Chapter 18: Plan
Ang tagal nilang mag-usap, mangingisay na lang ako sa lamig, hindi pa rin sila tapos.
'Tang ina, kapag ako talaga nagka-pneumonia gawa nila, isasakal ko sa kanila isa-isa itong dress na ipinasuot nila sa 'kin.
Hindi ako makahiram kay Rion ng jacket. Punyeta naman kasi, magsando raw ba sa Tagaytay?
Kaya nga sabi ko agad, "Daddy, papasyal lang kami ni Rion sa labas."
Kung makalingon sina Lolo Sev sa 'kin, para akong may sinabing magandang balita.
Bad move, pero best move na rin para ipagtabuyan pa ako mismo ni Daddy paalis sa mesa.
Kaya nga nakapaghilamos ako pagkaalis ko. May public restroom sa likod ng bulaluhan at bukas sa labas ang mga gripo. Kaso putaragis talaga ang lamig ng tubig sa faucet.
Tinabihan ako roon ni Eloisa na nagpupunas na ng kilikili niya gamit ang tissue na galing sa bulaluhan.
"Buti may patis sa bulalo. 'Tang ina kasing deodorant 'yan, nauso pa," reklamo ni Eloisa sabay hagod ng basang tissue sa kiliki niya.
"Sino ba kasi nagpanukalang mag-dress tayo?"
"Aba'y tanungin mo si Don Suave. Akala ko pa naman, aawra na sa steakhouse. Ang lamig talaga rito, putang ina."
"Ayaw ibigay sa 'yo ni Daddy coat niya?"
"Binigay niya kanina. E, di ko madala rito, mababasa nga kasi yung kilikili ko."
Oo nga naman. May utak din 'tong babaeng 'to.
"Lilipat ka na sa dorm bukas, 'no?" dugtong ni Eloisa sabay labas ng face powder sa maliit niyang bag.
"Sabihin mo nga kay Kuya Errol, padala sa dorm ko mga gamit ko sa kama. Naka-bag na 'yon."
"O, ba't ako?"
"Hindi ako uuwi ngayon."
"Saan ka naman matutulog, aber?"
"Dito. Sabi ko, overnight ako kasama ni Rion. Ayoko umuwi. Bubunganga na naman si Lolo Sev."
"Ayooown." Bigla niya 'kong binangga sa balakang. "In fairness, ha? Pogi yung naka-sando kanina. Tangkad din! Close ba kayo?"
"Classmate ko nga, di ba?"
"Asuuus! Holding hands nga kayo kanina, classmate? 'Wag ako, Bané. Alam ko 'yang mga ganyang galawan."
"Hindi ako pokpok, tigilan mo 'ko."
"Alam mo, kung ako sa 'yo, dakmain mo na yung isang kambal. 'Yong makulit," sulsol ni Eloisa habang nagpa-powder na ng mukha.
"'Yan talaga suggestion mo, ha?" Kinuskos ko namang mabuti ang mukha ko para maalis ang mga makeup.
"Praktikalan lang tayo, Bané. Kung ayaw mo na kina Don Suave, gumora ka na sa kahit sinong mag-aalis sa 'yo sa villa. Hindi naman iskwater 'yang mga Scott, e. Grab mo na habang single pa!"
Tumutulo ang mukha ko nang tingalain siya mula sa pagkakayuko sa mahabang lababo.
"Sabihin mo, mahal na mahal mo siya. Mamamatay ka kung di mo siya makakasama, ganyan."
"Gagu."
"Binibigyan ka na nga ng tips, e! Mukhang type ka naman n'on. Maganda ka naman. Kung ayain ka mag-sex, pills ka na lang kinabukasan. O kaya pagsuotin mo ng condom. Huwag ka papabuntis agad, malulugi ka diyan."
"Binubugaw mo ba 'ko?"
"Teknikan lang 'yan, Bané. Kapag sumama ka do'n sa Scott, absuwelto ka na sa mga Heyrosa. Sila pa magpapalayas sa 'yo para tumira do'n sa lalaki. Mukhang okay buhay sa mga Scott. Wala kang stress sa villa. Hindi ka na lugi. Eighteen ka na. Legal na 'yan. Magkaedad naman kayo nitong pogi, e. Kaysa naman dalhin ka ni Don Suave sa gurang na kulubot na. Lugi ka sa subuan."
"Demonyo ka talaga."
Nagpagpag na 'ko ng kamay saka ako umalis doon na tumutulo pa ang mukha.
Pero sa totoo lang, sa loob-loob ko . . . gusto kong patusin ang sinabi niya.
Ayoko na sa pamilya ko. Ang hirap makahanap ng taong mapupuntahan nang hindi ako ha-hunting-in nina Lolo Sev.
Napapagod na rin ako na gaya nito, kada may dinner, tatangayin ako. Hindi ako makakatanggi. Ipapakilala ako sa kung sino-sinong lalaki. Kung ano-anong magagandang bagay ang sasabihin ni Daddy tungkol sa 'kin, as if namang totoo. Ayokong umabot sa puntong legal na 'ko ngayon tapos may magkakainteres sa 'kin, hahayaan lang ako nina Lolo Sev na ipalamon doon sa kung sino man 'yon dahil lang kailangan nila ng koneksiyon.
Hindi magdadalawang-isip si Lolo Sev na ibigay ang isang gabi ko sa kahit na sino para lang sa "getting to know each other" stage na kaduda-duda ang intensiyon.
"Hi, Gelle!" Palukso-lukso na si Rion nang makita ako mula sa driveway.
Yakap-yakap ko ang mga braso dahil sa lamig. "Napagpaalam mo na 'ko kay Daddy?"
"Yes! Nakabili na rin ako ng clothes mo."
"Tara doon sa mansiyon n'yo. Pabihis ako. 'Tang ina, 'apakalamig talaga."
"All right!"
"Sino ibang kasama natin sa loob?"
"My Dada and my Mimy! And my Kuya Rhy din!"
Letse. Kasama pa rin pala yung asungot niyang kakambal.
Tanaw sa bulaluhan ang resthouse nga raw nilang parang hindi resthouse. Ang laki kasi talaga para sa resthouse lang. Inisip ko, isang bakod lang ang pagitan. Pakshet, isang kalye pa ang tinawid namin, makarating lang sa gate.
May susi siya ng malaking iron and wooden gate. Pagpasok namin sa loob, driveway agad ang bungad tapos garahe. May isang kotse na naka-park. Ewan ko kung kotse ba ng lolo niya, pero alam kong hindi kanya. Wala nga raw kasi siyang kotse. Sa gilid pa lang, kita na ang pool. Pero kahit siguro kaladkarin niya 'ko ngayong gabi, hindi niya ako mapapalusong diyan sa pool na 'yan nang ganito kalamig.
Pumasok na kami sa loob ng malaking bahay. Sobrang lawak sa loob, para lang akong umuwi sa villa minus ang mga tao roon. Napakaaliwalas ng lahat dahil sa white light ng chandelier sa gitna. High ceiling pa naman at kita ang view sa ibaba hanggang third floor.
"I opened the heater na lang kasi baka cold pa rin for you," sabi ni Rion.
Ewan ko kung marunong bang lamigin 'to o baka ako lang talaga. Ang lakas mag-sando, parang Manila temperature sa lokasyon namin.
Umakyat kami sa second floor at pumasok sa isang kuwarto na walang nakabukas na fan o AC kaya mainit sa loob. Klase ng init na para akong nagtalukbong ng kumot sa gitna ng lamig.
Tingin ko, 1/3 lang ng kuwarto ko ang laki ng kuwartong napasukan namin. Pero malawak naman. Malaki lang talaga ang kuwarto ko sa villa. Beige at brown ang prominent color sa loob. Kaya rin siguro warm sa pakiramdam.
Sa bandang right corner, may nakatayong lamp at may upuan sa harapan n'on na naka-slant ang tutok sa kama. Doon sana ako uupo kaso naba-bother ako sa placement.
"Kuwarto mo 'to?" usisa ko kay Rion pag-upo ko sa malaking kama.
"Yep!" Dumeretso siya sa nakabukas na walk-in closet sa kaliwa ng bed area. Kitang-kita mula sa kama ang mga damit na naka-hanger sa mga rack sa bandang itaas at drawers sa ibaba.
"Saan ako matutulog?" tanong ko.
"Diyan sa bed, of course."
"Ikaw?"
"Sa bed din."
Siguro, kung bago ang Ongpin adventure namin nangyari 'tong dinner, malamang na walang chance na sumama ako kay Rion ngayong gabi.
Ang laki ng impact sa 'kin ng nangyari sa Binondo. Hindi ako naiilang na kasama ko si Rion sa iisang kuwarto o kahit sa iisang kama lang. Nayakap na niya 'ko nang sobrang higpit. Nagtagal pa ang in-your-face moment niya sa cleavage ko habang umiiyak siya.
Pero kahit ilang araw na ang nagdaan, hindi ko pa narinig na na-bring up niya 'yon, ultimo sa chat.
In-expect ko talagang mas magiging clingy siya dahil sa nangyari sa hotel, pero after naming makalabas sa Binondo, parang nalimutan na niya 'yong lahat.
Ayoko namang i-bring up kasi parang tanga naman. Magmumukha akong gigil na gigil sa topic.
"I have here your swimsuit. And your sleeping clothes."
Pagkasabi niya ng swimsuit, ang unang nag-pop sa utak ko, white triangle top na labas ang side boob at underboob tapos string bikini na sobrang liit ng matatakpan. Sa sleeping clothes, yung satin na pantulog na parang kay Eloisa. Yung manipis ang strap, luwa ang harapan tapos di pa lumampas sa ibaba ng puwet.
Kaso pagbalik niya sa kama, nilapagan niya 'ko ng dalawang black cotton T-shirt na makapal ang tela tapos dalawang black din na dolphin shorts. May isang set ng panty na hindi basta mabubuksan unless wawasakin talaga ang balot na makapal na plastic tapos isang box ng bra na tatlong piraso.
"Ito yung pantulog," sabi ko pa nang ituro ang T-shirt at shorts.
"Yes."
"Tapos ang swimsuit . . ."
"This." Itinuro din niya ang T-shirt at shorts. Natitigan ko tuloy siya pagtingala ko.
"Swimsuit. As in . . . swim . . . suit," ulit ko pa.
"Yes! Sobrang thick ng material nito," paliwanag niya sabay taas ng T-shirt at hatak nang kaunti roon. "The color is nice. I like plain shirts. White sana kaso makikita kasi yung print ng underwear mo, so there! Black is the safest color. I'll get the towels na, then sauna tayo."
Ngumiti siya, tumalikod, sabay labas ng kuwarto.
Yung ibabaw ng ulo ko, inuulanan bigla ng question marks.
Binigyan niya 'ko ng T-shirt para sa swimsuit?! Seryoso ba si Rion sa trip niya?
Hindi naman sa ayoko ng T-shirt, pero T-shirt talaga?
Nagbihis ako ng "swimsuit" ko nga raw. Mukha lang akong bibili ng paminta sa tindahan. Bumaba kami sa ground floor, pumunta sa dulo ng bahay na malapit sa pool area, pumasok sa sobrang closed na lugar, at doon ako nakahinga nang sobrang sarap kasi ang init sa loob tapos amoy mabangong salabat.
Kahoy at concrete ang materyales sa dingding. May tiles din naman, pero karamihan, kahoy talaga ang itsura.
Malawak sa loob. May sariling shower area pero open 'yon. Makikita talaga mula sa pintuan ang tatlong shower head na magkakatabi.
Umuusok sa loob, pero hindi klase ng usok na umaapoy. Ma-steam lang talaga.
"Parang ang sarap matulog dito," sabi ko kay Rion pag-upo namin sa sahig na parang flat na kawayan ang texture ng vinyl.
Saglit na lumabas si Rion. Pagbalik niya, may dala-dala na siyang isang maliit na saucer na lagayan ng honey tapos ceramic bowl na puno ng pulang kamote. Nag-indian sit siya sa harapan ko saka ako nginitian.
"Do you eat kamote?" tanong niya.
"Malamang."
"I like this red one kasi may distinct flavor siya. Although, the orange kamote has beta-carotene, but I like this better. This is a good source of carbs, fiber, and rich in vitamins. Good for digestion din and rich in antioxidants."
"Nag-lesson talaga, ha? Sa second year pa electives natin, a? Bakit may Nutri ka na?"
Inilagay niya ang dalawang hintuturo niya sa sentido. "Advanced ako mag-isip."
"Hahaha! Gagi!"
Hindi ko na rin sigurado kung gawa ba ng steam ang tumutulo sa noo at likod ko o mainit lang din talaga kaya pinagpapawisan ako.
Namamapak kami ni Rion ng kamote. Hindi niya dala ang phone niya. Hindi ko rin madala ang akin kasi natatakot akong mainitan sa loob. Buhay pa naman 'yon kahit mabasa kaso steamy kasi sa loob ng sauna kaya baka masira lang.
"Gelle . . ."
"Ano?"
"Curious lang ako."
"Saan?"
"Kasi you agreed na pumunta rito sa resthouse."
"Um, ngayon?"
"May I know why?"
Kagat-kagat ko ang kamote nang malipat sa kanya ang tingin ko. Tutok din siya sa kamote niyang inaalisan ng balat.
"Ayaw mo n'on? Kasama mo 'ko?" biro ko, at hinanda ko pa ang utak ko sa matindi-tinding kalandian niya.
Pero wala.
"Hmm, that sounds off." Pinanood ko siyang isawsaw ang kamote sa honey at hindi na ako nakasagot. "May problem ba sa inyo or something?"
"Ha?"
"You're not your usual you."
Natigilan ako. Bigla akong kinabahan sa di ko rin malamang dahilan.
"I'm not saying na di ko gustong kasama ka or what. I really do. I'm really happy that I'm with you tonight. But that suggests something negative to me. Am I overthinking or what?"
Saka lang niya ako tiningnan matapos niya 'yong itanong.
Seryoso lang si Rion. Tingin ko rin, seseryosohin niya 'tong usapan. Kasi kung hindi, sigurado akong kanina pa siya nagpapa-epal sa 'kin.
Pero nasorpresa talaga ako na bigla niya itong na-bring up. Kung unusual sa 'kin ang biglang pagpayag sa alok niya, unusual din sa kanya na bigla siyang nagiging ganito kaseryoso sa dapat sanang panghaharot niya.
"You can share naman. I won't tell anybody. Kunwari, I'm Shantey. I'll listen."
Natawa ako pero walang energy. "Gagi. Kahit kay Shantey, hindi ako makakasagot."
"Sensitive ba ang topic?"
"Hindi naman masyado." Hindi ko siya matingnan nang deretso kaya sa kamote at honey na lang ako nakatutok. "Di ba, pumunta ako sa birthday ng best friend mo."
"Yeah. I saw you there."
"Ipinakilala ako ni Lolo Sev sa kanya. Malamang kasi baka lang . . . alam mo 'yon? May chance na puwedeng maging kami tapos family merging eme-eme."
"Oh . . ."
"Tapos pumunta kami rito ngayon kasi pupunta yung kakambal mo. Kaya nga naka-formal kami. Kasi akala yata nina Daddy, introduction doon sa masungit na kamukha mo. Siyempre, iga-grab nila yung opportunity na baka maging mag-jowa kaming dalawa."
Wala akong narinig na kahit na ano mula sa kanya kaya napasulyap ako. Nakatitig na lang siya sa 'kin.
"Ayoko lang talagang umuwi sa 'min," sagot ko sa tanong niya kanina. "Ayokong bigla-bigla na
silang magga-grab ng chance sa ibang pamilya tapos ipapakilala ako sa iba't ibang lalaki na malay ko kung matino ba o hindi. Alam mo 'yon? Siyempre, natatakot din ako para sa sarili ko. Hindi na 'ko minor, e."
"So, you want to run away from them?"
"Gusto ko sana, pero hindi kasi madali 'yon. Kung nakuha nila ako sa kalye after mamatay ng mommy ko, makukuha nila ako kahit saan." Naparami ang sawsaw ko sa honey, hinabol ko tuloy ng kagat ang halos kalahati ng kamote para hindi magkalat sa sahig.
"What makes you think na hindi ka nila makukuha rito sa resthouse?"
Punong-puno ang kanang side ng bibig ko nang sumagot. "Siyempre, Scott ka. Sila pa pipilit sa 'king mag-stay rito dahil sa pamilya mo."
"So, you're only here because I'm a Scott?"
Ngumuya ako at ipinaling-paling ang ulo ko sa magkabilang gilid. Inabot pa nang ilang segundo bago ako nakalunok at nakasagot.
"Nandito ako kasi alam kong okay kang kasama kahit ano pa'ng apelyido mo. Hindi ako mag-aalala para sa sarili ko. Hindi ako matatakot na baka bigla mo 'kong molestiyahin o kung ano man. Saka isang gabi lang naman. Ngayon kasi dapat ang lipat ko sa dorm. E, nandito ako Tagaytay. E, di postponed na naman. Ayokong umuwi sa villa."
Hindi ko alam kung ayaw ba niyang magsalita o nakikinig lang talaga siya. Sa anim na kamoteng dala niya kanina, isa pa lang ang nakakain ko, hindi pa ubos, pero isa na lang din ang natitira sa lagayan.
"Alam mo, sa villa namin, araw-araw maraming lalaki," kuwento ko. "Kung makakakita ka ng babae doon, either matandang maid o mga one-night stand ng mga tauhan doon sa loob. Wala kang makikitang maid doon na ka-age ko. Puro matatanda sila. Kasi, ang sabi ni Lola Marya, huwag magdadala ng kasambahay roon na minor."
How many guys are in your villa?"
Sa wakas, nagsalita rin!
"Marami! Ang ratio, malamang thirty men is to one woman. Gano'n karami. Mas marami sa weekend kasi may tupada. Ibig kong sabihin, may derby ng mga panabong."
"What does that mean?"
"May sabong. Alam mo yung sabong?"
"Like a fight?" awkward na tanong niya.
"Oo. Yung mga male chicken, maglalaban sila tapos may magsusugal. Kung sino yung hindi pa patay na chicken, 'yon ang panalo."
"That's sad for the cock."
Biglang sumama ang tingin ko sa kanya. CHICKEN NA NGA! Ayoko ngang banggitin yung salita, pero binanggit pa rin niya, umay.
"Do they bury those dead cocks?"
"Yung patay na chicken, niluluto rin naman nila. Ang tawag do'n, bihag. Ibig sabihin, loser chicken. Hindi 'yon double dead. Parang regular slaughter lang sa madugong paraan. Kakainin nila 'yon pagkatapos."
"That's so evil."
Napasimangot tuloy ako. "Teka nga, bakit ba tayo napunta sa mga chicken? Ano ba yung topic nating una?"
"Why are there a lot of guys in your villa?" di niya sure na sagot.
"Ah! Oo nga. So 'yon nga. So, sa sabong nga. Kaya maraming lalaki sa villa. Tapos kami lang ni Eloisa yung medyo bata pa na naka-stay roon," dagdag na paliwanag ko.
"Eloisa is that girl na kasama n'yo tonight."
"Oo, siya nga," sagot ko. "Ayoko ng may mga pumupunta sa villa tapos ipapakilala ako ni Lolo Sev sa kanila. Kasi alam mo, titingnan talaga nila ako na parang hinuhubaran ako sa imagination. Kaya nga lagi akong nagsusuot ng malalaking T-shirt. Saka ayaw rin kitang papuntahin sa 'min kasi baka pagtripan ka nila. Maraming lasenggo sa villa. Baka bigla kang painumin ng alak, hindi ka na makauwi."
Kuwento ako nang kuwento, hindi naman nagsasalita itong kausap ko. Nang matahimik ako, saka lang siya nagsalita.
"If magiging boyfriend mo 'ko, will they stop?"
Napatingin ako sa kanya para magtanong.
Kahit din ako, nanibago sa reaksiyon ko. Usually, may rebuttal agad ako, ngayon lang nawalan.
"Don't think of this as the easiest way for me to hit on you or something. Naisip ko lang din na if taken ka na, they will stop bringing you anywhere else for any introduction, right? I mean, if I'm a Scott, maybe they'll consider."
Gusto ko sanang sabihin na, "Alam mo, naisip ko rin 'yan." Kaso gusto kong sa kanya manggaling lahat.
"Siguro I'll talk na lang sa dad mo. Naka-transfer ka na ba sa dorm?"
"Hindi pa nga. Nasa villa pa rin nga ngayon ang mga gamit ko."
"Um . . ." Ngumuso siya patutok sa kanan, halatang nag-iisip. "They're still here pa rin naman, right? I'll borrow Tito Jijin's car. Kunin natin sa villa n'yo tonight, then hatid kita sa dorm."
"Akala ko ba, may harvest kayo bukas?"
"Yeah!" Mabilis siyang tumango. "After sa dorm, babalik ako dito. I just want to make sure na nakalipat ka na at safe ka. Para hindi mo na rin need mag-overnight dito if you really don't want to go home."
Napatitig ako sa kanya.
Harap-harapang lumalandi 'to si Rion sa 'kin dati pa at sobrang gandang opportunity para sa kanya ng pag-overnight ko rito sa resthouse nila.
Pero yung plano niya . . . sure akong hindi 'yon panlalandi. At sure akong hindi rin 'yon rejection na ayaw niya akong kasama rito.
Sobrang seryoso at matino ang plano niya, napapayag niya ako roon nang hindi nagdadalawang-isip.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top