Day 17: Handkerchief

Handkerchief
-----

"Good evening po, Tita."

Uminit 'yung tainga ko pagkarinig sa boses ni Marcus. Kahit hindi pa 'ko lumingon sa pinto ng bahay nila Helga, alam kong siya 'yun.

Siniko ako ni bestie sa pagkakaupo namin sa sofa. Dalawang ulit. Hindi naman ako makatinag. Diretso lang 'yung tingin ko. Nakakahiya kasi sumulyap. Baka masabi ko bigla na ako si En. O di kaya, maramdaman niya. Oh no!

"Tuloy, Marcus. Naliligo pa si Harry," sabi ni Tita Ludy na nasa porch.

"Thanks, Tita."

Naamoy ko 'yung pabango niya bago pa siya maupo sa single seater sa tagiliran ko. Nakikipag-unahan na naman sa hininga ko 'yung tibok ng puso ko.

Ang bango niya! Ang sarap huminga nang malalim!

"Nasa'n si Ash, Marcus?" tanong ni Helga. "Hindi mo niyayang magsimba?"

"Gumagawa pa siguro ng kasalanan," sabi niya sabay tawa nang mahina.

"Marami na siya nun! Araw ng pagbabawas ngayon," pumalatak si bestie.

Naninigas lang ako sa pagitan nila. Bakit kasi ako nasa gitna? Bakit hindi siya ro'n sa kabilang single seater naupo?

"Hi, Jenessy."

Bumaling ako sa kanya. Nahihirapan mag-stretch 'yung facial muscles ko para ngumiti.

Hi.

Oh my God! Bakit walang lumabas na boses?!

May kumalat na init mula sa tainga ko papunta sa mukha.

Lalong napatitig sa 'kin si Marcus. "Huh?"

Binawi ko 'yung tingin ko. Napatungo ako sa hiya.

"Ay, malat ka, bestie?" tukso ni Helga sa 'kin. Lalong uminit 'yung mukha ko. "Sorry, Marcus. Mahiyain 'yung boses nito ni Jenessy Alfonso."

"Ah."

Nakatingin pa rin sa 'kin si Marcus.

"Hindi naman..." bulong ko. Tunog-paos.

Ayoko na sa upuan! Gusto ko nang umuwi!

"Ano 'yun uli?" tukso ni Helga at inakbayan pa 'ko. Inilapit pa sa 'kin 'yung mukha niya habang nakangisi.

Bully, naisip ko.

Alumpihit ako sa upuan. Bakit ganito? Bakit Hi na lang, hindi ko pa magawa???

"Sorry..." bulong ko at sumulyap kay Marcus.

"I heard you." Bahagya siyang ngumiti. "Nothing's wrong, Jenessy."

Ang tipid ng ngiti ko sa kanya tapos tumungo na uli ako. Pagbaling ko kay bestie, nagdudutdot na siya sa cellphone niya. As usual, wala lang 'yung panunukso niya.

Tahimik na rin si Marcus. At nao-awkward ako.

"O, nandito na ang gwapo!"

Ang bilis nabaling ng tingin ko kay Kuya Harry.

"Marcus honey! Sasabay ka na naman magsimba? Tapos sasabay ka na naman gumawa ng kasalanan?" Palatak. "Kaya tayo nagiging close e!"

"Boring sa bahay. Magtitiis na lang ako sa ingay mo," sabi ni Marcus.

Ang tunog ng halakhak ni Kuya Harry. Parang nagsasayaw pa 'yung mata niya. "Naks. Nami-miss mo 'ko? Baka iba na 'yan a. Kahit gwapo ka, si Neah lang ang gusto ko."

"Ayos lang 'yan. 'Di ka pa rin niya gusto."

Napangiti na lang ako sa usapan nila.

Bumungad si Tita mula sa porch habang nakalagay pa 'yung cellphone sa tainga.

"Let me just finish this call bago tayo umalis, okay? Harry, check the van. Do'n na tayo sumakay para maluwag. Helga and Jenjen, check your things."

Nag-yes kaming lahat kay Tita bago lumabas ng bahay.

***
Nagsusubo na ng ostiya nang mapansin kong nawala sa loob ng simbahan si Marcus. No'ng una, akala ko, nakapila pa siya sa communion. Kami kasi ni Helga, laging umuuna sa pila. Impatient kasi maghintay si bestie. Ayaw rin ni Tita na nagpapahuli kami. Si Kuya Harry naman at Marcus, madalas magpahuli kasi ladies first daw.

Pero nakabalik na si Kuya Harry, wala pa rin siya.

"Sa'n si Marcus? Baka hanapin na ni Mommy," bulong ni Helga sa 'kin.

For some reason, kinakabahan ako. Kanina kasi, sa Ama Namin, napansin kong nagbago 'yung mood ni Marcus. Kumunot 'yung noo tapos may sinusundan siya ng tingin. Ang kaso, di ko napansin kung ano o sino.

"Excuse me, a..." sabi ko kay bestie. Hindi ko na kailangang sabihin na hahanapin ko si Marcus.

"Sige. Bago maghanap si Mommy."

Tumango lang ako kay bestie tapos lumabas na 'ko ng simbahan. Nagbakasakali akong tumingin sa public restroom pero wala ro'n si Marcus. Nagbakasakali na rin ako sa mga tagiliran. Sinuyod ko ng tingin 'yung mga nagso-smoke kahit na alam kong 'di siya naninigarilyo.

Pagdating ko sa likod ng simbahan, sa tagiliran ng parking, may namataan ako. Medyo madilim. Inayos ko 'yung salamin sa mata ko kahit na hindi masyadong nakatulong. Pero base sa tindig at sa bulto ng katawan, si Marcus 'yun.

At sino 'yung kausap niya?

Naglakad ako palapit. Habang humahakbang, medyo naririnig ko na 'yung pag-uusap (o pagsisigawan) nila. Una kong nabosesan si Marcus. Mataas at galit ang tono niya kaya lalo akong kinabahan.

"Idini-display mo, Dad!"

Oh my God! Dad niya ang kausap niya? Natigil ako sa paglapit. Maybe I'm hearing something that I'm not supposed to hear.

"Alam mong dito nagsisimba si Mommy! Kilala siya ng mga lays at ni Father Damian! And you're bringing..." Dama ko sa tono ni Marcus ang pagpipigil. "Bullshit naman!"

"Huwag mo akong pagtaasan ng boses! Kaya nga nauna na kaming lumabas ni Patty para wala nang makakilala -"

"Kung ayaw mong may makakilala, sa ibang simbahan sana kayo nagpunta! Kaunting respeto naman kay Mommy! Kamamatay pa lang niya pero 'ayan ka na!"

"Marcus!"

" 'Wag kang mahiya ngayon, Dad! Sana, kanina pa! Alam mo ang ginagawa mo -"

Lumipad ang kamao ng Daddy ni Marcus sa mukha niya. Napahakbang paatras si Marcus. Nakabaling ang mukha.

Tumigil sa pagtibok ang puso ko.

Gusto kong tawagin si Kuya Harry para umawat kaso, baka hindi ako umabot. No'ng nakita kong aamba na rin ng suntok si Marcus sa Dad niya, tumakbo na ko palapit.

" 'Wag, Marcus!"

Hindi ko alam kung ga'no kalakas ang sigaw ko pero napatigil siya. Lumingon. Isang sigaw pa lang, nanakit na ang lalamunan ko. At pumatak 'yung luha ko no'ng nakalapit na 'ko at nakita kong nagdudugo 'yung labi niya.

It's the first time I saw his face like that. Nangingintab sa galit at luha ang mata niya. Gumagalaw 'yung panga niya sa pagpipigil. Alam kong susuntukin niya talaga 'yung Dad niya kung walang nakaharang.

Kaya nakaharang ako sa kanilang dalawa.

" 'Wag, Marcus..." sabi ko sa kanya habang umiiling. Nanginginig ako kasabay ng boses ko. Napapalunok. " 'Wag. If you do that, you won't take it back..."

Lalong nagusot ang mukha niya sa pagpipigil. Nakatingin siya sa 'kin. I don't know how to convince him without the words. Pero sinasalubong ko ng titig ang mata niya, trying to convince him of my conviction to stop him.

"He's your Dad..." sabi ko at ikinulong 'yung kamao niya sa dalawang kamay ko. Ibinaba ko 'yung kamao niyang nakaamba bago ako humarap sa Dad niya. "Tama na po, Sir..."

Kamukha niya 'yung Dad niya kaya para akong nakatingin sa older version ni Marcus. Parehas sila ng facial expression - may galit, may pagtitimpi. Pero may iba pang nasa mukha ng Dad niya. Pagsisisi. I've seen a face like that before... sa sarili kong Tatay. It's a face of someone who wanted to say something but couldn't.

Lalo akong napaiyak.

"Sorry, Sir. Let this pass, Sir. Nasugatan na siya..."

Tumingin lang 'yung Dad ni Marcus sa amin bago walang kibong tumalikod at umalis.

Pagharap ko uli kay Marcus, nakababa na 'yung mata niya sa aspalto. Pero ramdam ko pa rin 'yung tahimik na galit na kinikimkim niya - habang nagdudugo ang labi.

Injury na naman. May pasa pa nga siya no'ng nakaraan. Ngayon, may sugat na naman siya. Gusto ko siyang pagalitan kaya lalo akong naiiyak.

Ang lakas tuloy ng sigok ko.

"Nasa'n 'yung panyo mo?" tanong ko sa kanya. May ibinigay akong isang dosenang panyo na may embroidery ng initials niya. Siguro naman, may dala siya kahit isa.

"Wala."

Pumalatak ako sa inis. "Bakit hindi ka nagdadala?" yamot na sabi ko at napaiyak uli. "Pa'no pag ganitong nasugatan ka..."

Kinuha ko 'yung panyo ko sa bulsa ng palda ko at itinaas 'yung mukha niya para makita ko nang malinaw 'yung injury. May cut 'yung lips niya. Hindi ko alam kung pa'no tutuyuin lahat ng dugo. Idinampi ko 'yung panyo sa tagiliran ng labi niya. Maingat para 'di siya masaktan. Pumipikit ako nang mariin para malaglag nang mabilis ang luha ko. Panay kasi ang panlalabo ng mata ko sa pag-iyak.

"It will hurt..." sabi ko sa kanya. Sumisinghot. Hindi ko mapunasan 'yung luha ko kasi okupado 'yung kamay ko.

"Let me," sabi niya at kinuha sa kamay ko 'yung panyo.

Nang mapatingin ako kanya, wala na 'yung rage na una kong nakita. Lungkot na lang.

Nagkatinginan kami. Natahimik.

Tapos, dumampi 'yung palad niya sa pisngi ko. Pinalis 'yung luha ko.

Natigil ako sa pag-iyak. 'Yung init kasi ng kamay niya, parang naiwan sa balat ko.

"Dry your tears," sabi niya at ngumiti nang matipid sa 'kin.

Pinahid ko ng kamay ko 'yung luha ko. Itinaas ko pa ng kaunti 'yung salamin ko.

"Here."

Kinuwit niya 'ko sa baba at itinaas 'yung mukha ko sa kanya. Kinakabahan ako no'ng magtagpo 'yung mata namin.

Binaligtad niya sa pagkakatupi 'yung panyo bago niya idampi sa bakas ng luha sa mukha ko. Nang tuyo na ang mukha ko, ibinalik niya sa dating tupi at idiniin sa sugat sa lips niya.

"Sorry. May dugo 'yung isang side."

"Alam k-ko naman..."

Natahimik kami nang ilang sandali. Ako, nakatingin lang sa kanya. Siya, nabubuntong-hininga at nakatungo.

Matunog ang palakpakan sa loob ng simbahan, tanda na tapos na ang misa.

"We should go back," sabi niya.

"Yes."

Tahimik kaming naglakad pabalik sa simbahan, sa mga kasama namin. #

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top