Chapter 6: Duality
Usap-usapan na ang post ni Rion. Nag-grocery nga kasi kaming dalawa. Walang malisya 'yon kung tutuusin kasi magkagrupo naman talaga kami. Saka lagi namang papansin ang mga status ni Rion sa araw-araw.
Ang nagpaingay lang sa post ay 'yong reply niya kay Sydney.
Obviously, It Girl si Sydney. Siya 'yong classmate mong puma-Paris Hilton ang paganap sa buhay. And obviously, ang layo ko sa gano'ng vibe. Siguro no'ng mga Grade 5 ako, baka nga same pa kami ng design ng bag at favorite color.
Pero na-evict na akong minsan sa buhay prinsesa ko. Nakapasok ako sa school na umiiyak ako kasi wala akong pad paper o kahit ballpen man lang. Na-experience ko nang sigawan araw-araw ng mommy ko kakareklamo ko sa ginawa niyang pagkalaban sa lolo ko. That made our lives miserable—that made my life miserable.
Kaya kahit anong sabi pa nila na mayaman ang pamilya ko, hindi ko kayang ilebel ang sarili ko kay Sydney. Kasi siguradong ang pera ng pamilya niya, hindi nakaw. Hindi siya masasabihang kurakot. Ayokong pumasok sa school na nagsusuot ako ng mga branded na gamit kasi mabi-bring up na naman na malamang, ang pinambili ng mga gamit na 'yon, galing sa pera ng taumbayan.
Kaya nga ayoko ng nangyayaring comparison ngayon sa aming dalawa ni Sydney. Nakakabuwisit.
Saturday. Kitchen lab namin. Kay Rion ko pinaiwan ang mga gagamitin namin sa pagluluto. Pumasok ako na naka-white tee, maroon pants naming pang-kitchen, at clog shoes. Ang chef uniform ko, iniiwan ko lang talaga sa locker, wala akong pakialam kung ano man ang maging amoy n'on. Nalalabhan ko naman 'yon every Sunday tapos itatago ko na lang sa locker buong week para ready suotin any time.
Mabango pa rin naman kasi may inilalagay akong smell diffuser sa locker ko. 'Yon lang, amoy air freshener ako ng kotse.
Ang ganda naman ng uniform namin pero itong Sydney na 'to, talagang pumasok nang iba ang suot. Ang pants niya, maroon din naman pero skinny jeans na may nakalawit na kung ano-ano sa bandang belt. Bawal nga raw ang heavy makeup sa kitchen kasi ang pawis, nahahalo sa pagkain, pero siya todo makeup talaga! Nag-smoky eyes pa!
'Yong makeup niya, yung foundation, alam mong 4-ply. 'Yong kapag kinayod ng daliri, maiipon ang krema na iba't ibang shades sa kuko.
Hindi ako nagme-makeup sa school (maliban noong PDev namin). Mas lalong hindi ako nagme-makeup kapag may kitchen lab. Nakakadiri kasi magpunas ng mukha dahil ang init sa harap ng stove tapos may tutulo sa mukha kong malagkit na kung ano. Yuck.
Required kaming magsuot ng hairnet at maroon cap sa kitchen lab. Nagsuot ako ng mga kailangang isuot for sanitation. Si Sydney, panay ang hawi ng kinulot niyang buhok tapos sasabihing, "It's so hot in here. My gosh!" Tapos hawi na naman ng buhok.
Kapag talaga may buhok sa niluto namin, siya agad ang main suspect ko.
Late si Rion na nakarating sa kitchen lab. Pero wala pa naman kaming start dahil nagre-ready pa lang si Ma'am Badilla ng mga panel sa faculty room na titikim ng luto namin.
Kaya nga pagdating ni Rion, nakahinga ako nang maluwag dahil akala ko, iiyak na naman ako ng dugo dahil wala kaming ingredients.
May dala-dala si Rion na malaking clear container na laman ang mga ingredient ng lulutuin namin.
Tinitigan ko 'yong mabuti, as in sobrang titig, kasi alam ko kung ano ang mga laman ng cart namin kahapon. At hindi ko makita ang ilan sa mga binili namin sa grocery.
"Hi, guys!" bati ni Rion paglapit niya sa mesa namin.
"Hello, Rion!" sagot agad ni Sydney.
Sa loob ng kitchen lab, may anim na metal table. Metal table din kasi ang ginagamit namin kapag magse-set ng temperature ng chocolates. Nasa second column, second row kami na tabi ng glass window. Katabi namin ang isa sa dalawang sink sa loob.
May sarili kaming metal table para sa group namin, at patawid dapat si Rion mula sa aisle. Pero nang pumuwesto si Sydney sa kanto ng mesa, rumampa pa talaga si Rion papunta sa harapan at umikot pa sa table ng Group 1 hanggang makarating uli sa table namin kung saan ako nakapuwesto sa sulok na katapat ng sink.
"Good morning, Gelle!" masaya niyang bati sa 'kin at ipinatong pa ang container sa mesa sa harapan ko. "Kinain ng mouse yung ingredients natin kagabi. Sad, di ba? Kaya I bought something na lang para ipalit."
Alas-otso pa lang ng umaga pero ang stress ko, pang-alas-diyes na ng gabi.
ANONG KINAIN NG MOUSE ANG PINAGSASABI NITO?!
Binuksan niya ang container at sinilip ko ang loob. Nandilat pa talaga ako nang makita ang laman.
Wala na kaming store-bought pasta! Pero may dough na nakabalot doon. Don't tell me, manually kaming gagawa ng pasta ngayon?
Wala na rin ang dalawang pack ng bacon na binili namin. Pero may nakabilog doong karne na mukhang luma ang labas pero reddish ang laman.
Saka may mga green nang dahon-dahon na nakabalot doon sa parang directory pages.
Ayokong mag-isip ng masama, pero siguro nakita ng mommy ni Rion ang pinamili namin kahapon kaya napagalitan siya. Malamang 'yon din ang nag-suggest na itong magagandang klase ng ingredients ang gamitin kaysa mga store-bought ingredient lang.
"Pinagalitan ka ng mommy mo, 'no?" sermon ko pa.
"Uy, no, ha? Ito lang kasi ang nakita kong ingredients sa ref namin, so pinalitan ko lang yung kinain ng mouse."
"Sinungaling ka. Dinadaga kayo sa inyo?"
Ngumiti lang siya nang malapad saka nag-peace sign.
Sinungaling talaga 'tong poste na 'to.
"We can work on this naman. I believe in the power of love." Sabay sapo sa dibdib niya gamit ang magkabilang kamay.
"Mama mo power of love. Imbento mo na naman!"
Inabot pa ng ilang minuto bago nakabalik si Ma'am Badilla sa kitchen lab. Nire-ready namin ni Rion ang mga ingredient sa table. Sina Johnrey at Zymon ang pinaghuhugas namin ng mga lulutuan at platong gagamitin.
"Sydney, pahiwa naman nitong mga pang-garnish," utos ko.
Pagtingin niya sa 'kin, panguya-nguya lang siya ng chewing gum habang tinatantiya ako ng tingin.
Nang-iinis ba siya? Makikipag-eye-to-eye contact siya sa 'kin ngayon por que nag-uutos ako? Baka nakakalimot siyang mas wala siyang silbi sa grupo na 'to kaysa kina Zymon?
Naayos na nina Zymon at Johnrey ang mga skillet at pot na gagamitin namin para sa pagluluto, pero ang inutos ko kay Sydney, wala pa ring nagagawa ni isa.
"Rion, do you need help?" maarteng tanong ni Sydney nang lapitan si Rion.
INUUTUSAN NGA KITANG PUNYETA KA!
Inabangan ko ring manermon si Rion pero parang walang narinig na umalis na naman sa table namin para lang makitsismis sa kabilang mga table.
"What's that?" nakangiting tanong ni Rion kay Marlo nang maki-epal siya sa kabilang mesa. "Ang cute naman ng spatula n'yo. Color yellow. I like color yellow."
Ay, wow. 'Apakagagaleng naman nga ho, ano?
Wala kaming pasta na lalagain na lang. Ibig sabihin, magka-cut pa talaga kami ng pasta ngayon para lang may maluto kami.
Hay, Holy Mary, Mother of God, may araw ba sa school na hindi ako maaaburido?
Inilabas ko na ang dough para mamasa na.
"Zymon, pakikuha naman ng pasta maker doon sa shelf," utos ko.
"Saan?"
Inginuso ko ang pang-apat na patungan sa shelf na pinaglalagyan ng mga blender at kung ano-ano pang mixer.
Kahit paano ngayon, sina Zymon at Johnrey, tumutulong talaga lalo sa mga pagbubuhat at pagkuha ng mga gamit. Kapag sinabi kong hugasan ang ganito, naghuhugas talaga sila nang walang reklamo. Kapag sinabi kong pakuha ng ganito, kinukuha nila nang wala akong naririnig na pagdadabog.
Itong si Sydney lang talaga ang balak sumukat ng pasensiya ko ngayong araw.
"Sydney, pahiwa na ng mga pang-garnish," utos ko na naman for the nth time, 'tang ina lang.
"Hey! What are you cooking?" dinig kong tanong ni Sydney sa Group 2 sa kabilang mesa pa na malayo-layo sa amin. Nandoon din siya nakikitsismis.
Pumikit na lang ako at tatlong beses na huminga nang malalim saka pinandilatan ang sahig.
Bakit ka ba kasi nag-uutos, Evangelle? Boss ka ba ng daigdig? Kaya mo namang gawin mag-isa, di ba? Kaysa ma-stress ka nang ma-stress kakabunganga rito, wala namang nakikinig sa 'yong Sydney Del Tierro.
Babalikan ko na sana ang dough na minamasa ko pero pinaurong agad ako ni Rion sa kanang gilid niya.
"Cut the parsley," mahina niyang utos, na kanina ko pang utos kay Sydney.
O, di ba? Utos ko, gawa ko.
Napatingala tuloy ako kay Rion at nagpalipat-lipat ang tingin ko sa dough na hawak na niya at sa mukha niya.
"Rey, water. Pa-boil naman para sa pasta. Thankies!" dagdag na utos niya.
"'Yown! May gagawin na rin!" excited pang sabi ni Johnrey. Siya na ang nagsahod ng tubig sa sink at sila ni Zymon ang nagtulong magbukas ng stove para sa bawat grupo na maglalaga rin ng pasta.
Ang stove sa kitchen lab, nasa island area din. Hindi dikit sa pader kaya puwede kaming umikot at magsabay-sabay sa buong island na 'yon kung magluluto kami. Apat na stove 'yon na may oven sa ibaba kaya kung may dalawang magluluto sa magkabilang gilid, may makakapagluto rin sa harapan nila.
Naglatag na ako ng chopping board at pinagkukuha ko na ang lahat ng dapat hiwain. Sumusulyap pa rin ako kay Rion na seryoso lang sa ginagawa niya. Paulit-ulit niyang nirorolyo ang dough gamit muna ang malalaki niyang kamay.
Hindi na naiwasan ng mga mata kong manlaki habang nakikita ang naglalabasan niyang mga ugat sa braso habang nagmamasa. Ang chef's uniform pa naman namin, short-sleeved lang.
'Tang-inang braso 'yan, parang kayang bumuhat ng buong tao nang hindi nahihirapan. Parang braso ng kargador.
"Ehem," tikhim ko. "Hihiwain ko na rin ba 'tong karne?" tanong ko kay Rion kahit mahina lang. Magkatabi naman kasi kami, nakalayo lang ako nang kaunti para hindi niya ako matamaan ng braso niyang pang-chokeslam.
"Yeah, go on."
Sumusulyap pa ako paitaas para lang makita ang mukha niya. Ang seryoso na naman niya, shet.
Required bang magbagong anyo si Rion kapag nagseseryoso?
"Um, Rion—" May itatanong sana ako tungkol sa karne kasi hindi ko alam kung uubusin ba namin, pero hindi ko naituloy agad ang sinasabi ko nang itawid niya ang katawan niya papunta sa puwesto ko para lang abutin ang rolling pin na nasa kanang gilid ko lang.
Napahinto tuloy siya sa paggalaw sa harapan ko mismo para lang lingunin ako.
"Hmm?"
Napalunok tuloy ako at napapikit-pikit habang malapitang nakatitig sa kanya.
'Tang inang face card 'yan, walang blemishes. Naol walang pores.
Saka ang bango niya, shuta. Amoy allergic sa label.
"What?"
"H-Ha?" Nanlaki na naman ang mga mata ko habang sumisigaw ang utak ko ng "MAGSALITA KA, GAGA!"
Tuluyan na niyang nakuha ang rolling pin at parang nasama yata ang mukha ko sa nakuha niya dahil sabay na sabay ang pagbalik niya sa puwesto at paghabol sa kanya ng tingin ko.
"Are you supposed to say something?" tanong na niya nang sulyapan ako habang pina-flatten na niya ang dough.
"Ha? Uh, ano . . ."
Ano 'yong sasabihin ko? Pakingshet! Nadi-distract ako, putang ina naman, o.
Injel, umayos-ayos ka nga!
"Nakalimutan ko na tuloy," pagsuko ko at naghiwa na lang ng hinihiwa ko naman nang parsley.
Ang bilis na nakagawa ni Rion ng pasta, pero hindi kasimbilis ng mga nauna na sa aming naglaga. Malalambot na ang pasta nila sa stove bago pa kami nakapagsalang ng amin.
"Zy, pa-check ng timer, ha? Kapag nag-alarm, pa-drain na ng water," utos ni Rion kay Zymon. Ibinagsak niya lahat ng strands ng ginawa niyang fresh na pasta sa pot namin na may kumukulong tubig.
Doon na nagbantay sa stove si Zymon. Si Johnrey naman ang naghuhugas ng mga ginagamit namin at nagpupunas ng table kapag may bago kaming kailangang gawin.
Si Sydney? Ewan ko na sa kanyang igat siya.
Saka ko lang naalala ang dapat na sasabihin ko kanina nang kunin na ni Rion ang buong karne na ipinalit niya sa bacon.
"Ano 'yang karne?" tanong ko nang usisain siya sa hihiwain niya.
"This is pancetta. Although, mas okay sana yung pork cheek, but the delivery took so long, so I brought some substitutes na lang."
"'Asaan na yung bacon na binili natin?"
Mula sa seryosong mukha, napangiti na naman siya. "Kinain nga ng mouse, di ba?"
Ang sama na naman tuloy ng tingin ko sa kanya. "Ang consistent mo talaga diyan sa mouse mo na 'yan."
Natawa siya nang mahina at napailing na lang.
Ako na ang nag-grate ng keso na dala niya. At hindi lang 'yon basta easy-melt cheese o 'yong naka-pack na parmesan.
Isang malaking cut 'yon ng keso na amoy . . . maalat na gatas. Hindi lang basta creamy na amoy ng regular cheese. Amoy matagal nang keso 'yon na hindi naman amoy panis pero amoy maalat talaga. Saka matigas. Hindi dumidikit sa grater. Pagkadkad ko, para lang akong nagkakadkad ng kalyo ni Lola sa paa.
'Apakababoy naman ng imagination ko.
pR0pEsHuNaL sHeF ehe.
Ang busy ng lahat. Nagtatawanan na ang ibang grupo kasi may sarili silang mga epic fail moment sa table nila.
Nagka-crack na si Rion ng itlog at na-amaze naman ako kasi sobrang orange ng yolk na hinihiwalay niya sa egg white. Sanay kasi ako na sunny yellow lang ang kulay ng eggyolk.
Kumuha na lang ako ng mas malaking metal bowl saka itinabi sa mga hinahanda niya.
Ngumiti naman siya sa 'kin at wala nang ibang sinabi.
Doon niya pinaghuhulog ang ginadgad kong keso, ang itlog, at ilang pampalasa.
Nagsasalitan ang tingin ko sa ginagawa niya at sa mukha niya. Para talaga siyang professional chef. Kung kumilos siya, parang hindi siya estudyante lang na gaya namin. Ang seryoso rin niyang magtrabaho.
"Gurl!" Nagulat ako sa tumusok sa pisngi ko. "Matunaw."
Napaayos tuloy ako ng pagkakatayo para lang sundan ng tingin si Shantey na rumarampa papunta sa sink na katabi ng table namin.
Shet! Late ko nang na-realize na tinititigan ko pala si Rion. Aaacccck!
Wala akong napapansin. Wala akong alam. Lalalala.
"Dude, oks na yung pasta," sabi ni Zymon, at nakasalin na rin ang pasta namin sa malaking drainer.
Doon ko lang nasabing iba talaga ang pasta namin kasi compared sa pasta ng ibang grupo, ang light ng kulay ng pasta nila, cream pa rin ang kulay gaya sa regular pasta. Ang sa amin kasi, dilaw kung dilaw. At hindi 'yon spaghetti. Parang kami lang ang naka-fettucine.
"Stove tayo," sabi ni Rion. Kaya sama-sama kami nina Zymon na pumunta sa may stove.
Dala ko ang dalawang plato na laman ang mga hiniwang rekado na panghalo sa lulutuin namin. Dala naman ni Zymon ang na-drain na pasta. Si Johnrey naman ang may dala ng tong, spatula, at mga plato. Dala ni Rion ang bowl ng hinalo niyang cheese and egg mixture.
Nagluluto na rin ang ibang grupo sa may stove. Mas nauna sila roon bago kami.
"Iba kulay ng pasta n'yo," puna rin ni Michelle nang makita ang dala ni Zymon.
"Fresh na pasta kasi 'to. Malakas kasi kami," yabang pa ni Zymon at sinayaw-sayaw ang drainer na may pasta.
Nakatutok na kaming lahat sa mga "chef" ng bawat grupo namin. Si Michelle sa Group 1, si Paul Jake sa Group 1. Si Rion sa amin. At si Tricia sa Group 4.
Sa sobrang tangkad ni Rion, ako na ang nahihirapan sa pagyuko-yuko niya sa mababa naming stove. Sa height ko, sakto lang ang taas na hanggang ibaba ng dibdib. E, sa kanya, halos gabalakang lang niya ang taas ng lulutuan.
Nasa gilid na lang kami at nanonood sa kanila. Kumuha na ng skillet si Rion at naggisa roon ng karne. Mabango na sa parteng 'yon bago pa kami makarating pero habang naggigisa siya, lalo kong napagtantong ang ganda nga talaga ng karneng napili niya. Napakabango na ultimo si Ma'am Badilla, napasilip sa stove para malaman kung ano ang mabangong naaamoy namin.
Ang seryoso lang ni Rion. Magkatabi na nga kami ni Shantey na nakatayo sa isang tabi habang magka-abra-siyete ang mga braso namin. Nai-imagine ko ang mga itsura namin na kung hindi nakanganga sa bawat pan, nakanganga naman kami kay Rion.
Para tuloy kaming nakatambay ngayon sa café kung saan barista rin ang lalaking 'to.
Naglalagay na ng pasta at kaunting tubig si Rion sa pan nang biglang lumapit si Sydney sa kanya at niyakap siya mula sa likod.
Napasinghap si Shantey sa gulat. Napaurong din ako sabay simangot.
"What are you cooking, babe?" maarteng tanong ni Sydney sabay silip sa niluluto ni Rion mula sa likod.
Nagulat-gulat na lang kaming lahat nang padabog na ibinagsak ni Rion ang sandok sa pan. Nagliparan sa hangin ang ilang patak ng tubig at mantika.
We are shookedth!
Lalo kaming napangangang lahat.
"Get your hands off of me!" galit na sigaw ni Rion. At shet . . . first time kong marinig na buo ang boses niya na sobrang baba. Hindi 'yong tipikal niyang pa-cute na boses na parang boses maliit na tao. Buo talaga na pang-manong.
Kahit si Sydney, nagulat at napaatras din.
"You're not even helping tapos mang-iistorbo ka pa." Dinuro pa niya ang direksiyon ng pintuan. "The best thing you can do is to stay on the corner and shut the fuck up."
Kunot na kunot ang noo ni Rion nang pagpagin ang baywang niya na para bang ang daming mantsang iniwan sa kanya ng pagyakap ni Sydney.
Galit talaga siyang bumalik sa pan at patuloy na nagreklamo sa mabigat niyang boses. "Hindi na nga mautusan, magpapapansin pa."
Para kaming naestatwang lahat. Si Sydney lang ang nakakilos. Bigla siyang humagulhol sabay takbo palabas ng kitchen lab.
Mata-mata ang pagkilos naming lahat, nagpapakiramdam kung ano ang gagawin.
Hindi naman kasi normally na sumisigaw si Rion sa sobrang maskuladong boses. Ni hindi ko nga alam na may mala-Adonis pala siyang boses!
Hindi rin naman kasi normally nagagalit si Rion sa kahit na sino!
At hindi rin naman kasi siya normally nayayakap ng kahit na sino, kahit pa nagpapa-picture lang sa kanya!
Agik din kasi 'tong si Sydney. Wala na ngang silbi, eepal pa sa kumikilos.
Shocked to the core pa ako nang bigla akong tingnan ni Rion.
Oo, ako talaga! Hindi ako mag-a-assume.
"Gelle, pa-get naman ako ng pepper and salt sa table natin," mahinahon na niyang utos gamit ang pa-cute na niyang boses. "Thank you!"
Pinagtinginan tuloy ako ng mga kaklase naming may mga subtitle sa mukha.
WALA AKONG KASALANAN DITO, HUWAG N'YO 'KONG TINGNAN!
Ano ba 'tong si Rion? May Bipolar ba 'to?
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top