ILYS 40: Truth

"Wala kang utang na loob! Matapos kitang ipagmalaki sa lahat, ganito ang igaganti mo sa amin ng nanay mo? Wala kang kwenta! Wala akong anak na binabae! Hindi kita anak!"



Naabutan namin ni Ella si Tito Rey na sumisigaw. Natulos kami sa kinatatayuan. Hindi namin magawang lumapit dahil ngayon lang namin nakita na parang bubuga ng apoy ang tatay ni Eros. Hawak ni Tita Erika ang braso ni Tito para pigilan itong saktan si Eros. Pero dahil malakas ito, nakawala ito sa hawak ni Tita Erika.



Nasa labas kami ng bahay nila. Marami nang tao sa labas na nakikiusyoso sa palabas. Patakbong pumasok si Tito sa loob ng bahay nila, maya-maya, lumabas ito dala ang mga damit at iba pang gamit ni Eros. Hinagis nito nang walang ka-abog-abog ang mga gamit ni Eros.



Hindi kumikibo si Eros at patuloy lang sa pag-iyak. Pumasok ulit si Tito sa loob ng bahay nila. Lumapit si Tita Erika kay Eros na umiiyak. Tinulungan siya nito para pulutin ang mga gamit ni Eros.



Lumabas ulit si Tito dala ang ilang mga magazines.



"Ito! Anong kabadingan 'tong hayop ka! Ilang beses kitang sinabihan na ayoko ng bakla sa pamilya natin! Lalong lalo ka na! Ang laki ng tiwala kong susunod ka sa yapak ko! Pero ano? Mayroon bang tunay na lalaking magnanasa sa mga kapwa lalaki?" Ibinato ni Tito Rey ang mga magazines kay Eros. Yung mga men's magazines!



Pati mga makeup ni Eros, nakita rin ni Tito. Matagal nang itinatago ni Eros ang mga yon pero hindi ko alam kung paano natuklasan ni Tito ang tungkol doon. Kitang kita namin ang mga tsismosang kapitbahay na sa halip na pigilan si Tito sa panununtok nito kay Eros, nakuha pang mag-Facebook Live.



"Pwede ho ba, mawalang-galang na, magsiuwi na ho kayo ano po? Wala hong artista dito!" Gigil na sabi ko sa mga tao. Naaawa ako sa best friend ko pero natatakot ako kay Tito Rey. Nanlilisik ang mga mata niya na parang pupuruhan niya si Eros na black-eyed na at may putok na labi. Pinagtabuyan namin ni Ella ang mga usi. May ilan na umalis pero may ibang nag-stay para makinood sa animo'y kapana-panabik na eksena ng pamilya Cresencio.



Umiiyak na rin si Tita Erika. Hindi rin makalapit ang ate ni Eros dahil alam kong takot din ito kay Tito. Si Tito Rey kasi ang batas sa pamamahay nila. At dumating ang araw ng paghuhukom na noon pa man, iniiwasan na ni Eros.



Tinipon ko ang lahat ng lakas ng loob ko dahil hindi ko na maatim ang estado ni Eros. Kahit nanginginig ang tuhod at bahag ang buntot, lumapit ako sa kanila. Pinipigilan ni Tita Erika si Tito Rey sa pananakit nito kay Eros. Inilayo ko naman si Eros na parang pinanawan na ng lakas at hindi gumagalaw para mailigtas ang sarili.



"Tito tama na po!" Sigaw ko. Sumunod na rin si Ella sa akin. "Wala pong kasalanan si Eros, Tito. Wala naman siyang tinatapakang ibang tao. Wala naman siyang nasasagasaan. Ano po bang mali sa pagiging bakla?" Buong tapang kong sabi. Alam kong sa mga oras na 'yon, baka dumapo ang kamao ni Tito sa maganda kong mukha pero walang lumapat. Maliban sa mga salitang parang patalim sa isinaksak niya sa isip at puso naming lahat.



"Walang mali? Bakla, tomboy, mga imoral! Sakit sa pag-iisip! Hindi tinatanggap ng Diyos ang mga homosekswal na katulad mo!" May diing bigkas ni Tito sa mga salitang nagbigay ng lakas ng loob kay Eros para kumibo't umimik.



"Bakit? Diyos ho ba kayo?" Sa wakas, nagsalita si Eros. "'Di ba, mahal ng Diyos ang lahat ng ginawa Niya mas lalo na ang tao? Tao pa rin naman ako, Pa. Kung mahal mo talaga ang isang tao tatanggapin mo siya ng buong-buo kahit ano pa man yung pagkukulang niya. Kahit ano pa man siya."



"Isa pa yan! Yang ka-drama-han mong yan! Kalalaking tao, mas ma-drama pa sa babae! Hindi ba? Ang sagwa!" Parang nagpanting ang tainga ko sa narinig. Alam kong may pinaghuhugutan si Tito sa emosyon at rason na ibinibigay niya pero hindi ko pa rin matanggap na isang magulang ang hindi kayang unawain ang anak.



"Hindi po ibig sabihin na iba ang orientasyon nila ay imoral na po sila o masama po sila. Hindi po sapat na rason 'yon para apakan sila o pagdamutan sila ng mga karapatan na karapat-dapat kanila." Sabi ko.



"Wag kang makialam dito, Jonna Lee! Ikaw! Pinagtatakpan mo ba 'tong kaibigan mo ha?!" Dinuro ako ni Tito Rey. Sa totoo lang, gusto ko nang sumibad dahil sa takot pero hindi ko iiwan si Eros. "Ano na lang sasabihin ng mga kumpare kong pulis! Na may anak akong malambot?! Binibigyan mo 'ko ng kahihiyan, Eros!"



"Pa! naririnig niyo po ba yung sarili niyo? Kahit kailan, hindi ko gustong bigyan kayo ng kahihiyan!" Sigaw ni Eros. Alam kong kaya niyang ipagtanggol ang sarili niya. Naniniwala ako. "Hindi po ako bakla na kumekembot sa kalye, hindi ako nagdadamit ng pambabae. Opo naglalagay ako ng kolorete sa mukha. Pero hindi ako makalabas ng bahay na may pekeng pilikmata at may kung ano-anong kolorete kasi hindi po pwede. Natatakot kasi ako sa sasabihin mo. Na baka ipagtabuyan niyo po ako.



Pero ngayong alam niyo na, umaasa akong matatanggap niyo 'ko. Na susuportahan niyo po ako. Buong buhay ko, nagkilos-lalaki ako. Nag-aaral ako ng mabuti. Kasi baka sakaling mas pagtuunan niyo po 'yon ng pansin sa oras na malaman niyo kung ano po talaga ako. Matagal kong tinago 'to, Pa! Para sa inyo, nagpakalalaki ako. Pero, Pa, may hangganan din yung kaya kong tiisin. Pa, anak mo naman ako 'di ba? Pa, hindi naman ako kriminal na lumabag sa batas. Bakit niyo po ako pinaparusahan ng ganito?"



Kung tumagos man sa kaibuturan ng puso't pag-iisip ni Tito Rey ang mga sinabi ni Eros, hindi namin alam. Pumasok ito sa bahay nila para talikuran kaming lahat.



"Ma, sorry. H-hindi ko n-nasabi agad..." Niyakap ni Tita Erika si Eros. Tinago rin namin kay Tita ang totoo, pero hindi gaya ni Tito Rey, tanggap ni Tita Erika si Eros. "Ma, sorry po." Eros said in between sobs.



"Nagulat din ako, anak. Siguro, ganun din ang Papa mo. Maiintindihan ka rin niya. Basta tandaan mo, mahal na mahal kita. I'm proud of you. So please, stop crying." At that moment, the people around us and the scrutinizing looks that they threw upon the family did not matter. The mere fact that Eros' mom accepted him is all that matters.





***





"Kausap niya 'ko. Pinagtapat niya sa'kin lahat. Pero kahit ngayon niya lang sinabi, alam ko na. Nararamdaman ko na eh. Natutuwa ako na in-admit na rin niya, sa wakas! Alam kong hirap na rin siyang magtago." Kwento ni Ate Erin, yung ate ni Eros. "Kaso, biglang dumating si Papa. Narinig niya kami. Nagalit si Papa. Hinalughog niya yung mga gamit ni Eros. Naghanap siya ng pruweba. Tapos sinaktan na niya si Eros. Takot na takot ako. Kaya pala hindi niya magawang umamin. Kaya t-inext ko kayo agad."



Yun ang dahilan kung bakit noon pa man, sikretong malupit na ni Eros na may pusong babae siya. Pansamantala, dito muna siya sa bahay titira. Pumayag naman si Papa at si Kuya Marc na patuluyin muna si Eros.





***





"Hindi pa ba papasok si Eros?" Tanong ni Ed sa akin. Halos isang linggo na kasing hindi pumapasok si Eros.



"Hindi ko alam." Hinayaan muna namin si Eros sa desisyon niya. Maybe, he needs some time to clear up his mind. Masyadong mabilis ang mga pangyayari.



"Lee." It was Kenneth.



"Bakit?" tanong ko.



"Can we talk?"



"Nag-uusap na kayo." Sabi naman ni Ed. I can sense sarcasm in his tone.



"Tayong dalawa lang sana." Hindi pinansin ni Kenneth si Ed.



"Bakit? Seryoso ba 'yan? Sabihin mo na." Sabi ko. Kenneth actually looked serious in his poker face.



"Bakit? Nahihiya ka bang malaman ko yung sasabihin mo? Ngayon ka pa ba mahihiya? Bakit hindi noon? Bago mo sana ginawa yung kalokohan mo!" Ed's clenching his jaw. Para siyang naghahamon ng away dahil nakakuyom ang kamao niya.



"Teka! Nag-aaway ba kayo?" Tanong ko sa kanila. "Hoy! Sumagot kayo! Ano 'yan ha?"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top