Chapter 17: Dinner
Ang lala ng traffic, nakakapunyeta magtagal sa kalsada. Alas-singko na kami nakarating sa Tagaytay.
Huminto kami sa may Concordia kasi doon nga raw ang meeting place. Ibinaba kami ng sasakyan sa harap ng bulaluhan.
E, di para kaming mga nawawalang tupang ina sa gilid ng kalsada, nahihiwagaan kung doon ba talaga ang meeting place.
Ang daming tao. At hindi lang basta tao. Mga taong nakapambahay o naka-casual lang. T-shirt, shorts, denim jeans, sando. May iba ngang topless pa at naka-boxers lang habang may dalang plastic bag galing sa loob! Tapos kung maka-gown kami ni Eloisa, para kaming a-attend ng JS Prom?
Si Lolo Sev saka si Daddy, okay lang. Mga pulpolitiko kasi. E, kami ni Eloisa? Ano kami?
"Mr. Heyrosa!" biglang sigaw sa kung saan.
Kanya-kanya kaming lingon nina Daddy.
Biglang lumabas sa gilid ng driveway ang chairman namin sa school.
Pagtingin ko sa reaction ni Lolo Sev, na-shookedth din ang matanda!
Naka-T-shirt na white lang saka black na maong shorts si Chairman Scott. Ultimo ang tsinelas nga niya, parang pan-swimming lang ni Daddy sa beach.
"Hala! Uh, may session ba kayo ngayon sa Senate, Congressman?" naguguluhan ding tanong ni Chairman Scott nang lumapit sa amin. Tiningnan niya kami mula ulo hanggang paa. "Sorry, nakaabala ho yata ang pamilya ko."
"No! It's okay," sagot ni Lolo Sev.
Akala ko, dudugtungan pa niya ng "It's okay. Absent din kasi ako ngayon sa Senado."
"It's too early, 'no?" awkward na sabi ni Chairman Scott. "Ang daddy ko rin, na-stuck daw sa traffic." Sinilip agad niya ang relo. "Nasa Dasma pa nga lang daw sila. Um . . . gusto n'yong magmeryenda? Riri!"
"Yes po!" sigaw ni Rion mula sa kung saan. Ako naman ang napalingon-lingon para hanapin siya.
So, nandito nga siya?!
"AY! PUKE MO!" sigaw ni Eloisa nang may tumalon sa parte niya at nag-landing sa harapan namin.
"Yes po, Tito!"
Bigla kong naitulak si Eloisa sa gilid at ang lakas ng halakhak ko pagtalikod sa kanila.
"Ano ba naman 'to, nanggugulat?!" tili ni Eloisa.
"Sorry po, sorry po."
"Yung—yung—HAHAHAHA!" Namimilipit na ako sa pagtawa at napaupo na sa mga binti dahil sa reaction ni Eloisa at sa ginawa ni Rion.
Hindi ko alam kung saan galing 'tong poste na 'to. Parang bumagsak na lang bigla mula sa kalawakan.
Puzzled talaga ako ngayon kung paano nagagawa nina Daddy na hindi tumawa dahil sa nangyari.
Sinipon na ako sa pagtawa at nakailang beses na nagpunas ng mata dahil naluha-luha na ako.
Pagtayo ko, nag-aalisan na sila papasok sa bulaluhan. Nakatalikod si Rion sa akin nang mapaharap ako sa kanya.
"Huy, gagu! Ang papansin mo rin."
Pagharap niya sa 'kin, biglang bumagsak ang panga niya sabay takip sa bibig gamit ang magkabilang palad.
"Sabi mo, magtsa-chat ka! Paasa ka, ha!" Hinabol ko siya ng sipa at tinakpan niya agad ang hita ko nang makita niyang malaki ang slit n'on.
"Evangelle, you're so ganda today!" sabi niya at nag-jogging in place sa harapan ko, excited na excited. Ang puti ng leeg niya pero buong mukha niya, pulang-pula na. "Hala, saan kayo galing? Have you been on a date before here?"
Kinuha niya ang kanang kamay ko at nalito naman ako nang bigla niya akong inikot.
"Hala, you're so pretty talaga. I look so dirty, though."
Pagharap ko sa kanya, nakasando lang siyang white at kitang-kita ang compression sleeve niya sa kaliwang braso. Nakasuksok sa pinaka-strap ng sando niya ang puting towel paikot sa batok, pangharang yata sa pawis. Ang shorts niyang itim, pambahay lang din talaga pati ang slides.
"Ikaw ang saan galing? Saan ka naka-stay ngayon?" tanong ko nang tingalain siya.
"Here!" Itinuro niya ang bulaluhan. "Diyan daw yung dinner! Pero hindi pa rin ako kasama."
"Diyan?!" gulat na tanong ko pagsilip sa likuran niya. "Sure ba?"
"Yes daw, sabi ni Tito Jijin."
Aba'y gago. Masyadong pormal ang damit namin tapos magbubulalo lang kami?
"Magso-sorry lang daw si Kuya sa 'yo," dagdag ni Rion at inugoy-ugoy ang kamay naming dalawa na magkahawak.
"Ikaw? Saan ka magdi-dinner?"
"Sa resthouse namin!" masayang sagot niya.
"Saan? Malayo?"
"Nope! 'Yan, o!" Pagturo niya sa tatlong floor na mansiyon sa kaliwa namin na natatakpan ng mga puno, saka lang ako napanganga nang lingunin siya.
May mansiyon sila rito?!
"Can you stay for the night?" tanong niya. "Swimming tayo. May pool sa loob. I mean, sa loob mismo ng mansion. It was freezing outside, e."
"Wala akong damit, gagi. Tingnan mo nga ako, o!" Ipinakita ko pa ang gown ko.
Ngumisi lang siya at parang batang binubulate kung maka-sway ng katawan. "I'll buy you clothes. Walking distance lang yung mall."
Hmm . . . "Ipaalam mo 'ko kay Daddy. Sabihin mo, hindi ako uuwi sa 'min ngayong gabi."
"Okay!" Mabilis naman siyang tumango para pumayag.
Mag-stay rito sa Tagaytay over umuwi kasama sina Daddy sa Cavite?
Stay na lang ako rito sa Tagaytay.
Pumasok na kami ni Rion sa bulaluhan. Hindi na ako nagulat nang may magpa-picture kay Lolo Sev saka kay Daddy.
Hindi ko alam kung starstruck lang ba sila o nangangalap ng ebidensiya na dinayo sila rito ng na-convict na dating kongresista. Teritoryo pa rin naman ni Lolo Sev ang Tagaytay kaya malamang na kilala siya ng mga tagarito.
Kung may kukuyog sa kanya, makikikuyog din sana ako.
Pinagtitinginan kaming pamilya. Malamang. Dumayo ba naman sa bulaluhan nang naka-amerikana at dress.
Pero nagulat talaga ako nang mas dumami ang nagpa-picture sa 'kin.
"Hi, Miss Eva! Puwedeng magpa-picture?"
"Ha? Ah . . . o-okay lang, sure?"
Pabitaw si Rion sa kamay ko para sana lumayo pero hindi ko talaga siya binitiwan. Pinandilatan ko siya. Itinuro niya ng tingin ang kamay naming dalawa para bumitiw ako. Lalo ko siyang minata para sabihing huwag siyang aalis habang pinagkakaguluhan ako. Tiningnan niya ang mga mata ko sunod na itinuro ng tingin ang kamay naming dalawa, nagsasabing bumitiw na ako. Umiling ako. Pinilit niyang ngumiti at itinuro ang sando niya tapos ang dress ko.
Sumuko na lang din ako at binitiwan siya.
Siya dapat ang pinagkakaguluhan dito, hindi ako!
Akala ko, dalawa lang ang magpapa-picture. Mag-jowa nga lang ang nag-alok. Tapos nagsunod-sunod na sila. May mga lalaking nagpa-picture na topless at may sampay lang na towel sa balikat. May mga hindi naman pala lokal sa Tagaytay, pero dahil may nagpapa-picture sa akin, nagpa-picture na lang din sila.
Hanggang sa umabot na sa nakahilera na silang lahat tapos nasa gitna ako, para akong nagpaliga kung makapag-group photo kaming lahat.
"Miss Eva, salamat ho uli doon sa bigay n'yo dating pambili ng nebulizer sa lolo ko," sabi ng isang babaeng parang nasa late 30s niya.
"Ah . . ." Hindi ko matandaan. "Kumusta na po si Lolo?"
"Patay na, e. Pero salamat ho talaga. Sobrang bait n'yo. Pati doon sa ipinang-grocery na bigay n'yo. Pagpalain ho nawa kayo ng Panginoon."
Ang higpit ng hawak niya sa kamay ko, hindi ko lang matandaan kung sino sila sa mga palagi kong binibigyan ng pera kapag dumadayo kami nina Lolo Sev sa bawat munisipyo o purok.
Kada hakbang ko, may mga nakikipagkamay sa 'kin at nagpapasalamat. Kesyo salamat sa pameryenda, salamat sa pampagamot, salamat sa pagbigay ng pagkain, salamat sa pag-ambag ko sa pan-tuition ng mga anak nila.
Pera naman 'yon kung tutuusin ng mga nagbabayad ng tax. Pero nila 'yon kahit pa bumili sila ng isang kendi sa tindahan. Hindi lang ako komportable na parang sarili kong pera 'yon na dino-donate ko sa kanila.
"Para ho sa inyo talaga 'yon. Inyo ho 'yon, huwag na pong mag-thank you."
Pagdating ko sa mesa kung nasaan sina Daddy, kung tingnan nila ako, para akong mommy ko na tumatakbong kongresista.
Bad news.
"Paborito ka pala ng mga tao rito," nakangiting sabi ni Chairman Scott sa 'kin nang makaupo na ako sa tabi ni Daddy.
Sa totoo lang, bigla kong hiniling na sana nga, sa fancy restaurant na lang kami pumunta. Kahoy ang mesa, kahoy ang mga upuan. Para kaming nasa cozy na turo-turo. Ang mga ilaw, nasa woven sphere na may butas sa ibaba. Walang AC, walang fan, pero ang lamig. Cute naman kasi province vibe. Kahit nga ang gitna ng mesa, lagayan ng tissue, maliit na bote ng toothpick, ilang mga bote ng pampalasa gaya ng patis, pamintang durog, fried garlic, saka toyo at suka ang centerpiece.
Naka-formal suit and dresses kami pero magbubulalo lang pala.
Imbes na mahiya, napaplastikan ako sa pamilya ko. Alam ko na agad ang magiging tingin ng mga tao na nandito sa amin.
Mga humble. Mayayaman pero kumakain sa ganitong lugar. Imbes na sa pangmayamang resto, mas pinili pang kumain ng bulalo na gaya ng kinakain ng mga lokal dito.
Mahaba ang mesa na kasya ang sampung tao.
Bukas na bukas ang likuran namin. Overlooking ng Taal Volcano at Batangas sa ibaba. Mas kita pa ang ganda ng orange na langit na medyo nangungulay pink gawa ng sunset kahit medyo maulap.
Magkatabi si Lolo Sev, si Eloisa, si Daddy, at ako na. Nakaharap kami sa ibang customer at natatakpan lang kami nina Chairman Scott at Rion na kanina pa nakangiti.
"Okay lang na bulalo, Congressman?" tanong ni Chairman Scott. "Masarap ang bulalo namin dito."
"Sa inyo ba ito, Mr. Scott?" usisa ni Daddy.
"Not really sa amin. We're helping lang din sa management nito. Connor Dardenne owns this property. Tambayan kasi talaga namin dito before, but the original owner died and the family migrated abroad. So parang ni-revive lang niya itong buong area."
"Ah, kaya. I see, I see." Napatango naman si Daddy at seryosong nakikinig sa explanation ni Chairman Scott.
"I'll tell him na kumain kayo rito. For sure, matutuwa 'yon," nakangiting dagdag ni Chairman.
"Sure! It's an honor to be here," sagot ni Lolo Sev.
It's an honor to be here. Kung alam lang nila na ganito ang pupuntahan, baka hindi na sila nag-abalang umoo ngayon.
Gumagabi na. Tumatapang na ang asul na kulay sa langit. Nagsisimula na ring gumapang ang lamig sa likod ko. Binigyan kami ng meryenda. Tokwa't baboy lang ang pinaghati-hatian namin ni Daddy at ni Eloisa. Maghihintay na lang daw si Lolo Sev na makarating ang ibang kikitain pa namin.
Hindi ako malapitan ni Rion kasi paikot-ikot siya sa loob ng bulaluhan para kumuha ng order sa customer. May maliit na checklist siyang hawak na lalagyan lang niya ng check tapos itutusok niya sa lagayan ng order sa may counter.
Si Chairman Scott naman ang nagma-manage sa counter, lalo kung may kailangang itanong ang mga kahera. Paminsan-minsan, siya na rin ang kumuha ng bayad at nagsusukli kapag humahaba na ang pila.
"Mayayaman naman 'yang mga 'yan pero nagtatrabaho pa rin?" mahinang sabi ni Daddy
habang ngumunguya. "Kung ako 'yan, matutulog na lang ako sa bahay."
Sumandal ako sa inuupuan namin at pinanood si Rion na kumuha ng order ng ibang customer. Parang hindi siya napapagod. Kung mauupo man siya, saglit lang. Lagi siyang nakatayo at naghihintay ng mga customer na papasok at lalabas ng bulaluhan.
Tingin ko, masarap talaga ang pagkain dito. Hindi naman siguro dadami nang ganito ang customer kung hindi. Kahit ang presyo ng tinda, abot-kaya rin. Nasa 150 to 250 ang isang buong order pero may napagbebentahan sila ng 50 pesos lang. Masabaw saka magulay. Wala lang masyadong karne o kahit 'yong marrow para masabing bulalo nga tapos ibabalot lang 'yon sa plastic labo.
Kaya rin naintindihan ko na kung bakit hindi pa rin makakasama si Rion sa dinner. May sarili siyang ginagawa. O kahit si Chairman Scott. Hindi ko alam kung makakasama rin ba siya mismo sa dinner kasi habang sumasapit ang hapunan, lalong dumarami ang customer nila.
Alas-sais y medya na nang makarating ang mga hinihintay namin.
Doon na kami napatayo nina Daddy para bumati. Nakatingin kami sa bagong dating sa loob.
Nakita ko na naman ang lolo ni Rion na kasama namin sa police station. Ang tangkad talaga niya at sobrang laking tao. Malaki naman si Daddy pero nanliliit ako sa kanya ngayon. Hindi na kami mag-isa sa mga naka-formal. Smart casual naman ang suot niya: dark blue long-sleeve shirt, naka-tuck in sa formal black pants na may black leather belt.
Katabi niya ang tingin ko ay asawa niya na sobrang blooming kahit lola na. Nahihiya na ang pa-slit ko sa gown kasi simpleng light blue square-neck puffed sleeve midi dress lang ang suot niya. Nakalugay lang din ang buhok niyang magkahalong black at silver at wala siya masyadong burloloy sa katawan. Silver earrings, silver necklace, saka white leather strap watch, tapos wedding band—'yon lang.
Tapos itong kakambal ni Rion na halatang labag sa loob ang pagpunta, parang may blinking sign sa noo na ayaw niya rito sa kung nasaan kami. Naka-round frame eyeglasses siya; blue, black, and white checkered shirt na may white tee na pang-ilalim tapos denim jeans.
"Good evening, Congressman," bati ni Mr. Scott sa lolo ko.
Isa-isa nila kaming binati at saka kami pinaupo para mahainan na.
"May pinuntahan pa ba kayong event?" tanong ni Mr. Scott nang mapansin kung gaano kami ka-formal na pamilya.
"Yes. Galing kami sa birthday ng hipag ko," sagot ni Lolo Sev kaya pasimple akong umirap nang marinig ang pagsisinungaling niya.
"Hi, everyone! What's your order po?" biglang tanong ni Rion paglapit niya sa table namin.
"'Yong kaninang sabi ni Eugene na ipapatikim daw sa 'min," sagot ni Daddy.
"Yung special po, 'no?" nakangiting sabi ni Rion at nag-check sa maliit na notepad na hawak niya. "Dada, what's yours?"
"Kalderetang kambing, egg rice, saka lomi sa amin ni Mimy."
"Owkie! Rice, kalde-rey-tuh aaand low-mee. How about you, Kuya Rhy?"
"Beef tapa saka dalawang rice."
"All right! Pa-wait na lang po sa order!" Kumandirit si Rion paalis nang makuha ang mga order namin.
Pagtingin ko sa kakambal niyang nakaupo sa harapang upuan ko, napasimangot agad ako.
Ang layo nilang dalawa bilang tao!
"Pasensiya na, na-late kami," paliwanag ni Mr. Scott. "Grabe ang traffic. Umikot pa kami sa GMA."
"It's fine. Na-traffic din kasi kami," kalmadong sagot ni Lolo Sev. "Mabuti't nakapunta kayo ni Kyline."
"We're visiting here din kasi, Sevi," mahinhing sagot ng lola ni Rion at inakbayan itong kakambal na nananahimik. "Since walang pasok si Rhy tomorrow, I told Leo na mag-vacation kami ngayong weekend."
"Oh . . . that's great. Ang ganda pa naman dito sa lugar."
"I know!" masayang sagot ng lola ni Rion. Kada ngumingiti siya, nakikita ko talaga ang mata ni Rion sa kanya.
"By the way, kaya rin kami napapunta rito, ito kasing apo ko, napagsabihan ng tito niya," biglang bago ng topic ni Mr. Scott. "Nasigawan daw kasi ang apo mo noong naaksidente nga sa Ongpin."
"'Yon nga rin ang sabi ni Allen," sagot ni Lolo Sev. "Si Injel naman, di naman nagsasalita. Kung hindi pa sasabihin ng daddy niya, hindi ko pa malalaman."
Hinagod ni Daddy ang buhok ko kaya nagsalubong ang mga kilay ko. "Ito kasing anak ko, tahimik lang talaga 'to."
Huy! Sino'ng anak ng ama ko ang tinutukoy niyang tahimik? May kapatid na ba ako sa labas na hindi ko alam?
Biglang ngisi nitong kakambal ni Rion sabay tingin sa kabilang direksiyon matapos sabihin ni Daddy na tahimik ako.
"Baby, say sorry na," mahinahong utos ng lola ni Rion dito sa kakambal niyang antipatiko.
"Sorry," labas sa ilong na sabi nitong kaharap ko.
'Sarap ipalamon sa kanya ng sorry niya.
"Bhe, parang hindi ka naman sincere, bhe," sabad ni Eloisa. Napalingon tuloy ako sa kanya. Kahit nga itong Rion 2.0, napatingin din sa kanya.
"Hindi ka ba sincere?" mas maamong tanong ng lola ni Rion dito sa kaharap ko.
"Sincere po," bored na sagot nitong Rion 2.0.
"Itsura mo, bhe," dagdag ni Eloisa. "Kung hindi mo bet mag-sorry, huwag ka na mag-sorry."
Gaga talaga 'tong si Eloisa. Walang preno ang bibig kahit kailan.
"Hayaan mo na 'yan si Bané. Sanay makipag-flip-top-an 'yan sa mga sabungero—"
"Eloisa," saway na ni Daddy.
Napatakip tuloy ako ng mukha para magtago ng tawa. Tarantada talaga 'to kahit na kailan.
Magpasalamat si Eloisa, dumating na ang mga order namin. Yari talaga siya ngayon pag-uwi sa bahay mamaya.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top