Chapter 1

"A transform plate boundary occurs when two plates slide past each other, horizontally. So, what is a well-known transform plate boundary that is responsible for many of California's earthquakes?"

Mabilis na sinagot ni Joy ang tanong ng guro, "San Andreas Fault." Lahat ng atensiyon ng estudyante sa loob ng silid-aralan kasama ang lalaking guro ay natuon kay Joy na nakasilip sa bintana ng silid.

Ngumiti ang guro kay Joy. "Very good, Joy."

Malapad na napangiti si Joy. Kung nag-aaral lang sana talaga siya, siguradong laging sasakit ang braso niya katataas ng kamay sa pagsagot kapag may recitation. Nakaiinggit. Kinakailangan niya laging sumilip lang sa bintana para makinig sa guro. Ewan ba naman kasi niya sa lola at lolo niya kung bakit ayaw siyang papasukin sa eskuwela. Hindi naman daw kasi kailangan. Ang babae raw ay sa bahay lang dapat dahil iyon ang ligtas na lugar. Magsilbi sa asawa at mag-alaga sa mga anak. Mga gawaing bahay lang ang dapat aralin at hindi ang mga nakasulat sa libro. Kapag daw naging ambisyosa siya ay ikapapahamak niya iyon.

Nang matapos ang klase at lumabas ang guro sa silid-aralan ay nilapitan nito si Joy.

"Kumusta ka, Joy?"

"Maayos naman ako, Sir Julio. Marami na naman po akong natutunan sa pakikinig sa inyo."

"Sabi ko naman kasi sa 'yo na hayaan mo na akong kausapin ang lola mo para i-tutor ka para hindi mo na kailangang pumuslit pa."

Iwinasiwas ni Joy ang kamay sa ere. "Hindi papayag 'yon. Si Teacher Geline lang ang pinapayagan nilang magturo sa akin."

Bumaba ang tingin ni Julio sa katawan ni Joy. Inabot nito ang mahaba at medyo kulot niyang buhok na nakalugay sa kanyang dibdib. Parang kurtinang hinawi nito ang mga iyon. Tumaas ang dibdib ni Julio at marahas na lumunok nang humantad sa mga mata nito ang malulusog na dibdib ni Joy. Bagamat naitatago naman iyon ng damit, eskandaloso pa rin iyon sa mga mata ng taong hindi inosente. Walang suot na bra ang dalaga. Malaki ang dibdib nito at mas lalong nakaaagaw ng pansin dahil sa manipis nitong bulaklaking daster.

"Sayang ang talino mo, Joy." Ibinalik ng guro ang paningin sa mukha ni Joy pero muli ring bumaba sa dibdib na para bang ang hirap niyong iwan ng paningin. Napangiti ang lalaki nang mapansin ang paa ni Joy na nakayapak. Nahihiya namang ipinagkiskis ni Joy ang mga paa.

"Naputol ang tsinelas ko. Saka masarap naman ang nakayapak. Masarap sa paa ang pinong buhangin."

Marahang natawa si Julio. "Gusto mo ba, bilhan kita ng tsinelas?"

Mabilis na umiling si Joy kasama ang pagwasiwas ng kamay sa ere. "Magagalit sina Lola't Lolo. Bawal akong tumanggap ng kahit na ano sa ibang tao lalo sa lalaki. Mapipingot ako sa tainga at makukurot ako sa singit."

Muling napatawa si Julio. "Napaka-cute mo, Joy, kapag nakikipag-usap. You're cheerful." Sa tuwing nagsasalita si Joy ay sinasamahan nito ng paggalaw ng mga kamay na totoong kinagigiliwan ng marami.

"Joy!" Mabilis na lumingon si Joy nang marinig ang pagtawag sa pangalan niya. Malapad siyang ngumiti nang makita si Teacher Geline.

"Teacher Geline!" Tumakbo palapit si Joy sa babaeng guro. "Kumusta po kayo?"

"Maayos na ako, Joy. Ano ang ginawa mo rito?" Nilinga ni Joy ang silid-aralan saka muli ring ibinalik ang tingin sa babae.

"Gusto ko na pong mag-aral ulit."

"Galing ako sa inyo. Dinala ko na ang mga modular na sasagutan mo. Tara na." Sinulyapan ni Geline si Julio. Sumimangot ito bago inabot ang kamay ni Joy at hinila na ito palayo. Nilinga ni Joy si Julio at kumaway.

"'Di ba sinabi na namin sa 'yo ng lola mo na huwag kang pupunta rito? Hayaan mong ako ang magpunta sa 'yo."

"Isang linggo na po kasi kayong hindi pumupunta."

"Kahit na." Tumigil ang dalawa nang nasa dalampasigan na sila. Hinarap ni Geline si Joy at nakipagtitigan.

"Joy, lumalaki kang kasing-ganda ng nanay mo. Alam mo ba 'yon?"

Malapad na ngumiti si Joy. "Talaga po?"

"Kaya alagaan mo ang sarili mo. Tapos hindi ka na naman nagsuot ng bra." Inabot nito ang kanyang buhok at itinakip sa mga dibdib.

"Masikip kasi. Masakit." Napapailing na lang si Geline na hinila siya pasakay sa bangkang de-motor.

"May dala po akong bangka. Iyon na lang ang sasakyan ko."

"Ay hindi na! Aabutin tayo ng siyam-siyam bago ka makarating sa isla. Balikan mo na lang ang bangka mamaya." Walang nagawa si Joy kundi ang sumakay sa bangka. Malapit lang naman dito sa Isla Palanaw, ang isla kung saan nakatira si Joy. Kung ang Isla Palanaw ay may mga bahay at eskuwelahan— Hindi pa maayos ang eskuwelahan doon kung tutuusin, hindi katulad ng eskuwelahan sa ibang bayan ng Siargao. Isang kubo lang iyon kung saan tinuturaan ang mga estudyanteng kabilang sa alternative learning system. Siya naman ay sa bahay lang talaga dahil iyon lang ang gusto ng kanyang lola. Hindi rin iyon mangyayari kung hindi dahil kay Teacher Geline.

Si Teacher Geline ay kaibigang matalik ng kanyang yumaong ina. Ito ang nagtitiyagang magturo sa kanya. Pinupuntahan siya sa kanyang bahay at siyang kumumbinsi sa kanyang lola at lolo para makapag-aral siya kahit hindi pormal. Magbebente-uno na siya pero grade 10 pa lang siya. Ang lugar nila ay liblib at may mabubuting puso na guro lang ang nagmamagandang loob na magturo.

Ang isla naman kung saan sila nakatira ng kanyang lola ay walang tao. Hindi iyon komunidad. Isla iyon na pag-aari ng kanyang lolo. Pag-aari pa raw iyon ng ama ng kanyang lolo. Maraming gustong bumili ng isla na iyon, pero hindi gusto ng kanyang lolo dahil sisirain lang daw iyon. Gagawing tourist spot. Maganda raw kasi ang dagat doon para sa surfing dahil nakatapat iyon sa Pacific Ocean. Hindi iyon pahihintulutan ng lolo niya. Tahanan daw nila iyon. Doon sila ipinanganak at doon sila mamamatay. Maliit lang iyon at malapit sa Burgos, ang pinakadulong bayan ng Siargao Island, kaya kabilang sila sa populasyon ng Burgos.

Nang marating nila ang isla ay agad siyang sinalubong ng sermon ng kanyang lola. Pero pagkatapos naman ay pinaghainan sila ng sinugbang kamote para sa meryenda habang nag-aaral. Sa kubo sila pumuwesto. Nakatapat iyon sa dagat.

Natigil sa pagsagot ng modular si Joy nang mapansin niya ang makabagong aparato ni Teacher Geline na nakapatong sa kawayang mesa.

Cellphone. Alam niyang cellphone ang tawag sa bagay na iyan. Ginagamit para makausap ang tao kahit malayo. Kapag pumupunta siya sa Burgos ay nakikita niyang gamit iyan ng mga dayo. May ganyan din si Sushi.

Napansin ni Geline ang pagtitig ni Joy sa cellphone. Kinuha nito iyon.

"Halika rito, Joy. Tuturuan kita kung paanong gumamit nito." Agad na napatuwid ng upo si Joy. Gusto niya 'yon. Matagal na niyang gustong malaman kung paano iyon ginagamit. Agad na tumayo si Joy at umikot sa kabilang bahagi ng mesa. Naupo siya sa tabi ni Teacher Geline.

"Smartphone ang tawag dito. Puwede kang kumuha ng larawan, video, makipag-usap sa iba't ibang tao sa social media."

"Social media?"

"Hmm . . . ito. Swipe mo lang 'yan tapos type mo rito ang password para ma-unlock ang screen," paliwanag nito. Tumango naman si Joy nang maunawaan ang sinasabi nito.

"Swipe, tapos i-type ang password," pag-ulit niya.

"Ito ang Facebook . . . pinakapopular na social media application. Kahit sino ay puwede mong makausap dito . . . kahit nasaang lupalop pa ng mundo siya naroon. May mga video rin rito na puwede mong mapanood. Hindi lang natin magagawa dahil wala ritong signal."

"Ang galing naman!" Itinuro sa kanya nito ang kung ano-ano pang bagay na makikita sa smartphone. Kung saan kakausapin ang taong gustong kausapin at pati na rin ang pagtawag at text. Binuksan nito ang camera ng smartphone. Namilog ang mata ni Joy nang makita ang sarili sa screen.

"Halika, mag-selfie tayo."

"Selfie?" Itinuro naman ito sa kanya kung paano ang selfie. Nakatutuwa. Napakaganda ng aparatong ito.

"Gusto ko rin nito."

"Joy!" Mabilis siyang bumaling sa kanyang Lola Ema. Sa bakas pa lang ng mukha nito ay alam niyang galit ito. Mukhang hindi nagustuhan ang sinabi niya tungkol sa smartphone.

"Kung ganito lang naman ang ituturo mo kay Joy, Geline, mabuti pang tigilan n'yo na ito."

"Lola, hindi po! Ipinakita lang sa akin ni Teacher Geline ang makabagong gamit sa pagtawag. Hindi na po mauulit!" Hindi niya gustong tumigil sa pag-aaral. Kaunti na lang ay tapos na siya sa pag-aaral. Pangarap niyang magkaroon ng diploma katulad ng kanyang ina. Gusto niyang isabit iyon sa tabi ng diploma ng kanyang ina na nakasabit sa dingding ng kanilang bahay.

***

"BILIS, Bulig!" Mabilis na tumakbo si Joy patungo sa dalampasigan kasama ang alagang baboy ramo. Nilingon niya ito. Tumawa nang makita ang paghihirap nito sa paghabol sa kanya.

"Napakatakaw mo kasi kaya, ayan, hirap na hirap kang tumakbo." Nang marating ang tabing-dagat ay hinubad niya ang kanyang daster saka tumakbo sa tubig na walang saplot kundi isang bulaklaking panty at walang pang-itaas. Sumunod naman si Bulig sa kanya.

"Bilis, Bulig! Bilis!" Lumangoy ang alagang baboy ramo patungo sa kanya. Agad niya itong niyakap habang tumatawa.

"Ang galing naman!" Hinaplos niya ang itim na itim na balahibo ng alaga. Tuwing umaga ay lagi silang naliligo ni Bulig. Si Bulig ang tangi niyang kaibigan. Wala siyang kahit isang kaibigan sa lugar na ito. Kahit sa mga karatig pang isla. Hindi siya pinapahintulutan ng kanyang lolo't lola. Hindi raw niya kailangan ng kaibigan dahil kapahamakan lang ang magiging dulot niyon katulad ng nangyari sa kanyang ina.

Isang ambisyosa raw ang kanyang nanay. Mataas ang pangarap. Nag-aral. Nakipagkaibigan sa mga mayayaman hanggang sa mapahamak. Pinagsamantalahan daw ng isang lalaki. Ginahasa. Hindi niya iyon maunawaan noon. Hindi niya alam ang ibig sabihin. Ipinaliwanag sa kanya ni Geline na para iyong pagtatalik; ang pagkakaiba lang ay kapag pinuwersa ng isang lalaki ang isang babae ay rape iyong matatawag. Kaya pinapaalalahan siya lagi ni Geline sa bagay na iyon.

Habang nakikipaglaro kay Bulig ay natanaw niya si Julio na paparating. Bumaba ito sa bangkang de-motor sa hindi kalayuan at naglakad patungo sa kanyang kinaroroonan at kumaway ito. Agad na umahon si Joy, sinalubong si Julio.

"Teacher Julio, ano po ang ginagawa mo rito?" Nawala ang pagkakangiti ni Julio nang hustong makalapit kay Joy. Humagod ang mata nito sa hubad na katawan ni Joy. Isang panty lamang ang suot. Ang mahabang buhok ay hindi sinasadyang mapunta lahat sa harapan at matakpan ang mga dibdib.

"Naku! Sinabi na pong bawal kayong magpunta rito. Mukhang namatanda na kayo. Tulala kayo," nag-aalalang sabi ni Joy dahil sa hindi na pagsasalita ni Julio. Laging pinagsasabihan ng kanyang mga lolo't lola ang mga taga-kabilang isla na bawal magpunta sa lugar na ito dahil pinamumugaran ng mga engkanto ang islang ito. Sila lang ang hindi namamatanda dahil sila ang may-ari nito at hindi sila gumagawa ng makasisira ng lugar o makabubulabog sa mga kasama nila rito na siyang totoong nagmamay-ari ng isla.

"Teacher Julio!" Ipinitik ni Joy ang daliri sa harapan ng mukha ni Julio.

"Naengkanto ka na ba? Tatawagin ko si Lola!"

"Hindi, hindi. Ayos lang ako, Joy. Ano lang . . ." Humagod muli ang malagkit na tingin ni Julio sa kabuuan ni Joy. "Nagulat lang ako."

"Bakit ka nagulat?"

Tumitig ito sa mga mata ni Joy. Nagbuntonghininga saka humakbang palapit sa kanya. Dahan-dahan ang pagtaas ng kamay ni Julio sa mukha ni Joy at parang isang babasaging kristal ang kanyang pisngi nang ilapat ni Julio ang likod ng mga daliri doon at dahan-dahang humagod iyon sa pisngi ni Joy na may pag-iingat.

"Napakaganda mo, Joy." Humagod ang mga daliri nito sa kanyang pisngi, tinalunton ang mahabang buhok na nakalugay patungo sa dibdib. Ang tangkang paghawi ni Julio sa buhok ni Joy ay natigil nang bigla na lang itong suwagin ng baboy ramo na alaga ni Joy. Mukha itong galit. Napaatras si Julio.

"Bulig, huwag! Bisita natin si Teacher Julio! Huwag ka namang suplado," saway ni Joy sa alaga.

"Ano ang ginagawa mo rito!" Galit na boses ng kanyang Lolo Malton ang nagpabaling sa dalawa. Hawak ang itak sa kanang kamay habang masamang nakatitig kay Julio.

"Sino ang nagbigay pahintulot sa 'yo na pumarito sa islang ito?"

"Mang Malton, magandang umaga ho. Nandito lang ako para ibigay kay Joy itong tsinelas." Itinaas ni Julio ang hawak na supot. Malapad naman na napangiti si Joy sa narinig. Ang bait talaga ni Teacher Julio.

"Hindi 'yan kailangan ni Joy! Umalis ka na at huwag kang babalik dito!" Nawala ang pagkakangiti ni Joy. Bakit ba ganito ang lolo niya? Nagmagandang loob na nga si Teacher Julio ganito pa itong tratuhin.

"Jonadel! Parini!" Mabilis namang sumunod si Joy sa lolo. "Pumasok ka sa bahay!"

"Opo!" Tumakbo si Joy pabalik sa kanilang bahay. Agad naman siyang sinalubong ng kanyang Lola Ema.

"Ikaw na bata ka! Bakit hubad ka na namang naligo? Pumunta ka ng banyo." Hinawakan siya ng kanyang lola sa braso at hinila patungong banyo na walang bubong. Ang nagsisilbing dingding lang niyon ay mga sako. Nasa tagiliran iyon ng kanilang kubo habang sa likod naman ang kanilang kubeta.

"Tanggalin mo ang kalson mo." Agad namang hinubad ni Joy ang panty at inilagay sa maliit na batya. Naupo siya sa bangketo. Nagsandok si Ema ng tubig sa malaking sisidlan at binuhusan si Joy sa ulo.

"Ilang beses ko na bang sasabihin sa 'yo na huwag kang maghuhubad kapag naliligo," pagsisimula nito sa sermon. Kinuha niya ang sabon mula sa habonera at sinimulang sabunin ang katawan ni Joy.

"Dati po nagagalit kayo kapag binabasa ko ang damit ko. Sasabihin mo lagi kong binabasa ang damit ko kaya tagiptipon ang mga damit ko," pagrarason niya. Dati kasi nakukurot siya lagi ng lola niya kapag laging naliligo sa dagat at binabasa ang kanyang damit.

"Dalaga ka na. Isang linggo na lang, benta anyos ka na."

"Eh, kayo nga po otsenta na pero naliligo pa ring hubo't hubad sa dagat."

"Iba noon . . . iba ngayon, Joy. May mga pumapasok na sa isla natin. Ikaw . . . nakakakuha ka na ng atensiyon."

Hindi niya maunawaan. Hindi na lang siya nagtanong pa. Magulo. Lahat na lang bawal. Bawal lumabas ng isla. Bawal makipagkaibigan. Bawal mag-aral. Bawal gumamit ng mga makabagong gamit. Bawal niyang puntahan ang kanyang tatay. Bawal tumanggap ng kahit anong bagay mula sa ibang tao kahit sa sarili pa niyang tatay. Pati ngayon, pati pagligo nang walang damit, bawal. Mapapaano ba siya? Lahat bawal. Nakakainis na. Hindi na niya maintindihan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top