Chapter 7: Caption


 Sumigaw sa Rion.

Sinigawan si Sydney.

Bad omen para sa 'kin.

Si Rion ang nagluto para sa grupo namin. Wala namang problema kung tutuusin kasi 'yon naman talaga ang dapat naming gawin sa laboratory namin sa cookery. Ang issue ay tungkol talaga sa pagsigaw niya kay Sydney.

Hindi lang kasi basta estudyante si Sydney. Private ang NDU. Maraming factor ang kailangang i-consider para makapasok dito at unang-una na roon ang pera tapos influence na ang kasunod.

Mayaman si Sydney. Maimpluwensiya ang pamilya niya. Artista ang kapatid niya. Hindi ko alam kung may koneksiyon ba sila sa school admin, pero tingin ko, may connection nga para payagan siyang maging siya kahit may school policy namang nag-e-exist.

Nagbubulungan na tuloy ang mga kasama ko sa kitchen lab dahil pamangkin ng chairman si Rion. Ayokong sabihing dala niya ang image ng school, pero parang gano'n na nga.

Nakatabi ako kay Rion habang sinusulat niya sa maliit na index card ang mga pangalan namin sa group gamit ang marker. Hindi ko rin alam kung bakit white board marker ang ipinangsusulat niya.

A, mali, alam ko pala. Wala siyang dalang bolpen.

Same.

'Tang inang sulat 'yan, 'apakapanget.

Pero in fairness naman kay Rion, isinama pa rin si Sydney. Kung ako lang, bahala na sa buhay niya 'tong igat na 'to. Inuuna pa ang kalandian bago ang grades.

Si Rion ang nagluto, kami nina Zymon ang nag-plate para sa tatlong panelist na magbibigay ng verdict sa luto namin.

Nakabantay kami kina Ma'am Badilla, Sir Ramos, saka Ma'am Antolin para malaman kung masarap ba ang mga luto namin. Isa-isa kaming magse-serve sa kanila sa isang metal table sa bandang unahan na malapit sa white board.

Nag-serve ang Group 1 at nakabantay lang kaming lahat.

Nakatayo lang ako sa isang sulok na malapit sa sink habang nakahalukipkip nang bigla akong tabihan ni Rion sa kanan ko. Hindi ko sana papansinin kaso bigla akong inakbayan!

Aba, ang tigas ng mukha ng poste na 'to, ha?

"Kinakabahan ako, Gelle," biglang sabi niya.

Lalong nanlaki ang mga mata ko nang kunin niya ang kanang kamay ko at inilapat sa dibdib niya.

"Feel mo ba heartbeat ko? Ang lakas, di ba?"

Anong malakas? Wala nga akong maramdaman!

Para pa naman akong tanga na mukhang nagpa-Panatang Makabayan pero nakaharap sa likod ang palad!

"'Pag sinapak kita, gusto mong malakas din?" mahinang singhal ko.

"Ang harsh mo talaga. Hay." Lalo akong napatingin sa kamay kong kinuyom pa niya at hinimas-himas sa dibdib niya.

"Akin na nga kamay ko!" pigil kong sigaw sa kanya nang bawiin ang kamay ko na nasa dibdib niya.

"Sungit naman ng bebi ko na 'yan."

"Ulul, mama mo bebi."

Tinawanan na naman niya ako nang mahina. Umurong ako pakaliwa para umiwas sa kanya. Umurong din siya patabi sa 'kin.

E, di umurong na naman ako.

Umurong din siya!

Umurong na naman ako nang dalawang beses.

Umurong din siya nang dalawang beses!

E, di para kaming tanga na lumilibot sa bandang likuran ng kitchen lab kakaurong lang naming dalawa. Mula sa may sink, nakalibot na kami sa tatlong mesa pa sa likuran kakaurong.

"Rion, para kang tulok! Umayos ka nga!" Itinulak ko pa siya sa may braso para lang makalayo siya sa 'kin.

Natawa lang siya nang mahina habang hawak ang kanang braso niyang itinulak ko. "What's tu-lowk?"

"Ikaw tulok."

"Group 3."

"Ayan na, tayo na," sabi ko.

"Hala, really? Tayo na? Puwede na kita tawaging babe?"

Ang sama agad ng tingin ko pagtingala kay Rion. Nag-angat ako ng kamao para mag-warning. "Ipilit mo pa, ha? Ipilit mo pa nang ipilit para may sampung sapak ka sa 'kin."

Lumakad na ako papunta sa table namin at hinabol ko sina Zymon para mag-serve sa panelist.

Nakasunod na rin pala sa akin si Rion at siya ang naglapag ng index card sa table.

"Group 3 po, ma'am," sabi ni Rion pag-abot niya ng group names namin.

Umatras naman kami at nag-abang ng reaction.

Kinakabahan na ako. Naniniwala naman akong masarap ang luto ni Rion. Hindi pa kasi namin natitikman. Wala pang gumagalaw ng ibang nasa pan kasi baka manghingi pa sina Ma'am Badilla.

"Ang bango," mahinang sabi ni Sir Ramos habang inaamoy ang laman ng plato namin. Kahit sina Ma'am Badilla, napa-oo roon.

Kahit pag-ikot ng pasta sa tinidor nila, talagang inabang-abangan ko. Hindi naman ako ang nagluto, pero siyempre tumulong din naman ako.

Wala naman silang ibang ini-react pero nagsulat na rin ng grades sina Sir Ramos sa likod ng index card namin na pinirmahan nila pagkatapos.

Inurong ni Ma'am Badilla ang index card namin sa metal table kaya napasilip kami roon nina Rion.

Isang 95, isang 97, saka isang 100.

"Ah—" pigil na irit ko sabay tulak kay Rion. Hindi ko alam kung malakas ba ang tulak ko pero bigla siyang nasubsob sa gilid.

Para akong tangang natatawa nang walang tunog at pumapalakpak nang marahan.

Magaling! Magaling! Magaling!

Siyempre, hindi ako makasigaw. Group 3 pa lang, may isang grupo pa.

Pagbalik namin sa table namin, saka lang nag-react sina Zymon.

"Goods na tayo, dude!" Nag-high five pa sila sa likuran ko.

"Beri gud, beri gud!"

Hindi dapat ako makiki-high five kaso pinagsusuntok naman sina Zymon at Johnrey ang braso ko. Mahina lang siguro para sa kanila, pero nang makaramdam ako ng sakit, ako na ang naghabol sa kanila ng hampas.

"Masakit na! Masakit na! Mga kamay n'yo, ang bibigat talaga, e!"

"Hahaha!" Tawa lang sila nang tawa sa likuran habang Group 4 na ang nakasalang kina Ma'am.

"Kain tayo, dali!" aya ni Johnrey.

Saka lang kami napakuha ng kanya-kanyang tinidor sa cupboard para lang tumikim ng niluto namin.

Tabi-tabi kami sa stove na nagkanya-kanyang ikot ng tinidor sa pasta.

Pero legit na ang bango talaga ng luto ni Rion. Inamoy-amoy ko pa sa tinidor. Sa amin lang kasi ang hindi nagamitan ng gatas o cream. Carbonara din ang sa Group 1 pero lunod sa cream ang kanila.

Pagtikim ko, saka ko lang na-gets kung bakit ang taas ng grade namin.

Grabe yung pasta, may sariling lasa. 'Yong pasta ang lasang makrema. Hindi rin malabsa. Saka iba ang lasa ng alat. Alat na hindi masasabing gawa ng iodized salt o rock salt. Alat na malinamnam, parang crumbs ng tsitsirya.

"'Tang ina, ang sarap . . ." mahinang ungol ko.

"That's something na puwede mong sabihin sa luto ko and sa bedroom," biglang sabi ni Rion kaya ang sama na naman ng tingin ko pagtingala ko sa kanya.

"Bastusan gusto mo?"

"Sabi ko lang, sa bedroom! Sinasabi ko kaya 'yan kapag humihiga ako sa bed tapos pagod ako," natatawang depensa niya.

"Bi-bingo ka na sa 'kin, Rion. Dagdagan mo pa, ha? Dagdagan mo pa."

"Hahaha! Joke lang, ito naman."

"Mama mo joke. Umayos ka diyan, tatagain talaga kita sa leeg, kita mo lang."

Nang matapos ang grading sa amin, kami-kami na rin ang tumikim ng mga luto namin. Masarap din ang luto ng kina Shantey kasi manicotti ang kanila na may palamang meat mix tapos may creamy spinach sauce.

Kaya nga paglabas namin ng kitchen lab, hindi na kami nag-abalang mag-lunch kasi busog na kaming lahat.

Saturday kaya may NSTP pa kami.

After sa kitchen lab, nagpalit agad ako. From chef's uniform, kailangang nakasuot na ng maroon polo shirt at denim jeans. Ang sabi sa last meeting, Basic First Aid daw ang training namin ngayon sa CWTS.

Ang start ng NSTP 2 namin, alas-kuwatro pa ng hapon sa building ng College of Medicine. Alas-onse pa lang ng umaga!

Kaya nga tambay na naman kami ni Shantey sa kwek-kwekan sa labas ng campus para magmeryenda. Nakaupo kami sa mahabang monobloc bench sa may sidewalk na tinatambayan din ng ibang estudyante.

"Ang sarap ni Rion."

Biglang sama ng tingin ko paglingon kay Shantey.

"Ay, sorry. Ang sarap pala ng luto ni Rion. Grabe mag-react si bakla!" Binangga pa niya ang balikat ko kaya napaurong ako nang kaunti.

Patawa-tawa pa siya nang nguyain ang isang buong kwek-kwek na isinubo niya.

"Nakakabuwisit 'yon. Ayaw ako tantanan," reklamo ko.

"Yiiee! Crush ka ba?" buyo ni Shantey. "Pero shookt ang baklita kanina pagsigaw ni Rion."

"Parang nag-transform, e 'no? Biglang laki ng boses."

"Malaki naman talaga boses ni Rion. Kumakanta nga 'yon lagi sa CR."

"Eh?!" Nagulat naman ako pagtingin kay Shantey. "Nakakapasok ka sa CR nila?"

As in tinitigan ko ang mukha niyang pinansasabak niya sa beauty pageant!

"Gurl, standing ovation pa rin ako kapag shume-shembolin, duh?"

Ay, shet, oo nga pala. Nakalimutan ko.

Allowed naman si Shantey na mag-CR sa ladies' room ng NDU. Nakakapag-makeup nga siya sa restroom namin. Pero kapag umiihi siya or other things, doon talaga siya sa men's room.

"Pero kawawa si Sydney, gurl. Pahiya siya nang very very more."

Hindi ko naisubo ang kwek-kwek ko para lang matawa sa "very very more" ni Shantey.

"Bakit naman kasi nangyakap?" sabi ko pa. "May mga yumayakap ba kay Rion randomly?"

"'Yon lang ang mali ni bakla. Yumakap pa talaga. E, hindi naman basta-basta nagpapahawak 'yan si Rion. Nagpapaalam pa nga 'yan kung mangyayakap, e."

"Talaga ba?"

"Ay, gurl, hindi mo knows? Waley ka talaga, hahaha!"

Hindi ko knows kasi pakialam ko naman?

Nag-check ako ng account kong puro shared memes lang naman ang laman. Bungad na bungad agad ang post

ni Sydney na shared ng iba kong friends online. Kanya-kanyang react din sila sa captions.

.---------------------------------------------------------------------------.

Sydney Del Tierro is feeling hurt.

.---------------------------------------------------------------------------.

Kung hindi ko siguro kilala si Sydney, maaawa talaga ako sa kanya. Kaso kasi, sunod-sunod ang captions ng shared post niya.

[ Flirting is not consent ante ]

-

[ I say dasuurv ]

-

[ Si Rion nga nanghihingi pa ng yes bago mangyakap. Di valid mangyakap nang walang consent porke may kiffy ]

-

[ Feeling jowa ka kasi bitch ]

-

[ HAHAHA wala ka raw ambag sa lab nyo girl?? True the fire ang chika??? Dumbbell yarn???? Mahiya ka naman kay Rion #Pabuhat ka na #PaVictim ka pa ]

-

[ Yun ngang ini-status ni Rion na babae di ko feel existence. Nangyayakap din ba yun ?? ]

Ay, wow. Ba't nadamay ako?

Nag-check tuloy ako sa specific post na 'yon para lang malaman kung may basher na ba ako nang di ko alam.

Pero nakalagay sa apat na comments . . .

/ Inistalk ko yung girl haha shitposter taena

/ legit ba yung account? Yung Killua dp?? Dummy ba yun?

/ BSHM din daw classmate nila di ko lang sure sino dun?

/ Heyrosa gagu rich kid to yung mahaba buhok na chinita

Ah, talaga ba, Sharmeyn? Mama mo rich kid.

Pakialam ba nila kung puro ako shared memes? Di ko nga pinapakialam kung mga mukha silang agik.

Naghahanap ako ng makikisimpatya kay Sydney, pero wala talaga. Puro bash ang inabot niya.

Kahit din naman ako, iba-bash ko talaga siya maghapon magdamag. Pinaghihiwa ng parsley, ayaw sumunod. Inuutusang mag-participate, ayaw makinig. Gusto ko tuloy mag-heart react doon sa isang shared caption na may hashtag pabuhat.

Kung tumulong lang siguro siya gaya nina Zymon, baka nagkasundo-sundo pa kami.

Kapag tuloy naiisip kong kapareho ng grades namin ang grades niya samantalang wala naman siyang ginawang kahit na ano, nabubuwisit na naman ako. Imagine, makaka-100 ka sa grade mo nang wala kang ambag ni

pambili ng ingredients, hindi ka pa tumulong mag-asikaso kahit maghugas ng isang plato?

Suwerte niyang igat siya!

Haaay. Na-stress na naman tuloy ako.

Magkikita-kita na naman pala kami mamaya. Ayoko nang makita mga mukha ng mga kaklase ko.


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top