CHAPTER TWENTY

Pinanuyuan ako ng lalamunan sa sinabi ni Nathan. Kahit malakas ang aircon sa bahay pinawisan ako nang husto. Hindi ko tuloy alam kung paano siya pakikitunguhan. Nang balingan niya ako pagkatapos masigurong safe na si Neil sa walker niya, nagkunwari akong may inayos sa damit ng anak ko. Lumuhod ako sa harapan ng bata at hinaplos-haplos ito sa pisngi.

"You wanna eat something?" tanong ko pa kay baby.

Sumigaw-sigaw ito habang nakatingin kay Nathan. "Da-dah!" Paulit-ulit niyang sinabi iyon. Natawa si Nathan. Lumuhod din ito sa harapan ni Neil at inaliw-aliw ang bata. Nasagi niya nang bahagya ang dibdib ko kaya nag-init ang pisngi ko, lalo pa nang lumingon siya sa akin at humingi ng paumanhin.

Nang magka-level na ang mga mata nilang mag-ama, biglang hinawakan ni Neil ang leeg ng dad niya at dinikit pa ang noo sa noo nito. Natawa na naman si Nathan. Habang pinagmamasdan ko sila, may kung anong sumundot sa puso ko. Nakonsensiya ako. Hindi ko sukat akalain na maaalala pa ni Neil ang ama niya. Inisip ko kasing sa murang edad niya, kapag hindi na niya nakikita ang tao nang matagal-tagal ay makakalimutan na niya ito. Pero heto nga, despite not seeing his dad for more than two months, naalala pa rin niya pala.

"You missed Dada?"

"Da-dah! Da-dah!" sagot lang ni Neil at dinikit na ang pisngi sa pisngi ng ama.

"You really missed Dada!" masayang sabi ni Nathan.

Kinuha na naman niya sa walker ang bata at kinarga. Nagharutan silang dalawa. Bago ko pa mamalayan, tumulo na ang luha ko. Pasimple akong tumalikod para pahiran ang mga ito nang lumingon si Nathan sa akin.

"How are you guys?" tanong nito.

"M-mabuti," sagot ko. Bahagyang pumiyok ang boses ko. Tumikhim-tikhim muna ako bago nagsalitang muli. "Tungkol do'n sa sinabi ko kanina---ang sabi ni Papa may kakilala siyang abogado na pwedeng mag-asikaso ng legalities ng separation natin. I want---I want to move on with my life. Gusto kong---"

"Legal separation?"

Halos hindi ko narinig ang tanong niya. He said it in almost a whisper. Hinarap ko siya uli at tinanguan. "Yes. Legal separation---pero kung kaya nating---I mean kung---kung may pambayad para sa annulment mas maigi sigurong ipa-annul na lang ang kasal."

Hindi nagsalita si Nathan. He just absent-mindedly kissed Neil's forehead again and again. Naasiwa ako sa matagal na katahimikan sa pagitan naming dalawa. Nag-isip ako ng puwedeng sabihin para may mapag-usapan naman kami, pero wala akong mahagilap na ideya.

"On what grounds?" tanong niya bigla.

Napakurap-kurap ako. Annulment ako nang annulment hindi ko pala napag-isipan kung ano ang magiging basehan no'n kung saka-sakali. Ang alam ko lang na maaaring maging grounds sa ganoong kaso ay ang tinatawag nilang psychological incapacity. Ang dinig ko kakailanganing kakutsabahin pa ang isang psychologist para maging expert witness na mayroon ngang ganoong kalagayan ang isa sa mag-asawa. At sobra raw magastos ang buong proseso.

Tuluyan nang humarap sa akin si Nathan. Seryoso na ang mukha. Nakita ko si baby na titig na titig sa mukha ng daddy niya. Nawala na rin ang tawa nito. Tumingin din ang bata sa akin. Siguro nagtataka ito kung ano ang sinabi ko sa kanyang ama na biglang nagpalis ng ngiti nito.

Tumikhim-tikhim ako ulit. Paano ko ba ipapaliwanag ang naiisip kong psychological incapacity? At ano nga ba iyon?

Inulit ni Nathan ang tanong. Bago pa ma-censor ng utak ko ang sasabihin, namutawi na sa mga bibig ko ang salitang, 'psychological incapacity.'

Nangunot ang noo ni Nathan. Nagsalubong pati ang mga kilay niya.

"Of whom? Me or you?"

Nabigla ako sa tanong niya. Siyempre naman, siya, ano! Sinabi kong siya ang mayroon no'n.

"Me? I'm perfectly normal," walang kagatul-gatol niyang sagot. "There's nothing wrong with me. Maybe you?"

"Anong ako? Of course not! I'm perfectly normal!"

"There you go! We are both normal. Why would we pretend we're not?"

"It's only for legalities. Sige, kung hindi pwede sa iyo ang annulment, we can always file for legal separation. That would be a lot easier to process."

Tinanong niya uli ako kung ano'ng legal grounds ko para roon. Napahalukipkip na ako. Inis na inis. Daig pa nito ang abogado, a!

"Infidelity!" sagot ko agad. Taas-noo pa.

"You're insane, Aalia. You know you're just making it up."

"Making it up? Hindi ba sumama ka sa malanding abogadang iyon sa Vivre? Hindi ba iyon malinaw na infidelity?"

Napukaw na ang kinikimkim kong galit sa kanya. Paano ba naman parang movie replay na lumitaw sa isipan ko ang hitsura ng higad nang dumaan noon ang sasakyan niya sa harapan ko. Naka-tube lang noon ang bruha at halata sa mukha ang pinaplanong kalandian. Klarong-klaro rin sa isipan ko ang malanding kembot ng kanyang baywang habang naka-abrasiyete kay Nathan papasok sa Vivre. Wala raw nangyari sa kanila? Sino ang maniniwala roon? Sa landi ng higad na iyon, baka sa elevator pa lang ay nag-anuhan na sila!

Binaba uli ni Nathan sa walker niya si Neil at lumapit siya sa akin. Tinabig ko ang kamay niyang nagtangkang humawak sa balikat ko.

"Nothing happened between me and that lawyer, all right? How many times should I tell you that? I didn't cheat on you."

"The fact that you went with her all the way to Vivre says something. There was an attempt on your part because if there was none, you wouldn't have gone with her to Alabang!"

Napabuntong-hininga si Nathan at napailing-iling.

"I didn't come all the way from London just to talk about her."

Pinaningkitan ko siya ng mga mata. Ang bilis na ng tahip ng dibdib ko dahil sa galit.

"You shouldn't have come here in the frist place," sagot ko sa mahinang tinig, pero galit pa rin.

Nakita kong bahagya siyang natigilan. He looked hurt. He cleared his throat and looked away. Sinundan ko ang mga tingin niya. Nakatitig na siya kay Neil na sa mga sandaling iyon ay ngumingiwi na habang nakatingala sa amin ng daddy niya. Nang lumuhod dito si Nathan para hagkan ito, yumakap bigla sa kanya ang bata at umiyak. Parang piniga ang puso ko.

**********

"You went all the way to the Philippines without any plan?" napapantastikuhang tanong ni Jin sa akin sa kabilang linya ng telepono. "What will you do now?"

Ano nga ba ang puwede kong gawin? Convincing Aalia to come with me to London is a lot harder than I expected. Inisip kong nakabuti ang mahigit dalawang buwan naming hindi pagkikita. Inakala ko na sa mga sandaling wala ako sa tabi niya, napagtanto niya na kailangan pala niya---nila ako. Ngayon ko lang na-realize kung gaano ka taas ang pride niya. Mukhang mapapasubo ako nang husto sa kanya. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Nothing seemed to work with her. Minsan, gusto ko nang kidnapin si Neil para sumama na rin siya sa akin. Hmn. Napaisip ako. Bakit nga hindi? Pero teka, pwede yata akong makasuhan ng kidnapping kahit na sabihing anak ko rin ang bata. But what if itatakas ko siya papuntang UK? It has happened before. Hindi ako ang kauna-unahang ama na gagawa no'n kung saka-sakali.

The more I think about kidnapping my son, the more it becomes tempting.

"Nathan! Are you still there, bro?"

Naputol sa pag-iisip ng maitim na balak ang utak ko. Pinakinggan ko ang suhestyon ng bayaw ko. Nang maunawaan ko ang pinagagawa niya sa akin, napangiwi ako. Me? Courting Aalia with flowers and stuff? Natawa ako kay Jin. Hindi ko magagawa iyon. Hindi ako gano'n.

"Flowers and chocolates have always worked, bro. It sounds cheesy to us but women love cheesiness!"

Pinagtawanan ko ang suhestiyon ni Jin at pinutol na ang usapan namin. Lalo lamang akong nagiging hopeless sa kung anu-anong pinagsasabi niya. May binabagayan ang pagiging cheesy. I have nothing against men who do it for their women, but it's not my style. Hindi iyon babagay sa akin. Magiging awkward lang kami pareho ni Aalia. I would rather make her see the practicality of staying married with me. Alam kong pangarap pa rin niyang makatungtong uli sa bansa namin. I'll use that as bait.

Nag-research akong mabuti tungkol sa iba't ibang uri ng panliligaw para sa mga Pinay na kagaya ni Aalia. An hour after, I closed my laptop. Lahat ng mga paraan na sinasabing epektibo ay nahahanay sa suhestiyon ni Jin. No. Hindi ko feel magpaka-cheesy.

Teka, paano kaya niligawan ni Dad si Mom? Ang dinig ko noon, Mom was jilted at the altar and was really broken-hearted when she met Dad in Japan. Dad must have done something phenomenal for Mom to accept him. Nagkaideya ako.

**********

"Nandito sa Pilipinas si Kuya Nathan?!"

"Ang bunganga mo! Nakakainis kang babae ka!" asik ko kay Elaine. Napatingin ako bigla sa pintuan ng kuwarto namin ni Neil. Takot na takot na baka narinig kami nila Mama't Papa.

"O, nasabi mo na ba sa kanyang buntis ka na naman?" tanong ni Elaine. Hininaan na niya ang tinig. She looked so excited.

"Hindi pa. I had no chance to tell him."

"Pambihira ka naman, Ate! Halos dalawang oras kamo kayo nag-usap dito sa bahay tapos wala ka pang chance no'n na ipagtapat ang kalagayan mo?"

Nanlaki ang mga mata ni Elaine at sinipat ang mukha ko. Pinangunutan ko siya.

"Don't tell me na nawili na naman kayo sa loving-loving kung kaya---"

Hinampas ko siya ng unan. Tawa nang tawa ang bruha.

"Ate naman kasi! Nandiyan na nga ang solusyon sa harapan mo, hindi mo pa ginrab!"

Natigil ang usapan namin ni Elaine nang makarinig kami ng tatlong malalakas na katok. Tinakbo ng kapatid ko ang pintuan. Napagbuksan niya si Mama na seryoso ang mukha. Seryoso ba o galit? Kinabahan ako. Shit, narinig niya kami ni Elaine!

"Tumawag si Doktora Rivas. Dinikta sa akin ang nakalimutan niyang ipabili sa iyong vitamins. Heto ang listahan!" At biglang hinagis ni Mama sa harapan ko ang isang kapiranggot na papel kung saan niya sinulat ang pinapabiling vitamins kamo ng ob-gyne ko.

Nagkatinginan kaming magkapatid. Walang nakahuma sa aming dalawa.

"Buntis ka na naman?!" mangiyak-ngiyak na tanong niya. "Sino na naman ang ama niyan?"

Sa pagitan ng hagulgol ni Mama, napagtanto ko kung ano ang pinagsisintir niya. Nagpabuntis na nga raw ako noon sa isang Briton, tapos no'ng umalis daw ito tumihaya na naman ako kung kani-kanino at heto't buntis na naman.

Si Elaine ang unang nakabawi sa aming tatlo. Napahagikhik ito.

"Ma naman! Ano naman ang tingin n'yo kay Ate? May nakita ba kayong ibang lalaking kinalantari ito? Wala, di ba? Siyempre, kanino pa ba iyang pinagbubuntis niya?"

"Matagal nang nakabalik sa kanila si Nathan! At sabi naman nitong kapatid mo hindi sila nagsisiping kahit no'ng nandito pa iyon!"

Biglang natigilan si Mama pagkasabi n'yon at napatitig siya sa akin nang mabuti. I'm busted! Napayuko na lang ako.

"Maghanda ka ng paliwanag sa Papa mo!" sabi na lang nito at iniwan kami ni Elaine.

"Ate? Sinabi mo iyon kay Mama? I can't believe you!"

Tinalikuran ko si Elaine.

**********

Napailing-iling ako nang makita ang isang binatilyong may dala-dalang isang pumpon ng mapupulang rosas. Mayamaya pa'y nakangiti niya itong inabot sa isang dalagitang naghihintay sa kanya sa harap ng Jollibee sabay sabi ng, "I love you!"

Nanayo ang mga balahibo ko sa nasaksihan. Hindi ko yata kayang gumaya. I looked at them one more time and left.

Dahil araw ng mga puso, kahit saan ako pumunta ang dami kong nakikitang couple na namamasyal while holding each other's hands. Nakaramdam ako ng paninibugho. Buti pa sila at walang problema sa pagsasabi ng tunay na saloobin. Kung sa bagay, kuwento ni Mom dati, sadyang malalambing daw ang mga lalaking Pinoy. Noong una nga raw nainis siya kay Dad dahil sobra itong cold. Lagi pa siyang iniinsulto. Ganunpaman, Dad was able to win her over with his charm.

Charm. Yeah. Sa bagay na iyan alam kong ako'y pinagpala. Kamukha ko yata si Dad. Napangiti ako nang lihim. Nang mapadaan ako sa grupo ng mga bading, nagtilian ang mga ito. Bumati pa sila sa akin ng, "Hey, Joe!" I looked past them and went all the way to the parking lot. Kada may makasalubong akong babae, napapalingon sa akin. I felt good. Tama. I still have Dad's charm and looks. Bakit hindi ko iyon gamitin kay Aalia?

Napabuntong-hininga ako. Oo nga pala. Kakaiba ang babaeng iyon. Hindi nga pala umobra sa kanya ang pagpapa-charming ko.

Matagal na akong nakaupo lang sa harap ng manibela ng inarkilahan kong SUV pero hindi ko magawa-gawang paandarin ito. Nagdadalawang-isip akong bumalik ng mall at bumili kahit isang pumpon lang ng ordinaryong bulaklak. Pero matutuwa naman kaya ang babaeng iyon?

Bumalik ako ng mall. Naligaw ako. Nang tingnan ko ang nasa paligid, hindi na iyon ang way papunta sa isang flower shop na nakita ko kanina. Nagpalinga-linga ako. Nakita ko ang signage ng isang pharmacy. Alam ko nadaanan ko na ito. While I was trying to figure out my way, I saw a familiar figure in the counter of the drug store. Awtomatikong bumilis ang tibok ng puso ko nang mapagsino siya. Pasimple akong lumapit. Nagkunwari akong may tinitingnan sa estante ng mga beauty care products. Iyon kasi ang pinakamalapit sa kanya.

"Ay, misis, itanong n'yo po muna sa doktor n'yo kung ano ang maaari n'yong inumin para sa sore throat. We don't just give pregnant women medicines for sore throat without a doctor's prescription."

Biglang nanlaki ang tainga ko sa narinig. Binaba ko ang hawak-hawak. No'n ko lang na-realize na sa kakaisod para mapalapit sa kanya, nasa harap na pala ako ng mga produktong pambabae at hawak-hawak ko na pala ang isang brand ng feminine wash. Kaya pala kinikilig ang isang matrona sa hindi kalayuan sa akin. I ignored her and made Aalia aware of my presence.

"We have a lot of things to talk about," sabi ko agad sa kanya nang pabulong.

Nagulat siya at namula ang kanyang pisngi. Dali-dali sana siyang lalabas ng drug store nang pigilan ko sa isang kamay.

"Aalia, please. Let's talk."

"Did you hear the pharmacist---"

Tumangu-tango ako.

Napalunok siya nang sunud-sunod.

"Okay. I'm pregnant," kalmado niyang sabi.

Hindi ko inasahang ganoon niya kadali aamining buntis siya. Nabigla tuloy ako. Naghanda kasi ako ng mga sasabihin pa kung ide-deny niya iyon. I was speechless for a while. Nang mag-sink in na ang sinabi niya, nakaramdam ako ng excitement. Daddy na naman ako!

"Hindi mo ba ako tatanungin kung kanino itong pinagbubuntis ko? Afterall, matagal kang nawala. It could be someone else's baby."

Napangiti ako. Hindi ko na napigilan ang kasiyahan. Hinila ko siya palapit sa akin at niyakap siya nang mahigpit na mahigpit.

"It's mine and I'm a hundred percent sure!" bulong ko sa kanya at hinagkan ang kanyang buhok.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top