Chapter 34




MICHELLE

Bakit ang hirap maging masaya?

Kanina lang, halos hindi maubos ang kaligayahang naramdaman ko dahil sa mga plano namin ni Carmen.

Nang makita ko ang itsura ni Yaya na parang pinagbagsakan ng langit at lupa, kinutuban ako.

      "Bakit nandito ka? Nasaan si Zac?" Sunod-sunod na tanong ko habang pumapasok sa bahay.

      "Michelle..." Naiyak siya ng magsalita.

      Nagkatinginan kami ni Carmen. Parehong naguguluhan sa reaksiyon niya.

      "Nasa mall kaming tatlo. Pumunta lang ako sa CR tapos paglabas ko, wala na sila." Nauutal na paliwanag niya.

      "Anong ibig mong sabihing wala na sila?" Umakyat ang dugo sa ulo ko.

      Hinawakan ako ni Carmen sa braso para kalmahin pero masama ang kutob ko.

      "Hinanap ko sila pero hindi ko na sila nakita." Paliwanag ni Yaya.

      Tulad ko, bakas din sa itsura niya ang takot at pag-aalala.

      "Tinanong ko pa sa guwardiya kung may nakita niya si Zac at si Sir Edward pero wala daw siyang matandaan. Pinakita ko pa ang picture ni Zac pero wala talaga."

      "Sigurado ka na iniwan ka nila?" Tanong ko ulit.

      "Baka naman nagkasalisihan lang kayo?"

      "Yun din ang inisip ko kaya nga pinuntahan ko sila sa arcade kasi alam ko na doon nila balak pumunta pagkatapos namin kumain pero hindi ko sila nakita." Habol-hiningang paliwanag niya.

      "Isa-isa kong tiningnan ang mga tao at pinuntahan ko lahat ng lugar kung saan pwede siyang maglaro pero hindi ko sila nakita."

      "Di ba balak nilang manood ng sine?" Paalala ko.

      Sa bawat tanong na hindi niya ako masagot ng maayos, lalong lumalakas ang kabog sa dibdib ko.

      "Pumunta din ko sa sinehan at pinakita ang picture ni Zac kasi nagbakasali ako na doon sila tumuloy pero wala naman daw nakita yung nagtitinda ng ticket." Nanginginig ang labi niya habang nagsasalita.

      Tinitigan niya ako na parang pinag-iisipan ang susunod na sasabihin niya.

      "Yaya, kung may sasabihin ka, sabihin mo na."

      Tiningnan niya ako tapos si Carmen.

      "Narinig ko po si Sir na may tinatanong kay Zac."

      "Anong narinig mo?"

      "Tinanong po niya si Zac kung kumusta na kayo."

      "Anong sabi ni Zac?"

      "Okay naman daw po kayo."
      "Tapos anong nangyari?"

      "Tinanong ni Sir kung lumalabas kayo at sinabi niya na oo."

      Napatingin ako kay Carmen.

      Hindi ko gusto ang pinupuntahan ng usapan na 'to.

      "Nabanggit ni Zac na palagi ninyong kasama si Mam Carmen."

      Shit!

      Nanghina ang tuhod ko at muntik na akong matumba.

      Mabuti na lang at nasalo ako ni Carmen.

      "What's going on?" Tanong niya habang mahigpit na nakahawak sa bewang ko.

      "Yaya, ano pang nangyari?"

      "Tinanong ni Sir kung sino si Mam Carmen. Sinabi ni Zac na magkaibigan kayo tapos tinanong ni Sir kung ano ang itsura niya."

      Nanlamig na ang katawan ko.

      "Michelle, what is happening?"

      Nanginginig ang laman ko dahil sa sinabi ni Yaya.

      "Nung araw na sinaktan niya ako, nakita niya ang picture natin sa Tagaytay at...." Napatingin ako kay Yaya na nakikinig sa sinasabi ko.

      Alam ko naman na nakakahalata din siya lalo na at sa bahay natutulog si Carmen pero ayokong kumpirmahin ang hinala niya dahil hindi pa naman ako nagsasabi sa pamilya ko.

      "I see." Sabi ni Carmen.

      "Why don't you call him? Baka tama ka at nagkasalisihan lang sila ni Yaya."

      Halos hindi ko mahugot ang cellphone sa bulsa ng pantalon dahil nanginginig ang kamay ko.

      Hindi nagring ang phone niya.

      Nagbeep lang tapos wala na.

      "Punyeta! Pinatay niya yata ang telepono niya."

      "Try his parents house. Baka doon sila pumunta." Mungkahi ni Carmen.

      Dahil sa aligaga at magulo ang isip ko, halos hindi ko alam kung sino ang hinahanap sa contacts ko.

      Nang makita ko ang Alvarez Residence, nagmamadaling pinindot ko ang phone icon.

      Apat na ring bago sinagot ng katulong nila.

      Hindi na ako nag-abala na mag-hi or hello.

      Hinanap ko agad ang papa ni Edward.

      Bawat segundong lumilipas ay lalong nagpapalakas ng kaba ko.

      Paano kung may ginawa si Edward kay Zac?

      Kung wala akong laban sa ginawa niya sa akin eh di lalo na ang anak ko.

      Biglang tumulo ang luha ko at mabilis na pinunasan ko ito ng kamay ko.

      Nakatingin sa akin si Carmen at si Yaya at alam nila na takot ako sa pwedeng mangyari.

      "Hello?" Narinig ko ang boses ni papa sa kabilang linya.

      Hinanap ko agad si Edward at si Zac pero wala daw doon.

      "Di ba nasa mall sila?"

      "Opo, Pa."

      "Eh bakit ganyan ang tono mo?"

      Sinabi ko ang nangyari kay Yaya.

      "Pa, alam mo naman na hindi niya pwedeng isama si Zac ng walang kasama. Yun ang pinirmahan niya sa harap ng abogado."

      "Alam niya naman iyon. Baka naman nagkasalisihan lang sila? Darating din iyon. Ihahatid niya si Zac. Magtiwala ka." Mahinahon ang boses ni Papa.

      "Masama ang kutob ko, Pa."

      "Bakit naman?"

      Hindi ako agad sumagot dahil hindi ko sigurado kung alam nila ang dahilan kung bakit nagselos si Edward.

      "Wala, Pa." Sagot ko.

      "Kung sakaling dumating sila, pwedeng tawagan niyo po ako agad?"

      "Oo naman. Huwag kang mag-alala. Uuwi din sila."
      "Sige po." Nagpaalam na ako.

      "Wala sila doon?" Tanong ni Carmen.

      Umiling ako.

      Alam ko na para sa kanila, nago-overreact ako pero hindi ko pwedeng balewalain ang kutob ko.

      Nakita ko ang itsura ni Edward nung nagselos siya at sinasakal niya ako.

      Madilim ang mga mata niya at alam ko na nung araw na iyon, hindi na gumagawa ang isip niya.

      Bumalik ang takot at kawalang pag-asa sa isip ko at dumagundong ang dibdib ko dahil sa panic.

      "Michelle, are you okay?" Nasa tabi ko na si Carmen at hawak ang kamay ko.

      "Yaya, pahingi naman ng tubig please?"

      Lumalabo na ang paningin ko.

      Pati ang yabag ng tsinelas ni Yaya sa sahig ay halos hindi ko marinig.

      Nang iabot sa akin ni Carmen ang baso ng tubig, tinulungan pa niya akong iangat sa bibig ko ang baso para makainom.

      Hinimas niya ang likod ko.

      "Breathe," Sabi niya at sinubukan kong huminga.

      Nakatatlong inhale-exhale ako bago kumalma ang pakiramdam ko.

      "Tatawagan ko sina Tatay." Nanginginig na sabi ko.

      Pagtingin ko sa phone, 8:16 na ng gabi.

      Hindi ko namalayan ang paglipas ng oras dahil sa bilis ng pangyayari.

      Sumagot agad si Tatay at sinabi ko sa kanya na kung pwede puntahan nila ako sa bahay at doon na ako magpapaliwanag.

      "Ano bang nangyayari, Michelle?"

      "Tay, dito na lang tayo sa bahay mag-usap."    

      "Sige." Binaba niya agad ang telepono.

      Kinse minutos lang at dumating sina Tatay, Nanay at Kuya Alex.

      Panggabi si Kuya Roman at nasa trabaho siya.

      Pagbukas ng pinto, nagtanong agad si Tatay kung bakit ko sila pinapunta sa bahay.

      Nakaupo kami nina Carmen sa sala at umupo silang tatlo sa sofa.

      Kinuwento ko ang nangyari.

      "Tarantado talaga 'tong si Edward." Sigaw ni Tatay pagkatapos kong magkwento.

      "Ernesto, di pa naman tayo sigurado." Hinawakan siya ni Nanay sa braso.

      "Pagdududahan mo ba na pwede siyang gumawa ng masama eh muntik niya ng mapatay si Michelle dati?" Singhal niya.

      Biglang bumitaw si Nanay sa pagkakahawak sa kanya.

      "Eh sino ba kasi ang pinagseselosan ni Edward?" Tanong ulit ni Tatay.

      Maliban sa kanya, napatingin kaming lahat kay Carmen na tahimik na nakaupo at nakikinig sa usapan namin.

      Nakahalata si Tatay at tumingin din sa kanya.

      "Siya ba ang pinagseselosan ni Edward?" Sigaw ni Tatay.

      "Opo." Mahinang sagot ko.

      "Eh kaya naman pala halos mabuang siya dahil pinagpalit mo sa babae."        

      "Tay, hindi importante kung babae o lalake."

      "Importante yun, Michelle. Para mo na ring siyang tinadyakan sa bayag dahil pinaramdam mo na hindi niya kayang ibigay ang kailangan mo."

      "Pinagtatanggol niyo talaga siya?" Galit na tanong ko.

      "Umpisa pa lang, hindi ko naman talaga siya mahal. Ayoko rin siyang pakasalan pero pinilit niyo ako."

      "Kung di mo siya mahal eh bakit ka nagpabuntis?" Bwelta ni Tatay na kahit maitim eh namumula ang mukha sa galit.

      "Ernesto..." Nagsalita si Nanay.

      "Wala na tayong magagawa. Isa pa, kung hindi nangyari iyon eh di sana wala si Zac."

      "Lagi mong kinukunsinti iyan si Michelle kaya tingnan mo? Ngayon pumapatol na sa babae."

      "Bakit parang ako ang sinisisi niyo sa nangyari? Gusto ko bang saktan ako ni Edward? Isa pa, ginawa ko ang lahat nung magkasama kami. Pati ang mahadera kong biyenan, pinakisamahan kong maigi dahil akala ko, magugustuhan din ako pagdating ng araw. May nangyari ba? Hindi siya magbabago dahil sarili niya lang ang iniintindi niya. Kapag nakikita niya na wala ng panahon sa kanya ang ibang tao o di kaya may kaagaw na siya, pilit niyang kukunin ang gusto niya kahit makasakit siya. Ano bang hindi ninyo maintindihan, Tay?"

      Hindi siya nakakibo.

      "Sasabihin ko naman sa inyo ang tungkol sa amin ni Carmen eh. Naghahanap lang ako ng tiyempo."

      "Kahit kelan mo sabihin, hindi ko matatanggap na babae ang kasama mo." Sabi ni Tatay.

      "Ano ba iyan, Tay?" Biglang nagsalita si Kuya Alex.

      "Anong sinasabi mo diyan?"

      "Ayaw niyo bang lumigaya si Michelle? Isa pa, anong petsa na? 2020 na. Ilang buwan na lang, magbabago na ulit ang taon. Napagiiwanan na kayo ng panahon."

      "Eh sira pala ang ulo mo eh? Nasa bibliya na ang babae ay para sa lalake."

      "Kelan pa kayo naging relihiyoso eh hindi nga kayo nagsisimba?" Katwiran naman ni Kuya.

      "Ewan ko sa inyo." Tiningnan ako ulit ni Tatay.

      "Di ako payag sa ginawa mo."

      "Kayo ang bahala. Kung dati, kayo ang laging nasusunod, ngayon ako naman ang magdedesisyon."

      Bumuntong-hininga si Tatay sabay tumayo at lumapit sa pinto.

      Hinablot niya ang doorknob at nagmamadaling lumabas.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top