20
ILANG BESES nang umilaw ang phone ni Lia gawa ng pagtawag ni Gaia. Pinanood lang niya ang screen na mag-on, nakaflash ang ‘bae calling’, at hahayaan niya hanggang sa matapos at mamatay ang ilaw ng screen.
Halos tatlumpung missed calls na mula kay Gaia. Hindi na rin mabilang ang text na natanggap niya.
Gusto niyang sagutin. Gusto niyang marinig ang boses. Pero wala siyang lakas para gawin ‘yon.
Muli siyang nagtalukbong. Niyakap ang unan.
Muli na namang umagos ang luha niya. Pilit pinipigilan para hindi makagawa ng ingay.
Sinubukang pumikit ni Lia para itulog ang nararamdaman. Ngunit pati ‘yon ay hirap siya dahil bumabalik sa memorya niya ang mga nabasa.
“What?! Princess Lovely Lia no more?”
“Ano? Gano’n pala ugali niya?”
“Di pa rin ako makapaniwala! Ang perfect at ang amo ng mukha niya e! Nagawa niya yon?”
“Sinabi mo pa! Tapos salbahe pala?”
“Nako kung ganyan, tanggalin niyo sa grupo!”
”Uy wag! Hahahaha baka magflop na sila! Yan pa naman pinakamalakas!”
”Hahahaha magsolo na lang siya!”
“Kala mo anghel, yon pala dibel!!”
Bumangon siya para umupo. Huminga nang malalim. Inangat ang mga kamay, nanginginig. Binukas-sara ang mga kamay at winasiwas para tumigil.
Sinubukan niyang tumayo para abutin ang bottled water na nakapatong sa bed side table niya ngunit nawalan siya ng balanse dahil parang naging gelatin ang tuhod at binti niya.
Naupo na lang siya muli sa higaan at muli na namang umiyak. Nag-iisa sa madilim na kwarto, tanging liwanag mula sa buwan ang nagsisilbing ilaw.
Kung may bigla mang pupunta o darating sa kaniya ay wala na siyang pakialam. Kung marinig, o makita siya sa sitwasyon niya ngayon. Namumula at namamaga ang mata, halos hindi makahinga dahil sa baradong ilong, tuyot ang labi, at buhaghag ang buhok.
Sira naman na siya. Ang pangalan at career niya.
Wala nang mas makasisira pa sa kaniya.
-
Hindi na niya alam kung ilang oras, o araw, ang lumipas. Basta alam niyang maliwanag ang lugar dahil puti ang nakikita niya kahit nakapikit. Sinubukan niyang ibuka ang mga mata ngunit wala pa rin siyang lakas.
Lalong umiingay ang paligid. Nagkaroon ng buhay. May mga nagmamadali. Nakarinig din siya ng sirena ng ambulansya.
Gumalaw ang paligid niya. Umaandar siya. Gusto niyang magreklamo dahil masyadong magalaw, nahihilo siya. Ngunit hindi niya alam kung bakit hirap na hirap siyang gawin.
Gusto niyang humingi ng tulong, pero paano?
Hanggang sa maramdaman niyang may kumapit sa kamay niya nang may pag-iingat. Mainit ang palad ng humawak.
Naramdaman niyang inangat ang kamay niya nang kaunti. At halos matigil sa pagtibok ang puso niya nang maramdaman niya ang dampi ng labi sa likod ng palad niya.
“Lav, please, h’wag mo akong iwan.” Pabulong na sabi nito pero rinig na rinig niya. “Gising ka na, please.”
“Bae…” sabi niya sa isipan. “I want, but I can’t…” Gusto niyang isigaw.
Mayamaya ay muli na naman siyang nagising. Ramdam pa rin niya ang hawak ni Gaia sa kaniyang kamay.
Sinubukan niyang higpitan ang pagkakapit doon para humugot ng lakas.
“Manager!” rinig niyang sigaw ni Gaia. “Hinawakan niya ako! Gising na siya!”
“Kalma, Gaiabee.” mahinahong sabi ni Manager Joie.
“Patingin ako,” rinig niyang sabi ni Manager Happy.
Unti-unti, sinubukang buksan ni Lia ang mga mata niya.
Malalim na napabuntonghinga ang lahat ng nasa kwarto.
“Babe, tawagin ko lang si Doc,” paalam ni Ryle kay Happy.
Isa-isa silang tinignan ni Lia. Mula kay Manager Happy, Manager Joie, Mico Oppa, at si Gaia. Muli na namang nagtubig ang mata niya.
“Shh, Lia, you’re fine. You’re great. We got you,” sabi ni Manager Happy habang hinahaplos ang balikat niya.
Naramdaman niyang pinisil ni Gaia ang kamay niya kaya napatingin siya rito. Ilang beses itong tumango habang hinahayaang umagos ang mga luha sa pisngi.
Mayamaya pa ay in-examine na siya ng doktor.
“Dehydration and stress. Ang mapapayo ko lang, palagi niyo siyang samahan at bantayan.” Nakangiti nitong sabi. “Sabi nga sa social media, touch some grass.” Tumingin siya kay Lia. “Iwasan muna ang pagsecellphone. Read books. Take a walk. Embrace sunshine. H’wag din kalimutan ang meds, at ang Vitamin C. Kamusta ang pakiramdam mo, Lia?”
Lumunok siya bago sumagot. “Mas okay na po pakiramdam ko. Ngayon po, parang gusto kong uminom ng isang drum ng tubig,’ natatwang sabi niya kaya natawa rin ang lahat ng nakarinig.
“O siya, bigyan ng isang drum ‘yan!” biro ng doktor. “Biro lang. Basta sundin lang ang payo ko, makakalabas ka rin agad.” Huling sabi ng doktor bago ito nagpaalam.
Inabutan ni Gaia si Lia ng maligamgam na tubig. Dahan-dahan naman niya itong ininom para hindi mabigla ang lalamunan at sikmura niya.
“Thank you, Bae.” Halos pabulong na sabi niya habang sinosoli ang baso.
“Pahinga ka lang d’yan, Lav. Dito lang ako sa tabi mo,” nakangiting sabi ni Gaia.
Ngumiti lang din siya bilang sagot.
Muli na namang pumikit at hinawakan ang kamay ni Gaia. Unti-unting gumaan ang loob niya. “Wala akong kasalanan. Hindi ako nag-iisa,” sabi niya sa isipan hanggang sa binalot na siya ng antok at tuluyang nakatulog.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top