Kabanata 2
#JustTheStrings
Kabanata 2
Nagpahinga ako at natulog. Kahit sandali lang 'yung usap namin ni Parker, pakiramdam ko naubos lahat ng lakas ko sa katawan. Hindi ko nga alam kung paano pa ako lalabas sa kwarto na 'to dahil alam ko na makikita ko na naman siya... At isa pa, nasaktan talaga ako nung sinabi niya 'yun.
Hindi.
Hindi talaga.
Gustuhin ko man na kalimutan na talaga siya, hindi ko magawa dahil nasa paligid lang siya palagi. Malabo na yata talaga na makapag-move on ako. Siguro buong buhay ko na 'tong papasanin.
"Imo?" napatingin ako sa pinto nung may narinig akong kumakatok at tumatawag sa pangalan ko. Tumayo ako at saka binuksan iyong pinto. Nandun pala si Kuya Benj. "Food's ready. Tara," sabi niya.
"Busog pa ako, Kuya."
"You didn't eat the food I gave you earlier tapos busog ka pa? Sumbong kaya kita kay Preston?" takot niya sa akin. Napabuntong-hininga ako. "May problem ba?" he asked.
Nakatingin ako sa kanya. Gusto kong sabihin pero ayoko na mag-away na naman sila nina Parker. Nakakatakot kasi silang mag-away... Sinuntok ni Kuya si Parker dati nung mahuli niya akong umiiyak. Wala naman talagang kasalanan si Parker dahil palagi naman niyang sinasabi sa akin na 'wag akong umasa. Ako lang naman 'tong makulit na ayaw tumigil. Ayaw ko lang na maulit na naman 'yun.
"It's Parker?"
Umiling ako.
Nagkibit balikat siya. "Very well. Tara, kain na tayo," sabi niya at saka inakbayan ako kaya naman napilitan na ako na bumaba. Paglabas namin sa kwarto, nakasalubong namin si Parker. Agad na kumunot ang noo niya nung makita niyang naka-akbay sa akin si Kuya Benj pero nilagpasan niya lang agad kaming dalawa.
Napatingin ako kay Kuya Benj nung mahina siyang tumawa.
"Obvious mo masyado, Imo," sabi niya.
"Ha?"
Ginulo niya na naman iyong buhok ko. Dapat talaga hindi na ako nag-eeffort magsuklay kapag kasama ko sila nina Kuya.
"You're too good for him. Hanap ka na lang ng iba, princess."
Nung nasa dining area na kami, sandaling nawala iyong mga iniisip ko kay Parker dahil ang daming pagkain. Akala ko talaga magugutom kami dito sa Batanes dahil walang marunong magluto sa amin. Kapag umaalis naman kasi kami nila Mama, palaging may kasamang maids. Hindi kasi kayang alagaan ni Mama mag-isa sina Riley at Finley dahil sobrang kulit. Ayaw pa naman ni Papa na napapagod si Mama.
Kung kagaya lang sana ni Papa si Parker, e 'di ang saya-saya ko na... Gusto ko rin kasi ng ganun. Gusto ko ng lalaki na mamahalin ako kagaya nung pagmamahal ni Papa kay Mama.
"So... what's the agenda for today?" tanong ni Ate Jas. Mukhang sobrang excited na niya. Thrill seeker kasi si Ate kagaya ni Kuya Jackson kaya magkasundo sila talaga.
Nagbigay ng mga suggestion si Kuya Benj. Madalas kasi siya rito kaya alam na niya kung ano ang mga masayang gawin. Napailing na lang ako nung marinig ko kung ano ang mga gusto nilang gawin. Masyadong nakakatakot... 'Dun lang ako pwede sa pagbbike, ATV ride, o kaya naman sa pagsakay sa faluwa.
"So, ano? G tayong lahat?" tanong ni Ate.
Nag-okay sina Kuya Jackson, Kuya Benj, tapos si Kuya Preston naman, nakatingin sa akin at hinihintay ang sagot ko.
Umiling ako. "Pass na lang, Kuya. Dito na lang ako," sabi ko tapos ngumiti ako.
"I'll pass. Kayo na lang," sabi ni Kuya.
"Hala, Kuya. Okay lang talaga ako. Sama ka na sa kanila," sagot ko. Masyado talaga akong bine-baby ni Kuya. Nahawa na siya kay Papa.
"Can't leave you here alone. You're such a klutz, remember?" paalala niya sa akin. Palagi na lang kasi akong nadadapa. Minsan, kahit walang nakaharang na kahit ano sa daan, ewan ko ba kung bakit nadadapa pa rin ako. Pakiramdam ko may invisible na mga bato na nagkalat, e.
Napalabi na lang ako. Gusto ko na sumama si Kuya para mag-enjoy naman siya... pero ayoko rin talaga gawin iyong mga gusto nilang gawin.
"I'll look after her."
Lahat kami napatingin kay Parker nung nagsalita siya. Kulang na lang tumalon ang mga mata ko palabas ng sockets nila.
"I'll take care of her," dagdag pa ni Parker. "I promise."
"You know I won't hesitate to send you to the hospital again kapag pinaiyak mo na naman kapatid ko, 'di ba?" sagot ni Kuya.
Parang sasabog iyong dibdib ko. Ayaw ko talaga na nag-uusap sila na ganito... Pakiramdam ko kasi nasira ko iyong pagkakaibigan nila. Best friends dati si Kuya at Parker... pero simula nung malaman ni Kuya na si Parker ang dahilan ng pag-iyak ko, nawala na iyong pagiging close nila.
Parang kasalanan ko talaga.
"Oh, chill lang, guys." Mabuti na lang at nakaramdam si Kuya Benj. "Pres, chill ka lang. Kaya ka nagkaka-wrinkles dahil badtrip ka lagi kay Parker, e," sabi ni Kuya tapos humarap naman siya kay Parker. "Ikaw naman, umayos ka. Rinig mo?"
Tumango si Parker. Nakahinga naman ako nang maluwag nung mag-ayos na sila Kuya ng mga gagamitin at dadalhin nila. Akala ko talaga magkakaroon na naman ng suntukan.
"Haba ng hair!" sabi ni Ate Jas sabay sundot sa tagiliran ko. "If I don't see you as my little sister, I'd be totally jealous! Princess ka talaga ng mga lalaking 'to!"
"Ikaw naman ang princess ni Kuya Jackson, Ate," sagot ko na nakangiti.
"Aba dapat lang!" sabi naman niya. "Pero seriously, Imo, just call us, ha? Kahit na we know Parker wouldn't harm you intentionally, if he starts being a jerk again, we'll come rescue you."
Ngumiti ako.
"Salamat, Ate."
Kinurot naman niya iyong pisngi ko.
"Cute mo talaga! Ewan ko ba bakit hindi makita ni Parker, 'yun," sabi niya tapos umiling. "He'll really regret it once na may makakita what a catch you are, baby girl."
Tinulungan ko si Ate na ayusin iyong gamit niya. Tinanong niya rin ang opinion ko tungkol sa kung ano'ng bikini ang gagamitin niya dahil magbbeach pala kami mamayang gabi pagbalik nila.
"Cute 'to, Ate," sabi ko sabay pakita nung black na crochet halter bikini.
"Cute nga!" she gushed. "This is what you'll wear later, ha?"
"Hala. Papagalitan ako ni Kuya. Hindi pwede," sagot ko. Bawal nga ako magshorts ng sobrang igsi, e... Bikini pa kaya?
"Ako bahala sa Kuya mo. Basta wear this later," sabi ni sabay kindat. Inilagay niya iyong bikini sa kamay ko at saka tinulak ako papasok sa kwarto ko. "Enjoy your day, baby girl! Text away lang kami, okay?"
Tumango ako. Maya-maya naman, si Kuya Preston ang pumasok.
"Sure kang okay lang na maiwan ka?"
I nodded. "Enjoy kayo, Kuya."
Pero mukhang hindi pa rin siya kumbinsido.
"Kuya, kahit naman hindi mutual ang feelings namin ni Parker, alam mo naman na never niya akong pinabayaan, 'di ba?" paalala ko sa kanya. "He was your best friend. Kilala mo siya. He'd never hurt me... intentionally."
That seemed to calm him pero pinaalalahanan niya pa rin ako bago siya tuluyang umalis. Sobrang protective talaga ni Kuya. Ang swerte talaga ng magiging girlfriend niya dahil sa akin pa nga lang na kapatid niya, ganito na siya kaalaga.
Ilang minuto na simula nung marinig ko iyong sasakyan na makaalis pero nandito pa rin ako sa kwarto. Hindi ko kasi alam kung lalabas ba ako o ano... Sinabi lang naman ni Parker na babantayan niya ako. Wala naman siyang sinabi na gagala kami...
Pero gusto kong gumala. Ang ganda dito sa Batanes! Gusto kong maglakad sa hills. Gusto kong kumuha ng maraming magandang pictures.
Bahala na nga.
Nagsuot ako ng sundress at saka isinabit ko sa leeg ko iyong camera ko. Diyan lang naman ako sa malapit pupunta... Hindi naman siguro ako madidisgrasya.
Pababa na ako at malapit na akong makalabas sa pinto nung halos atakihin ako sa puso nung may marinig akong magsalita.
"Where do you think you're going?" rinig ko na sabi niya. Ni hindi ko na kailangan na lumingon para malaman kung sino ang nagsalita na iyon.
"Ah... eh..." Ano ba naman 'yan, Imo! Nauutal ka na naman!
Tumayo siya mula sa pagkakaupo at saka lumapit sa akin. Malapit masyado. Nagbend pa siya para magkaharap kami. Ang lapit talaga!
"Tatakasan mo ako?"
Umiling ako. "H-hindi."
Inilagay niya iyong daliri niya sa noo ko at marahan akong pinitik.
"Since when did you start lying?" sabi niya at saka nailing. Dumiretso ulit siya ng tayo at saka binuksan iyong pinto. Para akong natirik sa kinatatayuan ko at hindi makagalaw. "Tara na," he said.
Napakurap ako.
"Sasama ka?"
He nodded.
"Talaga?" Hindi ko na napigilan iyong saya sa boses ko. Baka tama nga sila Kuya, mababaw talaga ang kaligayahan ko... Pero pagdating kay Parker lang naman. Alam ko kasi na minsan lang siya ganito dahil may Cindy na siya.
At dapat hindi na ako umaasa pero paano ako titigil kung ganito siya?
Lumabas kami ni Parker at naglakad lang. Mayroon namang malapit na beach dito. Kumukuha lang ako ng pictures habang si Parker, nakaupo doon sa may buhanginan. Nakakainis lang dahil medyo malakas iyong tunog ng shutter kaya hindi ko siya makuhanan. Ang gwapo niyang tignan ngayon lalo... Nakatingin lang siya sa dagat tapos sobrang relaxed niya.
Kailan kaya siya magiging ganito sa akin? Kapag kasi kasama ko siya, palagi siyang parang problemado o kaya naman ay galit. Parang hindi siya nag-eenjoy na kasama ako.
Lumayo ako tapos at saka ko siya kinuhanan nang kinuhahanan ng picture. Mabuti na lang at hindi niya ako nakita. Napangiti ako habang tinitignan ko iyong mga picture sa phone ko.
"Why are you smiling?" Nagulat ako nung nandun na siya sa harap ko. Sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko! Mabilis kong itinago iyong cellphone.
Umiling lang ako.
"Do you want to stay here? May iba ka pa bang gustong gawin?"
"Bike?"
"Okay," sagot niya. Kinilig na ako agad. Simpleng okay niya lang pero ganito na ang epekto.
Umakyat kami sa mataas na lugar. Para siyang talampas tapos puro damo na sobrang ganda ng kulay nila. Ang ganda-ganda talaga dito. Pwede na akong tumira dito tapos parang araw-araw na nasa bakasyon lang ako.
"Do you know how to ride a bike?"
"Oo naman!" sagot ko.
"Really?"
"Grabe ka naman, Parker," sabi ko. Nakaka-offend naman na akala niya hindi ako marunong magbike.
"Baka kasi masugatan ka," he said. "Do you want to rent the one where you could just sit? I'll drive the bike for us."
Pinigil ko iyong sarili ko na ngumiti dahil kinikilig talaga ako. Masyado daw kasi akong transparent... Sobrang halata kung ano ang nararamdaman ko. At kapag nakita ni Parker na nagkakaganito na naman ako, alam ko na hindi na naman niya ako kakausapin.
Ayaw niya na umaasa ako. Para naman kasing ganun lang kadali pigilan ang feelings... Na kapag sinabi niyang hindi ka niya gusto, bigla na lang mawawala iyong nararamdaman mo. E 'di kung ganoon nga, sana wala ng nasasaktan at umaasa ngayon.
Nagrenta kami nung bike na may sakayan sa gilid. Pareho naming hindi alam ni Parker kung ano ang tawag doon kaya tinuro na lang namin.
Ang saya-saya ko lang habang nakasakay kami sa bike. Parang... parang kami. Ganito pala ang pakiramdam. Sobrang saya.
Pero alam ko rin naman na hindi totoo. Na minsan lang 'to kasi pagbalik namin sa Manila, nandun na ulit iyong gusto niya talaga. Na maaalala ko na naman na kapatid lang ang turing sa akin ni Parker.
"Parker, pwede ba tayong magpapicture?" tanong ko sa kanya. Baka kasi magalit siya kapag kumuha na lang ako bigla.
"Bakit?"
"Remembrance," sagot ko. Sana hindi niya mahalata kung gaano ko gustong magkaroon ng picture para palagi kong maaalala kung gaano ako kasaya nung panahon na 'to.
He shrugged. Dali-dali naman akong tumawag ng pwedeng magpicture sa amin.
"Ready na po kami," nakangiti kong sabi. Sobrang laki ng ngiti ko habang nakatingin sa camera. Nagpasalamat ako doon sa lalaki nung ibalik niya ang camera.
"Thank you," sabi ko kay Parker.
"For what?"
"For today. For being nice."
"I'm always nice."
"Hindi kaya," sagot ko. "Masungit ka raw sabi ng ibang schoolmates natin..." paalala ko sa kanya. Sa lahat ng soccer players, siya ang pinakasikat dahil siya ang pinakamasungit. Sila Kuya kasi friendly, lalo na si Kuya Benj. Ewan ko ba dahil may fascination yata talaga ang mga babae sa mga lalaking hindi sila pinapansin...
Parang ako.
"They don't know me, that's why," sagot niya. "But you... you know me."
Sasabog na yata ang dibdib ko. Nakatingin siya sa akin habang sinasabi niya iyon. Parang hindi na ako makahinga.
"I'm nice... especially to those whom I care about."
Wala na. Sobrang pula na talaga ng mukha ko.
"You care about me?" parang tanga na tanong ko. Hindi ko na kasi napigilan bago siya lumabas sa bibig ko. Gusto kong paluin ang bibig ko dahil bigla na lang nagsasalita.
"Of course. You're the sister I never had."
Kapag daw talaga sobrang saya mo, bigla na lang babawiin. Parang ngayon.
Pinilit ko na 'wag niyang makita kung paano niya ako nasaktan sa ilang salita na sinabi niya. Pinilit kong ngumiti kahit na ang totoo, gusto kong umiyak.
Ilang beses na rin naman niyang sinabi sa akin 'yan pero bakit para akong tanga na nasasaktan sa isang bagay na matagal ko ng alam?
"Pagod na ako, uwi na tayo," mahinang sabi ko. Bumaba ako mula sa bike at saka nagsimulang maglakad pauwi. Tahimik lang siya na nakasunod sa akin hanggang sa makarating kami sa bahay. Nagpasalamat ako sa pagsama niya sa akin at saka nagsabi na sa kwarto na muna ako.
Nahiga ako sa kama at saka tinakpan ang mukha ko.
"Tama na, Imo," sabi ko habang dire-diretsong tumutulo ang luha ko. Hindi ko na mapigilan. Kusa na silang lumalabas. "Para ka ng tanga... Tama na kasi..."
Pero hindi ko mapigilan. Ang sakit-sakit kasi...
Na nandyan na pero hindi mo mahawakan... kasi may ibang nagmamay-ari.
Parang pinapakita lang pero hindi pwedeng hawakan.
Parang sinasabik ka lang.
Parang pinaparamdam lang kasi alam na kahit kailan, hindi magiging sa 'yo.
Pinilit ko na tumigil ng umiyak dahil ayoko na mapansin nila Kuya na umiiyak ako. Ayoko na mag-away na naman sila dahil sa akin.
Sa wakas, tumigil na rin ako sa pag-iyak pero ang bigat-bigat pa rin ng pakiramdam ko. Umupo ako at saka kinuha iyong cellphone ko. Para akong tanga dahil iyong bagay na nagpapaiyak sa akin, iyon din ang bagay na nagpapangiti sa akin.
Nakangiti ako habang tinitignan iyong mga pictures ni Parker at pictures namin. Binuksan ko iyong LTE at saka nag-upload ng picture sa facebook.
Pinalitan ko iyong privacy ng only me dahil alam ko na magagalit si Parker kapag nakita niyang nagpost ako. Malalaman niya kasi na umaasa na naman ako—ay mali, pa rin ako.
Hindi ko nilagyan ng caption. Hindi ko rin kasi kayang ipaliwanag.
Na masaya ka, na malungkot ka. Na kaya mong maramdaman ang dalawang bagay dahil sa iisang tao.
Habang tinitignan ko iyong newsfeed, bigla akong napatigil dahil sa isang picture na naka-tag si Parker. Post iyon ni Cindy ng picture nila ni Parker. Nakatayo si Parker habang nakayakap naman mula sa likod si Cindy.
Missing this one. Wish you were here with me :(
Nanikip ang dibdib ko. Sobra-sobra na 'to... pero may mas masakit pa pala dito. Nung bigla kong nabasa iyong comment ni Parker.
Come home to me.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top