Chapter Four

Chapter Four

"Anglo, halika nga rito."

Hindi ko pinansin ang sinabi ni mama at pinagpatuloy ko ang pagsisibak ng kahoy. Nandito ako ngayon sa likod ng bahay namin habang si mama ay nagluluto. Naubusan ng panggatong kaya nagsisibak ako ngayon.

"Anglo, tumingin ka sakin."

Nag-angat ako ng tingin at nakita kong salubong ang kilay ni mama. Pinunasan ko ang pawis na tumutulo sa sentido ko bago ako tumayo at hinarap ito, "Ano 'yon 'ma? Hindi pa ako tapos—"

"Itigil mo 'yang pinaplano mo. 'Wag kang magtanim ng galit sa—"

"'Ma naman, kita niyo ginawa nila kay Papa? Hindi siya makalad hanggang ngayon dahil sa pagpapahirap nila sa kaniya!"

"Alam ko... pero hindi 'to tama Anglo. 'Wag mo pag-aksayahan ng oras ang mga Khan."

"Sige na 'ma, magluto ka na ulit. Ako na maglalagay nito sa mga basket." Umupo ulit ako at inumpisahan nang magsibak ulit ng kahoy. Naramdaman ko na lang na umalis na si mama sa tabi ko kaya sinundan ko siya ng tingin. Pinupunasan niya ng towel si Papa habang kinakausap ito.

Napailing na lang ako.

Hinding-hindi ko mapapatawad ang mga Khan sa ginawa nila kay Papa. Naging trabahador si Papa ng mga Khan at pinagkatiwalaan siya nang lubos. Dahil sa inggit ng mga katrabaho ni Papa sa kaniya, siya ang sinumbong nitong nagnakaw ng materyales sa isa nalang shop.

Alam kong matalino ang amo ni Papa pero hindi ko alam na dahil lang sa sinabi ng ilan ay hindi na nito paniniwalaan ang tatay ko.

"Kuya, turuan mo naman po ako rito. Ano po ba dapat, bilog o kahon?"

Mabilis kong pinuntahan ang kapatid ko bago ito makalapit sa akin. Tinignan ko ang notebook na hawak niya at nag-isip kung ano ang dapat ilagay, "Kahon 'yan, Lily. Tandaan mo kapag may mga sulok hindi 'yon bilog, ha?"

"Okay Kuya, salamat po. Pwede po ba akong maglaro mamaya?"

"Oo, basta tapusin mo muna 'yang assignment mo."

"Thank you, Kuya!"

Niyakap naman ako ni Lily kaya napangiti ako. Mabilis siyang pumasok sa bahay namin at tinuloy ko na ang pagsibak. Anglo ang pangalan ko. Dapat Angelo 'yon kaso nung tinanong na si mama dati ng nurse na nag-asikaso sa kaniya nakalimutan niyang sabihin ang letter 'e'.

Ayos naman, maganda naman kinalabasan ng pangalan ko.

Sobrang layo ng bahay namin sa bayan kaya maganda ito para sa plano ko. Pinakadulo pa kase kami at nahaharangan kami ng mga malalaking bahay ng subdivision. Wala naman kaming kapitbahay. Ang mga kalaro ni Lily ay 'yong mga bata sa subdivision at naglalaro sila sa bakanteng lote.

Buti pa nga ang mga tao rito mababait sa amin kahit na mayaman sila. Kapag may tira silang ulam ay sa amin agad nila ito ibinibigay at hindi itinatapon.

"Jelo, sama ka mamaya?"

Lumingon ako sa nagsalita at nakita ko si Henry. Isa siya sa mga nakatira sa subdivision at kapatid niya si Stella na kaibigan naman ni Lily, "Anong oras ba pare?"

"4 PM as usual. You'll go?"

"Sunod na lang ako kapag wala na akong gagawin dito."

Tumango naman siya sa sinabi ko, "Layuan mo na lang si Bella kapag kinulit ka. Hahahaha."

Umiling na lang ako sa sinabi ni Henry at naramdaman kong umalis na siya. Si Bella ang isa pa niyang kapatid na hindi ako nilulubayan. Maganda naman siya. Hindi ko lang type.

Tuwing nasa bahay ako nila Henry ay nakadikit agad sa akin si Bella. Ayos lang naman. Walang malisya sa akin, pero sa buong pamilya ni Bella ay meron. Ilang beses ko nang sinabi na hanggang kapatid lang ang turing ko sa kaniya pero ayaw niya pa ring tumigil.

Siya naman ang mahihirapan.

"Ito na, 'ma. Pasok na po muna ako sa loob."

Inilapag ko ang panggatong sa harapan ni mama at akmang papasok na ako sa loob nang hawakan niya ang braso ko, "Itigil mo na hanggat maaga pa, Anglo."

Umiling ako at ngumiti, "Para 'to kay Papa."


GUMISING ako nang maaga para mapaghandaan ko na ang plano ko. Matagal ko na itong pinag-isipan kaya sana hindi ako pumalpak. Wala naman akong balak sa kaniya. Gusto ko lang makamit ang hustisya para sa Papa ko.

"Kuya, anong ginagawa mo?"

Napaayos ako ng tayo nang marinig ko ang boses ni Lily sa likuran ko. Nasa bakuran kase ako namin at nakakapagtaka kung bakit siya nandito.

"Ikaw anong ginagawa mo rito? Bumalik ka nga 'don sa bahay."

Kinunutan ako nito ng noo at tinitigan ang hawak ko, "Maglalaro ka, Kuya? Sali kami ni Stella!"

Agad kong itinago ang lubid sa likuran ko nang sabihin niya 'yon. Ayokong malaman ng kapatid ko ang plano ko, hanggang maayos ko ang lahat, wala akong sasabihin kay Lily.

Ayokong isipin niya na masama ang Kuya niya. Gusto ko lang siyang protektahan laban sa mga Khan. Baka madamay ang kapatid ko sa gulo dahil kay Papa.

"Hindi 'to laruan, Lily. Pumunta ka na sa bahay, maglaro muna kayo ni Stella."

Ngumuso ito sa akin at halata sa mata niya ang pagtatampo, "Okay! Bahala ka riyan!"

Tinalikuran ako nito at nag-umpisang tumakbo, "Aba, hindi dapat ganiyan ang pagsagot Lily ha!" Kahit na alam kong hindi niya maririnig ay sinigaw ko pa rin iyon.

Inayos ko na lahat ng mga materyales na kakailanganin ko. Dito ko muna siya itatago pansamantala, gusto ko lang naman ng hustisya para sa Papa ko. Ayokong idiin siya ng mga katrabaho niya sa bagay na hindi niya naman ginawa talaga.

Nang matapos akong ayusin ang lahat ng gagawin ko ay umalis na ako sa maliit na kwartong iyon. Nang makarating ako sa likod ng bahay namin ay nakita ko si Mang Lito, "Oh Jelo nandiyan ka na pala, sasama ka ba ngayon?"

"Opo, kailangan din ng pera, eh." Napakamot ako sa ulo ko nang sabihin ko iyon. Lumuwas kase ako ng Maynila nung nakaraan upang malaman kung paano ko makukuha si Savitri. I threatened her. Alam kong mali 'yon pero wala naman akong balak na masama sa kaniya.

Naghanap ako ng paraan kung paano ko siya masusundan na hindi ako nahahalata. At sa tingin ko, wala namang nakapansin non. Maging siya.

Nang sinundan ko siya sa isang bookstore ay wala akong balak na kausapin siya. Gusto ko lang ilagay sa bag niya ang papel na may sulat ko pero nang makita ko siya ay hindi ko mapigilang magsalita. Parang kusa na lang lumabas ang mga 'yon.

Natulala talaga ako dahil... ang ganda niya.

Pero hinding-hindi ko magugustuhan ang babaeng 'yon dahil sa ginawa ng mga magulang niya sa Tatay ko.

"Oh sige, sumunod ka na lang sa'kin kapag tapos ka na sa ginagawa mo."

Tumango na lamang ako at nagpalit ng damit bago dumiretso sa bahay nila Mang Lito. Isa siya sa may kaya rito sa lugar namin pero hindi siya nakatira sa subdivision. Kasalukuyan siyang nagpapatayo ngayon ng bahay malapit sa bayan kaya swerte ko nang kinuha niya ako bilang taga bitbit ng mga kahoy.

"Jelo..."

Napalingon ako sa tumawag sa pangalan ko at nakita ko si Bella. Alam kong hahaba na naman ang usapang 'to kapag hindi agad ako nagpaalam, "Ano 'yon Bella? May kailangan ka—"

"Free ka ba bukas? May konting salo-salo dahil birthday ni Mama."

Nag-isip muna ako ng sasabihin ko sa kaniya. 'Pag pumunta ako 'don siguradong marami akong mauuwi para kila Mama. Tumango ako sa kaniya bago nagsalita, "Anong oras ba? Magdadala na lang ako ng bananaque ni mama—"

"Hala 'wag na! Dalhin mo na lang sarili mo." Ngumiti ito sa akin at nagulat ako nang hawakan niya ako sa braso kaya napapitlag ako.

"Ay, I'm sorry. I didn't mean to touch you... Let's just meet tomorrow. 2 pm!"

Tumakbo na siya sa akin palayo at alam kong nahihiya siya sa ginawa niya. I smiled. Bella is just like my sister. Nothing less, nothing more. Alam kong gusto ako ng magulang niya para sa kaniya kahit na hindi ako tapos sa kolehiyo dahil kapos talaga kami nang mga panahong iyon pero hindi iyon naging dahilan para i-discriminate nila ako.

Alam kong may gusto sa akin si Bella pero hanggang kapatid lang talaga ang turing ko sa kaniya. Wala sa isip ko ang pumasok agad sa isang relasyon dahil alam kong mas kailangan kong unahin ang pamilya ko.

Nang makarating agad ako sa bahay ni Mang Lito ay sinalubong ako ni Berto, "Jelo, halika rito." Agad akong lumapit sa kaniya nang sabihin niya iyon. Mas matanda siya sa akin ng dalawang taon kaya itinuturing ko siyang kuya ko.

"Bakit Kuya?"

"Ano ba ingles ng pwede ka bang yayain bukas?"

Napangiti ako, "Para kay Ate Mel 'yan 'no? Sabihin mo 'can I invite you-- Ay para saan ba 'yan? Saan mo yayain?"

"Diyan lang sa bayan. Ililibre ko siya ng turo-turo hehe."

"Sabihin mo nalang Kuya, 'Can I treat you tomorrow? Let's eat street foods.'"

Kumunot ang noo niya dahil sa sinabi ko, "Ano? Strit Foods?"

"Hindi, street foods. Sandali isusulat ko."

Kumuha ako ng maliit na papel tsaka lapis at doon isinulat ang dapat sabihin ni Kuya Berto. Kinuha niya naman agad iyon sa kamay ko at paulit-ulit na binasa, "Salamat, Jelo. Kapag sinagot ako ni Mel ikaw din ililibre ko."

Tumango na lang ako sa sinabi niya at nag-umpisa na akong magtrabaho. Ganito lang naman ang trabaho rito, magbubuhat ka lang ng mga kahoy may three hundred ka na agad. Sakto na 'yon para sa pagkain namin ng dalawang araw.

"Pakuha nga ng diyaryo, Jelo. Nasa taas lang ng cabinet na 'yan."

Kinapa ko ang diyaryo na nasa taas at akmang ibibigay na iyon kay Mang Lito nang mayroon akong nabasa, "Sandali po."

Homecoming Party at Khan's Residence

Anticipation is in the air as preparations are underway for a grand homecoming party at the residence of Emma and Viraj Khan. The much-awaited event, set to take place tomorrow evening, promises to be a memorable celebration as the Khans return home.

The Khan residence is being transformed into a festive haven, with elegant decorations of lights and flowers creating a warm and welcoming atmosphere. Friends, family, and well-wishers are expected to gather in large numbers to celebrate this joyous occasion.

"Akin na may titignan ako."

Hindi ko na nabasa dahil inagaw na sa akin iyon ni Mang Lito, "Teka Kuya, ano nakalagay 'don sa homecoming party ng mga Khan?"

Nagsalamin muna ito bago magsalita, "Bukas daw gaganapin, sa bahay ng mga Khan... Ay teka, diba nagtatrabaho si Noel doon dati?"

Tumango na lang ako bago nagsimulang magbitbit ng kahoy.

Nandito na pala sila.

Kung ganoon, humanda ka na Savitri.

Pahihirapan din kita.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top