22. Paranoid


• Zach •


Alas-otso pasado na, at hindi ko alam kung si Thea ba ang tamang tao para makausap ko tungkol kay Sioson kasi . . . kuha ko naman na madalas sa madalas, e tantiyahan basahin si Thea. Minsan matalino, madalas hindi. May mga problemang kaya niyang gawan ng sarili niyang solusyon na kahit adik sa 'min di maiisip 'yon, kaso madalas mas magaling din siyang gumawa ng problema na siya lang din ang nakakaisip.

Nakiusap sa akin si Messiah noong nakaraang buwan na bantayan nga si Sioson, pero siyempre ayokong utusan niya 'ko sa bagay na ginagawa ko na, kasi nakakawalang gana nang gawin na nagkukusa ka na nga 'tapos mamanduhan ka pa.

Nangako si Thea na hindi nga sasabihin ang lahat ng nalaman niya sa unit ko. Naniniwala naman ako sa pangako niya, bigay ko na sa kanya 'yon. Pero alanganin ako sa mga slip of the tongue niya. Hindi ko alam kung kailan siya madudulas sa kapatid ko. Ayoko pa naman kapag sa kanya galing ang kuwento, parang nagiging T-rex 'yong butiki lang sana. At kapag nalaman ni Messiah na magkasama kami ni Sioson at umaandar na naman ang kabulbulan niya sa buhay at magalit na naman sa 'kin, talagang magtatagpo na ang kamao ko at mukha niya.

Hiningi ko kay Thea ang number ni Sioson. Sabi ko, huwag sabihin kay Sioson na hiningi ko, at mas lalong huwag niyang sasabihin kay Messiah na kinuha ko sa kanya.

Umoo si Thea, promise daw hindi niya sasabihin, yada yada.

Okay na. Tinawagan ko.

"The number you have dialled is either unattended or out of coverage area . . ."

Hindi nag-ring. Deretso voicemail at unattended pa.

Tatlong beses akong tumawag. Wala talaga!

Hindi ako blocked, sigurado naman, kasi hindi sasagot ang voicemail kung blocked ako.

Lumabas ako. Dumaan sa café. Sinilip ko kung nandoon.

Wala.

Dumayo ako sa kabilang street, nag-doorbell na naman ako sa bahay nila. Hindi na 'yong matabang babae ang sumagot kundi 'yong lola na naglalabas ng basura.

Wala raw. Nasa classmate sa Manressa, which is ako.

Inisip-isip ko pa, magre-report na ba ako sa pulis?

Advantage: May report. Disadvantage: Ako ang huling kasama. Dehado ako.

Wala akong CCTV sa unit ko kasi aanhin ko naman? Wala akong ibang bisita. Hindi ako nagpapapasok ng tao roon. Mula nga nang makuha ko 'yong unit, si Sioson at si Thea pa lang ang nakakapasok doon. Ultimo si Messiah, hindi na nag-attempt na sumilip man lang.

Alas-nuwebe, 'tang ina, naghahapunan ako sa hagdanan ng façade ng Manressa. Kung hindi lang ako kilala ng guard, baka napagkamalan pa 'kong palaboy na doon pa talaga sa tabi ng mga halaman ngumunguya ng pastil.

Natotorete ako, pakingshet. Kaya nga hindi nagsyota, e! Para walang ganitong kahunghangan sa buhay! 'King-inang 'yan.

Nasa hagdanan ako, bababa, sisilip sa café, babalik sa hagdanan, aalis na naman para sumilip sa kabilang crossing na tanaw ang kalsada papunta kina Sioson, babalik na naman sa hagdanan.

Alas-onse na, putang-inang buhay 'to, 'papakabit na talaga ako ng CCTV sa unit.

"Kuya, kayo ba 'yong naka-duty kaninang umaga?" tanong ko sa guard.

"Ay, hindi, ser. 'Yong isang kasama ko kung kaninang umaga pa. Alas-kuwatro ang duty ko rito, e."

Sinuklay ko ang mga daliri sa buhok at saglit na sinabunutan sa tuktok para maalis ang tensiyon sa ulo ko.

Nasaan na ba kasi 'yong babaeng 'yon?

Ni hindi man lang nag-iwan ng sulat! Maano man lang na sabihin kung saan siya pupunta?

Naupo ako sa hagdanan nang maalala kung bakit nga ba sa sala ako natulog kagabi kasama siya.

Ilang linggo na siyang wala sa ayos. Inalok ko ang unit ko kasi napapakiramdam ko na siya, e.

Maghahanap ka ng unit kahit kapitbahay n'yo lang ang campus? Ano'ng gagawin mo roon sa unit mo nang mag-isa? Sa laki ng bahay nila, nakulangan pa siya.

Kagabi kasama ko na naman. Ala-una na, hindi pa tulog.

Kung si Thea siya na nakatikim ng masarap, maiintindihan ko pa kung bakit ginustong matulog sa unit ko, e. Kaso wala kaming ibang physical connection maliban sa literal na nagpipisikalan kami.

Gaano ka kalungkot na tao para sumama sa lalaking ni hindi mo nga nakakasundo most of the time?

'Tapos kahit hindi ko naman dapat naiisip, bumabalik na naman na nagpasalamat siya na hindi ko siya ni-rape. Nakaka-offend kasi hindi ko alam kung mukha ba 'kong manyakis sa paningin niya para sabihin 'yon, o baka stereotyping lang siya na lahat ng lalaki sa mundo, iisa lang ang ang likaw ng bituka at nagulat siyang hindi pala ako ganoon, who knows?

12:14 AM. In-standby ko rin ang smartwatch ko pag-check ko ng oras.

Kapag alas-kuwatro ng madaling-araw at wala pa rin siya, magre-report na 'ko sa police station.

"Okay ka lang diyan, ser?" tanong ng guard nang tumayo na 'ko.

"Okay lang ako, Kuya."

"May hinihintay ba kayo, ser? Mukhang kanina pa kayo diyan."

"Ah, Kuya, baka lang—" Hindi ko na natuloy ang sinasabi ko nang makita ko mula sa madilim na kalsada 'yong naglalakad na pugad ng ibon sa may sidewalk. "Okay na, Kuya."

Inisang talon ko ang apat na baitang ng hagdanan at tinakbo agad si Sioson.

"Saan ka galing?!" Galit ko 'yong sinigaw sa utak ko, pero lumabas sa akin na iba ang dating.

"Are you gonna stay the night?

Doesn't mean we're bound for life"

May humintong trike sa tabi ng sidewalk na malakas ang patugtog at nakatutok sa parte namin ang malabo-labong headlight.

Sinapo ko sa magkabilang pisngi si Sioson at pinatingala sa 'kin. "Saan ka nagpunta?"

Suminghot siya at kumurap-kurap sa 'kin. "Hindi ako lasing, ha?"

"Ha?" Saglit akong yumuko para amuyin siya. Amoy-gin siya saka lemon. "Uminom ka ba?"

Tumango naman siya nang kaunti. "Pero kalahating bote lang."

"Ng gin?"

"Oo. 'Yong pink."

"'Yong pink?!" gulat na ulit ko. "Na kalahating bote?"

"Hindi ako lasing. Promise, I'm not drunk." Hinawakan niya ang mga kamay ko at inaalis niya sa pisngi niya. "Tinawag ako ni Attorney kanina?"

"Saan ka galing? Kumain ka ba bago uminom?"

Suminghot na naman siya at huminga nang malalim. Base sa tunog, parang baradong-barado ang ilong niya. "Inaantok na 'ko, de Chavez . . ."

"Bakit ba kasi hatinggabi ka na umuwi?" bad trip na tanong ko.

"Hindi ko alam kung saan ako uuwi . . ." Ang lungkot ng tawa niya bago naghawi ng kulot na buhok sa mukha. "Walang tao sa bahay . . ."

"Dito ka sa 'kin umuwi. Kung hindi mo alam kung saan ka uuwi, dito sa 'kin, problema ba 'yon? Kanina pa kita hinihintay, akala mo ba? Tinatawagan kita, hindi ka naman sumasagot," nag-aalalang sabi ko.

Natatawa siya, pero kitang-kita sa liwanag ng headlight kung gaano kabilis tumulo ng mga luha niya na paulit-ulit din niyang pinupunasan.

"Para ka namang tanga. 'Tapos maniningil ka lang."

Yumuko na ako nang kaunti at pinangko siya mula sa harapan. Sinalo ko ng mga braso ang puwitan niya kaya napilitan na siyang iyakap ang mga braso sa balikat ko.

"Doon na tayo sa 'taas," sabi ko at naglakad na pabalik sa hagdanan.

"Kaya ko pa namang maglakad . . . hindi ako si Thea . . ."

"Hindi ka talaga si Thea kasi hindi ko naman siya binuhat kahit kailan."

Suminghot na naman siya at nagsisimula na akong mairita. Kapag sinabi niyang nag-drugs pa siya, talagang igagapos ko na siya sa unit ko.

"Ayun pala ang hinihintay ni ser," sabi ni Kuya Guard nang makita na akong may kasama na. Sumunod pa sa amin hanggang sa may elevator area para lang pindutin ang up button.

"Thank you, Kuya," pasalamat ko, at sinaluduhan lang ako ng guard.

Nakadantay na sa balikat ko ang ulo ni Sioson at nakikita ko siya sa kaharap naming panel.

Amoy na amoy ko na lalo ang gin sa bawat hinga niya. Amoy literal na alcohol at lemon. Ang init pa niya. Mabuti na lang at magaan siya, hindi mahirap magbuhat.

"Saan ka galing, hmm?" mas mahinahon ko nang tanong nang silipin siya.

"Sa esplanade . . ." inaantok ang boses na sabi niya.

"Uminom ka doon?"

"Um-hmm . . ."

"May kasama ka?"

"May manyak na sumunod sa 'kin kanina . . . 'tapos sinapak ko . . ."

"Tsk, tsk, tsk . . . alam na kasing may pasok, kung saan-saan pa pumunta," singhal ko. "Kung aalis ka, sabihin mo sa 'kin. Sasamahan kita."

Bumukas ang elevator na walang laman kaya pumasok na 'ko.

"May absent na 'ko, de Chavez . . ."

"Wala kang absent. May attendance ka kanina."

"Tinawag ako ni Attorney?"

"Hindi. Binigyan kita ng attendance. Wala kang absent."

"Thank you . . . kahit ayaw mo 'kong friend . . ."

"Saan ka galing kaninang umaga? Bakit ang aga mong umalis?"

"Tatalon sana ako sa Jones Bridge . . . kaso ang ganda ng view, natulala na lang ako . . ." Tumawa na naman siya, pero lalo lang akong napikon.

"You're not funny," saway ko. "Tigilan mo 'yan."

Suminghot na naman siya.

"May sipon ka ba?" tanong ko, kahit halata namang hindi sipon ang problema.

"Allergic rhinitis . . . ang baho sa Pasig River 'tapos nilakad ko lang hanggang dito . . ."

"Bakit ba kasi doon ka pa pumunta?" Bumukas na ang elevator at nilakad ko na ang tahimik na hallway hanggang sa unit ko.

Sa wakas, nakauwi rin nang may kasama na.

Sa nakalatag na sofa bed ko na siya inilapag. Nag-lock lang ako ng pinto, pagbalik ko may yakap na siyang throw pillow at nakatulog na.

Ang lalim ng paghinga ko nang maupo sa kabilang panig ng sofa. Napagod na akong mag-isip, parang nagsa-shutdown na ang utak ko dahil lang nakabalik na rin siya.

Kinuha ko ang dalawang unan sa kabilang single-seater at inilagay sa sofa bed. Humiga na ako sa tabi niya at inurong siya palapit sa akin. Inalis ko sa mga braso niya ang unan at inilalim ko ang kaliwang braso ko sa leeg niya. Ipinaling ko siya paharap sa akin para mayakap niya 'ko.

Tama na ang isang buong araw na napraning ako kahahanap sa kanya. Huli na 'yon.


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top