Kabanata 4
Hindi ko maintindihan minsan si Amadeus. Sa akin lang ba siya ganito? O ganito rin siya kay Ate Solana? Siguro sa akin lang kasi ayaw niya naman sa akin.
Hindi na lang sana niya ako sinundo kung ayaw niya akong bumalik kasi totohanin ko talaga ang sinabi niya. Ayaw ko kasi ang maging dahilan ng sama ng loob ng isang tao kaya hangga't kaya ko ay iiwasan kong sumakit ang ulo o puso nila sa akin.
Wala kaming imikan ni Amadeus hanggang sa nakarating kami. Nauna na rin akong lumabas ng kanyang kotse at saka nagmamadaling pumasok sa loob ng bahay para hindi siya mainis sa akin.
***
Kinaumagahan ay maaga akong kumain ng aking almusal para hindi ko makasabay si Amadeus. Ayon na kasi ang ginagawa ko para hindi na siya mainis sa akin. Alam ko na mali. Hindi ko nagampanan ang pagiging asawa ko sa kanya. Pero ano ang magagawa ko? Ayaw niya naman sa akin.
"Manang, handaan mo po ng almusal si Amadeus, ha? Yong paborito niya po," sabi ko at saka ininom ang gatas.
"Eh bakit ba kasi hindi kayo sabay kumain? Mas maganda nga na sabay kayo para magka-develop-an kayo," ani Manang sa akin. "Lalambot din naman ang asawa mo kung gagawan mo lang ng effort."
Nilapag ko sa lamesa ang baso ko na siyang may laman na gatas kanina at saka tiningnan si Manang.
"Mapapahiya lang ako, Manang," mapait kong sabi. "Hindi ko naman po ipipilit ang sarili ko, Manang. Ayaw ko rin na magalit nang husto si Amadeus sa akin kung palagi ko siyang pipilitin na sumabay sa akin. Siguro kung si Ate Solana ang yayaya sa kanya, hindi siya tatanggi."
At saka sumubo na ng kanin.
"Nasaan ba kasi ang Ate mo at bakit ikaw ang nagsakripisyo?" tanong ni Manang at kita ko ang awa sa kanyang mga mata. "Ang ganda-ganda mong dalaga at tingin ko ay maraming nabibighani sa iyo sa labas. Ang hirap din pala na maging mayaman, wala kang magawa kundi ang sumunod sa magulang."
Natigilan ako.
Mahal ko naman si Amadeus kaya may parte rin sa akin na masaya na ikinasal ako sa kanya. Hindi ko iyon maitatanggi. Pero si Amadeus kaya? Wala ba siyang magawa kundi ang sumunod na lang sa magulang niya?
Kung si Ate Solana siguro ang ikinasal sa kanya ay baka siya na ang pinakamasayang lalaki sa balat ng lupa. Ako lang ang sumira sa kasiyahan niya.
"H-Hindi ko po alam kung nasaan si Ate Solana," sagot ko sabay iwas ng tingin. "A-Ang alam ko lang ay ang nag-back out siya sa kasunduan. Pero hinahanap siya ni Amadeus, Manang. Aalis ako rito kapag nahanap na niya para sila na ang magpapakasal."
Hindi na muling nagtanong ni Manang sa akin at saka iniwan na lamang akong mag-isa sa hapagkainan.
Sa gitna ng aking pagkain, biglang dumating si Amadeus kaya muntik ko nang maibuga ang kinain ko.
Kakain ba siya?
Hala.
Wala sa sariling binilisan ko ang pagsubo ko sa aking almusal at nang mapuno ang bibig ko ay tumayo ako. Umusog pa nga ang upuan sa pagtayo ko kaya kumunot ang noo ni Amadeus.
"What are you doing?"
Hindi ko siya sinagot at nilunok ang nasa bibig ko. Nahihirapan pa nga ako sa paglunok at habang ginagawa ko iyon, pinagmamasdan ako ni Amadeus. Napangiwi nga siya nang makita ako na nahihirapan sa paglunok kaya nakaramdam ako ng hiya.
Pagkatapos kong mailunok ang nasa bibig ko ay kinuha ko na ang pinggan at umalis na walang imik.
Gano'n din ang ginawa ko nang magtanghalian, aalis agad kapag kakain siya pero nang maghapunan, naunahan niya ako. Nasa dining area na siya, nakaupo at parang may hinihintay.
Natigilan ako sa paglapit at napaatras. Nakita ko rin si Manang na may dala na chicken Hamonado. Mukhang isa iyon sa magiging hapunan namin. Nilapag niya ito sa lamesa at saka nakangiting binalingan ako.
"Nandito ka na pala, hija. Kumain ka na."
"Uhh..." Umatras ako. Nakita rin ni Amadeus ang pag-atras ko kaya napalunok ako. "Saka na lang po, Manang."
At nang akmang aalis na ako, bigla na lang nagsalita si Amadeus.
"Sabay na tayo."
Natigilan ako at gulat siyang tiningnan. "Ha?"
Hindi na siya nagsalita at saka umayos na ng upo. Napatingin ako kay Manang na ngayon ay malaki na ang ngiti.
"Sabay na raw kayo, hija," ani Manang sa akin. "Halika na."
Hindi ko maiwasan ang mapangiti at saka dali-daling nagtungo sa upuan. Umupo ako at saka tiningnan ko si Amadeus na seryoso lang na kumakain, hindi man lang ako tinitingnan.
Bahala na. Ang mahalaga. Sabay kaming kumain at siya ang nagsabi. Hindi ko siya pinilit!
Tinikman ko ang chicken hamonado at halos mapapikit ako sa sarap. Tiningnan ko si Manang na ngayon ay nagsasalin ng tubig sa baso ko.
"Manang, ikaw po ba ang nagluto ng ulam na ito?" tanong ko. Sa gilid ng mata ko, nakita ko na natigilan sa pagsubo si Amadeus dahil sa tanong ko. "Ang sarap po kasi."
Sinulyapan ni Manang si Amadeus at saka tumingin muli sa akin. "Ang asawa mo ang nagluto."
Tumikhim si Amadeus matapos sabihin iyon ni Manang kaya napatingin ako sa kanya. Nakatingin na siya sa akin ngayon.
"Mabuti naman at nagustuhan mo," sambit niya at saka nagbaba ng tingin sa kanyang pinggan. "Ngayon lang iyan."
Napangiti ako. "Uubusin ko ito."
Napaangat siya ng tingin sa akin. "Huh?"
Nginitian ko siya. "Sabi mo kasi ay ngayon lang ito kaya uubusin ko. Hindi na kasi ako makakatikim ng luto mo sa susunod."
At iyon ang pinakamasaya at masarap na dinner sa buong buhay ko.
***
"Ayusin mo ang neck tie ko."
Pumasok si Amadeus sa kuwarto ko upang sabihin lang sa akin iyon. Natigilan ako sa pagsusuklay sa buhok ko at saka lumapit sa kanya.
"Hindi ka ba marunong?" tanong ko.
Sinamaan niya naman ako ng tingin. "Asawa kita kaya simula ngayon, ikaw na ang mag-aayos ng neck tie ko."
Nagulat ako sa sinabi niya. "Bakit?"
"Bakit?" Kinunutan niya ako ng noo. "Dahil asawa kita."
Napailing na lang ako sa kanya at saka hinawakan ang kanyang dark navy striped tie. Habang inaayos ko ang kanyang neck tie, nakatingin naman siya sa akin. Parang pinagmamasdan pa yata ako. Nang tingnan ko siya, napakurap-kurap siya at saka tumikhim.
"Ang bagal mo naman," aniya.
"Hindi pa kasi ako masyadong marunong," sabi ko.
Nang maayos ko, umatras na ako.
"Sa susunod, pag-aralan mo kung paano mag-ayos ng neck tie ko. Araw-araw mo na iyon gagawin," aniya at saka lumabas na ng kuwarto ko.
Hindi ko maintindihan ang kinikilos ni Amadeus sa akin ngayon. Parang kailan lang ay halos ayaw niyang lumapit sa akin at kapag makita niya naman ako, maiirita siya.
Ano kaya ang nangyari sa kanya? Hinahanap niya pa rin ba ang Ate Solana ko?
Bakit ko ba iyon iniisip? Ang iisipin ko ay kung paano mag-ayos ng neck tie niya dahil ako na raw ang mag-aayos!
Napangiti ako at saka agad-agad na nag-search kung paano gawin iyon. Hindi lang iyon, nagpabili rin ako ng mannequin at maraming neck tie para may ma-practice-an ako.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top