Fidel dahil madaling matuto si Salome.
"Por Pabor... Espere... Te amo"
Napaisip naman si Salome, "Pakiusap?... Sandali?... Mahal kita?" sagot ni Salome at hindi niya sigurado kung tama ba ang pagsalin niya. "Tama po ba Senor?"
"Si" sagot ng binata habang nakangiti pa rin ito ng todo. Napasandal naman sa upuan si Salome.
"Oo po ang 'Si' diba?" tanong pa muli ni Salome. Hindi niya mabatid kung pinagtitripan ba siya ng binata dahil wagas ito makangiti. "Sí, tienes razón" (Yes,You're right) sagot pa ni Fidel. Napasandal na lang ulit sa inis si Salome kasi tinatawanan lang siya ni Fidel, pero hindi naman niya magawang magalit dahil mas natutuwa siyang makitang nakangiti ang binata.
Sandali silang napatahamik habang pinagmamasdan ang buhos ng ulan sa labas ng bintana. Napagod na sila sa kakangiti at kakatawa sa hindi malinaw na dahilan kanina pa. "Oo nga po pala Senor! May ipinapabigay po si inay sa inyo" wika ni Salome sabay tayo at nagtungo siya sa kusina upang iabot ang saging na lakatan kay Fidel.
"Pasenisya na po kung ito lang ang kaya naming ibigay sa inyo Senor, pero huwag po kayong mag-alala matamis po ang saging na iyan" saad pa ni Salome at mukhang nakumbinse naman niya si Fidel sa galing niya sa pagsasalita.
"Maraming Salamat, hindi naman ako naghahangad ng anumang kapalit, ang mahalaga ay natulungan ko kayo" sagot ni Fidel at kinuha na niya ang saging at inilagay iyon sa tabi niya.
"Nako! Senor kapag natuto na po ako bumasa at sumulat sa alpabeto at magsalita ng wikang Kastila, Pangako po ililibre kita sa panciteria" tugon pa ni Salome dahilan para mapangiti lalo si Fidel.
"Talaga? kung gayon, kailangan mong mag-aral ng mabuti upang malibre mo na ako sa lalong madaling panahon" wika pa ni Fidel sabay ngiti na kita ang ngipin. "At bukod doon, kailangang matuto ka na rin magbasa ng wikang Kastila upang mabasa mo ito" patuloy pa ni Fidel sabay buklat ng kuwaderno ni Salome sa pinakahuling pahina sa likod.
"Ano po ito Senor?" nagtatakang tanong ni Salome habang tinititigan mabuti ang nakasulat sa huling pahina ng kaniyang kuwaderno. "Kayo po ang nagsulat nito Senor?" tanong niya pa, napatango naman ang binata bilang tugon.
"Isinulat ko iyan kanina habang hinihintay kita sa lawa ng luha" saad pa ng binata. Muling inusisa ni Salome ang sulat ni Fidel. "Ngunit Senor Hindi ko po maintindihan"
"Sa oras na matuto ka na magbasa at umintindi ng wikang Kastila... maiiintindihan mo rin iyan" sagot pa ni Fidel habang nakatanaw sa buhos ng ulan, nagtataka namang napatingin sa kaniya si Salome "At sa oras na maintindihan mo na ang nakasulat diyan... nawa'y maintindihan mo ang lahat" patuloy pa ni Fidel sabay tingin ng diretso sa mga mata ni Salome.
~Matagal-tagal din nawalan ng gana
Pinagmamasdan ang dumaraan
Lagi na lang matigas ang loob
Sabik na may maramdaman~
~Di ka man bago sa paningin
Palihim kang nasa yakap ko't lambing
Sa bawat pagtago
Di mapigilan ang bigkas ng damdamin~
~Walang sagot sa tanong
Kung bakit ka mahalaga
Walang papantay sa'yo
Maging sino man sila~
Sa gitna ng gabi, sa gitna ng malamig na klima at walang humpay na pagbuhos ng ulan sa labas ang tanging naririnig lamang ni Salome ay ang walang awat na pagtibok ng kaniyang puso para sa binatang kaharap niya ngayon...
Muli ay tiningan niya ang isinulat ni Fidel sa kaniyang kuwaderno...
Oro para que nos encontremos en una situación diferente
Donde no hay nadie que pueda detenernos
De enamorarse...
******************
Featured Song:
'Sila' by SUD
Maraming Salamat kay Binibining JoanaJoaquin siya ang nag-salin sa wikang Baybayin :) Salamat Kapatid <3
A/N: Si Salome nga ang nagpasimula ng Kaldereta ala Montecarlos style na nakaabot hanggang sa taong 1892 na kilalang specialty recipe ng Montecarlos Family sa I Love you since 1892, at nakaabot pa hanggang sa 2016 sa panahon ni Carmela Isabella at sa darating pang mga taon.
Source of Babaylan Tamblot: 8 extremely interesting lesser-known battles in Philippine History.www.filipiknow.com
Source of Rajah Lakandula: Rajah Lakandula, the muslim king by Jose N. Sevilla at Tolentino in the early 1920s.
https://youtu.be/8nAb0vMec3M
"Sila" by SUD
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top